Chapter 3
Natuto si Maricruz sa pagdaan ng mga araw, buwan at taon. Tama si Nanay Amalya nang sabihin nitong bawat tanong ni Maricruz ay mayroong kapalit. Hindi malalaking kapalit, kundi mga utos lamang na simple at ordinaryo na kailangan niyang gawin nang tama at pulido. Mula sa paglilinis ng bahay, hanggang sa pagtatanim sa kanilang bakuran, at sa pag-aaral niya.
Hindi alam ni Maricruz kung ano ang trabaho ni Nanay Amalya. Nanatiling misteryo sa kanya kung saan sila kumukuha ng pambili ng mga gamit at pangpaaral sa kanya sa isang pribadong eskuwelahan. Nanatili ring misteryo kay Maricruz kung bakit may mga gabing umaalis ng bahay si Nanay Amalya at sa pagbabalik ay mayroon nang dalang bata.
Sa loob ng sampung taon ni Maricruz sa bahay na iyon ay dumating at umalis ang mga alaga nila nang walang paliwanag. Hindi niya maiwasang maisip na marahil ay ibinibenta ni Nanay Amalya ang mga bata. Ang malaking tanong ay kung kanino nito binibenta ang mga bata at kung saan din ito kumukuha ng mga iyon.
Lahat na yata ng paraan para masagot ang mga tanong ni Maricruz ay nagawa na niya ngunit nanatili siyang bigo. Hanggang ngayon ay limitado ang nalalaman niya tungkol sa lahat ng pangyayari sa buhay niya at ayaw man niya—sapagkat ulirang maituturing ang matanda—ay nakakadama siya ng galit para rito. Ang dahilan kung bakit hindi siya umalis sa poder nito ay dahil pinag-aaral siya ng matanda at kung aalis siya ay saan siya pupunta? Sino ang magpapaaral sa kanya at saan siya kukuha ng pangkain? Ngunit higit doon, ang mas malaking dahilan ay takot. Takot na hindi na niya kailanman malalaman kung ano ang nangyari sa kanyang kapatid. Takot na hindi siya makakuha ng tamang paliwanag sa mga bangungot niyang nagsimula isang buwan na ang nakalilipas.
Mga bangungot na katulad ng bangungot ng kapatid niya. Hindi niya malilimutan ang pagsasalarawan nito noon. Isang taong may pakpak, hinahabol siya saanman siya magtungo. At takot na takot siya sa lalaking iyon. Alam niya at nadarama niyang papatayin siya ng lalaking may pakpak. Wala siyang paliwanag kung bakit, basta't alam niya sa puso niya kaya siya tumatakbo. Ngunit saanman siya lumusot ay nakasunod ang lalaki. Parating nagtatapos ang bangungot sa isang liwanag na ubod nang tindi. Liwanag mula sa nilalang na mayroong pakpak.
Sa tuwina ay nagigising si Maricruz na pawis na pawis sa takot. Tinanong na niya ang panaginip kay Nanay Amalya ngunit tulad ng marami niyang tanong ay hindi nito iyon sinagot. Sampung taon at parang katulad pa rin ng noon ang sitwasyon. Sa loob ng panahong iyon, ang tanging nalaman lamang niya ay totoong kaya niyang makadalaw sa kanyang ina. Minsan silang lumuwas ni Nanay Amalya upang dalawin ang babae. Tulad pa rin ng dati ang ina ni Maricruz at nang makita siya nito ay bigla itong sumigaw nang sumigaw.
Natuklasan din ni Maricruz na "iba" siya sa karaniwan. Pero hindi niya alam kung paano siya naiiba bukod sa katotohanang parati siyang nangunguna sa klase kahit hindi siya nag-aaral nang mabuti. Bukod doon ay siya rin ang pinakamatangkad na babae sa klase, ang unang pinipili kapag mayroong beauty pageant. Gayunman, kailanman ay hindi siya nakasali sa mga ganoong patimpalak sa eskuwela dahil ayaw ni Nanay Amalya ng mga ganoong bagay. May pagka-hardocre ang pagka-KJ ng matanda. Nag-aaral daw siya sa isang kadahilanan lamang, at iyon ay ang matuto. Eskuwelahan-bahay lang siya sa araw-araw dahil hindi rin niya matiis na hindi bumalik agad, lalo na kapag marami silang alagang bata. At kapag gumawa siya ng kapilyahan—gaya ng pagtakas niya minsan patungo sa isang birthday party—ay isang buwang hindi pagkausap sa kanya ni Nanay Amalya ang naging kapalit at nagtanda siya.
Wala pa ni isang kaeskuwela si Maricruz ang nakarating sa kanilang bahay. Mahigpit iyong ipinagbabawal ni Nanay Amalya. Bawal ding matulog sa bahay ng kaklase niya si Maricruz, kahit sa mga panahong wala silang alaga at kahit mayroong proyekto sa eskuwela na dapat tapusin. Hardcore KJ nga kasi si Nanay Amalya.
Kapag umaalis ng bahay si Nanay Amalya ay tinatangka ni Maricruz na tawagin ang kapatid niya sa wikang parang silang dalawa lamang ang nakakaalam. Minsan niyang kinausap sa ganoong wika si Nanay Amalya, para lang malaman kung nakakaunawa ito, ngunit pinagmasdan lamang siya ng matanda. Ilang ulit na ring nag-research si Maricruz tungkol sa mga wika at wala siyang nadiskubreng salita tulad ng mahiwagang salitang batid niya sa puso.
Sa lahat ng pagtatangka ni Maricruz na kausapin ang hangin sa pagtatangkang makarating iyon sa kapatid niya ay walang nangyari. At sa makailan ding pagtatangka niyang palabasin ang "pakpak" niya tulad ng ginawa ni Kuya Rav noon ay hindi siya nagtagumpay. Minsan ay parang masarap isipin na imahinasyon lang niya ang nakaraan.
Nagawa na rin ni Maricruz ang magsaliksik tungkol sa kapatid niya. Lahat na yata ng teorya ay nasubukan niyang isaliksik. Sa lahat ng teorya niya ay wala siyang napatunayan, bukod sa iilan lang din ang mga librong may kinalaman sa mga teorya niya. Maraming mga tanong din ang hatid ng sinabi ni Nanay Amalya na buhay pa ang kanyang ama. Hindi ba iyon alam ni Lola Malou? O baka naman nagsisinungaling lang si Nanay Amalya? Pangalan lang ng kanyang ama ang sinabi ni Nanay Amalya sa kanya: Kalev. Malayo iyon sa "Redentor" na siyang pangalang sinabi ni Lola Malou. Sa birth certificate niya ay blangko ang pangalan ng kanyang ama.
Noon narinig ni Maricruz ang pag-uha ng sanggol sa loob ng bahay. Bagong bata na naman ang dala ni Nanay Amalya nang nagdaang gabi. Ngayon ay wala ang matanda at si Maricruz ang nag-aalaga sa mga bata. Tatlo ang bata ngayon sa kanila. Mabuti at bakasyon niya sa eskuwela.
Gumabi na at hindi pa rin umuuwi si Nanay Amalya. Hindi iyon tipikal na nangyayari. Nang lalong lumalim ang gabi at hindi pa rin ito umuuwi ay nabahala na si Maricruz. Hindi siya makatulog. Aminado siyang si Nanay Amalya na ang naging pamilya niya sa loob ng ilang taon.
Ang paliwanatg ni Nanay Amalya patungkol sa mga bata ay dinadala daw nito sa mabuti ang mga iyon; at ang paliwanag naman nito kung saan galing ang mga bata ay sa mga magulang daw na ayaw na sa mga anak. Marahil nga talaga ay negosyo ng matanda ang maghanap ng mga batang ipapaampon naman nito sa iba. Kahit alam niyang hindi iyon tama ay hindi din naman siya sigurado. Isa pa, kusang nagtitiwala ang kalooban niya kay Nanay Amalya. Hindi niya makuhang isiping masama itong tao.
Isa pa, paano kung mayroong posibilidad na kung saanman dinadala ni Nanay Amalya ang mga bata ay doon din nito dinala ang kuya niya? Hindi niya isasara ang butas na iyon sa pamamagitan ng pagsusumbong sa mga awtoridad para lang sa isa sa mga posibilidad na baka ilegal ang ginagawa ni Nanay Amalya.
Umaasa si Maricruz na makikita pa ang kapatid balang-araw. Umaasa siyang sa pagdating ng panahon na iyon ay tagumpay na ito. Wala naman sigurong masama sa pangangarap. At marahil, kapag nakatagpo na niya ang kapatid ay maipapaliwanag na nito ang lahat sa kanya.
Noon siya nakarinig ng kalabog mula sa labas. Hindi pa man siya nakakalapit sa pinto ay bumukas na iyon at iniluwa si Nanay Amalya.
"Nanay!" nabiglang sambit ni Maricruz. Duguan ang damit ng matanda. Hindi lang kaunting patak kung hindi parang nag-floating ito sa dagat ng dugo. Ang likod ng bestida ng matanda ay tila nalaslas, mula itaas hanggang ibaba. Ang unahan ng damit nito ay may bahid din ng dugo, bagaman tila nagmula lang sa likod nito ang lahat ng pulang mantsa.
"Kunin mo ang mga bata, madali ka!" halos hiyaw ni Nanay Amalya.
"Pero—"
"Ngayon na, Maricruz!"
Nabibigla man ay walang nagawa si Maricruz. Tatlo ang bata sa kanila at ang dalawa ay binitbit niya sa magkabilang bisig, habang ang isa ay inabot kay Nanay Amalya na noon ay mayroon nang nakasubit na bag sa mga balikat nito. Alanganing tingnan kay Nanay Amalya ang suot na backpack na matagal nang nakikita ni Maricruz sa ilalim ng sofa—ang siyang ibinilin ni Nanay Amalya na huwag niyang pakikialaman dahil mga luma nitong damit ang laman. Ngayon ay tumimo sa isip ni Maricruz na hindi mga lumang damit ang laman ng bag. Inaasahan na ni Nanay Amalya noon pa na mayroong ganitong pangyayaring magaganap. Hindi mahirap pagtagni-tagniin ang lahat.
Nagising na ang mga bata at umiiyak ang isa. Sa kabila ng dugo sa katawan, magulong buhok, at tila labis na kapaguran, ay mukhang mayroon pang natitirang lakas si Nanay Amalya. Isa-isa nitong hinawakan ang mga bata sa noo at antimanong nakatulog ang mga iyon. Labis nabigla na nabigla si Maricruz. Noon lamang niya nakitang gumawa ng ganoon si Nanay Amalya!
"Makinig ka sa akin, Maricruz. Kailangan nating makaalis dito ngayon na at kailangan nating makalayo," anang matanda, hapong-hapo.
Ngunit isang bahagi ng isip ni Maricruz ang hindi magawang tanggapin na lamang ang mga sinasabi nito. Saan sila pupunta? Bakit duguan ito? Sino ang humahabol dito? Bakit parang planado nito ang pagtakas? Nanatili siya sa kanyang kinatatayuan.
"Gusto mong mamatay? Sige!" singhal ng matanda saka ito tumakbo nang mabilis, hawak sa bisig ang sanggol.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro