Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 19

Dalawang kamay ang kumapit sa mga braso ni Maricruz at kahit pumalag siya ay batid niyang wala siyang magagawa sa lakas ng dalawang anghel na itim ang pakpak. Hinanap ng kanyang mga mata si Divri at agad niya itong nakitang bihag ng apat na anghel na itim—tig-isa sa kaliwa't kanang pakpak at dalawa sa mga bisig. Duguan na naman si Divri, sa pagkakataong iyon ay sa pakpak muli. Muli ay halos mabiyak na ang mga iyon.

"Eli, ano'ng ibig-sabihin nito?" sambit ni Maricruz, nabibigla pa rin.

"Alam mo kung ano ang ibig-sabihin nito." Napakatatas nitong managalog, malayong-malayo na sa Eli na nakilala niya. Nawala ang maamong mukha ng lalaki at napalitan ng bagsik. Kahit ang tono ng pananalita nito ay iba na. Hindi na iyon banayad at lalong hindi malambing.

"Bakit ninyo ginagawa ito? Akala ko pare-pareho tayo?" ani Maricruz, sumusubok. Baka sakaling makalusot. Gagawin niya ang lahat upang iligtas si Divri. Takot na takot siya at hindi niya alam kung paano aayusin ang sitwasyon.

"Kaya nga hindi namin maintindihan kung bakit hindi ka sumama sa amin noong tinatawag ka namin."

"Kasama ka doon?"

"Hindi. Pero nanonood ako. Bakit hindi ka sumama, Maricruz? Madali kaming kausap. Tama ka, pare-pareho tayo. Sumama ka na ngayon sa amin para hindi ka masaktan."

"May pagpipilian ba ako?" maaskad na wika niya. Ang tanging nais niya ay ang tulungan si Divri kahit hindi niya alam kung paano. "Pakawalan n'yo siya, please, Eli. Gagawin ko ang lahat ng gusto ninyo."

"Sino'ng may sabi sa 'yong mas mahalaga ka kaysa sa kanya?" Sinipat ni Elior ng tingin si Divri. "Divri, my brother, how have you been?" anito sa wikang-anghel.

Agad tumimo sa isip niya, si Elior ay isang fallen angel. Kilala nito si Divri. At naunawaan din niya ang kahulugan ng sinasabi noon ni Divri na matagal na siyang minamanmanan ng mga anghel na itim. Inakala lang niyang nagmamanman ang mga ito mula sa malayo. Anong malay niyang boyfriend niya pala iyon?! Hindi na nakapagtatakang tumindi nang tumindi ang bangungot niya!

"Elior," pagkilala rito ni Divri sa tinig na halatang hirap.

"Elior, tigilan mo ito!" singhal ni Maricruz. Hindi siya nakatiis. Marahil hindi iyon ang pinakawais niyang hakbang ngunit hindi niya naawat ang sarili. "Ano ang kailangan mo sa akin? 'Wag mong sabihin sa aking hindi ako mahalaga sa 'yo, sa inyong lahat, kung noon pa nakabuntot ka na sa akin. Hindi ko gagawin ang gusto ninyo kung hindi ninyo siya pakakawalan! Pakawalan n'yo siya ngayon din!"

"Talagang malakas ang loob mo, Maricruz," tila naaaliw na wika ni Elior. Lumapit ito kay Maricruz. Ang mga guhit sa sentro ng mga mata ng lalaki ay kitang-kita ni Maricruz —kulay-abong magkakaiba ang tingkad. At dumilim iyon nang dumilim hanggang maging itim. Ginapangan siya ng kilabot. "Tumahimik ka. Wala kang silbi sa amin kundi ito lang kaya 'wag mong ubusin ang pasensiya ko."

Nagpatiuna si Elior palabas at sumunod ang mga kasamahan nito, bitbit silang dalawa ni Divri. Panay ang tingin ni Maricruz kay Divri. Hindi na ito makalipad dahil sa halos putol na mga pakpak, bagaman balot ng glamour ang katawan. Buhat na lamang ito ng mga anghel. Hiling niyang sana ay malapit lang ang kanilang destinasyon nang makapagpahinga na ang lalaki ngunit nanglalamig na siya nang husto ay patuloy pa rin sa paglipad ang mga ito. Labis-labis na ang pag-aalala niya para kay Divri. Nauuna ang mga ito at hindi niya na halos matanawan. Nagdurugo pa kaya ang sugat ni Divri?

Hindi makapalag si Maricruz kahit gusto niyang magwala. At sa kauna-unahang pagkakataon ay nakadama siya ng totoong galit sa sarili niya na hindi niya nagawang ilabas ang pakpak, kung mayroon man siya noon. Disin sana'y nakapalag man lang siya. Kapag pumalag siya ngayon ay malamang magwakas ang buhay niya kapag binitwan siya ng mga lintik na miyembro ng black team.

Sa wakas ay nakita ni Maricruz ang kanilang destinasyon. Isa iyong ordinaryong bahay sa isang malaking lupain. Mula sa itaas ay nakikita niya ang nagtataasang puno at sa gitna ay naroon ang bahay. Nang lumapag sila sa tapat noon ay kinilabutan siya sa pagkakita ng patak ng dugo papasok sa bahay. Dugo iyon ni Divri, tiyak niya. Nauna na itong ipasok sa loob.

"Ano ba ang kailangan n'yo sa akin?" patuloy na tanong ni Maricruz. Nais niyang makabuo ng plano, mag-isip ng paraan kung paano makakatakas sa mga ito o kahit man lang makahanap ng leverage.

Hindi tumugon ang dalawang may hawak sa kanya. Pagpasok sa loob ng bahay ay napansin niyang ordinaryo rin lamang iyon, bagaman halatang matanda na ang bahay. Ang mga pader ay yari sa bato. Mukhang bahagi ng Intramuros ang bahay sa kapal ng mga pader. Binuksan ng isang itim na anghel ang pintong yari sa makapal at tila antigong kahoy at itinulak siya papasok matapos siyang sa wakas ay bitiwan na.

Magkalapat ang kanyang mga ngipin upang pigilan ang kanyang sariling singhalan ang mga lalaki. Batid niyang mga nephilim ang mga ito. Higit na malakas ang presensiya ng mga tunay na anghel, malinaw na sa kanyang pandama ngayon. At ngayong naiisip niya ay naunawaan niyang nadarama rin niya ang pagkakaiba ng fallen angel at isang hindi. Ang presensiya ni Elior ay may hatid na kaba sa kanya na maihahalintulad niya sa isang napakasamang kutob na hindi lamang niya nadarama sa dibdib, kundi isinisigaw din ng himaymay ng kanyang katawan, parang usok na bagaman manipis ay ninanakaw ang kanyang atensiyon, binabagabag siya. Ang presensiya ni Divri ay makapangyarihan sa paraang maihahalintulad niya sa pananabik at pangamba sa isang bagay na hindi niya alam—parang nagbabadya ng panganib, kundi man ay kaligayahan. Habang ang dalawang unggoy na may hawak sa kanya kanina, mga nephilim, ay mahina ang presensiya.

The men who were holding her looked menacing. Guwapo ang mga ito ngunit may dating na mala-wife-beater, mukhang mabangis at hindi sa paraang mukhang anghel. Pinangalanan niya ang dalawa sa isip niya: sina Bangis at Bagsik.

"Nasaan si Divri?" tanong ni Maricruz. Nang hindi sumagot ang mga nephilim ay inulit niya ang tanong. "Nasaan si Divri, sabihin ninyo sa akin!"

Ang nakabukang kamay ni Bangis ang humampas sa kanyang panga. Napasandal siya sa pader sa lakas ng impact. Parang matatanggal ang ulo niya sa leeg at luluwa ang mga mata. Kusang tumulo ang luha niya sa sakit ng atake. Mukhang hindi makapayag si Bagsik na hindi makakapanakit sa kanya kaya itinaas din nito ang palad at akmang sasampalin siya nang natagpuan niya ang tinig.

"Ituloy mo nang wala akong gawin sa kahit na anong gusto ninyong ipagawa sa akin. Ang kakapal ng mukha n'yo! Sino ba kayo?! Sino'ng magulang ninyo? Balita ko, sikat ang tatay ko rito. Baka makatikim kayo!"

Mukhang natauhan ang dalawa. At ang cha-chaka siguro ng magulang ninyong tao! Mas papasa kayong manok kaysa angel! Magpa-Belo kayo ng palong para puwede na kayong model ng KFC, ang sasama ng ugali ninyo! Pati babae sinasaktan ninyo!

Ang kaba at galit sa dibdib ni Maricruz ay napakabigat. Nagmuwestra ang dalawang nephilim na maglakad na siya. Mayroong spiral na hagdan pababa. Kailangan ding doon dumaan ng mga ito sapagkat selyado iyon at makitid, yari sa bakal, walang puwang sa paligid upang liparan. Habang bumababa si Maricruz ay palala nang palala ang kanyang masamang kutob. Nang ganap na niyang marating ang basement ay nakita niyang malawak iyon. Higit iyong malawak sa bahay sa itaas, mataas din ang kisame.

Para iyong sinaunang underground tunnel, panahon ng mga Hapon. Tulad ng bahay ay yari sa bato ang pader ng basement, may ilaw sa gitna at sa ilalim ng ilaw ay naglalawa ang sahig sa tubig na marahil ay nagmumula sa tumutulong kisameng bato. Walang ideya si Maricruz kung saan nanggagaling ang tubig. Mayroong mga lamesa sa paligid, mayroon ding dalawang pintuang bakal sa kaliwa at kanang panig. Isang pintuang kahoy ang makikita sa dulo.

Noon narinig ni Maricruz ang pamilyar na ungol ni Divri. Nagmumula iyon sa likod ng pintuang bakal sa kaliwa. Akmang tatakbo siya patungo roon nang hilahin siya nina B1 at B2 patungo sa kanang pintuan. Doon siya isinalya papasok ng mga ito saka isinara ang pinto. Agad siyang tumayo at sumilip sa kuwadradong butas ng pintuan na kalebel ng kanyang mukha. May rehas ang butas na marahil ay kalahating bond paper ang laki.

"Pakawalan ninyo ako!" sigaw ni Maricruz.

Tila walang narinig ang dalawa at nagtungo sa pintuang katapat ng sa kanya, ang pinto kung saan nagmumula ang tinig ni Divri. Naghintay lang sina B1 at B2 sa labas ng pinto.

"Hoy, mga sisiw! Pakawalan ninyo ako!" sigaw muli ni Maricruz.

Sa wakas ay pumihit si Bagsik, malalaki ang naging paghakbang patungo sa kanyang kulungan. Napalunok siya ngunit hindi natinag. Binuksan nito ang pinto at agad niya itong sinapak. Malakas iyon kaya napapihit ito. Tinadyakan niya ang pang-upo ng nephilim na napasadsad sa pader. Dama ni Maricruz ang lakas niyang dala ng matinding galit. Pumasan na siya kay Bagsik, ipinaikot ang mga braso sa leeg nito.

Hinigit ng nephilim ang braso ni Maricruz ngunit bago siya nito tuluyang mapaalis sa pagkakapasan ay kinagat niya ang tainga nito.

"Ahhh! Papatayin kita!" sigaw ni Bagsik, dinampot siya at ipinatong sa balikat saka isinalya sa katreng sinauna. Kumuha ito ng patalim at itinaas ang kamay. Bahagya na lamang niyang nauulinig ang mga ingay mula sa labas.

"Marco!" sigaw ni Elior.

Napatingin si Maricruz sa pinto. Mukhang galit na galit si Elior, kinuha ang punyal mula kay Bagsik na Marco pala ang pangalan. "Hindi siya puwedeng patayin! At ikaw, Andreas, hindi mo man lang siya pinigilan!" baling nito kay Bangis.

"Wala naman itong silbi sa atin! Pabayaan mo na ako!" Animo hayop na nagngangalit sa galit si Marco, umiigting ang mga panga, nanglalaki ang mga mata. Batid ni Maricruz na isang pag-oo lang ni Elior ay hindi mangingiming si Marco laslasin ang leeg niya. At sa kabila ng panghihilakbot niya ay batid niya sa puso na hindi niya ito mapapayagang magtagumpay nang basta-basta.

"Tumigil ka!" babala ni Elior kay Marco, saka inutusan si Andreas na ilabas na ang lalaki. Naiwan silang magnobyo sa silid.

"Ang kapal mo! Akala ko good catch ka!" singhal ni Maricruz.

"Alam mo, hindi ka namin puwedeng patayin sa ngayon pero hindi ibig-sabihin na hindi ka namin puwedeng saktan. Why don't you be a good girl instead, huh?"

Naniwala siya ritong kaya siya nitong saktan ngunit kailangan niyang malaman kung ano ang nangyayari kay Divri. "Si Divri? Kumusta ang lagay niya?"

"'Wag mong alalahanin ang isang iyon." Tumalikod na ito. Isinara nito ang pinto at sumilip sa puwang. Mula roon ay ihinulog nito ang isang malaking balahibong puti na batid niyang nagmula sa pakpak ni Divri. Napaiyak na siya. Naghintay siyang marinig na mawala ang mga yabag ni Elior saka siya sumilip sa puwang.

"Divri?" sambit niya. Hindi masyadong magkalayo ang kanilang kinalalagyan at kahit hindi siya sumigaw ay maririnig siya ng lalaki. Ngunit wala itong anumang naging tugon. Pinilit niya ang sariling pakinggan at damhin ang presensiya ng anghel. Buhay pa ito. Para siyang nakahinga nang maluwag. "Magpagaling ka agad. Tatakas tayo rito, Divri. Ready ako."

Tahimik siyang umiyak, naunawaang hindi simpleng crush ang nadarama niya para sa anghel sa kabilang selda.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro