Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 31

"ANO 'YAN?"

Napatingin si Maricruz kay Nanay Amalya. Gumawa siya ng sandwich. Balak niyang gawing excuse ang pagme-merienda para makakuwentuhan kahit saglit si Divri dahil labis na siyang nangungulila sa lalaki. Apat na araw na silang hindi nagkakausap halos sapagkat mula nang gabing puntahan siya ng lalaki sa silid ay tinabihan na siya ni Nanay Amalya matulog. Hindi man sinabi ng matanda ay parang nahuhulaan na niyang alam nito ang lahat.

Para bang nakaparamot ng tadhana. Iilang araw na nga lang ang nalalabi sa kanila ni Divri ay ganito pa ang nangyayari. Natuturete na siya sapagkat sinabi sa kanya ng kanyang Kuya Rav na sa susunod na linggo raw ay lilipat na sila ng kuta. At ni hindi man lang siya maihahatid doon ni Divri.

Sa katunayan ay ni hindi na makakabalita ang lalaki ng kahit na anong tungkol sa kanya. Kahit paano, kung malalaman sana nito kung saan sila lilipat ay magkakaroon siya ng pag-asang makita pa rin ito. Marahil kabaliwan ngunit paano nga ba pipigilan ang puso na umasa? Ang problema, kahit pag-asa ay tinatanggal sa kanya ni Nanay Amalya at ng kanyang kapatid.

May isa pang mahalagang bagay ang nangyari sa kanya, ang natuklasan niya noong isang araw. Kaya na niyang palabasin ang kanyang pakpak. At hindi niya iyon masabi kina Nanay Amalya, maging sa kakambal niya. Malalaman ng mga itong may nagawa siyang hindi maganda. Para siyang batang paslit na natatakot mapagalitan ng magulang. Natural, alam niya kung ano ang ginawa niya. Noong gabing halos may maganap sa kanila ni Divri. Conscious siya na mali ang kanyang ginagawa ngunit hindi iyon nakapigil sa kanya. Kung hindi umuha ang sanggol, hinala niya ay itim na rin ang pakpak ni Divri ngayon. At hanggang ngayon, aminado siyang mayroong tukso sa puso niya ang ideyang iyon. Ang ideyang hindi sila magkakahiwalay ni Divri.

"Kakain lang po ako, Nanay. Sana okay lang sa inyo." Hindi maiwasan ni Maricruz maging sarkastiko.

"Nagmamaldita ka," ani Nanay Amalya.

"Nanay, ilang araw na ang natitira sa amin ni Divri, bakit hindi ninyo ako mapayagang kausapin man lang siya? Naranasan ninyo ang ganito, kayo na mismo ang nagsabi. Alam ninyo kung paano magmahal. Hindi ko maintindihan kung bakit."

"Dahil alam ko rin kung paano dalhin sa konsensiya ko ang nangyari."

"Kakain lang ako, kakausapin ko siya."

Hindi umimik si Nanay Amalya, tanda na pinapayagan siya nito. Bago pa magbago ang isip ni Maricruz ay tinungo na niya si Divri. Kasalukuyang nakaupo sa salansan ng mga poste ang anghel, tila malalim ang iniisip. Nilingon siya nito, biglang nagliwanag ang mukha. Lumapit siya sa lalaki. "Merienda?"

Tumawa ang anghel. "No, thanks."

Ipinatong niya ang pinggan sa salansan saka niyakap nang mahigpit si Divri. Mahigpit ang naging tugon nitong pagyakap. Kinagat niya ang ibabang labi niya upang pigilan ang pagluha. Ngunit hanggang doon lang ang kaya niyang gawin. Weird siguro na hindi niya masabi ang saloobin niya kahit pa naging handa siya para sa konsekuwensiya noong gabing magkasama sila ng lalaki.

Ngunit sadyang iba ang salita. May kakaibang bigat ang mga iyon. Ang makiusap siya kay Divri na baguhin nito ang buhay at tadhana para sa kanya ay isang bagay na hindi niya magagawa. O marahil duwag siya sa responsibilidad. O marahil nangangamba siyang masisi siya ng lalaki kapag isinatinig niya iyon. Anong malay niya sa mararamdaman nito pagdating ng panahon? Wala. Hindi niya alam kung ano ang maiisip nito sa huli. Baka sabihin nito, "Nakiusap ka kasi sa akin" at hindi niya iyon maitatanggi.

Niyakap siya nito sa paraang tila ba sa kanya nakasalalay ang buhay nito. At sa mga sandaling iyon ay tila iisa sila—maging ang sakit at pait ay iisa. Tila ba sila ay dalawang durog na kaluluwa, desperadong kumakapit sa isa't isa upang manatiling buhay. Kung maaari lang ay hahawakan ni Maricruz ang mga sandaling iyon.

"Mahal kita," sambit ni Divri.

At lalo lamang naging mabigat sa kalooban ni Maricruz iyon. Hinagkan niya ang mga labi ng anghel. Nahiling niyang sana ay maaari na lamang silang lumipad nang magkasama, ang tumakas sa lahat ng iyon. Sukat sa naisip ay natigilan si Maricruz.

"Divri..." Magkakasunod ang kanyang naging paglunok habang titig na titig sa lalaki. Puno ng pagdududa ang puso at isip niya ngunit sa mga sandaling iyon ay tila ang ideyang biglang dumating sa kanya ang pinakatama nilang gawin. Nagtatanong ang mga mata ng lalaki. Napalingon siya sa direksiyon kung saan naroon si Nanay Amalya. Hinigit niya si Divri palayo na para bang hindi pa sapat ang distansiya upang hindi sila marinig ng matanda.

"Isang kabaliwan ito, Divri, pero naisip kong... naisip kong... Divri, gusto kitang makasama. Pero kontra sa atin ang lahat. Pero puwede tayong lumayo. Takasan na lang natin ang lahat ng ito."

Matagal na nanatiling nakatitig lang sa kanya ang lalaki at nangliit siyang bigla. Ang lakas ng loob niyang magsuhestiyon. May nalalaman pa siyang hindi niya kayang sabihin, may nalalaman pa siyang wala siyang kaparatan. Pero ano ang ginawa niya ngayon? Niyaya niya itong iwan ang responsibilidad niya, kasabay ng pag-iwan niya sa kanyang kapatid at sa taong itinuring niya bilang ikalawang ina. Ni hindi pa nga niya naisasaayos ang buhay niya. May mga obligasyon pa siya sa tunay niyang ina. Sa ngayon ay kinuha ng kapatid niya ang babae at dinala sa isa sa mga kuta ng grupo. At heto siya, nais tumakas sa obligasyon. Ang laki niyang duwag.

"Gusto ko rin pero—"

"Pero hindi tama. At tama ka." Napapahiya pa rin si Maricruz. "Pasensiya ka na sa akin, Divri, masyado lang akong nadala ng emosyon ko. Heto, para akong teenager na gustong makipagtanan sa isang anghel at—"

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Gusto ko rin, pero kailangan muna nating tapusin ang mga obligasyon natin. Kailangan kong iligtas si Efah. Kailangan ko ang tulong ng kuya mo."

"Pero—"

"May paraan. Sinabi niya sa aking tutulungan niya ako."

Hindi makasang-ayon si Maricruz bagaman naisip niyang sanay si Divri sa mga ganoong misyon. Napakatagal na nitong ginagawa iyon at may tiwala siya rito. Wala lang siyang tiwala sa mga makakalaban nito. Kay Elior, lalo na. Sa huli ay tumango siya. Naisip niyang tama ito. Kailangan nilang tapusin ang kanilang mga obligasyon. Siya ay sa kanyang ina. Nadala na ng kanyang Kuya Rav ang babae sa isang ligtas na lugar, ang Tikva, ngunit kailangan niya itong alagaan. Ang Tikva ay isang sagradong lugar para sa kanilang grupo at ayaw iyong talakayin nina Nanay Amalya at Kuya Rav ngayong naroon si Divri.

Obligasyon ni Maricruz bilang anak na alagaan ang ina. Isasama rin ba nila ito ni Divri sa pagtakas? Hindi iyon maaari. Ni hindi niya alam kung nasaan ang Tikva. At anong klaseng buhay magkakaroon ang babae kung buhat-buhat nila ito ni Divri saanman sila magtungo upang magtago?

Tumimo sa isip ni Maricruz ang pagkaimposible ng plano nila. At nang pagmasdan niya si Divri ay lalo niyang naunawaan na maling-mali siya. Magtatago ito at iyon na ang magiging buhay nila. Darating at darating ang pagkakataong makakalimot sila at mauuwi ito sa pagiging tulad ni Zuri, ni Azarya, ng iba pang mga puting angel na bumagsak at hindi na malaman ang lugar sa mundo.

Naging maramot siya. Naging napakaramot niya. Ang laki ng mundo, pero inisip niyang siya lang ang may karapatang lumigaya. Ang lahat ng ginagawa nina Kuya Rav, Nanay Amalya, Marco, at lahat ng mga nagbubuwis ng buhay at kaligayahan, ay parang nais niyang duraan sa mukha para lang sumaya siya. Ano bang klase siyang tao? Nakapagtataka pa bang lumabas na ang itim niyang pakpak sa kasamaan ng kalooban niya?

Humigpit ang pagkakakapit ni Divri sa mga braso niya. "Gagawa tayo ng paraan, maniwala ka sa akin. Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko. Gusto kong makasama ka, Maricruz."

Tumango si Maricruz, bagaman sa loob niya ay nakabuo ng ibang plano. At sa planong iyon ay titiyakin niyang malalagay sa mabuti si Divri. Nararapat lamang iyon. Wala rin siyang maipapangakong magandang kinabukasan dito. Ang tanging maibibigay niya rito ay ang sarili niya. At isang kinabukasan na walang katiyakan. Dead weight siya. Lulubog ito sa kanya.

Pinisil ng lalaki ang kanyang palad. "Salamat sa desisyon mo. Kahit paano, nabuhayan ako ng loob. Makakaya natin, Maricruz, maniwala ka sa akin. Magtiwala ka sa akin. Sa huli, magiging maayos din ang lahat."

Muli ay tumango si Maricruz. Punung-puno ng pag-asa si Divri at hindi niya magawang wasakin iyon. Ito siguro ang istorya ng buhay ko. Sa pagdaan ng panahon, makakalimutan ko rin siguro siya. Baka may isang tulad kong maligaw ng landas sa mundo ko. O baka sa kung anong biro ng tadhana, mabalik sa dati ang buhay ko. Hindi ko alam. Walang nakakaalam. Masaya lang akong dumaan ka sa buhay ko, Divri. Masaya akong nakilala kita. At napakasuwerte ko na nagustuhan mo ako. Mahal na mahal kita kaya hindi puwedeng magkasama tayo.

"Magiging mali, Divri," sambit ni Maricruz.

"Kakayanin natin."

"Magiging mahirap."

"Kakayanin natin."

Nais niyang maniwala ngunit hindi niya mapilit ang kanyang sarili. Nais niyang sabihin sa anghel na hindi nila magagawa ang lahat ng iyon ngunit nadama niyang buo na ang desisyon nito. Bukod doon ay paparating na si Nanay Amalya. Umurong siya palayo sa lalaki. Marahil mas maiging wala nang madramang paalaman, wala nang paliwanagan. Marahil mag-iiwan na lang siya ng sulat kay Divri, sa gayon ay wala na itong magawa pa. Kung nahihirapan itong gawin ang tama, puwes, baka ang pinakamaganda niyang gawin ay ang pilitin itong lumugar doon.

Inabot niya ang buhok ng lalaki at hinagod iyon, hinaplos ang makinis nitong pisngi, ang makakapal nitong kilay. Ngumiti siya, tumayo, bitbit ang platong may laman pa ring sandwich. Bumungad sa kanila si Nanay Amalya.

"Kailangan ko ang tulong mo, Maricruz."

Sumunod siya sa matanda. Kung nakaya nitong makalimot sa isang minamahal, kakayanin din niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro