Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

Noon parang binuhusan ng malamig na tubig si Maricruz, agad tumakbo kasunod ni Nanay Amalya, umaalingawngaw sa tainga ang sinabi ng matanda. Mamamatay siya kung hindi siya sasama rito! Kung bakit ay hindi niya alam. Kahit may dulot na galit sa kanya ang hindi nito pagpapaliwanag ay wala siyang panahon para isipin iyon kung mayroong humahabol sa kanila. Malapit sa kinaroroonan nila ang kagubatang lumalagos sa karagatan. Iyon ang daang tinahak ng matanda.

Noon lamang nakitang tumakbo ni Maricruz si Nanay Amalya at agad niyang napansin na kasing-liksi niya ang matanda, kasing-bilis. Iyon ay sa kabila ng katotohanang duguan ito. Naisip niyang marahil ay namantsahan lamang ang damit ng matanda; imposibleng makatakbo ito sa ganoong paraan kung dito nanggagaling ang dugo... O ano nga ba ang imposible at posible sa mundong iyon? Hindi na niya alam. Ayaw na niyang isipin pa.

Sige sila sa pagtakbo at ang mga sanggol ay nanatiling tahimik. Hanggang sa makarating sila sa karagatan. Tila alam na alam ni Nanay Amalya kung saan pupunta. Isang bangkang nakadaong sa tapat ng isang abandonadong kubo ang nilapitan nito. Maingat na ibinaba ni Nanay Amalya ang sanggol sa bangka, saka inabot mula kay Maricruz ang mga sanggol na karga niya. Nang mailagay na nila ang mga bata sa bangka ay nagmuwestra si Nanay Amalya na itulak nila ang bangka patungo sa tubig. Sa lahat ng iyon ay sumunod si Maricruz nang walang imik, ngunit itinatak sa kanyang isip na kapag ligtas na sila ay hindi na puwedeng hindi sagutin ni Nanay Amalya ang mga tanong niya.

Pumalaot sila. De-motor ang bangka at mabilis na nakatawid sa laot, patungo sa isang maliit na isla. Mabilis pa rin ang kilos ni Nanay Amalya nang hilahin nila patungo sa ilalim ng malaking puno ang bangka. Muling binitbit nito ang bata at binitbit ni Maricruz ang mga sanggol na siya ang naatasang kumarga.

Lumusot sila sa gubat ng isla. Sampung minutong lakaran ay nakakita si Maricruz ng isang bahay-kubo. Doon sila pumasok. Agad inilapag ni Nanay Amalya ang sanggol sa katre, saka ibinagsak ang katawan sa tabi ng bata. Taas-baba ang dibdib ng matanda. Tanging sinag ng buwan ang ilaw nila. Hindi sapat iyon at maghahanap sana si Maricruz ng kandila o gasera ngunit pinigilan siya ni Nanay Amalya.

"'Wag kang magbubukas ng ilaw. Makikita niya tayo."

"Niya? Sinong niya? Nanay Amalya, tumawid na tayo ng dagat. Paano pa niya tayo makikita? Sino po ang humahabol sa atin?" Inilapag ni Maricruz ang mga sanggol niyang karga sa katre.

"Shhh. Kailangan kong magpahinga."

Hindi magawang pagsalitaan ni Maricruz ang matanda. Hindi sa ganoon nitong kalagayan. Binuksan niya ang bag nito at inaninag sa dilim kung ano ang laman noon. Mga gamit at damit. Kumuha siya ng isang bimpo at isang daster. Binasa niya ang bimpo mula sa nakitang tapayan sa kubo. Saglit lang sana ay tapos na siya sa gawain kung maliwanag ngunit nangangapa siya sa dilim. Inilapat niya ang basang bimpo sa likod ni Nanay Amalya. Wala siyang nakapang sugat doon, kundi natuyong dugo lamang. Tinulungan niya itong magbihis, saka pinabayaan nang magpahinga.

Hindi makatulog si Maricruz kaya't naupo siya sa isang silya, parang may giyera sa isipan. Hanggang magsimulang tumaas ang araw ay nanatili siya sa puwesto. Nagbukas siya ng de-lata na nakita sa estante ng kubo. Maging ang kubong iyon ay tila bahagi ng plano ni Nanay Amalya. Kumpleto sa gamit at pagkain doon. Palibhasa ay isang maliit na isla lamang ay wala roong nananahan, tiyak ni Maricruz. Walang kuryente at isa iyon sa mga islang kapag tumaas ng tubig ng dagat ay umaabot na hanggang sa dalampasigan ang tubig. Hindi talaga makakapagtayo ng kubo sa dalampasigan.

Nagtimpla si Maricruz ng gatas para sa mga sanggol. May gatas sa bag ni Nanay Amalya, may mga feeding bottle. Pinabayaan niyang makatulog si Nanay Amalya nang maayos at siya ang nag-alaga sa mga bata nang magising na ang mga iyon.

Mataas na ang sikat ng araw nang bumangon si Nanay Amalya. Parang walang nangyaring naglakad ito patungo sa maliit na komedor na katabi ng kusina, halos limang hakbang lang mula sa katreng tinulugan ng matanda. Walang sala ang kubo, walang silid. Naghintay si Maricruz sa sasabihin ng matanda ngunit hindi iyon dumating.

"Kailangan ko pa ho bang magtanong sa inyo?" hindi nakatiis na wika ni Maricruz.

"May tamang oras para sa mga tanong mo," tugon ng matanda.

"At hindi po ito iyon?" Umalsa ang galit niya. "Muntik na kayong mamatay—"

"Hindi 'yan totoo."

"Sige po, babaguhin ko," sarkastikong turan niya. Ayaw niyang sumagot dito ngunit sagad na ang pasensiya niya. "May gustong pumatay sa inyo kagabi at gusto ninyong tanggapin ko na lang ang lahat nang ganoon na lang? May utang-na-loob ako sa inyo, aminado ako. Dahil sa inyo nakapag-aral ako. Pero dahil din sa inyo, hindi ko alam kung sino ako, kung nasaan na ang kapatid ko, kung ano kayo. Kung wala kayong balak sabihin sa akin, mas mabuti pang maghiwalay na tayo ng landas ngayon. Dahil sa totoo lang po, ilang ulit na ring dumaan sa isip kong isuplong kayo sa pulis dahil hindi ko alam kung saan ninyo dinadala ang mga batang inuuwi ninyo."

Ang init ng pakiramdam ng ulo ni Maricruz. Galit na galit siya. Matagal na niyang alam na mayroon siyang nakakapang galit sa paglilihim ng matanda ngunit hindi niya naisip kailanman na ganito na pala katindi iyon. Marahil dahil lahat ng bagay tungkol sa kanya ay inaalam nito at sinasabi niya rito. Hindi nito iyon sinuklian ng katotohanan. Ano ba ang mawawala rito kung sasabihin sa kanya ang katotohanan? Tutal ay buhay niya iyon, kapatid niya ang nawawala!

"Nasaan po ang tatay ko?" ani Maricruz nang hindi umimik si Nanay Amalya.

"Nasabi ko na noon sa 'yo—hindi ko alam kung nasaan siya."

"Kung ganoon, nasaan po ang Kuya?"

"Hindi ko rin alam."

Gusto na niyang sumigaw. "At sino ang humahabol sa inyo kagabi?"

Inaasahan niyang hindi nito sasagutin ang tanong ngunit pinagmasdan siya ng matanda saka sinabi, "Isang nilalang na ang tanging misyon ay patayin ako. At ikaw."

"Salamat po sa malinaw ninyong sagot," sarkastikong wika ni Maricruz. "Aalis na po ako kapag natiyak kong maayos na ang kalagayan ninyo at hindi na ako magpapakita pa. Marami pong salamat sa lahat ng tulong ninyo, pero pasensiya na po. Hindi ko na kaya ang ganitong sistema. Daig pa ninyo si Marcos noong martial law sa pag-iipit ng impormasyon. CIA po ba kayo, Nanay Amalya?"

Nakatingin pa rin sa mukha ni Maricruz ang matandang babae, seryosong-seryoso. Kailan ba ito hindi naging ganoon kaseryoso? Noon, paminsan-minsan ay nakikita niyang may bahid ng ngiti ang labi nito sa mga biro niya pero iyon lang. Hindi eksaherasyong sabihing mula nang makilala niya si Nanay Amalya ay hindi niya ito narinig tumawa man lang o nakitang ngumiti nang maluwag. Para bang pasan nito ang daigdig.

Hindi masalubong ni Maricruz ang mga mata ng matanda. Ayaw man niya ay nakokonsensiya siya sa mga binitiwang salita. Kahit alam niyang tamang umalis siya upang hanapin ang mga sagot sa tanong na ayaw nitong tugunin ay hindi iyon magiging madali. Mahal niya ang matanda. Mabait ito, maliban lang talaga sa mala-CIA na pagkamalihim.

Sawa na akong hulaan kung ano ang totoo, Nanay Amalya. Mukhang kahit kaunting clue, wala kayong balak ibigay sa akin. Ni hindi ko alam kung saan ako magsisimulang maghanap ng impormasyon tungkol sa kapatid at ama ko. Parang ni wala kayong pakialam kahit hirap na hirap na ako sa sitwasyong ito! Reyna kayo ng deadma! Kiber kayo sa lahat!

Lumabas si Maricruz ng bahay, nagtungo sa dalampasigan at naupo sa ilalim ng puno. Iniisip niya kung tama ang kanyang gagawin, kung ano ang kanyang mga susunod na hakbangin. Marahil ay maghahanap siya ng trabaho. Hindi pa siya tapos ng kolehiyo ngunit wala siyang magagawa sa ngayon. Mas mainam na iyon kaysa ang patuloy siyang makisama kay Nanay Amalya nang hindi nalalaman kung ano ang nangyayari sa kapatid.

Totoo bang may pakpak si Kuya Rav? Sa mga ganoong sandali ay para ba siyang nalilito. Baka dinaya lang siya ng paningin. Baka sa lahat ng panahong nagdaan ay sinakyan lang ni Nanay Amalya ang sinasabi niya tungkol sa kakambal. Baka nabaliw din siya noong mga sandaling iyon, katulad ng kanyang ina. Baka hindi totoong nakita niya ang mga iyon.

Nasa lahi naman daw ang pagiging baliw. Baka tulad din ako ng Nanay. Isang dakilang luka-luka na nakakakita ng mga bagay na wala naman talaga doon. Hindi ba at sigaw nang sigaw ang Nanay nang walang dahilan? Baka may nakikita rin siyang hindi nakikita ng iba. Tulad ko.

Ang tanging tumataliwas sa teoryang iyon ay ang katotohanang kakatwa rin ang nangyari kagabi... O baka hindi rin. Baka nga ilegal ang ginagawa ni Nanay Amalya at natuklasan na iyon ng mga awtoridad. Baka tumatakas ito sa mga awtoridad.

At iiwan ko siya sa ganoong estado—wanted sa batas. Wow. Ang sarap kong magbayad ng utang-na-loob.

Nanatili si Maricruz sakanyang puwesto hanggang sa tumaas ang sinag ng araw. Nagpasya siyang bumaliksa kubo. Pagpasok niya roon ay labis siyang nagtaka. Wala si Nanay Amalya,maging ang mga sanggol. Hinanap niya ang mga ito sa isla ngunit hindi niyanakita ni bakas ng mga ito. Ang bangkang ginamit nila ay naroon pa rin.Lumangoy ang matanda paalis, kasama ang tatlong sanggol? Imposible. Muli siyangbumalik sa kubo, naghanap ng palatandaan kung nasaan ang mga ito. Ang tangingnakita niya ay isang balahibo. Halos kalahating dipa ang haba niyon at maytatlong pulgada ang lapad, itim na itim.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro