Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 15

"Patayin mo ang apoy!" bulalas ni Maricruz kay Divri. Medyo mataas na ang apoy sa harap ng anghel.

Iginalaw ni Divri ang pakpak ngunit lalo lamang niyong pinataas ang apoy sa labas ng bahay. Lumipad papasok ng bahay ang lalaki at nang lumabas ay may bitbit nang isang drum na tubig na siyang ibinuhos nito sa apoy, na napuksa na sa pagkakataong iyon.

Noon lang nakita ni Maricruz na mayroong nakapatong na kawali sa mga kahoy na nagliyab kanina. Napalingon siya sa paligid. Isang mesa mula sa loob ng bahay ang nasa isang tabi at sa ibabaw ay nakapatong ang ilang de-lata at ilang mga gulay na tanim o tumubo sa paligid.

Napatingin si Maricruz kay Divri. "Pakipaliwanag."

Tila nahihiyang hinawakan ni Divri ang likod ng ulo. "Sumusubok akong magluto. Natutulog ka pa kasi. Para 'kako paggising mo, may pagkain ka na. Wala akong magawa dito."

Nilapitan ni Maricruz ang mesa. Nagpasalit-salit ang tingin niya sa mga items sa ibabaw noon at sa anghel na ang cute-cute. Iniisip pala ng lalaking puwedeng almusalin ang ginisang siling labuyo. Sa dami ng hiniwa nitong sili, hindi na magtataka si Maricruz kung magkaalmuranas siya sa pagkakain niya ng kung anuman ang balak lutuin ng anghel.

"Ano namang recipe ang tinangka mong lutuin? Saluyot-alugbati-okra omelette with siling labuyo? Breakfast na breakfast ang dating, ah?" tudyo ni Maricruz.

"Kumakain ka naman ng mga gulay na 'yan, hindi ba? Kahapon, nagluto ka ng itlog. Napansin ko ring mahilig kang maglagay ng sili sa kinakain mo," agad depensa ni Divri.

"Oo nga, pero masarap lang ang mga gulay na ito kung diningding o paisa-isa. Kung io-omelette mo, para akong kumain ng sipon niyan. Yuck, 'di ba?" Biglang napatawa si Maricruz.

Kunot na kunot ang noo ng anghel, lumapit kay Maricruz, kumuha ng sili, parang hindi natuwa sa narinig. "Dinidikdik mo ito sa toyo kahapon. Naaalala ko."

"Oo, pero hindi ako kumakain ng ginisang sili. Gusto mo bang umusok ang ilong ko sa anghang?" Parang na-offend ang anghel. Nakagat ni Maricruz ang ibabang labi at nilapitan ito. "Sorry na. Ikaw naman kasi. Okay lang sa aking magluto. O kung gusto mo, tuturuan kita. Isa pa, bakit ka rito nagluto sa labas, eh, may kalan naman sa loob?"

"Ayaw umapoy."

"Baka wala nang gas. 'Wag ka nang magtampo, baby with wings." Napahagikgik si Maricruz dahil tunog-sanitary napkin ang nasabi niya. Pero ano nga kaya ang feeling kung matatawag niyang "baby" si Divri? "Uy, 'wag ka nang magtampo."

"Hindi naman ako nagtatampo masyado."

"Huu, nakausli na ang nguso mo, eh."

Biglang napangiti si Divri, iniligpit ang mga nasunog na gamit nang biglang tumayo. Agad na nakita ni Maricruz na namumula ang mga mata nito, tumutulo ang luha. Agad niya itong nilapitan.

"Ang hapdi sa mata," anitong itinuro ang sili habang pikit nang pikit, maging ang ilong ay namumula na rin. Ang lakas ng tawa ni Maricruz. Ikinuha niya ito ng bimpo ngunit nang bumaba siya ay wala na ito sa labas. Hinanap niya ang anghel sa kabahayan ngunit hindi niya ito nakita. Agad siyang kinabahan.

"Divri? Divri!" ani Maricruz nang muling makalabas. Nang hindi tumugon ang lalaki ay agad niyang tinakbo ang kakahuyan. Parang nagbalik siya sa panahon kung saan bigla na lang naglaho si Nanay Amalya. Ang kaba niya ay ganoon na lamang katindi. Ang destinasyon niya ay ang sapa na malapit-lapit din sa mansiyon. Nang makarating doon ay para siyang nabunutan ng tinik. Hayun ang lalaki, nakalublob sa tubig.

Nais pagalitan ni Maricruz ang anghel ngunit sa huli, ang tanging nagawa niya ay mapabuntong-hininga. Sa bawat pagpatak ng tubig mula sa katawan nito ay parang nais niyang maki-join sa paliligo. Nilingon siya ng lalaki, nakangiti.

"Halika."

'Wag mo akong tuksuhin, loko, sa isip-isip ni Maricruz. Nakuntento na lamang siya sa pagmamasid sa naliligong anghel, naupo sa isang bato. Ibinuka ni Divri mga pakpak mayamaya. Napakaganda nitong pagmasdan at hindi na siya nagtataka sa kung gaano kahusay ang lumikha rito. May kinang sa sinag ng araw ang mga pakpak nitong napakakinis at naunawaan ni Maricruz na nais niyang tumitig lang sa nakamamanghang nilalang.

Nang umahon si Divri ay napansin ni Maricruz na nagbalik ang literal na glow nito, ang liwanag na nagmumula mismo rito. Inilahad ng lalaki ang kamay sa kanya na agad niyang tinanggap. Nang makatayo ay hawak ni Maricruz sa dibdib ang hininga, hindi mapakawalan. Gadali ang lapit ng mga mukha nila ni Divri. Nabura ang ngiti sa mga labi ng anghel at agad binitiwan ang kanyang kamay.

"D-Divri?"

Tumalikod ito, tila nalilito. "Ang mabuti pa, umuwi na tayo."

Hindi maunawaan ni Maricruz ang inaakto ng lalaki. Lumayo ito at ikinampay ang mga pakpak upang tumalsik ang tubig mula roon. Lumipad ito, mababa lang ang distansiya sa kanya. "Tara."

Ganoon? Maglalakad ako, ikaw lilipad? Fine. Naglakad na nga siya habang mas nauuna ang lalaki sa kanya, lumilipad. Maya't maya ay nakikita niyang sinusulyapan siya nito na mayroon pa ring ganoong reaksiyon sa mukha—na para bang tinatangkang kunin ang square root ng one million, forty-nine thousand, eight hundred forty-four point zero nine.

"Ano'ng problema, Divri?" hindi nakatiis na tanong ni Maricruz.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro