Chapter 6
Sa sandaling iyon at nagpasya si Maricruz na hindi siya tutulad sa nangyayari sa kanyang mga panaginip. Hindi siya mamamatay nang takot na takot. Haharapin niya ang kanyang kamatayan sa paraang may dignidad. Ipinikit niya ang kanyang mga mata dahil nasisilaw siya sa anghel, ngunit nanatili siyang nakatayo, hindi tinakpan ang kanyang mukha, hindi nagtangkang manikluhod upang makiusap.
Ngunit hindi dumating ang sakit, bagkus ay nakarinig siya ng mga pagaspas ng malalaking pakpak at nawala ang liwanag na naaaninag niya sa kabila ng pagkakapikit. Nang magmulat si Maricruz ay nakita niyang hawak ng dalawa pang nilalang ang anghel, mga nilalang na itim ang pakpak. Isang bigwas ng anghel na puti ay lumipad sa ere ang mga itim ang pakpak nitong kalaban.
May dumating pang dalawang anghel na itim din ang pakpak. Apat laban sa isa. Puti laban sa itim. Dikta ng isip ni Maricruz na tumakbo na siya ngunit kasabay noon ay mayroong nabuhay na pag-asa sa kanyang puso. Katulad ng nasa black team ang kanyang kuya. Kakampi ni Maricruz ang mga ito... hindi ba? Baka kilala ng mga ito ang kanyang kuya... kung ganoon, ang kuya niya ay isang... anghel na itim?
At sa mga nangyayaring ito ay tama bang isipin niyang ang mga anghel na itim ang pakpak ang mga mabubuti? Sapagkat bakit siya tatangkaing patayin ng anghel na puti ang pakpak kung mabuti ang mga puti? Wala siyang ginagawang masama. Isa lang siyang team leader sa call center, hello! Bakit siya ang ibig nitong patayin? Bakit hindi ang mga politikong nagkakamal ng malaking pera ng bayan? Bakit hindi ang mga dayuhang gumagawa at nagbebenta ng shabu? Bakit hindi ang mga pedophile, rapist, arsonista, magnanakaw, mamatay-tao? Bakit siyang simpleng call center agent? Ni hindi nga siya masasabing karnal dahil virgin pa siya!
Kapansin-pansin para kay Maricruz ang costume ng mga anghel. Ang mga taga-black team, na binansagan niyang Blackie One, Two, Three and Four, ay mga mukhang tao lang, maliban sa pakpak. Tipikal na pantalong maong at T-shirt ang suot ng mga ito; habang ang nag-iisang anghel na may puting pakpak ay tila maaaring bigyan ng award na best in costume.
Dinaklot nina Blackie One at Two ang mga braso ni "Solo Flight," habang sina Blackie Three and Four naman ay mga pakpak ni Solo Flight ang hinawakan at itiniklop. Napasulyap si Maricruz kay Elior. Nakahiga pa rin ang lalaki sa likod ng pickup, nakatusok pa rin ang espada ni Solo Flight sa balikat ng lalaki. Ibig lapitan ni Maricruz ang nobyo ngunit hindi siya hangal para makipagpatintero sa limang anghel na tila nagngangalit sa galit.
Ikinumpas ni Solo Flight ang pakpak at lumipad sa puwersa sina Blackie Three at Four. Napadpad malapit kay Elior si Blackie Three, binunot ang espadang nakatusok kay Elior, saka muling lumipad patungo kay Solo Flight, na noon ay hawak pa rin sa magkabilang braso nina Blackie One and Two.
Pumalag nang pumalag si Solo Flight at tumaas ang tatlong anghel sa ere. Nagpaikot-ikot ang mga ito roon at hindi na nakita ni Maricruz ang eksaktong mga galaw, kundi ang mga anino lamang.
Napanganga na lang si Maricruz nang makitang bumagsak sa lupa si Solo Flight. Habang bumabagsak ang anghel ay palamlam nang palamlam ang liwanag na nagmumula rito. Padapang bumagsak sa lupa si Solo Flight, lungayngay ang mga pakpak, kapwa gilit patayo. Isang dangkal na lang yata ang nalalabing bahagi ng mga pakpak ang walang hiwa, na siyang tanging suporta sa halos nahati-sa-dalawang mga pakpak. Kaunting-kaunti na lang ay mababali na ang mga iyon nang tuluyan.
Pinalibutan si Solo Flight ng black team, sinipa sa gayon ay pumihit ang katawan at humiga sa aspalto. Hawak pa rin ni Blackie Three ang espada ni Solo Flight. Isinaksak ni Blackie Three ang espada sa dibdib ni Solo Flight. Ngunit hindi iyon tumagos. Tumama ang espada sa tila bakal na costume ni Solo Flight, naka-krus sa dibdib nito. Iyon na ang pang-itaas ni Solo Flight—dalawang animo bakal na strap na lumikha ng letrang X sa torso nito.
Mula sa anggulo ni Maricruz ay nakikita lamang niya ang tagiliran ng puting anghel kaya nabigla siya nang umangat ang kabilang kamay ni Solo Flight na mayroong hawak na punyal, isinasak iyon sa binti ni Blackie Three, na agad nabitiwan ang espada. At marahil malakas masyado ang pagkakasaksak ni Solo Flight sapagkat bumagsak sa aspalto si Blackie Three. Sumunod na sinaksak ni Solo Flight si Blackie Four.
Sa puntong iyon ay pinagsisipa na si Solo Flight nina Blackie One and Two. Diniinan ng paa ni Blackie One ang kamay ni Solo Flight na may hawak ng punyal, saka sinipa palayo ang armas.
"Aaah!" sigaw ni Elior mula sa likod ng pickup. Sigaw iyon ng isang taong hirap na hirap.
Agad na binalingan black team si Elior. Mukhang nakuntento na ang black team sa pagkabugbog na natamo ni Solo Flight. Marahil dahil mukhang patay na si Solo Flight, kundi man ay malapit nang mamatay.
Tinulungan ni Blackie One ang dalawang sugatang kasamahan. Pinaakbay ni Blackie One dito ang dalawa, saka lumipad ang grupo. Ang naiwang si Blackie Two ay nilapitan si Elior at binuhat. Lumipad na rin ang dalawa palayo.
Naiwan si Maricruz, kasama si Solo Flight na dead na yata.
Tigagal si Maricruz. Bakit isinama ng Black Team si Elior? Dadalhin sa ospital? Iyon ba ang misyon ng mga mabubuting anghel? Tama nga ba siyang isiping mabubuti ang Black Team? Marahil nga. Sino ba ang nagsabing por que itim ay masama na? Marahil nga ay dadalhin ng mga iyon sa ospital si Elior o baka marunong ang mga iyong manggamot.
Samantala, si Maricruz ay naiwan sa kalsada ng isang subdivision na pang-mayaman—teka, nasaan na nga ba ang guwardiya?—kasama ang isang kung hindi patay ay tiyak na naghihingalo nang anghel na kanina lamang ay balak siyang patayin. Alam niyang dapat niyang iwan ang anghel doon at magpakalayo-layo ngunit may nagsasabi sa kanyang si Solo Flight na lamang ang kanyang pag-asa na malaman kung ano ang nangyari sa kanyang kapatid. Sa kabila ng babala sa isip niya ay humakbang siya palapit dito.
Nakabuka ang mga pakpak ng anghel na halos bali na, nakatiklop ang katawan. Mayroong lawa ng dugo sa ilalim ng katawan nito. Gayunman, kanina ay nakita ni Maricruz kung gaano kalakas ang anghel. Kailangan niya ng armas. Dinampot niya ang punyal ni Solo Flight, agad isinuksok sa bulsa ng pantalon, saka kinuha ang mga espada ng anghel. Itinutok niya ang mga espada kay Solo Flight, kahit ang tanging indikasyon na buhay pa ito ay ang banayad na paggalaw ng tagiliran nito, dulot ng paghinga.
"S-saan nila dadalhin si Elior? Sa ospital ba?" lakas-loob na tanong ni Maricruz, handang itarak ang dalawang espada sa anghel isang maling galaw lang nito. Hindi niya pa rin nakikita nang mahusay ang mukha ng anghel. Kanina ay dahil sa bilis ng galaw ng lahat at ang liwanag mismo ni Solo Flight ay nakapagpalabo ng paningin niya. Nang bumagsak naman ang puting anghel kanina at nakadapa ito at matapos iyon ay natakpan na ito ng mga binti ng kalaban. Ngayon ay nakatupi pa rin ang katawan ng anghel, ang buhok na lagpas nang bahagya sa balikat ay nakatabing sa mukha. Itim na itim ang buhok na iyon na nagdikit-dikit dahil sa dugo. "Magsalita ka!"
Ngunit paano nga ba niyaaasahang magsalita ang kahit na anong nilalang na duguan? Iiwan na ba niya ito roon?Paano ang mga tanong niya? Paano kung sa kung saang lupalop dinala ng blackteam si Elior? Bumuo ng kapasyahan si Maricruz noon din—dadalhin niya anganghel na ito at titiyaking makakakuha siya ng mga sagot. Tutal ay naghihingalo naito, sa palagay niya ay hindi na magiging delikado ang lagay niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro