KABANATA 32
[Kabanata 32]
Umiwas ng tingin si Timothy sa akin nang biglang may kumatok sa labas ng pintuan. Agad naman 'yun bumukas at nakita ang mukha ni Nay Remedios na punong-puno ng pag-aalala. Ngunit agad naman 'yun napalitan ng mga ngiti nang makita niya akong gumising na.
"Naku, salamat sa Dios at nagising ka na rin hija!" bulalas niya habang papalapit sa akin.
Niyakap niya ako nang mahigpit habang hinihimas ang aking likuran. Niyakap ko rin siya pabalik at tumingin kay Timothy na masayang nagmamasid sa amin. Ngumiti na lang ako at agad kumawala sa aming pagyakap.
"Nagugutom ka ba, hija? Teka ipapakuha na lang kita ng pagkain." sabi ni Nay Remedios. Ngunit bago siya humakbang ay siya namang pagtayo ni Timothy na ikinabigla naman ng matanda.
"Ako na lang po ang kukuha sa labas. Bantayan niyo lang po muna si Florentina." sabi naman ni Timothy at agad ngumiti sa akin. Magsasalita na sana si Nay Remedios ngunit agad namang lumabas si Timothy mula sa aming silid.
Tumingin na rin sa akin si Nay Remedios at umupo sa aking tabi. Agad niyang hinawakan ang aking kamay na parang isang ina at pinipisil ito.
"Kamusta ka na? Talaga bang maganda na ang iyong pakiramdam?" tanong niya. Tumango ako sa kaniya at agad napasulyap sa aking sugat sa braso na nababalutan ng puting tela.
"Isa kang diwata hindi ba, Remedios?" tanong ko at agad napatingin sa kaniya nang diretso. Mukhang hindi siya umimik dahil sa aking sinabi. Nakikita ko sa kaniyang mukha ang matinding pagkagulat ngunit agad naman 'yun binawi nang ngumiti siya sa akin.
"Paano mo masasabi na isa akong diwata, hija?"
"Nagpakita sa akin ang espirito ng Puno de Orasa 'nung ako'y nananaginip. Sinabi niya sa akin lahat pati na rin ang tungkol sa batas." sabi ko ngunit nananatili pa rin siyang nakangiti.
"Alam kong darating ang araw na magpapakita sa'yo ang espirito ng Puno de Orasa ngunit ayaw kong pangunahan na sabihin sa'yo ang tungkol sa batas. Huli ko rin nalaman na hindi pala sinabi sa inyo ni Silim simula pa lang." agad naman napalitan ng malungkot na imahe ang kaniyang mukha habang sinasabi 'yun.
"Silim?"
"Ang totoong pangalan na nakikilala ninyong Helena ay Silim. Isa siyang diwata na nagbabantay ng mga balete tuwing magdadapit hapon at gabi. May kakayahan din itong magpalit-anyo mapa-tao man o hayop. At dahil paborito siya ng Bathala ay agad siyang binigyan ng bagong tugkulin bilang isa sa mga ahente ng espirito ng Puno de Orasa." kuwento niya na talagang umagaw ng aking atensiyon.
"Ang totoo ko namang pangalan ay Liwayway. Isa rin akong diwata na nagbabantay sa mga pananim at hardin ng aming kaharian ng Devata. Katulad ni Silim ay agad din ako binigyan ng bagong tungkulin bilang isa sa mga ahente ng espirito ng Puno de Orasa." napakurap ako ng ilang beses dahil sa kuwento niya. Totoo pala na mayroong mga diwata!
"Mabait na diwata si Silim ngunit hindi ko maisip na may hangarin itong masama at gustong makakuha ng mas mataas na kapangyarihan katulad ng Bathala."
"Ano pa ang sinabi sa iyo ng espirito ng Puno de Orasa?" usisa niya na may malungkot na tono. Namahinga naman ako nang malalim bago nagsalita.
"Sinabi niya sa akin ang tungkol sa posibilidad na maaari naming mapalaya ang masamang elemento dahil sa aming paglabag ni Timothy. Para maiwasan o labanan 'yun ay kailangan ko raw kilalanin ang katauhan ni Florentina. Ngunit hindi ko alam kung paano ko 'yun gagawin." mangiyak-ngiyak ko naman na sinabi 'yun habang may namumuong luha sa aking mga mata. Napakababaw naman ng mga luha ko.
"Tama ang sinabi ng espirito ng Puno de Orasa. Kailangan mo pang kilalanin ang katauhan ni Florentina. Dahil iyan lamang ang magiging armas natin laban sa masamang elemento na 'yun. Sa tingin ko nga ay parang unti-unti nang nawawasak ang selyo nito kaya kailangan mo nang kumilos. At sa tingin ko rin ang sagot upang kilalanin mo pa ang katauhan ni Florabelle ay ang makilala ang kaniyang mga totoong magulang." seryosong sinabi 'yun ni Nay Remedios kaya napatingin ako sa kaniya.
"Teka, ano po ang ibig ninyong sabihin? Hindi po ba't si Don Samuel ang totoo niyang ama?" gulantang kong tanong at agad hinintay ang kaniyang kasagutan.
Ngunit bago pa makasagot si Nay Remedios ay siya namang pagpasok ni Timothy sa aming silid. Agad naman kaming natahimik at sinalubong si Timothy bitbit ang bandeha na naglalaman ng aking pagkain.
"Hijo, ikaw muna ang bahala sa kaniya. Maglilinis pa ako sa aming bakuran." sabi ni Nay Remedios at tsaka namang tumango si Timothy.
Umalis na rin si Nay Remedios ngunit bago pa siya makalabas ay tumingin muna siya sa akin. Mga tingin na nagpapahiwatig na totoo at dapat sundin ang mga sinasabi ng espirito ng Puno de Orasa. Napalunok na lang ako at agad nakaramdam ng kakaiba. Ba't bigla akong kinabahan?
Bago pa naglaho ang Puno de Orasa sa aking paningin ay may sinabi pa siya sa akin na nagpatigil sa aking kinatatayuan.
"Hinihiling ko na magtagumpay kayo sa inyong misyon, Florabelle. Ngunit paalala ko lang sa'yo ay huwag mo munang sabihin ito kay Timothy at kailangan mo rin siyang bantayan dahil may kutob ako na baka ginagamit siya ni Helena. Kung gusto mo siyang iligtas ay kailangan mong sundin ang aking mga sinasabi."
**********
Kinabukasan ay bigla na lang ako naalimpungatan mula sa aking pagtulog. Agad akong bumangon at dumiretso sa harapan ng salamin upang suklayin ang mahaba kong buhok. Lumalalim na rin ang aking mga mata dahil sa matinding kakaisip kagabe. Sa totoo lang hindi ako nakatulog nang maayos.
Pagkatapos 'nun ay agad na akong lumabas mula sa aking silid at sinalubong si Diday na masayang naglilinis ngayon ng salas.
"Magandang umaga, binibining Anastasia!" bati niya. Ngumiti na lang ako sa kaniya bilang tugon. Siya lang 'ata ang tumatawag sa akin na Anastasia. Alam niya kaya ang totoong pagkatao ni Nay Remedios? O baka isa rin siyang diwata na nagpapanggap bilang isang tao?
"Nasaan nga pala si Timo?" tanong ko habang nakatingin sa kung saang direksiyon upang hanapin si Timothy.
"Umalis po siya kanina lang dahil kailangan niya pang mag-ulat sa heneral nang maaga tungkol sa ginawa nilang misyon sa Timog." tugon ni Diday habang may hawak na pampunas sa paglilinis. Tumango naman ako sa kaniyang sinabi at muling bumalik sa aking kuwarto upang kunin ang aking salapi at dali-dali namang lumabas na muntikan na ring hindi nagpaalam kay Diday.
"Saan po kayo pupunta?"
"Bibili lang ng pandesal, Diday. Babalik din naman ako." sabi ko naman ngunit bago pa ako humakbang ay agad naman siyang nagsalita.
"Teka lang, magbihis ka muna binibini. Naka bestida kasi kayo." sabi niya at agad bumalik sa aking isipan na dapat wala palang nakakaalam na isa akong babae. Napasampal na lang ako sa noo at dali-daling bumalik sa aking silid upang magbihis na panglalake.
Alas sieta na ng umaga at makikitang maraming tao ang naglalakad papunta sa kani-kanilang pupuntahan. Umihip ang malamig na hangin habang ako'y naglalakad sa lupang daanan hanggang sa dinala na ako ng aking mga paa sa isang sikat na panaderia ng barrio. Pagkatapos kong bumili ay agad nahagip ng aking paningin sa lalaki na nakasuot ng pulang kamiso at itim na pantalon.
Bumili na rin siya ng pandesal at agad nagbayad sa aleng nagtitinda. Dahan-dahan naman akong humakbang papaalis habang nakasilip pa rin sa lalakeng 'yun. Nakita ko naman na kinuha na niya ang nabili niyang pandesal at dali-daling umalis. Mukhang nagmamadali 'ata siya.
Agad ko naman sinundan ang lalakeng 'yun ngunit kailangan hindi niya ako mahalata. Sinundan ko siya patungo sa makitid na daan na nasa kabilang kanto ng panaderia hanggang sa nadala na lang ako ng aking mga paa sa isang malaking bodega.
Nagtago muna ako sa likuran ng mga malalaking bariles habang sinisilip pa rin ang lalakeng 'yun papunta sa loob ng bodega. Nang pumasok na ang lalake sa loob ay agad din akong sumunod sa kaniya. Dahan-dahan akong umidlip sa pintuan na hindi pa nasarado kaya 'nang tumingin ako sa loob ay masyado itong madilim at marami akong nakikitang mga bariles at malalaking kahon.
Nang makita ko na wala namang tao sa loob ay agad akong pumasok at sinundan ang lalakeng 'yun. Ngunit hindi ko na alam kung nasaan siya ngayon. Ba't ba kasi ako sumunod? Hindi ko alam kung bakit ko siya sinunsundan baka ito pa ang magpapahamak sa akin ulit.
Lilisan na sana ako ngunit may narinig akong boses na nagpatigil sa akin. Ang boses ay nanggaling mismo sa pinakaloob. Napalunok na lang ako at agad sinundan ang boses na 'yun. Habang dahan-dahan akong lumalapit 'dun ay unti-unti namang lumalakas ang kaniyang boses. Parang gusto kong pigilan ang aking sarili at umalis na lang ngunit pakiramdam ko ay parang otomatikong naglalakad ang aking mga paa. Ano ba ang gusto mong ipapakita sa akin Florentina?
"Ba't ngayon ka lang dumating?" rinig ko sa isa niyang kasamahan.
Nagtungo ako sa likuran ng mga malalaking kahon at nagtago 'dun. Agad akong umidlip sa kanila at nakita ang limang kalalakihan na nakaupo sa mga bariles. Tanging isang lampara ang nagsisilbi nilang liwanag sa loob na nakapatong sa maliit na mesa.
"Bumili lang ako ng pandesal para sa ating agahan. Maya-maya ay dumating na rin siya." sabi naman ng lalake na aking sinunsundan kanina at nakitang nilapag ang dala niyang supot sa mesa. Agad naman silang nag-unahang kumuha ng pandesal at kinain na parang mga gutom.
"Ano ba ang kailangan niya sa atin?" rinig ko sa isa habang ningunguya ang kinaing pandesal.
"Hindi ko alam. Baka may ipapagawa na naman sa atin."
Mga ilang minuto na rin ang nakalipas ay may narinig akong mga yapak papunta sa aking direksiyon. Agad naman akong na-alarma at lumipat ng ibang matataguan upang hindi ako makita. Unti-unting lumalakas ang mga yapak nito hanggang sa umidlip muli ako sa aking pinagtataguan.
May dala siyang lampara at nakasuot ng itim na talukbong. Hindi ko maaninag ang kaniyang mukha dahil masyado siyang malayo mula sa aking pinagtataguan. Ngunit patuloy pa rin akong nagmamasid sa kaniya hanggang sa binati na siya ng mga lalakeng 'yun sa kaniyang pagdating.
"Magandang umaga. Mabuti dahil nandito na kayo ngayon." bati niya at agad tumikhim dahilan upang mapatayo ang mga kalalakihan sa kaniyang harapan. Mukhang hindi maganda ang aking pakiramdam. Parang narinig ko na dati ang kaniyang boses. Agad naman niyang ipinatong ang dalang lampara sa ibabaw ng bariles na malapit sa kaniya at hinarap sila gamit ang seryoso nitong mukha.
"Tinipon ko kayo muli upang pag-usapan ang balitang nagpagulat sa ating lahat. Ang balitang buhay pa pala ang anak ni Don Samuel na si Florentina Morcillo. Puwede mo bang ibahagi sa amin tungkol dito, Paterno?" rinig kong boses mula sa kaniya. Nakatalikod pa rin siya sa akin habang kaharap ang mga kalalakihang 'yun. Hindi ko alam ang magiging reaksiyon ko habang nakaidlip pa rin sa kanila.
"Alam kong hindi kayo maniniwala ngunit kahapon ay nakita mismo ng aking mga mata ang babaeng 'yun. Totoong buhay pa ang senyorita!" kuwento ng lalaking nagngangalang Paterno. Agad namang tumulo ang malamig kong pawis habang nakasilip pa rin sa kanila. Ito na nga ang kinatatakutan ko. Talagang mangyayari na ang hindi ko inaasahan!
"Tama ang sinabi ni Paterno. Buhay si Florentina Morcillo at sa pagkakataong ito ay nandito siya nagtatago sa ating barrio. Matagal na akong nagdududa sa taong 'yun ngunit tama nga ang aking hinala."
"Sino ang iyong tinutukoy?" kunot noo namang tinanong ng isang lalake ngunit agad na rin siyang yumuko nang tumingin sa kaniya ang lalakeng nakatalukbong.
"Makinig kayong mabuti. Kayong anim ay inuutusan kong hanapin siya sa lalong madaling panahon." at agad may ibinigay na papel sa kanila dahilan upang magtaka naman ang mga lalakeng 'yun.
"At sino naman ang ginoong 'to?" rinig kong tanong ng isa habang may sinisilip sa papel na 'yun. Nang dahil sa sinabi niya ay agad akong nakaramdam ng kaba at mukhang nanginginig na rin ang aking mga tuhod. Mukhang napako ako sa aking kinatatayuan.
"Sino ba 'tong tao na ito, koronel?" tanong ng isa pang lalake dahilan upang mapatingin silang lahat sa lalakeng nakatalukbong.
Ngunit bago pa masagot ang kanilang katanungan ay agad namang hinubad ng lalakeng 'yun ang kaniyang talukbong dahilan upang mabigla at matulala ako sa aking nasaksihan.
Ipinatong niya ang kaniyang talukbong sa mesa at agad inayos ang kaniyang uniporme. Nakasuot siya ng abrigo't pantalon na kulay abo at botas na kulay itim. May nakasabit din na espada sa kaniyang bewang at isang pistol na nasa kabila. Lahat ay naghihintay na sa kaniyang kasagutan kaya agad na siyang nagsalita.
"Ang larawang 'yan ay walang iba kundi si Florentina. Nagpapanggap siya bilang isang lalake upang hindi natin siya matunton. Kaya kumilos na kayo at hanapin siya kung gusto niyong mapaaga pa ang inyong gantimpala galing sa ating pinuno!" ngisi niya dahilan upang ngumisi na rin ang mga lalakeng kaharap niya.
Nang humarap siya sa direksiyon kung saan ako nagtatago ay agad akong yumuko ngunit patuloy pa ring umiidlip sa kanila. Mas lalong kumabog nang malakas ang aking puso nang makita kung sino ang lalakeng nakatalukbong kanina. Napatakip na lang ako ng aking bibig habang nanginginig ang aking buong katawan dahil sa aking nasaksihan.
Ang taong pinagkakatiwalaan ng karamihan ay isa pa lang alagad ng aming kalaban. Wala kaming kamalay-malay na matagal na pala niya kaming pinagmamasid at pinaniniwala na isa siyang tapat na opisyal. Hindi ko inaasahan na ang taong 'yun, ang taong sinasabi nilang espiya ng mga moros ay walang iba kundi ang kanang kamay ng heneral, si koronel Pandacan.
Hindi ako nakapagsalita dahil sa aking mga nalalaman. Tuluyan nang natuyo ang aking nilalamunan at basa na rin ang aking pisngi dahil sa luhang tumutulo mula sa matang puno nang pagkadismaya at takot. Bakit sa dinami-dami ng taong 'yun ay siya pa? Hindi ko akalaing pinaikot-ikot niya ang aming diwa at pinaniniwala na isa siyang kaanib.
Mukhang hindi maganda ang naging pakiramdam ko ngayon kaya napagdesisyunan kong umalis na lang at sabihin ang lahat kay Konrad. Ngunit paano ko naman ito sasabihin sa kaniya? Maniniwala ba siya sa akin?
Dahan-dahan na akong tumayo mula sa aking pinagtataguan habang nakatalikod pa rin sila sa akin. Maingat kong inangat ang aking mga paa upang humakbang na walang ingay. Kahit na medyo madilim ay sinikap ko pa ring tumingin sa aking dinadaanan. Muli akong lumingon sa kanila upang malaman kung nakatalikod pa rin sila sa akin. Mabuti na lang dahil patuloy pa rin silang nag-uusap.
Nang humarap na ako sa aking dinadaanan ay hindi ko akalaing bumangga na pala ako sa mga nakahilerang kahon na nasa aking harapan dahilan upang mahulog ang isa at gumawa ng malakas na ingay. Napapikit ako sa mga sandaling 'yun dahil alam kong malalagot ako sa oras na malaman nilang nandito ako.
"Sino 'yan?!" rinig kong boses mula kay koronel Pandacan dahilan upang tumakbo na ako palabas ng bodega.
"May nakapasok! Habulin siya!" sigaw naman ng isa dahilan upang mas lalo kong binilisan ang aking pagtakbo. Takbo ako nang takbo kahit may nakabangga pa akong mga bagay sa aking dinadaanan hanggang sa napahinto na lang ang aking mga paa nang hinarang ako ng lalake habang may itinutok itong pistol sa akin.
"Binibining Anastasia!!" rinig kong sigaw mula kay Diday na nasa labas na aking ikinabigla.
"Diday! Nay Remedios!" sigaw ko habang nakikita silang ginuguyod ng mga iba pang kalalakihan papunta sa aking harapan. Hindi ko naintindihan. Bakit naman sila hinuhuli? Wala silang kasalanan!
"Anastasia?!" at agad humalakhak nang sarkastiko itong si koronel Pandacan habang may itinutok itong pistol sa aking gilid. Napalunok na lang ako at agad itinaas ang aking mga kamay sa ere.
"Hindi ko alam na marunong ka palang magpanggap na ibang tao, binibining Florentina." ngisi niya habang unti-unti na itong humarap sa akin. Nakita ko naman ang reaksiyon ni Diday na parang gulat na gulat sa kaniyang narinig habang si Nay Remedios naman ay nanatili lang itong nakayuko. Ginapos na rin sila ng mga lalakeng 'yun ni hindi man nilang nagawang sumigaw o lumaban dahil natatakot silang barilin ng mga ito. Tiningnan ko nang matalim ang koronel, bagay na dapat niyang malaman na kinasusuklaman ko siya ngayon.
"Isa kang napakalaking demonyo! Pinaniwala mo kaming lahat!" sigaw ko ngunit agad naman akong umatras nang inilagay niya ang pistol nito sa aking leeg.
"Hinay-hinay lang sa iyong sinasambit, binibini." ngisi niya na talagang nagpapakulo sa aking dugo.
"Mukhang tinugon ng kapalaran ang ating kahilingan mga kapatid. Nandito na rin sa wakas ang ating hinahanap." dagdag niya at agad inalis ang aking sumbrero dahilan upang malaglag ang mahaba kong buhok.
"Magbabayad ka sa ginawa mo!-------"
"Sa tingin mo ba'y makakaalis ka rito upang isumbong mo ako sa heneral mong uto-uto at ubod ng hambog? Pasalamat siya dahil naging paborito siya ng mga nakakataas sa Espanya dahilan upang ibigay sa kaniya ang ganung kataas na ranggo. Kaya manalangin ka na dahil dito na rin magtatapos ang iyong buhay!" sabi niya at agad diniin ang kaniyang pistol sa aking leeg dahilan upang manginig ako sa takot.
"Huwag! Huwag mong gawin 'yan!!" rinig kong sigaw ni Diday habang nagpupumiglas ito. Agad naman siyang nilingon ng koronel at mabilis na sinampal sa pisngi na aking ikinagulat. Natumba si Diday sa kaniyang kinatatayuan habang umiiyak ito. Humagulgol naman sa takot si Nay Remedios habang nagmamakaawa ngunit hindi siya pinansin ng koronel.
"Uunahin ko muna ang pusang 'to..." ngisi niya at tsaka kinalabit ang gatilyo upang barilin si Diday. Bumilog naman ang aking mga mata sa kaba kaya agad na akong tumakbo upang agawin sa kaniya ang pistol. Patuloy pa rin akong lumalaban sa koronel hanggang sa dumaplis ang aking kamay sa kaniyang braso dahilan upang may nakita akong imahe na pamilyar sa akin.
Isang bungo na may crossed-bones at nakatihayang cresent moon.
Napatulala ako sa mga sandaling 'yun at tuluyang bumagsak sa lupa. Tunay ngang espiya si koronel Pandacan. Ba't ginawa niya ang mga bagay na ito kahit alam niyang maraming tao ang maaaring mamamatay kapag nasa kamay na ito ng mga moros? Ano ang gusto niyang mangyari?
"Mukhang nagulat ka sa nakita mo, binibini..." rinig ko mula sa kaniya at agad itinago ang kaniyang tatu sa loob ng damit.
"Naniniwala kana siguro na ako ang hinahanap ninyong espiya ng mga moros. Pero bago niyo pa ako isumbong ay nararapat na mamatay muna kayo mula sa aking kamay!" nanlilisik na ngayon ang kaniyang mga mata habang tinutukan kami ng kaniyang pistol. Hindi rin ako makagalaw sa aking kintatayuan bagamat may mga nakatutok din sa aking mga armas na nasa aking likuran.
"Ako lang naman ang kailangan mo 'di ba? Palayain mo sina Diday at Nay Remedios!" sigaw ko ngunit agad akong pumiyok.
"Wala akong balak na palayain sila. At tsaka maganda siguro na mapapanood ka nilang mamatay, hindi ba?" at agad naman siyang humalakhak na parang isang demonyo sa aking harapan. Tiningnan ko ulit siya nang masakit na mas lalo niyang ikinaiinisan. Ngunit sa likod ng aking katapangan ay may nakakubling takot at pangamba.
"Talagang matapang ka. Ngunit hanggang dito na lang ang iyong katapangan,binibini!" sabi niya at agad inilagay ang pistol sa aking noo. Mas lalong nanginginig ang buo kong katawan sa kaba at takot dahil sa sinabi niya. Talagang desidido siyang patayin ako.
"HINDI-------"
"Huwag! Alam ko kung nasaan matatagpuan ang libro!!" rinig kong sigaw ni Nay Remedios dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.
"Alam ko kung nasaan ang La Vida Parroquial." mahinahon niyang sambit dahilan upang mapatingin ako sa kaniya. Agad na ring tumigil ang koronel at tumingin na rin sa kaniya.
"Aaanhin naman namin ang librong 'yun matanda kung nandito naman ang aming hinahanap." ngisi naman ng koronel at agad ibinaba ang pistol nito.
"Hindi ba pinapahanap sa inyo ng inyong pinuno? Tiyak na makakuha kayo ng maraming salapi kapag nakita niyo 'yun." sabi naman ni Nay Remedios at agad napatingin sa akin. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang iparating. Ba't napasali dito ang librong 'yun?
Nakita ko naman na lumapit ang isa niyang kasamahan sa kaniya at agad may ibinulong. Bigla namang nagulat 'tong si koronel sa ibinulong nito at agad napatingin kay Nay Remedios.
"Akala mo ba'y makakalaya kayo 'nang dahil sa sinabi mo matanda? Puwes samahan niyo kami na hanapin ang librong sinasabi mo!" matigas na sinabi ng koronel at agad sinensiyahan ang kaniyang kasamahan na gapusin kami at takpan ang aming mga bibig upang hindi kami gumawa ng kahit anong ingay.
**********
Naalimpungatan ako bigla galing sa aking pagtulog. Nakatulog ako sa loob ng karwahe habang nakagapos ang dalawa kong kamay na nasa likuran at may nakataling tela sa aking bibig. Dahan-dahan akong napatingin sa aking gilid at nakita ngayon sina Diday at Nay Remedios na nakatulog din.
Agad akong tumingin sa maliit na bintana na nasa aking itaas ngunit hindi ko naman magawang lumuhod upang makita kung nasaan kami. Patuloy pa ring umaandar ang sinasakyan naming karwahe hanggang sa natumba na lang ako 'nang biglang dumaan kami sa mabatong daanan. Malakas ang pagbagsak ko sa aking inuupuan kaya medyo nanakit na ang aking puwetan.
Mga ilang munuto na rin ang natapos at sa wakas ay agad na ring tumigil ang karwahe. Agad na rin akong lumingon kina Nay Remedios at Diday na mukhang kagigising na rin. Pupuntahan ko sana sila sa sulok ngunit bigla namang may bumukas ng pintuan at niluwa nito ang tatlong kalalakihan na akala mo'y kakatayin kami na parang mga hayop.
"Mabuti na lang dahil gumising na rin kayo!" salubong ng lalake sa amin at agad kaming pinalabas mula sa loob ng karwahe. Hinihila nila kami papalabas 'dun hanggang sa may nakita ako na talagang pamilyar sa akin. Tumigil ako sandali habang pinagmamasdan 'yon. Talagang inaalala ko pa kung saan ko nakita ang lugar na 'to ngunit agad akong natigilan 'nang hatakin ulit ako ng lalake. Bakit nandito kami ngayon sa abadiya?
Napatigin naman ako kina koronel na nasa aming harapan at agad pinutukan ang lumang kadena na nakakabit sa buslo ng malaking pintuan upang bumukas ito. Nang matapos 'yun ay agad na rin silang tumuloy at sumunod na rin kami sa kanila.
Madilim ang loob ng abadiya kaya agad naman nilang sinindihan ang mga nakasabit na sulo sa bawat dingding. Malawak ang nasa loob nito at may nakikitang imahe ng diyos na nasa sentro nito. Maalikabok at maraming supot ng mga gagamba ang makikita sa paligid. May mga parte ring nasira at kinain noon ng apoy.
Dahan-dahan naming tinahak ang hagdan pababa hanggang sa may sumigaw mula sa aking likuran na amin namang ikinabigla.
"Anong nangyari Paterno?" gulat na sinabi ng koronel at agad tiningnan si Paterno sa likuran na takot na takot habang itinutok ang kaniyang pistol sa sahig.
"Hindi ko alam ngunit bigla na lang may dumaan sa aking dinadaanan!" sabi niya habang nanginging sa takot.
"Ano ba naman-----" hindi na natapos ni koronel Pandacan ang kaniyang sasabihin dahil may narinig kaming malakas na ingay mula sa aming gilid. Agad nilang tinutukan ng baril kung saang may nahulog na bagay na aming ipinagtataka ngunit bigla na lang may sumulpot na puting daga mula sa bagay na iyon.
"Mukhang natatakot si Paterno sa mga daga, koronel." tawa ng isa hanggang sa nakitawa na rin ang lahat maliban sa kaniya.
"Hindi 'yun daga ang nakita ko kanina!"
"Eh, ano? Multo? Kululuwa ng madre ba ang nakita mo kanina?" panunukso nila ngunit agad naman silang natigilan 'nang tumikhim ang koronel at tiningnan sila 'nang matalim.
"Magpatuloy ulit tayo." malamig niyang sinabi kaya agad na rin akong hinila upang sumunod na sa kanila.
Hindi ko alam kung saan kami dadalhin ng mga lalakeng 'to ngunit bigla kaming tumigil sa tapat ng malaking pintuan. Agad na ring sinensiyahan ng koronel ang kaniyang kasamahan na tanggalin ang tela na nasa aming bibig. Una nilang tinanggal ang kay Nay Remedios sumunod naman ang kay Diday at ako ang panghuli.
"Tanda, talaga bang nandito sa loob ng silid aklatan ang sinasabi mong libro?" tanong sa kaniya ng koronel habang may bitbit itong sulo.
Tiningnan lang siya ni Nay Remedios at agad nagsalita. "Oo."
"Kapag nalaman kong wala rito ang librong 'yun ay alam mo na kung ano ang mangyayari sa'yo." pagbabanta nito at agad sinensiyahan ang kaniyang kasamahan na buksan ang pintuan ng silid-aklatan.
Katulad ng aming nakikita ay madilim ang buong paligid. Tanging mga sulo lamang ang nagsisilbi naming liwanag sa loob. Pagpasok namin ay agad akong napanganga dahil sa lawak at laki ng silid-aklatan. May mga parte ring nasira at natupok ng apoy ngunit hindi mo akalaing may mga libro pang natitira.
"Tanda, ituro mo kung nasaan ang libro." rinig ko mula kay Koronel.
"Hindi ko na problema 'yun. At tsaka mahahanap niyo naman ang libro dahil dito lang 'yun nakakubli sa paligid." sabi ni Nay Remedios dahilan upang mainis sa kaniya ang lalakeng humihila sa kaniya.
"Tarantadong matanda 'to ha." sabi niya at agad sanang tutukan ng pistol ngunit nagsalita ulit ang koronel.
"Itali niyo ang tatlong 'yan sa poste at hanapin ang libro!" sabi ng koronel na talagang ikinabigla nilang lahat.
"Malaki ang silid-aklatan, koronel. Paano natin mahahanap 'yon?" reklamo ng isa.
"Kaya nga hahanapin natin, hindi ba? Bilis, itali niyo na sila sa poste!" hindi na rin sila nagsalita sa koronel at agad sinunod ang utos nito.
Mabilis nila kaming itinali sa poste at agad na rin silang nag-umpisang hanapin ang libro. Naghiwa-hiwalay sila sa paghahanap. Ang iba ay nagtungo sa itaas at ang iba naman ay dito naghahanap ng nasabing libro. Hindi ko na alam ang aking gagawin. Gusto kong makatakas ngunit parang may ano akong nararamdaman na hindi ko alam.
At ang isa pa, paano nalaman ni Nay Remedios na nandito ang libro? Bakit niya sinabi sa kanila na nandito ang libro? Maraming akong katanungan sa aking isipan at gusto kong malaman ang kasagutan mula sa kaniya.
Agad akong sumulyap kay Nay Remedios at nakitang yumuyuko ito na nakapikit. Gusto ko sana siyang makausap ngunit mukhang napagod siya sa aming paglalakad. Napabuntong hininga na lang ako at agad yumuko na rin. Mukhang napagod na rin ako sa aming paglalakad mula kanina. Ngunit agad akong napatingin sa kaniya 'nang magsalita.
"Flor, hija. Makinig ka. Mamayang gabi ay agad ka nang kumilos upang hanapin ang libro na tinutukoy ko. Ang lahat ng iyong katanungan ay masasagot kapag nakita mo na ang librong 'yun." bulong niya na aking ikinagulat.
"Pero saan ko naman makikita ang libro? Masyadong malawak ang silid-aklatan."
"Wala rito ang libro. Ngunit matutulungan ka ng aking kaibigan kung nasaan ang libro."
"Kaibigan?"
"Oo. Matutulungan ka ng puting daga upang hanapin ang libro."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro