Chapter 17
"Diyos ko!"
Agad tumalon sa ilog si Maricruz nang makitang lumulutang-lutang doon ang katawan ni Divri, nakalahad ang mga pakpak, nakatihaya at mukhang nagpo-floating. Lamang ay may bahid ng dugo ang pantalon nito, gayundin ang pakpak. Hindi rin nakaligtas sa kanyang pansin ang panang nakabaon sa pakpak ng anghel at punyal sa balikat nito.
Nang umalis ang anghel kanina ay natakot si Maricruz mag-isa sa bahay kaya nagtago siya sa kakahuyan. Kani-kanina lang ay natanawan niyang mayroong bumabagsak na anghel ngunit bago pa niya makilala kung ito si Divri ang pigura ay natakpan na ng mga puno ang line of vision niya. Naghanap siya at heto nga ang lalaki.
Salamat at marunong siyang lumangoy. Hirap man ay nagawa niyang iahon si Divri. Umuungol ito. Napangiwi si Maricruz nang hugutin ang punyal sa balikat ng lalaki at pana sa pakpak nito. Kinailangan niya itong itaob upang mabunot din ang mga pana sa likod nito.
Napaiyak na siya. Kung tao si Divri ay paglalamayan na ito mamaya. Ngunit humihinga pa ito kaya nabuhayan siya ng pag-asa. Hila-hila niya ito pabalik ng bahay, salamat sa kanyang kakaibang lakas. Maayos niya itong ihiniga sa sofa, nilinisan ang mga sugat, saka naalangan kung papalitan ang pantalon ng anghel.
Hindi ito ang oras para ma-conscious! Palitan mo na!
Mabilis ang kilos ni Maricruz nang alisin ang pantalon ng lalaki at napasinghap sa kabila ng lahat. Walang panloob ang anghel! Shet! First time niyang makakita ng bird. At isa iyong agila!
Pinagpawisan ng malamig si Maricruz, lalo na nang maunawaan niyang dapat niyang punasan ang buong katawan ni Divri. Ano ba ito? Kunwari nurse ako. Simpleng nurse na ginagawa ang trabaho sa isang nag-aagaw-buhay na pasyente. Isang nurse na hindi masagwa kung mag-isip para pagnasahan pa ang isang anghel na nakahubad at malinamnam.
Sa kamamadali ni Maricruz ay tumundo ang kuko niya sa sensitibong bahagi ng katawan ni Divri, dahilan upang bigla itong mapaungol, kasabay ng bahagyang pag-arko ng katawan nito.
"Sorry! Diyos ko po!" bulalas ni Maricruz.
"Ikaw ang papatay sa akin, Mari," mahinang sambit ng lalaki. Kung sa tao ay iyon marahil ang tinig ng isang naghihingalo.
"Sorry! Sorry talaga, ha? Ngayon lang ako nakakita ng ganyan, eh. Nate-tense ako. Nate-tense ako sa 'yo. Ano ka bang lalaki ka? Umalis kang buo, umuwi kang halos thigh-breast-wing na lang. Tandaan mong kahit may pakpak ka, hindi ka chicken."
May nakitang ngiti si Maricruz na gumuhit sa mga labi ng anghel. Nakahinga siya kahit paano. Nagmamadali na siyang kumuha ng pamalit na damit na hindi rin niya naisuot dito. Nakaladlad ang pakpak ng lalaki, mahirap suotan. Kinumutan na lamang muna niya ito, naghanda ng bimpong pamunas.
Sa pagkakataong iyon ay naoobserbahan niyang naglalaho ang dugong pumapatak mula kay Divri patungo sa sahig makalipas ang ilang minuto. Hiling ni Maricruz na sana ay agad na gumaling ang lalaki. Nakapikit pa rin ito bagaman alam niyang gising, isang bagay na lalong nakapagpahirap sa kanyang kalooban. Gising ang lalaki sa buong panahong sumasakit ang katawan nito. Kahit pala noong halos nabali ang pakpak nito ay gising ito. Isa iyong torture, naisip ni Maricruz, at siya ang nahihirapan para sa lalaki.
Magdamag na hindi natulog si Maricruz at bawat ungol ni Divri ay nakaasiste siya. Kahit sinabihan siya ng lalaking magpahinga na ay hindi siya nakinig. Nang makita niyang natutuyo na ang sugat nito sa balikat ay saka lang siya naglatag sa tabi ng sofa. Doon na siya nahiga at nakatulog.
Nang magising siya ay nakaupo na ang lalaki sa sofa, nakamasid sa kanyang mukha. Agad napabalikwas ng bangon si Maricruz.
"Okay ka na?" Dumako ang kanyang mata sa balikat ng lalaki. Wala nang bakas ng sugat doon. Agad siyang tumayo at tiningnan ang likod nito kung saan ito napuruhan. Napangiwi siya. Sariwa pa ang sugat doon at malalaki, parang mga maliliit na bulkan, gayunman ay hindi na nagdurugo. "Ano ang gagawin ko para bumuti ang pakiramdam mo?"
"Wala." Ngumiti si Divri. "Gusto lang kitang makita. Kumain ka na ba?"
Bigla ay parang mayroong humaplos na mainit na palad sa puso ni Maricruz. Heto at siya pa ang inuunang isipin ng lalaki. Iningusan niya ito. "Okay lang ako. Hindi ako ang may tama, ikaw. Ano ba ang nangyari sa 'yo kahapon?"
"May nakalaban akong mga itim na anghel at nephilim. Marami sila."
Tuwing nababanggit ng lalaki ang salitang "nephilim" ay kinikilabutan si Maricruz—kahit siya ay ganoon din diumano. Sana ay hindi na lang naging ganoon ang sitwasyon. Sana ay naging totoong tao na lang siya, tutal naman ay abnormal na nephilim siya, hindi makalipad dahil walang pakpak.
"'Wag ka nang aalis ulit nang hindi ako kasama, Divri, please. Promise mo sa akin. Natatakot ako kapag wala ka."
Inabot nito ang kanyang kamay at pinisil. "Promise."
Sa pagtatama ng mga mata nila ng anghel ay biglang sumasal ang dibdib ni Maricruz. Na-conscious na naman siyang naririnig nito iyon ngunit hindi ito nagkaroon ng kahit na anong komento; sa halip ay inilapat ng lalaki ang palad ni Maricruz sa dibdib nito. Damang-dama niya ang bilis ng tibok ng puso ng anghel. Tiyak niyang puso nito ang bumabayo sa pagkakataong iyon dahil kahit paano ay naging alerto na siya sa paglakas ng kanyang pandama bilang isang nephilim.
"D-Divri..." sambit ni Maricruz, napapalunok, hindi alam kung ano ang tamang maging reaksiyon.
"Ngayon alam mo na," sambit ni Divri.
"N-na?"
Lumapad ang pagkakangiti ng lalaki. "Na crush din kita."
Ganoon na lang ang pag-iinit ng mukha ni Maricruz. Napalabi siya, saka umingos at niyakap ang lalaki. Iyon lamang ang paraan na naisip niya para maipabatid dito kung gaano siya kasaya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro