Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Zelpha

Prologue

Ako si Zelpha, isa sa napakaraming anak ni Amias. Isa akong Nephilim, anak ng isang anghel sa isang tao. Isang anghel na bumagsak sa lupa ang aking ama. Mula sa pagiging puti ng kanyang mga pakpak ay naging itim ang mga iyon sa kanyang pagbagsak. At sa pagbagsak ng isang anghel ay may kaakibat iyong kasalanan, sapagkat tanging kasalanan lamang ang makakapagpabagsak sa kanila.

Sa mga tula lamang romantiko ang ideya ng isang anghel na bumaba sa lupa. Sa katunayan, ang mga tao lang naman ang naglarawan sa mga anghel bilang mga mababait na nilalang na mayroong banayad at maamong personalidad. Iyon ay sa kabila ng napakaraming kuwentong naglalarawan sa kanila bilang mga malulupit na mandirigma. Hindi ba at dalawang anghel ang nagtungo sa Sodom at Gomorrah upang wasakin ang buong siyudad na tigib sa kasalanan? Nanatili ang konsepto ng pakay ng mga anghel hanggang sa ngayon.

Kanina, habang naglalakad ako sa kalsada kung saan ako isinilang ay may nakita akong mga dalagang nagkukuwentuhan at nagtatawanan sa daan. Isang ordinaryong Biyernes para sa kanila. Ni wala silang ideyang namumuhay sa paligid nila ang mga tulad ko at ng aking ama. Gusto ko silang balaan kanina, "Mag-ingat kayo sa mga bumagsak na anghel!" Pero hindi sila maniniwala. Kahit sabihin ko sa kanilang maaaring matulad sila sa aking inang nagdala ng sanggol sa kanyang sinapupunan makaraang may isang anghel na itim ang pakpak ang pumasok sa kanyang silid upang matugunan ang pangangailangan nito. Hindi ko maaaring sabihin sa mga dalagang iyon na posibleng makatagpo rin sila ng ibang anghel na itim ang pakpak na magtuturo sa kanila ng mga bagay na hindi kayang sakupin ng isipan nila at sa huli ay gagamitin silang instrumento upang ikalat pang lalo ang kasalanan sa mundo.

Nakakatawa ang tao. Marami ring mga babaeng niyakap nang buong-buo ang buhay ng mga anghel na naging ama ng kanilang mga anak. Isang buhay na puno ng kasalanan. Sapagkat iyon ang tanging pakay ng mga anghel na bumagsak—ang ikalat ang kasalanan. Ang nag-iisa at tanging pakay. At matapat sila sa pakay na ito, tulad ng pagiging matapat sa misyon ng hukbo ng mga mandirigmang anghel na puti ang pakpak—sila ang mga anghel na hindi pa, at maaaring hindi kailanman, babagsak sa lupa.

Isa lamang din ang pakay ng puting kampo ng mga mandirigma—ang lupigin ang mga itim at ang anak ng mga ito, kaming mga Nephilim. Tulad ng mga tapat na sundalo, wala silang tanong tungkol sa kanilang banal na misyon. Walang bakit, walang paano, walang katwirang makakapagbago sa kanilang isip dahil nilikha sila upang sumunod sa kanilang misyon. Ang pinuno ng kanilang pangkat ay ang mga arkanghel. Gayunman ay mayroon ding pangkat ang mga anghel na ang misyon ay ang maging mensahero sa mga tao. Iba ang misyon ng mensahero sa misyon ng mga sundalo. Ang mga sundalo ang siyang naatasang sugpuin kaming lahat at sa kanila kami nag-iingat.

Noon ay may kasiyahan at pagmamalaki ako sa lahat ng nagawa ko sa mundo. Ang isang tulad ko ay nakatadhana nang matulad sa kapalaran ng aking ama—ang maparusahan sa huli. Napakasuwerte ng mga tao, ng mga purong tao. Malinaw ang idineklarang pagkakataon nilang piliin ang kanilang kapalaran. Ngunit hindi ganoon ang mangyayari sa isang tulad kong Nephilim. Higit pang mapalad ang aking ama na nagkaroon sana ng pagkakataong tahakin ang tamang landas ngunit mas pinili ang bumagsak. Dahil sa kaarogantehan, sa pagnanasa, sa pagseselos sa tao? Marahil. Anuman ang naging dahilan niya at ng mga kasamahan niyang anghel na bumagsak ay hindi na mahalaga sa akin sa puntong ito. Pero naisip ko—saan lulugar ang lahat ng tulad ko kundi sa buhay na higit na madali, lalo na at kahit na ano ang aking gawin ay buo na ang hatol sa akin.

At isa iyon sa mga dahilan kung bakit labis ang galit sa puso ko noon. Hindi ako nabigyan ng pagkakataon. Sa punto de vista ng mga tao, ito ay maaaring lumabas na hindi patas. Ngunit sino ako para kuwestiyunin ang isang banal na utos at desisyon?

Pinunasan ni Zelpha ang kanyang mga pisngi na basa na pala ng luha. Parang tinusok ng pana ang kanyang puso sa hapdi roon. Kanina, buong akala niya ay hindi niya magagawang ikuwento sa isang kuwadernong hindi nagsasalita ang lahat ng isipin niya ngunit ngayon ay parang hindi na niya kayang tumigil pa. Hayun siya sa itaas ng puno, nakatiklop ang mga pakpak na itim, tila mauubusan ng papel kung makapagsulat. Nagpatuloy siya.

Sa kabila ng lahat, naisip ko na mayroon akong pagkakataong gawin kung ano ang sa tingin ko ay tama. Kahit ano pa ang kahinantan ko sa huli. Gagawin ko ang tama. Oo, isang tulad kong Nephilim ang nangangarap na makiusap sa huli, sa paghuhukom, kailanman iyon dumating. Baka sakaling may iba pang naghihintay para sa akin. Baka. Ayaw kong umasa. Sa ngayon, gagawin ko lang ang dikta ng puso ko.

Ilang anghel na ba ang bumagsak dahil sa akin? Sundalo man o mensahero, hindi naging mahalaga sa akin ang ranggo. Ang mahalaga lang sa akin ay ang isama sila sa hukbo namin. Mas masaya kapag mas marami. Sa loob ng napakaraming taon ay wala akong ginawa kundi ang umisip ng paraan kung paano ko sila mapapalipat sa panig namin. At naging matagumpay ako. Ang nag-iisang babaeng Nephilim na naging sanhi sa pagbagsak ng mahuhusay na sundalo at maaamong mensahero, isang bagay na hindi nagawa ng aking ama at ng kanyang kaibigang si Kalev.

Pakiramdam ko ay napakadumi ko, mas masahol pa sa putik. At marahil nga ay isang kabaliwan ang pagbabago ko pero nakikita kong may pag-asa. Kung ang isang tulad ni Azarya ay nagmahal ng isang tulad ko, bakit ako mawawalan ng pag-asa? Marami kaming pangarap ni Azarya at nagsisimula na iyon. Naitaguyod na namin ang Tikva.

Noon nadama ni Zelpha ang presensiya ng kanyang asawa. Itiniklop niya ang kuwaderno at itinago sa bulsa. Hinintay niyang lumapag ang asawa sa kanyang tabi. Nakangiti si Azarya, nakabukas ang itim na pakpak. Tulad ng dati ay may lungkot na humaplos sa puso ni Zelpha na makitang mula sa puti ay naging itim na ang pakpak ni Azarya. At iyon ay dahil sa kanya. Inakit niya ito hanggang sa punto ng pagkakasala. Ngunit sa kabila ng lahat ay mayroong namuong tunay na pagmamahalan sa pagitan nila.

"Umiyak ka," ani Azarya.

"May naalala lang ako. Kumusta ang lakad mo?" si Zelpha.

"Wala pa ring kahina-hinala sina Kalev at Amias na hindi nila ako kaisa." Bumuntong-hininga ang lalaki. "Nahihirapan akong makita sila bilang isang tulad ko noon. Paano nangyaring nalubog na sila nang husto?"

"Sinong baliw ang nagsangla ng kaluluwa sa pagkakataong ito?" agaw ni Zelpha.

Bumagsak ang mga balikat ni Azarya. "Isang mataas na tao. Kapalit ng yamang hindi mauubos ay isang giyera, Zelpha. Giyera. At wala akong magawa sa ngayon."

Aaluin sana ni Zelpha ang asawa nang madama niya ang presensiya ng isang kalaban. Nadama rin iyon ni Azarya na agad humawak sa kamay ni Zelpha. Magkahawak-kamay silang lumipad palayo. Hiling ni Zelpha kasing-bilis sana siyang lumipad ng asawa, ngunit mananatiling hindi siya puro na tulad nito.

Anong pagkabigla niya nang makitang mayroong bumaong pana sa leeg ng asawa.

"Sige na, Zelpha. Mauna ka na," anito.

Tumango si Zelpha. Binunot ni Azarya ang nakabaong pana sa leeg nito, ang dugo ay lumipad sa hangin. Hindi nagawa ni Zelpha na makalayo nang husto at iwan ang asawa. Sapat ang kanyang distansiya upang masaksihan ang pangyayari: Lumapit ang isang anghel na puti ang pakpak kay Azarya. Naglaban ang dalawa. Naging dikit ang labanan. Napanganga si Zelpha nang makitang kasabay ng pag-itsa ni Azarya ng punyal tungo puso ng anghel ay siya ring pagtarak ng anghel ng espada sa puso ni Azarya.

"Azarya!" sigaw ni Zelpha, kabadong-kabado. Dalawa ang tiyak na paraan upang mapatay ang isang anghel—ang tarak sa puso at ang pagputol sa pakpak.

Sabay na bumagsak tungo sa lupa ang dalawang anghel—isang puti, isang itim. Nakatingin si Zelpha sa katawan ng kanyang asawang unti-unting nagiging alikabok at humahalo sa hangin. Naisip niya na hindi man lamang niya ito maililibing. Naisip niyang parang natapos na rin ang buhay niya. Tinangka niyang saluhin ang alabok ng kanyang asawa ngunit tuluyan na iyong humalo sa hangin, tulad ng puting alabok ng nakalaban nitong anghel.

Isang itim na balahibo ang nakita niyang sumasayaw sa hangin at agad niya iyong ikinulong sa kanyang mga palad upang animo batong madurong lamang doon. Nang buksan niya ang kanyang kamay ay nilipad na iyon ng hangin.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro