KABANATA 33
[Kabanata 33]
Sumapit na rin ang kadiliman ngunit hindi pa rin nila mahanap ang libro. Makikitang parang pagod na pagod na ang mga kasamahan ni koronel Pandacan sa paghahanap at animo'y parang nahihilo na rin sa kanilang pinanggagawa. Pinagmamasid ko na lang sila sa malayo, hinihintay sa hudyat nilang pagtulog.
"Pagod na pagod na po kami koronel." reklamo ng isa habang humihingal na ito sa kaniyang kinatatayuan.
"Talaga bang nandito ang libro? Paano na lang kung wala rito?" rinig ko naman sa isa dahilan upang mapatingin ako kay Nay Remedios na nakatingin din sa kanila.
"Hindi pa nga kayo nakakalahati rito nagrereklamo na kayo." sabi sa kanila ni Nay Remedios.
"Ipagpapatuloy na lang natin ito bukas. Masyadong malawak ang silid aklatan na ito kaya imposibleng mahahanap natin agad-agad ang libro." sabi naman ni koronel Pandacan habang nakapameywang ito sa sobrang pagod. Pumayag naman sila sa sinabi niya at agad nagpahinga. Pagkatapos ay kumain na rin sila ng kanilang dalang pagkain at agad na ring natulog sa sahig. Sa wakas, heto na ang oras na hinihintay ko.
"Nay Remedios." tawag ko upang mapatingin siya sa akin.
"Heto na ang iyong pagkakataon, hija." bulong niya at agad nagpalinga-linga sa paligid. Walang anu-ano'y biglang sumulpot ang puting daga mula sa kaniyang bulsa na aking ikinalaki ng mata. Agad itong tumungo sa lubid upang akyatin ito at agad kinagat upang maputol mula sa aming pagkakabihag. Mabilis niya itong pinutol at sa wakas ay mukhang nakawala na rin kami.
Dahan-dahan akong tumayo upang alalayan sina Nay Remedios at Diday at agad na ring sumenyas sa amin na kahit anong mangyari ay huwag kaming gumawa ng kahit anong ingay.
Paika-ika kaming naglalakad palabas ng silid-aklatan at agad akong limingon kina koronel Pandacan na mahimbing na natutulog sa sahig, bagay na aking ikinatuwa dahil wala silang kamalay-malay na nakatakas kami mula sa kanila. Nakabukas kasi ang pintuan ng silid-aklatan kaya mabilis kaming nakalabas 'dun na walang ingay.
"Makinig ka, hija. Kailangan mong mahanap ang libro dahil diyan mo malalaman ang totoong pagkatao ni Florentina. Sundan mo lang ang aking kaibigan dahil paniguradong ihahatid ka niya kung saan ngayon ang libro." sabi naman ni Nay Remedios na nasa aking tapat.
"Hindi kayo sasama sa akin?" agad naman siyang umiling.
"Nabalitaan kong dumating ngayong gabi ang gobernador-heneral upang makipagkita kay Konrad. Kailangan nilang malaman tungkol sa magaganap na paglusob ngayong gabi ng mga moros sa barrio." dahil sa sinabi niya ay agad akong kinutuban ng masama.
"Paano naman ninyo nalaman?" mas lalo akong kinabahan dahil sa naging tanong ko.
"Dahil alam nilang buhay ka pa, hija. Heto na rin ang tamang oras upang malaman nila Konrad na buhay ka pa upang mailigtas tayo mula sa panganib. Kaya bilisan mo na, kailangan mo nang kumilos." sabi niya at agad itinuro ang kaibigang daga sa sahig na naghihintay sa akin.
"Teka, paano naman kayo makakapunta 'run?" pag-aalala ko sa kanila.
"Huwag kang mag-alala, binibini. Marunong naman akong mangabayo. Kukunin lang namin ang alaga nilang kabayo sa labas." sabi naman ni Diday habang nakahawak sa braso ni Nay Remedios.
"Babalikan ka namin dito na may dalang tulong, hija. Kailangan mo nang mahanap ang libro." iyan ang huling sinabi sa akin ni Nay Remedios bago kami naghiwalay papunta sa aming paroroonan.
Agad ko nang kinuha ang sulo na nakasabit sa dingding at sinundan ang daga na nasa aking unahan. Dahan-dahan itong inaamoy ang bawat dinadaanan nito hanggang sa namalayan ko na lang na papaakyat na kami sa hagdan. Hindi ko na alam kung saan na kami ngayon dahil unti-unti na kaming lumalayo mula sa silid-aklatan.
May tinahak na naman kaming hagdan paitaas hanggang sa dinala na lang ako ng aking mga paa sa harapan ng lumang pintuan. Mukhang tumigil na rin ang dagang nagdala sa akin dito at agad tumingala sa akin. Dito ko na ba makikita ang libro?
Dahan-dahan kong binuksan ang pintuan hanggang sa napapikit na lang ako dahil sa sobrang liwanag mula sa lumang bintana ng silid. Hindi ko alam kung ano 'yun ngunit unti-unti kong ibinuklat ang aking mga mata at nagulat dahil sa aking nasaksihan. Nasa harapan ko na mismo makikita ang nagliliwanag na dugong buwan na nagsisilbing liwanag ngayong gabi. Napahawak na lang ako sa aking dibdib dahil sa sobrang kaba. May mangyayari ba talagang hindi maganda ngayon?
Agad naman akong nagpalinga-linga sa buong silid at may napansing bagay na lumiliwanag. Tinatabunan ito ng lumang tela na matatagpuan sa lumang lamesa ng silid. Dali-dali kong tumungo 'run at agad kinuha ang tela na tinatabunan ang bagay na aking ipinagtataka. Pagkatapos 'nun ay agad kong nakita ang libro na nagliliwanag kasabay ng pagliwanag ng dugong buwan sa kalangitan.
Kinuha ko iyon at tiningnan nang maigi. Tunay nga itong La Vida Parroquial. Mas lalo akong kabado nang dahan-dahan kong binuksan ang libro ngunit agad naman itong bumukas na aking ikinagulat at may malakas na hangin na umiihip sa akin papunta 'run sa loob. Hindi ko na ulit masarado ang libro dahil masyado itong malakas. Pilit pa rin akong iniihip ng hangin papunta sa loob ng libro hanggang sa namalayan ko na lang na nakapasok na ako.
Pagpasok ko ay agad akong nakatingala dahil sa magandang sikat ng araw. Narito ako sa labas ng abadiya noon kung saan may nakikita akong mga madre na naglalakad sa labas. Agad sana akong magtatago ngunit laking gulat ko na lang dahil bigla na lang may sumulpot na madre mula sa aking katawan papalakad patungo sa mga kaibigan niyang madre. Ibig sabihin ay para akong multo na hindi nila nakikita?
"Cristina, saan ka ba galing? Kanina ka pa hinahanap ni inang madre sa loob." sabi ng isang madre habang nag-aalala itong sinalubong ang babaeng nagngangalang Cristina.
Cristina? Siya ba si Cristina Fidela Ventura?
"Galing lang ako sa bayan. Sige pupuntahan ko na lang sa loob si inang madre." masayang saad ni Cristina at agad tumuloy sa loob ng abadiya. Agad ko naman siyang sinundan sa loob hanggang sa nakasalubong niya ang isang matanda na pamilyar sa akin. Mukhang kilala ko ang matandang madre na ito.
"Magandang umaga, madre Cordova." bati nito ngunit isang hampas ang kaniyang natanggap mula sa matandang madre. Agad itong lumapit kay Cristina at may ibinulong.
"Alam kong ginagawa mo Cristina kaya itigil mo na ang iyong kahibangan. Isang malaking kasalanan kapag ipinagpatuloy mo pa ito." pagbabanta nito. Ngunit imbes na mag-alala si Cristina ay ngumiti ito.
"Inang madre salamat sa iyong pag-alala ngunit nakapagdesisyon na po ako. Gusto ko na pong sumama kay Samuel. Lilisanin ko na po ang abadiya. Lilisanin ko na po ang aking responsibilidad bilang isang madre." dahil sa sinabi niya ay mukhang nawalan ng hininga ang inang madre kaya agad na rin siyang inalayan ni Cristina.
Sa hindi inaasahan ay biglang nagbago ang buong paligid at nakita ang aking sarili sa isang malawak na damuhan kung saan nakita ko si Cristina habang papunta ito sa binata. Agad niya itong niyakap sa likuran dahilan upang lumingon sa kaniya ang binata. Agad akong lumapit sa kanila at nagulat dahil kilala ko ang lalakeng 'to. Si Don Samuel ba ito? Nakipagrelasyon si Don Samuel sa isang madre? Napatakip na lang ako ng aking bibig dahil sa aking nasaksihan.
"Ikaw pala Cristina. O, ano na ang naging tugon sa iyo ni madre Cordova? Pumapayag na ba siyang ika'y aalis na ng abadiya?" tanong ng binatang si Samuel habang hinahagod nito ang buhok ni Cristina.
"Patawad, Samuel. Ngunit mukhang hindi pa siya pumapayag na iwanan ko ang aking responsibilidad bilang isang madre at kailangan ko rin siyang alagaan dahil naging masama ang kaniyang pakiramdam ngayon. Huwag kang mag-alala. Alam ko namang pahintulutan ako ni inang madre sa aking desisyon kaya maghintay lang tayo." rinig ko naman galing kay Cristina habang kaharap si Samuel.
"Bukas na ako babalik sa Anillo, Cristina. Sana'y hintayin mo ako sa aking pagbabalik. Kung ano man ang naging desisyon mo o ang desisyon ni inang madre ay tatanggapin ko. Basta lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita." sabi naman ni Samuel dahilan upang mapangiti si Cristina.
Pagkatapos 'nun ay muling nagbago ang buong paligid hanggang sa natagpuan ko ang aking sarili sa loob ng abadiya. Doon ay nakikita ko si Cristina at ang iba pang madre na nasa likuran ni madre Cordova na may kinakausap na kilalang prayle galing Espanya. Mukhang hindi mapakali itong si Cristina sa kaniyang kinatatayuan hanggang sa nakita ko na lang na tinitingnan pala siya ng sundalo na nasa gilid ng prayle.
Pagkatapos na iwanan sila nina madre Cordova at ang prayleng 'yun ay agad nagtipon ang magkakaibigang madre at nag-usap.
"Si Padre Claveria ba 'yun galing Seville?" mangha ng isa at agad namang tumango ang ilan. Si Cristina naman ay hindi umimik sa kanilang pag-uusap dahil sa kaniyang nasaksihan kanina. Umiiling siya na para bang gusto niyang alisin ang ganoong eksena kanina mula sa kaniyang utak. Tumatayo talaga ang kaniyang balahibo kapag naiisip 'yun kanina.
"Anong nangyari sa'yo , Cristina?" tanong ng kaniyang kaibigang madre.
"Kilala niyo ba ang mga kasama ni Padre Claveria kanina?" tanong naman ni Cristina sa kanila at agad naman silang napaisip.
"Mga sundalo sila sa ilalim ng Orden de Santiago. Kung hindi niyo pa alam ay isa silang bantog na militar sa buong Espanya. Naku kung hindi lang ako naging madre ay talagang magpapakasal ako isa sa kanila lalong-lalo na kay senyor Guzmán kahit na medyo may edad na ito." ngiti ng isa niyang kaibigan dahilan upang kumunot ang kani-kanilang noo.
"Sino ba 'yang si senyor Guzmán, ha?"
"Siya 'yung lalake kanina na hindi maalis-alis ang tingin kay Cristina." tugon naman ng isa dahilan upang mapatingin sa kaniya si Cristina.
Teka, si senyor Guzman ba na tinutukoy nila ay walang iba kundi ang gobernador-heneral na si Francisco de Tello de Guzmán?
Agad naman akong napatingin sa ikalawang palapag ng abadiya kung saan nakikita kong tumingin ulit ang lalakeng si senyor Guzman kay Cristina habang nakasunod ito sa likuran nina madre Cordova at ng prayle.
Pagkatapos ng tagpong 'yun ay nagbago ulit ang aking paligid. Nandito ako ngayon sa labas ng kapilya kung saan nakikita ko sa loob si Cristina na nagdadasal bitbit ang rosaryo. 'Nang makitang tumayo na siya mula sa kaniyang pagdarasal ay agad ko namang nakita si senyor Guzman na minamasdan siya mula sa labas. Agad namang lumabas si Cristina ngunit hinarang siya ng lalake dahilan upang magulat ito.
"Ano po ang maitutulong ko sa inyo?" kabadong tanong ni Cristina habang nakayuko ito sa harapan niya. Ngumiti na lang ang lalake at agad hinawakan ang kaniyang kamay.
"Gusto ko lang magpakilala sa'yo. Ako pala si Francisco de Tello de Guzmán. Ikaw?" tanong niya dahilan upang mapatingin sa kaniya si Cristina.
Hindi naman makapagsalita si Cristina sa kaniya dahil batid niyang may gusto ito sa kaniya. Agad na sana siyang aalis ngunit dumating si madre Cordova dahilan upang mabitawan ni senyor Guzman ang kaniyang kamay.
"Cristina, kanina pa kita hinahanap. Nandito ka lang pala." sabi naman ni madre Cordova habang papunta sa kanilang kinatatayuan. Lumayo naman si Cristina kay senyor Guzman at nagtungo naman ito sa matanda.
"Nagdasal lang po ako, inang madre. Ano po ba ang kailangan niyo sa akin?" tanong niya habang hindi mapakali sa kaniyang kinatatayuan. Nararamdaman niya kasing tinitingnan pa rin siya ng senyor.
"Qué hace aquí, señor Guzmán? (What are you doing here, Sir Guzman?)" tanong naman bigla ni madre Cordova nang makita niya ang senyor.
"Nada. De todos modos, me tengo que ir ahora (Nothing. Anyway, I have to leave now.)" sabi niya at agad yumuko upang magpaalam sa amin. Tiningnan din siya ni Cristina nang makalayo ito at agad nagpakawala ng hininga.
Bigla ulit nagbago ang aking paligid at agad napansin na parang nasa loob ako ng silid at nakita si Cristina na nagsusuklay ng kaniyang buhok. Magpapahinga na sana siya ngunit agad namang may kumatok sa kaniyang pintuan dahilan upang bumangon ito at binuksan ang pintuan.
"Magandang gabi. Nais ko lamang bigyan ka ng maiinom upang makatulog ka nang mahimbing." ngiti nito habang may hawak na tasa. Nagtaka naman si Cristina dahil sa sinabi niya at hinarap ang lalakeng 'yun.
"Ano ba ito, senyor?"
"Mainit na tsaa galing Seville. Handog ko lang ito sa'yo dahil bukas ay aalis na kami pabalik 'dun." sabi niya na may bahid ng kalungkutan. Agad naman siyang tiningnan ni Cristina at kinuha ang tasa na nasa kamay nito dahilan upang mapangiti ang senyor.
"Talagang magugustuhan mo 'yan. Sige na, inumin mo na." sabi niya kaya ngumiti na lang si Cristina sa kaniya.
Agad na ring ininum ni Cristina ang tsaa hanggang sa naubos na niya ito. Maligamgam na kasi ang tsaa kaya mabilis niyang naubos 'yun. Pagkatapos 'nun ay agad na niyang ibinalik ang tasa sa senyor ngunit napahawak na lang siya sa kaniyang noo na hindi niya maintindihan. Mukhang nahihilo siya sa kaniyang kinatatayuan hanggang sa nawalan na rin siya nang malay at agad sinalo ng senyor.
Agad na rin siyang nilagay ni senyor Guzman sa kama hanggang sa nagulat na lamang ako dahil hinubad niya ang kaniyang pang-itaas at agad hinalikan si Cristina sa kaniyang pisngi at sa leeg nito. Mukhang may masamang binabalak ang lalakeng 'to ngunit bago ko pa mapigilan ang kaniyang gagawin ay agad namang nagbago ang aking paligid hanggang sa nakita ko na lang si Cristina na umiiyak habang humarap ito kay madre Cordova na galit na galit.
"Cristina! Sino ang nakabuntis sa'yo?!" pagdidiin ni madre Cordova. Nandito sila sa kaniyang silid. Makikitang sarado ang lahat na mga bintana't pintuan at tanging isang lampara lamang ang nagbibigay liwanag sa kanila.
"Isang napakalaking kasalanan ito, Cristina! Isa kang madre hindi mo ba alam 'yun?!" mukha'y puno ng pagkadismaya habang nakapameywang sa harapan ni Cristina. Umiiyak pa rin itong si Cristina hanggang sa may inabot itong sulat galing kay senyor Guzman. Agad naman itong kinuha ng inang madre at binasa.
"Ipaliwanag mo ito sa akin Cristina!"
"Wala akong kamalay-malay inang madre 'nang mangyari 'yun. Kasalanan niya ito!" tumatangis ito sa kaniyang pagkakaupo habang ang inang madre naman ay hindi makapaniwala sa kaniyang narinig. Agad niyang pinunit ang sulat at tsaka itinapon 'yun.
"Walang dapat makakalam nito, Cristina. Simula sa araw na ito ay puwede ka nang umalis dito sa abadiya at puwede mo na ring lisanin ang pagiging madre mo. Ngunti paano mo naman ipapaliwanag ito kay Samuel?" dahil sa sinabi niya ay agad humagulgol si Cristina sa labis na kalungkutan. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Hindi na niya alam kung paano niya makakaharap muli si Samuel.
Pagkatapos 'nun ay muling nag-iba ang buong paligid. Nandito ako ngayon sa loob ng bahay-kubo kung saan nakita ko si Cristina malapit sa bintana. Malaki na ang tiyan nito. Tila malungkot ang mukha nito habang pinagmamasdan ang mga bulaklak sa hardin na tila sumasayaw sa ihip ng hangin.
"Cristina." tawag sa kaniya ni madre Cordova dahilan upang lumingon ito sa kaniya. Kakarating niya lang galing abadiya at may mga dala itong mga prutas.
"Tumugon na ba sa'yo si senyor Guzman? Alam ba niyang buntis ka?" tanong niya ngunit umiling lang si Cristina. Walang bahid na emosyon ang kaniyang mukha hanggang sa may taong pumasok sa kaniyang bahay dahilan upang mapangiti ito.
"Samuel..." nanginging nitong sambit habang nakikipagtitigan sa lalakeng mahal niya. Sa hindi inaasahan ay agad siyang niyakap dahilan upang manigas ito.
"Huwag ka nang umiyak. Kasalanan ito ng hayop na 'yun! Pagbabayaran niya ang ginawa niya sa'yo!" sabi ni Samuel habang nakayakap pa rin kay Cristina. Lumuluha na rin si Cristina dahil sa kaniyang narinig. Sa kabila ng kaniyang nararanasan ngayon ay nararamdaman niya pa rin ang pagmamahal sa kaniya ni Samuel. Tinanggap siya ng buong puso kahit na buntis ito sa ibang lalake.
Agad naman silang naglaho sa aking paningin at natagpuan ang aking sarili sa isang karumaldumal na pangyayari. Naaalala ko na'to dati pa ngunit hindi ko na natandaan kung kailan. Maapoy at madugong digmaan ang aking nakikita sa paligid. Maraming tao ang nagtatakbuhan sa iba't ibang direksiyon upang salbahin ang kanilang sarili. Nagpalinga-linga ako sa buong paligid hanggang sa nakita ko na si Cristina na tumatakbo patungo sa abadiya yakap-yakap ang kaniyang sanggol.
"Madre Cordova!" sigaw nito habang tumatakbo pa rin papunta ng abadiya.
"Cristina!" may sumigaw sa kaniya mula sa kaniyang likuran hanggang sa lumingon ito at nakita si senyor Guzman na papalapit sa kaniyang direksiyon.
"Huwag kang lalapit sa kaniya Cristina!" sigaw naman ni Samuel habang may hawak itong pistol na nakatutok sa senyor. Nanginginig sa galit itong si Samuel kaya hindi na niya kayang mapigilan ang kaniyang sarili na pabuntungan ng galit sa sundalo. Agad namang itinaas ni senyor Guzman ang kaniyang kamay sa ere hudyat ng pagsuko. Nag-aalala naman itong si Cristina kaya nilapitan niya si Samuel upang ibaba ang kaniyang pistol.
"Alam mong ayaw ko 'tong mangyari, Samuel. Ibaba mo ang iyong armas!" utos ni Cristina ngunit hindi nagpatinag si Samuel.
"Kailangan niyang pagbayaran ang kaniyang kasalanan Cristina!" naniningkit na ang mga mata ni Samuel habang nakipagtitigan sa senyor.
"Alam kong malaki ang kasalanan niya sa akin ngunit pinapatawad ko na siya Samuel. Katulad na lang ng pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan ay dapat marunong kang magpatawad!" umigting ang panga ni Samuel sa kaniyang narinig 'tila hindi nariring ang kaniyang sinasabi.
"Patawad Cristina. Ngunit hindi ko 'yun magagawa." at agad binaril ang senyor sa hindi inaasahan. Nagulat naman si Cristina sa kaniyang ginawa kaya agad niyang hinarangan ang senyor dahilan upang siya'y nabaril sa kaniyang tagiliran at lumuhod ito sa sobrang sakit at hapdi. Nagulat naman ang dalawa sa kaniyang ginawa lalong-lalo na si Samuel.
Agad niyang itinapon ang ginamit niyang armas at pinuntahan si Cristina. Maraming luha na ang kaniyang pinakawalan dahil sa sinapit ngayon ng kaniyang iniirog. Hindi niya inaasahan na gagawin ni Cristina ang bagay na 'yun. Dahan-dahan niyang pinaupo si Cristina at agad isinandal ang ulo nito sa kaniyang dibdib. Halos duguan na siya ngayon at nanghihina na rin.
Lalapitan sana ni senyor Guzman si Cristina ngunit agad siyang tiningnan ni Samuel nang masama dahilan upang tumigil ito. Lumuluha na rin ang senyor sa sinapit ni Cristina. Hindi niya inaasahan na sasaluhin ni Cristina ang bala para sa kaniya.
"Huwag mong lalapitan si Cristina, pakiusap." pagsusumamo ni Samuel habang nakayakap sa duguang si Cristina. Magsasalita na sana ang senyor ngunit agad naman siyang tinawag ng kaniyang kasamahan na nasa malayo.
"Senyor Guzman! Kailangan ka ng heneral!" sigaw nila. Wala namang magawa ang senyor kundi iwanan si Cristina sa kamay ni Samuel at umalis papunta sa kaniyang kasamahan.
"Pa..patawarin mo a..ako sa aking mga ka..kasalanan..." utal ni Cristina dahilan upang mapatingin sa kaniya si Samuel.
"Pakiusap lumaban ka..." patuloy pa ring umiiyak si Samuel habang hawak-hawak ngayon ang kaniyang kamay.
"Patawarin mo ako sa aking kataksilan. Alam kong malaki ang naging kasalanan ko lalong-lalo na sa Panginoon. May papakiusap sana ako sa'yo..." bulong niya habang patuloy pa rin itong nanghihina.
"Alagaan mo ang aking anak, pakiusap. Alagaan mo si Florentina para sa akin. Mangako ka, Samuel." umiiyak na ngayon si Cristina habang nakatingin ito kay Samuel. Tumango naman si Samuel at agad kinuha mula sa kaniya ang babaeng sanggol na nagngangalang Florentina.
Nakatingin lang ako sa kanila habang may namumuong luha sa aking mga mata. Tuluyan na ring pumikit ang mga mata ni Cristina at sa huling pagkakataon ay nakikita kong ngumiti ito dahil nasa mabuting kamay na ngayon ang kaniyang anak. Ang anak niyang si Florentina. Ang anak nila ni Francisco de Tello de Guzmán na isa ng gobernador-heneral ngayon. Agad naman akong napatingin kay madre Cordova na tumatakbo mula sa abadiya. Umiiyak din siya nang makitang wala nang buhay si Cristina.
Pagkatapos ng tagpong 'yun ay agad pinalitan ng maaliwas na paligid. Hindi ko alam ngunit parang nasa bahay ako ng mga Morcillo. Agad naman akong lumingon ng makita ang batang si Florentina sa veranda na may hawak na bulaklak. Lumalakad ito habang nagmumuni-muni. Lumagpas siya sa aking kinatatayuan hanggang sa nakita ko na lang na bumangga siya sa batang lalake dahilan upang mainis ito sa kaniya.
"Ano ba?! Bulag ka ba?" inis nito at tsaka itinulak si Florentina. Yumuko na lang si Florentina sa kaniya at tsaka ibinigay ang bulaklak. Kumunot naman ang noo niya kaya agad niyang kinuha ang bulaklak at tsaka inihagis 'yun sa labas. Agad niya ring iniwan ang kawawang si Florentina na nasa veranda na unti-unting umiiyak 'nang dahil 'dun. Mukhang kawawa rin pala si Florentina sa kuya niyang si Angelo noon.
Nakita ko na lang si Florentina na tumatakbo ngayon papunta sa kaniyang silid kaya agad akong humakbang upang puntahan siya. Ngunit nahagip ng aking paningin si Padre Fernando na nasa ibaba kasama si Don Samuel na papunta sa karwahe. Dali-dali naman akong lumabas ng kanilang mansion upang sundan sila.
Nakita ko na rin sila na papasok sa loob ng kalesa kaya agad akong nagtungo 'dun upang pakinggan ang kanilang pag-uusap.
"ANONG SABI MO?!" rinig ko mula kay Don Samuel. Agad naman akong dumungaw sa bintana ng kalesa at nakitang magkaharap ang dalawa at may kasama silang matandang babae na nakatalukbong habang may hawak itong sanggol.
"Ibig kong ibigay ang aking anak sa iyong pangangalaga, Samuel. Alam mo naman ang mangyayari kapag tumanggi ka sa aking pabor." agad naman akong nabigla dahil sa sinabi ni Padre Fernando.
"Sinasabi ko sa'yo hindi ko pinatay si Cristina. Aksidente lang ang nangyari."
"Sa tingin mo ba'y paniniwalaan ka ng mga tao? Ano na lang ang sasabihin nila kapag nalaman nilang nakipagrelasyon ka sa isang madre noon? Isa ka ng capitan municipal, Samuel. Dapat walang ni isang dungis sa iyong pagkatao lalo na't malapit na ang pagpili sa pagiging gobernadorcillo. Pwedeng-pwede kitang matutulungan at ang kapalit ay ang pag-alaga sa aking anak. Dapat walang nakakaalam na anak ko siya at ikaw lamang ang nakikilala niyang ama at wala nang iba." rinig ko naman kay Padre Fernando at tsaka kinuha ang sanggol mula sa matandang babae. Agad naman akong nabigla nang tumitig ako sa matandang 'yun. Kung hindi ako nagkakamali, siya si madre Cordova!
Nang ibigay niya ang sanggol kay Don Samuel ay agad nahagip ng aking paningin ang isang pamilyar na balat na matatagpuan sa leeg nito. Agad namang bumilog ang aking mga mata dahil sa aking nakita. Ibig sabihin ba nito anak ni Padre Fernando si Henrietta at katulad ni Florentina ay hindi rin siyang tunay na anak ni Don Samuel?
May kung anong puwersa akong nararamdaman ngayon na humihila sa akin at hindi ko alam kung saan nanggaling. Agad namang umitim ang buong paligid at may umiihip na naman sa akin paitaas hanggang sa tuluyan na rin akong nakalabas mula sa libro. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan dahil sa aking nalalaman. Nakita ko ang libro na nakapatong ngayon sa lamesa at agad ko iyon kinuha.
Agad kong pinagmamasdan ang libro hanggang sa nakita ko na lang ang pangalan ni madre Cordova na unti-unting nakaukit ngayon sa balat ng aklat. Hindi si Padre Fernando o si Cristina Fidela Ventura ang may akda ng librong 'to. Kundi si madre Cordova, ang saksi sa bawat kuwentong nilalahad dito sa loob ng libro.
Dali-dali kong kinuha ang libro upang umalis na ngunit laking gulat ko na lang 'nang makita si koronel Pandacan na nasa loob ng silid habang hawak-hawak nito ang balikat ni Nay Remedios. Itinutok niya rin ang dala nitong pistol sa ulo ng matanda sabay ngisi sa akin.
"Sa wakas ay nakita mo na rin ang libro!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro