Chapter 24
Hinigit si Maricruz ni Elior palabas ng silid bago pa siya makatutol. Gilalas pa rin siya sa naging usapan nito at ni Divri. O mas tamang sabihing monologue ni Elior. Hinigit siya ng dating nobyo patungo sa banyo at ipinasok doon.
"Dadalhan kita ng damit. Maligo ka at mabaho ka na. Nakakahiya."
"Ang kapal ng mukha mo!" singhal ni Maricruz. Sumara ang pinto malapit sa kanyang mukha. "Ang kapal mo! Hindi ako nagpapaamoy sa 'yo! Kung puwede kitang hiluhin sa amoy ko, gagawin ko!"
Ngunit mahirap gawin ang kanyang sinabi nang makita niya ang tubig. Hindi lang maligo ang gusto niya, gusto rin niyang labhan at patuyuin ang lahat ng damit niya. Nakuntento na siya sa paliligo at hindi pa siya tapos ay bumukas na ang pinto. Si Alona ang pumasok at kinuha ang damit niyang maingat niyang ipinatong sa lababo. Nagpatong ito ng maliit na bag doon, marahil ay gamit para sa kanya.
"Babae sa babae, Alona, bakit ka pumapayag na gawin ang lahat ng sinasabi ni Elior? Si Zuri, si Divri..." ani Maricruz. Kahit nais niya itong awayin ay ibig niyang maunawaan ang babae. Ibig niyang malaman kung bakit mayroong pumapayag gawin ang ganoong klaseng mga bagay.
"Nephilim sa nephilim, Maricruz, wala ka nang ibang pagpipiliang gawin, hindi mo ba alam? Tanggapin mo na lang at magpakasaya ka. Masaya sa mundo natin. Subukan mo. Walang mawawala sa 'yo."
"Para maging tulad mo lang?"
Mukhang nainsulto ito. "Sa hitsura mo, sa totoo lang, Maricruz, hindi mo kayang gawin ang ginagawa ko."
Iniwan na siya nito. Minadali na niya ang paliligo at pinakialaman ang bag. Kumpleto iyon sa basic toiletries, ngunit ang damit ay pang-summer. Two-piece bikini na kulay-pula at iyon lang! Nais niyang habulin si Alona kaya agad niyang isinuot ang bikini, saka iniawang ang pintuan. Naroon pa ito.
"Nasaan ang damit ko?"
"Iyang suot mo na ang damit mo."
"Ibalik mo ang damit ko kanina."
"Pinasunog ko na dahil hindi ko kaya ang amoy."
"Bigyan mo ako ng kahit sarong man lang! Hindi ako bold star!"
Tumawa ito at hinigit na siya palabas. Ibinalik na siya nito sa silid nila ni Divri at saka isinara ang pinto. Nangliliit si Maricruz sa hiya. Hindi siya makatingin sa lalaki. Naupo siya sa kama, pinapaliit ang kanyang sarili, nakayuko.
"K-kinuha nila ang damit ko. I-ito ang ipinalit. I-ito lang."
Nang hindi tumugon si Divri ay napilitan si Maricruz na sulyapan ito. Titig na titig ito sa kanya, tumaas-baba ang gulung-gulungan. Nag-iwas ito ng tingin mayamaya. Humanap siya ng kahit na anong maaaring ipangtakip sa katawan at ang nakita lang ay ang piring na kanina ay ikinabit sa kanya ni Alona. Pashmina iyon na manipis ang tela ngunit mahaba. Ginawa niya iyong pangtapi, ibinuhol sa gitna ng dibdib. Kahit paano ay naging medyo disente ang suot niya.
"S-sorry, Divri."
"Hindi mo kasalanan."
Nanatiling nakatingin sa pintuan ang lalaki na para bang napakainteresante niyon. Dama ni Maricruz ang tensiyon sa pagitan nila. At hindi niya alam kung paano ito pakikitunguhan sa ganoong kondisyon.
"Iyong s-sinabi ni Elior kanina—"
"Ayoko sanang pag-usapan."
Tumango siya. Nauunawaan niya ito. Gayunman ay hindi niya maaaring ikaila na ang romantikong bahagi niya ay nais na marinig mula rito kung totoo iyon. Mahal ba siya nito? Bakit iyon sinabi ni Elior? At bakit siya pinagbihis ng ganito ni Alona kung hindi nito iniisip na matutukso niya si Divri?
Hindi sa ganitong paraan niya nais na mahalin siya ng anghel. Sa katunayan ay ni hindi siya sigurado kung nais niyang mahalin siya nito. Paano ito? Paano sila? Kaya ba niyang dalhin ang konsekuwensiya?
Muli ay nakadama siya ng galit para kay Elior at sa mga kampon nito. Ginawa pa siya nito ngayong tukso. Ginawa siyang parang GRO! Ngunit batid niyang kahit na anong galit niya ay wala siyang magagawa sa ngayon. Naupo na lamang siya sa kama at niyakap ang tuhod. Iyon lang ang posisyon kung saan kahit paano ay maikukubli niya ang katawan.
"Nilalamig ka ba?" tanong ni Divri.
Muli niya itong nilingon, saka umiling. Wala ring maiaalok na damit sa kanya ang lalaki. Kapag hinubad pa nito ang pantalon para sa kanya ay ito naman ang magmumukhang macho dancer at nakatali pa ito.
Ni sa hinagap ay hindi niya na-imagine na malalagay siya sa ganitong sitwasyon. Nangliliit siya kahit hindi siya ang may kasalanan. Lalo niyang naiisip ang kasamaan ng mga kalahi niya. Nakapagtataka pa bang may mga anghel na ang tanging misyon ay ubusin sila?
"Divri, k-kapag... kapag natapos na ang lahat ng ito, kung sakaling matapos ang lahat ng ito, ano ang plano mo?"
Matagal bago ito nakatugon. "Plano... Wala na akong mga plano ngayon. Matagal akong may plano at bigla ring nagbago ang lahat. Para saan ang plano?"
Hindi na naman nakaimik si Maricruz. Nahihimigan niya ang pait sa tinig ni Divri at nauunawaan niya iyon. Sa isang banda ay magkatulad sila. Patuloy niyang niyakap ang kanyang mga tuhod, umaasang maiisip ng isa man lang sa mga alipores ni Elior na abutan siya ng kahit anong damit.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro