KABANATA 27
[Kabanata 27]
Ang Nakaraan, 1600
Nandito kami ngayon sa salas ng ikalawang palapag ng bahay kung saan nasa harapan ko ngayon sina Theodore at Danilo habang tumatawa sa kanilang kinauupuan. Siningkitan ko na lang sila at tsaka umupo na sa kanilang tapat.
"Alam naman naming magugulat ka kapag malaman mong si Timoteo ang tinutukoy naming senyor." tawa naman ni Danilo at agad naman siyang sinagi ni Theodore.
"Tama na 'to. Baka kakainin tayo ni binibining Florentina na buhay. Ayaw ko pa naman mamatay dahil papakasalan ko pa si Katrina." sabi naman ni Theodore na umagaw ng aking atensiyon.
"Talagang hinding-hindi niyo makikita at papakasalan ang aking mga pinsan kapag ipinagpatuloy niyo pa ang pagiging pilyo ninyo. Naintindihan niyo ba?" sabi ko at tsaka sila nilayasan.
Ngunit nararamdaman kong tumatawa pa rin sila sa aking likuran kaya nilingon ko sila agad. Ngunit paglingon ko ay agad naman silang tumahimik na parang mga bata. Napailing na lang ako sa kanilang dalawa.
Agad na sana akong bababa ng hagdan ngunit nakita ko si Timothy na paparating habang papaakyat sa aking direksiyon. Napahawak naman ako sa aking dibdib dahil sa matinding pagkabog ng aking puso kung kaya'y agad na rin akong bumalik at umupo sa tapat nina Theodore at Danilo ulit. Kumunot bigla ang kanilang mga mukha dahil nakikita nila na parang kinakabahan ako.
"Anong nangyari sa'yo?" tanong bigla ni Danilo.
"Wala. Wala naman. Bakit bawal bang bumalik dito?" sabi ko na lang. Hindi ko alam ngunit parang natataranta na ako ngayon sa aking kinauupuan.
"Magandang umaga mga ginoo at sa'yo rin, binibini." rinig ko kay Timothy pero hindi ko siya nilingon. Malakas pa rin ang pagkabog ng aking puso kaya napahawak ako sa aking dibdib. Nasa taong 1600 na kami ngunit hindi pa rin nagbabago ang aking nararamdaman para sa kaniya.
"Heto, dinalhan ko kayo ng kape at tsaka pandesal." sabi niya at agad nilapag sa lamesa ang dala niyang kape't pandesal na nasa loob ng bandeha.
"Teka, saan ka bumili ng pandesal?" rinig ko naman kay Danilo habang kumuha ng isang pandesal.
"Malapit sa palengke. Narinig ko kasing masarap daw ang kanilang pandesal kung kaya'y bumili rin ako upang matikman niyo." ngiti ni Timothy at agad napatingin sa akin habang umiinom ako ng kape. Agad naman siyang ngumiti sa akin dahilan upang mapaso 'yung dila ko.
Agad namang nagtawanan ang dalawang baliw na nasa aking tapat dahil nakita nila ang aking reaksiyon. Dahil mukhang hindi na nila ako titigilan ay agad na akong tumayo at dumiretso sa tapat ng bintana upang magpahangin. Mas mabuti pang iwanan ko silang tatlo para makapagusap naman sila.
Agad naman akong tumingin sa ibaba at nakikitang maraming mga guardia't militar ang umaaligid. Ngunit pumukaw ang aking atensiyon nang makita ang tatlong kababaihan papunta sa gate ng bahay na 'to. May bitbit silang tig-iisang bayong na mukhang maraming laman. Nag-aayos pa sila ng kanilang mga sarili bago tumawag.
"Magandang umaga, Capitan! Nandito ulit kami!" ngiti ng isang dalaga na nasa gitna habang ang mga kasama naman niya ay humahagikgik na parang mga baliw.
"Senyor Capitan! Nandiyan po ba kayo?!" tawag niya ulit sabay hagikgik kasama ang kaniyang mga kaibigan. Sino naman ang mga babaeng 'to? Agad naman akong lumingon kina Timothy, Theodore at Danilo habang masayang nag-uusap sa salas.
Agad naman akong lumunok at pinuntahan sila nang walang alinlangan. "Mawalang gana lang ho mga ginoo. Ngunit may mga kababaihang nasa ibaba at hinahanap daw ang capitan." sabi ko kaya nakita ko namang ngumisi si Danilo sa kaniyang kinauupuan.
"Naku, mukhang nandito na naman sila! Puntahan mo na Timoteo!" mukhang nagulat naman ako sa sinabi ni Danilo kaya napatingin ako kay Timothy ngayon.
"Sige, dito muna kayo. Pupuntahan ko sila sa ibaba." sabi niya lang at dali-daling umalis pababa ng hagdan. Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa narating na rin niya ang ibaba at agad binuksan ang pintuan upang lumabas. Kumunot tuloy ang aking mukha.
"Mukhang mas gugustuhin kong tumira na lang dito dahil halos araw-araw ko silang nakikita..." rinig ko kay Theodore kaya agad ko rin silang nilingon.
"Bakit mo namang inutusan si Timoteo na puntahan ang mga babaeng 'yun?" tanong ko kay Danilo dahilan upang ngumisi na naman sila sa aking harapan. Oy! Hindi ako nagseselos ha!
"Hay naku, binibini." rinig ko kay Theodore at agad tinapik ang aking balikat upang itulak ako papunta sa tapat ng bintana. Hindi naman ako makapagsalita dahil patuloy niya pa rin akong tinutulak patungo 'run.
"Huwag mo sanang sasamain ang narinig mo kanina, binibini. Ngunit may magandang naidudulot din ang aming pagtanggap mula sa mga mga binibini na iyong natutunghayan ngayon sa ibaba....." sabi niya at agad naman akong napatingin sa ibaba kung saan nakikita ko si Timothy na kinakausap ng mga dalagang 'yun. Natanaw kong may ibinibigay silang mga bayong kay Timothy na naglalaman pala ng mga pagkain kaya masaya naman niyang tinanggap ito mula sa kanila. Hindi ko alam ngunit napasimangot na lang ako habang pinagmamasdan sila sa ibaba.
"Kahit kailan ang babait ng mga kababaihan dito. Biruin mo araw-araw silang nagdadala ng mga pagkain dito.." rinig ko kay Theodore dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.
"Araw-araw?!" gulantang kong tanong. Tumango naman si Theodore habang pinagmamasdan ang mga kababaihan sa ibaba.
"Mainit kasi nilang tinatanggap ang capitan dito sa barrio kaya ganito nila siya tinatrato." rinig ko naman kay Danilo na nasa aking tabi dahilan upang mapaisip ako.
"Teka, sino nga ba ang capitan niyo rito?" kunot noo kong tanong. Agad naman silang tumingin sa isa't isa at ngumisi na hindi ko naman naintindihan. Eto na naman sila.
"Sa tingin mo ba binibini, sino?" ngisi ni Theodore at agad ibinalik ang kaniyang tingin sa ibaba.
Agad naman akong napatingin sa ibaba ulit habang pinagmamasdan ang mga kababaihan na kumakaway kay Timothy habang papaalis na sila. Ngumiti naman si Timothy sa kanila dahilan upang ako'y magtaka at mapaisip sandali. Teka ang capitan ba na tinutukoy nila ay si...
**********
"Mga sundalo kayo?!" halos mapasigaw ako sa aking nalaman nang magtapat sa akin si Danilo. Ang alam ko lang kasi na naging sundalo ay si Theodore.
"Teka, naguguluhan pa rin ako eh. Kailan 'to nangyari? Kailan pa kayo naging sundalo ni ginoong Timoteo?"
Nasa salas pa rin kami at kaming apat ay nakaupo sa mahabang upuan na magkatapat. Katabi ko si Theodore habang magkatabi naman sina Danilo at Timothy.
"Mahabang kuwento, binibini. Hindi ko rin inaasahan na papasukin ko rin ang mundo ng mga militar. Hinimok kasi ako ng aking ama na pumasok sa hukbong militar kahit labag sa akin. Isa kasing karangalan na makapagbigay serbisyo sa inang bayan." paliwanag ni Danilo at agad napatingin kay Timothy upang siya naman ang makapagbigay ng paliwanag.
Huminga naman ako nang malalim bago makinig sa paliwanag ni Timothy. Kahit kailan hindi ko naisip na pasukin niya rin ang mundo ng mga militar.
"Florentina, pumasok ako sa hukbong militar dahil sa'yo." intro niya dahilan upang mabigla ako sa aking kinauupuan.
Napaubo naman si Theodore sa kaniyang narinig dahilan upang mapatayo siya. Sinensiyahan niya rin si Danilo upang umalis sila ngunit pinigilan lang sila ni Timothy.
"Dito lang kayo. Mabilis lang naman 'to." sabi niya kaya umupo na ulit sina Theodore at Danilo.
"Sa totoo lang matagal na akong binigyan ng alok ng asawa ng aking pinsan na si Heneral Crisanto Flores upang pasukin ang militar. Ngunit tinanggihan ko ito sapagkat ayaw kitang mag-alala at wala naman talaga akong balak umpisa pa lang. Pero dumating ang araw na hindi ko inaasahan. Nakita kitang sugatan at walang malay habang palutang-lutang sa dalampasigan...." sabi niya habang nakatitig sa akin. Alam kong alam niyang patay na ako sa mga oras na 'yun ngunit ayaw niya itong sabihin sa kaniyang mga kaibigan.
"Nalaman kong dinakip ka sa araw ng inyong kasal ni Konrad kaya agad na kitang hinanap kahit kakalabas ko pa lamang ng bilangguan. Nang makita kitang sugatan sa pangpang ay agad kitang nilapitan. Mabuti na lang dahil kasama ko sina Theodore at Danilo upang buhatin ka papunta rito. Sobra talaga akong nag-aalala sa'yo kung alam mo lang..." kuwento niya. Napalunok na lang ako at tsaka pinagpapawisan na rin sa kaniyang rebelasyon.
"Simula 'nun, napag-isipan kong tanggapin na ang alok sa akin ni Crisanto noon. Napag-isipan ko rin kasi na kapag naging ganap na akong sundalo ay may kapangyarihan na akong protektahan ka. Mabuti na lang dahil tinanggap na rin akong sundalo ng Hukbong Espanya. Mga halos anim na buwan rin ang aking pag-eensayo sa Espanya hanggang sa itinaas niya rin ang aking ranggo bilang isang capitan. Kaya eto, bumalik ako rito bilang capitan ng Hukbong Espanya." dagdag niya kaya tumatango na lang ako sa kaniya.
"Ikaw, ginoong Danillo..." sabi ko habang nakatingin na sa kaniya. "....ano na ang ranggo mo ngayon at ilang buwan ka na ring nag-eensayo bilang isang sundalo?" tanong ko. Baka magulat na rin ako kapag malaman kong kabilang din siya sa matataas na posisyon ng mga militar. Agad niya ring inangat ang kaniyang ulo bago nagsalita sa akin.
"Isa na akong alperes ngayon, binibini. At tsaka limang buwan lang akong nag-eensayo sa Espanya. Katulad ni ginoong Timoteo ay bumalik rin ako rito sa lalawigan at dito na rin ako itinalaga ng capitan heneral na pamumunuan ang mga guardia sibil dito sa barrio." sabi niya kaya tumango-tango na rin ako sa kaniyang sinabi.
Talagang marami na ang nangyari sa mga panahong wala pa akong malay. Mabuti na lang dahil hindi ako inabot ng isang taon.
"Eh ikaw, ginoong Theodore? Ano na ang ranggo mo ngayon?" tanong ko naman sabay tingin kay Theodore na nasa aking tabi.
"Binibini, kung hindi mo alam ay isa na akong kaibig-ibig at ganap na tenyente." ngisi niya gamit ang malalim niyang boses na aking ipinagtataka.
Napahalakhak na lang siya sa kaniyang ginawa at agad nakipag-apir kay Danilo na nasa kaniyang harapan na tumatawa na rin. Nagpipigil naman itong si Timothy sa kaniyang pagtawa dahil sa pinanggagawa ng kaniyang loko-lokong kaibigan. Sa totoo lang wala namang nakakatawa 'dun eh.
"Mukhang sapat na ang iyong alam tungkol sa amin, binibini. Kaya ako naman ang magtatanong sa'yo." wika ni Timoteo dahilan upang umupo ako nang diretso.
"Namumukhaan mo ba kung sino ang bumaril sa'yo? At may alam ka ring kadahilanan kung bakit gusto ka niyang patayin?" tanong ni Timothy. Napalunok na lang ako sa kaniyang tanong at agad sinariwa ang aking memorya upang malaman kung sino ba talaga ang pumatay sa akin.
Katulad rin ng dati ay malabo pa rin ang aking memorya kung sino ang pumatay sa akin. Basta ang alam ko lang ay nakasuot siya ng itim na talukbong.
Umiling na lang ako bilang tugon kay Timothy. "Pasensiya na. Kahit anong pilit kong alalahanin ang mukha ng taong bumaril sa akin ay hindi ko pa rin namumukhaan. Basta ang alam ko lang ay nakasuot siya ng itim na talukbong." Nakita ko naman siyang tumikhim at agad tumango sa aking sinabi.
"Makinig ka, Florentina. Simula sa araw na 'to ay dito ka muna titira sa bahay ko..." rinig ko kay Timothy dahilan upang magsitayuan ang aking mga balahibo.
"Teka, Timoteo. Hindi pa siya rehistrado dito baka mapag-alaman 'to ng mga nakakataas.." sabi ni Danilo sa kaniyang tabi.
"Kung babalik na lang kaya ako sa Anillo? Tiyak na------"
"HINDI!!!!" sabay nilang sinabi 'yun kaya hindi ko na natapos ang aking suhestiyon.
"Hindi maaari, Flor. Masyado nang delikado na makakauwi ka ng Anillo dahil bantay sarado na ngayon ang barrio. At delikado na rin dahil sa mga balitang nakakalakat na maraming moros o mga espiya raw na umaaligid ngayon. Hindi natin alam kung sino at saan sila nagtatago. Kung nandito ba sila sa ating barrio o nasa labas. At kapag napag-alaman ng mga moros o ng kanilang espiya na buhay ka pa ay hindi sila magdadalawang isip na dakpin ka ulit at papatayin." paliwanag ni Timothy na talagang nagpapakaba sa akin ngayon.
"Ano na ang aking gagawin? Mukhang hindi rin ako puwede dito dahil sabi niyo ay hindi pa ako rehistrado at hindi rin ako puwedeng makakauwi dahil sa mga nagbabantang mga moros sa paligid. May iba pa bang paraan?" taranta at kaba kong tanong habang napatingin na sa kanila.
"May paraan pa..." rinig ko kay Timothy dahilan upang mapatingin kami sa kaniya.
"Magpanggap ka na isang lalaki, binibini." suhestiyon niya na amin namang ikinagulat bigla.
"Ito lang ang naisip kong paraan. Ayaw ko namang palabasin ka rito na isa kang babae dahil alam kong makikilala ka ng lahat bilang anak ng gobernadorcillo ng Anillo. At kapag nakilala ka ng mga tao rito ay tiyak na kakalat ang balitang ito at mapag-alaman pa ito ng mga moros na ikakapahamak mo." paliwanag ni Timothy sa akin.
"May punto ka nga, Timo." pagsang-ayon naman sa kaniya ni Danilo.
"Teka, 'di ba pinalitan naman natin ang kaniyang pangalan? Bakit kailangan niya pang magpanggap na lalake?" kunot noo naman na tanong ni Theodore.
"Hindi sapat na palitan lamang ang kaniyang pangalan, Theodore. Totoong pinalitan natin siya ng pangalan ngunit hindi ang kaniyang mukha. Makikilala pa rin siya ng mga tao bilang Florentina at hindi bilang Anastasia." paliwanag naman sa kaniya ni Timothy kaya napakamot na lang sa batok itong si Theodore.
"Ano na ang iyong desisyon, binibini? Pumapayag ka ba?" tanong sa akin ni Timothy.
Wala naman akong magagawa tungkol 'dun at tsaka may tiwala naman ako sa kaniyang plano. Tumango na lang ako bilang pagsangayon sa kaniya kaya nakita ko na naman ang kaniyang ngiti na nagpangiti na rin sa akin sa mga oras na 'yun.
"Bueno. Mukhang areglado na ang lahat." masayang ani ni Timothy at tsaka napatayo na sa kaniyang kinauupuan.
"Huwag mo ngang galingan, Timoteo. Masyado mong pinapabilib ang binibini." rinig ko naman kay Theodore at napansing tumayo rin siya mula sa kaniyang pagkakaupo. Eto na naman siya. Napailing na lang ako sa kaniyang pinagsasabi.
"Ako na si Tenyente Theodore Alfarez, dalawampu't isang taong gulang ay ibibigay ang kaniyang tungkuling protektahan at alagaan ang binibining ito mula sa mga moros...." sabi niya na may malapad na ngiti at agad nilahad ang kaniyang palad sa harapan ni Danilo upang siya naman ang magsalita.
Wala namang magawa si Danilo sa mga sandaling 'yun dahil pinipilit pa rin siya ni Theodore. Hindi kasi puwedeng umayaw sa kaniya. Napatikhim na lang si Danilo bago magsalita sa aming harapan.
"Ako si Alperes Danilo Manejero, dalawampung taong gulang ay ibibigay din ang kaniyang serbisyong paglingkuran at protektahan ang binibini na nasa aking harapan." sabi naman niya kaya napapalakpak sa kaniya si Theodore habang tumatango. Grabe sila ha. May pa ganun-ganon pa silang nalalaman. Mukhang nahiya naman ako 'dun.
"Ikaw naman, Timo.." sabi niya dahilan upang mabigla sa kaniya si Timothy.
"Sige na. Upang mas lalong humanga sa'yo ang binibini." ngisi niya dahilan upang sinagi ko siya sa kaniyang tagiliran. Talagang tinutukso niya ako kay Timothy ha. Malalagot talaga siya sa akin!
Agad naman kaming napaligon ni Theodore nang marinig naming tumikhim siya sa aming harapan. Teka, talagang gagawin niya rin 'yun?
Tumingin siya sa aking mga mata hudyat na dapat pakinggan ang kaniyang mga sinasabi. Napalunok na lang ako nang dahil 'dun.
"At ako naman si Capitan Timoteo Castellana ng hukbong Espanya, dalawampu't dalawang taong gulang ay handang ialay ang kaniyang buhay upang protektahan at alagaan ang binibini na kaniyang iniirog...." dahil sa sinabi niyang 'yun ay agad ko namang nararamdaman ang paglakas ng tibok ng aking puso habang nakatigin sa kaniya.
Napahawak ulit ako sa tapat ng aking puso animo'y parang kumakawala na ito sa loob ng aking katawan. Kasabay ng pag-init ng aking pisngi ay agad kong napansin ang pagbuka ng kaniyang bigbig dahilan upang bumilog ang aking mga mata.
".....pangako kong ika'y protektahan hanggang kamatayan.."
**********
"Lahat ng mga makikita mo dito ay aking pag-aari."
Pinapakita niya sa akin ang kabuuan ng kaniyang teritoryo dito sa barrio at talagang masasabi kong nakakaangat siya sa mga naninirahan dito. Patuloy pa rin ang aming paglalakad hanggang sa narating namin ang kalagitnaan ng kaniyang lupain. Agad siyang nagpalinga-linga sa paligid kaya tumitingin na rin ako kung saan siya nakatingin ngayon.
Napansin kong ngumiti siya sa aking gilid at agad hinawakan ang aking balikat dahilan upang mapatigin ako sa kaniya.
"Habang wala ako sa bahay ay nais kong pumunta ka muna sa kubo kung saan nakatira ngayon si Nay Remedios." wika niya kaya bigla akong ngumiti sa kaniya.
"Hindi ko siya pinayagang umalis muna dahil masyado nang delikado kapag lumabas pa sila dito sa barrio. Mabuti na lang dahil bakante ang kubo kung kaya'y doon ko muna sila ititira." tugon niya at tsaka ngumiti sa akin.
"Nasaan na sila ngayon?"
"Doon." at tsaka itinuro ang kubo sa 'di kalayuan.
Agad ko naman sinundan ang kaniyang hintuturo hanggang sa nakita ko na rin ang kubong sinasabi niya. Maliit lang ang kubo ngunit makikita mong matibay ito at tsaka tsaktong-tsakto lang sa kanila ni Diday.
"Maaari ko ba silang puntahan?" ngiti ko ngunit sa hindi inaasahan ay may narinig kaming mga yapak ng mga kabayo sa kalayuan kaya agad kami napatingin 'dun. Mukhang limang sundalo ang paparating sakay ng kanilang kabayo ang papunta sa aming direksiyon kaya agad na rin akong napatigin kay Timothy na ngayon ay parang nagtataka sa kaniyang kinatatayuan.
"Anong ginagawa nila rito?" bulong niya kaya hinawakan na niya ang aking pulo-pulsuhan dahilan upang magulat ako.
"Kailangan mo munang magtago." utos niya sa akin.
Dali-dali kaming umalis sa lugar na 'yun at agad nagtungo papunta sa kaniyang bahay. Habang hawak niya pa rin ang aking pulo-pulsuhan ay hindi ko maalis-alis ang pangamba at takot na nararamdaman ko ngayon. Napahawak na lang ako sa aking dibdib habang nakasunod pa rin sa kaniya.
Agad na rin kaming huminto at napansin na parang may inalis si Timothy na isang malapad na kumot na nakapatong sa isang maliit na pintuan na matatagpuan sa lupa. Teka, isa ba 'tong underground room na katulad sa mga pinanonood kong mga pelikula? Binuksan niya rin ang pintuang 'yun at tumambad sa aming harapan ang kadiliman na nasa loob 'nun.
"Sandali lamang." sabi niya at agad pumasok sa kaniyang bahay na hindi ko alam ang dahilan. Taranta naman akong nakatayo na parang ewan ngayon dahil maya-maya'y paparating na ang mga sundalo. Mga ilang segundo rin ang nakalipas ay agad na siyang lumabas bitbit ang gasera. Mukhang nabunutan na rin ako ng mga tinik pagkatapos 'nun.
"Heto, kunin mo 'to binibini at agad ka nang pumasok sa loob. Diyan ka muna magtatago pansamantala. Lagot tayong pareho kapag nakita ka nila sa aking bahay. Babalikan kita kapag nakaalis na sila." sabi niya kaya tumango na lang ako at agad nang pumasok sa loob.
Makitid ang daan pababa 'dun kaya dahan-dahan akong nakatapak sa hagdan na aking inaapakan. Habang unti-unti na akong lumalayo sa itaas ay siya namang pagsarado ni Timothy ng pintuan dahilan upang nilamon na naman ng kadiliman ang buong paligid. Mabuti na lang dahil may bitbit akong gasera kaya naliliwanagan ang dinadaanan ko pababa na sa pagkakaalam ko'y parang isang imbakan ng mga alak dahil sa nalalanghap kong mga alak ngayon.
Dumating na rin ang hapon at sa wakas ay nandito ako sa loob ng bahay ni Timothy. Nakaupo ako ngayon sa salas ng ikalawang palapag, nakatunganga magdamag. Wala kasi akong gagawin dito. Umalis kasi si Timothy ngayon papunta sa kaniyang kampo.
Ibinilin niya rin sa akin na bawal muna akong umalis dito dahil may mga guradia't militar ngayong umaaligid sa paligid. Kahit na sa kaniyang lupain ay may umaaligid na rin kaya hindi muna ako puwedeng bumisita kina Nay Remedios.
Mga ilang oras din ang aking pananatili sa imbakan ng mga alak hanggang sa binuksan na ni Timothy ang pintuan sa itaas. Namahinga naman ako nang malalim dahil sa pagkabagot pero mabuti na lang dahil makakalabas na rin ako dito.
"Pasensiya na kung ngayon lang kita pinalabas. Kakaalis lang kasi ng aking mga kasamahan." bungad niya.
Agad na niya akong tinulungang lumabas at tsaka isinira na ang pintuan. Kinuha niya rin ang kumot na nilagay niya sa gilid at tinakpan ang nakatagong imbakan.
"Makining ka, Flor. Mukhang may masama akong ibabalita sa'yo." sabi niya dahilan upang mapatingin ako sa kaniya.
"May balitang pinarating sa amin na may espiya ng mga moros daw ang dumating dito sa barrio at hindi namin alam kung kailan pa siya dumating dito. Mukhang kailangan mong magdobleng ingat. May marka siyang nagpapahiwatig na isa siyang kasamahan ng mga moros."
"Mukhang kailangan mo na talagang magpanggap bilang isang lalake, binibini. Alam kong wala akong karapatan na sabihin 'yun sa'yo ngunit ito lang ang mainam na paraan upang itago ang iyong totoong pagkatao." dagdag niya dahilan upang tumango na lamang ako sa kaniya.
"Ako na ang bahala sa iyong mga papeles at sa iyong pagrehistro dito sa barrio. Ang kailangan mo lang gawin ay ang sumunod sa akin, binibini."
"Sina Nay Remedios, Timo? Naka-rehistro na rin ba sila dito?" tanong ko naman dahilan upang ngumiti siya nang bahagya sa akin.
"Oo. Matagal na. Ako rin ang nag-ayos ng kanilang papeles upang makapag-rehistro na sila dito. Huwag kang mag-alala, binibini. Kapag nasa loob ka ng aking bahay ay hindi mo na kailangang magpanggap bilang isang lalake." ngiti niya at tsaka hinawi ang hibla ng aking buhok na nakaharang ngayon sa aking mukha.
Bigla naman akong bumalik sa aking katinuan nang may narinig akong boses sa labas ng bahay. Agad naman akong tumayo at dumungaw sa bintana.
"Senyor Capitan!!!" tawag ng isang babae na may dalang bilao na puno ng puto't kutsinta. Teka , kung hindi ako nagkakamali ay isa siya sa mga babaeng dumalaw kaninang umaga. Ba't naman siyang bumalik dito?
"Senyor! Nandito po ba kayo?! May dala akong puto't kutsinta na talagang magugustuhan mo!" ngiti niya. Kumunot bigla ang aking mukha dahil sa nasilayan ko ngayon. Mukhang atat na atat 'to kay Timothy ah. Hinayaan ko na lang siya sa pagsigaw dahil alam ko namang aalis din siya kapag nabagot na ito sa kakatawag sa kaniyang senyor.
Mga ilang minuto rin ang nakalipas ay hindi pa rin siya umaalis sa labas ng gate. Hindi niya ba napapansin na wala nga rito si Timothy? Hay, naku...
"Talaga bang wala ka rito, senyor?" lungkot niyang saad at tsaka napatingin sa kaniyang bilao. Ganyan nga, dahil wala nga rito si Timothy ay maaari ka nang umalis.
"Sayang naman 'tong dinala kong puto't kutsinta..." rinig ko at sa hindi inaasahan ay agad niyang binuksan ang gate na talagang ikinabahala ko. Pumasok na rin siya sa loob ng gate na talagang ikinakagulat ko ngayon. Hoy! Trespassing ang ginawa mong 'yan!
Dali-dali naman akong bumaba ng hagdan upang salubungin ang walang asal na babaeng 'yun. Hindi niya ba alam na trespassing ang ginawa niyang 'yun? Porket walang taong sasalubong sa kaniya ay agad-agad siyang papasok nang walang paalam?
Walang alinlangan kong binuksan ang pintuan at talaga ngang tumambad sa akin ang gulat na gulat na mukha ng babae na may dalang bilao. Halos mapanganga siya sa kaniyang nakita at ganun na rin ako sa kaniya.
"Si...sino ka?" gulantang niyang tanong.
"At sino ka rin? Hindi mo ba alam na isang kapangahasan ang iyong ginawa sa pagpasok mo rito?" sabi ko at tsaka nakapameywang sa kaniyang harapan.
Tiningnan ko lang siya sa mga oras na 'yun at ganun din siya sa akin. Isang katahimikan ang bumalot sa aming pagitan hanggang sa tumikhim ako upang pigilan ang aking pagka-inis sa babaeng nasa harapan ko ngayon.
**********
Dumating na rin ang gabi at patuloy pa rin akong naghihintay sa pagdating ni Timothy. Ano kaya oras siyang dadating dito? Mukhang hindi biro ang pagpasok niya sa mundo ng mga militar kaya kahit umupo ako nang buong magdamag dito sa salas ay dinadasal ko pa rin ang kaniyang kalagayan.
Kamusta na kaya sina Don Samuel, Henrietta, at kuya Angelo sa Anillo? Kamusta na rin ang mga pinsan kong sina Katrina at Eleanor? Sana'y nasa maayos silang kalagayan. Kamusta na rin kaya si Konrad? Alam kong ikinalungkot niya ang aking pagkawala sa aming kasal 'nung nakaraang taon. Sana'y nasa mabuti siyang kalagayan ngayon.
Bababa na sana ako ng hagdan upang tingnan kung naluto ba 'yung sinaing ko sa kusina ngunit bago pa ako humakbang ay may narinig akong mga yapak ng mga tao sa labas. Agad ko naman pinuntahan ang bintana upang sumilip 'dun. Bumilog bigla ang aking mga mata nang matanaw ko sa labas ang mga nagkukumpulang mga militar habang nakaharap sa labas ng gate. Teka, anong nangyayari?!
"Binibini, dito ba ang sinasabi mong bahay kung saan nakita mo ang espiya ng mga moros?" rinig ko sa isang sundalo habang hawak-hawak ang kaniyang maskit.
"Oo, tama! Dito nga sa bahay ng capitan! May nakita akong isang babae na nagpapanggap bilang isang tagapagsilbi. Alam kong nagsisinungaling siya dahil matagal na akong pumupunta rito ngunit kanina pagpasok ka ay ngayon ko lang siya nakita. May kutob akong pinasok niya kanina ang bahay ng capitan dahil nakabukas na ang pintuang 'yan." rinig ko sa babaeng nagsumbong sa sundalo habang nakaturo sa pintuan ng gate.
Teka, siya 'yung babae kanina! Aba, isinumbong niya pa ako sa mga sundalo. Dapat nga ay siya 'yung isusumbong ko sa pagkakasala niya ng Trespassing!
"At may kutob din ako na isa siyang espiya ng mga moros! May balak siya 'atang patayin ang ating capitan!!" dagdag niya dahilan upang magulat ako. Talagang inakusahan niya pa ako bilang espiya ng mga moros!
Pagkatapos 'nun ay agad kong napansin ang isang lalake papalabas mula sa kaniyang kalesa mula sa 'di kalayuan. Seryoso siyang nakatingin sa kaniyang mga kasamahang sundalo habang papalapit na ito sa kanila. Nakasuot ito ng kakaibang pangmilitar na uniporme habang bitbit ang kaniyang pistol.
Habang pinagmamasdan siya ay bigla na lang akong nagulat at napatakip ng aking bibig. Sa totoo lang hindi ko talaga siya nakikilala sa kaniyang suot. Anong ginagawa niya rito?
Halos walang emosyon ang kaniyang mukha habang pinagmamasdan ang kabuuang bahay ni Timothy. Siya ba talaga 'yan? O baka namamalik-mata lang ako?
Bigla na lang siya tumingin sa bintana kung saan ako sumilip ngunit agad naman akong umiwas at nagtago sa likod ng pader. Talagang kinakabahan na ako ngayon. Jusko, Timothy nasaan ka na ba? Kailangan kita rito.
"Palibutan ang bahay!!" rinig kong boses mula sa kaniya na puno ng otoridad.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro