Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 38

[Kabanata 38]


Third Person POV

Mga alas nuebe na ng umaga nang makarating si Florabelle sa simbahan ng Sta. Rosita. Makulimlim ulit ang buong paligid at 'tila magbabadya na naman ng pag-ulan. Nagpalinga-linga siya sa buong paligid ngunit ni isang tao ay wala siyang nakita. Nagtaka naman ang dalaga kung bakit ngunit hindi na niya iyon pinansin pa dahil bumukas na ang pintuan ng simbahan hudyat na mag-uumpisa na ang seremonya ng kanilang kasal.

Sa ikalawang pagkakataon ay nakasuot siya ng traje de boda ngunit simple lang ito. May mga bulaklak ding nakasabit sa kaniyang buhok at may kolorete rin sa kaniyang mukha. May bitbit din itong palumpon ng mga rosas habang tinatahak ngayon ang daan patungong altar. Mabigat sa dibdib ang kaniyang nararanasan ngayon, puso'y nalulumbay sapagkat kailangan niyang magsakripisyo alang-alang sa lahat lalong-lalo na kay Timothy. Kailangan niyang iligtas si Timothy!

Habang naglalakad sa pasilyo ay hindi niya maiwasang maisip ang mga huling sinabi sa kaniya ni Liwayway kahapon bago pa siya makabalik sa katinuan. Napayuko na lang siya habang itinatago ang mga luhang kusang lumalabas mula sa kaniyang mga mata.

"Kailangan mong matukoy kung alin sa dalawang singsing ang aking tinutukoy at kapag nasira mo ang tamang singsing ay siya ring magpakawala ng kaluluwa ni Timoteo mula sa katawan ni Timothy..."

Agad na siyang tumingala at diretsong nakatingin kay Timoteo na ngayon ay nakangisi katabi si Mateo. Walang bisita ang dumalo sa kanilang seremonya at tanging mga moros lamang ang nagbabantay sa bawat sulok at pati na rin sa labas ng simbahan. Agad nahagip ng kaniyang paningin sa isang prayleng nanginginig sa harapan ng altar habang tahimik itong humahagulhol sa kaniyang kinatatayuan.

Ngunit ibinalik niya ang mga tingin nito sa binata at napansin na nasa kamay nito ang maliit na kahon kung saan nakatago ang mga singsing. Ngunit nang papalapit na siya sa binata ay agad niyang napansin na itinago na ito ni Timoteo sa kaniyang bulsa upang siya'y daluhan ng kamay.

"Mi hermosa novia (My beautiful bride)." rinig ni Florabelle mula sa kaniya ngunit nag-alinlangan pa itong tanggapin ang kamay ng binata.

"Felicitaciones! (Congratulations!)" rinig naman niya galing kay Mateo kaya agad na rin siyang tumingin sa kaniya at nakita ang kakaiba nitong mga ngiti.

Nabigla naman si Florabelle 'nang agad siyang hinawakan sa kamay ni Timoteo upang sabay silang pumunta sa harapan ng altar. Napalunok na lang siya at agad napatingin ulit sa bulsa ni Timoteo kung saan niya itinago ang maliit na kahon na naglalaman ng singsing. Kailangan kong makuha 'yun ano man ang mangyari! Sabi nito sa sarili.

"Mga minamahal na kaibigan. Kami ay nagtitipon dito ngayon upang masaksihan at ipagdiwang ang pag-iisang dibdib nina Timoteo Castellana at Florentina Morcillo. Sa kanilang oras na pagsasama, nalaman nila na ang kanilang personal na mga pangarap, pag-asa, at mga layunin ay higit na makakamit at mas makabuluhan sa pamamagitan ng-----" pag-uumpisa ng pari ngunit agad naman siyang pinigilan ni Timoteo 'nang tumikhim ito.

"Gusto kong madaliin ang seremonyang ito kaya doon na tayo sa pinakahinihintay na bahagi, padre." ngisi ni Timoteo dahilan upang kumunot ang noo ni Florabelle. May halong pagkatakot ang mga mata ngayon ng prayle habang tumingin ito sa kaniya ngunit wala itong magawa kundi sundin ang kaniyang nais. Agad na rin itong tumikhim at tsaka napatingin sa aking direksiyon.

"Ipinapangako niyo ba na ibahagi ang inyong pag-ibig at ang kagalakan ng inyong kasal

sa lahat ng mga nakapaligid sa inyo upang sila ay matuto mula sa inyong pagmamahal at hikayatin na lumago sa kanilang mga sariling buhay?" tanong sa kanila ng prayle ngunit parang hindi nakikinig si Florabelle. Ang tanging nasa isip nito ay kung paano niya makukuha ang singsing at masira ito . Paano niya ba iyon gagawin?

"Opo, padre."

"Opo.." mahinang sambit ni Florabelle ngunit agad siyang binigyan ng seryosong tingin ni Timoteo dahilan upang umiwas ito sa kaniya. Ngunit 'nang mapansin niyang gumalaw si Timoteo ay diyan niya napagtanto na ibinigay niya pala ang maliit na kahon sa prayle mula sa kaniyang bulsa kaya naalarma bigla ang dalaga.

Nang mapasakamay na ng prayle ang maliit na kahon ay agad niyang binuksan ito at nakita muli ni Florabelle ang dalawang singsing na lumiliwanag at kumikislap ngayon sa kabila ng makulimlim na paligid. Hindi niya alam ngunit parang nahihilo siya habang pinagmamasdan ang mga iyon. Sinabayan pa ng pagkulob at pagkilat mula sa labas ng simbahan. Agad na rin siyang bumalik sa katinuan nang magsalita ulit ang prayle sa kanilang harapan.

"Nawa'y pagpalain ang mga singsing na ito bilang simbolo ng inyong unyon. Kasing dalas ng alinman sa inyo ang tumitingin sa mga singsing na ito, nawa'y hindi lamang kayo mapaalalahanan sa sandaling ito, ngunit din sa mga panata na ginawa ninyo at ang lakas ng inyong pangako sa bawat isa." salaysay ng prayle at agad tumingin nang kabado kay Timoteo.

Sa mga sandaling 'yun ay agad na hinawakan ni Timoteo ang kaliwang kamay ng dalaga at nakitang kinuha niya ang isang anillo rosa mula sa prayle. Tumingin siya sa kaniya na para bang mahal niya ito ngunit hindi ito nakita ang kaniyang katapatan. Talagang nahihibang na ang lalakeng 'to sa kaniya.

"Ako, si Timoteo ay ibibigay ang singsing na ito bilang simbolo ng aking pag-ibig at katapatan. Habang inilalagay ko ito sa iyong daliri, ipinagkaloob ko sa iyo ang aking puso at kaluluwa. Hiniling ko sa iyo na isuot ang singsing na ito bilang paalala ng mga panata na aking sinasalita ngayon sa araw ng ating kasal." habang sinasabi niya 'yon ay agad niyang isinuot ang singsing sa kaniyang daliri. Gustong bawiin ni Florabelle ang kaniyang kamay mula sa kaniya ngunit masyadong mahigpit ang kaniyang pagkakahawak.

Binawi naman ni Florabelle ang kaniyang kamay mula sa kaniya at agad naman siyang tiningnan ng prayle dahil siya na ang susunod na gagawa. Tiningnan niya ulit ang singsing na nasa kaniyang daliri ngunit wala siyang nararamdamang kakaiba habang suot-suot niya ito. Kumikislap sa ginto ang singsing ngunit katulad din ito sa mga ordinaryong singsing na nakita niya.

Nang dahil 'dun ay biglang bumilog ang mga mata nito at napatingin sa isa pang singsing na nasa kamay na ng prayle. At sa mga oras na 'yun ay napagtanto niyang iyan ang singsing na kailangan niyang masira!

"Bilisan mo dahil wala na tayong oras." bulong ni Timoteo sa tenga ng dalaga dahilan upang magulat ito.

Agad namang napatingin ang dalaga sa singsing na kumikislap din kagaya sa suot nito ngunit nakikita niyang kumikislap din ang pulang bato na kaniya namang ipinagtataka. Kagaya ng dati ay palagi din itong kumikislap habang sinusuot ito ni Timoteo noon. Napalunok na lang siya habang dahan-dahang inaabot ang singsing mula sa prayle. Ngunit nang mahawakan na niya ang singsing mula sa prayle ay agad siyang nakaramdam ng kakaiba at bigla na ring may narinig siyang boses na talagang pamilyar sa kaniya.

Florabelle! Tulungan mo ako!

Boses iyon ni Timothy.

Ngunit sa isang iglap ay parang nanigas ang buo nitong katawan at hindi alam ng dalaga kung ano ang nangyayari sa kaniya ngayon. Nakaramdam na rin siya ng kirot sa kaniyang dibdib at sa isang kisap nito'y dinala siya sa isang lugar kung saan ay pamilyar sa kaniya. Nabigla ang dalaga sa kaniyang nakikita dahil wala na siya sa harapan ng altar. Wala na rin si Timoteo sa kaniyang tabi. Wala ng kasalang nagaganap.

Agad namang nilibot ng kaniyang mga mata ang buong paligid hanggang sa nagtama na ito kay Timoteo kung saan nasa azotea ito nakatayo. Hinihilot niya ang kaniyang sentido at makikitang pinagpapawisan din ito. Bigla niya lang din sinabunutan ang sarili na parang isang baliw at agad na itong tumakbo papunta sa ikalawang palapag. Anong nangyayari sa kaniya? Sabi ni Florabelle sa sarili kaya dahil sa kagustuhang malaman ay dali-dali niyang sinundan ito.

Umakyat siya sa hagdan papunta 'run ngunit nang makaapak siya sana sa huling baiting nito ay agad siyang nagulat dahil nakapasok na siya agad sa silid kung saan nakikita niya si Timoteo na umupo sa sulok habang sinasabunutan pa rin ang sarili. Nakakaawa ang kaniyang mukha ngayon ngunit natigilan si Florabelle 'nang magsalita siya.

"Hi..hindi ko ha..hayaang makapasok ka sa katawan ko...." utal niya at tsaka hinahampas-hampas niya ang noo nito sa dingding na ikinabigla ng dalaga.

"Huwag!" sabi naman ni Florabelle at agad sanang lalapit sa kaniya ngunit may humawak sa kaniyang braso dahilan upang magulat ito at agad lumingon sa kaniya.

"Florabelle?" taka niyang tanong sa dalaga. Nanigas naman ang buong katawan ng dalaga nang masilayan siya ulit ngunit agad siyang tumingin kay Timoteo kung saan nakita niya kanina sa sulok ngunit wala na ito. Agad namang bumalik ang kaniyang paningin sa kaniya at agad itong tumingin sa mga mata nito. Maamo at mahinahon ang mga ito kung kaya'y hindi niya maiwasang umiyak ulit at napayakap sa kaniya. Matagal na siyang nagagalak na makita ang lalakeng matagal niyang hinahanap. Sa wakas ay nakita niya na ulit ang binata!

"Timothy...." bulong ni Florabelle at agad silang kumalas sa isa't isa upang makapag-usap.

"Florabelle makinig ka, huwag mong ituloy ang iyong pagpapakasal sa kaniya. Kapag naisakatuparan na ni Timoteo ang kaniyang kagustuhan ay tiyak na hinding-hindi na ako makakaalis pa." pangamba ni Timothy at agad hinawakan ang kamay ng dalaga.

"Huwag kang mag-alala, Timothy. May paraan pa upang ika'y mapalaya." pilit niyang ngumiti sa harapan ng binata at agad hinawakan ang mukha nito. Ngumiti na rin sa kaniya si Timothy at hinawakan din ang kamay ng dalaga na nasa kaniyang mukha.

"Kapag nakabalik na tayo sa hinaharap ay wala nang makakapigil sa ating dalawa. Palagi mong tatandaan na minamahal kita nang lubusan, Flor." mahinahon at tapat nitong sinabi ni Timothy sa dalaga.

Ngunit pagkatapos ng mga sandaling 'yun ay biglang humangin ng malakas dahilan upang magyakapan sila. Puno ng takot at pangamba ang mga mata nila hanggang sa dumating ang puntong bumitaw sila sa isa't isa Parang pinaglayo sila ng hangin na dapat hindi sila puwedeng magsama. Pilit nilang inaabot ng kanilang kamay ang isa't isa ngunit talagang malakas nga ang hangin dahilan upang paghiwalayin sila at pumunta sa ibang dimensiyon.

"Florabelle!"

"Timothy!"

Mabilis ang mga pangyayari. Natagpuan na lang ng dalaga ang kaniyang sarili sa isang madilim at malawak na dimensiyon. Agad siyang napatingin sa paligid ngunit parang may naririnig na naman siyang boses ngunit hindi niya makita kung saan ito. Agad siyang naglibot-libot kung saan hanggang sa may nakita siyang puting usok na unting-unting binabalot ang buong dimensiyon.

"Sadyang makapangyarihan ang pag-ibig hindi ba, Timothy. Nang dahil sa inyong pag-iibigan ako'y nakalaya!"

Mabilis na lumingon si Florebelle at nagulat dahil nakita niya ang imahe ni Timoteo na nasa puting usok. Napalunok na lang siya at tsaka nakita kung paano sinira ni Timoteo ang mahiwagang narsiso ni Timothy upang hindi na ito humiling.

"Simula sa araw na ito ay ako na ang kokontrol sa katawan ng binatang 'to mula sa kasalukuyan. Mukhang hindi na ako mahihirapan pang paibigin si Florentina."

At agad na itong humalakhak na parang isang baliw dahilan upang mapatakip ng bibig si Florabelle. Ibig sabihin ay noon pang kinokontrol ni Timoteo si Timothy? Ngunit kailan pa at imposible naman dahil wala pa sa kaniya ang singsing?

Bigla namang nagbago ang mga imahe mula sa puting usok at nakita naman si Timoteo na kinakausap si Mateo sa kaniyang silid.

"Paano ko makikita ang singsing na iyon?" tanong niya kay Mateo ngunit ngisi lang ang naging tugon nito sa kapatid.

"Huwag kang mag-alala. Tandaan mo ang isa sa mga rason kung bakit ka lumabas ay dahil malapit ito sa'yo. Maghintay lang tayo nang tamang oras at kapag na sa'yo na ang singsing ay puwede mo nang ikulong ang kaluluwa ng binatang 'yan."

"Teka, may alam din si Mateo tungkol sa hiwaga ng singsing?" taka naman ni Florabelle.

"Sadyang malakas ang esperitwal ng taong 'to kaya hindi ko magagawa ang ibang mga bagay. Desperado na akong mahanap ang singsing!"

At sa hindi inaasahan ay bigla itong napahawak sa kaniyang ulo dahil sa matinding kirot na kaniyang nararamdaman. Yumuko siya sa sobrang sakit at napahawak na rin ito sa kaniyang dibdib sabay hiyaw. Mukhang nilalabanan nga ni Timothy si Timoteo. Napatingin naman ang dalaga kay Mateo na walang ginawa kundi titigan ang kapatid nito. Wala ba siyang balak na tulungan si Timoteo? Sabi nito.

Ngunit nang mahagip ni Florabelle ang salamin katabi ni Mateo ay talagang nagulat ito dahil hindi mismo si Mateo ang nasa repleksyon. Nanginginig ang mga kamay ng dalaga habang tinitigan ang isang magandang babae na nakasuot ng itim na damit na pinapalibutan ng itim na ambon. Teka, anong ibig sabihin nito? Mas lalong lumalakas ang pagtibok ng kaniyang puso nang mapatingin sa kaniya ang babae sabay ngisi sa kaniya nang nakakatakot. Nasindak si Florabelle nang dahil 'dun ngunit agad namang naglaho ang imaheng 'yun sa puting usok. Napahawak naman sa dibdib ang dalaga, pilit inaalala kung bakit ba ganun ang nangyari.

Sa pagkakataong 'yun ay ibang imahe naman ang ipinapakita ng puting usok at nakita si Theodore na ibinigay ang maliit na kahon kay Timoteo.

"Talaga bang ikaw ang magtatago niyan, ha"? tanong ni Theodore sabay tingin kay Timoteo.

"Oo." Wala sa sarili na sinabi ni Timoteo habang binubuksan ang kahon. Nang bumukas na ang kahon ay agad niyang nakita ang dalawang singsing dahilan upang ngumisi ito. Tunay ngang mahiwaga ang singsing hindi mo masasabing ordinaryo ang mga ito.

"Kung ibibigay na lang kaya natin kay Konrad? Tutal siya naman ang may-ari at nagpagawa ng singsing---" hindi na tinapos ni Theodore ang kaniyang sasabihin dahil pinutol na ito ni Timoteo.

"Hindi ito pagmamay-ari ni Konrad. Dahil ang totoong may-ari ng singsing ay isang Castellana at wala nang iba." seryoso siyang nakatingin ngayon kay Theodore at agad na ring iniwan ang kaibigan. Nagkibit-balikat na lamang si Theodore at agad na ring umalis sa kaniyang tahanan.

"Ano kaya problema 'nun?" sabi na lang ni Theodore ngunit pagkatapos ng tagpong 'yun ay agad namang naglaho ang kaniyang imahe. Napaisip naman si Florabelle sa mga sandaling 'yun. Hindi pa rin maalis sa kaniyang isipan ang tungkol sa dalawang singsing. Kung isa lang naman ang kailangang masira, ano naman kaya ang papel ng isa? Kung ang isa ay pinananahanan ng masamang mahika, kasalungat naman ang ibig sabihin ng isa. Pakahulugan lang itong kailangan niyang masira ang singsing na may tinataglay na masamang mahika.

Agad namang napatingin siya sa bagong imahe ng puting usok at nakita si Don Guillermo na nakatihaya sa gitna ng piging. Agad namang nagtaka ang dalaga dahil sa mga nakikita niya ngayon ngunit itinuon na lang niya ang kaniyang atensiyon 'dun sa mga pangyayari. Nang dinala na ang bangkay ng don upang ipalibing ay may isang lalakeng nakatalukbong na lumapit sa bangkay at palihim na kinuha ang singsing sa kaniyang daliri.

Hindi nagtagal ay agad namang pinalitan ng bagong imahe at nakita ang lalakeng nakatalukbong na kinakausap si Padre Fernando sa kaniyang opisina. May hawak itong lagayan na gawa sa katad at agad itong ibinigay sa prayle.

"Heto na po." sabi nito habang nakayuo.

"Mahusay. Hindi ko alam kung paano ka nakapasok sa mansion upang kunin ang isang singsing ngunit maligaya ako dahil nasa akin na ang dalawa." tawa niya at pagkatapos 'nun ay biglang nagbago ulit ang imahe at sa pagkakataong 'to ay nakita siya ng dalaga sa daungan. Masayang naglalakad ang prayle papunta sa sasakyan nitong barko ngunit nabigla ito nang banggain siya ng mga bata habang naglalaro sa daan.

"El tonto! (Idiots!)" bulyaw nito sa mga bata ngunit hindi siya pinansin. Nang makatunton na siya sa barko ay agad siyang namahinga at agad kinapkap ang lagayan sa kaniyang bulsa ngunit nagtaka ito dahil mukhang wala itong laman.

Nagulat na lamang ang prayle dahil wala na ang lagayan sa kaniyang bulsa. Agad niyang hinanap sa kaniyang mga binibitbit na bagahe hanggang sa napagtanto niya ang nangyari kanina. Dali-dali niyang hinanap ang mga bata gamit ng kaniyang mga mata sa malayo at sa kaniyang inaasahan ay naroon nga ang lagayan sa kanila.

"Ladrones! (Snatchers!)" sigaw niya at agad nang bababa ng barko. Ngunit mukhang mahihirapan siyang makababa dahil marami nang pasahero ang papaakyat papunta sa kaniyang direksyon.

"Fuera de mi camino! (Get out of my way!)" sigaw nito ngunit walang nakakapansin sa kaniya. Maraming tao ang nag-uunahan pang makaakyat sa barko dahil ilang minuto na lamang ay aalis na ang barko.Wala nang magawa ang prayle kundi tanawin ang lagayan na kaniyang pinakaiingatan. Kahit na bumaba pa siya sa barko ay imposible pa rin sa kaniya. Kumuyom na lang sa galit ang prayle habang lumalayo na ang sinasakyan nitong barko sa daungan. Ang pagkawala ng mga singsing ay parang nawala na rin ang hangaring mahanap ang kayamanan.

Pagkatapos ng tagpong 'yun ay nag-iba naman ang imahe mula sa puting usok at nakita ang mga batang naglalaro kanina papasok sa isang hoyerya.

"Magandang hapon, lolo." bati nilang lima at agad naman silang sinalubong ng kanilang lolo.

"O, nandito pala kayo. Hali kayo't may inihanda akong meryenda para sa inyo." galak naman ng kanilang lolo at dali-dali namang pumunta ang kaniyang mga apo sa maliit na lamesa na nasa sulok na kasya sa kanilang apat maliban sa isa nilang kapatid.

"May problema ka ba hijo?" tanong ng kaniyang lolo ngunit umiling ito sa kaniya.

"Eh may nakita kasi ako kanina na lagayan sa gitna ng daan. Eto po." sabay abot ng lagayan sa kaniyang lolo. Nagtaka naman ang matanda kung anong meron sa loob nito hanggang sa binuksan na niya ito nang tuluyan at nagulat.

"Isa itong singsing!" bulalas niya at tsaka napatingin sa kaniyang apo.

"Sabihin mo sa akin ang totoo, ninakaw mo ba ito?" tanong niya dahilan upang magulat ang kaniyang apo.

"Hindi po. Nakita lang po namin 'yan sa daan habang naglalaro kami kanina. Hindi namin alam kung sino ang nagmamay-ari kaya kinuha na lang po namin!" depensa naman ng kaniyang apo dahilan upang tumango ang mga kapatid nito habang kumakain ng meryenda.

"Oo nga lolo. Kung wala namang may-ari ng singsing ba't hindi niyo na lang ibenta 'yan? Siguradong pag-aagawan 'yan at siguradong makakalikom tayo ng maraming salapi upang maipagamot si ina." suhestiyon naman ng isa habang kumakain ito ng kakanin.

Napabuntong hininga na lang ang matnada sabay tingin sa singsing sa loob ng lagayan na patuloy pa ring kumikinang.

Agad namang naglaho ang mga imaheng 'yun at pinalitan ng isang magandang babae ngunit puno ng lungkot ang kaniyang mukha. Namumutla ito at mukhang namamayat ang katawan. Nakatingin lang ito sa kawalan habang nakaharap sa malaking bintana ng kaniyang silid. Nakaupo ito sa kaniyang tumba-tumba at makikitang may hawak itong maliit na kahon.

"Ina!" bati sa kaniya ng batang lalake habang papasok sa silid nito at agad siyang niyakap.

"Ba't niyo raw ako pinatawag ina?" tanong ng bata habang pasimpleng tinitigan ang hawak ng kaniyang ina.

"Konrad anak, lumapit ka sa akin." halos ibulong niya ang kaniyang sasabihin sa anak. Ibig sabihin ang babaeng 'to ay ina ni Konrad?

"Sa iyong nalalapit na ikaapat na kaarawan ay gusto kitang handugan ng regalo nang mas maaga anak." pilit niyang ngumiti sa harapan ng batang si Konrad at agad ibinigay sa kaniya ang maliit na kahon.

"Regalo po?!" mangha naman ni Konrad kaya nasasabik itong buksan ang kaniyang regalo ngunit pagbukas nito ay puno naman ng pagtataka ang kaniyang mukha.

"Singsing?" at agad namang tumawa nang malumanay ang kaniyang ina.

"Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano ang ireregalo ko sa'yo anak dahil lahat naman ay ibinibigay ng iyong ama. Hindi ba't maganda naman ang mga singsing na 'yan? Binili ko pa iyan sa isang horerya malapit sa bayan." sabi ng kaniyang ina ngunit nananatili paring nagtataka ang bata.

"Anak, makinig ka. Ang mga singsing na ito ay iyan lamang ang ipapamana ko sa'yo. Gamitin mo lamang 'yan kapag ikakasal ka na. Ibig kong ibigay mo ang isang singsing sa iyong mapapangasawa at ang isa naman ay sa iyo. Sana'y pagpalain kayo ng Panginoong Diyos at mamuhay nang matiwasay balang araw. Alam kong hindi mo pa maiintindihan ngayon ngunit pagdating ng tamang panahon ay alam kong maunawaan mo rin ito." salaysay ng kaniyang ina habang hinihimas ang buhok ni Konrad.

Agad namang nakatunganga si Florabelle sa kanilang dalawa habang pinagmamasdan sila. Sayang lang talaga dahil maagang nangungulila si Konrad sa kaniyang ina at hindi siya nito nasilayan sa kaniyang paglaki. Ngunit tinupad naman ni Konrad ang kaniyang kahilingan na ibigay ang singsing sa kaniyang mapapangasawa na si Florentina. Ngunit sa hindi inaasahan ay pareho silang namatay nang maaga pagkatapos ng kanilang kasal.

Pagkatapos ng tagpong 'yun ay bigla na lang naglaho ang mga puting usok sa kaniyang paligid. Bumalik na rin ang dating kadiliman. At ngayon ay parang naiintindihan na ni Florabelle ang lahat-lahat pagkatapos ng tagpong 'yun. Hinahabol pa rin niya ang paghinga nito ngunit bigla na namang hinangin siya papalayo sa kaniyang kinatatayuan kanina. Talagang nahihilo na siya habang tinatangay na ng hangin at agad na itong napapikit ngunit nang dumilat siya ay agad siyang nagulat dahil nakakabalik na siya ulit sa harapan ng altar.

"Pakibilisan kung maaari." mukhang iritado na 'tong si Timoteo sa kaniyang kinatatayuan kaya wala na siyang magagawa kundi kunin ang isang anillo rosa sa prayle.

Nang makuha na ng dalaga ang singsing ay nagdadalawang isip pa ito kung itutuloy pa ba niya ang kasal. Nasa kaniya na naman ang singsing na kailangan niyang masira bakit kailangan niya pang ituloy ang panata? Puwede naman siyang tumakbo at umalis ngunit kailangan niyang gumawa ng paraan kung paano niya masira ang singsing. Gusto na niyang makaalis, gusto na niyang tumakbo papalayo sa kanila. Ngunit paano siya makakatakas dahil sa pagkakaalam niya'y kanina pa siyang pinagmamasdan ng ibang nilalang?

Napalunok na lang si Florabelle dahil alam niyang pinagmamasdan na siya ngayon ni Silim na nasa kaniyang likuran.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro