Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 21

Nang higitin si Maricruz ni Marco palabas ng selda ay halos sumubsob siya sa magaspang na batong sahig. Agad siyang pumiglas ngunit hindi siya nito pinakawalan. Para siyang manyikang-basahang dinala nito sa selda ni Divri. Binuksan nito iyon at isinalya siya patungo sa kama, saka isinara ang pinto.

Agad siyang tumingin kay Divri. Wala na ang sugat sa mukha nito bagaman mayroon itong bagong sugat sa binti. Nakatali rin sa bakal na posas sa pader ang mga kamay, paa, binti, bisig, baywang, at pakpak nito. Agad niyang nilapitan ang lalaki. Wala siyang ideya na nakagapos pala ito kaya hindi sumisilip sa siwang ng pinto.

"Wala ito," ani Divri.

"Bakit kailangan ka pa nilang igapos?"

"Kumusta ka na?"

"Ikaw ang nakagapos, ako ang kumusta?"

"Pakisilip mo kung sino ang ilalagay nila sa kabilang selda. Tiyak na may ilalagay sila roon kaya ka inilipat dito. Gusto kong malaman kung sino."

Agad siyang tumango. Sumilip lang siya sa siwang at naghintay. Mayamaya ay nakita niyang mayroong isang anghel na puti ang pakpak na ipinasok sa dati niyang kulungan. At muli ay ang hari ng torture na si Marco at ang ka-team nitong si Andreas ang sumunod doon at narinig na niya ang mga ungol ng sakit.

"Hindi ko kilala kung sino pero puti ang pakpak niya, Divri," ani Maricruz, ayaw man niyang lalong mag-alala ang lalaki.

Pumikit ang anghel, saka sinambit, "Efah..."

Hindi na siya nagtaka kung paano nito nakilala ang anghel. Marahil sa tinig o presensiya noon. Tantiya niya kay Divri ay hindi na ganoon kalala ang pinsala sa katawan nito. Bahagya rin niyang ikinapagtaka iyon sapagkat inakala niyang gulapay na ito ngunit hindi. Sinuri niya ang mga gapos nitong bakal. Makakapal ang mga iyon at ang keyhole ay mukhang komplikado.

"Hindi mo ito kayang tanggalin?"

"Sa ngayon, hindi."

Tinastas niya ang ilalim ng kanyang kamiseta at itinali iyon sa hita ng lalaki. Baka sakaling makatulong mapabilis ang pagsasara ng sugat. Hinaplos ni Maricruz ang pisngi ni Divri. Kung maaari lang ay tatakpan niya ang tainga ng lalaki upang hindi nito marinig ang nangyayari sa kabilang selda ngunit batid niyang madarama din nito iyon.

"Hindi ko iniisip na si Efah ang makukuha nila."

"Ano ang kailangan nila sa inyo?"

"They want us to fall. Gusto nilang dumami kaming katulad nila. Gusto nilang wala nang makabalik na tulad namin sa kung saan kami nagmula. Dahil sa huli, makakasama pa rin kaming tapusin sila."

Natakot siyang itanong kung ano ang dahilan ng pagbagsak ng isang anghel dahil parang alam na niya. Madali iyong mahulaan. Bakit nga ba hindi na makakabalik ang isang anghel sa pinagmulan? If he was no longer pure. And here she was hoping to be with him somehow. Masyado siyang selfish na sa kabila ng lahat ay iyon pa ang naiisip niya. Naupo siya sa kama, niyakap ang tuhod. Wala siyang masabi sa lalaki.

"Maricruz," tawag ni Divri. Tumingin siya rito. "'Wag kang mag-alala, makakaalis tayo rito."

Tumango siya, wala pa ring masabi. Dahil sa kanya ay ganito na ang nangyari sa lalaki. At ibig niyang manatili ito sa piling niya. Hindi man lang niya naikonsidera kung ano ang dapat nitong gawin. Kapag nakatakas sila sa kulungan ay kailangan niyang magtago nang solo. Hindi niya alam kung paano, hindi niya alam kung kaya niya. Ang alam lang niya ay kailangan niya iyong gawin.

Para rito. Isa siyang nephilim na tinutugis. Isang anghel si Divri na marami sanang kakampi kung hindi lang dahil sa kanya. Hindi mahirap piliing gawin ang tama.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro