Chapter 25
MARICRUZ... Maricruz...
Ilang ulit nang sinasambit ni Divri ang pangalan ng dalaga sa kanyang isipan. Makailang ulit na ring napapatingin sa kanya ang babae, tila nananantiya. Alam niyang ilang na ilang ito sa kanya. Nakikita niya iyon sa mukha nito. Malayo ang dalaga sa pagiging tulad ng babaeng nagtungo sa selda kanina at ginawa ang mga bagay na hindi dapat gawin ng isang babae.
Kulang pa iyon. Kung hindi tila napikon si Alona ay higit pa sana ang ginawa nito. Alam ni Divri sapagkat hindi siya bagito sa mundo ng mga nephilim. Isang mahinahong bersiyon ang naranasan niya kanina, ngunit nanatiling walang epekto. Sapagkat tama ang hinala ni Elior, isang babae lang ang nais niyang mayakap at mahagkan at iyon ang babaeng ngayon ay tahimik na nakayakap sa tuhod nito sa ibabaw ng kama.
May nadaramang galit si Divri Elior. Nais niyang protektahan si Maricruz ngunit pakiwari niya ay wala siyang silbi, wala siyang magawa. Nanghihina pa rin siya at batid niyang bukas o mamaya lang ay mayroon na namang papasok sa selda upang magbaon ng patalim sa kanyang katawan upang panatilihin ang kanyang panghihina.
Batid niyang si Efah na nasa kabilang selda ay nanghihina rin nang husto. Tinatangka niya itong abutin ng kanyang isipan ngunit mahina ang kamalayan ng kanyang kapatid. Sa kapwa niya ay kaya niyang makipag-usap sa isip, ngunit hindi sa mga hindi niya kauri. Gayundin marahil ang mga anghel na itim ang pakpak at mga nephilim, mayroong sariling paraan ng pakikipag-ugnayan sa isip.
Maricruz... muling sambit ng isip niya maging ng kalooban.
Napakaimposible ng iniisip ni Divri at marahil kung malalaman iyon ni Elior ay labis itong matutuwa ngunit kanina, habang pilit siyang hinahagkan sa labi ni Alona ay nakadama siya ng panghihinayang na hindi ang mga labi ni Maricruz ang tumitikim sa mga labi niya.
Alam niyang labis-labis iyon, isang malaking kabaliwan, isang bagay na hindi niya dapat isipin ngunit naunawaan niyang noon pa nasa likod ng isip niya at pilit lamang na itinataboy. Hindi niya alam kung muling magtatangka si Alona na gawin iyon. Marahil. Hindi basta sumusuko ang mga tulad nito. At batid niyang hindi rin basta-basta sumusuko ang tulad ni Elior.
Kasama ni Divri sa pangkat dati si Elior at bumagsak ito. At ngayon ay heto, mukhang pinuno na ito ng pangkat. At alam niyang gagawin nito ang lahat upang maging bahagi siya noon. Maging si Efah.
"N-nangangalay na ako, Divri. Pasensiya na, ha?" ani Maricruz. Tumayo ito at kumandirit. "Nangimay na ang binti ko."
Napalunok si Divri. Nais niyang mag-iwas ng tingin sa dalaga ngunit hindi niya magawa. Napakakinis ng kutis nito, mala-gatas. Ang mahahaba nitong binti ay tila nanghihimok na pagmasdan niya. Ngunit tila higit na mapanghimok ang maliit nitong baywang, ang dibdib nito. Dito lamang siya nakadama ng ganoong uri ng pakiramdam. Pagnanasa? Iyon ang sabi ni Elior ngunit iyon nga ba iyon? Parang mahirap isipin. Sapagkat bagaman labis siyang natutukso kay Maricruz ay hindi niya maikonekta ang salitang "pagnanasa" sa nadarama niya. Tila ang tanging pagkakatulad ng nadarama niya doon ay ang init noon, ang rubdob.
Nais niyang yakapin sa kanyang mga bisig ang babae, tikman ang mga mapupulang labi nito, damhin ang kutis nito, mamangha sa kagandahan nito. Nais niyang maging sa kanya ito sa lahat ng aspeto. Maging sa mga aspetong ni hindi niya dapat na pag-isipan. Lahat ng iyon, kalakip ng pagnanais niyang ibigay dito ang lahat, protektahan, makita ang ngiti, marinig ang tinig, ang halakhak o bungisngis.
Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Mahirap ang makasama si Maricruz sa ganoong sitwasyon. Ngunit tila may sariling isip ang kanyang mga labi at sinambit niya ang pangalan ng dalaga. Agad itong tumingin sa kanya, ang mga mata ay nagtatanong.
"Kanina, hinalikan ako ni Alona," ani Divri.
Tumaas ang kilay ni Maricruz. "At...? Teka, paano mo nalaman ang pangalan? Baka naman naka-date mo na noon?"
Napangiti siyang bigla. "Nagseselos ka."
"At bakit naman ako magseselos? Nagtatanong lang ako. Baka naman mamaya kasi nito, magkakabarkada pala kayo. After all, kakilala mo pala si Elior at hindi mo sinabi sa akin. Anong malay ko kung kakilala mo rin ang Alona na 'yon?"
"Kanina ko lang siya nakita."
Umismid ito, muling kumandirit. "At ngayon, gusto mong ma-imagine ko ang hindi ko nakita kaya kinukuwento mo pa?"
"Gusto ko lang malaman mong kanina... kanina gusto kong ikaw sana ang una kong mahalikan."
Pakiramdam ni Divri ay isa siyang hangal. Parang ayaw niyang tumingin kay Maricruz ngunit tila ikamamatay niya kung hindi niya makikita kung ano ang reaksiyon ng dalaga. Namula ang mukha nito, hanggang leeg. Ang paa nitong nakataas dahil sa pagkandirit kanina ay nanatiling nakataas kahit hindi na ito lumulundag.
"Maricruz?"
"Divri, b-bigla akong na-shy. Ano ka ba?"
Mukhang noon lamang naalala ng babae na ibaba ang paa nito. Itinakip nito ang mga palad sa mukha. Napangiti na si Divri. Sa sandaling iyon niya lalong nais itong yakapin. Kung sana ay makakawala siya sa gapos na iyon kahit saglit na saglit lang.
"Gustong-gusto kitang yakapin," sambit niya. "Ngayon. Mahigpit."
Tumitig ito sa kanya, matagal, ang ngiti sa labi nito ay unti-unting nabura hanggang sa humakbang ito palapit. Ganoon na lamang ang bilis ng tibok ng puso niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro