Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 34

"Itaas mong maigi ang braso mo, Maricruz! Hindi puwedeng ganyan ka kalamya! Iyan ang ikamamatay mo!"

Napabuga si Maricruz sa sinabi ng kanyang kapatid. Araw-araw nitong nakaraang isang buwan ay wala itong ginawa kundi ang i-train siya sa pakikipaglaban. Ang lahat daw ng tulad nila ay kailangang matutong lumaban. Hindi nila alam kung kailan nila kakailanganing depensahan ang sarili.

Nasa isang gubat silang magkapatid, sa gayon ay maikukubli sila ng mga puno mula sa itaas. At sa totoo lang ay wala si Maricruz sa mood. Matagal na siyang walang mood. Mula pa noong umuwing nag-iisa ang kapatid niya at sinabing nakuha na raw ni Divri ang kanyang sulat at umalis na ang lalaki. Sa katunayan ay iniwan daw ni Divri ang kuya niya sa isang yungib. Pinagtangkaan palang patayin ni Efah ang kapatid niya. Sa huli, marahil napigilan ni Divri si Efah sa balak, saka iniwan si Rav sa yungib at sumama na kay Efah.

Hindi kuntento si Maricruz sa kuwento ng kapatid niya ngunit iyon na lamang ang makukuha niya mula rito, tiyak niya. Madalas ay pinapangarap niyang hanapin si Divri. Ano kaya kung isang araw ay umalis na lang siya sa kanilang lungga at hanapin ang lalaki? Ang tanong ay kung paano. At kung sakali man na hindi ito nag-iisa ay paano siya nakatitiyak na hindi siya pagtatangkaan ng mga kasamahan nito?

Hindi niya alam. Nauubos ang oras niya sa pangangarap ng gising. Umalis na si Divri, tulad ng nais niya at heto siya, pinapangarap pa rin ang lalaki.

"Maricruz!" singhal ng kapatid niya. Mabuti at hindi totoong espada ang kanilang gamit sa ensayo, kundi ay kanina pa siya giniling na karne.

"Time out, Kuya," sambit niyang hindi na ito hinintay makaoo. Lumipad siya patungo sa itaas ng isang puno at doon nagpahinga, nakatanaw sa malawak na kalangitan. Hindi na niya mabilang kung ilang pagkakataong natutulala siya sa langit na para bang bigla na lamang susulpot mula roon si Divri. At nababaliw na siya. Isa lang ang dahilan—ang matinding kalungkutan. Kailan ba darating ang gabing hindi na niya iisipin ang lalaki? Ang sabi ng marami ay nakakapaghilom ang panahon ngunit pakiwari niya ay aandar ang habang-buhay at mananatili ang kalungkutan sa puso niya.

Sino ang niloloko niya sa pag-iisip na makakatagpo rin siya ng tulad nito? Wala itong katulad. At minahal siya nito ngunit pinakawalan niya. At ngayon ay sising alipin siya. At least, malinis ang konsensiya ko. Iyon lang, mabigat ang loob ko at gabi-gabi akong umiiyak.

Nasaan na kaya ang lalaki? Parati niya iyong naitatanong sa sarili. Naiisip kaya siya nito o abala ito sa pagsugpo sa ibang grupo ng mga nephilim? Hindi niya alam at kahit na itanong niya sa kapatid ay wala rin itong maitugon. Hindi pa ito umaalis mula nang bumalik sapagkat binisita sila ni Marco at sinabi ng lalaki na mag-iingat sila, hinahanap na silang maigi ni Elior.

Kahit nang sabihin ni Maricruz sa kapatid niyang dalawin nila ang kanilang ina ay ayaw ng lalaki. Hindi raw ito ang tamang panahon, lalo na at hindi pa niya alam kung paano ipagtanggol ang kanyang sarili. Ang mga anghel na itim ang pakpak ay sanay sa digmaan sa ilang libong taong naging bahagi ang mga ito ng giyera sa langit man o sa lupa; habang ang mga anghel na puti ang pakpak ay sanay din at halos parating panalo sa labanan.

Walang mangyayari kay Maricruz kung lalamya-lamya siya. At hanggang hindi niya nakukumbinse ang kapatid ay batid niyang hindi siya makakaalis. Kahit pagkuha ng makakain at pangangaso ay hindi nito ipinapagawa sa kanya nang nag-iisa.

Ang lakas ng buntong-hininga ni Maricruz nang biglang mapatulala sa pagguhit ng isang pigura sa langit. Tumahip ang dibdib niya upang maunawaang itim ang pakpak ng paparating na pigura.

"Si Marco, tandaan mo sa pandama mo," bilin ng kanyang kapatid.

Tumango siya. Sa katunayan ay kilala na si Marco ng kanyang pandama, inisip lang niyang baka si Divri ang dumating. Bakit ba hindi niya maalis sa sistema ang posibilidad na baka sakaling balikan siya ng lalaki?

Lumapag si Marco na agad niyakap ng kanyang kapatid. Sa tuwina ay ganoon ang batian ng mga ito, maging ni Nanay Amalya. Marahil dahil sa tuwina ay hindi nila tiyak kung makikita pa nila ang isa't isa—puti man o itim, kalaban nila.

"Gusto kang makausap ni Zuri. Nagkita kami kanina."

"Saan niya gustong makipagkita?"

"Siya ang pupunta mamaya sa headquarters." Sumulyap si Marco kay Maricruz. Tumango siya sa lalaki. Limot na niya ang galit niya rito mula nang iligtas sila nito. Sa kampo ni Elior ay napakabagsik ni Marco ngunit sa harap nila ay nakikita ni Maricruz na mabuti ang kalooban ng lalaki. Iyon lang, tulad ni Nanay Amalya ay parang galit ito sa ngiti. "Mauuna na rin ako."

Hindi nakatiis na hindi magtanong si Maricruz, "W-wala bang balita tungkol kay D-Divri, Marco?"

"Wala akong alam." Simple, walang emosyon, pero walang kasing-sakit.

Lumipad na ang lalaki paalis bago pa siya makapag-follow up question. Narinig niya ang tinig ng kanyang kapatid. "Hindi tamang isipin mo pa siya."

"Madaling sabihin, mahirap gawin, Kuya."

Buntong-hininga ang sagot nito, nagyaya nang bumalik sa "headquarters."

Batid ni Maricruz na kapag nakapagplano na ang kapatid niya at ang mga kasamahan nila ay maraming mga nephilim ang masusugpo. Kasama siya sa pag-uusap at pagpaplano nito at ni Nanay Amalya kaya natutuklasan niya ang mga bagay-bagay na nakakapagpabigla sa kanya.

Mayroon na rin silang malaking hukbo, at isang main headquarters na ang tanging pangalan ay "Tikva," na nangangahulugang "Pag-asa." Walang ideya si Maricruz kung nasaan iyon dahil hindi binabanggit sa kanya ang eksaktong lokasyon. Mas wala raw siyang alam, mas ligtas siya.

Nahahati ang mga hukbo nila sa iba't ibang lugar. Kanya-kanya silang mga obligasyon at mas magiging organisado sana sila kung hindi lamang higit na marami ang bilang ng mga kalaban. Pilitin man ni Maricruz ay hanggang pakikinig lang siya. Isang mahadera at kalahati siya at noon, sa mga kaibigan at officemate ay siya ang numero-unong taga-suggest. Ngunit ngayon ay tahimik lang siya. Hindi siya makapag-isip ng tuwid.

Mayamaya ay sinabi ng kapatid niyang nasa itaas na raw si Zuri ngunit may kasama ang anghel. Biglang napatayo si Nanay Amalya. Maging si Maricruz tuloy ay naalarma. Pilit niyang dinama kung sino ang nasa itaas na kasama ni Zuri ngunit parang si Divri ang nadarama niya. Hopeless na siya. Baka sa susunod, pati hayop feeling niya si Divri pa rin sa pakiramdam. At kalaunan, kung magpapatuloy siya sa mabagal na pag-move on, silang dalawa na ng kanyang ina ang magkakaroon ng lamat sa pag-iisip.

Naiwan si Maricruz sa sala, ang kakambal niya at si Nanay Amalya ang nagtungo sa itaas. May ilang minuto bago bumalik ang mga ito. Totoo ang sinabi ng kanyang kapatid na hindi nag-iisa si Zuri. Kasama nito si Divri. Hindi siya niloko ng kanyang pakiramdam.

Hayun ang lalaki. Hayun ang anghel ni Maricruz. Magkakasunod ang kanyang naging paglunok, dama ang panglalaki ng mga mata. Sapagkat kitang-kita niya ang nakatuping pakpak sa likod ni Divri. At kulay-itim na ang mga iyon.

Puno ng tensiyon ang paligid. Parang nanghina ang tuhod ni Maricruz sa muling paghaharap nila ni Divri. Hindi niya inaasahang mangyayari iyon, lalong hindi sa lalong madaling panahon. Ngunit ang panghihina niya ay unti-unting sinakop ng galit. Natagpuan niya bigla ang kanyang sariling gigil na gigil sa lalaki. Inilang hakbang niya ito saka sinampal sa magkabilang pisngi.

"Taksil ka! Higit isang buwan pa lang tayong nagkahiwalay! Ang kapal ng mukha mo, Divri!" singhal ni Maricruz sa anghel. Nakita niya ang panginginig ng mga kamay, na agad ikinuyom at inilagay sa tagiliran.

"Hindi—"

"Sinungaling! Obvious na obvious ka naman! Hindi mo maitatago ang kataksilan mo! Sino ang babae mo, sabihin mo sa akin! Sino? Si Alona, ano? Hah! Sinasabi ko na nga ba at hindi titigil ang hitad na bruhang 'yon pero... I expected more from you! Isa ka rin palang taksil at kalahati!" bira niya saka ito tinalikuran. Nagtungo siya sa hagdan pataas ng warehouse at hindi siya nagpapigil kahit anong tawag sa kanya nina Nanay Amalya at ng kanyang kapatid. Nang makarating sa itaas ay agad siyang lumipad palabas.

"Maricruz!" tinig ni Divri. Nadarama niyang nasa likuran lang ito. Nunca niya itong pansinin. Ang kapal-kapal ng mukha nito! "Maricruz, tumigil ka!"

"Hindi kita mapapatawad!"

"At sino'ng nagsabi sa 'yong humihingi ako ng tawad?"

Nilingon niya ang lalaki kaya sumalpok siya sa isang mataas na puno ng niyog—una ang mukha. Babagsak sana siya sa lupa kung hindi siya nasalo ni Divri. Ang init ng katawan nito ay may hatid na kiliti sa kanyang gulugod. Ngunit dahil nagdudumilat ang kataksilan nito ay nagpapalag siya.

"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!"

Na siyang ginawa ng lalaki. Napatili siya hanggang sa maalalang nakakalipad na nga pala siya. Nakabawi siya agad at nilapitan ang lalaki, saka ito muling sinampal. Nagdilim ang mukha nito at itaas ang kamao, sinuntok ang puno ng niyog. Naglaglagan ang lahat ng bunga noon. Pumihit na ang lalaki at lumipad palayo.

"Kinakausap pa kita, lalaki!" singhal ni Maricruz.

Pumihit si Divri. Sa dibdib naman nito muntikang bumangga si Maricruz, pero sa totoo lang, basta't maayos ang paliwanag ng lalaki tungkol sa pag-itim ng pakpak nito at hihingi ito ng tawad, ay parang okay lang sa bumangga siya ng ilang ulit sa dibdib na iyon. Gusto niyang pumuwesto doon, habang ang mga bisig nito ay nakayakap sa kanya. Kung alam lang nitong maloka-loka na siya sa pangungulila rito.

"Ngayon, gusto mo akong makausap? Hindi ba, nasabi mo na lahat sa sulat at dapat makuntento na ako doon?" anang lalaki.

Napalunok si Maricruz. "M-mali ako doon. Pero hindi tamang magtaksil ka na agad dahil doon."

"Magmula ngayon, kakausapin na lang kita kapag kailangan. Ako ang magtuturo sa 'yong lumaban pansamantala. Kailangan ni Rav asikasuhin ang mga headquarters sa ibang lugar. Bumalik na tayo roon at baka kung ano pa ang mangyari dito."

Napilitan siyang sumunod sa lalaki. Nauuna ito at ni hindi siya nililingon. Masama pa rin ang loob niya ngunit lalo lang siyang mapapahiya kung patuloy siyang mag-iinarte. Bumaba na silang muli sa kuta. Sinabi ng Kuya Rav niyang si Divri na nga ang magtuturo sa kanya at hindi niya magawang tumutol, kahit nais niyang magmatigas sana. Aminado siya na sa kabila ng lahat ay may nabubuong pananabik sa kanyang puso. At tinitiyak niyang hihingi ng tawad sa kanya si Divri.

I'm going to treat him so good he would regret the day he ever cheated on me. Didikdikin ko ang puso niya sa kabaitan ko. Tingnan ko lang kung hindi umikot ang ulo niya sa pagdurusa at pagsisisi.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro