Chapter 7
Nakakita si Maricruz ng tali sa likod ng pickup ni Elior. Ginamit niya iyon upang igapos ang anghel. Alam niyang hindi tamang igapos ang isang duguang nilalang ngunit hindi ito ordinaryong tao lang at nais siya nitong patayin kanina. Mas maigi nang nakakasigurado.
Ipinuwesto niya ang kanyang mga kamay sa kilikili nito saka ito hinigit patungo sa likod ng pickup. Mahirap iyong gawin dahil mabigat ang lalaki ngunit noon pa man ay batid niyang kakaiba rin ang taglay niyang lakas. Nagawa niyang ilagak sa likod ng pickup ang anghel. Nakatabon pa rin sa mukha nito ang buhok, duguan pa rin, ngunit napansin niyang hindi na parang lawa ang pag-agos ng dugo nito. Sakali man na may gawin itong masama sa kanya, sa palagay niya ay amanos ang laban, lalo na at nasa kanya ang espada nito.
Dahil alam ni Maricruz na pagtitinginan siya kung sakaling may makakita na may karga siyang anghel sa likod ng pickup ay tinakpan ng lona ang likod ng pickup. Saka siya bumiyahe. Ang guwardiya ng subdivision ay hiniling niyang sana ay huwag na siyang tanungin o inspeksiyunin pa. Iyon mismo ang nangyari. Sa katunayan, tila ni hindi siya napansin niyon, ni hindi sumulyap sa kanya. Suwerte.
Sige siya sa pagmamaneho ngunit nasa Tagaytay Rotonda pa lang ay naisip na niyang hindi siya puwedeng magtungong Maynila nang dala ang kotse ni Elior habang ito ay wala. Hindi pa rin niya tiyak kung nasaan ito.
"Ah!" sigaw ni Maricruz, naitampal ang kamay sa manibela ng sasakyan. Paano kung hindi dinala ng mga anghel si Elior sa ospital at nasa kanya ang sasakyan ng nobyo na may bahid ng dugo? Kriminal pa ang magiging labas niya!
Sa halip na magtuloy sa Maynila ay pumihit si Maricruz, bumalik sa pinagmulan at nagtuluy-tuloy pa-Batangas. Wala siyang maisip na ibang mapuntahan kundi ang bahay sa Mindoro. Sa Batangas pier siya nagtungo at agad nakakuha ng ticket para maisakay sa barko ang pickup.
Hindi mapakali si Maricruz habang nasa karagatan siya. Mabuti at nakumbinse niya ang mga insperktor na palusutin na ang pickup nang hindi iniinspeksiyon ang likod noon. Nang makadaong sa Calapan pier ay agad niyang pinasibad patungo sa bahay nila ni Nanay Amalya ang pickup. Hiling niyang sana ay buo pa ang bahay at hindi pinamumugaran ng mga masasamang loob o mga kabataang lulong sa droga.
Malayo-layo ang lakbayin ngunit ni minsan ay sinilip ni Maricruz ang "kargada" niya. Kagat-kagat niya lang ang kuko habang nagmamaneho, nalipasan na ng gutom, nanghahapdi na ang mga mata. Sa wakas ay nakarating na siya sa dating bahay. Wala pa ring mga bahay sa tabi noon bagaman napansin niyang aspaltado na ang daan papasok sa kanilang sitio.
Ipinarada niya sa tabi ng bahay ang pickup. Nakakandado pa rin ang bahay at ginawan na lang niya ng paraan para mabuksan ang pintuan gamit ang nakita niyang bareta de cabre sa bakuran. Makapal ang alikabok sa loob ng bahay, may mga kisameng basa ng tulo ng bubong at bahagya nang nakalungayngay. Ngunit bukod doon ay maayos pa ang bahay.
Noon lumapit si Maricruz sa likod ng pickup. Maingat niyang inalis ang lona, hawak ang punyal sa kamay. Ngunit nakita niyang ganoon pa rin ang lagay ng anghel, naghihingalo. Agad niya itong hinigit pababa ng pickup at inalalayan upang hindi bumagsak. Ipinasok niya ito sa loob ng kabahayan habang hila-hila mula sa ilalim ng mga bisig nito.
Ihiniga niya ang anghel sa sofa, naupo sa pang-isahang upuan, inilabas ang punyal.
Diyos ko, ano ba itong nagawa ko? Dapat na ini-report ko na lang ito sa mga pulis. Pero paano ko sasabihin sa kanila ang lahat? Na may apat na anghel na itim ang pakpak ang bumaba mula sa langit at tinangay si Eli? At ngayong hindi ko na alam kung nasaan si Eli, naiwan naman sa akin itong anghel na itong puti ang pakpak na ginusto akong patayin kagabi?
Ano ba ito?! Hindi ko kaya ito!
Ubos na ang kukong kayang kagatin ni Maricruz. Parang naaawa rin siya sa anghel, lalo na at duguan na rin ang mga lubid na nakatali rito. Pero hindi siya tanga para alisin ang mga iyon. Nate-tense na siya. Naunawaan niyang dahil hindi siya agad tumawag ng pulis ay baka lalo siyang madiin sa pagkawala ni Elior kung ito nga ay nawala. Tinangka na niyang tawagan ang nobyo ngunit cannot be reached na ito. Wala pa namang nagtatanong kay Maricruz, marahil dahil alam naman ng lahat na sila ang magkasama.
Iyon pa ang masama. Alam ng lahat na silang dalawa ni Elior ang magkasama at dinala niya ang sasakyan ng lalaki sa Mindoro na puno ng dugo—kasama ang dugo nito! Kung iwanan kaya niya sa daan ang sasakyan ni Elior? Pero bakit niya gagawin iyon kung wala naman siyang kasalanan? Pero kung sakaling nawawala na si Elior, isang napakalaking problema noon.
Nilapitan ni Maricruz si Solo Flight, hawak pa rin ang punyal. "Saan nila dinala si Eli? Saan?!"
Ungol ang naging sagot ng anghel. Hinawi ni Maricruz ang buhok nito gamit ang dulo ng punyal. Halos mapatulala siya. Kung si Elior na sobrang guwapo ay tatabi sa anghel na ito, marahil lalabas na mukhang "bagito" si Eli. Kumbaga, isang guwaping na teenager ang itinabi bigla sa isang modelo ng GQ Magazine. Iyon ay sa kabila ng katotohanang duguan ang anghel at mas nagdikit-dikit pa ang buhok dahil sa natuyong dugo at pawis at marahil pati hamog at putik.
Alon-along buhok ni Solo Flight, matangos ang ilong na pino, nakapikit at nakikita ni Maricruz ang mahahaba nitong pilik-mata na makakapal ang hibla. Makapal din ang mga kilay nito na kumukontra sa mapupula at maninipis na labi na sa kasalukuyan ay mayroon ding bahid na natuyong dugo bagaman walang sugat. Baka kapag ito ang nakita ng janitress ng kompanya ay himatayin na ang luka-lukang babaeng iyon!
Napalunok si Maricruz ngunit batid niyang gaano man kaguwapo ang anghel ay masama pa rin ito at tiyak na hindi siya sasantuhin. Napakarami niyang katanungan at labis siyang namumroblema sa ngayon at ang huling dapat niyang gawin ay ang mapatulala sa kaguwapuhan ng anghel.
Napabuga siya, sabay upo sa isang silya, hawak pa rin ang armas. Hindi pa niya maaasahan ang lalaking magsalita sa ngayon. Ngunit kung gagaling na ito, tiyak na siya ang papatayin nito. Tinangka na nito, bakit hindi nito uulitin? Kailangang makuha ni Maricruz ang impormasyon bago tuluyang gumaling ang anghel. Ngunit saan siya pupunta pagkatapos?
Diyos ko. Ang ginusto ko lang ay magkaroon ng guwapo, disente, at mayamang papa. Bakit nauwi ako sa ganito?
Muli niyang sinubukang kausapin ang lalaki. "Sasabihin mo sa akin kung nasaan sila o isasaksak ko ito sa 'yo. Sumagot ka, hindi ako nagbibiro!"
Muli ay umungol lang ang anghel. Noon nadama ni Maricruz ang pagkalam ng kanyang sikmura. Mahirap mag-isip kapag gutom at pagod na pagod pa. Nagpasya siyang humanap ng makakain. Salamat at nasa likod pa ng pickup ang plastic ng mga pinamili ni Elior kagabi. Hindi nakaligtas sa kanyang pansin na ang likod ng pickup ay ubod na ng linis, walang bahid ng dugo. Ibig niyang kilabutan pero naubos na siguro ang kilabot niya sa lahat ng nasaksihan mula pa kagabi.
Pinagtiyagaan na lamang ni Maricruz ang tirang siopao at mineral water. Naitanong niya sa kanyang sarili kung kumakain din kaya ang anghel. Hindi niya alam. Matapos niyang ubusin pagkain ay nagbalik siya sa silyang pinuwestuhan kanina, determinadong hintaying bumuti-buti ang pakiramdam ng anghel. Namigat nang husto ang talukap niya. Muli niyang sinulyapan ang anghel. Hindi naman siguro siya gagaling agad. Iidlip lang ako. Kailangan ko ng lakas. Kahit mga fifteen minutes lang.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro