Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2

"Kuya..." Iyon lang ang nagawang sambitin ni Maricruz. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa kapatid. Totoo nga ba ang obserbasyon nito? Oo at nadarama niyang malakas ang kanyang katawan ngunit sa palagay niya ay marami namang tulad niya. Isa pa, paanong hindi lalakas ang kanyang katawan sa ehersisyo sa pagtakbo sa mga kalsada sa paghahabol ng mga sasakyan kapag berde na ang ilaw ng traffic light?

"Noong nag-aaral pa tayo, pareho tayong nanguna sa klase. Ang sabi ng teacher natin, puwede na tayong mag-grade five. At kapag may mga kausap akong tao, kapag sinabi ko sa kanilang ibigay sa akin ang gusto ko ay ginagawa nila... at may mga panaginip ako, Mari, mga panaginip na hindi ko kayang ipaliwanag. May humahabol sa akin, isang lalaking may pakpak. Gusto niya akong... patayin." Biglang naupo sa sulok ng bahay si Rav, niyakap ang tuhod nito at para bang nangatal. "Natatakot ako sa kanya. Natatakot ako."

Agad lumapit si Maricruz sa kapatid. "Kuya, baka masamang panaginip lang 'yon."

"Gusto niya akong patayin, Mari! Kahit saan ako magpunta nasusundan niya ako. Tumatakbo ako. Takbo ako nang takbo... pero hindi ako makalayo dahil may pakpak siya. Kaya niyang lumipad. Hindi ko makita ang hitsura niya dahil madilim. Gabi. Pagod na akong tumakbo pero nandoon pa rin siya."

Niyakap ni Maricruz ang kapatid. Matapang ang kuya niya, wala ni isang bata sa kanilang lugar ang maaaring umaway dito. Malaking bulas ito, mas matangkad sa kanya kahit kambal sila. At kahit ito ang pinakabata sa grupo ay ito ang leader. At ang makita itong takot na takot ay labis na nakakapagpabahala sa kanya.

"Kuya, panaginip lang iyon," aniya rito.

"Hindi, Mari. Dahil... dahil..."

"Dahil?"

Yumuko ito. "Wala ka bang... w-wala ka bang pakpak, Mari?"

Sa una ay inakala niyang nagkamali siya ng dinig. "W-walang ano, Kuya?"

Pinakatitigan siya nito saka ito tumayo. "Pakpak. Pakpak, Mari."

"Kuya, a-ano ba ang nangyayari sa 'yo—"

"Pakpak tulad nito, Mari!" Ipinikit nito ang mga mata at mayroong sinambit sa isang wikang noon niya naunawaan na hindi Tagalog o Ingles, ngunit naiintindihan niya. Simpleng sinambit nito sa wikang iyon, "Pakpak, magpakita ka."

At lumabas ang pakpak na may mga balahibong kasing-itim ng sa uwak mula sa likod nito. Malaki, higit na mas malapad sa kayang idipa ng mga braso ni Rav. At napaatras si Maricruz ng gapang, sindak na sindak.

"Ahhhh! Ahhhh! Ahhhh!" sigaw ng kanilang ina na nang lingunin ni Maricruz ay nasa likuran na niya, nanglalaki ang mga mata, sindak na sindak sa pagkakatitig sa panganay na anak. "Ahhhh! Ahhhh! Ahhhh!" patuloy na sigaw ng babae, mga baliw na sigaw na walang binubuong mga salita ngunit tila nagmumula sa kaluluwa ang malabis na pagkagimbal.

Inilahad ni Rav ang kamay sa direksiyon ng kanilang ina. "Pumayapa ka at matulog na." Muli ay sinambit nito ang mga salitang iyon sa wikang hindi dapat nauunawaan ni Maricruz ngunit pamilyar sa kanya. Totoo ba ang sinabi ng kanyang kapatid kanina na ibang wika rin ang sinambit niya sa pagpapakain sa kanyang ina? At ang wikang iyon ba ay ang wika ring sinasambit ni Kuya Rav ngayon?

Tumahimik ang kanilang ina, naupo sa kama at nahiga. Parang malaking tambol ang puso ni Maricruz na dumadagundong. Hindi niya nauunawaan ang lahat ng ito. Bakit mayroong pakpak ang kanyang kapatid? Ngunit bago pa siya makapagtanong ay mayroong dilim na bumalot sa buong barong-barong—tulad ng sa panaginip niya, parang mababa at maitim na ulap, parang telebisyon na pinatay. Ngunit hindi tulad ng telebisyon na tuluyang naglalaho ang bilog na liwanag sa gitna ay nanatili ang kapiranggot na malamlam na liwanag sa gitna ng silid. Wala siyang makita ngunit batid niyang mayroong dumating. Nadarama niya ang presensiya niyon.

"K-Kuya? Nanay?" takot na sambit niya. "Kuya? Nanay! Kuya!"

Humahagulgol na siya, takot na takot. Hindi niya kayang ipaliwanag kung bakit nagkakaganito ang mundo, kung bakit napakadilim. Kung bakit parang may nagdidikta sa kanyang mayroong masamang mangyayari. Hindi niya alam kung saan nagmumula ang bulong na iyon, hindi niya kayang ipaliwanag. Ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata, niyakap ang tuhod at umurong nang umurong hanggang madama ng kanyang likod ang pader. Mariing-mariin ang pagkakapikit niya, nakikiramdam kahit parang ayaw na niyang madama ang kahit na ano.

"Tumayo ka," wika ng isang tinig sa kanya.

Nagmulat ng mata si Maricruz at nabalik na sa dati ang hitsura ng bahay. Wala na ang kadiliman. Mayroong isang matandang babaeng nakatunghay sa kanya.

"Nasaan po ang Kuya?" sambit niya.

"Wala na ang kapatid mo. Sumama ka sa akin."

Tumingin siya sa kama. Naroon ang kanyang ina. Ngunit wala na sa bahay ang kuya niya. "Nanay? Nasaan po ang kuya ko?" Napaiyak na naman siya nang bumaling sa matandang babae. Hindi niya ito kilala. Ito ba ang dinala roon ng maitim na ulap? Ulap ba iyon o usok? Nasaan na ang kapatid niya?

"Ang nanay mo ay hindi nababagay alagaan ng isang batang tulad mo. Kukunin siya ng ospital. Ang kapatid mo ay wala na... sa ngayon."

"Wala na sa ngayon? Ano po ang ibig ninyong sabihin? Nandiyan lang po siya kanina." Patuloy siya sa paghagulgol. "Ibalik po ninyo ang kapatid ko. Ibalik po ninyo siya."

"Hindi ako ang kumuha sa kanya, Maricruz. Sumama siya kay Karnia. At ikaw naman ay sa akin sasama. Mga kaibigan kami ng iyong ama."

Matagal bago nakatugon si Maricruz. "P-pero patay na raw po ang tatay namin."

"Isang kasinungalingan."

"Kung ganoon, nasaan po siya? B-bakit po hindi siya ang kumuha sa amin ng Kuya? B-bakit po may pakpak ang Kuya?"

"Wala akong oras para sa lahat ng tanong mo. Sa katunayan, magmula ngayon ay may kapalit ang bawat sagot sa tanong mo. Wala na ang kapatid mo. Papunta na rito ang mga kukuha sa nanay mo para dalhin siya sa ospital. Kapag nakita ka nila rito, kukunin ka rin nila at titira ka sa bahay ng mga ulila. Kung sasama ka sa akin baka sakaling makita mo pa ang kapatid mo pagdating ng tamang panahon. Magdesisyon ka, Maricruz. Sasama ka ba sa akin o iiwan kita rito?"

Hindi makasagot si Maricruz, iyak lang siya nang iyak. Mayamaya ay may mga dumating nang mama sa kanilang bahay at dinala ang kanyang inang bigla na namang nagsisigaw. Parang hindi siya nakikita ng mga mama. Sa katunayan, kahit tinawag niya ang kanyang ina, kahit tinangka niyang tumayo upang lapitan ito, ay hindi niya nagawang makakilos sa kinauupuan niya sa sahig.

Naroon pa rin ang matandang babae, nakatunghay sa kanya, nakalahad ang kamay. Inabot niya ang kamay na iyon at iyon na ang huli niyang naalala. Nang muli siyang magmulat ng mata ay nasa isang silid siya na hindi pamilyar. Simpleng silid lang iyon, maliit, mayroong bintanang nakabukas. Maliwanag sa labas at natatanawan niya ang mga puno.

Agad bumangon si Maricruz at sumilip sa bintana. Tiyak niyang malayo ang kinaroroonan niya mula sa bahay niya. Walang ganoon kalagong mga puno malapit sa kanila. Nahiling niyang sana, malaking bahagi sa nangyari kagabi ay isa lamang panaginip. Sana, sa paglabas niya sa silid ay madaratnan niya ang kanyang kapatid at ina. Sana. Ngunit hindi pa man siya nakakalabas ng silid ay nadarama na niyang nagbago na ang lahat sa buhay niya.

Pagbukas ni Maricruz sa pinto ay kusina na agad ang nabungaran niya at naroon ang matandang babaeng sinamahan niya nang nagdaang gabi, nakaupo sa likod ng isang mesa, nakaharap sa kanya, may umuusok na tasa sa harap habang naggagantsilyo.

Hindi rin nakaligtas sa pansin ni Maricruz ang isang malaking kuna sa tabi ng matanda. Mayroong mga bata roon, marahil ay dalawang taon ang pinakamatanda.

"Mag-almusal ka na, Maricruz," wika ng matandang babae, ni hindi tumingin sa kanya at patuloy lang sa paggantsilyo.

"N-nasaan po ang Nanay at Kuya?"

"Alam mo kung nasaan."

Hindi panaginip ang nangyari kagabi. Napalunok si Maricruz. Nagpasya siyang mamaya na magtanong muli sa matanda dahil mukhang ayaw nitong magpaistorbo. Sinabihan siya nitong sumandok ng pagkain na siya niyang ginawa. Lugaw ang almusal. Pumuwesto siya sa tapat ng matanda sa mesa, panay ang tingin dito.

"Nasaan po ako?" tanong niya mayamaya. Maliit lang ang bahay. Natatanaw niya na ang sala at mayroon pang dalawang pintuan na hula niya ay banyo ang isa at ang isa naman marahil ay silid. Gayunman ay maayos ang bahay, malinis.

"Kumain ka at huwag na munang magtanong."

Nanahimik si Maricruz at inubos ang laman ng mangkok. Nang matapos ay nagligpit siya. Inutusan siya ng matanda na tumulong sa pag-aalaga ng mga paslit. Nang makatulog ang mga iyon ay saka siya kinausap ng matanda.

"Ang pangalan ko ay Nanay Amalya," panimula ng matanda. "Magmula ngayon ay tutulong ka na sa akin sa mga gawain dito. Ikinalulungkot ko, pero hindi ko alam kung nasaan sa ngayon ang kapatid mo. Ang alam ko lang ay sumama na siya kay Karnia. Tulad ng sinabi ko sa 'yo, kaibigan ko ang ama mo."

"Nasaan po ang Tatay?"

"Hindi ko alam. Ang alam ko lang, kailangan kitang tulungan dahil wala nang tulong o suportang maibibigay sa 'yo ang nanay mo. Nasa mabuti siyang kamay at maaari mong madalaw sa ospital kung kailan mo gusto. Pero nasa Maynila siya, malayo rito."

"Nasaan po ba tayo?"

"Mindoro. Ito ang bahay ng lola mo. Ito ang bahay ninyo."

Nabigla si Maricruz. Kailanman ay hindi pa siya nakakarating sa lugar na iyon. Sa pagkakaalam niya ay naibenta na ang bahay ni Lola Malou sa Mindoro, kaya nga sila hindi nakakauwi sa probinsiya noon.

"Akala ko po naibenta na ng Lola ito?"

"At ako ang nakabili."

"Malayong-malayo po ba ito sa Maynila?" Iyon ang pagkakaalam ni Maricruz. Ang sabi ni Lola Malou noon ay kailangan pa raw sumakay ng barko para makarating sa Mindoro. Tumango si Nanay Amalya. "Paano po ninyo ako nadala rito? Sumakay po ba tayo ng barko?" Muli ay tumango ito. "K-kailan ko po makikita ulit ang kuya ko?"

"Hindi ko alam."

"M-may pakpak po siya—"

"Gumawa tayo ng patakaran sa bahay na ito, Maricruz. Bawat tanong mo ay mayroong kapalit. At minsan ka lang puwedeng magtanong kaya galingan mo. Hindi lahat ng tanong mo ay sasagutin ko."

"Pero bakit po?"

Hindi umimik ang matanda at hinalo na ang laman ng tasa. Marahil isa iyon sa mga tanong na hindi nito sasagutin. Hindi niya pa rin alam kung sino ang matanda, kung ano ang pakay nito... ngunit ang mas mahalaga sa kanya ay kung nasaan na ang kuya niya, isang bagay na mukhang hindi nito sasagutin.

Gusto niyang umiyak o magwala, kung para man lang sa ganoong paraan ay makakuha siya ng mga kasagutan. Ngunit sa tantiya niya kay Nanay Amalya ay hindi siya nito papansinin. Mag-iisip muna siya ng paraan. Sa ngayon ay wala siyang pagpipilian kundi ang manatili sa bahay na iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro