Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 28

[Kabanata 28]


Third Person's POV

Nilamon na ng kadiliman ang buong paligid kaya halos wala nang residenteng umaaligid maliban na lang sa mga guardia't militar na mahigpit ang pagbabantay dahil sa balitang isang espiya ng mga moros daw ang pumasok sa kanilang barrio.

Alas-sais na ng gabi ngunit makikitang maraming mga sundalo ang nagmamartsa at ang iba namang mga opisyales ay nakasakay sa kanilang kabayo papunta sa bahay ni Capitan Castellana.

"Sigurado ka ba sa iyong sinasabi, binibini?" hindi naman makapaniwalang sinabi 'yun ng isang alperes sa isang babae habang naglalakad sila sa lupang daanan.

Tumango naman ang babae. "Opo, senyor. Sigurado po ako. May isang babae po ako nakita kanina sa loob ng kaniyang tahanan at sigurado po akong may plano siyang patayin si Capitan Castellana. May nakapagsabi kasi sa akin na umalis ang senyor kaninang hapon patungo sa kaniyang kampo kaya siguradong kinuha niya ang tiempong 'yun upang pasukin at makapagtago sa loob ng kaniyang tahanan at hintaying makauwi at papatayin!" giit ng babae kaya tumango-tango na lang ang alperes sa kaniyang kuwento.

"Talagang iniisip mo bang ang babaeng 'yun ay isang espiya ng mga moros, ganun ba 'yun?"

"Opo, senyor!" walang alinlangang sinagot 'yun ng babae.

Mga ilang minuto rin ang lumipas ay nandito na rin sila sa harapan ng tahanan ni Timothy. Malaki ang bahay ng capitan malayong-malayo sa mga tahanan na nandito sa barrio. Agad na rin silang tumitingin sa mga ilang bahagi ng tahanan hanggang sa may nakita silang liwanag mula sa ikalawang palapag.

"Mukhang may tao nga..." sabi ng isang sundalo kaya agad niyang itinutok ang kaniyang maskit sa ikalawang palapag na direksiyon. Sumunod naman sa kaniya ang mga kasama niya na nasa kaniyang likuran at sabay-sabay ring itinutok ang mga dala nilang maskit sa itaas na direksiyon ng ikalawang palapag.

Sa gawing likuran ng mga sundalong 'yun ay may bagong paparating na kalesa. Agad na rin itong huminto at mapapansing pababa na rin ang isang mataas na opisyal galing sa loob nito.

"Heneral!" tawag sa kaniya ng isang sundalo at agad rin itong sumaludo sa kaniya.

Seryoso naman siyang tinanguan ng heneral at agad ding pumunta sa harapan ng tahanan ni Timothy. Hindi naman siya umimik pagkatapos niyang tiningnan ang ilang bahaging parte ng tahanang 'yun hanggang sa napansin niya rin ang isang liwanag na nagmula sa ikalawang palapag. Walang emosyon ang kaniyang mukha at agad ding napalingon sa kaniyang mga sundalo habang nakatutok pa rin ang kanilang mga riple sa ikalawang palapag ng bahay.

"Palibutan ang bahay!!" utos niya at sumunod naman ang kaniyang mga tauhan.

Agad namang pinalibutan ng mga sundalo ang tahanan ni Timothy. Ang iba ay nahihirapan pang buksan ang pintuan ng gate kung kaya'y wala silang pagpipilian kundi gibain ito nang tuluyan. Nang magiba na nila ang pintuan ng gate ay agad na silang pumasok at dumiretso sa pintuan ng bahay.

"Kahit anong mangyari ay kailangan niyong dakpin ang espiyang 'yun!" sigaw ng isang opisyal habang nakatutok kung saan ang dala niyang maskit.

Pagdating nila sa harap ng pintuan ay agad na rin nilang binuksan 'yun at walang alinlangang nilibot ang buong silid. Pumasok na rin sa wakas ang kanilang heneral ngunit agad naman niyang napansin ang pagdating ng alperes sa kaniyang likuran.

"May natuklasan lang po kami sa likuran, heneral. Kung maaari ay sumama po kayo upang makita ninyo."

Agad namang napatingin sa kaniya ang heneral at sinundan na lang ang alperes kung saan may natuklasan silang bagay na nasa likuran ng tahanan.

Halos lahat sila ay sumunod papunta sa bahaging likuran ng tahanan at pagdating nila 'run ay may napansin silang isang magulong kumot na nakatungtong sa ibabaw ng lupa. Habang papalapit ang heneral ay agad namang bumilog ang kaniyang mga mata nang makita niya na may nakatagong pintuan pala sa likod ng kumot na 'yun.

Biglang kumunot ang kaniyang mukha nang tanggalin niya ang kumot na nasa ibabaw ng pintuang 'yun. Halos lahat nabigla at nagulat sa kanilang natuklasan kaya dali-dali nilang pinuntahan ang heneral at hinintay sa magiging senyales nito.

"Ano kaya ang nakatago diyan, heneral?" napalunok na lang ang isang sundalo habang hinihintay sa kaniyang senyales.

"Baka may mga nakatagong bomba o 'di kaya'y mga armas!" kabado naman ang isa nilang kasamahan. Hindi naman sila pinansin ng kanilang heneral dahil nakatitig pa rin siya 'dun.

Sa wakas ay binuksan niya rin ang pintuang 'yun at agad sinilip ang isang madilim na silid na nasa ilalim. Parang isa siyang agila kung tumitig sa kailaliman nito hanggang sa may napansin siyang tao na nagtatago sa mga bariles. Kitang-kita ang isang taong nakayuko dahil sa liwanag na nanggaling sa kaniyang gasera.

Nanlisik bigla ang mga mata ng heneral at agad itinutok ang dala niyang pistol sa taong nagtatago ngayon sa mga bariles.

"LABAS!!"


**********

Back to Florabelle's POV

"LABAS!" rinig ko mula sa kaniya sa itaas ngunit hindi ako nagpatinag. Patuloy pa rin akong nakayuko habang napayakap sa aking sarili.

Talagang pumintig nang malakas ang aking puso dahil sa sobrang kaba ko ngayon. Nakikiusap pa ako sa lahat ng mga engakanto rito na kung puwede ay ipalamon na lang nila ako sa lupa. Mas gugustuhin kong mamatay sa ganyang paraan kaysa mabaril ulit. Mukhang na-traumatized ako nang dahil 'dun.

Nakakakilabot talaga nang makita ko ulit ang kaniyang hitsura. Ibang-iba na siya ngayon. Mukhang hindi na rin siya ang nakilala ko noon. Habang nagtatago pa rin sa mga bariles ay muli kong narinig ang malamig niyang sigaw galing sa itaas.

"Ang sabi ko ay lumabas ka riyan!!!"

Napapikit na lang ako sa mga sandaling 'yun. Wala naman akong magawa kundi sundin siya at agad tumayo mula sa aking pinagtataguan.

Patuloy pa rin akong nakayuko habang tinatahak ang hagdan papunta sa itaas. Pagkatapos kong lumabas mula 'run ay agad kong nararamdaman ang pagtutok ng bawat maskit sa aking paligid. Pinagpapawisan ako nang todo sa mga oras na 'yun at agad itinaas ang dalawa kong kamay sa ere.

Bigla namang lumapit ang kanilang heneral sa akin at agad itinutok ang kaniyang pistol na nasa aking harapan. Napalunok na lang ako sa sobrang kaba. Para bang gustong lumabas ng aking kaluluwa mula sa mala-lupa kong katawan ngayon. Mukhang hindi na ako makakaligtas pa!

"Sino ka?" malamig niyang tanong.

Hindi naman ako makasagot at patuloy pa ring nakayuko sa kaniyang harapan. Suot-suot ko na rin ang damit na ibinigay ni Timothy bago siya umalis kanina. Mabuti na lang dahil may sumbrerong buri akong nasuot ngayon upang matago ang mahaba kong buhok.

"Hindi ka man lang magpapakilala sa amin, ginoo?" rinig ko muli sa heneral.

Napapikit na lang ako dahil hindi ko man lang magawang makatingin sa kaniya nang diretso. Kinakabahan na talaga ako. Paano kung mamumukhaan niya ako? Hindi naman siguro masama kung sasabihin ko sa kaniya ang totoo kong pagkatao, na ako si Florentina ay buhay pa.

Agad ko na ring inangat ang aking mukha upang harapin siya. Napalunok na lang ako pagkatapos kong makita ang nakakunot niyang mukha habang dinuduro sa akin ang dala niyang pistol.

"Uhhmmm....." 'yan lang ang sinabi ko dahilan upang mas lalo siyang mainis sa akin. Talagang walang salitang lumalabas mula sa aking bibig. Sa totoo lang naiinis na rin ako sa aking sarili. Magapapakilala na ba ako?

Nakita ko naman siyang napahilamos nang mukha habang ibinaba ang nakatutok niyang pistol sa akin. Napaiwas siya nang tingin at agad tumalikod sabay senyas sa kaniyang kasamahan na ibaba na rin ang nakatutok nilang mga maskit sa akin.

"Dalhin siya sa labas!" rinig kong utos mula sa kaniya at agad naunang lumakad sa amin. Tiningnan ko lang siya habang papalayo at agad na rin akong iginapos ng mga sundalo at hinila na rin papalabas sa tahanan ni Timothy.

Habang hinihila pa rin ako ng mga sundalo papalabas ay hindi ko maiwasang yumuko dahil pinagtitinginan at pinag-uusapan na ako ng mga tao sa labas. Akala ko ba'y nagtatago na sila sa kanilang tahanan, eh bakit nakikisiksik pa sila dito upang makita ako? May mga chismosa't chismoso rin pala dito sa lumang panahon.

"Bakit may lalakeng nakatira diyan?! Nasaan ang babae na tinutukoy ko?!" rinig kong sigaw ng babae na nasa aking gilid dahilan upang mas lalo akong mainis sa kaniya. Siya dapat ang nasa posisyon ko ngayon dahil sa pagkakasala niya ng Tresspasing!

Sa sobrang lalim ng aking iniisip ay hindi na ako nakikinig sa mga pinagsasabi ng kanilang heneral na nasa aking harapan ngayon. Nararamdaman ko na lang na bigla akong isinagi nang malakas ng sundalo dahilan upang umaray ako nang malakas.

"Sumagot ka dahil tinatanong ka ng heneral!" sigaw niya kaya tiningnan ko lang siya nang masama na para bang gusto ko siyang ibaon nang buhay sa lupa dahil sa ginawa niya sa akin. Sasagot na sana ako ngunit bigla na lang nagsalita ang heneral. Malamig itong nakatingin sa akin.

"Ang sabi ko ay hubarin mo na ang iyong sumbrero!" sabi niya dahilan upang magsitayuan ang aking mga balahibo. Tama ba ang pagkakarinig ko?

Napalunok na lang ako sa mga sandaling 'yun. Hindi ko puwedeng hubarin ang aking sumbrero dahil malalaman ng lahat ang aking pagkatao!

"Hindi puwede!" matigas kong tugon sa kanila gamit ang malalim kong boses.

"At bakit naman? May itinatago ka ba?" tanong naman niya habang nanlilisik ang kaniyang mga mata sa akin. Napalunok naman ako at agad tiningnan siya na para bang hindi natatakot sa maaring mangyari sa akin ngayon. Kailangan ko ng magandang palusot.

"Ma..may.. May sakit ako sa anit!" palusot ko ngunit parang hindi naman sila kumbinse sa aking sinabi. Napapikit naman ako at agad nagsalita ulit.

"May sakit ako sa anit! Kaya hindi ko puwedeng hubarin ang------"

"Wala akong pakialam!" malamig niyang tugon dahilan upang masindak ako. Sa totoo lang nakakatakot siya kapag nagagalit!

Agad naman akong napatingin sa nakagapos kong mga kamay at ibinalik ang aking paningin sa kaniya. Talagang hindi na maipinta ngayon ang kaniyang mukha dahil sa sobrang inis sa akin. Jusko, kapag naubos na talaga ang kaniyang pasensiya ay tiyak na hindi siya magdadalawang isip na babaralin ako ng kaniyang pistol.

"Paano 'yan eh nakagapos ako, hindi ko magawang alisin ang aking sumbrero." palusot ko gamit ang malalim kong boses ngunit nakatingin lang siya sa akin.

Pagkatapos 'nun ay agad niyang sinensiyahan ang kaniyang kasamahan na hubarin ang aking sumbrero ngunit pinigilan ko sila at sa halip ay nginitian ko lang sila kahit pilit sa aking nararamdaman ngayon.

Dinig na dinig ko na ang pagkabog ng aking puso na ngayo'y nangangamba at natatakot sa mga posibleng mangyayari sa akin. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga tao kapag nalaman nilang hindi ako tunay na lalake? Baka mas lalo silang magtaka at maniwala na talagang isa nga akong espiya ng mga moros dahil itinatago ko ang aking pagkatao. Paano kung malalaman nilang buhay pala ang anak ng gobrnadorcillo ng Anillo? At ano kaya ang magiging reaksiyon ni Konrad kapag nakita niya ako ulit? Magiging masaya ba siya? Magugulat? O 'di kaya'y magagalit dahil hindi ko sinabi ang dahilan ng aking pagpapanggap?

Patuloy pa rin itong gumugulo sa aking isipan habang napapikit. Heto na siguro ang oras upang sabihin sa kanila ang totoo kong pagkatao. Kung malalaman man ng lahat ang aking pagkatao ay kampante pa rin ako dahil nandito naman siya sa aking harapan upang protektahan ako. Alam kong mahal niya pa rin si Florentina kaya hindi niya hahayaang masaktan ako ng iba.

Unti-unti ko nang itinaas ang nakagapos kong kamay upang hubarin ang aking sumbrerong buri. Napahawak na rin ako 'run, handang matuklasan ng lahat na isa akong babae. Pero bago ko pa hubarin ang aking sumbrero ay may kung anong boses ang aming narinig mula sa kalayuan.

Agad na rin kaming nakitingin 'dun at nagulat dahil may tatlong kalalakihan ngayon ang nakasakay sa kanilang kabayo papunta sa aming direksiyon.

"Sandali!!!" rinig kong sigaw mula sa lalakeng sundalo habang nag-aalalang nakatingin sa akin. Sumilay bigla ang aking ngiti nang makita ko siya.

"Si Capitan Castellana, heneral!" rinig kong sambit ng isang opisyal ngunit hindi naman nagpatinag ang kanilang heneral dahil sa presensiya ni Timothy.

Nakita ko namang huminto ang kanilang kabayong sinasakyan sa aming harapan at agad na ring bumaba sina Theodore, Danilo, at si Timothy na kanina pang nakatingin sa akin.

Dire-diretso itong tumungo sa aking direksiyon at agad hinablot ang aking kamay upang hatakin ako papunta sa kaniyang likuran. Pagkatapos 'nun ay tiningnan niya nang matalim ang heneral at tiningnan din siya nito pabalik. Mukhang hindi 'to maganda!

"Anong ibig sabihin nito........" seryosong nakatingin si Timothy sa kaniya na para bang papatayin niya ito sa isang tingin.

".....Heneral Konrad Garcia?"

Hindi naman nagpatinag itong si Konrad at mas lalong umigting ang kaniyang panga dahil sa ipinakita sa kaniya ni Timothy. Ngumisi na lang siya at agad lumapit ito sa kaniya.

"Baka nakakalimutan mo kung sino ang iyong kausap ngayon, capitan."

"Alam ko ang aking posisyon, heneral."

Bigla na lang siya tumahimik nang banggitin 'yun ni Timothy. Napabuntong hininga na lang siya at agad naman niya akong tiningnan na para bang gusto niyang alamin ang aking pagkatao ngayon.

"Sabihin mo capitan, sino ang lalakeng 'yan?"

"Kababata ko siya, heneral. Pansamantala ko siyang pinatira sa aking tahanan dahil naghahanap pa siya ng trabaho." mabilis na sinabi 'yun ni Timothy. Maganda rin ang kaniyang pagkakasabi dahil walang kaduda-dudang pakinggan.

"Kung ganun ay magpakilala ka, ginoo." seryosong sinabi 'yun sa akin ni Konrad. Napalunok na lang ako at agad napasulyap kay Timothy. Tumingin din siya sa akin at tsaka tumango. Senyales na para bang, huwag kang mag-alala, nandito lang ako.

Agad na rin akong lumabas mula sa kaniyang likuran at tsaka tiningnan si Konrad. Sa totoo lang ay pinagpapawisan na talaga ako. Ano kaya ang puwede kong itawag sa aking male version?

"Inuulit ko, ginoo. Ano ang iyong pangalan?"

"Uh, Anastasio po!" mabilis kong tugon na hindi man lang pinag-iisipan.

"Anastasio?"

"Anastasio Montales, po. Tasyo po ang aking palayaw." pagpakilala ko gamit ang malalim kong boses. Mabuti na lang dahil mabilis akong nakagawa ng pangalan. Napatango naman ng isang beses 'tong si Konrad at tsaka ibinalik ang kaniyang paningin kay Timothy.

"May nakapagsabi sa amin na may babae raw na nakita diyan sa loob ng iyong tahanan at posible na isa itong espiya ng mga moros. Puwede mo bang ilahad sa amin ang katotohanan?" dahil sa sinabi ni Konrad ay agad namang tumawa si Timothy na ikinagulat naming lahat.

"Nakakatawa naman 'yan, heneral. Ibig mo bang ibatid sa akin na may itinatago akong kalaban? Nagkakamali ka sa iyong paratang." ngisi ni Timothy.

"Kung ganun ay puwede mo bang sabihin sa amin ang iyong alam kung sino ang babaeng nasa inyong tahanan, ginoong Tasyo?" ngumisi naman si Konrad at agad napatingin sa akin. Mukhang hindi rin 'to magpapatalo kay Timothy. Alam kong naghihintay siya ng alas upang palabasin na may nagawang kamalian si Timothy.

"Totoong may babae kanina sa aming tahanan, heneral." rebelasyon ko at agad naramdaman ang reaksiyon ng mga tao na nasa aking paligid. Sinilip ko naman si Timothy na nasa aking likuran. Tahimik lang ito at kalmado. Ngunit tanging ngisi lang ang nakita ko kay Konrad habang nakatingin pa rin ito sa akin.

"Ang babaeng 'yun ay ang aking kapatid. Hinatid niya lang ako kanina rito at natiempuhan na nagkita sila ng babaeng 'yun." paliwanag ko sabay tingin sa babaeng nasa aking kaliwa habang nakikita sa kaniya ang matinding pagkagulat.

"Hindi niyo siya makikita dito dahil kanina pa siyang nakakaalis pauwi sa barrio ng Quipot." dagdag ko naman.

"Ang ibig sabihin ay nanggaling ka sa barrio ng Quipot? Kung ganun ay bakit gusto mo ritong magtrabaho at hindi sa inyong barrio?" taas noo namang itinatanong sa akin ni Konrad. Grabe namang mag-interrogate itong si Konrad. Mukhang mas dadagdagan na naman ang aking kasalan dahil sa aking pagsisinungaling.

Sasagot na sana ako ulit ngunit bigla namang sumingit si Timothy sa aming gitna.

"Mahirap na barrio lamang ang Quipot, heneral. Walang sapat na hanapbuhay at kabuhayan kung siya'y mananatili pa doon. At isa pa, ako lang naman ang nagudyok sa kaniya na dito na lamang siya magtatrabaho dahil alam kong sapat ang matatanggap niyang salapi para sa kaniyang pamilya." paliwanag ni Timothy dahilan upang umurong ang aking dila. Ba't ang dali lang sa kaniya gumawa ng kung anu-anong paliwanag?

Tumahimik na lang si Konrad habang palipat-lipat siya ng tingin sa amin. Tumango naman ito at agad sinensiyahan ang isang sundalo na tanggalin ang aking pagkakagapos. Mukhang nabunutan ako ng isang katerbang sinulid at huminga nang maluwag. Kumbinsido na 'ata si Konrad sa aming pagsisinungaling ni Timothy kaya pinalaya na niya ako mula sa aking pagkakagapos.

Agad namang umalis ang mga tao sa aming paligid nang makita nilang papaalis na rin ang mga sundalo mula sa tapat ng tahanan ni Timothy. Mabuti na lang dahil umalis na rin ang mga chismosa't chismoso ng 1600's.

Nang umalis na ang mga kasamahan niyang mga sundalo ay agad namang sumunod si Konrad sa kanila upang umalis. Ngunit bigla na lang siyang tumigil at agad lumingon sa akin dahilan upang magtaka naman sina Timothy, Theodore, at Danilo.

"Ma..ay problema po ba, heneral?" utal bigla ni Danilo. Ngunit hindi siya pinansin ni Konrad at sa halip ay sa akin siya nakatingin ngayon.

"Sa akin ka magtrabaho, ginoong Tasyo." wika niya dahilan upang ako'y nagulat.

"Ano, po?!"

"Gagawin kitang tagapangasiwa ng aking silid-aklatan ng aking opisina." hindi naman ako makapaniwala sa kaniyang suhestiyon. Kahit na sina Theodore at Danilo na nasa aking tabi ngayon ay parang nagulat na rin sa sinabi ni Konrad.

"Hindi ako makakapayag, heneral." matigas na sambit ni Timothy dahilan upang mapatingin naman sa kaniya si Konrad.

"Ikaw ba'y naghahanap ng trabaho, capitan?" buwelta sa kaniya ni Konrad dahilan upang magkaroon na naman ng tensiyon sa kanilang dalawa. Sa totoo lang kinakabahan na ako sa mga susunod na mangyayari kaya dapat ko nang putulin ang kanilang hidwaan ngayon.

"Hindi maaaring magtrabaho doon si Tasyo dahil-------"

"Tinatanggap ko na po ang iyong alok, heneral!" sabi ko bigla kaya napatigil itong si Timothy sa kaniyang sinabi.

Bumilog naman ang mga mata ni Timothy sa akin kaya ginaya ko na rin siya pabalik. Wala naman sigurong masama kung tatanggapin ko ang trabahong 'yun.

"Mabuti dahil nakapagdesisyon ka na, ginoo. Bukas na bukas ay maari ka nang pumunta sa aming kampo upang tayo'y makapag-usap at maari ka na ring magsimula bukas." ngiti niya.

Hindi naman makapagsalita itong si Timothy dahil sa pagtanggap ko ng alok mula kay Konrad. Mukhang ginalit ko 'ata siya. Kumunot na lang ang kaniyang noo at naunang umalis papasok sa loob ng kaniyang tahanan nang hindi man lang sumaludo sa kanilang heneral.

"Kahit kailan walang modo ang Castellanang 'yan." rinig kong inis ni Konrad habang nakatanaw ito kay Timothy.

"Pagpasensiyahan mo na ang ating kaibigan, Konrad. Hindi naman talaga ganyan si Timoteo. Mukhang napagod 'ata siya ngayong araw." tawa naman ni Theodore ngunit hindi man lang kumibo sa kaniya si Konrad. Patuloy pa rin niyang sinusundan ng tingin si Timoteo hanggang sa nakapasok na ito sa loob ng kaniyang tahanan.

"Hindi ko na siya kaibigan." malamig na sinabi 'yun ni Konrad sa amin at tsaka na ito tumalikod at agad tinungo ang kaniyang kalesa upang umalis na rin.


**********

"Magandang umaga binibining Anastasia!" masiglang bati sa akin ni Diday habang ako'y papunta na sa aming hapag.

"Magandang umaga rin Diday! Mabuti na lang dahil nandito ulit kayo ni Nay Remedios!" ngiti ko sabay tingin kay Nay Remedios na may hawak-hawak na palayok na naglalaman ng sinabawang isda. Mukhang mapapasubo naman ako ngayong agahan!

Bago naman kami makapagsimulang kumain ay agad kong napansin na hindi pa rin pumupunta rito sina Timothy at Danilo upang kumain.

"Uh, ginoong Theodore. Nasaan pala sina Timoteo at Danilo?"

"Maaga pa silang umalis, binibini."

"At saan naman sila pupunta?"

"Sa pagkakaalam ko'y dinestino sila ng koronel sa isang liblib na lugar upang mag-imbestiga tungkol sa sinasabing sikretong kampo ng mga moros."

Napatigil ako saglit sa sinabi ni Theodore. Talagang seryoso na ang labanan sa pagitan ng mga moros at ng mga espanyol. Agad naman akong uminom ng tubig at napa-isip sa magiging kaligtasan ni Timothy at ni Danilo. Masyado talagang delikado ang kanilang trabaho bilang mga sundalo.

"Talaga bang pupunta ka mamaya sa kampo?" tanong bigla ni Theodore at agad napatingin sa akin.

"Oo." tipid kong sagot.

Kumakain pa rin kami dito sa hapag ng tahanan ni Timothy. Magkatapat kami ni Theodore at magkatapat ding nakaupo sina Diday at Nay Remedios na patuloy pa ring nakikinig sa aming usapan.

"Eh, ikaw anong gagawin mo ngayon?"

Agad ibinalik sa akin ni Theodore ang kaniyang tingin at tsaka ngumisi.

"Eh di babantayan kita. Iyan kasi ang ibinilin sa akin ni Timoteo bago sila umalis ni Danilo kaninang umaga." agad ulit akong napatigil sa aking pagsubo sa sinabi niya.

"Mabuti na lang dahil naayos ko na rin ang pintuan ng pasukan na giniba ng mga sundalo kagabi at ako na rin ang nagdala ng kaniyang kabayo sa kwadra matapos niyang iwanan ito sa labas. Talagang maswerte si Timoteo dahil naging kaibigan niya ako dahil kung hindi, naku..." napailing naman 'tong si Theodore pagkatapos niyang sabihin 'yun. Napangiti na lang kami ni Nay Remedios sa kaniya habang si Diday naman ay patuloy pa ring kumakain sa aking tabi.

"Talaga ngang napakaswerte ni Timoteo dahil naging kaibigan ka niya. Kaya nga pumayag siyang tumira kayo rito ni Danilo dahil kayo lang naman ang naging malapit at mapagkakatiwalaan niyang kaibigan." wika ni Nay Remedios.

Ngumiti na lang si Theodore sa kaniya at tsaka ipinagpatuloy na ang kaniyang pagkain.

Tapos na rin kaming kumain ng agahan at agad ko nang iniligpit ang aming mga ginamit na plato't kubyertos sa lamesa. Si Theodore naman ay agad nang umalis upang pakainin ang alaga nilang kabayo sa kwadra. Si Diday naman ay inutusan nang bumalik sa kanilang kubo upang magumpisa nang magtanim ng mga iba't ibang buto ng mga gulay sa kanilang maliit na hardin.

Habang patapos na kaming naghuhugas ni Nay Remedios ng mga ginamit naming mga plato't kubyertos ay hindi ko maiwasang mapangiti sa kadahilanang hindi na sila umalis ni Diday. Hindi ko alam ngunit parang bahagi na rin ng aking buhay si Nay Remedios dahil umpisa pa lang nang makapunta kami rito ni Timothy sa lumang panahon ay siya na ang gumagabay sa aming misyon.

"Mukhang napamahal ka na sa katauhan ni Florentina, Florabelle."

"Ano pong ibig ninyong sabihin?"

"Umpisa pa lang ay unti-unti na kayong nilamon ng kanilang katauhan kaya nga siguro ay madali kayong nakapagsasalita at nakapagintindi ng mga malalalim na salita dito sa lumang panahon. Ang kanila ring mga gusto ay parang nagugustuhan niyo na rin mapa-bagay man o maging sa mga pagkain."

Napaisip naman ako sandali. Tunay ngang nilamon ako ng katauhan ni Florentina dahil nararamdaman ko 'yun. Minsan nararamdaman ko rin ang mga kakaibang damdamin ni Florentina na nananalaytay sa aking katawan kaya hindi na ako magtataka kung bigla na lang akong umiyak, tumawa, ngumiti, at magalit nang walang dahilan.

Mapapansin din minsan na kapag nasa matindi akong emosyon ay lumalabas din ang kakaibang damdamin na pilit kumakawala sa akin. Katulad na lang ng pagsasalita ko noon ng wikang espanyol. Hinding-hindi ko 'yun makakalimutan dahil na rin sa matinding inis at galit ko kay Marcelita. At dahil 'dun, diyan ko lang napagtanto na may galit din 'tong si Florentina kay Marcelita.

Napatalon na lang ako sa sobrang gulat nang biglang kumatok si Theodore sa pintuan ng kusina. Mabuti na lang dahil hindi ako natumba at agad ko naman siyang hinarap.

"Huwag mo naman akong tingnan nang ganyan, binibini. Alam ko namang nagwagwapuhan ka sa akin." tawa niya dahilan upang ihahagis ko sa kaniya sana ang aking suot na botas.

Nakadamit akong panlalake ngayon dahil pupunta ako mamaya sa kanilang kampo para kausapin si Konrad tungkol sa alok niyang trabaho sa akin. Nakaputing kamiso ulit ako at tsaka nagsuot ng itim na pantalon. Mabuti na lang dahil flat chested akong babae kaya hindi mapanpansin ang pag-umbok ng aking dibdib sa suot kong kamiso.

"Tara na, binibini."

"Tara?"

"Ano ka ba, aalis na tayo papuntang kampo."

"Ngayon na ba?"

"Bakit ayaw mo? Ayaw mo na bang makita ulit si ginoong Konrad?" ngisi niya.

"Naku, tigil-tigilan mo nga ako, ginoo." sabi ko sabay suot sa aking sumbrerong buri para itago ang mahaba kong buhok.

Napahalakhak naman 'tong si Theodore at agad na rin kaming nagpaalam kay Nay Remedios bago na kami lumabas ng tahanan. Dali-dali ko namng sinundan si Theodore papunta sa likuran hanggang sa nakalabas na rin kami at nakita ulit ang malawakang lupain na pagmamay-ari ni Timothy. Damang-dama ko talaga ang mainit at mapreskong sensasyon ng kapaligiran.

Agad naman akong sinalubong ng isang malakas na hangin dahilan upang liparin ang aking suot na sumbrero. Linipad ito ng hangin hanggang sa napunta na ito kay Theodore na ngayon ay nakasakay sa kaniyang puting kabayo.

"Halika ka na, binibini." ngiti niya.

Masaya ko naman siyang pinuntahan at agad inagaw mula sa kaniya ang aking sumbrero. Agad ko naman 'yun sinuot upang itago ang mahaba kong buhok at tsaka tinanggap ang kaniyang palad upang alalayan akong makasakay sa kaniyang kabayo. Nung una'y nahihiya pa akong humawak sa kaniyang beywang pero sa kalaunan ay wala naman akong magawa kundi kumapit 'dun.

"Handa ka na bang makita ulit si ginoong Konrad, binibining Florentina?"

Tinawanan ko na lang ang pagiging pilyo ni Theodore at tsaka napahawak nang mahigpit sa kaniyang beywang. Unti-unti ko nang nararamdaman ang aming pag-alis hanggang sa tuluyan na ring pinatakbo ni Theodore nang mabilis ang sinasakyan naming kabayo papunta sa kanilang kampo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro