Chapter 29
Napapitlag si Maricruz nang madama ang mainit na balat na sumayad sa kanyang braso. Paglingon niya ay inilapat ni Divri ang daliri nito sa kanyang mga labi. Agad siyang napangiti. Buong araw silang hindi nakapag-usap at hindi siya tanga upang hindi madamang pilit silang pinaglalayo nina Nanay Amalya at ng kapatid niya. Siya ay tinambakan ng trabaho ni Nanay Amalya, habang si Divri naman ay pinatulong ng kapatid niyang ayusin diumano ang daanan papasok sa lugar na iyon.
Napapatingin lang si Maricruz kay Divri habang isinasalansan nito kanina ang mga bagong poste sa sala. Alam niyang alam din ni Divri na walang silbi ang ginagawa nito dahil lilisanin din nila ang lugar na iyon, ngunit hindi makatanggi ang anghel sa kapatid niya. Nasa Kuya Rav pa rin niya ang susi upang mailigtas ni Divri si Efah.
Sa tuwing maiisip niya iyon ay nalulungkot siya ngunit pinipilit niyang tingnan ang bagay na iyon sa positibong paraan. At least, hindi niya mahihila pababa si Divri. Wala siyang balak gawin iyon. Hindi rin niya balak panatilihin ito roong kasama siya. Sabi nga, "some birds aren't meant to be caged." Hindi homebody si Divri. Sundalo ito, warrior. Ano ang gagawin nito sa lungga ng nephilim? Magpapadede ng mga bata?
"Na-miss kita," sambit ng lalaki malapit na malapit sa tainga ni Maricruz, dahilan upang magtayuan ang balahibo niya sa braso.
"Ako rin," ganting sambit niya. Ang tanging laman ng silid na iyon ay siya at ang dalawang sanggol sa kuna na kapwa tulog na. Gayunman, dahil manipis ang dibisyon ay kailangang mahinang-mahina ang tinig ni Divri. Kaunting ingay at maririnig ni Nanay Amalya. Maaaring madama ng matanda ang presensiya ni Divri sa silid ngunit natutulog na ang matanda. Sana ay hindi na ito magising sa gabing iyon.
Sumiksik ang anghel sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. Mayroong init na gumapang sa kanyang katawan. "D-Divri, hindi ito tama..."
"Alam ko."
"A-ano ang ginagawa natin?"
"Hindi ko alam."
Iyon lang at sinakop ng mga labi nito ang mga labi niya. Nasa halik nito ang pangungulila sa kanya, hindi na nito kailangang sabihin pa. Bumaba sa kanyang leeg ang mga labi ng lalaki at ganoon kadali ay kinalimutan ni Maricruz ang sigaw ng isipan niya. Marahil dahil batid niyang sa ganitong paraan ay hindi sila magkakahiwalay ng lalaki. Marahil binalot siya ng kanyang pagkamakasarili sa mga sandaling iyon.
Isa nga bang malaking pagkakamali gayong naghahangad lamang ang puso niya? Mahal na mahal niya si Divri, hindi niya iyon sinadya. Kung nalaman lang niya noon, sana ay nagpakalayo-layo na siya rito. Kung maibabalik niya ang nakaraan ay mas nanaisin niyang huwag na lamang makilala ang lalaki kung para sa kapakanan nito. Ngunit narito na sila sa puntong ito at nais niya itong makasama.
Ang ideya ng ilang dekadang lilipas na wala si Divri sa piling ni Maricruz ay labis-labis para sa kanya. Sa mga sandaling iyon ay parang hindi niya iyon kaya. Hindi niya iyon kaya.
Gumanti si Maricruz sa mainit na halik ng lalaki at bumaba rin ang labi niya sa leeg nito, sa dibdib nito. Pumihit siya at napunta siya sa ibabaw ng lalaki. Nangahas siyang damhin ang katawan nito at ang mahinang anas nito ang nagbigay-udyok sa kanya. Napasinghap siya nang bigla itong pumihit kasama siya. Siniil siya nito ng mainit at mapaghanap na halik. She felt something hard on her thigh. A tingle ran up her spine as she realized what that thing was.
Noon biglang umuha ang isang sanggol na agad sinundan ng isa pa. Parang nanglaki ang ulo ni Maricruz. Hindi siya agad nakabangon sa labis na pagkabigla. Halos makaniig niya ang isang anghel. At habang nangyayari iyon ay alam niya ang kanilang ginagawa. At ngayon ay dismayado siya na kailangan nilang tumigil. Dahil nangangahulugan iyon na lilisan si Divri.
Kung bakit biglang nag-init ang mga mata ni Maricruz. Agad siyang tumayo upang hindi makita ni Divri ang mga luha niya.
"Maricruz, patahanin mo ang mga bata. Igagawa ko ng dede, saglit lang," tinig ni Nanay Amalya mula sa kabilang silid. Napatingin siya kay Divri. Bumuga ang lalaki at agad na lumabas ng silid.
Ipinaghele na ni Maricruz ang mga sanggol at bigla niyang naisip na sakali mang may nangyari sa kanila ni Divri ay malalaman at malalaman iyon ng lahat dahil iitim ang pakpak ng anghel. Walang ka-deny-deny, kumbaga. Anak ng manok na buhay 'to. Kung lahat ng kasalanan ay ganoon, malamang wala nang magkasala sa mundo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro