KABANATA 30
[Kabanata 30]
Naglalakad akong mag-isa rito sa lupang daanan papauwi sa tahanan ni Timothy. Mag-aalas tres na ng hapon at matirik pa rin ang sikat ng araw. Mabuti na lang dahil suot ko ang sumbrerong buri kaya hindi ako masyadong naiinitan. Hindi pa rin matanggal sa aking isipan ang mga sinabi sa akin ni Konrad kanina. Hindi ko akalaing maiisip niya ang ganoong bagay.
"Magandang gabi Nay Remedios, Diday!" bungad ko habang papasok sa kanilang munting tahanan. Dahil hindi pa rin nakakauwi si Timothy ay pansamantalang dumito muna ako upang matulog.
"Naku, hija!" gulat na sinabi 'yun ni Nay Remedios habang papunta sa akin. Ngumiti na lang ako sa kaniya at tsaka inilapag ang dala kong pansit na binili ko kanina sa merkado.
"Mukhang bagong ligo ka ngayon binibini!" ngiti naman ni Diday sa akin habang naghahanda na ito ng kanilang hapunan.
"Tamang-tama ang dating mo dahil kakain na rin kami ng hapunan." wika ni Nay Remedios at agad hinawi ang basa kong buhok na nakaharang sa aking mukha. Nakabestida ako ngayon at tsaka wala namang nagbabantay na mga guardia sibil kaya malaya akong lumabas sa tahanan ni Timothy.
Nang inilipat ko ang aking paningin sa ibang direksiyon ay agad kong napansin ang isang kakaibang tanim na nakalagay sa paso malapit sa kanilang bintana. Mukhang ngayon ko lang ito nakita. Agad ko naman 'yun nilapitan at napatitig dahil sa angking kagandahan nito. Mukhang isa itong bonsai o 'yung maliit na puno. Mayroon din itong mga magagandang bulaklak na kulay lila't rosas at ang mga dahon naman nito ay maliliit at parang hugis puso.
Teka parang kahawig ito ng Puno de Orasa!
Agad naman akong lumingon upang harapin si Nay Remedios ngunit nakita ko na siyang nakatayo sa aking likuran dahilan upang magulat ako.
"Diday, pakitingnan mo muna ang niluto kong sinigang." utos nito kay Diday kaya nakita ko naman si Diday na pumunta sa kanilang pugon. Agad na rin akong napatingin kay Nay Remedios upang malaman kung ano ba ang totoo sa likod ng bonsai na ito.
"Isa po ba itong Puno de Orasa?" panimula ko dahilan upang tumango siya sa akin nang seryoso.
"Oo. Dahil malayo na ako sa bayan ng Anillo at ng Sta. Rosita ay kailangan kong gumawa ng kahawig ng Puno de Orasa." sabi niya habang nakatitig lang ito sa bonsai. Katulad ng nakita ko dati ay unti-unti rin itong nalalagas dahil sa patuloy na pagtakbo ng oras. Ang mga munting bulaklak at dahon nito'y nakakakalat na sa ibabaw ng lamesa.
"Kailangan niyo nang kumilos, Florabelle. Hindi ako makakasigurado sa inyong kaligtasan kapag nananatili pa rin kayo rito. Hindi ko mawari ngunit nararamdaman kong nasa panganib si Timothy." sabi niya at agad tinapik ang dalawa kong balikat.
"Ano pong ibig niyong sabihin? Bakit manganganib si Timothy?" kabado kong tanong habang nakatingin pa rin sa kaniya.
"Hindi ko alam. Ngunit ikaw lamang ang makakatuklas 'nun. At kapag dumating ang oras na mangyari 'yun ay kailangan mong gumawa ng tamang desisyon ." sabi niya na mas lalong nagpapakaba sa akin. Sa totoo lang hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin. Magsasalita na sana ako kaso nakita ko nang paparating si Diday na may hawak-hawak na palayok na naglalaman ng sinigang.
"Kumain na po tayo." sabi niya at agad nilapag ang palayok sa lamesa.
Agad na rin akong sinensiyahan ni Nay Remedios na sabayan sila sa hapunan kaya agad na akong pumunta sa kanilang hapag.
**********
Florentina....
Rinig kong boses mula sa babae. Hindi ko alam kung saan naggaling 'yun ngunit parang narinig ko na ang kaniyng boses dati.
Patuloy ko pa ring naririnig ang pagtawag niya sa akin hanggang sa may nakita na akong babaeng pinapatulog ang sanggol sa kaniyang bisig. Hindi ko alam ngunit bakit paulit-ulit ko lang ito nakikita?
"Ikaw ang pinakamalaking biyaya na natanggap ko mula sa panginoon, alam mo ba 'yon?" sabi naman ng babae at agad naman niyang hinalikan ang sanggol sa pisngi. Makalipas ang ganung eksena ay agad namang pinalitan ng isang maapoy at madugong digmaan kung saan may nakikita akong mga taong nagtatakbuhan sa iba't ibang direksiyon upang salbahin ang kanilang sarili.
Nakita ko ang babae na patuloy na tumatakbo patungo sa abadiya yakap-yakap ang kaniyang sanggol ngunit sa kasamaang palad ay nakita ko siyang binaril sa kaniyang tagiliran dahilan upang lumuhod ito sa sakit at hapdi.
"Tulong!" pagsusumamo niya habang yakap-yakap pa rin ang kaniyang anak. Sa hindi inaasahan ay may nakita akong lalake na tumatakbo papunta sa kaniyang direksiyon upang tulungan siya. Dahan-dahan niyang pinaupo ang babae at agad isinandal ang ulo nito sa kaniyang dibdib. Halos duguan na ngayon ang babae at nanghihina na ito.
"Pa..patawarin mo a..ako sa aking mga ka..kasalanan..." utal ng babae.
"Pakiusap lumaban ka." nagsisimula na ring umiyak ang lalake habang hawak-hawak ngayon ang kamay ng babae.
"Patawarin mo ako sa aking kataksilan. Alam kong malaki ang naging kasalanan ko lalong-lalo na sa Panginoon. May papakiusap sana ako sa'yo..." bulong niya habang patuloy pa rin itong nanghihina.
Ngunit sa kasamaang palad ay agad namang umitim ang buong paligid at may kung anong nangyayaring pagyanig. Mukhang niyu-yugyog ako sa aking pagkakahiga dahilan upang bumalikwas ako sa aking higaan. Pakiramdam ko'y bumigat ang aking ulo pagkatapos 'nun kaya napahawak ako sa aking noo.
"Magandang umaga, binibini!!" rinig kong dalawang boses na pamilyar sa akin kaya napatingin na rin ako sa kanila.
"Mukhang mahimbing ang pagkakatulog mo diyan, ah? Kailangan mo nang bumangon dahil mahuhuli ka na sa trabaho mo." rinig kong boses mula kay Theodore dahilan upang hinagisan ko siya ng aking unan.
"Bakit?"
"Anong bakit? Pumasok kayo sa aking silid na hindi ko alam! Hindi niyo ba alam na kapusukan 'yun? May gagawin ba kayong masama sa akin, ha?" sabi ko dahilan upang makita ko silang nawindang sa kanilang kinatatayuan.
"Naku, nagkakamali ka binibini.." depensa naman ni Danilo habang iwinasiwas-siwas ang kaniyang dalawang kamay sa ere.
"Hay naku. Kung ano ba kasi ang iniisip mo diyan, binibini. Bumangon ka na diyan dahil sabay na tayong kakain ng agahan." sabi na lang ni Theodore.
Napabuntong-hininga na lang ako at agad nag-unat ng aking kamay sa ere. Hindi pa rin maalis-alis sa aking isipan ang naging panaginip ko. Patuloy pa ring ginugulo ng aking isipan kung sino ba 'yung babae na pabalik-balik sa aking panaginip. At ang mas ipinagtataka ko ngayon ay kung bakit naroon ang kilala kong lalake. Naroon siya upang tulungan ang babae.
Ano kaya ang ugnayan ni Don Samuel sa babaeng 'yun?
"Kailan pa kayo dumating?" tanong ko habang nakasakay na kami sa kalesa papunta sa kanilang kampo. Nasa tabi ko ngayon si Danillo habang si Theodore naman ay nasa aking tapat. Sa totoo lang ngayon ko lang napansin ang kanilang mga kasuotan. Totoong kakaiba nga ang kanilang uniporme at nagmumukha silang mga prinsipe.
Nakasuot ngayon si Theodore ng kulay asul na abrigo, at sa panloob naman niya ay nakasuot siya ng puting collar shirt with cravat. Kulay asul din ang kaniyang pantalon na may puting stockings with leather shoes. Dagdagan pa ng coat cuffs and pant puffs na talagang nagbibigay kaaya-aya sa kaniya.
Ganun din ang kasuotan ni Danilo kaso kulay berde lang ang kulay ng kaniyang abrigo at pantalon. May mga malalapad din silang mga sumbrero at mapapansing may iba't ibang kulay ang mga balahibo na nakalagay doon. Akala ko dati makikita ko lang ito sa mga palabas. Ngayon nasa tapat at sa tabi ko na makikita ang ganoong klaseng mga sundalo noon.
"Gusto kong marining ang inyong tapat na kasagutan mga ginoo." panimula ko sa kanila at agad nakita silang nagkatinginan sa mga sandaling 'yun.
"Sabihin niyo, may alam ba sina Katrina at Eleanor na buhay pa ako? Na nandito ako sa barriong Tinagong dagat?" tanong ko. Sa totoo lang, nagbabasakali lang naman ako na kahit sila lang dalawa ang nakakaalam na buhay pa ako. Hindi naman umimik ang dalawang ginoo sa mga oras na 'yun.
"Hindi pa, binibini. Alam kong nagmamadali ka nang umuwi sa inyo ngunit masyado pang komplikado ang lahat. Sana'y maunawaan mo muna ang ating sitwasyon." tugon ni Danilo na sinang-ayunan naman ni Theodore.
Natahimik naman ako sa aking kinauupuan at agad napatingin sa labas ng bintana. May punto naman sila. Hindi pa siguro ang tamang panahon upang malaman ng aking pamilya na buhay pa ako. Habang nasa paligid pa ang mga kalaban ay dapat talagang maging maingat ako. Hindi dapat ako gumagawa ng mga bagay na ipapahamak ng aking sarili.
"Tanong ko lang ano ba ang kahulugan ng mga balahibong 'yan na nasa inyong sumbrero?" pagbasag ko dahilan upang tumingin sila sa akin. Sa totoo lang matagal nang bumabagabag sa aking isipan ang ganitong katanungan.
"Ito ba?" rinig ko naman kay Theodore habang hinahawakan ang mga balahibo sa kaniyang sumbrero. "Ang balahibo na ito ay nahahawig sa aming tsapa."
Tumatango naman ako sa kaniyang sinabi. Kung sa bagay hindi pa uso noon ang mga metal pins or tags na ginagamit ng ating mga sundalo't pulis sa kasalukuyan.
Mga ilang minuto rin ang nakalipas at sa wakas ay dumating na kami sa kampo. Agad naman akong dumiretso papasok sa kanilang kwartel habang sina Theodore at Danilo naman ay nagpaiwan sa labas. Marami rin akong nakasalubong na mga sundalo sa loob hanggang sa umakyat na rin ako ng ikalawang palapag upang pumasok sa opisina ng heneral.
Napalunok na lang ako habang nakatayo na sa labas ng pintuan. Hindi ko alam ngunit nakaramdam ako ng kaba. Papasok na ba ako? O kakatok na lang? Sabi ni Konrad ay ayos lang naman na pumasok ako sa kaniyang opisina na hindi na kailangang kumatok kapag nasa trabaho ako. Ngunit sa mga oras na 'to ay alam kong nasa loob na siya at alam kong nahuli rin akong dumating sa aking trabaho.
Bahala na kung anong mangyari. Agad akong nagbuntong hininga bago kumatok sa pintuan. Ngunit pagkatapos kong kumatok ay wala man lang nagbukas ng pintuan. Kumunot naman ang aking noo at tsaka kumatok ulit ngunit hindi naman ako pinagbuksan. Wala man lang akong narinig na boses na galing sa kaniya. Hindi kaya ay wala pa siya sa loob?
Napangiti naman ako sa aking sarili kaya agad ko nang binuksan ang pintuan. Masaya akong pumasok sa loob at nakitang wala nga siya sa kaniyang upuan na palagi niyang inuupuan kapag nagbabasa siya ng mga papeles. Mabuti na lang dahil wala siya dahil tiyak na magagalit siya kung bakit nahuli ako sa aking trabaho.
Ngunit pagpasok ko sa kaniyang silid-aklatan ay doon ko siya nakita habang nakatalikod. Nakatingin siya sa labas ng bintana habang umiinom ng tsaa. Napalunok ako sa mga sandaling 'yun at pakiramdam ko'y nakapako ang aking katawan sa aking kinatatayuan. Jusko, nandito pala siya?!
"Bakit ngayon ka lang ginoong Montales?"
"Pasensiya na po, heneral. Hindi na po ito mauulit!" sabi ko habang napapikit. Pagagalitan niya ba ako?
Narinig ko naman siyang huminga nang malalim at agad niya akong nilingon gamit ang blanko niyang ekpresiyon. Napayuko ako at muling napapikit dahil sa aking ginawa. Hindi ko alam kung ano ba ang tumatakbo sa kaniyang isipan ngunit base sa nakikita ko ngayon ay mukhang wala itong ganang pagalitan ako. Habang yumuyuko pa rin sa aking kinatatayuan ay agad kong narinig ang kaniyang mga yapak patungo sa aking direksiyon.
"Makinig ka. Mamayang hapon ay sasama ka sa aming ekspedisyon papuntang kabundukan." sabi niya at agad ibinigay sa akin ang tasang ginamit niya.
Mukhang nabigla naman ako sa kaniyang sinabi kaya napanganga na lang ako. Agad naman akong lumingon upang tanungin kung bakit ngunit mabilis naman siyang umalis at agad iniwan ako sa loob ng silid-aklatan.
**********
Mga alas-kuwatro na ng hapon at narito kami sa labas ng kanilang kampo. Marami pa lang mga sundalo ang sasama sa ekspedisyon kasama na roon sina Theodore at Danilo na nagulat din na makita ako sa labas.
"Teka, ano ang ginagawa mo rito bini------Ah!" agad namang sinagi ni Theodore si Danilo dahil mukhang nakakalimutan na niyang isa nga pala akong lalake ngayon.
"Pasensiya na. Ano nga pala ang ginagawa mo rito, ginoo?" ulit ni Danilo dahilan upang tumawa ako nang marahan.
"Pinasama ako ni Konrad sa ekspedisyon. Hindi ko alam kung bakit ngunit masaya naman ako dahil mukhang sasama rin kayong dalawa." ngiti ko kaya ngumiti rin sila sa akin.
Agad kong nilibot ang aking paningin sa paligid at nakikitang maraming mga dala ang isinilid sa bawat karwahe. Ang iba'y may mga bitbit pang mga alagang baboy at manok at agad isinilid ang mga ito sa kanilang mga kulungan. Halos mga limampung katao ang aking nabibilang ang sasama sa ekspedisyon at lahat ay mukhang handang-handa na sa aming pag-alis.
"Sasama ka sa amin, ginoo?" tanong bigla sa akin ni koronel Pandacan na akin namang ikinagulat.
"Oo. Pinasama kasi ako ng heneral.." tugon ko at nakita ko naman siyang tumatango.
"Tanong ko lang koronel, saan naman tayo tutungo?" taka kong tanong dahilan upang ngumiti ito.
"Malalaman mo rin kapag nakarating na tayo 'dun." sabi niya at agad na itong umalis upang puntahan si Konrad na ngayon ay nasa harapan na itong nakatayo.
Sinundan ko ng tingin ang koronel hanggang sa nakita ko na rin si Konrad habang nag-uusap ito sa kaniya. Nakasuot siya ng itim na abrigo at pantalon na may gintong puntas. Itim din ang sinuot niyang botas at may espada rin itong nakasabit sa kaniyang beywang.
"Kung kompleto na ang lahat ay tayo'y humayo na!" rinig naming lahat kaya agad kong nakita ang mga sundalo na sumakay sa kani-kanilang mga kabayo.
"Tara na, ginoong Montales!" rinig ko mula sa aking likuran at agad nakita si Danilo na nakasakay sa kulay itim na kabayo. Agad ko namang kinuha ang kaniyang kamay upang alalayan akong sumakay sa kaniya. Tuluyan na rin naming nilisan ang kanilang kampo at sama-samang hinarap ang daan papunta sa aming ekspedisyon.
Mga ilang oras din ang aming nilakbay sa mga kabundukan at masasabi kong bago ito sa naging karanasan ko. Hindi naman masyadong mabilis ang pagpapatakbo sa kabayo kaya mukhang nasisisyahan ako sa aking nakikita sa paligid. Habang naglalakbay ay agad nahagip ng aking paningin ang lumang abadiya na nakatayo sa tuktok ng burol. Kung titingnan ay parang sira na ito at may mga ilang parte ring nasunog.
"Danilo, alam mo ba ang lugar na 'yun?" tanong ko habang nakaturo ang aking daliri sa lumang abadiya.
"Sa pagkakaalam ko'y isa 'yang abadiya na matagal nang nasira dalawang dekada ang nakalipas." tugon ni Danilo kaya tumango na lang ako sa sinabi niya. Hindi ko alam ngunit parang may anong kakaiba akong nararamdaman habang nakatitig sa lumang abadiya na 'yun.
Sumapit na rin ang kadiliman at halos lahat ay nagsisimula nang sumindi ng kani-kanilang sulo. Mabagal din ang pagpapatakbo ng aming kabayo at lahat ay patuloy na dumadaan sa mabatong daanan ng bundok. Wala akong ideya kung saan kami ngayon. Bakit nga ba kami pumunta rito? At ano naman ang pakay nila?
"Danilo, saan ba tayo pupunta?" walang gana kong tanong dahil mukhang inaantok na ako sa aming paglalakbay.
"May pagbibigyan lang tayo, binibini." rinig ko sa kaniya dahilan upang kumunot 'yung noo ko.
"Sino?"
Walang anu-ano'y may narinig kaming dalawang boses na sasalubong sa amin mula sa malayo. Agad kong itinapat ang dala kong sulo sa aming harapan upang makita kung sino ang mga 'yun.
"Nakikita mo ba ang mga 'yun?" tanong ko dahilan upang pagtawanan ako ni Danilo.
"Imposible naman na makikita natin sila dahil masyado tayong malayo sa harapan." tawa niya dahilan upang mamula ang aking mukha sa hiya. Oo nga naman. May pagka-bobo rin ako minsan.
"Magandang gabi, heneral!" rinig ko na lang mula sa harap at agad ko namang nakikita ang paglalakad ng mga kabayo upang sundan sila.
Habang nakasunod pa rin sa kanila ay agad kong natanaw ang mga sulo na nagliliwanag sa aming harapan. Habang papalapit na kami 'dun ay agad kong nakikita ang mga taong nagtatayuan upang salubungin sa aming pagdating. May nakikita akong mga kababaihan na nakasuot ng kimona't patadyong at ang mga kalalakihan naman ay nakasuot ng kamiso at pantalon. May nakikita rin akong mga taong nakasuot ng bahag at ang ibang kababaihan naman ay parang wala pang saplot sa kanilang pang-itaas. Mukhang may kasama silang mga katutubong tao.
Agad na rin kaming huminto nang sumenyas si Konrad sa aming harapan. Bumaba na rin kami sa aming mga kabayo upang puntahan ang mga tao na nasa aming harapan. Pero bago namin sila pinuntahan ay agad kaming hinarap ng dalawang lalake na siguro ay sila 'yun kanina.
Ang isang lalake ay nakasuot ng lumang kamiso at pulang pantalon habang ang kasama naman niya ay isang matandang lalake na nakasuot ng bahag. May mga suot din itong mga batong kuwintas at may bitbit din itong mahabang baston.
"Nagagalak kami sa inyong pagdating, heneral." rinig kong wika ng lalake na nakasuot ng kamiso dahilan upang mapangiti naman si Konrad sa kanila.
"Kahit kailan hindi ako bumitaw sa aking pangako, Tay Pedro. Siya nga pala, may dala pala kaming mga bigas, mais, buto ng mga gulay at prutas, mga baboy at manok. Gamitin niyo 'yan upang mabuhay kayo rito sa kabundukan." sabi ni Konrad na kanilang ikinagulat bigla.
"Naku, heneral. Maraming salamat!" pasasalamat naman nila habang nakayuko ito sa aming harapan.
"Pagpalain ka hijo ng Bathala. Nawa'y gabayan ka sa iyong tungkulin bilang isang tapat na heneral. Nagpahanda pala kami sa inyong pagdating nawa'y masiyahan kayo rito sa aming lugar. Dito na lang kayo magpapalipas ng gabi." sabi naman ng matanda na naka-bahag kaya agad namang tumango si Konrad sa kaniya.
Agad na rin kaming pumasok sa kanilang lugar at makikita ang mga bahay-kubo na nakahilera sa aming dinadaanan. May mga malalaking sulo rin akong nakikita sa bawat gilid ng pader na siyang nagpapaliwang sa kanilang lugar. Lahat ay masayang sinalubong kami at agad kami'y binigyan ng mga kuwintas na bulaklak.
Pagkatapos ibigay ang aming mga dala para sa kanila ay agad naman kaming umupo malapit sa malaking siga na nasa gitna. Sama-sama kaming kumain sa kanilang inihandang inihaw na baboy-ramo at agad pinakitaan kami ng katutubong sayaw. Hindi maalis-alis ang aking mga ngiti habang pinagmamasdan silang sumasayaw sa gitna. Hindi ko mawari kung anong sayaw ba ang tawag 'dun pero masaya akong makakita 'nun.
"Halos lumuwa na 'yung mga ngipin mo sa kakangiti diyan, binibini." bulong sa akin ni Theodore dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.
"Baka sa kakangiti mo diyan ay may maaalala sa'yo ang heneral." ngisi ni Theodore at agad tumabi sa akin upang manood ng sayaw. Hinayaan ko na lang siya sa kaniyang pinagsasabi at agad ibinalik ang aking tingin sa mga mananayaw.
Habang nanonood ay hindi ko inaasahang mapatingin sa kinaroronan ni Konrad na ngayon ay napatingin din sa akin. Nasa kabila siya nakaupo kasama sina koronel Pandacan at ang dalawang lalakeng sumalubong sa amin kanina. Napalunok na lang ako at agad napayuko dahil sa hiya. Mukhang nakita nga niya akong nakangiti kanina.
**********
"Maraming salamat sa pagtanggap ninyo sa amin." wika ni Konrad upang mapangiti naman ang dalawang lalake.
"Walang anuman, heneral. Kulang pa 'yan sa naitulong ninyo sa amin." ngiti ng lalakeng naka-kamiso at agad yumuko sa harapan ni Konrad.
Agad na rin kaming sumampa sa aming mga kabayo at nilisan ang kanilang lugar. Hindi ko batid kung anong oras na ba ngunit sa aking pagkakaalam ay mukhang mag-aalas sais pa lang dahil papasikat pa lang ang araw. Napahikab na lang ako sa mga sandaling 'yun dahil sa totoo lang ay inaantok pa rin ako.
"Ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Danilo habang sinasabayan ako sa pagpapatakbo ng kabayo. Tumatango na lang ako habang nakatuon ang aking mga mata sa daan.
"Hindi ko alam kung bakit gusto mong sumakay nang mag-isa diyan sa kabayo ko. Marunong ka ba talagang mangabayo? Baka bigla ka na lang tangayin ng aking kabayo kung saan." rinig kong wika ni Theodore na nasa likuran lamang ni Danilo na nakasakay. Tiningnan ko lang siya sa mga sandaling 'yun at tsaka napahikab ulit.
"Huwag kang mag-alala, ginoo. Kung gusto mo paligsahan na lang tayo mangabayo, ano?" tanong ko dahilan upang humalakhak ito.
" Sinusubukan mo ba ako?" tawa niya dahilan upang tumawa na rin kami ni Danilo. Napa-iling na lang ako sa sinabi niya at agad itinuon ang aking mga mata sa daan. Sa totoo lang gusto ko nang umuwi sa tahanan ni Timothy ngunit kagabi sinabi ni koronel Pandacan na may pupuntahan pa raw kami upang ibigay ang mga natirang mga pagkain at hayop sa mga taong nakatira sa kabundukan.
Base sa sinabi ni Danilo kahapon, sila 'yung mga taong nagtatago sa mga kabundukan galing Antique at sa ibang parte ng Panay dahil sa taon-taong pagsalakay ng mga moros sa kanila. Mga halos isang dekada na rin ang kanilang pananatili sa kabundukan kaya malayo na sila sa mga moros. Kaya sila nagtatago sa mga kabundukan dahil sumasalakay ang mga moros malapit sa dalampasigan.
Mahaba-haba na rin ang aming paglalakbay mula sa aming pinanggalingan at damang-dama ko na rin ang init na dumadampi ngayon sa aking balat. Matirik na ang araw ngayon at wala pa rin akong ideya kung saan naman kami tutungo.
"Heneral, may nakaharang na mga malalaking bato sa daan. Mukhang mahihirapan tayong tumawid patungo sa kabila!" rinig ko mula kay koronel Pandacan.
Agad naman akong napatingin sa harapan at may nakita nga akong mga malalaking bato na nakatumpok sa aming harapan. Nasa gitna kami ng dalawang bangin kaya napa-isip ako na baka sanhi ito ng lindol. Ngunit wala naman akong nararamdamang pagyanig kahapon.
"Ano na ang ating gagawin, heneral?" rinig kong tanong ni koronel Pandacan kay Konrad. Nakita ko namang huminga nang malalim si Konrad at agad napatingin sa mga nagtutumpukang mga bato na nasa aming harapan.
"Tumuloy tayo sa ibang ruta." rinig ko mula sa kaniya.
Malayo na talaga ang nilakbay namin at mas lalong umiinit na ngayon ang sikat ng araw. Sa aming paglalakbay ay may natanaw na akong baybayin na nasa aming harapan. May mga bakawan na rin kaming nakikita at may mga matatayog na niyog na sumasabay sa ihip ng hangin.
Tahimik naming dinaan ang puting buhangin habang ang ibang mga sundalo ay mapanuring sinusuri ang buong paligid sa pagbabasakaling makakita ng mga nagtatagong mga moros. Napalunok na lang ako nang dahil 'dun at agad napahawak sa renda ng kabayo.
"Mukhang wala namang mga moros kaya hindi na tayo magpakabahala masyado." rinig kong wika ng sundalo na nasa aming likuran dahilan upang mapatingin kami sa kaniya.
"Ika'y huwag masyadong kampante. Baka magulat ka na lang na may tumama diyang bala sa iyong dibdib." rinig ko naman galing kay Theodore dahilan upang ngumisi sa kaniya ang sundalo.
"Bakit? Natatakot ka ba tenyente? Natatakot ka bang--------BANG!!!!!" agad akong sumigaw sa bigla at takot nang makita kong may tumamang bala sa sundalong 'yun. Halos duguan na ito, wasak na ang kaniyang ulo at tuluyan na itong nahulog sa kaniyang kabayo.
Napahawak na lang ako sa aking bibig nang makita ang karumaldumal na sinapit ng sundalong 'yun. Lahat naman ay na-alerto at agad kinuha ang kanilang mga arkebusa't maskit at mabilis na itinutok ang kani-kanilang mga armas kung saan.
"Anong nangyari?!" pasigaw na tanong ni Konrad habang papunta sa aming direksiyon sakay ng kaniyang kabayo. Halos hindi naman siya makapaniwala nang makita ang kaniyang kasamahan na duguan at wala nang buhay. Napayukom na lang siya sa galit at agad kinuha ang kaniyang pistol.
Ilang sandaling katahimikan ay pinaulanan na kami ng mga bala na hindi namin alam kung saan nanggaling at agad naman itong tumama sa mga buhangin at ang iba'y tumama sa ibang sundalo dahilan upang mahulog ang mga ito sa kanilang mga kabayo. Nagsitakbuhan na rin ang mga kawawang kabayo dahil sa takot at ang iba'y nakahundasay na rin sa buhangin.
"Isang lanong!" rinig kong sigaw sa sundalo kaya agad na rin kaming napatingin sa dalampasigan kung saan may nakikita kaming barko papunta sa aming direksiyon. May nakasakay din itong mga kalalakihan habang itinaas ang kani-kanilang mga armas sa ere hudyat ng kanilang paglusob. Ang mga moros!
"Ang mga bala ay naggaling diyan mismo sa kanilang lantakas. Ano na ang ating gagawin heneral?!" kabadong tanong ni koronel Pandacan habang papalapit ito kay Konrad.
"Wala tayong laban sa mga moros. Kung bibilangin ay mahigit isang daan ang mga piratang 'yan!" dagdag naman niya dahilan upang mapatingin sa kaniya si Konrad. Napalunok na lang ako sa aking mga narinig habang nakatitig sa kaniya ngayon. Ano na ang iyong gagawin Konrad?
"Aatras muna tayo!" sigaw ni Konrad dahilan upang sumunod naman ang mga sundalo sa kaniya. Aalis na sana kami ngunit inatake na naman kami at may ilang mga bala ang tumalsik sa buhangin dahilan upang mabigla ang aking kabayong sinasakyan. Nagwawala na ang aking kabayo hanggang sa tinangay na niya ako pabalik sa dinaanan namin kanina.
"TIGIL!!!" sigaw ko ngunit hindi tumigil ang kabayo sa pagtakbo at patuloy pa rin niya akong nilalayo kina Konrad.
Lumingon ako sa kanila sandali hanggang sa nakita ko na lang ang pagbaba ng mga moros mula sa kanilang lanong upang kalabanin ang hukbo ni Konrad. Akala ko ba'y aatras na sila? Ba't hindi pa sila umaalis?
Nang magtama ang mga mata namin ni Konrad ay hindi maalis-alis ang aking pangamba at takot na baka siya'y masaktan sa kanilang laban. Nagsimula na ring magpaputukan ang mga sundalo gamit ang kani-kanilang mga arkebusa't maskit at ang iba nama'y nasisimula na ring naglaban gamit ang kanilang mga espada.
Nagkagulo na ang lahat. May mga nasugatan, may mga namatay, ninakaw na rin ang mga natira naming mga pagkain na dapat ay ibibigay namin 'yun sa mga taong naninirahan sa mga kabundukan. Pagkatapos nilang nakawin ang mga iyon ay agad naman nilang sinunog ang mga karwahe. Halos tumutulo na ang aking mga luha habang nakikita iyon.
Wala na akong ideya kung saan ako dadalhin ng kabayong ito. Patuloy niya pa rin akong nilalayo sa kaguluhang 'yun hanggang sa narinig ko ang sigaw ni Konrad na umaalingawngaw sa buong paligid dahilan upang nilingon ko siya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro