Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 31

[Kabanata 31]


"TASYO!!" rinig kong boses mula kay Konrad kaya agad akong sumulyap sa kaniya sa mga sandaling 'yun.

Nakita ko naman ang paghampas niya ng kaniyang espada sa kalaban dahilan upang inalis niya ang kaniyang paningin sa akin. Mainit ang kanilang labanan. Puro hampasan ng espada ang kanilang ginagawa hanggang sa nasaksak na ni Konrad ang kaniyang espada sa kalabang moros at tuluyan na itong bumagsak sa buhangin.

Kahit na malayo na ako sa kaniya ay kitang-kita ko pa rin ang kaniyang mukha na puno ng galit at pangamba. Agad na rin siyang nagpalinga-linga sa paligid hanggang sa magtama ulit ang aming paningin.

"KONRAAAAAD!!!!" sigaw ko habang tinatangay pa rin ako ng kabayong 'to papalayo sa kanila. Pilit ko pa ring pinapatigil ang kabayo ngunit hindi ito tumitigil.

Sa kasamaang palad ay bigla na lang akong nakaramdam ng hapdi at sakit sa aking braso. Napa-aray na lang ako at nakita na may sugat na pala sa aking kaliwang braso. Dumudugo na ito at talagang nalalalaytay ang sakit nito papunta sa aking balikat.

Napalingon ako sa mga oras na 'yun at nakita na may sumusunod sa akin na mga moros habang pinuputukan nila ako ng mga dala nilang maskit. Patuloy pa rin ako sa pagpapatakbo ng kabayo hanggang sa napunta na rin kami sa loob ng kagubatan.


Third Person POV

"Konrad nasaan si Tasyo?!" pag-aalala ni Theodore habang nakasakay ito sa kabayo ni Danilo.

Hindi naman makasagot si Konrad dahil nakipag-espadahan pa ito sa bagong kalabang moros. Walang alinlangan namang binaril ni Theodore ang kaniyang kalaban dahilan upang humandusay ito sa kaniyang harapan.

Nabigla 'ata si Konrad sa kaniyang ginawa ngunit bakas sa kaniyang mukha ang pasasalamat sa kaibigan.

"Sana'y ginawa mo na 'yun kanina pa." wika ni Konrad at agad na itong pinuntahan si Theodore.

"Nasaan na si Tasyo?"

"Tinangay ng iyong kabayo si Tasyo kaya kailangan natin siyang sundan." wika ni Konrad habang sasampa na sana sa kabayo ni Danilo ngunit pinigilan lang siya ni Theodore.

"Dito ka lang, Konrad. Kami na lang ni Danilo ang bahala na sumunod kay Tasyo. Mas kailangan ka ng iyong hukbo." suhestiyon niya dahilan upang tumango na lang si Konrad sa kaniya.

"Kayo na ang bahala." sabi na lang ni Konrad at agad bumalik sa pakikipaglaban niya sa mga moros. Kahit na kalahati ang kanilang bilang kung ikukumpara sa mga moros ay hindi ito naging sabagal upang sukuan sila. Kung tutuusin ay mas marami silang pinabagsak na mga moros na ngayon ay nakahandusay ang mga ito sa puting buhangin.

"Theodore!" sigaw ni Danilo sa kalayuan habang tumatakbo ito papunta sa kaniyang direksiyon. Taranta itong tumatakbo habang sinusundan ito ng dalawang moros na may bitbit na kris upang paslangin siya.

"TULONG!"

"Kalabanin mo!" sigaw sa kaniya ni Theodore habang tinatanaw ang kaibigan na talagang nangangamba sa kaniyang sitwasyon.

"Wala na akong bala!" sigaw naman niya pabalik sa kaibigan. Napailing-iling na lang si Theodore sa kaniyang kaibigan at agad itinutok ang kaniyang maskit sa dalawang moros.

Unang tumama ang kaniyang bala sa dibdib ng kanilang kalaban kaya agad itong bumagsak at nakatihaya sa buhangin. Nakita naman 'yun ni Danilo at agad ngumiti sa kaibigan. Agad ulit itinutok ni Theodore ang kaniyang maskit sa isa pang moros at agad naman itong tumama sa balikat dahilan upang madapa ito at mawalan ng buhay. Ngumisi na lang si Theodore sa kaniyang ginawa at agad sinalubong ang kaniyang kaibigan na hapong-hapo sa kakatakbo mula sa mga kalaban.

"Pambihira naman Danilo. Ba't ka pa nauubusan ng bala at tsaka nasaaan naman ang iyong espada?" kunot noo namang sinabi 'yun ni Theodore. Hindi naman sumagot si Danilo dahil humihingal pa rin ito sa kaniyang tapat. Napahawak na lang siya sa kaniyang dibdib animo'y naghahanap ng hanging malalanghap.

"Na...i...wan..ko..." hingal niya.

"Naiwan saan?"

"Hindi ko alam....bas..ta.. naiwan ko 'dun..." hingal niya ulit at agad tumayo nang tuwid upang sumampa na. Napakamot na lang si Theodore sa kaniyang batok at agad inalayan ang kaibigan sa pagsampa sa kabayo.

"O, heto." sabi ni Theodore habang ibinigay ang kaniyang maskit sa kaibigan.

"Huwag mag-aksaya ng bala, kaibigan. Kahit anong mangyari ay kailangan mong makatama sa kalaban." dagdag niya at agad namang kinuha 'yun ni Danilo.

"Naintindihan ko Theodore. Ano na ang gagawin natin?" tanong naman ni Danilo habang inaayos ang kaniyang pagkakaupo sa likuran.

"Kailangan nating iligtas si binibining Florentina. Kapag nalaman ng mga moros na buhay pa siya ay tiyak na hindi silang magdadalawang isip na papatayin ito. Kailangan nating magmadali!"

Sinusundan pa rin si Florabelle ng mga moros habang tinatahak pa rin nila ang kagubatan. Walang kaalam-alam si Florabelle sa kaniyang tinatahak basta't alam niya sa kaniyang sarili na kailangan niyang umiwas at hindi magpapahuli sa mga ito.

Hindi pa rin niyang maiwasan ang matinding sakit dulot ng isang balang tumama sa kaniyang kaliwang braso kanina. Patuloy pa rin itong dumudugo at bumabagsak sa kaniyang dinadaanan. Nakaramdam na rin siya ng panghihilo ngunit hindi ito alintana sa kaniya dulot ng matinding takot at kaba.

"TIGIL!!!" sigaw ng moro sa kaniya ngunit patuloy lang siyang nagpapatakbo sa kabayo. Kung kanina ay pinapatigil niya ang kabayo puwes ngayon naman ay sumusunod na siya sa kagustuhan ng kabayo na umalis mula sa mga nagbabantang mga moros.

Habang nagpapatakbo ng kabayo ay hindi maiwasang kumabit ang kaniyang sumbrero sa sanga ng punong dinaanan niya dahilan upang malaglag ito at bumagsak ang mahaba nitong buhok. Agad naman siyang nagulat ngunit hindi niya ulit 'yun alintana at patuloy pa rin ito sa pagpapatakbo ng kabayo.

Mukhang nagulat naman ang mga moros sa kanilang nasaksihan at agad pinatakbo ang kabayong ginamit upang malaman kung sino nga ba ang taong nakakubli sa sumbrerong 'yun.

"Isang babae!" bulalas naman ng isa. Narinig 'yun ni Florabelle kaya agad siyang napalingon at nagulat dahil mukhang nakakalapit na ang mga moros sa kaniya.

"Tulungan niyo po ako panginoon." panalangin niya habang nakahawak ito nang mas mahigpit sa renda ng kabayo. Paglabas nila ng kagubatan ay laking gulat niya dahil sumalubong sa kaniya ang bangin dahilan upang itigil ang kaniyang kabayo sa pagpapatakbo. Tumigil na rin ang mga moros na nasa kaniyang likuran at agad itinutok ang mga dala nilang mga maskit.

"Wala ka nang kawala kaya sumama ka na sa amin!" sigaw ng moro. Hindi pa rin lumingon si Florabelle sa kanila ngunit dahan-dahan niyang itinaas ang kaniyang kamay sa ere dahil sa matinding takot na baka siya'y baralin.

Wala na siyang kawala pa sa mga moros. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin sa oras na malaman nilang buhay pa siya. Hindi niya maisip na ang araw na ito ay ang kaniyang magiging katapusan.

Hindi pa siya handang mamatay. Marami pa siyang dapat gawin dito. Marami pa siyang dapat matuklasan tungkol sa katauhan at may kaugnayan kay Florentina na maaari nilang gamitin upang mailigtas ang Sta. Rosita. Ngunit malabo nang mangyari 'yun. Hindi siya nagtagumpay sa kanilang misyon ni Timothy. Tinaggap na lang niya ang kaniyang kabiguan pati na rin ang kaniyang kamatayan.

"Bumaba ka riyan!" utos ng isang moro kaya wala rin siyang alinlangang bumaba sa kabayo. Bumaba na rin ang mga moros sa kanilang mga kabayo at agad pinuntahan si Florabelle upang dakpin ito.

Yumuko na lang si Florabelle habang nakababa na sa kabayo. Agad na rin siyang hinuli ng mga ito at walang alinlangang hinawakan nang mahigpit ang kaniyang mukha upang harapin ang mga ito. Mukhang nagulat ang ilan sa kanilang nasaksihan at ang iba'y hindi pa naniwala sa kanilang nakita.

"Imposible!"

"Paano ito nangyari? Akala namin ay patay na ang babaeng 'to?"

Agad naman tiningnan ni Florabelle ang mga moros na nasa kaniyang harapan at walang anu-ano'y nilunod siya ng kaniyang diwa sa mga pangyayari noon. Ang araw kung saan siya binaril at pinatay habang nasa kamay pa siya noon ng mga moros. Isang memorya ang sumulpot bigla sa kaniyang isipan habang hinahabol siya noon ng mga moros.

Natatandaan niya noon na ang ilan sa mga humahabol sa kaniya noon ay sila rin ang humahabol sa kaniya ngayon kaya ganun na lang ang kanilang reaksiyon nang malaman nilang buhay pa siya. Nakangisi ang mga ito habang sinusundan siya bitbit ang kani-kanilang armas. Nilunod pa rin siya ng kaniyang memorya hanggang sa nakita na lang niya ang lalakeng nakatalukbong habang nakatutok ang dala niyang armas upang patayin siya nito. Hindi niya pa rin nakikita ang mukha ng lalake dahil malabo pa rin ito sa kaniyang isipan.

"Mukhang ito na ang huli nating pagkikita, binibini. Paalam..."

Agad namang nakabalik sa realidad si Florabelle pagkatapos 'nun at agad napatingin sa mga moros na nasa kaniyang harapan. Nakagapos na siya ngayon at agad hinawakan ng mga moros ang magkabila niyang braso upang hindi siya makakatakas. Sa mga oras na 'yun gusto niyang malaman kung sino ang pumatay sa kaniya. Gusto niyang malaman kung sinong tao ang nasa likod ng mga pangyayaring 'to!

"Sino ang bumaril sa akin 'nun?" mahinahon niyang wika at agad tumingin nang masakit sa mga moros. Agad namang humalakhak ang mga ito na parang mga demonyo at nakangisi sa kaniyang harapan.

"Malalaman mo rin mamaya kaya huwag kang mag-alala!" ngisi ng isa habang hinihila ang kaniyang buhok. Agad niya rin binitawan ang buhok ni Florabelle at agad hinila ang kaniyang braso upang sumama ito sa kanila. Wala nang magawa si Florabelle kundi ang sumama. Tahimik siyang umiiyak at nanalangin na sana'y dumating si Timothy upang iligtas siya.

Magsasalita na sana ang isang moro na nakahawak sa kaniyang braso ngunit laking gulat ng lahat na may tumamang palaso sa likuran ng moro na 'yun dahilan upang bumagsak ito sa lupa. Sunod-sunod namang nagliparan ang mga palaso papunta sa kanila at agad naman silang bumagsak at nakahandusay sa lupa. Nakaawang lang ang bibig ni Florabelle sa kaniyang mga natunghayan.

Agad na sana siyang tatakbo papalayo sa mga moros ngunit biglang tumigil ang kaniyang mga paa 'nang magtama ang kanilang mga mata ni Timothy sa 'di kalayuan. Nakasakay ito sa kaniyang puting kabayo habang pinapana nang walang takot ang kaniyang mga kalaban. Kasabay niya rin sina Theodore at Danilo na nasa kaniyang likuran habang nakipag-away din sa mga moros.

Nakasuot siya ng pulang abrigo na may gintong puntas, pula rin ang kulay ng kaniyang pantalon at naka botas na kulay itim. Nakasuot din siya ng malapad na sumbrero na may malalaking balahibo at may nakasabit ding espada sa kaniyang beywang. Nananatiling nakatitig sa kaniya si Florabelle sa mga oras na 'yun hanggang sa nakaramdam na siya ng pagkahilo. Patuloy pa ring umaagos ang dugo mula sa kaniyang braso kaya hindi na siya magtataka kung bakit unti-unti na siyang nahihilo.

"FLOR!"

"Timo...." bulong niya at unti-unting nararamdaman ang pagkahilo kaya napahawak na ito sa kaniyang noo.

"Timoteo, nakatakas ang isa! Hahabulin lang na------" hindi na natapos ni Theodore ang kaniyang sasabihin dahil pinutol na ni Timothy.

"Huwag. Pabayaan mo na siya. Ang importante ay ligtas na si Florentina." sabi ni Timothy at agad dumiretso kay Florabelle upang alalayan ito ngunit bago pa siya makalapit ay nakita na niyang bumagsak sa lupa si Florabelle dahilan upang mag-alala ito nang husto sa kaniya.

Agad niya itong nilapitan at niyakap si Florabelle. Nag-aalala ito nang labis sa kaniya hanggang sa napagtanto niyang duguan ito at nakita na may tumamang bala sa kaniyang kaliwang braso. Dali-dali niyang nilabas ang puting tela galing sa kaniyang bulsa at agad itinali ito sa nagduduguang braso ng dalaga.

"Theodore! Danilo! Kailangan nating bumalik sa barrio!"

Mabilis na pinatakbo ni Timothy ang kaniyang kabayo habang nasa unahan niya pinaupo si Florabelle. Nanlalamig na ito at halos mamuti-muti na ang balat dahil sa dugong lumalabas sa kaniyang sugat. Hindi na sumabay sa kanila sina Theodore at Danilo dahil kakailanganin pa sila sa pakikipagdigma laban sa mga moros.

Kuwento ni Timothy ay maaga pa siya dumating sa barrio kasama ang kaniyang hukbo mula sa Timog. Nahuli na rin ang ilang mga moros na sinalakay nila at ilan naman ay namatay dahil sa pakikipaglaban. Pagkatapos nilang ibinilanggo ang mga ito ay agad naman siyang binigyan ng isang liham galing kay koronel Pandacan na iniwan niya kahapon sa isang tenyente.


Capitan Castellana,

Kapag nakabalik ka na at binasa ito, nawa'y pagbigyan mo ako sa pabor na ito na kung puwede'y dumiretso kayo ng iyong hukbo patungo sa mga kabundukan na palagi nating dinadalaw noon. Kailangan namin ang iyong hukbo upang tulungan kami sa ekspedisyon.

Koronel Pandacan


"Ano namang klaseng tulong ang kailangan niya?" bulong niya na may halong pagod at inis. Namahinga siya nang malalim bago itinupi pabalik ang liham.

"Dumating na ba dito si Tasyo?" tanong ni Timothy at agad napatingin sa tenyente na nagbigay sa kaniya ng liham kanina.

"Si Tasyo po? Sa pagkakaalam ko'y pinasama siya ng heneral sa ekspedisyon." tugon naman ng tenyente dahilan upang magulat si Timothy sa kaniyang narinig.

"Anong sabi mo?" hindi naman makapaniwala si Timothy sa kaniyang narinig kaya napahilamos na lang ito ng kaniyang mukha. Dali-dali na rin siyang lumabas ng kampo at agad tinipon ang kaniyang hukbo upang puntahan ang hukbo ni Heneral Garcia.

Mabilis niyang tinahak ang daan patungong kabundukan para makaabot sa kanila ngunit pagdating niya ay agad niyang nakita ang dalawang lalake na pamilyar sa kaniya. Agad niyang pinatigil ang kaniyang kabayo at sinalubong sila.

"Magandang umaga Tay Pedro, Tatang Estong!" salubong niya sa mga ito kaya napatigil ang dalawang matanda.

"Ikaw na ba 'yan Capitan Timoteo?!" hindi naman makapaniwalang sabi ni Tay Pedro habang may akay-akay itong malaking kawayan sa kaniyang likuran.

"Opo. Ako po ito. Nagbabasakali lang po ako kung nakapunta na ba dito ang hukbo ng heneral?"

"Ni heneral Garcia? Oo, hijo. Nakapunta na sila dito kagabi at kaninang umaga na silang umalis." tugon naman sa kaniya ni Tay Pedro kaya napapikit na lang itosa pagkadismaya. Napabuntong hininga na lang si Timothy at agad nagpasalamat sa dalawang matanda. Agad na rin silang umalis upang puntahan ang iba pang grupo ng mga tao na nagtatago sa mga kabundukan.

Habang nakikitang umalis ang hukbo ng mga sundalo ay hindi naman maiwasang mapatitig si Tatang Estong kay Timothy. May halong pagtataka at takot ang kaniyang mukha habang nakahawak ito sa kaniyang anting-anting na nakasabit sa kaniyang leeg.

"Poong Bathala, sana'y tulungan mo ang binatilyong 'yun. Hindi ko mawari ba't may nakikita akong kakaiba."

Mga ilang oras din ang kanilang paglalakbay at sa wakas ay dumating sila sa isang lugar kung saan dumaan sila sa dalawang bangin at agad natanaw ang nagtutumpukang mga bato sa kanilang harapan. Napatigil sila saglit at agad pinagmamasdan ang mga ito.

"Paniguradong tinahak nila ang ibang ruta papunta 'run." bulong ni Timothy na may halong pag-aalala. Agad na rin niyang sinensiyahan ang kaniyang hukbo na tutuloy pa rin sila gamit ng ibang ruta kahit medyo kabado siya sa naging desisyon nito. Dahil ang dadaanan nila mamaya ay ang daan kung saan malapit sila sa baybayin, ang lugar kung saan palagi sinasalakay ng mga moros ang mga manlalakbay.

Mabilis namang pinatakbo ni Timothy ang kaniyang kabayo hanggang sa may natanaw siyang isang itim na usok sa 'di kalayuan na mas nagpapakaba sa kaniya ngayon. Hindi maganda ang naging kutob nito hanggang sa nakarating na rin sila sa pangpang ng dalampisan at nakikitang naglalaban ang mga hukbo ni Konrad sa mga moros. Hindi naman siya makapaniwala sa kaniyang mga nakikita at agad nilibot ang kaniyang paningin upang hanapin si Florabelle.

"Capitan Castellana!" tawag sa kaniya ni koronel Pandacan habang nakasakay ito sa kaniyang kabayo.

"Anong nangyayari dito, koronel?" hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang mga nakikita kahit alam niya ang mga nangyayari ngayon.

"Sinalakay kami kanina ng mga moros kaya wala kaming magawa kundi ang kalabanin sila. Mabuti na lang dahil dumating kayo!" tugon niya habang hawak-hawak ang kaniyang maskit.

Magsasalita na sana si Timothy ngunit agad nahagip ng kaniyang paningin kina Theodore at Danilo na parang may pupuntahan sila kung saan kaya agad na rin siyang umalis papunta sa kanilang dalawa. Kailangan niyang malaman kung nasaan si Florabelle.

"Saan ka pupunta Capi-----"

"Ikaw na bahala sa aking hukbo koronel! May puputahan pa ako!" sigaw nito at agad na silang iniwan upang sundan sina Theodore at Danilo na nakasakay sa kabayo. Mukhang mabilis ang pagpapatakbo ni Theodore sa kaniyang kabayo kaya mas binilisan pa ni Timothy ang kaniyang pagpapatakbo upang makahabol sa kanila.

"THEODORE! DANILO!!" sigaw nito pero hindi pa rin nila naririnig ang pagtawag nito.

Mga ilang ulit na rin niyang tinatawag ang dalawa hanggang sa lumingon na rin si Danilo sa kaniya. Agad niyang tinapikan ang kaibigan at sinabihan na sinusundan sila ng kanilang kaibigan na si Timoteo kaya agad na ring pinahinto ni Theodore ang kaniyang kabayo.

"TIMOTEO?!" gulat nilang nilingon si Timothy habang papalapit sa kanila ang kaibigan.

"Nasaan si Florentina?" agad naman sinalubong sila ng tanong ni Timothy kaya hindi naman mapigilan ni Theodore ang kaniyang bibig na sabihin sa kaniya na sinusundan din nila si Florabelle na mukhang hinahabol din ng mga moros na nasa kanilang unahan.

Wala nang preno kung magpapatakbo ng kabayo si Timothy at agad na ring nakita ang mga grupo ng mga moros sa kalayuan na mukhang may sinusundang tao na nasa kanilang harapan. Si Florabelle!

Di na maalis-alis ang kaniyang paningin sa dalaga hanggang sa naglaho na lang ito patungo sa loob ng kagubatan kasama ng mga moros.

"Timoteo, hintayin mo kami!!!" sigaw na lang ni Theodore na nakasunod sa kaniyang likuran.

Hindi na lumingon si Timothy sa kanila dahil nalulunod na ang kaniyang diwa sa kung ano man ang posibilidad na maaaring mangyari kay Florabelle. Naniningkit na ang kaniyang mga mata sa galit at agad kinuha ang kaniyang pana na nakasabit sa kaniyang balikat.


Florabelle's POV

Itim ang aking nakikita sa paligid. Malamig, pati ang sahig na aking inuupuan ay malamig din na parang isang yelo. Napayakap na lang ako sa aking sarili habang pinipilit na tumayo. Agad akong napasulyap sa aking sugat na nasa aking braso at nakitang natatakpan na ito ng puting tela. Masakit at mahapdi pa rin ang aking nararamdaman ngunit kailangan kong tiisin.

Agad naman akong nagulat nang matanaw sa malayo ang isang pamilyar na puno. Nagliliwanag ito sa gitna ng kadiliman at tumitingkad na puno ng mahika. Katulad sa mga nakikita ko noon ay unti-unti rin itong nalalagas. Halos wala nang mga dahon at bulaklak sa mga sanga nito. Dali-dali akong pumunta roon upang pagmasdan ito nang malapitan. Ang Puno de Orasa!

Nang makalapit ako 'dun ay bigla na lang may hangin na humampas sa akin dahilan upang magliparan sa aking harapan ang mga bulaklak mula sa kailaliman ng puno. Napapikit na lang ako nang dahil 'dun at agad kinuha ang mga bulaklak na nakadikit sa aking buhok.

"Kamusta, Florabelle?"

Nagulat naman ako sa aking narinig at agad nagpalinga-linga sa paligid. Boses 'ata 'yun ng isang matandang lalake. Napahawak na lang ako sa aking dibdib dahil sa kaba. May tao ba dito? Mukhang ako lang naman ang mag-isa dito.

"Florabelle, ako ito ang espirito ng Puno de Orasa!" rinig ko naman na talagang nagpagulat sa aking kinatatayuan. Teka, totoo ngang nagsasalita ang punong 'to! Sinubukan ko pang sampalin ang aking mukha na baka makakabalik pa ako sa aking pinanggalingan ngunit kahit ilang sampal pa ang ginawa ko ay nandito pa rin ako sa harapan ng punong 'to.

"Ano po ang kailangan niyo?" sabi ko na mukhang nababawasan na rin ang kaba sa aking dibdib.

"Nagpakita ako sa'yo ngayon ay dahil may mahalaga akong sasabihin sa'yo kaya makinig ka." rinig ko mula sa puno kaya agad akong lumunok.

"Ikaw at si Timothy ay pinili ng singsing upang maisakatuparan ang misyon na sagipin ang bayan ng Sta. Rosita. Ngunit hindi ko inaasahan na may masamang elemento ang naghihintay sa inyong dalawa na makakapigil sa inyong misyon." sabi niya na akin namang ikinabigla.

"Bilang isang banal na espirito ay may ipinataw akong mga batas na maaari ninyong sundin ni Timothy. Alam kong sinabihan na kayo ng aking ahente na pinangalan kong Helena." dahil sa sinabi niya ay agad kong inaalala kung may sinabi ba sa amin si Helena tungkol 'dun. Mukhang wala naman akong may maalala.

"Paumanhin ngunit wala naman may sinabi sa amin si Helena tungkol sa mga batas." sabi ko habang nakatitig sa puno.

"Anong ibig mong sabihin 'dun?" base sa boses niyang 'yun ay mukhang nagulat din siya sa aking sinabi.

"Sa pagkakaalala ko ay sinabihan niya lang kami na bibigyan namin ng buhay ang katauhan nina Florentina Morcillo at Timoteo Castellana at tsaka may sinabi rin siya na huwag ipilit ang isang bagay na hindi naaayon sa takbo ng nakaraan." tugon ko.

"Iyan ang kaniyang sinabi sa inyo?" tumango naman ako ng ilang beses pagkatapos 'nun. Mga ilang minuto rin ang pumagitna sa amin hanggang sa narinig ko ulit ang kaniyang boses.

"May dalawa akong ahente na gagabay sa inyo dalawa. Ito ay sina Helena at Remedios." dahil sa kuwento niya ay agad namang bumilog ang aking mga mata. Sa totoo lang alam ko naman na mahiwaga ang katauhan ni Nay Remedios. Ngunit napaisip ako sandali. Ibig sabihin ay posible na hindi pala siya matanda?

"Si Remedios ay ang tagapangalaga ng mahiwagang Narsiso habang si Helena naman ay ang tagapangalaga ng mahiwagang singsing. Hindi na kayo magtataka kung si Helena ang unang nagpakita sa inyo dahil ang singsing mismo ang pumili sa inyong dalawa." patuloy niya.

"Wala akong ideya kung may batas din ba ang singsing ngunit dahil kayo ang pinili ng singsing ay may karapatan pa rin kayo na malaman ang aking batas. Dahil sa oras na may lumabag kayo sa aking batas ay siya namang paglakas ng masamang enerhiya mula sa singsing na maaaring makapaglabas ng masamang elemento mula 'run. At kapag nangyari 'yun ay mukhang mahihirapan na kayong gawin ang misyon!"

Mukhang napako ako sa sinabi ng puno. Hindi ko inaasahan na may ganito pa lang mangyayari. Ngunit kung totoo man ang sinabi ng punong 'to bakit hindi kami pinagsabihan ni Helena tungkol sa mga batas? Talagang nakapagtataka.

"Ano po ba ang mga batas ng Puno de Orasa?" sabi ko kahit nanginginig na ang aking bibig dahil sa aking mga naririnig.

"Sige. Makinig ka. Mukhang wala nga kayong kaalam-alam tungkol sa batas. Ang unang batas ng Puno de Orasa ay dapat gampanan nang maayos ang katauhan na nakatalaga sa inyo. Dahil kapag nakarating ka sa lumang panahon ay wala kang magagawa kundi tanggapin ang pagkatao ng iyong gagampanan."

"Pangalawang batas ay dapat iayon ang inyong pananalita at galaw sa estado ng panahon. Ngunit wala naman ako ikinabahala 'dun dahil alam kong malakas pa rin ang presensiya ni Florentina na nanalaytay sa iyong katawan. Hindi ka na magtataka kung bigla ka na lang marunong magsalita ng malalalim na tagalog at espanyol." dagdag niya.

"At ang pangatlo at huling batas na kailangan ninyong sundin. Ay huwag magpadala sa emosyon habang ginagawa ang misyon. Bawal dalhin anumang usapin mula sa kasalukuyan at bawal na bawal banggitin ang totoo ninyong pangalan habang nananatili kayo rito sa lumang panahon. Tandaan dahil sa lumang panahon ay kayo na sina Florentina Morcillo at Timoteo Castellana at hindi sina Florabelle de Luna at Timothy Casquejo." sabi niya.

Napalunok na lang ako sa aking mga narinig. Ito dapat ang una naming malaman ni Timothy bago kami makarating dito sa lumang panahon ngunit bakit ngayon ko lang nalaman?

"Gusto kong magtapat sa'yo, hija." rinig ko at agad bumalik sa aking katinuan.

"Sinabi lang sa inyo ni Helena ang una at ang pangalawang batas. Ngunit ang huling batas ay hindi niya sinabi sa inyo. Sa totoo lang sa lahat ng batas ang pinakadelikado ay ang panghuli. Dahil kapag lumabag kayo 'dun ay siguradong lalakas ang pwersa ng masamang elemento na nakatago sa singsing." hindi ko alam kung ano ba ang aking sasabihin sa sinabi niya.

Lumabag si Timothy dahil binanggit niya ang totoo kong pangalan. Lumabag din ako dahil binanggit ko rin ang totoo niyang pangalan. Hindi ko alam na ganito pala kalaki ang aming nilabag nang dahil 'dun. Napatakip na lang ako ng aking bibig habang unti-unting tumutulo ang aking mga luha. Sa totoo lang natatakot na ako sa maaaring mangyari sa amin.

"Isa pang pagtatapat sa'yo, hija. Ang inyong pagmamahalan ni Timothy ay isa ring balakid at malaking paglabag na nasa ilalim ng ikatatlong batas."

"Ngunit nagmamahalan naman ang totoong Florentina at Timoteo----"

"Ikaw ba'y sigurado?" agad naman akong napatigil dahil sa sinabi niya. Napayuko na lang ako at napapikit sa pag-iyak. Sa totoo lang naguguluhan na rin ako sa aking nararamdaman.

"Hindi ko kayo sinisisi. Nilinlang lang kayo ng kaaway simula pa lang." dahil sa sinabi niya ay agad akong tumingala sa kaniya.

"Dalawang bagay lang ang aking nasa isip. Posibleng kinontrol ng singsing ang aking ahente o 'di kaya'y nakipagsabwatan si Helena sa masamang elemento na nandun sa singsing. Pero hindi ako naniniwala na kaya akong taksilan ng aking ahente." sabi niya.

"Kailangan mong kilalanin nang maigi ang katauhan ni Florentina. Kailangan mong malaman ang mga nangyari sa kaniya 'nung nabubuhay pa siya at kailangan mong malaman kung sino nga ba ang kaniyang napupusuan. Dahil kapag ginawa mo 'yun ay isa 'yan malaking armas at depensa laban sa masamang elemento na pumupigil sa inyong misyon!" sabi niya.

Agad naman akong tumango at pinunasan ang aking mga luha. Kailangan kong gumawa ng isang bagay na makakatulong sa aming misyon. Kailangan kong itama ang aming pagkakamali. Ngunit nang humarap ako sa puno ay unti-unti na itong lumalabo sa aking paningin agad naman akong lumapit upang hawakan ito ngunit parang hangin lang ito. Hindi ko mahawakan ang puno.

"Hinihiling ko na magtagumpay kayo sa inyong misyon, Florabelle." sabi niya habang unti-unti nang kinakain ng kadiliman.

"Sandali!!!"

"Pero ito lang ang maipapayo ko sa'yo. Kailangan mong mag-ingat. Kailangan mong kilalanin ang totoong kalaban." iyan ang huli niyang sinabi sa akin bago tuluyang maglaho sa aking harapan na parang isang bula.

Unti-unting dumidilim ang buong paligid kasabay ng aking pagkahilo sa mga oras na 'yun. Hindi ko na namalayan na bumagsak na ako sa aking kinatatayuan hanggang sa nararamdaman ko na lang na may humahawak sa aking kamay.

Dahan-dahan kong inimulat ang aking mga mata at agad nakita ang pamilyar na kisame. Medyo malabo pa ang aking paningin kaya agad akong pumikit at dumilat ulit. Napatingin ako sa taong nakahawak sa aking kamay. Yumuyko ito habang umiiyak nang tahimik. Nakaupo ito malapit sa akin. Dama ko ang mainit niyang damdamin na dumadaloy sa kaniyang palad. Hindi ko alam ang aking sasabihin dahil nilamon pa rin ako sa mga sinabi sa akin ng punong 'yun.

Agad kong nakita ang unti-unting pag-angat ng kaniyang ulo at nagulat nang makita niya akong gumising na. Nakita kong sumilay ang kaniyang mga ngiti na matagal ko nang hindi nakikita mula sa kaniya. Sa totoo lang ay nasasabik na rin akong makita siya muli.

"Kamusta kana, Flor?"

Ngiti lang ang naging tugon ko sa kaniya dahil hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniya ang lahat tungkol sa mga sinasabi sa akin ng espirito ng Puno de Orasa.

Nararamdaman ko na lang ang pagtulo ng aking luha habang nakatulala sa kaniya. Sa totoo lang napapagod na ako sa aming misyon. Masyadong komplikado ang lahat. Hindi ko na alam ang dapat gawin kung paano ba salbahin ang bayan ng Sta. Rosita.

Hindi ko naiintindihan. Ibig sabihin simula pa lang ay nilinlang na kami ng kalaban? Ibig sabihin ay tinaksilan kami ni Helena? Pero bakit? Wala ako kamuwang-muwang na may masamang elemento pala na naninirahan sa loob ng singsing. At kung tutuusin ay kami naman ni Timothy ang may kasalanan kung bakit ito lumabas dahil sa aming paglabag na batas na ngayon ko lang nalaman.

Talagang napakalaking palaisipan ito sa akin. Pero ang tanong na ipinagtataka ko, sino kaya ang masamang elemento na pumipigil sa aming misyon? Bakit niya kami pinipigilan? At ano naman kaya ang kaniyang koneksiyon sa singsing?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro