Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 24

[Kabanata 24]


Patuloy pa rin ang aking paghikbi dito sa aking silid. Gabi na kung tutuusin pero hindi ko mapigilan ang aking mabigat na nararamdaman tungkol sa nangyari kanina. Hindi ko akalaing maaabot sa ganito ang sitwasyon. Narito ako sa aking higaan, naglulugmok at patuloy pinalalabas ang masamang damdamin.

Agad naman akong bumangon nang may narinig akong malakas na pagkatok mula sa labas ng pintuan.

"FLORENTINA! BUKSAN MO ANG PINTUAN!!" galit na sigaw ni Don Samuel sa labas. Mukhang gigibain na niya 'yung pintuan kapag hindi ko 'yun binuksan. Napalunok na lang ako at agad nang bubuksan ang pintuan. Wala na akong pake kung ano man ang mangyayari sa akin ngayong gabi.

Agad sumalubong sa akin ang isang malakas na sampal galing sa kaniya kaya napahawak ako sa aking pisngi. Humagulgol ako pagkatapos 'nun dahil alam ko na kung ano ang magiging kalabasan pagkatapos nito.

"Isa kang kahihiyan, Florentina! Alam mong ikakasal kana tapos ano 'tong usap-usapan na may kasama kang ibang lalake at hindi ko akalaing pamangkin pa ni Don Hilario!" umalingawngaw ang kaniyang boses sa buong paligid upang ako'y manginig sa takot. Nakakatakot siyang magalit at tsaka ngayon lang ako nasampal nang ganito. Kahit kailan hindi ko pa naranasang masampal ng ibang tao.

"Sabihin mo sa akin, Florentina. May namamagitan na ba sa inyo ng lalakeng 'yun?! Mahal mo ba siya, ha? Sumagot ka?!!" sigaw niya sa aking harapan. Kahit na namimikit na ang aking mga mata sa pag-iyak, nakikita ko pa rin ang kaniyang mukhang puno ng galit at dismaya. Nakayukom pa ang kaniyang kamao dahil sa sobrang galit na ginawa ko.

Agad naman akong tumango at binuka ang aking bibig. "Oo..poo.. Mahal ko po si Timoteo, ama..." nangiginig ang buo kong katawan habang sinasabi 'yun sa kaniya. Hindi ko na kayang itago pa ang aking nararamdaman para kay Timothy. Dahil minahal din niya ako ay hindi na ako magdadalawang isip na ipaglaban ang aming nararamdaman para sa isa't isa.

Isang sampal na naman ang aking natamo sa kabilang pisngi upang ako'y matumba sa sahig. Nanunuot ang sakit sa aking pisngi upang ako'y mas humikbi pa nang malakas at mas lalong bumigat ang aking damdamin dahil sa katotohanang taliwas si Don Samuel sa aking nararamdaman ngayon.

Hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari. Alam kong mahal na mahal ni Florentina si Timoteo ngunit parang hindi sumasang-ayon ang tadhana sa mga nangyayari ngayon? Bumigay ako sa aking nararamdaman para kay Timothy dahil alam kong mahal ni Florentina si Timoteo pero ba't nagkaganito? Talaga bang papakasalan ni Florentina si Konrad kahit hindi niya mahal?

"Isa kang hangal!! Talagang kumukulo na ang dugo ko sa'yo, Florentina! Hindi kita pinalaki na inutil!!" sigaw niya ulit habang dinuduro ako. Napatakip na lang ako ng aking palad habang tumatangis. Hindi ko inaasahang marinig ko iyon mula sa kaniya kaya patuloy pa ring umaagos ang mainit kong luha sa aking pisngi.

"Wala na akong hiya na ipapakita ngayon kay ginoong Konrad at pati na rin sa kaniyang pamilya. At alam mo ba kung ano ang mas ikinagalit ko, Florentina?" nanginginig na sa galit si Don Samuel habang nararamdaman kong papalapit siya sa akin.

Hindi naman ako umimik at patuloy pa rin akong tumatangis. Talagang namamaga na ang aking mga mata sa ginagawa ko.

"...na kasama mo ang makasalanang lalake! Hindi ko akalaing magagawa ng isang disenteng ginoo na umanib sa mga piratang moros. Talagang nabigla ako sa sinabi ni Konrad kanina." sabi niya kaya agad akong tumayo upang depensahan si Timothy.

"Hindi 'yan totoo, ama. Walang masamang ginawa si Timoteo. Hindi niya------" isang sampal na naman ang aking natamo upang matigil ako. Nakakatatlo na siya ha.

"Ha! May lakas ka pang ipagtanggol ang lalakeng 'yun. Isang salita pa Florentina ay baka masampal kita ulit!" sigaw niya pero hindi ko siya tiningnan. Parang isang talon kung umaagos ngayon ang aking mga luha mula sa namumula kong mata. Hindi ko alam ngunit parang sasabog ang aking dibdib dahil sa lungkot at pag-aalala habang iniisip si Timothy ngayon.

"Simula sa araw na 'to ay hindi ka na maaaring lumabas dito sa iyong silid. Naiintindihan mo ba?" sabi niya na aking ikinagulat bigla. Agad ko naman siyang pinuntahan at lumuhod sa kaniyang harapan upang magmakaawa.

"Ama, huwag mo naman gawin 'to sa akin." pagmamakaawa ko habang nakatingala sa kaniya. Patuloy pa ring umaagos ang aking mga luha pero hindi niya 'yun alintana. Nagkibit balikat lang siya at agad hinawakan ang busol habang minamasdan ako.

Wala na akong pakialam kung ano man ang iniisip niya ngayon. Ang ayaw ko lang ay makulong dito sa silid dahil pupuntahan ko pa si Timothy. Alam kong nakakulong siya ngayon sa bilangguan sa Arevalo.

"Binigo mo ako, Florentina. Hindi ko inaasahang gagawin mo 'to." sabi niya, dismayadong nakatingin sa akin. Napalunok na lang ako pagkatapos 'nun. Alam kong galit siya sa akin dahil sa mga narinig niya kanina pero ang hindi ko lang matanggap ay ang kanilang isinusumbat kay Timothy na umanib umano sa mga kalabang moros.

"Sa kagustuhan mo man o hindi ay ipapakasal na kita kay Konrad sa susunod na linggo..." sabi niya at agad isinara ang aking pintuan. Hindi naman ako makapasalita pagkatapos 'nun. Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa sinabi niya. Agad akong yumuko at napahagulgol ulit. Talagang wala na akong magagawa kapag si Don Samuel na ang nagsalita.


**********

Wala akong ganang bumangon sa umagang ito dahil nanghihina ang aking katawan. Namamaga na rin ang aking mga mata at parang sinisipon na rin ako. Nananatili akong nakahiga sa kama habang nakatulala sa kisame. Agad akong bumangon nang may kumatok sa labas ng pintuan.

"Ate, si Henrietta 'to. Dinalhan kita ng almusal." rinig ko kaya agad ko siyang pinagbuksan.

"O, ikaw pala..." lungkot kong saad at tsaka kinuha sa kaniya ang dala niyang almusal para sa akin. Pumasok na rin siya sa aking silid kaya isinara ko na ang pintuan. Agad kong nilagay ang kaniyang dalang almusal sa aking lamesa at dumiretso ulit sa aking higaan upang umupo.

Napatikhim naman si Henrietta at agad tumabi sa akin sa higaan. Nakatulala pa rin ako at hindi ginagalaw ang pagkain na nasa lamesa. Sa totoo lang, wala akong ganang kumain.

"Pagpasensiyahan mo na si ama, ate. Talagang nabigla lang siya sa nabalitaan namin kahapon na magkasama raw kayo ni ginoong Timoteo na namamasyal sa sentro ng Sta. Rosita." agad naman siyang napatigil kaya napatingin na ako sa kaniya.

"Sa totoo lang hindi ko inaasahan na may pagtingin ka sa ginoong 'yun. Mukhang mabait naman siya..." napatango-tango naman si Henrietta kaya napaiwas ako ng tingin.

"Henrietta, may inutusan ba si ama upang bantayan ako kahapon?" mangiyak-ngiyak kong tanong sa kaniya at agad inalis ang namumuong luha sa aking mga mata. Nakita ko namang tumango nang dahan-dahan si Henrietta.

"Oo. Wala akong kamalay-malay kahapon na binabantayan rin kami ni ginoong Esteban habang namamasyal sa Sta. Rosita. Nagulat nga ako nang malaman ko 'yun kay kuya Angelo nang papauwi kami kahapon. 'Di ba hinatid ka ni ginoong Konrad dito kahapon? Nagalit ba siya sa 'yo nang malaman niyang magkasama kayo ni ginoong Timoteo?" tanong niya pero hindi ako sumagot. Ayaw ko na kasing balikan kung ano man ang nangyari kahapon. Baka umiyak na naman ako nang todo.

Pumunta ako sa harapan ng salamin upang suklayan ang magulo kong buhok. Napabusangot naman ako dahil nagmumukha na akong bruhang naghahanap ng mga biktima sa paligid. Mabuti dahil napag-isipan kong magsuklay ng buhok.

Habang nagsusuklay, hindi ko namalayan na nasa gilid ko na pala si Henrietta at agad inagaw ang suklay na nasa aking kamay. Napanganga naman ako at nararamdaman ang pagsuklay niya sa aking buhok. Napatahimik na lang ako pagkatapos 'nun.

Habang tinitigan ko si Henrietta sa salamin ay may napansin akong balat na nasa kaniyang leeg. Hindi naman masyadong malaki kaya lang kitang-kita ko 'yun dahil nakapusod ngayon ang kaniyang buhok sa likuran.

"Henrietta, may balat ka pala sa leeg?" tanong ko.

"Oo. Ngayon mo lang ba napansin?" agad naman akong tumango at ngumiti nang marahan sa kaniya.

KNOCK! KNOCK!

"Tuloy." sabi ko habang nagbabasa ng libro kahit hindi ko naman naintindihan. Nasa salitang espanyol kasi.

Agad akong tumayo at nagulat nang makita si Konrad na pumasok sa aking silid. Walang emosyon ang nakikita ko sa kaniyang mukha kaya napalunok ako. Nakasuot rin siya ng pang-militar na uniporme kaya medyo hindi ako komportable na makita siya nang ganoon. Ang kilala ko kasing Konrad noon ay isang doktor ngunit ngayon ay isa na pala siyang tenyente.

Walang umimik sa amin pagkatapos 'nun. Patuloy lang siya nakatingin sa akin kaya medyo nakaka-awkward na. Alam kong nasaktan ko siya kaya siguro ay kailangan ko na ring sabihin sa kaniya ang totoo kong nararamdaman para sa kaniya. Minahal niya ang totoong Florentina ngunit hindi naman ako 'yun. Isa lang akong dayo na nakikitira sa katawan ng kaniyang minamahal.

"Hindi ko naiintindihan, binibini...." panimula niya kaya dahan-dahan akong lumapit sa kaniya. Sa totoo lang naaawa ako kay Konrad. Hindi ko kayang makita siyang umiiyak. Parang nanghihina bigla ang aking tuhod.

"Ginawa ko ang lahat upang ibigin mo lang ako nang tapat..." sabi niya habang pinupunas ang mga luha sa kaniyang pisngi. Napatakip na lang ako ng aking bigbig nang sabihin niya 'yun. Hindi ko alam kung paano ako tutugon sa kaniyang ilalahad.

"Alam mo ba matagal na kitang pinapangarap, binibini. Kaya nga nagsusumikap ako hanggang sa nakapagtapos na rin ako ng pag-aaral ng medisina sa Madrid. Ngunit nang malaman kong gusto ng iyong ama na makapag-asawa ka ng isang sundalo na may mataas na ranggo ay agad na akong umanib sa Hukbong Espanya upang simulan ang aking ensayo. Kaya nga masayang-masaya ako nang malamang ipinagkasundo na rin tayo ng ating pamilya...." kuwento niya habang pinipigilan ang kaniyang pagluha.

"Bigla namang sumilay ang kalungkutan sa aking puso nang sinabi mong ayaw mo pang ikasal sa akin dahil hindi ka pa handa. Kaya napagpasyahan ng ating pamilya na hindi na matutuloy ang ating kasal 'nung nakaraang taon. Ngunit nabuhayan ako ng loob nang may ipinadala kang sulat habang ako'y nag-eensayo sa Espanya. Sabi mo sa akin ay gusto mo ulit akong makita kaya agad na rin akong umuwi upang makipagkita sa'yo sa Maynila."

"Laking pasasalamat ko 'nun nang sinabi mong tinatanggap mo na ang aking pag-ibig kaya agad ko nang ibinalita 'yun sa aking tiyo at nagpadala na rin ng sulat sa aking capitan at sa heneral kung puwedeng magpaliban muna ako ng dalawang buwan mula sa aking pag-eensayo para makasama kita." patuloy niya.

Hindi naman ako makaimik sa kaniyang sinabi. Napalunok ulit ako habang hawak-hawak ang aking kamay na pinagpapawisan na ngayon.

"Nung napag-alaman kong babalik na kayo dito sa Panay ay agad ko kayong sinundan at napagdesisyunang umuwi na rin sa Arevalo. Pagdating ko dito ay agad akong umuwi ng Arevalo at tumungo sa klinika ng iyong kapatid at ni ginoong Mateo sa Sta. Rosita upang makipagkamusta sa kanila. Mabuti na lang dahil pinayagan din ako ng iyong kapatid na magbigay serbisyo sa kanilang klinika bilang doktor kahit panandalian lamang. Ito rin ang aking paraan upang makita kita nang malapitan, binibini.." sabi niya at agad pinunasan ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata. Naaalala ko agad ang unang pagkikita namin ni Konrad sa klinika ng Sta. Rosita.

"Ngunit hindi ko pa rin maintindihan, binibini. Sinabi mo sa akin noon na mahal mo rin ako ngunit 'nang ipinagkasundo tayo ulit ay parang hindi ko pa rin nararamdaman ang iyong pag-ibig. Kaya siguro napag-isipan ko na rin na baka napipilitan ka lang..." sabi niya habang nakatingin sa aking mga mata.

Dahil sa sinabi ni Konrad ay agad nanumbalik sa aking isipan ang mga katagang binitawan ng mga kilala kong tao tungkol sa kung ano ba ang relasyon namin ni Konrad.

"Kahit hindi mo aaminin sa 'kin senyorita, alam kong may namamagitan sa inyo ni ginoong Konrad. Hindi ko nga alam kung bakit nagbitiw ka pa sa inyong kasal nung nakaraang taon." – unang nakilalang kasambahay sa Maynila.

"Tanong ko lang ate, kayo na ba ni ginoong Konrad?"

"Ate, huwag mo nang itago. Alam ko ang lahat. Kitang-kita ko nga kayo na magkasama noong nakaraang araw." – Henrietta

"Kailan mong balak sabihin sa iyong ama ang tinatago ninyong relasyon ni ginoong Konrad Garcia, ha?" – Katrina Bustamante

"Kung nagmamahalan naman kayo ni ginoong Konrad, ba't hindi mo pa sabihin sa iyong ama para matuloy na ulit ang inyong pagpapakasal?" – Eleanor Carvajal

Talagang naguguluhan na ako sa aking mga pinag-iisip ngayon! Ibig sabihin totoo ngang minahal nga ng totoong Florentina si Konrad! Pero bakit? Ngunit ano naman 'yung nadiskubre kong mga itinago niyang liham para kay Timoteo? Naguguluhan na ako. Parang may kung anong kulang sa aking natuklasan kaya dapat kong malaman ang buong katotohanan!

Napalunok pa rin ako habang nakatingin ngayon kay Konrad. Wala talaga akong lakas upang kausapin man lang siya dahil sa totoo lang hindi ko pa alam ang lahat. Ang lahat kung ano ba talaga ang namamagitan sa kanila ng totoong Florentina. Kung talagang minahal din siya ni Florentina.

Agad akong lumapit sa kaniya ngunit umatras siya bigla at umiwas ng tingin sa akin.

"Huwag mo akong kaawaan, binibini..." sabi niya nang mahinahon. Gusto kong sabihin sa kaniya ang totoo kong pagkatao upang maibsan man lang ang sakit sa kaniyang puso na ang katotohanang hindi ako ang Florentina na minahal niya ngunit hindi naman puwede. Baka mas lumala pa ang aming sitwasyon ni Timothy dito kung magkaganun.

Hindi ko alam ngunit bigla akong nakaramdam ng matinding kalungkutan sa aking puso na hindi ko maintindihan. Napahawak naman ako sa aking dibdib at agad tumangis na hindi ko maintindihan. Sa totoo lang naaawa na rin ako kay Konrad ngunit parang hindi naman ganito ang aking nararamdaman para sa kaniya.

Si Florentina! Tama! Damdamin ito ni Florentina!

Minsan ko na rin naramdaman na parang bigla na lang nag-iba ang aking pagkatao katulad na lang sa unang pagkakataon na magkita kami ni Marcelita at nagsasagutan pa kami 'nun. Mabuti na lang dahil sumanib sa akin ang katalinuhan ni Florentina sa pagsasalita ng espanyol kung kaya'y nakipagsagutan ako sa kaniya 'nung nasa palengke kami ng Anillo.

Tumangis ako nang hindi ko maintindihan at agad napansin si Konrad na aalis na sa aking kuwarto. Nakita ko siyang nakatingin sa akin at ngumiti nang marahan.

"Sa totoo lang hindi ko kayang magalit sa'yo dahil mahal na mahal kita Florentina. Kaya pakiusap, tigilan mo na ang pagkikita ninyo ni ginoong Timoteo." pakiusap niya kaya agad akong tumingin sa kaniya.

"Alam kong nagtatampo ka pa rin sa akin 'nung ipinadakip ko siya kahapon ngunit ginawa ko lang ang aking tungkulin bilang isang tenyente. Napag-alaman ko lang ang katotohanan galing sa nadakip naming mga moros na may kinalaman din si ginoong Timoteo tungkol sa kaguluhang nangyayari sa Arevalo at sa hindi inaasahang pag-anib niya sa kanila. Wala na akong magawa kundi dakpin siya at siya na mismo ang magsasabi ng katotohanan..." dagdag niya.

Walang humpay na umaagos ngayon ang aking mga luha habang sinasabi niya 'yun sa akin. Ni hindi ko magawang magsalita sa kaniyang harapan upang sabihin na walang ginawang masama si Timothy at isa rin siyang biktima sa kaguluhang 'yun.

Agad siyang nagbigay galang sa akin bago niya binuksan ang pintuan ngunit bago siya makaalis ay may sinabi pa siya sa akin.

"Alam kong wala akong karapatan na sabihin ito ngunit mas mabuting layuan mo na si ginoong Timoteo. Dahil sa totoo lang......" agad naman ako napahawak sa aking dibdib habang nakatingin pa rin sa kaniya.

".....hindi mo pa siya kilala nang lubusan...."


**********

Maghahapon na pero heto nakatulala pa rin sa labas ng bintana. Sinasariwa pa rin sa aking isipan ang mga sinabi sa akin ni Konrad kanina. Napahinga naman ako nang malalim at agad napansin ang narsisong nasa tabi ng bintana na halos nangingitim at mukhang marami nang nalalagas. Akala ko ba'y mahiwaga 'to pero bakit nagkaganito na?

Hinahanginan na rin ang mga nabubulok na talulot hanggang sa nahagip ng aking paningin ang natirang preskong tatlong talulot na ngayo'y sumasabay sa ihip ng hangin. Humihina na rin ang kinang nito at hindi ko alam kung bakit. Bigla ko na lang naaalala na hindi ko pa nagamit ang tatlo kong kahilingan kaya napaisip na rin ako kung gagamitin ko ang isa.

Agad kong kinuha ang natirang tatlong talulot at nilagay ang dalawa sa aking pendant. Medyo may kalakihan ang talulot ng narsiso kaya napaisip ako na baka puwedeng itupi ang mga ito hanggang sa puwede na itong isilid sa aking pendant. 'Nang magkasya na ang mga ito ay agad ko nang isinara ang aking pendant. Ang pendant na ito ay ibinigay ni Timothy 'nung namamasyal pa kami sa Sta. Rosita.

Maganda ang pendant na ibinigay niya. Kulay pilak ito at hugis rosas. Tapos may pulang bato pa na nakalagay sa gitna ng pendant. Hawak-hawak ko na rin ang isang talulot ng narsiso habang papunta sa aking higaan. Ito na siguro ang tamang oras upang humiling ako ng isa. Agad akong napapikit at nagsimula nang humiling.

Hinihiling ko na masaksihan ang buong katotohanan kung ano ba ang ugnayan ni Florentina kay Konrad...

Pagkatapos kong humiling ay agad nabura ang talulot na hawak-hawak ko at napansin na nakatayo ako sa isang plaza. Wala na ako sa aking silid. Agad akong napatingin sa aking paligid hanggang sa may nakita akong isang batang babae na umiiyak ngayon habang niyayakap ang kaniyang manyika. Maganda ang batang babae at may maalon itong buhok. Ngunit bigla akong nag-aalala dahil inaaway na siya ng ibang bata.

"Ang panget naman ng laruan mo!! haha" tawa ng isang bata habang pinaglalaruan ang kaniyang buhok.

"Oo nga. Mana kasi sa amo. Ang panget rin!! hahaha!!" bulalas naman ng isa at agad siya itinulak kaya napasubsob ito sa damuhan.

Tawang-tawa naman ang mga bata habang siya naman ay iyak nang iyak. Parang gusto kong sabunutan ang mga bata sa kanilang pinanggagawa pero may nakita akong isang batang lalake na agad tinulungan ang batang babae na tumayo.

"Anong ginagawa niyo sa kaniya?" galit na pagkakasabi ng batang lalake kaya napatahimik ang ibang bata.

"Hindi niyo ba ako kilala? Ako lang naman ang nag-iisang lalakeng pamangkin ng inyong minamahal na alcalde mayor. Kung hindi pa kayo titigil ay agad ko kayong isusumbong, maliwanag?" galit niyang sinabi 'yun kaya nasindak naman ang mga bata at agad tumakbo papalayo sa kanila.

"Maraming salamat." rinig niya sa batang babae kaya napalingon ito. Ngumiti ang batang lalake at agad pinulot ang manyika sa damuhan at ibinigay 'yun sa kaniya.

"Wala 'yun. Ano pala ang iyong pangalan?" ngiti niya. Ngiting parang love at first sight ika 'nga. Ngumiti naman ang batang babae pabalik sa kaniya.

"Ako pala si Florentina Morcillo. Ikaw?"

"Ako si Konrad Garcia, Florentina....." tugon niya at agad na rin silang nagtawanan pagkatapos 'nun.

So, dito pala nagsimula ang lahat....

Pagkatapos 'nun ay bigla namang nagbago ang aking paligid hanggang sa nakatayo ako sa isang pamilyar na lugar. Nandito ako sa labas ng aming mansion kung saan natanaw ko ang bintana ng aking silid. Agad naman akong nagtago dahil baka may makakita sa aking mga guardia.

Mga ilang minuto ang nakalipas ay agad kong natanaw si Konrad na gumagala-gala sa labas ng mansion. Mukhang nagbibinata na siya dahil unti-unti nang umuumbok ang kaniyang adam's apple. Agad naman siyang napatigil dahil may natanaw siya sa itaas at agad ko naman sinundan kung saan siya nakatingin ngayon. Nakita niya si Florentina na nagbabasa ngayon ng libro sa bintana. Sumilay bigla ang mga ngiti ni Konrad kaya agad siyang lumapit 'dun upang tawagin si Florentina.

"Pssssttttt!!! Binibining Florentina!" tawag niya at mabuti naman dahil narinig siya ni Florentina kaya dumungaw ito sa bintana.

"O, ba't nariyan ka, ginoong Konrad?" mukhang nabigla 'ata si Florentina na makita si Konrad ngunit makikita naman sa kaniyang mukha na masaya ito.

Hindi ko na narinig ang mga pinag-usapan nila dahil bigla naman akong hinigop papalayo sa kanila at tsaka namang nagbago ang aking paligid hanggang sa nakita ko ang aking sarili na nakatayo malapit sa daungan.

Natanaw ko sa malayo si Konrad habang bitbit ang kaniyang mga bagahe. Mukhang aalis siya pero hindi ko naman alam kung saan. Nakita ko rin na yakap-yakap siya ngayon ng isang batang babae na sa pagkakaalam ko ay si Marcelita 'yun at pagkatapos ay niyakap din siya ni Don Juan.

"Mag-iingat ka 'run, kuya." mangiyak-ngiyak na sinabi ni Marcelita.

"Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral 'dun sa Madrid, hijo." sabi ni Don Juan at agad tinapik ang kaniyang balikat. Tumango naman si Konrad at agad nang umalis papasok ng barkong papuntang Espanya.

Ngunit bago pa siya makapasok ay napalinga-linga muna siya sa paligid. Mukhang may hinihintay siya ngunit bigla naman siyang tinawag ng isang guardia upang pumasok dahil maya-maya ay aalis na sila. Wala namang magawa si Konrad kundi ang pumasok at agad nakita sa kaniyang mukha ang kalungkutan.

Mga ilang minuto rin ang nakalipas ay agad nang umalis ang kaniyang sinasakyang barko. Umalis na rin ang kalesa ni Don Juan kaya agad akong lumapit kung saan sila nakatayo kanina. Pero bago pa ako makapunta 'run ay may kalesa na namang dumating kaya agad akong bumalik at nagtago sa gilid ng mga produktong galing Alcapulco na nakatumpok ngayon sa daan.

Agad kong natanaw si Florentina na mabilis nakababa mula sa kalesa nito ngunit natigilan siya nang matanaw ang barkong sinasakyan ngayon ni Konrad. Agad siyang yumuko nang dahan-dahan habang lumuluha na ito ngayon. Mukhang hindi niya inaasahan na hindi makita si Konrad sa huling pagkakataon bago ito makapunta ng Espanya.

"Tara na senyorita. Nakaalis na si senyor Konrad wala na tayong magagawa pa." sabi ng kaniyang kutsero at agad tinulungan si Florentina na tumayo.

"..at kailangan mo na ring mag-impake dahil bukas ay aalis ka na rin papuntang Maynila." dagdag niya.

Hindi ko na narinig pa ang kanilang pinag-usapan dahil bigla na naman akong hinigop papalayo at tsaka namang nagbago ulit ang aking paligid. Mukhang nandito ako sa bahay ng alcalde mayor at nakita sina Don Samuel at Don Juan na nag-uusap ngayon sa salas. Masayang-masaya sila habang humihithit ng yosi at umiinom ng wine.

"Don Samuel, mukhang malaki ang iyong pangangailangan. Gusto mong tulungan kitang palakasin ang iyong hukbo sa Anillo?" tanong sa kaniya ng alcalde mayor habang nagyoyosi ito sa kaniyang tapat.

"Oo. Alam mo namang marami na ang mga dayuhang pirata na napadpad dito sa ating kalupaan at ako'y nangangamba na baka kami'y atakihin at dakpin nang walang kalaban-laban." tugon naman ni Don Samuel at agad sinindihan ang kaniyang yosi.

"Hindi ba't ipinagkasundo mo ang iyong bunsong anak na si Henrietta sa anak ni Heneral Lucario Gomez na si Esteban? Ba't hindi ka humingi ng pabor sa heneral na 'yun upang hindi ka na mangamba?" tanong naman ng alcalde mayor.

Napahinga naman nang malalim si Don Samuel bago ito humithit sa kaniyang yosi.

"Wala akong tiwala sa heneral na 'yun, Don Juan..." sabi niya at agad ibinuga ang usok.

"Matagal na akong humihingi sa kaniya ng pabor ngunit hindi niya 'yun tinugunan. At tsaka marami siyang ginagawa sa Espanya at sa pagkakaalam ko'y ipinadala siya ngayon sa giyera." dagdag niya.

"Kung ganun ay dapat na kita sigurong tulungan, Don Samuel. Pero gusto ko ring humingi ng pabor sa'yo." sabi naman ni Don Juan habang hawak-hawak ang kaniyang glass wine.

"Gusto kong sabihin sa'yo na matagal nang may pagtingin ang aking pamangkin sa iyong anak na si Florentina." at agad namang napatingin sa kaniya si Don Samuel.

"At tsaka sinabi niya rin sa akin na gusto niyang pasukin ang mundo ng militar kahit taliwas sa akin. At nang malaman ko ang dahilan ay dahil na rin sa iyong anak na si Florentina. Gusto mo raw ipakasal si Florentina sa isang sundalo na may mataas na ranggo." dagdag ni Don Juan dahilan upang magtaka si Don Samuel.

"Si Konrad ba ang iyong tinutukoy?" kumunot naman ang noo ni Don Samuel. Tumango naman ang alcalde mayor at agad uminom ng wine. Napaisip naman sandali si Don Samuel sa kaniyang sinabi.

"Mukhang bagay naman silang dalawa, hindi ba? Ba't hindi na lang natin sila ipagkasundo upang mas lalong lumaki ang ating pamilya, Don Samuel?" ngiti ni Don Juan dahilan upang sumang-ayon sa kaniya si Don Samuel.

"At kapag naikasal na sila ay agad kong papalakasin ang iyong hukbo sa Anillo." at agad kong narinig ang kanilang tawa na umaalingawngaw ngayon sa buong mansion upang ako'y kinilabutan.

Sa totoo lang, hindi ako makapaniwala sa aking mga narinig. Tama ba ang narinig ko kanina na ipinagkasundo rin si Henrietta kay Esteban? Ngunit makikita naman sa kaniya na masaya siya sa piling ni Esteban at alam kong mahal din nila ang isa't isa. Posible kayang mangyari rin ito kay Florentina?

Nang lumingon ako mula sa aking pinagtataguan ay agad akong nagulat dahil biglang napalitan ng blokeng dingding ang nasa aking harapan. Muntikan na rin akong mabunggo at mawalan ng balanse.

Agad naman ako nagtago sa likuran ng mga bookshelves at nakita si Konrad na unti-unting lumuluha habang binabasa ang isang liham. Nakaupo siya ngayon sa tapat ng lamesa kung saan makikitang nag-aaral siya ngayon ng medisina. Hindi ko alam kung bakit siya nagkaganun hanggang sa pinunit niya 'yung liham at agad hinagis sa labas ng bintana.

"May problema ba sa akin? Akala ko ba'y mahal niya ako...." sabi niya habang pinupunas ang namumuong luha sa kaniyang mata.

"Cuál es el problema Konrad? Se trata de esa chica otra vez? (What's problem Konrad? Is it about that girl again?)" tanong ng isang espanyol habang papalapit ito kay Konrad. Mukhang kaibigan niya ang lalakeng 'to.

"Ella canceló nuestra boda. (She cancelled our wedding.)" malumanay niyang tugon at agad namang napabagsak sa upuan ang kaniyang kaibigan sa matinding pagkagulat.

"Entonces qué vas a hacer ahora, Konrad? (So what are you going to do now, Konrad?)" tanong sa kaniya ng kaibigang espanyol na mukhang nag-alala na sa kaniya. Napahinga naman nang malalim si Konrad at tsaka tiningnan ang kaibigan.

"Todavía intentaré perseguirla sin importar qué. Esperaré hasta que ella se prepare (I'll still try to pursue her no matter what. I'll wait until she gets ready.)" sabi naman ni Konrad. Talagang humahanga ako sa katapatan ng lalakeng 'to. Napakaswerte naman ni Florentina.

Pagkatapos 'nun ay agad namang nag-iba ang buong paligid hanggang sa napadpad ako sa isang lugar na hindi pamilyar sa akin. 'Dun ay nakita ko si Florentina habang nakayakap ito kay Konrad. Masayang-masaya silang dalawa na nagyayakapan sa labas ng simbahan.

"Mahal na mahal kita, Konrad." ngiti ni Florentina habang nakatingin ito kay Konrad.

"Noon pa man ay minahal na kita, Florentina." sabi naman ni Konrad at agad hinalikan sa pisngi si Florentina. Nakikita ko naman kung paano namula ang kaniyang mukha.

"Pinapangako ko, binibini. Dito kita papakasalan sa simbahang ito at lahat ay imbitado mahirap man o mayaman." dagdag naman ni Konrad at bigla naman akong hinigop papalayo mula sa kanila hanggang sa nakita ko ang aking sarili na nasa pasukan ng simbahan, tanaw ang dalawang taong nasa harapan ng altar.

Nagulat na lang ako dahil nakita ko sina Florentina at Konrad na nakasuot ng pangkasal na damit at mukhang katatapos din nilang magpalit ng ceremonial vows. Masayang-masaya sina Florentina at Konrad habang nakatingin sa isa't isa ngunit may isang malakas na boses ang sumira sa kanilang kasiyahan.

"TRAYDOR KA FLORENTINA! TALAGANG PAPATAYIN KO KAYONG LAHAT!" at agad umaalingawngaw ang isang malakas na pagputok ng pistol mula sa aking likuran.

Pero bago pa ako lumingon ay agad naman akong hinigop pabalik at nagulat dahil nagising ako mula sa aking pagkakahiga. Mukhang pinagpapawisan na rin ako at tarantang nakaupo ngayon sa aking higaan.

Dios mio! Anong ginawa ko?! Si Konrad pala ang makakatuluyan ni Florentina at hindi si Timoteo. Kung ganun ay ano naman ang ugnayan ni Timoteo sa kaniya at sino naman ang lalakeng gusto siyang patayin?


**********

"Henrietta, tulungan mo ako...." pagmamakaawa ko.

Nandito ngayon si Henrietta sa aking silid. Hindi naman ako puwedeng lumabas mula sa aking silid kaya ipinatawag ko na lang siya sa guardia personal na nagbabantay sa aking kuwarto.

Nakatayo ngayon si Henrietta sa aking harapan. Napaisip naman siya sa aking mga sinabi ngunit nakita ko siyang umiling.

"Masyadong delikado ang iyong gagawin, ate. Alam mo namang mas humigpit ngayon si ama at tsaka siguradong mahihirapan tayong umalis." sabi niya kaya napabagsak ako ng aking balikat. Jusko, ano na ang gagawin ko?

"At tsaka delikado na ring umalis dahil gumagabi na at marami na ring mga guardia't militar ang rumoronda ngayon...." dagdag niya at agad tumabi sa akin sa higaan.

"Ano ba kasi ang gusto mong sabihin kay ginoong Timoteo? Kung gusto mo ay ako na lang ang pupunta 'run bukas at------"

"Huwag na, Henrietta. Alam mo namang mainit pa ang mga mata ni ama sa kaniya. Masyadong delikado na rin sa'yo..." singit ko at agad napakagat ng aking bibig.

"Uh, ano na ang iyong gagawin, ate?" tanong niya.

"Gagawa ako ng paraan. Pero huwag kang mag-alala hindi naman ako gagawa na ipapahamak ko." ngiti ko at agad hinawakan ang mga kamay ni Henrietta upang ngumiti naman ng pabalik.

"Sige kung ganun." sabi niya at agad na ring umalis palabas ng aking silid.

Agad naman akong tumayo at nag-isip ng ibang plano kung paano ko pupuntahan sa bilangguan si Timothy. Sa totoo lang, nag-aalala na ako sa kaniya at tsaka kailangan ko na ring ibahagi ang aking nalalaman tungkol sa ugnayan ni Florentina kay Konrad.

Napahawak ako sa aking pendant na ibinigay niya at bigla namang nahagip ng aking isipan ang isang ideya. Napalunok na lang ako at agad binuksan ang pendant. Gagamitin ko na siguro ang pangalawa kong kahilingan. Wala na kasi akong pagpipilian at tsaka baka mahuli pa ako ng mga guardia kapag umalis ako. Tiyak na masasampal ulit ako ni Don Samuel.

Agad ko nang kinuha ang isang talulot na nakatupi mula sa pendant at agad isinara ito. Sa totoo lang parang bago pa rin ang talulot at tsaka hindi naman halata na itinupi ito. Agad ko na itong hawak-hawak at tsaka napapikit na rin. Magsisimula na akong humiling sa ikalawang pagkakataon.

Hinihiling ko na makita si Timothy...

Pagmulat ko ng aking mata ay agad akong nagulat dahil masyadong madilim ang buong paligid. Iilan lang din ang mga sulo dito na nagbibigay liwanag sa bilangguan. Malamig din dito sa loob kung kaya'y napayakap ako sa aking sarili. Agad naman akong nagikot-ikot at napatingin sa mga selda. Masyadong mabaho at marumi.

Nang may nararamdaman akong papalapit na mga yapak ay agad akong nagtago. May mga guardia sibil palang nagiikot dito kaya mas mamadaliin ko na ang paghahanap kay Timothy. Agad akong napasilip sa bawat selda hanggang sa may napansin akong isang lalake na nakaluhod.

Bigla namang nanghina ang aking mga tuhod nang makita siyang sugatan, may iilang suntok at halos gunit-gunit na rin ang kaniyang damit. May bahid ding dugo sa kaniyang damit at may mga pasa pa sa kaniyang katawan. Agad ko siyang nilapitan at binulong ang kaniyang pangalan. Napatakip na lang ako ng aking bibig nang makita ang kalagayan ni Timothy dito sa bilangguan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro