Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 28

Noon may narinig na iyak ng sanggol si Maricruz. Naunawaan niyang patuloy pa rin sa misyon nito si Nanay Amalya. At sa wakas ay naunawaan na niya kung bakit panay ang dating at alis ng mga sanggol sa kanilang tahanan noon.

Kinuha ng matanda ang sanggol at ipinasa sa kanya. Siya ang nagpatahan doon at ipinaghele sa kanyang mga bisig. Nang mapatingin siya kay Divri ay nakita niyang titig na titig sa kanya ang anghel. Nais niya itong sawayin, lalo na at hindi nakaligtas sa atensiyon niyang napansin na rin ng kapatid niya at ni Nanay Amalya ang ginagawa ni Divri, ngunit sa huli ay pinili ni Maricruz bawasan ang tensiyon sa pamamagitan ng pagtatanong kay Nanay Amalya. "Saan po kayo nagpunta noong mawala kayo sa isla, Nanay?"

"Kinuha ko sila, dila sa headquarters namin," tugon ng kuya ni Maricruz. "Noong mga panahong 'yon ay wala pa akong alam sa tama at mali. Nakatakas siya makalipas ang dalawang taon."

"Kuya, nakilala mo ba ang tatay natin?"

Tumango ito. "Buhay pa siya. Pero nasa malayong lugar sa ngayon at mayroong misyon. Kung ako lang ay ayaw ko nang makilala mo siya, Maricruz. Walang espesyal na anak kay Kalev sa dami ng mga anak niya sa napakaraming babae. Napakasama niya, Maricruz."

Natigilan siya. Binalingan niya si Nanay Amalya. "Nanay, bakit wala po akong pakpak?"

"Mayroon. Pero sana ay huwag nang lumabas kailanman. Sa paglabas ng pakpak mo, ibig-sabihin ay ginamit mo na ang kakayahan mo o kaalaman mo sa pagiging nephilim sa bagay na makakapinsala sa iba. Iyan ang dahilan kung bakit hindi ko nasagot ang mga tanong mo noon. Paano ko ipapaliwanag sa 'yo kung ako ka nang hindi ka matutuksong tuklasin ang kakayahan mo? Sa hirap ng buhay na naranasan mo, ayokong ilagay ka sa posisyon kung saan malalaman mo ang kakayahan mo at magagamit mo para makaangat sa buhay. Ayokong agawin ang kainosentehan mo, Maricruz.

"Ginusto kong matuto ka sa pamamaraan ng tao. Ginusto kong maranasan mo kung paano paghirapan ang isang bagay para maunawaan mo kung gaano kasarap sa pakiramdam na makuha ang isang bagay na pinaghirapan. Dahil kaya mong kunin ang lahat ng gusto mo sa mundong ito sa sarili mong kakayahan, sa isang pitik mo lang. At ayokong malulong kang gawin kung ano ang madali, kung ano ang masarap para sa mundong ito. Siguro naging malupit ako sa 'yo pero ang makitang wala ka pa ring pakpak hanggang ngayon ay sapat nang patunay sa aking tama ang ginawa ko."

Nag-init ang mukha ni Maricruz. "Hindi ako santa, Nanay."

Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti nang maluwag ang matanda. Muntik nang na-shock si Maricruz. "Siguro nga. Pero sa maniwala ka't sa hindi ay wala akong ibang kilalang tulad mo."

Napatingin si Maricruz sa kakambal. Naalala niyang bigla ang huling usapan nila. Alerto na ito noon sa kakayahan nito at ito ang nagsabi sa kanya noon na ginamit nito iyon upang mapasunod ang ibang tao. Iyon ba ang dahilan kung bakit lumabas ang pakpak nito? Marahil.

"Si Marco, Kuya, kakampi ninyo siya?"

"Natin. Oo, kasamahan natin siya."

"Si Zuri?" sambit ni Divri.

Tumango ang kanyang kapatid. "Ngayon, Divri, alam mo nang nasa maayos na ang kapatid ko. Makikiusap akong manatili ka rito hanggang sa makalipat kami sa ibang lugar. Hindi ko mapapayagang malaman ng ibang kasamahan mo kung nasaan kami. Hindi ko kayang isugal. Siguro ay naiintindihan mo ako."

Binalot ng lungkot si Maricruz. So ito na 'yon? Maghihiwalay na sila ni Divri? Iyon ang tama ngunit tutol na tutol ang kalooban niya. Hindi ba puwedeng tumawad? Kahit isang araw lang. Kahit isang linggo o buwan o taon. Kahit isang dekada lang...

Umiling si Divri. "Hindi ninyo kailangang lumipat. Wala akong pagsasabihan na kahit na sino."

"Sana maintindihan mo kung hindi ko kayang isugal 'yan," si Rav.

Matagal bago tumango si Divri. "Naiintindihan ko."

"Kung maaari, dito ka muna habang inaayos ko ang malilipatan namin."

Tumango muli ang anghel. "Makakatulong din siguro sa akin kung malalaman ko kung ilan na ang tao ngayon sa pinanggalingan naming lugar. Kailangan kong iligtas si Efah."

Agad tumutuol si Rav. "Hindi kita mapapayagan. Masyadong delikado para sa 'yo at para kay Marco kung gagawin mo 'yan."

"Hindi ko puwedeng pabayaan ang kapatid ko," giit ni Divri.

Napamura si Rav. "Bakit ang tigas ng ulo ninyong mga puti? Ikamamatay mo ang gusto mong gawin. Ang tigas ng ulo mo."

Biglang napangiti si Maricruz, kahit mabigat pa rin ang loob sa napipintong paghihiwalay nila ni Divri. Sa ngayon, napakinggan ang "tawad" niya. At tama ang kapatid niya, matigas ang ulo ni Divri.

"Puwede akong tumawag ng mga kasamahan ko—"

"Sa ngayon, tiyak kong nakalipat na sina Marco ng lugar. At oo, malalaman ko tiyak kung nasaan sila pero kung tatawag ka ng kasamahan mo, tinitiyak ko sa 'yong hindi ko ipagsasapalaran ang buhay ni Marco."

"Kung ganoon, ako na lang ang pupunta doon." Mukhang desidido si Divri.

Muling napasambit ng mura ang kapatid ni Maricruz ngunit hindi na tumutol. Tumayo si Divri at lumapit sa kanya. Pinagmasdan nito ang sanggol at hinawakan ang baba noon.

"Umiyak siguro sa pagdating ko," sambit ng lalaki.

"Hindi pa siguro sila nakakapanaginip sa ganitong edad," ani Maricruz.

"Bagay kang maging nanay."

At bagay kang maging ama ng anak ko, nais niyang sabihin ngunit naagapan niya ang sarili. Nanatili lamang siyang nakatingin sa mukha ng lalaki. Parang may kumagat sa puso niya. She now had a place where she truly belonged but she felt she belonged somewhere else. She belonged in Divri's arms.

"Gusto mo siyang kargahin?"

"Hindi ba iiyak?"

Sa halip na tumugon ay ipinasa ni Maricruz sa anghel ang bata na biglang nagising at ngumiti. Hindi pa nagtagal ay tawa na nang tawa ang sanggol sapagkat literal itong nilalaro ng isang anghel. Panay ang banayad na pagpisil ni Divri sa baba ng bata, tawa nang tawa, aliw na aliw. Pilit ni Maricruz ignorahin ang isiping magiging mabuting ama si Divri sapagkat alam niyang hindi iyon mangyayari kailanman.

"So cute. I wish I could have one," sambit mayamaya ni Divri, tila wala sa loob, tila hindi rin naunawaan ang sinabi. Ang magkaroon ito ng isang anak ay nangangahulugan ng pagbagsak.

Tumikhim si Nanay Amalya. "Akin na ang bata at nang mapatulog na. Maricruz, sumama ka sa akin."

Agad siyang tumalima. Pumasok sila ng matanda sa isang silid. Parang paraan ng pagwe-welcome sa kanya ng matanda ang pagbibigay sa kanya ng mga gawin tulad noon. Iyon siguro ang idea nito ng "fun." Gayunman ay wala siyang reklamo. Kailangan niyang aminin na aliw din siyang mag-alaga sa mga bata, lalo na ngayon at alam niyang wala ang mga ama ng mga supling.

"Alam mo, Maricruz, nahirapan ako noon na dalhin ang katotohanang ako ang dahilan sa pagbagsak ni Azarya."

Napatingin si Maricruz kay Nanay Amalya. Hindi niya magawang salubungin ang mga tingin ng matanda, mabilis ang sasal ng dibdib. "N-naiintindihan ko, Nanay."

"Parang hindi."

"P-po?"

"Alam ko ang mga ganoong tingin, naranasan kong lahat dati. Bago ka magsisi ay tigilan mo na. Hindi para sa 'yo si Divri. Alam kong sasabihin mong hindi patas at uulitin ko lang sa 'yong walang patas sa mundo."

"M-mahal ko po siya." Kung bakit hindi niya magawang maglihim sa matandang ito. Marahil malaking tulong din na natuklasan niya ang nakaraan nito. Alam nito ang pinagdadaanan niya ngayon.

Bumuntong-hininga ang matanda. "Kung ganoon, simulan mo nang pag-aralang kalimutan siya. Iyon ang pinakamabuti."

Paano naging pinakamabuti 'yon, Nanay? Parang magiging malungkot din siya kapag nagkalayo kami. Nararamdaman ko, Nanay, na mahal din niya ako. "Babagsak po ba siya kapag... kapag..."

"Kapag may nangyari sa inyong pisikal."

"Pero ang halik—"

"Doon nagsisimula ang lahat. Pero para sagutin kita, walang epekto ang isang halik. Maraming mga teknikalidad ang patakaran, mga patakarang wala tayong karapatang kuwestiyunin. At ang mga tanong natin—alam kong marami tayo noon—ay masasagot sa takdang panahon."

"Para lang... para lang pong hindi patas."

"Kung ang ibig mong sabihin sa pagiging patas ay ang paggawa ng mga bagay na makakapagpasaya sa 'yo, puwes, buong mundo ay hindi patas. Hindi lahat ng gusto natin ay puwede nating makuha."

Tama ito. Masakit lang tanggapin dahil wala pa siyang hinangad buong buhay niya na kasing-tindi ng paghahangad niyang makapiling si Divri, ang katangi-tanging anghel sa pugad ng mga nephilim.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro