KABANATA 23
[Kabanata 23]
Nandito ako ngayon sa labas ng aming hardin kung saan nakaupo ako sa gilid ng fountain. Maaliwalas ang buong paligid at hindi ko masyadong nararamdaman ang init dahil sa hanging yumayakap sa akin. Nababagot na ako ngayon at mukhang nangangati na rin ang aking mga paa sa kagustuhang makapunta ngayon sa simbahan upang hanapin kung nandiyan pa rin ang madreng nagngangalang Cristina Fidela Ventura.
Sa kasamaang palad ay hindi ako pinayagan ni Don Samuel kung kaya'y nandito ako sa hardin na nagpapalipas ng oras. Si Henrietta ay hindi mo naman maistorbo sa kaniyang silid dahil may ginagawa raw siya. Mas gugustuhin ko lang pumasok ulit sa eskwelahan para may ginagawa ako.
Agad naman akong tumingala sa mala-dagat na kulay ng kalangitan at iniisip ang pangyayari 'nung nakaraang araw tungkol sa muling pagkikita namin ni Timoteo.
"Florentina, pwede ko bang malaman?"
Napalunok ako sa mga sandaling 'yun at tsaka tiningnan siya nang diretso. Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot sa kaniyang tanong. Hindi ko rin pwedeng sabihin sa kaniya tungkol sa naging misyon ko 'nun sa kasalukuyan dahil baka mas gugulo ang sitwasyon namin. Kailangan kong sundin ang bilin nina Helena at ng matandang 'yun para sa aming ikabubuti.
"Ah, Timoteo may napaginipan pala ako kagabi." pagsisinungaling ko at tsaka pilit na ngumiti sa kaniyang harapan.
".....napaginipan ko ulit ang matanda at may ibinigay siya sa aking isang pangitain kung saan may isang babaeng may dala-dalang sanggol habang pinapatulog niya ito sa kaniyang bisig. Hindi ko alam kung bakit niya 'yun ipinakita hanggang sa sinabi niya na ang babaeng 'yun ay ang magiging susi natin patungo sa katotohanan sa likod ng kaguluhang nangyayari. Cristina Fidela Ven----"hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang siya'y sumingit.
"Hindi mo sinasagot ang aking tanong, binibini..." kalmado niyang wika ngunit bakas pa rin sa kaniyang mukha ang pagkadismayado.
Napabuntong hininga ako sa mga oras na 'yun at tsaka napakagat ng aking pang-ibabang labi. Mukhang hindi tinatablan si Timoteo sa aking palusot. Kailangan kong gumawa ng matibay na rason na mas kapanipaniwala.
Bubuka na sana 'yung bibig ko nang biglang dumating si Geronimo na hapong-hapo papunta sa aming direksiyon. Agad siyang nagbigay galang kay Timoteo hanggang sa napatingin na siya sa akin.
"Senyo..rita, hina..hanap ka na... ng iyong ama... sa mansion. Kai..langan na nating bu..malik." hingal niya habang napahawak sa kaniyang dibdib.
"Bakit daw?"kunot noo kong tanong.
"Kailangan mo nang bumalik, binibini...." rinig ko kay Timoteo at tsaka tumalikod na ito sa akin.
Damang-dama ko ang kalungkutan sa kaniyang tono kaya agad ko siyang tinawag. Ngunit hindi siya kumibo. Patuloy lang siyang naglalakad papalayo sa akin hanggang sa napahinto ito nang marating ang pinakadulong bahagi ng palayan.
"Wala na akong hangad na marinig pa ang iyong rason, binibini. Ang tanging hiling ko lang ay sana bumalik na ang iyong alalala'nung gabing pinangiti mo ang aking puso." sabi niya at tuluyan na ring bumaba sa bangin patungong batis.
"Senyorita Florentina!" natauhan na lang ako nang may tumawag mula sa aking likuran. Agad naman akong lumingon at nakita ang isang kasambahay na may dalang sulat.
"Senyorita, may sulat po kayo." sabi niya at agad yumuko sa aking harapan. Inabot niya rin sa akin ang sobreng naglalaman ng sulat kaya kinuha ko ito mula sa kaniya.
"Kanino galing ang sulat?" tanong ko habang pinagmamasdan ang liham na hawak-hawak ko ngayon.
"Pasensiya na po pero hindi ko po alam." tugon niya at tuluyan na rin siyang umalis mula sa kaniyang kinatatayuan. Napahinga naman ako nang malalim bago ko binuksan ang liham at binasa iyon.
Mahal kong binibini,
Kamusta ka na aking mahal? Ako'y nag-aalala nang malamang ika'y nawalan nang malay 'nung gabing sinalakay ang Arevalo. Sana'y nasa maayos kanang kalagayan. Pasensiya na rin kung hindi ako nakadalaw dahil agad na akong lumisan papuntang Espanya. Pero pangako kong umuwi sa kapistahan ng pamumulaklak ng Sta. Rosita at agad kitang ipapasyal 'dun sa kanilang hardin na tiyak kong masisiyahan ka. Palagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, Florentina.
Konrad Garcia
Kay Konrad pala nanggaling ang sulat at agad ko na ring tinupi ang liham. Nasa Espanya pala siya ngayon. Tama, sinabi pala noon ni Don Samuel na may gaganaping pagsulong si Konrad dahil magiging ganap na siyang tenyente ng Hukbong Espanyol.
Alam kaya ng totoong Florentina na isa palang sundalo si Konrad? Pero sa nakikita kong reaksiyon ni Don Samuel noon ay hindi naman siya nagtataka nang makita akong gulat na gulat.
Naglalakad kami ngayon sa maalikabok na daan papunta sa sinasabing panciteria ni Nay Auring. Bibigyan kasi siya ni Geronimo ng nilupak na saging bilang pasasalamat sa naitulong ng kaniyang asawang albularyo upang magamot ng libre ang kaniyang ama 'nung siya'y nagkasugat sa bukirin. Wala naman akong gagawin sa aking silid kaya nagpagpasyahan kong sumama na lang sa kaniya. Nakasuot ako ng itim na belo kung kaya'y medyo natatakpan ang aking mukha mula sa alikabok sa daan. Hindi naman malayo ang panciteria sabi ni Geronimo kung kaya'y napag-isipan niyang maglakad na lang kami.
Patuloy lang kaming naglalakad sa daan hanggang sa matanaw na namin ang mga kabahayan. Mukhang malapit na kami sa panciteria ni Nay Auring! Nang marating na namin ang mga kabahayan ay mapapansing walang katao-tao ang buong paligid. Nakalimutan kong oras pala ng pagsi-siesta.
Patuloy pa rin kami sa paglalakad hanggang sa napahinto si Geronimo nang hindi ko inaasahan. Napaatras ito nang dahan-dahan hanggang sa matanaw kong may mga asong galang paparating sa aming direksiyon.
"Geronimo, huwag kang tumakbo....." sabi ko habang nakatingin sa mga asong galit na patuloy pa rin sa katatahol. Mukhang magigising ang mga tao kung magkataon.
"Senyorita..." kabado niyang sambit. Nakikita kong parang nanginginig na ang kaniyang mga kamay habang hawak-hawak ang bilao. Tumatagaktak na rin ang kaniyang pawis mula sa kaniyang mukha dahil sa sobrang kaba nito.
"Makinig ka Geronimo-------" hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil tumakbo bigla si Geronimo. Napanganga naman ako sa ginawa niya dahilan upang masundan siya ng mga asong galit.
"Geronimo, sandali!!" sigaw ko at agad na ring tumakbo dahil hinahabol na kami ng mga asong gala. Taranta akong tumatakbo at nakikitang patuloy pa rin kaming hinahabol ng mga aso.
"Geronimo, teka!!" hingal ko pero patuloy pa rin akong tumatakbo. Sinundan ko si Geronimo hanggang sa lumiko kami sa isang kanto at agad namang nadapa itong si Geronimo sa aking unahan upang mabitawan niya ang dala niyang bilao.
Tumilapon naman ang mga dala niyang nilupak na gumugulong ngayon sa buong kanto kaya dali-dali niya itong pinulot kahit na malapit na kaming maabutan ng mga aso. Bumilog naman ang aking mga mata sa ginawa niyang 'yun.
"Geronimo! Anong ginagawa mo?!!" taranta kong sigaw sa kaniya at agad nakita ang mga asong paparating sa amin.
"Hindi pwedeng mauwi sa wala ang mga pinaghirapan kong nilupak, senyorita kung kaya'y mauna ka nang umalis dito!!!" sigaw niya habang patuloy na pinupulot ang mga nilupak na nasa kanto. Napasampal naman ako sa noo dahil sa sinabi niya.
Mukhang maaabutan na kami ng mga aso kaya taranta kong dinampot ang mga batong nakikita ko sa daan upang ipagbabato sa kanila. Aakma ko sanang babatuhin ang mga aso 'nang may isang paputok na umaalingawngaw mula sa aking likuran. Nabigla naman ako 'dun kaya nabitawan ko ang dala-dala kong mga bato at agad nang lumingon. Nagsialisan na rin ang mga aso dahil sa takot na marinig pa ang putok na iyon.
Nakita ko sa 'di kalayuan ang isang gwapo't makisig na binata na nakasuot ng pang-militar na uniporme. May hawak itong pistol at agad niya rin itong binalik mula sa kaniyang beywang. Seryoso itong nakatingin sa amin ngunit 'nang magtagpo ang aming mga mata ay agad na itong ngumiti. Mukhang pamilyar ang itsura ng lalakeng 'to ha.
"Anong ginagawa mo rito, binibining Florentina?" ngiti niya. Agad namang tumabingi ang aking ulo' nang pinagmasdan siya nang mabuti. Kilala niya ako?
Nang alam niyang tinitigan ko siya nang seryoso ay agad siyang umiwas nang tingin. Napakamot na lang siya sa kaniyang batok at mukhang nahihiya pa siyang magpakilala.
"Uhm, mukhang nakalimutan mo na ako binibining Florentina. Ako pala ulit si Theodore Alfarez." ngiti niya at agad nilahad ang kaniyang kamay upang makipagkamusta sa akin. Si Theodore Alfarez? Ang nobyo ng aking pinsan na si Katrina Bustamante?!
"Pasensiya ka na kung hindi kita nakilala agad, ginoong Theodore." sabi ko at agad tinikman ang pancit na ibinigay sa amin.
Nandito na kami sa panciteria ni Nay Auring habang hinihintay na ginagamot ng asawa ni Nay Auring na isang albularyo si Geronimo dahil kinagat na pala siya ng aso bago ito tumakbo dahil sa pagputok kanina. Agad ko na ring ibinigay kay Nay Auring ang mga natirang nilupak dahil mukhang kinain ng mga aso ang iba kanina. Habang hinihintay si Geronimo ay agad kaming binigyan ni Nay Auring ng kaniyang espesyal na pancit.
Malaki ang espasyo ng panciteria ni Nay Auring. Marami ring mga lamesa't upuan ang nakalagay kung kaya napa-isip ako na baka talagang marami nga siyang mga suki. Pero sa mga oras na 'to ay kami lang dalawa ni Theodore ang nandito. Si Nay Auring naman ay nasa itaas upang tulungan ang kaniyang asawang albularyo na ginagamot ngayon si Geronimo. Mukhang tirahan ng mag-asawa ang nasa itaas ng panciteriang ito.
"Hindi ko akalaing isa ka palang sundalo, ginoo. Akala ko ba'y nag-aaral ka?" singit ko bigla habang patuloy pa ring kumakain.
"Biglaan nga ito, binibini. Sa totoo lang magtatapos na sana ako sa aking kurso kaya lang kagustuhan ng aking ama na isang tenyente koronel na umanib ako sa kanilang hukbong militar." sabi niya at agad napatingin sa akin.
"Dahil sa patuloy na pag-atake ng mga piratang moros sa mga kalapit na bayan ay mas hinigpitan na ng mga guardia't militar ang pagbabantay sa bawat pueblo dito sa lalawigan. 'Nung nakaraang araw nga'y may inatake na naman silang bayan malapit sa Arevalo. At hindi lang 'yun ang nangyari, binibini..." kuwento niya at agad sumubo ulit ng pancit.
"....maraming kabahayan ang nasira't kinain ng apoy, marami rin silang pinapatay na inosente at marami rin silang dinakip upang maging alipin." napatigil naman ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko talaga akalaing mangyayari ang mga ganitong bagay. Napakagat na lang ako sa aking bibig.
"May kutob din akong sila rin ang may pakana ng pagsabog at pag-atake 'nung kaarawan ng alacalde mayor sa Arevalo." dagdag niya at agad sumubo ulit ng pancit. Napalunok na lang ako pagkatapos 'nun.
"May balita na ba tungkol sa pagsabog, ginoo?" kabado kong tanong sa kaniya.
"Patuloy pa rin ang aming imbestigasyon, binibini. May nadakip naman kaming mga suspek tungkol sa pagsabog ngunit wala pang katotohanan na sila'y mga moros dahil may mga rebeldeng indio rin ang nagtatangkang kalabanin ang kapangyarihan ng espanyol." sabi niya. Napatango naman ako sa sinabi niya. Oo nga naman, may mga Pilipino ring hindi pabor sa katungkulan ng mga espanyol dito sa Pilipinas dahil sa ginagawang kalupitan at diskriminasyon.
"Kagustuhan ko namang umanib sa hukbong militar binibini kaya huwag kang mag-alala. At tsaka gusto ko ring ibigay ang aking serbisyo na protektahan ang ating bayan." patuloy niya kaya napangiti ako.
"Ah eh, ano pala ang ginagawa mo rito, ginoo?"
"Dito ako nilagay ng aming capitan bilang alperes ng inyong bayan, binibini. Pinamumunuan ko ang mga guardia sibil dito. Rumoronda kami tuwing hapon at gabi upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao dito." sabi niya kaya napatango ako ulit. Patuloy lang ang aming pagkukuwentuhan hanggang sa bumaba na rin si Geronimo papaunta sa amin hudyat na natapos na rin siyang gamutin.
**********
Dumating na rin ang araw ng fiesta de la floracion o ang kapistahan ng pamumulaklak sa Sta. Rosita at kami'y patungo na ngayon sa hacienda de Castellana. Maganda ang araw ngayon dahil hindi masyadong mainit at talagang nararamdaman ko ang lamig ng hangin na dumadapo sa aking balat. Kasama ko si Henrietta na sumakay dito sa kalesa habang sina Don Samuel at kuya Angelo naman ay nasa kabila.
Nakasuot ako ngayon ng baro't saya na kulay dilaw at may mga disenyo pang mga paru-paro na nakakadagdag kagandahan sa aking kasuotan habang si Henrietta naman ay nakasuot ng baro't saya na kulay berde at may mga disenyo ring nakakabighani na talagang mapapamangha ka sa kagandahan nito.
"Nandito na tayo, ate!" galak niya habang nakatingin sa labas ng bintana. Napatingin narin ako sa bintana na malapit sa akin. Sa aming dinadaanan, may nakita akong isang pamilyar na arko na may mga letrang nakaukit.
Sta. Rosita
Nandito na nga kami sa bayan ng Sta. Rosita. Huminga naman ako nang malalim dahil mukhang malapit na kaming makapunta sa hacienda de Castellana.
Habang nakatingin sa labas ay nakikita kong may nakasabit na banderitas kung saan-saan, may mga tao ring naglalakad habang bitbit ang kanilang mga bulaklak, ang iba naman ay masayang nagtatakbuhan at nagkukuwetuhan nang masaya sa daan. Masaya ako sa aking nakikita ngayon. Ganito pala ang pakiramdam na nakiki-fiesta!
Mga ilang minuto rin ang nakalipas at sa wakas ay natanaw ko na rin ang malawakang taniman ng mga mais na alam kong pag-aari ng mga Castellana. Natandaan ko pa ang sinabi ni Timothy noon na sila ang pangunahing tagapagtustos ng mga mais sa buong lalawigan. Nakikita ko na rin sa wakas ang pasukang daan habang nakalabas ang aking ulo sa bintana. May mga nakaukit ring mga letra at agad itong binasa, Hacienda de Castellana. Mukhang nandito na talaga kami.
"Amigo! Mabuti dahil nakarating na kayo!!" tawag sa amin ni Don Hilario at agad nakipagkamayan kay Don Samuel. Nagbigay galang din kami kay Don Hilario dahilan upang mas lalo siyang mapangiti.
"Ang gaganda't gwapo naman ng iyong mga anak, amigo. Sige tumuloy kayo sa aming mansion." paanyaya niya sa amin at tsaka sinundan siya papasok sa kanilang tahanan.
Pagpasok namin ay halos lumuwa ang aking mata ng makita ang malawakang espasyo ng kanilang tahanan. Napapalibutan din ng mga palamuting bulaklak ang buong paligid at may mga iba't ibang bulaklak din na naka-display sa bawat sulok ng mansion. Woah! Mukhang marami rin ang mga taong dumalo at halos ay nabibilang sa principales.
Napatingin-tingin naman ako sa aking paligid at nagbabasakaling makita ko si Timothy. Ngunit bigo naman akong makita siya. Nasaan na kaya siya?
Sumunod lang kami ni Henrietta sa likuran ni Don Samuel habang nakikipag-usap ito kay Don Hilario habang si kuya Angelo naman ay iniwan kami at pinuntahan ang mga kakilala niyang doktor.
Masigla at maliwanag ang buong paligid dahil sa mga nagliliwanag na mga chandeliers na nakasabit sa kisame at sa mga tugtuging nagbibigay indak na pinapatugtog ngayon ng orchestra. Mukhang dumarami na rin ang mga bisita kung kaya'y mukhang mahihirapan kaming humanap ng puwesto upang makakain.
Habang naghahanap ng bakanteng lamesa't upuan ay agad nahagip ng aking paningin si Padre Fernando na may kasamang matandang madre na naghahalo ngayon sa madla.
Iiwasan ko na sana siya ngunit biglang nagsitayuan ang aking mga balahibo nang tawagin niya ang aking pangalan. Gulp!
"Magandang tanghali mga binibini lalong-lalo na sa'yo binibining Florentina." ngiti niya nang ako'y nakatingin na sa kaniya. Agad naman kaming nagbigay galang sa kaniya ni Henrietta na mas lalong nagpangiti sa kaniya.
"Uh, magandang tanghali 'rin po, padre." sabi ko na lang. Sa totoo lang kinakabahan ako habang nakatingin sa kaniya. Natatandaan ko na naman 'yung librong La Vida Parroquial.
"May ipapakilala nga pala ako sa inyo mga hija. Ito pala ang inang madre ng ating parokya sa Anillo, si madre Cordova." pagpakilala sa amin ni Padre Fernando kaya napatingin na rin kami sa matandang kasama niya. Siguro nasa 70's na ang edad, puting-puti na rin ang kaniyang buhok at gutay-gutay na rin ang kaniyang balat. Ngumiti ang matanda sa amin kaya agad kaming nagbigay galang sa kaniya.
"Sila pala ang mga anak na babae ni Don Samuel, inang madre." bulong ni Padre Fernando kaya napalapit na nang kaunti sa amin ang matandang madre.
"Napakagandang dalaga naman nila, padre. Lalong-lalo na sa'yo, hija. Kamukhang-kamukha mo ang iyong ina..." garalgal niyang sabi at agad napatingin sa akin habang unting-unting hinahaplos ang aking mukha. Hindi ko alam ngunit may nararamdaman akong kakaiba nang sabihin niya 'yun. Napalunok na lang ako bigla.
Agad namang napatikhim si Padre Fernando at tsaka may ibinulong sa matandang madre. Hindi ko na narinig ang sinabi ni Padre Fernanado at agad na siyang umalis at iniwan ang madre sa amin.
"Inang madre, may itatanong lang po sana ako..." agad naman akong napalunok at bumulong sa kaniya.
"....may kilala po ba kayong madre na ang pangalan ay Cristina Fidela Ventura?" tanong ko sa matanda. Hindi ko alam ngunit bigla niya lang kinuha ang aking kamay at agad na siyang tumingala sa akin. Nangamba ako bigla nang makita siyang umiiyak nang walang dahilan. Hala, anong nangyari?
"Hala, ate. Ba't mo kasi pinapaiyak si madre Cordova?" panakot sa akin ni Henrietta kaya siningkitan ko lang siya ng mata.
"Alam mo mabait na bata si Cristina. Kahit na makulit siya minsan ay napamahal na rin siya sa akin. Ngunit hindi ko inaasahan na may iniibig na pala siya kahit alam niyang bawal....." kuwento niya sa amin ni Henrietta na aming ipinagtataka ngayon.
"Inang madre, nais po kitang tanungin ulit----"
"Pasensiya na po inang madre ngunit kailangan na naming umalis..." rinig ko na lang bigla kay Henrietta kaya naputol ang aking pagtatanong sa madre na 'yun.
Agad na rin akong hinila ni Henrietta papalayo sa kaniya kaya nagtataka na ako ngayon. Mukhang naglo-loading pa rin sa aking isipan tungkol sa mga sinabi sa akin ni madre Cordova.
"Teka, sandali-----"
"Mukhang baliw ang madreng 'yun ate. Madadamay pa tayo kapag patuloy tayong nakipagkuwentuhan sa kaniya." sabi niya at tsaka napailing. Hindi ko na ulit nakita ang madreng 'yun dahil natatakpan na siya ng mga madla. Paano na 'yan? Hindi ko pa natatanong kung nasaan ngayon si Cristina Fidela Ventura. Napahinga naman ako nang malalim dahil sa natuklasan ko ngayong araw.
"Florentina! Henrietta! Dito kayo umupo!" agad naman kaming lumingon ni Henrietta at agad nakita si Helena kasama si Mateo na nakaupo na ngayon sa lamesa. May dalawa pang bakante na upuan sa kanilang tabi kaya dali-dali kaming pumunta 'run sa kanila.
**********
Nang matapos na kaming kumain ay napag-isipan kong maglibot-libot sa kanilang hardin. Nababagot na rin ako at tsaka mukhang maingay na rin sa loob dahil dumarami na ang mga tao. Nagpaalam naman ako kina Don Samuel na hanggang ngayon ay kinakausap pa rin si Don Hilario.
Si Henrietta naman ay nakipagkita kay Esteban at siyempre nauna na silang pumunta sa bayan upang mamasyal. Hmmp! Mabuti lang din dahil pinayagan siya ni Don Samuel.
Kampante akong naglalakad sa kanilang hardin dahil may nakabantay namang mga guardia sibil.Nang marating ko na ang kalagitnaan nito ay may natanaw akong isang gazebo. Agad ko naman 'yun pinuntahan at napatigil kung sino ang aking nakita. Nakatalikod ito sa akin habang ang kaniyang mga kamay ay nasa loob ng kaniyang bulsa. Pumintig naman ang aking puso sa hindi inaasahan.
Agad naman siyang lumingon upang siya'y mas lalong mapangiti nang makita ako. Umiwas naman ako ng tingin sa kaniya dahil alam kong nag-iinit na ngayon ang aking mukha.
"Binibining Florentina...." Nakita ko naman siyang nakangiti pa rin at agad na niya akong pinuntahan.
"Tara, ipapasyal kita sa aming bayan na tiyak kong masisiyahan ka..." at agad na niyang kinuha ang aking kamay sa sobrang galak.
Nandito na rin kami sa sentrong bahagi ng Sta. Rosita kung saan makikita ang napakaraming taong namamasyal. Sa plaza ako dinala ni Timothy upang maglibot-libot. Talagang marami akong nakikitang mga paninda dito tulad ng mga damit, alahas, at mga pagkain. Sa harapan ng plaza ay ang simbahan ng Sta. Rosita. Agad ko naman naisip si Padre Fernando sa mga sandaling 'yun.
Masaya ako dinala ni Timothy sa isang gusaling-pamista kung saan may gaganaping paligsahan sa pag-aayos ng mga bulaklak. Iba't ibang uri ng bulaklak ang aking nakikita kaya nasisiyahan akong nanonood sa mga kalahok. Pagkatapos 'nun ay dinala na naman niya ako sa bilihan ng mga palamuti't aksesorya kung saan may nakita akong pang-ipit na may disenyong bulaklak na naka-display. Agad ko namang kinuha 'yun at tiningnan ulit.
"Bagay guid dan kanimo, senyorita. (Bagay 'yan sa'yo, senyorita.)" rinig ko sa babaeng nagtitinda kaya napalingon ako.
"Uh, tag-pila ni manang? (Uh, magkano 'to manang?)" ngiti ko kaya agad na akong pinuntahan ng babaeng 'yun.
"Sige, kukunin namin 'to." rinig ko naman kay Timothy na nasa aking likuran kaya agad ko naman siyang nilingon. Kinuha ni Timothy ang pang-ipit na hawak-hawak ko ngayon at agad na niya itong nilagay sa aking buhok.
"Mas gumanda ka lalo, binibini..." ngiti niya upang mas lalong tumibok nang mabilis ang aking puso. Kalma lang heart...hehe
"Salamat sa araw na 'to, ginoong Timoteo. Talagang masayang-masaya ako." ngiti ko habang dala-dala ang pulang rosas na ibinigay niya sa akin kanina. Ngumiti naman si Timothy at agad lumapit sa akin nang kaunti.
Inangat niya bigla ang aking baba hanggang sa tuluyang nararamdaman ang mainit na pagdampi ng kaniyang labi sa aking noo. Mukhang nag-iinit na naman ang aking mukha kaya tumalikod ako sa kaniya. Hinawakan ko pa ang aking pisngi upang malaman kung nag-iinit ba ito. Hinawakan ko naman ang aking dibdib at nararamdamang kumabog nang mas malakas ang aking puso.
Hindi ko alam parang awtomatikong naglalakad ang aking mga paa sa daan. Nakatulala lang ako habang dine-digest pa rin sa aking isipan ang ginawa sa akin ni Timoteo. Hindi talaga ako makapaniwala na hinalikan niya ang aking noo.
"Binibini? Saan ka pupunta?" rinig ko kay Timothy sa aking likuran pero hindi ako kumibo. Hindi pa 'ko handang makita siya at baka mas lalong lumakas ang kabog ng aking dibdib kapag lumingon ako sa kaniya.
"AAARAYYY!" sigaw ko bigla at agad nararamdaman ang hapdi sa aking noo kaya napatumba ako sa daan. Napahimas naman ako ng aking noo dahil tinamaan 'ata ng matigas na bagay.
"HOY! HUWAG KA KASING TUMUNGANGA SA DAAN! ALAM MO NAMANG DAAN 'TO. KUNG GUSTO MONG MAG-ISIP AY PUMUNTA KA NA LANG SA BUROL!!" sigaw ng matandang lalake at agad pinatigil ang pinapatakbong karwahe.
May mga putol na kawayan ang nasa loob ng karwahe at mukhang malalaki pa. Hindi masyadong nilagay sa maayos ang ibang kawayan kung kaya'y ang iba ay lagpas na sa nilalagyan nito at tsaka magulo pa ang pagkakaayos. Sa kawayan 'ata nauntog 'yung ulo ko.
Narinig ko namang tinatawag ako ni Timothy ngunit bigla namang lumalabo ang aking paningin at may natatandaang isang memorya na nagpatigil sa akin.
"Timothy Casquejo!!!!" sigaw ko.
"Binibini, anong ginagawa mo? Alam mo namang bawal banggitin ang tunay nating pangalan dito sa lumang panahon at------"
"Gusto kita! Gustong-gusto kita, Timothy Casquejo....."
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ko pagkatapos kong makita 'yun. Eto na siguro ang memoryang gusto kong alamin 'nung gabing nasa kaarawan kami ng alcalde mayor. Napalunok na lang ako.
Bigla naman akong niyakap ni Timothy habang nakaupo pa rin sa daan. Mukhang nag-iinit na naman ang aking mukha at ang kaniyang mahigpit na yakap ang dahilan upang magsitayuan ang aking mga balahibo sa katawan. Dahan-dahan naman akong tumingin kay Timothy at tsaka hinawakan ang kaniyang mukha nang hindi inaasahan. Walang kurap akong nakatingin sa kaniyang mga mata.
"Natatandaan ko na ang lahat, Timoteo...." panimula ko habang nakatitig pa rin sa kaniyang mga mata.
"Pasensiya kana kung may nakalimutan akong bagay na nagbigay pala ng ngiti sa iyong puso 'nung gabing 'yun. Hindi ko akalaing tinanggap mo ang aking pagtatapat at sinuklian iyon ng matamis mong ngiti, Timoteo..." dagdag ko.
"Hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon binibini. Noon pa man ay may itinatago na 'kong pagtingin sa'yo at mas lalong sumaya ang aking puso 'nung nagtapat ka rin sa akin 'nung gabing 'yun.." wika ni Timothy at agad hinawakan ang magkabila kong mukha. Walang kurap kaming nakatingin sa isa't isa sa mga oras na 'yun. Talagang masasabi kong mahal na mahal ko talaga si Timothy.
"ANONG IBIG SABIHIN NITO?!"
Agad na kaming kumalas mula sa aming pagkakayakap 'nang may narinig kaming sigaw mula sa aming likuran. Lumigon kami ni Timothy at agad nabigla kung sino ang aming nakita. Napatakip na lang ako ng aking bibig dahil sa hindi inaasahang pangyayari.
"Ako dapat ang kasama mo ngayon Florentina at hindi ang lalakeng 'yan. Hulihin ang tarantadong 'yan!!" galit na sinabi 'yun ni Konrad habang nakatingin sa amin ni Timothy.
Ibang-iba na ngayon si Konrad. Nakasuot na siya ng pang-militar na uniporme habang may nakasipit sa kaniyang beywang ang isang pistol at isang espada na nasa kabila. Seryoso itong nakatingin sa amin at nakikita kong nakayukom pa ang kaniyang palad.
May dalawang guardia sibil na lumalakad ngayon papunta sa amin upang dakpin si Timothy. Agad naman akong umiyak at tsaka pinuntahan si Konrad.
"Walang kasalanan si Timoteo, Ko-----"
"Meron." sabi niya na nagpatigil sa akin upang tumulo ang aking luha.
Nakita ko namang pumipiglas pa si Timothy habang hinuhuli siya ng dalawang guardia sibil. Nakatingin na siya ngayon nang seryoso kay Konrad.
"Anong ibig sabihin neto, Konrad?!!" sigaw ni Timothy.
"Hinuhuli kita ngayon sa salang pagkakasangkot mo sa mga piratang moros, Timoteo..." seryosong sinabi 'yun ni Konrad upang ako'y mas lalong umiyak kasabay sa pagbitaw ko ng pulang rosas na hawak-hawak ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro