Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 29

[Kabanata 29]


Mabilis na pinatakbo ngayon ni Theodore ang sinasakyan naming kabayo papunta sa kanilang kampo. Dumaan muna kami sa malawakang damuhan mula sa tahanan ni Timothy hanggang sa nakita na rin namin ang lupang daanan papunta sa sentro ng barrio.

Sa sentro ng barrio kasi matatagpuan ang kanilang kampo, malapit sa sinasabi nilang merkado at palaisdaan sa lawa. Unti-unti ring bumabagal ang pagpapatakbo niya ng kabayo dahil may mga tao nang dumadaan at may mga karawahe na ring nagpapatakbo kasabay namin.

Sa wakas ay nandito na rin kami sa sentro ng barrio ngunit bago pa namin marating ang kampo ay dumaan muna kami sa merkado. Hindi naman ito masyadong kalakihan kung ihahambing ito sa merkado ng Anillo. Sa labas ay may nakahilera ring mga iba't ibang prutas, gulay, mga halamang-ugat, at iba pa na nagtutumpukan ngayon sa ibabaw ng banig. Doon na rin nakaupo ang mga nagbebenta habang hindi maalis-alis ang kanilang paningin sa mga taong dumadaan sa kanilang harapan.

"Bakit diyan sila nagbebenta ng kanilang mga paninda, ginoo? Wala ba silang mga puwesto sa loob?" pagtataka ko habang hindi rin maalis-alis ang aking paningin sa kanila. Sa totoo lang nakakaawa silang tingnan.

"Hindi naman na wala silang puwesto sa loob, binibini. Wala lang silang pambayad ng kanilang puwesto sa loob kaya sa labas na lang sila nagtitinda ng kanilang mga produkto..." rinig ko sa kaniya dahilan upang kumunot ang aking noo.

"Wala ba silang pakialam sa mga nagtitinda sa labas? Paano na lang kung bigla na lang umulan o 'di kaya'y maiinitan diyan mamaya pagdating ng tanghaling tapat? Mas madaling mabubulok ang kanilang paninda kung magkaganun." sabi ko na lang ngunit nararamdaman kong umiling si Theodore sa akin.

"Wala tayong magagawa, binibini. Sa panahon ngayon kung wala kang salapi o 'di kaya'y hindi sapat ang iyong kinikitang salapi ay hindi ka bibigyan ng halaga. Hindi ka nila papansinin at itulak ka pa nila papalayo. Iyan ang masakit sa ating sistema. Ngunit mabuti na lang kahit magkaganun ay binigyan pa rin sila ng pagkakataon na magtinda sa labas na walang bayad na puwesto." wika ni Theodore habang binabagal ulit ang kaniyang pagpapatakbo sa kaniyang kabayo.

Habang pinagmamasdan ang mga taong dinadaanan namin ay makikitang nandiyan pa rin ang tinatawag nating social classes ng lipunan sa ganitong panahon. May nakikita akong mga taong nabibilang sa mga principales at may nakikita rin akong mga taong nabibilang sa mga mababang uri o ito 'yung tinatawag nating mga indio. Nakakalungkot isipin ngunit ito 'yung mga taong ipinagkait ang kanilang karapatan at magkaroon ng kalayaan upang mamuhay.

Hindi ko rin maisip kung ilan na bang bayan ang nasira ng mga moros. Sa dinami-dami ba naman ng mga taong nakatira rito sa barrio tiyak na marami talaga. Ano na kaya ang nangyari sa kanilang bayan? Tuluyan na rin ba itong nawala?

Mga ilang minuto rin ang nakalipas at sa wakas ay nandito na rin kami sa labas ng kanilang kampo. Napalunok na lang ako habang hinarap namin ang nagbabantay na mga sundalo at agad kaming tiningnan. Sumaludo naman sila pagkatapos nilang mapagtanto na si Theodore pala ang kanilang nakaharap.

"Nandito kami ngayon upang makita ang heneral." seryosong saad ni Theodore sa kanila.

Dali-dali naman nilang binuksan ang malaking pintuan para sa amin at agad na kaming pumasok sa kanilang kampo.

Dahan-dahang pinatakbo ngayon ni Theodore ang kaniyang kabayo sa loob hanggang sa pinahinto na rin niya ang kaniyang kabayo sa harapan ng malaking kuwadra ng kanilang kampo. Nauna na siyang bumaba at sumunod na rin ako sa kaniya.

Hinintay ko pa si Theodore na ngayon ay pinuwesto ang kaniyang kabayo sa loob ng kuwadra. Paglabas niya ay agad niya rin akong sinenyasan na sundan siya kaya sumunod na ako sa kaniyang likuran. Pumunta na kami sa kanilang kwartel at agad namang sumaludo sa kaniya ang nagbabantay dun. Pero bago pa man kami makapasok dun ay agad namang tumigil 'tong si Theodore na akin namang ipinagtataka.

"Bakit?" taka kong tanong dahilan upang lumingon siya sa akin.

Magsasalita na sana ako nang biglang may narinig kaming yapak papunta sa aming direksiyon. Agad naman kaming napatingin ni Theodore at nagulat dahil sa kaniyang presensiya.

Tumigil ito sa aming tapat at agad napatingin kay Theodore na ngayon ay sumaludo na ito sa kaniya. Napatango na lang si Konrad at agad inilipat ang kaniyang tingin sa akin. Blanko ngayon ang kaniyang hitsura na para bang walang bahid ng anumang emosyon. Malaki talaga ang pinagbago ni Konrad. Malayong-malayo sa katauhan niya noon.

"Nasaan si Capitan Castellana?" seryoso niyang tanong ngunit alam kong si Theodore ang tinatanong niya ngayon.

"Wala po siya ngayon, heneral. Umalis po siya papuntang Timog sa ilalim ng kautusan ni koronel." tugon ni Theodore dahilan upang tingnan siya ni Konrad.

"Tungkol ba 'yan sa imbestigasyon ng sinsabi nilang kuta ng mga moros?"

"Opo, heneral!" matigas pero ubod nang sinseridad ang boses ngayon ni Theodore. Namahinga naman ng malalim si Konrad at ibinalik ang kaniyang tingin sa akin.

"Ano ulit ang buo mong pangalan, ginoo?" tanong niya habang nakasuksok ang dalawa niyang kamay sa kaniyang bulsa.

"Uh, Anastasio Montales po." tugon ko. Sa mga oras na 'yun talagang nakatitig lang ako sa kaniya. Pinagpapawisan na rin ako at pakiramdam ko'y napipilipit na ang aking dibdib dahil sa kakaibang awra niya ngayon.

"Ginoong Montales, sumunod ka sa akin." sabi niya at agad na siyang tumalikod papunta sa kaniyang opisina na nasa ikalawang palapag. Napasulyap naman ako kay Theodore na nasa aking tabi ngunit tumango lang siya na para bang sinasabi niyang magiging maayos lang ako.

Pero mga nakailang hakbang pa lang ako'y nang lumingon ulit si Konrad na aking ikinagulat bigla.

"Maraming salamat nga pala tenyente Alfarez sa paghatid mo sa ginoong ito papunta rito. Maaari ka nang umalis." sabi niya at agad nagpatuloy sa kaniyang paglakad. Napalingon naman ako kay Theodore at nakita kong ngumiti siya bago siyang umalis ng kanilang kwartel. Napakagat na lang ako sa aking bibig habang nakasunod sa likuran ni Konrad.

"Tumuloy ka, ginoo." wika niya habang pinapasok ako sa kaniyang opisina. Napalunok na lang ako habang pinagmamasdan ang kaniyang malawak at simpleng silid.

Umikot ang aking mga mata sa kung saan-saan hanggang sa narinig ko na lang na tumikhim si Konrad dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.

"Dito ang aking silid-aklatan." wika niya at tsaka binuksan ang pintuan. Agad na rin akong tumuloy at nakita ang kaniyang silid-aklatan.

Hindi naman ito masyadong malawak ngunit mapapamangha ka lang dahil sa mga bagay na talagang ngayon ko lang nakikita katulad na lang ng lumang teleskopyo na nakatayo malapit sa bintana, isang malaking globo na nasa gitna, at ang pandaigdigang mapa na nakadikit sa dingding. Talagang pinuntahan ko iyon na nasa aking gilid dahil malayong-malayo ang hitsura nito kaysa ating kasalukuyang mapa.

"Simula sa araw na'to ay dito kana magtatrabaho. Bilang tagapangasiwa ng silid-aklatan ay kailangan mong gampanan ang mga ganitong trabaho. Unang-una ay dapat araw-araw mong lilinisin ang silid na 'to. Pangalawa, ikaw na rin ang magsasaayos ng mga libro rito. Dapat wala akong nakikitang bakante sa bawat estante. At pangatlo ay kailangan mo ring alagaan ang lahat ng mga bagay na nandito sa loob. Hindi naman siguro mahirap ang ganitong responsibilidad, hindi ba?" tanong niya.

Napakurap na lang ako nang ilang beses bago ko nakuha ang kaniyang sinabi. Tumango na lang ako at agad siyang sinundan. Pinuntahan niya ang bawat estante at tsaka may kinuha namang libro na hindi naman niya babasahin. Binuklat niya lang ang mga ito at tsaka isinara at agad isasauli rin ang mga ito. Sinulyapan ko lang siya sa mga sandaling 'yun hanggang sa napatingin na rin siya sa akin.

"Uh, talagang makikitang mahilig kayong magbasa ng mga libro lalong-lalo na ang agham, heneral." ngiti ko. Hindi naman siya kumibo at patuloy pa rin siyang naglalakad sa bawat estante. Ako naman ay parang isang tuta dahil sa kakasunod sa kaniyang likuran.

"May nakapagsabi sa akin na isa kang doktor noon kaya bakit hindi mo na lang ipinagpatuloy ang ganoong prepesyon?" tanong ko dahilan upang matigil siya sa paglalakad.

"Wala ka nang pakialam 'dun ginoo." malamig niyang tugon kaya napabuntong hininga na lang ako sa mga oras na 'yun. Tumitig siya sa akin, mga mata'y punong-puno ng kalungkutan na hindi ko alam kung bakit. Hindi kaya nalulungkot siya sa pagkawala ni Florentina?

Agad naman akong yumuko at pinagsisihan na hindi sinabi sa kaniya ang totoo na buhay pa ako. Na buhay pa ang kaniyang minamahal na si Florentina.

Ngunit kapag nalaman niyang buhay pa ako ay tiyak na malalaman rin ito ng mga moros na aking ikakatakot. Baka ipapahamak pa 'to ni Konrad na ayaw ko talagang mangyari. At tsaka kailangan ko rin mag-ingat dahil hindi ko pa alam kung saan ngayon nagtatago ang sinasabi nilang espiya ng mga moros. Baka posible na nandito siya sa loob ng kanilang kampo na nagmamasid at naghinhintay sa mga pinaplano ng kanilang hukbo.

Sa sobrang kakaisip ay hindi ko namalayan na nauntog pala ako sa kaniyang likuran dahilan upang bumalik sa aking katinuan. Agad naman akong umatras nang mapansing lumingon sa akin si Konrad. Hindi ko pala alam na huminto siya sa kaniyang paglalakad.

"Mukhang malalim ang iyong iniisip, ginoo. Hindi ka ba pabor sa aking inalok na trabaho sa'yo?" tanong niya na aking ikinabigla.

"Naku, hindi po. Sa totoo lang ay nagpapasalamat ako sa inyo dahil binigyan niyo po ako ng trabaho. Utang ko po'to sa inyo." sabi ko habang isiniwas-siwas ang aking palad sa kaniyang harapan.

"Mabuti na lang dahil tinanggap mo ang trabahong ito kahit alam kong hindi pabor ang iyong kababata na si Timoteo. Kahit kailan masama ang timpla ko sa kaniya. Dapat nga siyang magpasalamat sa akin dahil tinulungan kita." sabi niya. Hindi naman ako umimik sa mga sandaling 'yun dahil alam kong masama pa rin ang loob sa akin ni Timothy sa pagtanggap ko ng trabahong ito.

Napaisip naman ako na sayang naman kung hindi ko tatanggapin ang trabahong ito. Talagang nahihiya na rin ako kay Timothy dahil wala man lang akong naiambag na salapi sa pagpapatira niya sa akin sa kaniyang tahanan. At tsaka napaisip na rin ako na kapag nandito ako sa puder ni Konrad ay baka may mababalitaan ako tungkol sa aking pamilya sa Anillo at tsaka sa mga nangyayari na rin sa labas ng barriong 'to.

"Bueno. Maari ka nang magsimula, ginoo. Kapag nagkaroon ng problema dito ay agad mo akong pagsabihan, maliwanag?" bilin niya dahilan upang ako'y tumango na lamang. Agad na rin siyang umalis palabas ng kaniyang silid-aklatan at iniwan akong mag-isa rito sa loob. Namahinga naman ako nang malalim bago na ako magsimulang magtrabaho.

Magtatatlong araw na akong nagtatrabaho rito ngunit hindi ko man lang nakita ulit si Konrad. May nakapagsabi kasi sa akin na pumunta raw siya ng Arevalo dahil sa nakakalap nilang bagong impormasyon tungkol sa mga moros.

Si Timothy ay hindi rin umuuwi simula nang ipinadala sila sa Timog ng kanilang koronel. Ngunit si Danilo ay maagang pinauwi dahil na rin sa kaniyang tungkulin na pamumunuan ang mga guardia sibil dito sa barrio. Sa totoo lang ay nangangamba na ako sa kaniyang kalagayan. Kamusta na kaya siya?

Habang naglilinis sa loob ng silid-aklatan ay may bigla na lang kumatok sa labas ng pintuan na akin namang ikinagulat. Napatayo naman ako at agad pinunasan ang aking pawis na namumuo ngayon sa aking pisngi. Agad naman akong naglakad upang buksan ang pintuan. Si Konrad na kaya ito?

Ngunit pagbukas ko ay hindi pala si Konrad. Ibang opisyal pala ang nakaharap ko ngayon habang may hawak-hawak na liham na sa akin niya'y ibinigay.

"Magandang umaga, ginoong Tasyo. Ako pala si Koronel Jose Pandacan ang kanang kamay ni Heneral Konrad Garcia. Nandito ako ngayon upang ibigay ang liham na 'to sa inyo." sabi niya at agad ko namang kinuha sa kaniya ang liham.

"Galing ba 'to sa heneral?" tanong ko ngunit umiling lang siya.

"Galing 'yan mismo kay Capitan Castellana. Sa mga oras na 'to ay nananatili pa rin siya sa Timog. Kumpirmadong mayroon ngang kuta ang mga kalaban doon." sabi niya dahilan upang mas lalo akong kabahan sa aking kinatatayuan. Napahawak na lang ako sa aking dibdib habang kaharap pa rin ang koronel.

"Ngunit kailangan kong iwan ang kaniyang hukbo doon dahil may nagpadala sa akin ng mensahe na may nabihag silang mga ilang moros sa silangan. Malakas ang hukbo ni Capitan Castellana kaya alam kong mahuhuli rin nila ang mga 'yon. Pero bago ako umalis ay may ibinigay siya sa akin na isang liham at ibibigay ko ito sa taong nagngangalang Anastasio Montales na nagtatrabaho ngayon bilang tagapangasiwa ng silid-aklatan ng heneral." dagdag niya.

"Maraming salamat, koronel." sabi ko na lang at agad naman siyang tumango sa akin.

"Sige, ginoo. Mukhang kailangan ko na ring umalis papuntang silangan."

"Mag-iingat po kayo."

Agad na ring umalis sa aking harapan ang koronel at dali-daling naglalakad palabas sa opisina ng heneral. Nananatili pa rin akong nakatayo 'dun habang pinagmamasdan ang liham na ibinigay sa akin ni Timothy. Napangiti naman ako nang marahan at agad nang pumasok muli sa silid-aklatan at umupo sa bakanteng silya malapit sa akin. Mabilis kong binuklat ang nakatuping liham at talagang napangiti ako habang binabasa ito.


Flor,

Kamusta ka na, binibini? Kamusta na kayo nina Nay Remedios at Diday? Sana'y nasa mabuti kayong kalagayan ngayon. Pagpasensiyahan mo na sa aking inasal noon, binibini. Talagang nabigla ako sa naging desisyon mo ukol sa pagtanggap mo ng alok galing sa heneral. Ngunit huwag kang mag-alala dahil nirerespeto ko naman ang iyong desisyon ngunit ipinapangako mo sa akin na huwag mo munang ilalantad ang iyong katauhan sa kaniya. Alam kong naguguluhan ka ngunit magtiwala ka sa akin, binibini. Marami pa tayong walang alam sa ating paligid kaya mas maiging maingat muna tayo.

Pasensiya na rin kung hindi pa ako pwedeng makakauwi sa atin dahil talagang mahigpit ang aking responsibilidad dito. Napagalaman namin na may sekretong kuta sa Timog kaya kailangan namin silang dakpin at paaminin tungkol sa kanilang samahan at kung sino ang kanilang pinuno. Mahalaga na kailangan natin itong malaman.

Hindi ko alam kung kailan ako babalik ngunit ipinapangako kong babalik akong ligtas sa iyong piling.

Sana'y alagaan mo ang iyong sarili.

Timo


Agad ko namang tinupi ang sulat at tsaka nag-isip. Napakagat na lang ako sa aking bibig dahil sa aking nalalaman tungkol sa mga moros. Mukhang unti-unti na silang nakakalat sa buong kapuluan ng Panay. Kumpirmadong mayroon silang kuta sa timog at may balita na rin na may dinakip silang iba na nasa silangan. Talagang nakakakilabot ang mga pangyayari ngayon!

Hindi ko alam ngunit ang tanging paraan ko lamang ay ang manalangin sa kanilang kaligtasan. Sana'y mag-iingat sina Timothy at Konrad sa kanilang mga tungkulin.


**********

Kinabukasan bago pa ako makapasok ng silid-akalatan ay agad naman akong nabigla dahil sa presensiya ni Konrad na ngayo'y nakaupo sa kaniyang upuan habang nagbabasa ng dyaryo. Ba't ang aga naman niyang pumasok?

"Magandang umaga, heneral." bati ko ngunit hindi man lang siya kumibo. Huminga na lang ako nang malalim at agad na sanang didiretso papasok ng silid-aklatan. Ngunit agad kong nararamdaman ang kaniyang paggalaw at ilang sandali pa'y tumayo na siya mula sa kaniyang kinauupuan.

"Tasyo.."

"Ba..bakit?"

Hindi ko maunawaan kung bakit ganun siya tumawag sa akin. Lumingon na rin ako sa kaniya hanggang sa nakita kong may kinuha siyang bagay na nakapatong sa kaniyang lamesa. Agad niya 'yun kinuha at hinagis ito sa akin. Mabuti na lang dahil nasalo ko 'yun. Ano kaya 'to?

"Tingnan mo sa loob." sabi niya na aking ipinagtataka. Wala naman akong magawa kundi buksan 'yun ang hawak-hawak kong papel na nakarolyo.

Dahan-dahan ko namang binuksan 'yun at agad nakita ang isang malaking imahe na nakaguhit doon. May nakita akong bungo with crossed-bones at sa ilalim naman nito ay ang nakatihayang cresent moon. May isang bituin rin akong nakikita na nasa noo ng bungo. Kumunot naman ang aking noo pagkatapos kong makita 'yun.

"A..ano po ito?" tanong ko at agad napatingin sa kaniya.

"Iyan ang magiging basehan natin upang malaman na isang espiya ng mga moros ang isang tao. Kanina ko lang 'yan natanggap mula kay koronel Pandacan." tugon naman niya habang nakaupo na ito sa kaniyang silya.

Agad ko naman ibinalik ang aking tingin sa hawak-hawak kong papel at agad naalala ang mga sinabi sa akin noon ni Timothy.

"Sigurado ba kayong espiya nga 'yun ng mga moros? At paano naman nila 'yun masasabi?" sunod-sunod kong tanong kahit na sa kaloob-looban ko ay natatakot na ako.

"Hindi ko alam ngunit may mga marka silang nagpapahiwatig na isa silang kasamahan ng mga moros.."

"Matagal na namin itong napag-alaman ngunit wala kaming pagbabasehan kung anong marka ba ang nakaukit sa kanila. Mabuti na lamang ay may nahuli silang espiya sa silangan at mukhang dadalhin din siya rito mamaya para sa imbestigasyon." dagdag niya.

"...siya lang ang nahuli?.." tanong ko upang mapatingin na rin sa akin si Konrad.

"Sa kasamaang palad ay marami sa kanila ang tumakas at kaunti lamang ang nahuli nila. Hindi ko alam ngunit pakiramdam ko'y parang alam nila ang aming magiging hakbang. Umaasa na lang ako ngayon kay Capitan Castellana na sana'y mahuli rin nila ang lahat ng mga moros sa Timog upang mapasailalim sa imbestigasyon at kung kinakailangan ay bibigyan ko sila ng parusa o 'di kaya'y isang kamatayan upang mas lalo silang masindak at matakot!"

Sa mga oras na 'yun ay nakatitig lang ako sa kaniya. Ang mga mata'y nag-aalab sa sobrang inis at galit na may kasamang paghampas pa sa lamesa na aking ikinabigla. Makikita kong desperado na siya ngayon upang hanapin ang pinuno ng mga moros.

"Kailangan kong malaman kung sino ang kanilang pinuno. Kailangan kong malaman kung sino ang pumatay kay Florentina!"

Agad naman akong nabigla sa sinabi niya habang tumutulo na ngayon ang kaniyang mga luha. Mga mata'y namumula na ngayon at patuloy pa ring umaagos ang mga luha sa kaniyang pisngi. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin o sasabihin man lang sa mga oras na 'yun. Kaya pala ganyan siya kadesperadong mahuli ang mga moros dahil gusto niyang paghiganti ang pagkamatay ni Florentina.

Napalunok na lang ako habang nakatingin pa rin sa kaniya. Gusto ko siyang yakapin o sabihin man lang sa kaniya na buhay pa ako. Na buhay pa rin si Florentina. Ngunit alam ko naman na hindi pa puwede ngayon dahil masayado pang delikado ang aming sitwasyon.

Napatingin na rin siya sa akin sa mga sandaling 'yun at agad tumitig. Parang may anong kuryente ngayon ang dumadaloy sa aking katawan dahil sa pamamaraan ng kaniyang pagtitig. Napalunok na lang ako at agad umiwas. Tatalikod na sana ako ngunit agad naman siyang nagsalita na akin namang ikinagulat bigla.

"Ang mga titig mong 'yan ay parang katulad na rin sa aking sinisinta. Hindi ko alam ngunit parang kahawig mo si Florentina..."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro