Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 32

"Tama ang ginawa mo, 'wag kang mag-alala."

Bahagya lang na nilingon ni Maricruz si Nanay Amalya. Nang makaalis kanina sina Divri at ang kanyang kapatid ay umalis na rin sila ni Nanay Amalya sa kanilang kuta. Mahaba ang magiging paglalakbay nina Divri at Rav. Malayo ang nilipatang lungga nina Elior. Sila man ni Nanay Amalya ay malayo rin ang naging destinasyon.

Hindi na ikinubli ni Maricruz sa matanda ang kanyang pakpak. At hindi na rin ito nagtanong. Tahimik lang siya kanina, bitbit ang dalawang sanggol, tinatakpan ng glamour ang mga sarili. Makaraan ang may apat na oras na paglipad ay heto na sila sa kanilang bagong tahanan. Tulad ng pinanggalingan nila ay parang minahan iyon, ngunit sa halip na isang bahay ang nasa ibabaw ng lungga ay isa iyong abandonadong warehouse. Mula sa mga kinakalawang na mga gamit ay nahuhulaan niyang isa iyong imbakan ng mga pangmina noong panahon.

"Magpaturo ka sa kapatid mo ng tamang pagdepensa sa sarili mo. Kakailanganin mo iyon. Kailangan mong matutunan ang lahat ng abilidad mo, Maricruz. Magagamit mong lahat ng iyon."

Malayo sa paksa ang naging tanong niya, "Paano n'yo kinaya, Nanay?"

Naging mailap ang mga mata nito. "Mahirap pero masasanay ka rin."

"Paano ako masasanay na wala siya sa piling ko kung alam kong nandiyan lang siya at gusto niya akong makasama? Pinag-isipan ko itong ginawa ko, Nanay, pero parang mali pa rin. Hindi ko na siya makikita kahit kailan at ni hindi man lang ako nagpaliwanag sa kanya. Isang sulat lang ang pinabigay ko. Kulang 'yon."

"Tama ang ginawa mo. Kung humingi ka ng payo sa akin ay iyon din ang ipapayo ko sa 'yo. Hindi siya papayag na lumagay sa tama kaya kailangan siyang pilitin. Tanggapin mo na lang kahit mahirap."

Gustong sumigaw ni Maricruz. Lahat ng sakit, pait, at sama ng loob ay nais niyang ilabas ngunit sa huli ay napahagulgol na lamang siya. Pinabayaan siya ng matandang umiyak. Pinabayaan siya nitong tumaas mula sa kuta at doon manatili sa abandonadong warehouse.

Inilabas niya ang kanyang pakpak at lumipad upang marating ang loft na bakal ng istraktura. Doon siya naupo, inilawit ang paa sa sahig, pinagmasdan ang unang palapag. Muli siyang umiyak. Gusto niyang ipagbabato ang lahat ng mga gamit para man lang maibsan ang nadarama niya. Sa huli ay umatras siya at nagmukmok sa isang sulok. She wrapped herself within her wings, like a cocoon. May lamig na nanalaytay sa kanyang mga buto na tila ba hindi mapapalis kahit ilang kumot o pakpak pa ang tumabon sa kanya.

Wala na si Divri at hindi na sila magkikita pang muli. Wala na ito. Wala na sila. Wala na. Tapos na... Ninais ng lupang abutin ang langit. At heto ang resulta. Walang-hanggang kalungkutan.

Dumilim ang langit at nanatili si Maricruz sa kinaroroonan, wala nang balak umalis. Muli ay nadama niya ang lamig sa kanyang mga buto, gayunman ay tila hindi na iyon hatid ng lungkot. At ang lamig na iyon ay gumapang patungo sa kanyang gulugod, sinasabi sa kanyang mayroong nakaririmarim na nangyayari sa kung saanmang panig ng mundo, inuudyukan siyang sundan iyon.

May kilabot na gumapang sa kanyang katawan at bigla, gising man siya ay tila mayroong panaginip na umandar sa isip niya. Naalala niya ang sinabi ni Nanay Amalya. Silang lahat ay may espesyal na abilidad at iyon ang isa sa kanyang mga abilidad—ang makakita ng babala. Animo eksena sa pelikula ang pagkislap ng larawan sa isip niya. Tatlong pigurang may pakpak na animo mga lantang dahon sa ere, bumabagsak patungo sa lupa, tila walang buhay. Hindi niya makilala ang mga pigura ngunit sigaw ng damdamin niyang hanapin niya kung saan magaganap ang eksena.

Nabigla siya nang bumukas ang trapdoor at iluwa si Nanay Amalya. Karga nito ang isang sanggol, mayroong natatarantang ekspresyon sa mukha at agad niyang naunawaang mayroon din itong nadarama, mayroon din itong kutob.

"Nanay..."

"Wala tayong magagawa ngayon kundi ang maghintay."

"Pero—"

"Alam ko kung ano ang nakita mo. Panaka-naka ay nararanasan ko rin iyon. Bumaba ka na. Hindi ka puwedeng umalis at iwan ang mga bata."

"Baka si Divri iyon... baka si Kuya Rav... Nanay, nakikiusap ako—"

"Wala kang magagawa!" Tumaas ang tinig nito. "Hindi mo alam kung nasaan sila at hindi mo kayang lumaban."

Noon kumulog ng malakas at sumilip si Maricruz sa labas. Higit na madilim ang kalangitan. Animo mayroong ipuipong nabubuo sa kaitaasan, ilang laksang itim na ulap, patungo sa iisang sentro, at sa pagitan ay gumuguhit ang mga kidlat.

Animo may higanteng tipak ng yelo ang hinipan ng dambuhalang bibig patungo sa direksiyon ni Maricruz, nanglamig siya. Ang yerong pader ng istraktura ay nayanig, nag-ingay. Ngunit nanatiling hindi bumabagsak ang ulan.

"Halika na, Maricruz, nakikiusap ako sa 'yo," patuloy ni Nanay Amalya.

Napilitan siyang sumama rito.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro