Chapter 16
ANO'NG problema? Natutulad ako sa 'yo, Mari. Heto, ang bilis ng tibok ng puso ko pero hindi ako natatakot. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito at iyon ang ikinakatakot ko. Hindi ko alam kung bakit nagkaganito. Hindi ko alam kung bakit gusto kitang kasama. Hindi ko alam kung bakit masaya ako kapag tumitingin ako sa 'yo. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay nandito pa ako. Narinig ko na ang pagtawag ng mga kasamahan ko sa akin, pero pinili kong ignorahin—ang tunog ng shofar para sa lahat ng sundalo na narito sa panig na ito ng mundo. Nagbingi-bingihan ako, Mari, dahil hindi kita maiwan. Natatakot akong makita ka nila.
At lahat ng iyan ay hindi ko naiintindihan. Ang malinaw lang sa akin ay may mga tanong akong hindi ko mahanapan ng sagot at parang walang makakapagpaliwanag sa akin. Hindi ko alam kung bakit kailangan kitang patayin dahil hindi ka tulad ng ibang nephilim. At ngayon, hindi ko alam kung bakit naiisip kong ilang tulad mo kaya ang tinapos ko ang buhay nang ganoon na lang.
Hindi ako dapat magtanong. Maling-mali iyon. It's the reason why some of my brothers fell. And I don't want to be one of the fallen.
Mariing naipikit ni Divri ang mga mata nang muli ay marinig niya ang alingawngaw ng shofar, ang trumpetang yari sa sungay ng lalaking tupa. Sa pagkakataong iyon ay higit na mahaba ang tunog ng instrumento, ibig-sabihin ay mismong si Michael ang dumating upang sila ay pulungin. May pagtangis sa puso niya at nais niyang lumipad patungo sa mga kapatid.
Subalit sa ideyang iyon ay nabawasan ang kanyang "zeal" na kanina lamang ay lumiwanag nang husto. Ang zeal ang liwanag na nagmumula sa mismong anghel na tulad niya—konektado sa kanilang damdamin. Nadarama iyon ni Divri noon sa tuwing pakiwari niya ay nasusunod niya ng tama ang misyon, nabibigyang-kasiyahan ang nagbigay-buhay sa kanya.
Sinulyapan ni Divri si Maricruz, ang nakataas na kilay ng dalaga, ang nagtatanong nitong mga mata. Nag-iwas siya ng tingin.
"Divri?"
"Kailangan kong umalis. Saglit lang. Babalik ako agad."
Agad na nabahiran ng pag-aalala ang tinig ni Maricruz. "Saan ka pupunta? Iiwan mo ako rito? Paano kung dumating sila?"
Mayroong pagbigat sa dibdib ni Divri na makita ang dalaga sa ganoong kalagayan ngunit naisip niyang marahil ay maaari niyang makausap si Michael upang ipaliwanag sa pinuno ang lahat. Marahil, makakaunawa si Michael, may karunungan ang pinuno na wala sa iba, at kung mauunawaan nito ay magiging ligtas na si Maricruz. Kailangang sumubok ni Divri.
"Saglit lang ako. Wala kang dapat ipag-alala, Maricruz, hindi nila maiisip na nandito ka."
Tila pilit na pilit ang pagtango ng babae. Inabot ni Divri ang palad nito at pinisil, saka lumipad paalis. Sinundan ni Divri ang maninipis at mala-bahagharing silahis ng araw na batid niyang tanging mga anghel lamang ang nakakakita. Salamat at hindi niya kailangang lumayong maigi dahil agad niyang nakita sa kalangitan ang formation ng mga kapatid. They were all cloaked and hidden under their glamour so that no human can see them.
Dumiretso si Divri sa kanyang puwesto sa pormasyon at diretsong tumingin sa unahan, nakalagay ang magkabilang kamay sa tagiliran. May kaba sa puso niya, hindi alam kung ano ang magiging reaksiyon ni Michael. Noon lamang nakadama si Divri ng ganoon. Sa katunayan, lahat ng nararansan niya ngayon ay bago sa kanya. Sa kabila ng pangamba ay batid niyang ililigtas niya si Mari, sapagkat iyon ang sa tingin niya ay tama.
Ang tinig ni Michael Arkanghel ay pumailanlang nang mabuong ganap ang pormasyon—daan-daang anghel, may iisang ritmo ang tahimik at payapang paggalaw ng mga pakpak. Napalunok si Divri nang marinig ang sinabi ni Michael sa kanilang wika:
"It is with a heavy heart that I'm announcing this news—the leader of the seventieth order has fallen. Zuri has joined the other side."
Bigla ay halos malunod si Divri sa lungkot na bumalot sa lahat, animo solidong bagay na dumagan sa kanyang dibdib. Kasabay niyon ay ang libu-libo na namang tanong na nabuo sa isip niya. Sadya bang hindi maaaring baliin ang mga panuntunan at ipinag-uutos? Ah, hindi niya dapat maisip ang ganoong bagay ngayon.
Nagpatuloy ang mga anunsiyo, tungkol sa mga magagandang balita at mga habilin. Hanggang sa maghiwa-hiwalay na sa kanya-kanyang pangkat ang mga anghel. Umalis na ang iba. Ang natira ay si Michael at ang bagong pinunong pumalit kay Zuri, isang anghel na nagngangalang Iythiel, na agad kinausap si Divri.
"Hindi ko gusto ang mga balitang natanggap ko tungkol sa 'yo, Divri," taimtim na wika ni Iythiel.
Alam na ni Divri ang iba pang sasabihin ni Iythiel kaya humiling siyang kung maaari ay si Michael ang kanyang makausap. Pinagbigyan siya ni Iythiel, gayundin ni Michael. Yumukod si Divri sa pinunong arkanghel, at nang tumalikod na si Iythiel ay saka niya sinabi ang nais kay Michael. Mahaba ang naging paglalahad niya, ipinaliwanag maigi ang sitwasyon dito.
"Ni hindi niya alam kung paano gamitin ang pakpak niya. Parang... parang mayroong mali," pagtatapos ni Divri sa mahaba at kompletong salaysay.
Taimtim ang reaksiyon ni Michael, matatalino ang mga matang tila nakakabasa sa kalooban ni Divri. Higit sa kanya ang kaalaman ng pinunong anghel. "May simpleng misyon tayong lahat, Divri. Hindi tamang magpatuloy ka sa ginagawa mo. Sa katunayan, kahit hindi ka lumapit sa akin ay talagang kakausapin kita dahil alam ko ang nangyari noong nakaraan. Nang tumakas ka kasama ang nephilim at iwan ang mga kapatid mo sa isang laban."
"Alam kong kaya nilang manalo sa laban," tugon ni Divri.
Iba ang itinugon ni Michael. "Sabihin mo sa akin kung nasaan ang nephilim."
Agad nakadama ng kaba si Divri. "At?"
"Madaling matutupad ni Iythiel ang misyon mo para sa iyo."
Agad si umiling si Divri, may galit na nakapa sa puso. Nagtiwala siyang mauunawaan siya ng arkanghel ngunit nagkamali siya. At hindi siya papayag na mapahamak si Maricruz dahil sa kanya. Lumingon siya sa paligid. Tanging siya, si Iythiel at Michael ang naroon. Ngunit kahit dalawa lamang ang mga ito ay tiyak niyang masusundan siya kung tatalilis siya.
"Divri?" pukaw ni Michael.
"Gusto ko munang mapag-isa at mag-isip."
"Ikinalulungkot kong hindi iyon puwedeng mangyari. Kailangan mong sabihin kung nasaan ang nephilim."
"Ayokong sabihin, Michael."
"Kailangan kang ilayo sa kanya, kung ganoon. Ayokong madagdagan ang bilang ng mga tulad ni Zuri na natuksong magkasala." Tinawag ni Micheal si Iythiel. Mabilis na ang tibok ng puso ni Divri, tiyak na ibabalik siya ng mga ito sa kanilang tahanan. At kung sa ordinaryong pagkakataon ay walang maririnig na reklamo ang mga ito sa kanya—sino ang hindi nais muling marinig ang tinig ng mga serapin, ang makita ang ibang kapatid niya na hindi bumababa sa lupa?
Ngunit sa mga sandaling iyon ay hindi makapayag si Divri ang bumalik sa langit. Hindi niya maaaring iwan si Maricruz. Hindi tama ang mga nangyayari. Kikitilin ng mga anghel ang buhay ni Maricruz nang ganoon na lang.
"Isa akong sundalo, Michael, ang lugar ko ay kung nasaan ang aking misyon," giit ni Divri.
"Kung ganoon, sabihin mo kung nasaan ang nephilim," wika ni Michael, walang pagkainip ang tinig.
Maricruz, iyon ang pangalan niya. Maricruz... tandaan mo sana, Michael. Hindi Nephilim. Hindi siya basta "nephilim" na para bang uri ng hayop. Maricruz. Maricruz. Maricruz! sigaw ng isip ni Divri na hindi lumabas sa kanyang mga labi.
"Bibigyan kita ng ibang misyon, Divri," wika ni Iythiel. "Kailangan mong mapalayo sa nephilim. Alam mo 'yan—"
"Marami silang paparating," agaw ni Michael.
Naging alerto si Divri, gayundin si Ihythiel. Higit na malakas sa kanila si Michael kaya mas nauna nitong nadama ang presensiya ng mga kalaban. Ang mga kasamahan nila ay wala na at dahil sa tagal ng paglalahad ni Divri kanina kay Michael ay marahil ganap nang nakalayo ang mga iyon patungo sa kanya-kanyang misyon.
"Ilan sila?" si Iythiel.
"Maraming-marami. Maraming-marami, Iythiel."
Inilabas ni Michael ang shofar ngunit bago pa nito iyon maitapat sa mga labi ay isang pana ang tumama roon, dahilan upang mabitiwan ng arkanghel ang instrumento. Kanina pa nailabas ni Divri ang kanyang mga espada, gayundin si Iythiel, ngunit sa pakiwari niya ay hindi nila makakayang labanan ang apat na grupong papalapit—mga grupong nagmumula sa kanluran, silangan, norte at timog—daan-daang nilalang na itim ang pakpak.
Nagsimula nang magliparan ang pana mula sa itim na hukbo at animo umuulan sa dami iyon. At walang kalasag si Divri. Bumulusok siya ng lipad sa pinakamabilis na paraang kaya niya. Mukhang hindi siya ang puntirya ng kalaban sapagkat hindi siya sinundan ng mga pana. Ang puntirya ng mga ito ay si Michael, ang pinakamahusay na arkangel at pinuno nilang mga sundalo; ang anghel na lumupig kay Azza—na pinuno ng mga bumagsak na anghel; ang arkanghel na siyang pinuno ng hukbong nakatalo sa mataas na pinuno ng kasamaan sa giyera sa langit.
Nahagip ng kamay ni Divri ang shofar, at sa isang kisap-mata ay mayroong tumamang punyal sa kanyang balikat, dahilan upang mabitiwan niya ang instrumento. Lumingon siya at nakita ang isang babaeng nephilim ilang metro ang layo sa kanya. Dalawang punyal pa ang initsa nito sa gawi niya. Sa pagkakataong iyon ay nakailag siya at hirap man ay muli niyang tinangkang abutin ang shofar na patuloy na bumabagsak patungo sa lupa.
Muling may tumamang punyal sa kanya, sa pagkakataong iyon ay sa pakpak, saka niya nadama ang magkakasuod na pagtama ng pana sa kanyang likuran. May nadama siyang mainit na likidong lumabas mula sa kanyang mga labi ngunit ininda niya ang sakit, itinapat sa mga labi ang shofar at hinapan ng malakas.
"Napatunog na niya ang shofar!" narinig ni Divri na isinigaw ng isang nephilim, nanglalabo na ang diwa. Ang tanging alam niya ay darating na ang kanyang mga kapatid. Sana ay ligtas si Michael.
At sana mabuhay pa ako para iligtas si Maricruz...
Sa paikot-ikot na pagbagsak ni Divri sa lupa sa pabilis nang pabilis na tiyempo ay lumarawan sa kanya ang maamong mukha ni Maricruz, ang ngiti nito, ang pagtaas ng kilay, ang paglabi. Napangiti siya, nagmulat ng mata, pilit iginalaw sa tamang paraan ang pakpak sa gayon ay makontrol ang paglipad kahit paano, kahit pa nga parang pinupunit sa sakit ang kanyang kalamnan at ugat.
Sa pagpihit niya ay nakita niya sa kaitaasan na nagkalat na sa sari-saring direksiyon ang mga miyembro ng itim na hukbo, at sa dako pa roon ay nadarama niya ang presensiya ng kanyang mga kapatid—isang buong sandatahan upang iligtas sina Michael at Iythiel.
Lumipad siya patungo kay Maricruzsa abot ng kanyang makakaya. Lumipad siya hanggang sa isasagad ng kanyanglakas. Bigla ay labis ang pangungulila niya sa dalaga. Ang imahe ng mukha nitoang nasa isip niya nang sumadsad siya sa tubig.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro