Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 34

[Kabanata 34]


"Ibigay mo na sa akin ang librong 'yan, binibini." ngisi ni koronel Pandacan. Nakita ko namang umiling si Nay Remedios sa akin dahilan upang mas diniin mismo ng koronel ang kaniyang pistol sa kaniyang noo.

"Gusto mo bang masaksihan kung paano ko papatayin ang matandang 'to?" ngisi niya ulit. Nanginginig na ako sa takot 'nang dahil sa sinabi niya. Ayaw ko namang may masamang mangyari kay Nay Remedios kung kaya'y wala na akong pagpipilian kundi ibigay sa kaniya ang libro.

Nanginginig ang aking mga kamay habang inaabot sa kaniya ang libro. Halos hindi ako kumurap habang nasa kamay na niya ang libro at agad itinulak si Nay Remedios papunta sa akin. Humahalakhak naman siya na parang isang demonyo habang tinitigan ang libro.

"Koronel nakatakas ang bata!" sigaw ng isa niyang kasamahan habang papaakyat ng hagdan papunta sa aming silid. Agad naman itong napahinto nang makita niya kami sa loob at agad tumingin sa koronel.

"Hindi na kailangan dahil nasa akin na ang libro! Sabihin mo na rin sa ating pinuno na oras na sa ating paglusob!"

Nandito kami ngayon ikinulong ni Nay Remedios sa loob ng karwahe. Hindi ko alam kung saan kami dadalhin ngunit kailangan naming makatakas. Walang kamalay-malay si koronel Pandacan na alam namin ang tungkol sa kanilang paglusob sa barrio. Nasa kamay na ni Diday ang aming pag-asa. Sana'y dumating siya sa tamang oras.

Agad akong tumabi kay Nay Remedios upang kamustahin siya. Ngunit nakita ko itong yumuko, napapikit sa kaniyang pagkakaupo.

"Bakit hindi mo gamitin ang iyong kapangyarihan? Isa kang diwata, hindi ba?" tanong ko kaya agad kong napansin na tumingin siya sa akin.

"Hindi ko puwedeng gamitin ang aking kapangyarihan, hija. Sinabi ko na sa'yo noon ang aking dahilan." tugon nito. Napatahimik naman ako sa kaniyang sinabi. Agad akong napatingin sa bintana ng karwahe at nasilayan ang dugong buwan na nagliliwanag sa kalangitan. Bigla akong nakaramdam ng kakaibang pakiramdam habang nakikita 'yun.

"Sina Cristina Fidela Ventura na isang madre at si Francisco de Tello de Guzmán na isa nang gobernador-heneral ay ang mga totoong magulang ni Florentina." kuwento ko at agad tumingin sa kaniya.

"At may isa pa akong natuklasan." dagdag ko naman dahilan upang tumingin ulit siya sa akin.

"Si Henrietta na ang kinikilalang kapatid ni Florentina ay anak pala ni Padre Fernando." sa hindi inaasahan ay agad kinuha ni Nay Remedios ang aking kamay at tumingin sa akin.

"Florabelle, hija. Ang lahat ng iyong natuklasan ay iyong gagamitin laban sa kalaban. Gamitin mong panakot ang iyong natuklasan laban kay Padre Fernando dahil tiyak na masisira ang kaniyang pagkatao kapag malalaman 'yun ng lahat." seryoso niyang wika.

"Ngunit paano ko naman 'yun gagawin?" tanong ko habang nakipagtitigan sa kaniya.

Sa hindi inaasahan ay may narinig kaming malakas na pagsabog mula sa aming unahan dahilan upang matigil ang sinasakyan naming karwahe.

"Anong nangyayari?!" sabi ko habang nanginginig na sa takot.

"Masyadong malayo ang ating barrio mula sa dalampasigan kaya talagang pinaghandaan nila ang paglusob ngayong gabi gamit ang tinatagong plano ng kanilang espiya na si koronel Pandacan." rinig ko mula sa kaniya at agad naman akong napasubsob sa aking kinauupuan 'nang may tumamang bomba malapit sa amin.

May naririnig na rin akong mga sigaw mula sa labas at ingay mula sa kanilang mga armas. Napatakip na lang ako sa aking tenga dahil sa sobrang ingay at lakas ng mga paputok galing 'dun. Agad kaming kinabahan 'nang may bumukas sa aming sinasakyang karwahe at dali-dali kaming hinihila papalabas habang patuloy pa rin ang giyera ng mga moros laban sa mga espanyol.

"Saan mo kami dadalhin?!" sigaw ko sa lalakeng humihila sa akin ngayon.

"Huwag ka nang magtanong pa. Bilisan mong kumilos dahil naghihintay na sa'yo ang aming pinuno!" puno ng pawis ang kaniyang mukha habang sinasabi 'yun. Ngunit agad naman akong nataranta 'nang tinamaan siya ng bala sa kaniyang balikat at ganun 'din sa lalakeng humihila kay Nay Remedios na nasa aking likuran.

Agad kong inalayan si Nay Remedios na tumakbo papalayo 'run. Yumuyuko kami habang tumatakbo sa mga damuhan at agad dumaan sa kakahuyan upang makaiwas sa gulo. Nang marating na rin namin ang lupang daanan ay may napansin kaming mga grupo ng mga sundalo sa 'di kalayuan na papunta sa aming direksiyon. Nakasakay sila sa kanilang mga kabayo at isa sa kanila ay may bitbit na bandera ng Espanya. Bumilog naman ang aking mga mata nang makita ang gobernador-heneral na nasa gitna dahilan upang mapawi ang aking panginginig.

Agad akong pumagitna at kumaway upang makita nila ako. Mas lalo akong umiyak dahil sa wakas ay makakaligtas na rin kami. Tumigil sila sa aking harapan ngunit laking gulat ko na lang dahil agad nila akong tinutukan ng kani-kanilang maskit na ipinagtataka ko ngayon.

"Quién eres tú? Y qué están haciendo ustedes dos aquí? (Who are you? And what are you two, doing here?!)" sabi ng isa dahilan upang kumunot ang aking noo.

"Gobernador-heneral, uno de nuestros soldados informó que los moros invadieron repentinamente nuestra zona de militarización. Debemos apresurarnos para detenerlos! (Gobernador-heneral, one of our soldiers reported that moros suddenly invaded our militarization zone. We must hurry to stop them!)" rinig ko naman sa isang sundalo kaya agad akong napatingin sa gobernador-heneral na nakatingin sa malayo, pinariringgan ang mga tunog ng nagsisigabong mga armas.

"Esos estúpidos moros! Cómo se atreven a invadir nuestra zona de militarización! (Those stupid moros! How dare them to invade our militarization zone!)" rinig ko naman galing sa gobernador-heneral dahilan upang magtaka ako sa aking kinatatayuan. Akala ko ba'y ililigtas nila kami mula sa mga moros? Umiling naman ako sa kanila at agad nagsalita.

"Makinig kayo sa akin gobernador-heneral! Manganganib ang barrio ngayong gabi dahil lulusob mamaya ang mga moros. Nililihis lamang kayo ng mga tauhan ni koronel Pandacan ngayon dahil may mga kasamahan silang paparating upang lusubin ang barrio!" sabi ko dahilan upang magulat sila lalong-lalo na ang gobernador-heneral.

"Coronel Pandacan? Pensé que fue a Manila, teniente? (Coronel Pandacan? I thought he went to Manila, lieutenant?)" sabi niya at agad nakatingin sa tenyente na may hawak na bandila ng Espanya.

"Isang kahibangan ang iyong sinasabi, binibini. Umalis papuntang Maynila si koronel Pandacan kaya ano ang iyong pinagsasabi?" sabi nito kaya mas lalo akong lumapit sa kanila.

"Totoo ang aking sinasabi! Dinakip kami ni koronel Pandacan ngunit nakatakas kami dahil sa nagaganap na kaguluhan ngayon ng mga moros at ng inyong hukbo! Hindi ba kayo nagtataka kung bakit tayo nilulusob ng mga moros kahit na malayo tayo sa dalampasigan? Dahil si koronel Pandacan mismo ang nagbigay sa kanila ng daan na pumunta rito na hindi natin mapapansin. Matagal na nilang pinaplano ang kanilang paglusob dito sa barrio! Isa siyang espiya na matagal ninyong hinahanap!" paliwanag ko ngunit mukhang hindi sila kumbinsido sa aking mga sinasabi.

Namahinga na lang nang malalim ang gobernador-heneral at may sinenyas ito sa kaniyang katabi na sundalo.

"Envía a estos dos de vuelta al barrio. Ahora nos dirigimos a la zona de militarización! (Send these two back to the barrio. We're now heading to the militarization zone!)" rinig ko mula sa kaniya.

Dalawang sundalo ang bumaba upang pasakayin kami sa kanilang kabayo. Pilit akong nagpupumiglas para kausapin ulit ang goberdnador-heneral ngunit nakita ko itong hindi tumitingin sa akin. Si Nay Remedios naman ay walang magawa kundi sumunod na lang kahit sa kaniyang kaloob-looban ay gusto niya rin akong depensahan. Masyado na siyang mahina, namumutla na rin ito at hindi masyadong nakakapagsalita.

"Hindi! Makinig naman kayo sa akin!" pagmamakaawa ko ngunit masyadong malakas ang sundalo na humihila sa akin at walang kahirap-hirap niya akong pinasakay sa kaniyang kabayo.

Aalis na sana ang gobernador-heneral at ang mga ilang kasamahan nito ngunit agad silang tumigil nang may narinig silang malakas na pagsabog mula sa barrio. Mas lalo akong kinabahan at natakot dahil alam kong nagsisimula na sila!

"Que esta pasando ahí?! (What is going on there?!)" rinig ko mula sa gobernador-heneral. Agad kaming napatingin sa itaas nang matanaw ang itim na usok mula 'run. Mukhang may nasusunog na 'dun at may nariring na rin kaming mga sigaw na aming ikinabahala bigla.

"Solo vaya a la zona de militarización sin mí, Capitán. (Just go to the militarization zone without me, Captain.)" sabi nito habang nakatingin sa capitan na nasa kaniyang gilid. "Sargento y los dos tenientes (Sergeant and the two lieutenants...)" dagdag naman niya at tsaka napatingin sa dalawang sundalo na kasama namin. "... volveremos al barrio! (...we're going back to the barrio!)"

Napalunok na lang ako habang papalapit na kami sa barrio. Mas lalong nagiging maitim ang usok na aming nakikita sa kalangitan at mas nagiging malakas ang sigawan at hiyawan ang aming naririnig mula sa mga inosenteng tao. Pagdating namin sa barrio ay agad kaming sinalubong ng mga taong nagtatakbuhan kung saan-saan. Puno ng takot ang kanilang mga mukha habang natatakot na mahuli ng mga moros.

"Nilusob tayo ng mga moros!" sigaw ng isa habang papunta sa aming direksiyon ngunit agad naman siyang binawian ng buhay nang may tumamang bala sa kaniyang likuran dahilan upang madapa ito sa lupa.

"Ustedes dos!!(You two!!)" tawag sa amin ng gobernador-heneral. "Ya no estás segura aquí, debes irte ahora! (You are no longer safe here, you must leave now!)" at agad tumingin sa kasama niyang sargento na samahan kaming umalis papalayo rito.

Hindi ko na alam ang aking gagawin dahil sa aking mga nasaksihan ngayon. Masyado nang kinain ng mga apoy ang mga kabahayan dito at marami na rin akong nakikitang mga taong pinatay na walang kaawa-awa. Tumutulo na lang ang aking mga luha habang pinagmamasdan sila na wala nang buhay. Agad na rin kaming bumaba ni Nay Remedios upang sumakay sa mas malaking kabayo na pagmamay-ari ng sargento na makakasama namin.

Nagpaiwan ang dalawang tenyente upang samahan ang gobernador-heneral sa pikikidigma ngayon laban sa mga moros. Napalunok na lang ako 'nang lumingon ako sa kaniya. Hindi ko alam ngunit parang may kakaiba akong nararamdaman ngayon na gusto kong palabasin. Heto na ba ang nararamdaman ni Florentina na lumalatay ngayon sa akin? Parang nakaramdam ako ng kakaibang saya sa aking puso habang pinagmamasdan ngayon ang ama niya. Alam kong nasasabik na ngayon si Florentina na magpakilala sa totoo niyang ama kaya naman otomatiko namang naglalakad ang aking mga paa papunta sa kaniya.

Parang nilamon ako ni Florentina sa pagkakataong 'yun hanggang sa binigkas ko na rin ang salitang ama na nagpaagaw ng atensiyon sa gobernador-heneral. Pero sa hindi inaasahan ay agad kong nararamdaman ang pagbagsak ko sa lupa nang itinulak ako bigla ni Nay Remedios. Bumalik na rin ako sa aking katinuan at nagulat dahil bumagsak rin si Nay Remedios sa aking tabi.

Dali-dali ko siyang pinuntahan at nagulat dahil may tumama palang bala sa kaniyang balikat. Halos wala na akong boses nang makita 'yun at agad tumangis dahil sa kaniyang sinapit.

"Koronel Pandacan!!!" sigaw ng gobernador-heneral kaya agad na rin akong lumingon at nakita ang koronel na may kasamang mga moros papunta sa amin. May mga binihag na rin silang mga tao na nakagapos at natatakpan na rin ang kani-kanilang mga bibig.

Ngumisi ang koronel habang nakatingin sa kaniya at agad itinutok ang dalang pistol sa akin. Halos tumigil ang aking paghinga nang makita ko 'yun.

"Magandang gabi, gobernador-heneral. Naparito ako ngayon upang sunduin si binibining Florentina." sabi niya at tsaka tumingin sa akin.

"Ikaw ba talaga ang may kagawan ng lahat ng ito, koronel?!" galit na sinabi 'yun ng gobernador-heneral at agad itinutok ang dala nitong pistol sa kaniya kasama ang dalawang tenyente .

"Nagtatampo ka ba sa akin, gobernador-heneral? Ngunit puwede ko namang itigil ang kaguluhang ito kapag ibinigay mo sa akin ang babaeng 'yan!" sabi niya at agad tumingin sa akin sabay ngisi. Patuloy pa ring tumutulo ang aking mga luha habang pinagmamasdan ngayon si Nay Remedios na nanghihina na. Gusto ko siyang ipagamot ngunit mukhang hindi iyon mangyayari.

"Mas gugustuhin kong itigil ang inyong kahibangan na bihagin ang mga inosenteng tao!" matigas at puno ng otoridad ang boses ngayon ng gobernador-heneral dahilan upang mawala ang ngisi ng koronel. Agad naman siyang nagbigay ng senyas sa kaniyang kasamahan at sa hindi inaasahan ay may pinatay silang isang bihag na aming ikinagulat. Napatakip na lang ako sa bibig dahil sa aking nasaksihan. Kapag hindi ako sumuko ay tiyak na uubusin nilang papatayin ang lahat ng mga bihag.

Dahan-dahan akong tumayo mula sa aking pagkakabagsak at agad tumingin sa gobernador-heneral na nabigla rin sa aking ginawa. Hindi ko na kayang makita pa ang mga taong nagdudusa dahil sa akin.

"Gusto ko nang itigil ang mga kaganapang ito. Marami na akong nakikitang tao na namamatay at binihag dahil sa kanilang hangarin. Susuko na ako ngunit ang kapalit ay ang kalayaan ng mga inosenteng tao, koronel." at tsaka napatingin sa koronel na unti-unting ngumisi dahil sa aking sinabi.

Muli akong sumulyap sa gobernador-heneral at nakita ang pagtataka sa kaniyang mukha. "Sana'y ingatan mo ang mga taong ito, ama."

Sa pagkakataong ito ay unti-unti kong nakikita ang pagkabigla sa kaniyang mga mata. Pilit kong ngumiti sa kaniyang harapan at agad lumingon kay Nay Remedios na nakahandusay pa rin sa lupa. Halos marami nang dugo ang nawala sa kaniya at namumutla na rin. Umiyak ulit ako dahil sa kaniyang kalagayan. Alam kong hindi rin siya magtatagal.

"Nay Remedios....." sambit ko habang umiiyak na naman. Hindi ko akalaing matatapos ang kaniyang buhay sa pagligtas sa akin. Marami na siyang naitulong sa aking misyon kaya nangako akong hindi ko siya bibiguin.

Pagkatapos 'nun ay bigla na lang akong hinila ng mga moros papalayo sa kaniya. Wala naman akong magawa kundi sumunod sa kanila kapalit sa paglaya ng mga binihag nilang mga tao. Ngunit bago pa 'ko makarating sa kanila ay agad namang nagsalita ang gobernador-heneral.

"Sandali!" sabi nito at agad bumaba sa kaniyang kabayo.

"Bakit mo ako tinawag na ama kanina?" dagdag niya, mukha'y puno ng pagtataka. Agad naman akong napatingin sa kaniya habang binibihag ngayon ng mga moros. Sa puntong 'yun hinayaan ko na lang na lamunin ulit ako ni Florentina sa aking pagkatao. Heto na rin siguro ang tamang oras na malaman niya na may anak siya sa dating napupusuan.

"Ako na si Florentina ay anak ng dating madre sa abadiya. Binuntis siya ng isang sundalo mula sa Orden de Santiago at agad nagtago dahil sa kasalanang hindi niya nais ginawa. Hindi nagtagal ay agad rin siyang pumanaw. Marami na siyang pinagdadaanan ngunit hindi siya nagtanim ng galit sa lalakeng nakabuntis sa kaniya dahil para sa kaniya ay isa iyon malaking kasalanan sa mata ng Diyos. Sana'y malaman ko ang katotohanan kung totoong minahal nga ng lalakeng iyon ang aking ina. Gustong-gusto ko marinig ang lahat mula sa kaniya." gustong-gusto ko pigilan ang aking pagluha ngunit wala na akong magawa dahil si Florentina na ngayon ang kumukontrol sa aking emosyon.

Dahil sa aking sinabi ay nararamdaman ko ngayon ang paglapit ng gobernador-heneral papunta sa aking direksiyon. Makikita ko sa kaniyang mata ang pagkagulat na may halong emosyon habang nakipagtitigan sa akin. Ngunit agad naman kaming hinarang ng koronel at mabilis na itinapat ang kaniyang pistol sa harapan niya na aking ikinabigla.

"Talagang naniniwala ka na anak mo siya, gobernador-heneral? Baka nakakalimutan mo na siya ang nawawalang anak ng gobernadorcillo na si Don Samuel ng Anillo? Pinaiikot ka lang ng babaeng 'to!" sabi nito.

Magsasalita na sana ang gobernador-heneral ngunit agad namang pinangunahan siya ng koronel. "Mamili ka gobernador-heneral, ang mga taong ito...." sabay tingin sa mga taong binihag nila. "..o si Florentina?" at agad tumingin sa akin sabay ngisi. "Isasakripisyo mo ba talaga ang mga taong 'to mula sa babaeng 'yan? Maraming tao ang nakasalalay sa iyong mga kamay gobernador-heneral."

Napalunok na lang ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko akalaing maiisip 'yun ng koronel. Agad naman akong napatingin sa gobernador-heneral para tingnan kung ano ang kaniyang magiging desisyon. Hindi pa rin ito nakapag-iisip at patuloy na naguguluhan. Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ko kanina. Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ni Florentina na sabihin ang katotohanan sa likod ng kaniyang pagkatao. Alam kong mas matimbang pa rin ang mga buhay ng tao kaysa sa akin. Ngayon lang naman niya nalaman ang lahat at sino ba naman ang maniniwala na si Florentina ang totoo nitong anak kahit na alam ng lahat na anak ito ni Don Samuel?

"Ano na ang iyong kasagutan, gobernador-heneral?" ngisi ng koronel habang naghihintay sa kaniyang kasagutan. Agad naman itong tumingin sa kaniya at namahinga nang malalim.

"Palayain mo ang mga tao." sabi nito kahit alam ko naman na hindi talaga ako ang kaniyang pipiliin. Oo nga naman, isa lang ako at marami sila. Tama lang ang kaniyang desisyon at ang importante lang naman ay ang malaman niyang anak nito si Florentina.

Pagkatapos 'nun ay agad namang pinalaya ang mga bihag mula sa mga moros at ako naman ang kanilang iginapos. Tahimik akong umiiyak habang tinutulak ng mga moros papalayo mula sa kanila. Sa huling sandali ay nilingon ko ang gobernador-heneral habang tinutulungan ang mga tao. Tunay ngang may malasakit ito sa kaniyang mamamayan. Mga ilang minuto rin ang nakalipas na medyo malayo na kami sa kanila ay agad kong natanaw si Konrad at ang kaniyang mga hukbo papunta sa goberndaor-heneral.

"Anong nangyayari? Bakit biglang umatras ang mga moros?" rinig ko sa kalayuan habang nakasakay ito sa kaniyang kabayo.

Hindi naman siya tinugunan ng gobernador-heneral kaya agad itong nagpalinga-linga sa kaniyang paligid. Agad naman kaming nahagip ng kaniyang paningin sa malayo at tiningnan nang masama.

"Hinayaan mong makatakas sila gobernador-heneral?!" rinig ko mula kay Konrad at agad itinutok ang dala nitong maskit sa amin. Ngunit agad itong natigilan 'nang magtama ang aming mga mata. Sa pagkakataong 'yun ay parang ayaw ng aking mga mata na mawala siya sa aking paningin. Alam kong naguguluhan na siya ngayon kaya alam kong marami 'nang katanungan ang ibig niyang marinig.

"Florentina...." kahit hindi ko na narinig ang kaniyang sinabi ay mabasa ko pa rin sa kaniyang bibig. Tinawag niya ang pangalan ni Florentina.


Third Person POV

Aalis na sana si Konrad upang puntahan si Florentina ngunit agad itong natigilan 'nang sumenyas ang gobernador-heneral sa mga sundalo nito na pigilan siya. Agad namang tinutukan siya ng kani-kanilang maskit sa kaniyang paligid bagay na ikinagulat niya.

"Iyan ang bagay na huwag mo dapat gawin, heneral." mahinahon na sinabi ng gobernador-heneral habang papalapit ito sa kaniya. Umigting naman ang panga ni Konrad at agad tiningnan siya nang masakit.

"Si Florentina 'yun, hindi ba?" tanong niya, habang mahigpit itong nakakapit sa renda ng kabayo.

"Hindi natin puwedeng isakripisyo ang mga taong ito kaysa sa babaeng 'yun----"

"Iyan ang bagay na ayaw kong marinig. Hindi lang siya basta isang babae, gobernador-heneral. Matagal ko siyang hinahanap tapos ipagkait mo pa rin sa akin na makita siya muli?" halos lumuwa na ang mga luha nito sa kaniyang mga mata.

"Bakit ka pa pumili kung puwede mo namang iligtas ang mga tao at si Florentina. Nandito ako bilang heneral. Nandito ako upang tulungan ka at tulungan ang mga tao na mailigtas at protektahan mula sa mga moros!" pasigaw na sinabi 'yun ni Konrad na ikinabigla naman ng lahat.

"Huwag mo akong sigawan, heneral Garcia! Ako pa rin ang mas nakakataas sa'yo!" sigaw naman ng gobernador-heneral. Wala nang pakialam si Konrad sa kaniyang mga sinabi. Agad itong tumingin sa malayo at inihanda ang dala nitong maskit.

"Kung hindi niyo siya ililigtas, puwes ako ang gagawa ng paraan!" wala 'nang atrasan si Konrad at agad na itong pinatakbo ang kaniyang kabayo nang mas mabilis upang makahabol sa mga moros.

"Huwag kang magpadalos-dalos, Heneral Garcia!" sigaw naman sa kaniya ng gobernador-heneral ngunit masyado nang malayo si Konrad sa kanila. Umiling na lang siya sa pagkadismaya at mabilis itong sumakay sa kaniyang kabayo upang habulin ito.

"Kayo na lang ang bahala sa mga tao rito." sabi niya sa ilang mga sundalo at agad pinatakbo ang kaniyang kabayo. Nakasunod naman sa kaniyang likuran ang dalawang tenyente at ang isang capitan upang samahan ito.

Habang nagpapatakbo ng kabayo si Konrad sa kapatagan ay agad nitong natanaw sa malayo si Florabelle na ngayon ay nakasakay sa kabayo kasama ang isang moro. Halos lahat ng mga moros ay sumakay sa kani-kanilang mga kabayo papunta sa dalampasigan. Walang kaalam-alam si Konrad na ang kaguluhang naganap kanina ay pinamumunuan ng kaniyang pinagkakatiwalaang koronel.

Agad nitong inihanda ang dalang maskit at itinutok sa mga moros na nasa kaniyang unahan. Binaril niya ang isa sa kanila bagay na ikinabagsak nito sa lupa. Nagulat naman ang lahat nang malaman 'yun at agad silang lumingon nang makita nilang may isang sundalo ang nakasunod sa kanila. Lumingon na rin sa Florabelle at nagulat dahil natanaw niya sa malayo si Konrad habang nagpapaulan ito ng mga bala sa kanilang likuran.

"Masyadong matapang ang heneral na 'yun ha?" sarkastiko namang sinabi 'yun ni Paterno at agad itinutok ang dala nitong maskit kay Konrad habang nagpapatakbo ng kaniyang kabayo.

"Huwag na tayong magsasayang ng oras sa sundalong 'yan. Kailangan na nating marating ang pampang dahil naghihintay na roon ang ating pinuno!" paalala sa kanila ni koronel Pandacan habang ngumisi ito sa paparating na si Konrad.

Agad namang binilisan ng mga moros ang pagpapatakbo ng kanilang mga kabayo upang hindi sila maabutan ni Konrad. Nilingon naman ni Florabelle si Konrad, mukha'y puno ng pangamba at pag-aalala sa binata. Magaling mangabayo ang mga moros kaya hindi na siya magtataka kung mabilis silang nakaabante mula sa kaniya.

Namumugto na ang mga mata nito sa pag-iyak at namumula na rin. Masyadong mabigat ang pinagdadaanan ngayon ni Florabelle. Habang natatanaw si Konrad sa malayo ay hindi niya pa rin maiwasang mag-aalala ito para sa kaniya. Hindi dapat makaabot sa kanila si Konrad. Masyadong marami ang mga moros kaya tiyak na mapapahamak ito kung patuloy pa rin siyang nakasunod sa kanilang likuran. Napapikit na lang si Florabelle at tahimik na sinambit ang kaniyang pangalan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro