Chapter 27
"May sugat ka, Divri. Maupo ka at linisan natin ang mga sugat mo," wika ni Nanay Amalya. Tulad pa rin noon ay walang mababakas na ekspresyon sa mukha ng matanda. May dala itong maliit na bag at mga bimpo. Iminuwestra nito kay Divri ang upuan. Naupo roon ang anghel.
"Alam kong marami kang gustong isumbat at magiging tama ka, Maricruz—sa lahat ng pagkukulang ko. Pero puwede bang yakapin mo muna ako?" wika kay Maricruz ng kanyang kapatid. Agad siyang tumalima. Saka niya binalingan si Nanay Amalya na niyakap din niya.
Hindi na niya mabilang ang gabing iniyakan niya ang pagkawala ng matanda. Kung alam lang nitong labis siyang nagsisisi na ang kanilang huling usapan ay hindi naging maganda. Nakabaon sa kanyang konsensiya iyon. At natutuwa siyang makitang nasa maayos itong kalagayan, bagaman hindi niya inakalang sa ganitong lugar niya ito muling makikita.
Habang nililinisan ni Nanay Amalya ang sugat ni Divri ay nagkuwento ito, ang kuwentong noong-noon pa niya nais marinig.
"Noong gabing nagkahiwalay kayo ng kapatid mo ay dalawa kami ni Karnia na dumating sa bahay ninyo. Si Karnia ang masasabi nating may misyong tulad ng akin, pero kabilang sa kabilang grupo at mayroong ibang mga motibo. At ang misyon na iyon ay ang lipulin ang mga bagong silang na nephilim. Ang motibo nila ay ang turuang maging tunay na nephilim ang mga bata. Mula pagkabata ay winawasak na ng kabilang grupo ang kainosentehan ng isang nephilim. Iminumulat nila ang mga bata sa kakayahan natin at kung paano iyon gamitin sa paraang hindi tama."
"Anong kabilang grupo, Nanay?" ani Maricruz.
Bumuga ang matanda. "Tayo ang kabilang grupo kung ang mga tulad ni Divri ang tatanungin. Pero ang hindi alam ng mga tulad ni Divri, may dalawa ring pangkat ang mga anghel na itim ang pakpak at ang mga nephilim."
"Sinasabi ko na nga bang nephilim kayo," sambit ni Maricruz. Nagkataon lang na minsan man ay hindi niya nakita ang matanda na mayroong pakpak.
Tumango ang matanda. "Matagal na akong nagtatago. Amalya na ang pangalan ko ngayon. Pero siguro, Divri, ay maaalala mo ako sa pangalang Zelpha."
Sukat biglang tumayo si Divri, nanglalaki ang mga mata. Naging alerto si Rav kaya maging si Maricruz ay natensiyon. Gayunman ay nanatiling walang reaksiyon si Nanay Amalya.
"Maupo ka ulit, Divri. Matagal na panahon na iyon."
Dalawang palad ni Divri ang nailapat nito sa mukha, tila naguguluhan, nalilito. "Pero patay ka na."
"Iyon ang pinalabas namin ni Azarya. Asawa ko siya, Maricruz, isang tulad ni Divri. Naging itim ang pakpak niya nang dahil sa akin. Kami ang nagsimula ng panibagong grupo ng mga nephilim at mga anghel na bumagsak. Sa kasamaang-palad, kakaunti lang ang panahong pinagsamahan namin. Namatay siya sa kamay ng isang tulad ni Divri."
Mukhang lito pa rin si Divri. "Pero ikaw ang... ikaw ang..."
"Ako ang pinakamasamang babaeng nephilim sa kasaysayan, Divri, iyon ba ang gusto mong sabihin? At si Azarya ang isa sa mga pinakamahusay na sundalo noon. Tama ka." Bumuntong-hininga ang matanda, muling itinuro ang upuan kay Divri. Matagal bago nagbalik ang anghel sa pagkakaupo. Inabutan ni Nanay Amalya si Maricruz ng mga bulak at nilinis niya ang sugat sa pakpak ni Divri. Marahil dahil nasagad sa gamit ay muling bumuka ang hindi pa ganap na naghihilom na sugat doon.
"May asawa ka dati, Nanay?" hindi nakatiis na tanong ni Maricruz. Aba, nagka-love life pala ito? Malaking balita iyon sa kanya dahil ugaling-old maid ito.
"Minsan sa buhay ko, oo. Si Elior ang nagplanong gamitin ako laban kay Azarya at nagtagumpay ako. Bumagsak si Azarya. Pero minahal niya ako at minahal ko siya. At ginusto kong magbago—kaya kinailangan naming palabasin na patay na ako, kasabay ng pagsabi ni Azarya sa grupo nina Elior. Sa modernong-salita, naging isang double agent si Azarya.
"Ginawa naming mag-asawa ang gusto namin, kahit noong simula ay kaming dalawa lang ang magkasama. Kaming dalawa, laban sa dalawang malalakas na pangkat ng puti at itim. Hanggang sa nakatagpo kami ng ibang mga tulad kong naghahanap lang ng tulad namin ni Azarya. Nabuo ang grupo. Isang imposibleng grupo. Hindi ko na mabilang kung ilang pagkakataon kaming inakusahan ng pagiging baliw dahil sa tingin ng marami, walang pakay ang ipinaglalaban namin. Kami ang mga itim na kakampi sa mga puti—mga puting gusto kaming patayin. Nasaan nga naman ang katuturan doon? Pero may mga bagay sa mundo na kailangan nating gawin kahit parang walang katuturan kung para mapagbigyan ang sarili nating gawin kung ano ang sa tingin natin ay tama.
"Hanggang sa mawala sa akin si Azarya. At ipinagpatuloy ko ang misyong gawin ang tama sa abot ng makakaya ko, kasama ang iba pa. At noong gabing iyon, Maricruz, ay nakasama ko si Karnia. Ang pakay niya ay dalhin kayo. Mas malakas ako sa kanya at sa huli ay pumayag siyang paghatian namin kayo ni Rav, kahit gusto ko sanang kunin kayong dalawa. Ang sabi ni Karnia, pabayaan ko siyang umalis tangay ang isa sa inyo, sa ganoon ay puwede niyang ilihim ang katotohanang nakita niyang buhay pa ako. Ililihim din niyang dalawa ang anak ni Kalev na natagpuan niya. Madaling makipag-areglo sa mga nephilim, pero hindi sa mga tulad ni Divri. Sa mga tulad natin, mayroong negosasyon. Sa mga tulad nila ay wala.
"Nang isama kita nang gabing iyon, Maricruz, ay hindi ko rin inakalang makakasama kita nang matagal. Kayong magkapatid ay ilan sa mga batang hindi ko agad nasubaybayan at nahanap. Ang misyon ko ay kunin ang mga batang tulad ninyo, itago pansamantala, at ipasa sa ibang miyembrong naatasan namang magpalaki sa mga bata.
"Noong nabanggit mo sa akin ang panaginip mo noong huli ay alam kong malapit na nila tayong makita. Isa iyon sa mga senyales, ang mga panaginip. Bihira ang may ganoong kakayahan, Maricruz. Ni sa hinagap lang ay hindi ko inakalang ang makakakita sa atin ay ang miyembro ng itim na grupo, at mismong kapatid mo."
"Si Kuya? Hindi ko naiintindihan, Nanay," ani Maricruz.
"Oo, siya ang kumuha sa akin noon sa Mindoro. Kailangan mo ring maintindihan na sa natural na pagkilala ng dugo mo ay hindi kalaban ang mga tulad natin, kundi ang mga tulad lang ni Divri. Pero sa 'yo ay naiba iyon—naramdaman mo ang itim na puwersa. Kanya-kanyang talento ang mayroon ang mga nephilim. Hindi—"
"Hindi 'yan totoo," si Divri.
Nagsalita si Rav. "Maraming bagay kang hindi alam at maraming bagay kang hindi kayang tanggapin sa isip mo, Divri. Hindi kita masisi dahil ganoon ang mga tulad mo. Pero iba ang paniniwala namin dito. Naniniwala kaming maraming bagay sa mundo ang hindi natin alam at hindi natin mahanapan ng paliwanag. At naniniwala kaming para sa mga tulad naming walang pagkakataong makapili kung sino ang magiging magulang ay mayroong naghihintay na ibang hantungan. At para sa mga bumagsak ay mayroong kapatawaran."
Umiling si Divri, tila hindi sang-ayon sa sinasabi ng kapatid ni Maricruz.
"Alam kong hindi ka namin mapipilit paniwalaan ang sinasabi namin. At siguro baliw kami sa pag-iisip ng ganito. Hindi kami umaasa, naniniwala lang kami. O baka kahit ang ilan sa amin ay hindi rin naniniwala. Pero nagkakaisa kami sa kung ano ang tama naming gawin. Sa huli, wala sa amin ang desisyon pero masaya kami sa paggawa ng inaakala naming tama."
Matagal bago nagsalita si Divri. "Isang araw ay nagising ka at naisip mong mali ang ginagawa mo, ganoon ba, Rav? Alam ko ang reputasyon mo."
Si Nanay Amalya ang sumagot noon, "Ang desisyon niya ay sa kanya lang, Divri. Hindi kami nanghuhusga rito. Isa pa ay maaga siyang iminulat ng grupo ni Karnia sa mga gawaing hindi kaaya-aya. Ano ang alam ng isang siyam na taong gulang na bata tungkol doon? Siyam na taong batang mayroong kakaibang kakayahan, lumaki sa hirap, at isang araw ay sinabihang kaya niyang maghari sa mundo."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro