Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 13

[Kabanata 13]


"Puno de Orasa?" sabi ko sa aking sarili habang nakatitig pa rin sa puno na nasa aming harapan. Agad naman lumapit ang matandang babae sa amin. May hawak itong baston sa kaniyang kanang kamay habang ang sa kabila naman ay may hawak itong buslo na naglalaman ng mga dilaw na bulaklak na hugis trumpeta.

"Kakaiba ang puno na ito sa lahat. Patapos na ang tagsibol ngunit ngayon lang ito namumulaklak." wika ng matanda. Patuloy pa rin nahuhulog ang mga bulaklak mula sa puno na 'yun at talagang hindi ko mapigilang mapamangha sa kagandahang tinataglay nito.

"Kung hindi ako nagkakamali, ikaw ang matandang babae na napanaginipan ko kagabi." pagbasag naman ni Timothy habang nakaharap na ito sa matanda. Ngumiti lang ang matanda bilang kaniyang sagot.

"Makinig kayong mabuti sa akin. Naparito kayo dahil may importante akong bilin sa inyong dalawa. Marahil alam niyo na siguro kung bakit nandito kayo ngayon sa harapan mismo ng punong ito." wika niya habang tinuturo ang puno gamit ang kaniyang baston.

"Ang Puno de Orasa ay matagal nang patay makalipas mahigit apat na libong taon. Ngunit bigla na lang itong nabuhay dahil sa pagtanggap at pagpili sa inyo ng singsing mula sa inyong kasalukuyang panahon." dagdag niya.

"Nasaan naman ang singsing?" tanong ni Timothy sa kaniya.

"Hindi niyo pa makikita ang singsing. Tandaan ninyo, nagsisimula pa lang kayo rito. Ang takbo ng inyong buhay bilang Florentina Morcillo at Timoteo Castellana ay magsisimula pa lang sa ugat hanggang sa kayo'y makatungtong na sa mga sanga nito." sagot niya. Nagkatinginan naman kami ni Timothy sa mga oras na 'yun. Mukhang matalinghaga ang matandang ito.

"Pero bakit ngayon lang ito namumulaklak kahit patapos na ang tagsibol?" kuryosidad kong tanong sa matanda.

"Dahil nandito na kayo sa lumang panahon." sagot niya sa akin. Napatulala na lang ako sa sinabi ng matanda.

"Namumulaklak ang punong ito dahil nandito na kayong dalawa at ang puno na ito ay magsisilbi ninyong orasan para maisakatuparan ang inyong misyon." dagdag niya. Kumunot naman ang noo ni Timothy sa mga narinig niya.

"Ang Puno de Orasa ay patuloy na namumulaklak hanggang sa unti-unti na itong nalalagas sa matagal na panahon. Kapag dumating ang araw na nauubos nang nalalagas ang mga bulaklak at dahon nito, ito ang magiging hudyat na tapos na ang oras ng inyong misyon." paliwanang ng matanda.

"At kapag hindi namin natapos o naisakatuparan ang aming misyon?" nanginginig kong tanong. Hindi ko alam kung anu ang maisasagot niya pero kinakabahan na ako. Agad namang napatingin ang matanda sa akin.

"Hindi na kayo maaaring makabalik pa sa inyong kasalukuyan." sagot niya ng seryoso na aming ikinagulat bigla ni Timothy. Ngunit isang seryoso na tingin din ang ibinalik ni Timothy sa kaniya.

"Hinding-hindi namin 'yan hahayaang mangyari. Kahit na wala pa akong kaalam-alam kung paano iligtas ang bayan na 'yun ay susubukan namin. "

Agad naman akong napatingin kay Timothy dahil sa tinataglay nitong determinasyon. Dapat ganun din ako. Bumalik ang tingin ko sa matanda at tumango rin ako bilang pangsang-ayon kay Timothy. Napangiti naman ang matanda sa amin.

"Talagang hindi matatawaran ang kagalingan ng singsing sa pagpili sa inyo. Malaki ang tiwala ko sa inyo at alam ko namang magiging matagumpay ang inyong misyon." ngiting wika niya sa amin. Mukhang nabunutan ako ng mga tinik sa mga oras na 'yun. Hindi ko alam ngunit bigla na lang umangat ang aking pakiramdam dahil sa ipinakitang determinasyon ni Timothy.

"Dahil nalaman na namin ang kahalagahan ng punong ito, anu naman ang ihahatid mo sa amin na mahalagang balita?" tanong bigla ni Timothy.

"Hindi pa ngayon, hijo. Aasahan ninyong dadalaw ako rito tuwing kabilugan ng buwan ng linggo. At kapag dumating ang gabi sa pagsapit ng dugong buwan, aasahan ninyong may paparating na hindi maganda." paliwanag niya sa amin.

"Dugong buwan?" gulat na tanong niTimothy.

"Oo. Isang senyales na may masamang mangyayari. Sakuna man o kasawian.." seryosong paliwanag ng matanda.

"At kailan naman 'yun mangyayari?" tanong ko naman. Sa mga oras na 'yun, nararamdaman kong tumutulo na ang aking pawis sa noo papunta sa aking pisngi. Pilit kong maging matatag katulad ni Timothy pero parang may anung kirot sa aking puso nang marinig ang salitang kasawian galing sa matanda.

"Hindi natin alam 'yan, hija." tipid niyang tugon sa akin dahilan upang ako'y napalunok sa kaba.

"Teka, may nakalimutan pa pala ako." wika ng matanda sabay bunot ng dalawang bulaklak na hugis trumpeta galing sa kaniyang buslo.

"Isa itong Narsiso. Namumulaklak lang ito tuwing tagsibol at mabuti lang din dahil marami akong nakukuha mula sa aking hardin. Ang bulaklak na ito ay sumisimbolo sa muling pagkasilang at pagsalubong. At ang bulaklak na ito ay maaari ko lamang ibigay bilang pagsalubong sa mga taong dumating dito sa lumang panahon kabilang na kayo at naging parte ng inyong buhay mula sa inyong kasalukuyan." paliwanag niya sabay abot ng dalawang bulaklak para sa amin. Kulay dilaw ito at may mahahabang dahon na parang naaabot sa walong pulgada.

Bumilog naman ang aking mga mata ng marinig 'yun. "Anung ibig mong sabihin?" Naguguluhan ako sa mga pinagsasabi ng matandang 'to. Ngumiti na lang ang matanda sa akin.

"May mga bagay pa kayong matutuklasan habang kayo'y naparito sa lumang panahon. Kaya huwag kayong mabibigla." tugon niya. Kumunot naman ang kilay ko sa kaniyang sinabi.

"Huwag kayong mag-alala. Lagi ko naman kayong babantayan. Kapag sa oras na may kailangan kayo, bumulong lang kayo sa bulaklak na iyan at aasahan ninyong hihintayin ko kayo rito sa ating tagpuan sa harap mismo ng punong ito." sabi nito habang unti-unti na siyang naglalaho sa aming harapan.

"Teka, anu pong nangyayari sa inyo?" gulat na gulat naman na tanong ni Timothy habang minamasdan ang matanda sa aming harapan. Napatakip na lang din ako ng aking bibig sa aming kakaibang nasaksihan ngayon. Ngumiti sa amin ulit ang matanda habang naglalaho ito na parang bula sa aming harapan.


**********

"Mag-iingat kayo sa pag-uwi Timo, Julia!!!!" wika ko habang nakadungaw ako ngayon sa bintana ng aming sinasakyang kalesa ni Geronimo. Nasa merkado kami ngayon sa bayan ng Anillo at kitang-kita na talagang napakaraming tao ang nasa paligid. May ilang kargador din na dumaan sa aming kalesa na may tig-dalawang banyera ng mga isda ang kanilang binuhat patungo sa loob ng merkado.

May ilan ding nagbebenta ng mga gulay at prutas na nasa gilid at ang iba naman ay nagbebenta ng mga kung anu-anong kagamitan na gawa ng mga katutubong Panay. Medyo maingay ang nasa paligid namin kung kaya'y kailangan na naming lumisan at umuwi agad sa aming tahanan.

"Kayo rin Flor, Geronimo! Mag-iingat din kayo!" wika naman ni Timothy habang nakasakay na ito sa kabayo kasama si Julia na nasa kaniyang likuran. Agad naman silang umalis papunta sa bayan ng Sta. Rosita. Umalis rin ang sinasakyan naming kalesa at tuluyan nang nilisan mula sa mataong lugar na iyon.

Habang nasa biyahe kami, hindi ko mapiligilang mapatingin sa bulaklak na hawak-hawak ko ngayon. Patuloy ko pa ring iniisip ang mga sinasabi ng matanda sa amin kanina. Napatikhim ako sandali at napasandal na lang sa aking inuupuan. Sana talaga hindi ako mabibigla sa kung ano mang matutuklasan namin ni Timothy.

"Si ginoong Timo ba ang nagbigay sa'yo ng bulaklak, senyorita?" tanong bigla sa akin ni Geronimo. Agad naman akong natauhan at inayos ang aking pagkakaupo.

"Hindi." tipid kong sagot. "Teka, kamusta naman kayo kanina ni Julia, ha?" pag-iba ko naman sa kaniya. Sa pagkakataong 'yun, mukhang namumula na ang mga pisngi ni Geronimo at hindi siya makatingin nang diretso sa akin. Uuyyy!

"Uhm.Wala naman 'yun, senyorita...." wika niya habang namumula pa rin ang mga pisngi nito.

"Anong wala? Sige na, kuwentuhan mo kasi ako." pagpupumilit ko naman sa kaniya. Napakamot na lang siya sa kaniyang ulo at mukhang magkukuwento na siya sa akin.

"Ano...tinulungan niya lang po ako sa pamimili tapos ayun, naglibot-libot lang kami kung saan-saan." kuwento niya.

"Tapos?" dagdag ko.

"Yun lang po." wika niya ulit sabay tingin sa akin.

"Yun lang?" at agad naman siyang tumango. Mukhang torpe 'tong si Geronimo. Hindi niya rin masabi sa akin ang buong kuwento. Hindi na bale. Napasandal na lang ako at napatingin sa labas ng bintana. Maghahapon na kung tutuusin at malapit na rin kami sa aming hacienda.


**********

Pagdating ko sa loob ng mansion, agad sumalubong sa amin si Nay Lucing na may dalang mainit na kape. Agad naman niya akong nilapitan at ngumiti sa akin.

"Florentina, mabuti dahil nakauwi na kayo sa tamang oras. Tamang-tama dahil kakarating lang din ngayon ni senyor Konrad. Andun siya ngayon sa azotea at dalhin mo rin ito sa kaniya." sabay abot ng mainit na kape sa akin. Agad ko naman 'yun kinuha kay Nay Lucing at napangiti na rin.

"Nay Lucing, puwede po bang hanapan niyo ako ng malalagyan ng bulaklak na ito?" wika ko habang ibinigay sa kaniya ang isang Narsiso. Agad naman niya itong kinuha at mukhang napamangha siya sa kaniyang nakita.

"Napakagandang bulaklak at ngayon ko lang ito nakita, Florentina. Sino nagbigay sa'yo nito?" tanong niya sa akin. Napatigil na lang ako sandali sa tanong niyang 'yun.

"Uhm, isang matanda ang nagbigay sa akin niyan, Nay Lucing." ngiti ko pabalik.

"Ipagpaumanhin niyo po Nay Lucing ngunit kailangan ko nang umalis baka hinihintay na ako ni ginoong Konrad..." sabi ko at dali-dali naman akong umalis mula sa aking kinatatayuan.

Nakarating na din ako sa azotea at natanaw ang isang makisig na lalake na nakatalikod sa akin. Hindi ko alam pero kakaiba ang presensiya niya. Dali-dali ko namang nilapag ang dala kong kape sa isang lamesa at mukhang napansin din ako ni Konrad sa mga oras na 'yun. Agad naman siyang napatingin sa akin at ngumiti.

"Mabuti na lang dahil nandito kana, binibini..."wika niya at agad niyang hinubad ang kaniyang sombrero at tinapat niya 'yun sa kaniyang dibdib bilang paggalang. Ngumiti naman ako sa kaniya pabalik.

"Mukhang mabuti na ang iyong pakiramdam, binibini. At sinabi sa akin ni Nay Lucing na sinamahan mo raw si Geronimo papuntang merkado. Sana'y sinabihan mo ako para masamahan ko kayo kanina." wika niya habang papalapit siya sa akin. Agad niya ring hinaplos ang mahaba kong buhok hanggang sa mahawakan niya na ang aking kanang kamay.

"Malapit ka nang pumasok sa Colegio de Santa Carolina, binibini." wika niya habang nakangiti ito.

"Saan mo naman 'yan narinig?" bigla kong tanong.

"Kay Don Samuel. Saglit lang kami nagkausap kanina dahil may pupuntahan siya ngayong hapon." sagot niya. Napatango na lang ako sa kaniyang sinabi.

"Sa totoo lang, naparito ako ngayon dahil may ibibigay ako na isang napakahalagang bagay, binibini." wika niya habang may kinukuha mula sa kaniyang bulsa. Nang makuha niya na ito, agad niyang kinuha ang aking kamay at nilagay sa aking palad ang isang maliit na kahon. Napatingin naman ako sa kaniyang ibinigay.

"Para saan ito, ginoo?" taka kong tanong ngunit nakangiti lang siya sa akin. Agad ko namang binuksan ang maliit na kahon na'yun pero laking gulat ko nang makita ang isang bagay ng hindi ko inaasahan. Teka, hindi ito maaari!

"Maganda ba, binibini? Pinagawa ko pa'yan mula sa bansang Alemanya. Namumukod tangi rin ang mga disenyo nito na pinagawa ko mula sa kilalang artisan." wika nito habang ako naman ay hindi makapaniwala sa aking nakita. Kung hindi ako nagkakamali, ito ang nawawala naming singsing ni Timothy!

May dalawang singsing ang nasa loob ng kahon. Agad ko namang kinuha ang isa at sinuri iyon. Kulay ginto ito at nilagyan ng kaunting diyamante. Namumukod tangi talaga ang singsing dahil may disenyo itong rosas at nilagyan ng maliit na diyamante na kulay pula ang kaniyang kalagitnaan. Mapapansin din ang disenyo na parang isang baging na nakapalibot sa singsing. Ngayon ko lang talaga pinapahalagahan ang ganitong kadetalyadong disenyo ng singsing. Napakaganda ang pagkakaukit at pagkagawa nito. Ngunit bakit mayroon siya nito?

"Iyan ang magiging singsing sa ating nalalapit na kasal, binibini. Kung maaari sana'y itago mo ito para sa atin." wika niya habang nakatingin lang siya sa akin. Parang may mali sa mga nangyayari. Hindi ko akalaing nasa kaniya ang nawawala naming singsing at ang aking ipinagtataka ay ang sinabi niyang siya ang nagpagawa nito.

"Ikakasal na tayo ngayong ika-tatlumpong isa ng Oktubre, binibini. Sa mismong kaarawan mo."dagdag niya habang nakangiti sa akin.

Nananatili parin akong tahimik sa aking kinatatayuan habang sinusulyap ang bitbit kong kahon na naglalaman ng singsing. Mukhang hindi ako makakatulog ngayong gabi. Dapat malaman ito ni Timothy. Ngunit, hindi pa ako handa para sabihin sa kaniya na ikakasal ako kay Konrad. Paano na 'to?

Agad naman akong niyakap ni Konrad nang mahigpit at tsaka hinalikan sa aking noo. Tunay ngang tapat at totoo ang pag-ibig niya kay Florentina. "Pangako mo sa akin, Florentina. Iingatan mong mabuti ang singsing na 'yan." bilin niya at agad naman akong tumango sa kaniya habang nakatulala.


**********

Halos dalawang linggo rin ang nakalipas at sa wakas ay nandito na ako ngayon sa harapan ng isang tanyag na eskwelahan para sa kababaihan at ito ang Colegio de Santa Carolina. Agad na akong bumaba mula sa sinasakyan naming karwahe ni Henrietta at talagang napapamangha ako sa laki at magandang eskwelahan na ito. Agad naman akong ginuyod ni Henrietta papasok sa loob at nakita rin ang aming mga pinsan na sina Katrina at Eleanor na papunta sa amin.

"Katrina! Eleanor!" tawag niya habang patuloy pa rin niya akong ginuguyod.

"Naku Henrietta, Florentina. Mabuti dahil nagkita na naman tayo. Talagang masayang-masaya ako!" wika naman ni Katrina habang niyayakap kami ni Henrietta at ganun din si Eleanor sa amin. Talagang masaya rin ako dahil nakita ko na naman sila mula sa dalawang linggo kong pagkakalugmok sa aking silid. Talaga kasing binabagabag ako ng singsing na binigay sa akin ni Konrad. Napapaisip na naman ako kung sasabihin ko ba kay Timothy o hindi tungkol sa aming pagpapakasal ni Konrad.

Agad naman akong nakabalik sa aking katinuan nang may tumawag sa aming madre na nasa aming likuran. Napaharap naman kami sa kaniya at nagbigay galang habang papalapit sa amin.

"Siya si Madam Imelda Silva. Ang ating punong madre." bulong sa akin ni Henrietta na nasa aking tabi. Napalunok na lang ako sa mga oras na 'yun at nakita ang kaniyang payak na ekspresyon habang minamasdan kaming apat. Mukhang nasa 50's na siya at may katabaan din. Nakikita ko rin ang rosaryo na gawa sa pilak na nakatali sa kaniyang kamay at bigla din siyang napatingin sa akin.

"Ikaw ba si binibining Florentina Morcillo?" tanong niya sa akin. Agad naman akong tumango at tiningnan saglit si Henrietta.

"Sumunod ka sa akin." wika niya at agad naman akong sumunod sa kaniyang likuran. Sumunod din sa amin si Eleanor na nakangiti ngayon sa aking tabi.

"At kayong dalawa.." sabi niya at agad tinuturo sina Katrina at Henrietta na nasa aming likuran ngayon.

"Kailangan niyo nang pumasok sa inyong mga silid dahil mag-aalas otso na. Bilis!" utos nito at agad namang umalis sina Katrina at Henrietta mula sa kanilang kinatatayuan. Isang taon lang naman ang aming katandaan ni Eleanor sa kanila kaya't hindi kami magkakasama sa iisang klase. Agad na kaming tumuloy sa aming paglalakad patungo sa aming silid-aralan na nasa ikalawang palapag ng eskwelahan.

"Magandang umaga. Nais ko lamang ipakilala ang inyong magiging kaklase simula sa araw na ito......" intro ni Madam Silva at agad na siyang napatingin sa akin. Humigop naman ako ng sapat na lakas bago ako nagpakilala sa mga bago kong kaklase. Narito ako ngayon sa kanilang harapan at makikitang parang payak din ang kanilang ekspresyon katulad ni Madam Silva ng makita ako.

"Magandang umaga. Ako nga pala si Florentina Morcillo mula sa bayan ng Anillo. Kakauwi ko lang galing Maynila kaya hindi pa ako marunong magsalita ng hiligaynon. Sana'y matulungan niyo ako sa aking pagkukulang at maging kaibigan ko kayong lahat." wika ko habang nakangiti.

Pagkatapos 'nun, tinitingnan nila ako na parang walang nangyari at mukhang si Eleanor lang ang nakikita kong masaya na nakaupo malapit sa gitna.

"Maraming salamat, binibini. Maaari ka nang umupo sa tabi ni binibining Marcelita." wika niya habang tinuturo ang bakanteng upuan na nasa likuran katabi ng isang magandang dilag. Agad naman akong pumunta roon sa likuran habang nakayuko. Hindi ko alam pero nararamdaman kong pinag-uusapan nila ako sa mga oras na 'yun.

"Siya ba ang anak ni Don Samuel galing Maynila?"

"Totoo pala ang balita na hindi na makakabalik ang pamilya Morcillo sa kamaynilaan..."

"Siya pala ang mapapangasawa ni ginoong Konrad Garcia. Ang suwerte naman niya...."

Iilan lang ito sa aking mga narinig habang papunta sa aking upuan sa likuran. Mukhang nahihiya ako sa mga oras na 'yun. Agad naman akong naupo sa aking upuan at napansin ang isang dilag na nagbabasa ng kaniyang libro sa aking tabi. Maganda siya, mabibilog ang mga mata, at may mahaba ring buhok na kulay tsokolate. Gusto ko sana siyang kausapin kaya lang baka maistorbo ko siya sa kaniyang pagbabasa.

Pagdating ng alas-kuwatro ng hapon ay natapos na rin ang aming klase at si Madam Silva ang naging huli naming maestra. Mukhang bagot na bagot ako sa kaniyang klase kanina dahil napakaseryoso nito at lahat ay napakatahimik. Kahit konting galaw lang sa iyong upuan ay madali ka niyang mapapansin at pagsasabihan ng kung anu-ano. Nang papalabas na kami mula sa aming silid-aralan ay dali-dali kong hinabol si Eleanor at hinablot ang kaniyang kamay. Mukhang nagulat siya sa aking ginawa kaya napatawa na lang ako.

"O, kamusta?" tanong niya.

"Heto, buhay pa naman. Ganyan ba talaga katahimik ang inyong klase?" tanong ko sa kaniya bigla.

"Kung kay Madam Silva, siguro. Ayaw niya kasi ng maingay." wika niya habang pababa na kami ng hagdan mula sa ikalawang palapag. Habang pababa na kami ng hagdan, nahagip ng aking paningin ang nakatabi kong babae kanina habang ito'y pababa rin ng hagdan sa aming likuran. Agad ko naman siyang tiningnan at mukhang wala siyang kasamang mga kaibigan.

"Eleanor? 'Di ba siya si Marcelita?" bulong ko kay Eleanor na mukhang magkadikit na ang aming balikat. Agad din siyang napatingin sa aming likuran at nakita ang babaeng aking tinutukoy.

"Di mo ba siya nakikilala? Siya si Marcelita Garcia. Ang kapatid ng iyong mapapangasawa..." wika niya at agad namang bumilog ang aking mga mata nang binanggit niya 'yun.

May kapatid si Konrad?!

Mag-iisang oras na kaming naghihintay ni Henrietta sa labas at wala pa rin ang aming sundong kalesa. Nagpalinga-linga lang ako sa aking paligid at tinatanaw ang mga kababaihang sinusundo na ng kanilang kutsero. Napatikhim na lang ako sa sobrang paghihintay habang si Henrietta naman ay nakapameywang habang nagpaikot-ikot sa kaniyang kinatatayuan.

"Julia!!" tawag bigla ni Henrietta at agad naman ako napatingin sa aking likuran at nakita si Julia na papasakay na sa kaniyang kalesa. Narinig naman ni Julia ang tawag ni Henrietta ngunit hindi siya ngumiti. Parang malungkot ito at matamlay. Nagtataka naman kami ni Henrietta sa mga oras na 'yun at pinuntahan agad si Julia.

"Ate Florentina, ate Henrietta...." bati niya na may bahid ng kalungkutan sa kaniyang mga mata.

"Teka, ba't ka malungkot?" tanong ko sa kaniya.

"Uhmmm, sa totoo lang....nawawala kasi ang aking kuwintas na ibinigay sa akin ni ina. Iyon lang kasi ang tanging naiwan niyang alaala sa akin...." ani nito habang mangiyak-iyak sa aming harapan. Nagkatinginan naman kami ni Henrietta sa kaniyang rebelasyon.

"Kailan pa 'yun nawala?" tanong ko kay Julia.

"Magdadalawang linggo nang nawawala ang aking kuwintas. Sa pagkakaalam ko kasi, nawala na 'yung kuwintas ko bago ako nakarating mula sa merkado ng Anillo kasama si maestro Timoteo." sagot naman niya habang pinupunas ang kaniyang mga luha.

Agad ko namang tinapik ang kaniyang likuran habang patuloy pa rin siyang lumuluha sa aming harapan. Naaawa ako ngayon kay Julia. Tunay ngang mahalaga ang bagay na 'yun sa kaniya. Agad ko naman siyang tiningnan at pinunasan ang kaniyang maiinit na luha na dumadaloy sa kaniyang pisngi.

"Hahanapin ko ang iyong kuwintas, pangako.." seryoso kong wika at agad siyang napatingala sa akin.


**********

Sa wakas ay nakarating na kami sa palengke ng Anillo mula sa mahabang paghihintay namin sa aming sundong kalesa. Nagpahatid pa kasi si Don Samuel papunta sa kabilang bayan kaya nahuling dumating si Mang Isko na aming nag-iisang kutsero sa aming eskwelahan.

"Bukas mo na lang hahanapin ang kuwintas, ate..." wika ni Henrietta habang nakadungaw ito mula sa bintana ng sinasakyan naming kalesa. Nakababa na ako mula sa kalesa at nakikita na naman ang napakamaraming tao na naglalakad sa paligid ng merkado. Maaga pa naman at hindi pa madilim kaya mas mabuti kong hahanapin ko na ngayon ang nawawalang kuwintas ni Julia.

"Dito ka lang, Henrietta. Huwag kang aalis....." 'yan ang huli kong bilin kay Henrietta bago ako tumuloy sa paghahanap. Hindi ko alam kung saan ako magsisimulang maghanap pero nagtanong-tanong naman ako sa mga tindero't tindera kung may nakita silang isang kuwintas na naiwan sa daan.

Maliit ang aking kuwintas. Kulay ginto ito at may iilang diyamante na kulay lila't kahel...

Para akong isang baliw na naghahanap ng kuwintas nang wala sa oras. Hindi ko naman alam kung saan 'yun nahulog pero nagbabasakali lang naman akong makita 'yun. Agad naman akong naghanap sa aking dinadaanan mula sa loob ng palengke hanggang sa malapit ko nang marating ang labasan nito. Ngunit bigo akong makita 'yun.

Agad naman akong napasandal sa isang poste habang tinatanaw ang mga dumadaang kargador na may dalang banyera ng mga isda't hipon. Kahit magdadapit hapon na ay patuloy pa rin silang nagtatrabaho. Nagpalinga-linga na lang ako sa aking paligid sa mga oras na 'yun hanggang sa may nakita akong isang bagay na kumikinang sa aking paanan. Nakatayo ako ngayon sa mga tumpok ng mga dahon ng saging at 'dun ko lang nakita ang kumikinang na bagay na tinatakpan ng mga dahon na 'yun.

Nasa tabi ko ngayon ang pamilihan ng mga saging kung kaya'y hindi na ako magtataka kung bakit napakaraming mga dahon ng saging ang kumakalat sa kanilang paligid. Napayuko naman ako upang kunin ang bagay na 'yun at laking gulat ko na lang kung anu ang aking nakuha. Talagang sinagot ng Maykapal ang aking kahilingan. Sa wakas, ay nakita ko na rin ang kuwintas!

"Daw kanami ang kulintas nga dan, senyorita...(Parang maganda ang kuwintas na iyan, senyorita...)" pagbasag ng isang lalake na nasa aking gilid at agad naman akong napaharap sa kaniya. May katandaan na ang lalake at may mga kasamahan pa siya na nasa kaniyang likuran na nakangisi sa akin. Mukhang kinakabahan ako sa anung mangyari at napalunok na lang sa mga oras na 'yun. Kailangan ko nang umalis.

"Paumanhin, pero kailangan ko nang umalis..." wika ko habang nakayuko. Papaalis na sana ako ngunit pinigilan ako ng lalakeng 'yun.

"Ikaw guid man ang bata ni Don Samuel? (Ikaw ba talaga ang anak ni Don Samuel?)" tanong niya sa akin. Agad naman akong napatingin sa kaniya habang nakangisi ito sa akin.

"Oo. Bakit?!" sagot ko sa kanila. Para naman matakot sila at malamang ako ang anak ng isang makapangyarihang tao sa bayang ito. Ngunit, nagkamali ako ng akala. Imbes na matakot sila, mukhang masaya pa silang malamang anak ako ni Don Samuel.

Ngumisi na lang sila habang papalapit sa aking kinatatayuan. Napaatras naman ako sa kanilang ginawa at walang anu-ano'y tumakbo na ako patalikod sa kanila. Sobrang kinakabahan ako sa mga oras na 'yun at ang puso ko'y parang sasabog na sa sobrang takot at pangamba.

Patuloy pa rin akong tumatakbo papalayo sa mga lalakeng 'yun at nakikisabay sa mga taong nakisiksikan palabas mula sa merkado. Parang gumugulo na rin ang mga tao sa paligid kung kaya'y nahihirapan akong makalabas sa kanila. Pilit kong nakikisiksik sa kanila habang ang mga kalalakihan naman ay patuloy pa rin akong hinahabol. Mukhang hindi kuwintas ang kanilang habol, kundi ako.

Tumakbo ako nang mabilis papunta sa kabilang kanto ngunit may nakaharang itong pader. Napatigil naman ako sa pagtakbo at agad ding lumiko sa ibang daanan ngunit naabutan na nila ako at agad ding hinarangan ang aking daanan. Napalunok na lang ako sa sobrang kaba at mukhang nanlalambot din ang aking mga tuhod sa mga nangyayari. Agad ko ring napansin na nilalabas ng isang lalake ang dala niyang itak mula sa kaniyang likuran habang nakangisi pa rin sa akin.

"Amu na dya ang tsakto nga oras para makabalos sa demonyo nga to! (Heto na ang tamang oras para gantihan ang demonyong 'yun!)" wika ng lalake habang tinataas ang itak nito sa ere para paslangin ako. Hindi naman ako makaalis-alis dahil ginagapos ako ngayon ng mga kasamahan niya habang nagtatawanan na parang mga demonyo sa aking tabi. Umiiyak na ako sa sobrang takot at kaba. Ito na ba ang aking katapusan?

Habang ako'y nasa kanilang kamay ay may kung sinong tao ang lumaban at sumagip sa akin mula sa kamatayan. Bigla niya lang hinablot ang itak na hawak-hawak ng isang lalake at inagaw iyon sa kaniya. Nabigla ako sa kaniyang ginawa at nagulat na may mga kasama rin siyang kalalakihan na nilalabanan ang mga lalakeng humahabol sa akin kanina.

Agad ko namang tinapakan ang paa ng isang lalake na hinihila ako palayo at tsaka rin siyang siniko at sinipa dahilan ng aking pagkalaya. Ngunit, may isang pangyayari ang hindi ko inaasahan. Nakita kong duguan at wala nang malay na nakaratay ngayon sa daan ang isang lalakeng sumagip sa akin. Agad ko naman siyang pinuntahan habang tumutulo na ang aking luha nang makita ang kalagayan ngayon ni....

Konrad....

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro