Chapter 14
Lalo nang nag-palpitate si Maricruz. Hindi lang siya nag-palpitate, pinagpawisan pa ang kilikili niya. Sa puntong iyon ay kunot na kunot na ang noo ni Divri. Saka lang naunawaan ni Maricruz ang isang bagay—hindi alam ng anghel na bukod sa pagkatakot ay may iba pang dahilan ang mabilis na pagtibok ng puso ng isang tao. She was instantly fascinated. Ano nga ba ang alam ng isang anghel? Hindi ba ito pamilyar sa konsepto ng mga damdamin ng tao? Hindi ba at matagal na ito sa mundo? Napaka-weird, kung ganoon.
"Hindi ako natatakot, Divri," ani Maricruz sa lalaki.
Muling lumapat ang palad nito sa dibdib niya at sa pagkakataong iyon ay lumapat din ang kabila nitong palad sa kanyang likod, sa gayon ay hindi siya makaiwas sa tila pagkilatis nito sa tibok ng puso niya—na natural na biglang bumilis dahil sa ginagawa nito.
"Hindi ako nagkakamali," kunot-noong tugon ng anghel.
"Oo, pero hindi ako n-natatakot." Ni sa hinagap ay hindi naisip ni Maricruz na kakailanganin niyang ipaliwag ang konsepto ng attraction sa ibang nilalang. Kunsabagay ay ano nga ba ang alam nito doon kung hindi pa nito iyon nararanasan?
Lalo na itong lumapit sa kanya at tulad noong huli ay pumaikot sa kanya ang pakpak nito na siyang bahagyang nagtulak sa kanya palapit dito. Muli, dinama nito ang kanyang pisngi, tila ba noon lamang nakakita ng tulad niya.
"Ano'ng nararamdaman mo?" tanong nito.
"Nate-tense ako! Ano ba?!" bulalas ni Maricruz.
"Natutuwa ako sa 'yo." Ngumiti ang lalaki, tila naaaliw sa nakikita nito. Tumango ito mayamaya. "Nate-tense ka dahil sa akin. Ano ang eksaktong dahilan?"
Hindi mo ba talaga alam ang concept ng crush? "Dahil naguguwapuhan ako sa 'yo," ingos niya. Iyon lang ang kaya niyang ibigay na paliwanag.
"Kaya ka kinakabahan? Bakit ako, hindi ako kinakabahan kahit nagagandahan ako sa 'yo?"
"Eh, hindi mo kasi ako crush."
Sukat bigla itong tumawa. "Crush mo ako?"
"Slight. Akala ko hindi mo alam?"
"Alam ko. Alam ko lahat pero... hindi ko alam kung paano." Muli nitong hinaplos ang kanyang pisngi. "Alam ko kung bakit namumula ang pisngi mo, naiintindihan ko na ngayon na crush mo ako. Pero hindi ko alam kung ano ang pakiramdam."
"Wala, kinakabahan ka lang, ganoon. Kapag nakita mo ang crush mo, medyo nagba-blush ka ng konti. Mararamdaman mo iyong 'butterflies in your stomach.' Parang may lumilipad sa sikmura mo."
"Kaya parang nakakatakot din?"
Biglang napatawa si Maricruz. "Hindi. Ganoon lang ang feeling pero masarap siyang maramdaman. Kilig, ganoon. 'Wag mong sabihing hindi mo alam ang pakiramdam ng kinikilig? Kunsabagay, hindi ka kumakain at umiinom. Hindi ka rin dumi-jingle bells. Malamang, hindi mo nga alam kung ano ang kilig." Bigla siyang bumuhanglit ng tawa. Kunot na kunot ang noo ng lalaki. "Ganito ang kilig, panoorin mo." Nag-demonstrate siya kung paano ang kiligin habang tawa siya nang tawa. Tumawa na rin ang lalaki. "Tawa ka nang tawa, hindi mo naman naiintindihan!"
"Naiintindihan ko. Ganito." Ang lalaki naman ang umaktong kinilig, ginaya lang ang ginawa ni Maricruz. Inilagay nito sa tagiliran ang magkabilang bisig saka iginalaw ang katawan. Pero hindi comedy ang labas dito ng aktong iyon, kundi erotic. Kung nandito ang janitress sa opisina nila, malamang naglulupasay na iyon sa kilig. Bigla siyang napalunok. Ano bang malay niyang maging ang pagtatangka nitong sakyan ang patawa niya ay magiging ganoon ka-sexy? Sa bawat galaw nito ay gumagalaw ang tila banat na banat na abs at pecs nito.
Makasalanan ang tumingin sa anghel na ito! Nagkakasala talaga siya!
Kumunot ang noo nito at naisip niyang marahil pinakikiramdaman na naman nito ang tibok ng puso niya. Sorry, hindi niya kayang ibalik sa normal ang tibok noon. At ganitong nakatingin ito sa kanya ay lalo na siyang kinakabahan. Nakakaloka ito!
"Kakain na nga ako!" irap ni Maricruz, tumalikod na. Mabilis ang hakbang niya patungo sa kusina. Nang sumusubo na siya ay dumating si Divri, nakangiti. "Ginagawa mo akong pang-aliw, 'no?"
"Pang-aliw? Hindi 'yan uso sa akin."
"Upo ka." Tumalima ito. "Ano naman ang gagawin natin habang nandito tayo? Ni walang TV dito." Gayunman ay duda siya kung mabo-bore siya basta't kasama niya ang anghel na ito. Sana lang ay matuto itong sagutin ang mga tanong niya. Ang hirap dito, parang ayaw nitong pag-usapan ang mga bagay na natural lang na makainteres sa kahit na sinong tao.
Nephilim, paalala niya sa kanyang sarili kahit para sa kanya ay hindi iyon makatotohanan. Paano niya mapaniniwalaan na isa siyang anak ng anghel gayong hindi big deal sa kanya ang mga kakatwang kakayanan niyang hindi rin naman niya masyadong pinagtutuunan ng pansin. Oo at hindi siya nagkakasakit, mas maliksi at mas malakas siya sa iba, pero hindi iyon malaking bagay para makabago sa takbo ng normal na sanang buhay niya.
"Ano'ng mangyayari sa 'yo kapag kumain ka?" tanong ni Maricruz kay Divri.
"Hindi ko alam. Hindi ko pa nasusubukan."
"Kung hindi ka kumakain, hindi ka... nagbabawas?"
"Nagbabawas ng ano?"
"Ang ibig kong sabihin, hindi ka nagbabanyo?"
"Ah..." Tumango si Divri, tila naunawaan ang sinasabi ni Maricruz. "Hindi."
"Talaga? May lamang-loob ka ba?"
Ang lakas ng tawa ng lalaki. "Ikaw pa lang ang nagtanong niyan sa akin. Siyempre meron."
"Hindi ka nagkaka-ulcer na hindi ka kumakain?"
"Hindi ako tao, kahit mukha akong tao."
"May point ka." Napatango siya. "Iyong salitang gamit mo, naiintindihan ko. Ano ang tawag doon?"
"Divine Language. Nakikilala ng dugo mo ang salita. Nilikha iyon para sa mga tulad natin, walang bansa o etnisidad na kinikilala, nauunawaan ng lahat."
"Cool." Tinapos na ni Maricruz ang pagkain, saka nagligpit at magkasama nilang tiningnan ni Divri ang mga silid sa bahay. Mayroong second floor ang mansiyon at may mahigit dalawampung silid sa itaas. Lahat ng mga silid ay halos wasak tulad ng sala, bagaman bakas ang minsang karangyaan ng mga iyon. "Ano ba ang nangyari sa lugar na ito?"
"Ito ang isa sa pinakamalaking kuta nilang nakita namin. Ang huli kong pagkaalala sa lugar na ito ay kulay pula ang pader at may lawa ring pula sa sahig."
Halos nakikinita ni Maricruz sa isip niya iyon. Pula ang paligid dahil sa dumanak na dugo. Base sa nakita niya kay Divri ay iba ang dugo ng anghel, iyon ay tumutulo rin ngunit mabilis matuyo at natutuyong walang bakas na naiiwan. Marahil ay ganoon din ang dugo ng mga nephilim. Hindi niya iyon naoobserbahan sa sarili dahil kapag nagkakasugat siya na mayroong tumutulong dugo ay agad niya iyong pinupunasan at itinatapon ang tissue o bulak. Pero napansin niyang mabilis gumaling ang sugat niya kumpara sa sugat ng ibang batang kalaro niya, pero hindi pa rin kasing-bilis ng paggaling ng sugat ni Divri noong halos naputol ang pakpak nito.
Nang buksan ni Maricruz ang isang pinto sa loob ng dulong silid ay nakita niyang imbakan iyon ng sari-saring gamit. Mula damit hanggang mga de-lata.
"Ayos!" bulalas niya. Hindi siya gugutumin doon at makakapagpalit din siya ng damit. Pangbabae at panglalaki ang mga damit na naroon. "In fairness, Dolce ito, original."
Naunawaan niyang hindi nakaka-relate sa kanya ang lalaki nang makita niyang nakakunot lang ang noo nito. Ipinaliwanag niya rito kung ano ang niyang sabihin at umiling ito. "People. That won't matter in the end."
Natigilan siya. Tama ito. Wala siyang maikomento. "Malapit na ba ang end?"
"You don't know anything, do you?" nakangiting tanong nito. Napalabi si Maricruz, naikunot ang noo. "I'm just a soldier. Walang nakakaalam ng sagot sa tanong mo. At kanina ko pa iniisip na ngayong magkasama tayo, maganda sigurong matutunan mong gamitin ang pakpak mo."
"Sinabi ko na sa 'yong wala akong pakpak." Bigla siyang nangliit. Bigla ay pahiyang-pahiya siya. Kailan pa ikinahiya ng isang babae na wala itong pakpak? Siya lang yata ang ganoon. Abnormal yata siyang nephilim dahil wala siyang pakpak. Ang kapatid niya ay nilabasan ng pakpak noong mga bata pa sila. Beinte-siyete anyos na siya ngayon. Kulang dalawang dekada na niyang pinapalabas ang pakpak niya at kung mayroon siya noon, napakahusay naman noong magtago. Bigla, pakiramdam niya ay isa siyang abnormal na manok, imablido. Kulang ng hustong bahagi ang kanyang katawan.
"Kailangan mong makalayo sa kanila. Paano kung mawala ako?" si Divri.
"'Wag kang OA, hindi ka mawawala. Pangalawa, wala akong pakpak. Bakit ba ipinipilit ninyong meron? Ako ang may katawan at tiyak kong wala akong pakpak. Naaalala ko pa kung paano pinalabas ng Kuya ang pakpak niya. Ilang ulit ko nang ginawa iyon pero wa epek."
"Kung ganoon, tayong dalawa ang susubok. Tuturuan kita. Kailangan mo iyon, Maricruz."
Napabuntong-hininga na lamang siya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro