Chapter 10
Tumango ang anghel. "Ginagawa ko lang ang misyon ko."
"Kung misyon mong patayin ako, ano naman ang misyon ng tulad ko? Alam mo ba kung nasaan ang kapatid ko?" Umiling ito. "Alam mo ba kung saan nila dinala si Eli? Iyong lalaking kasama ko?" Muli ay umiling ito.
Nakagat ni Maricruz ang mga kuko, natensiyon na naman. May hinala siyang hindi siya makakatakas sa anghel na ito. At kung sa huli ay papatayin din siya nito ay kailangan niyang magpakalayu-layo. Ang tanong ay kung paano. Bukod doon, ano pang buhay ang babalikan niya kung hindi niya kasamang babalik si Elior? Ngayon ang tamang oras para mag-hysteria siya ngunit nanatili siyang kinakagat ang kanyang mga kukong upod. Pagod na pagod siya at wala nang enerhiya pa.
"Kailangan sigurong itago natin ang sasakyan. Isa pa, baka makita ka ng mga tao."
"Sinabi ko na sa 'yo na hindi kami nakikita ng tao."
"Oo nga pala. Nate-tense na ako, pasensiya na."
"Kahit ikaw, hindi ka makikita ng mga ordinaryong tao kung gusto mo. Hindi nila nakikita ang pakpak natin. Kapag lumilipad tayo, may kakayahan tayong takpan ng glamour ang katawan natin. Pero puwede tayong hindi magpakita sa mga tao kung gusto natin."
"Wala nga akong pakpak. Mamaya na natin pag-usapan, okay?"
Wala nang pagpipilian pa si Maricruz. Sa ngayon ay hindi niya tiyak kung ano ang mangyayari sa kanya sakaling bumalik siya sa Maynila, iyon ay kung pagbibigyan siya ni Divri na makalayo. Mamaya ay makasuhan pa siya ng carnapping.
Bumaba na si Maricruz sa sasakyan at nagtungo sa driver's seat. Sa kabilang bahagi sumakay si Divri. Kaya nga pala talaga nitong "itago" ang pakpak nito, sa gayon ay mukha itong regular na tao.
"'Yan ba 'yong glamour na sinasabi mo?" tanong ni Maricruz.
"Hindi. Itinupi ko lang ang pakpak ko. Bakit hindi mo alam ang mga ganitong bagay?"
"Hindi ko nga alam. Hindi ko kayang i-explain. Napapagod na ako, Divri, sa kaka-explain. Wala akong alam."
Hindi na umimik ang lalaki. Mukhang ubod nang liit bigla ang passenger's seat dahil sa lalaki. Sadyang malaking tao ito, marahil mahigit sa anim na talampakan ang taas.
Pinaandar na ni Maricruz ang sasakyan. Habang tumatakbo iyon ay hindi nakaligtas sa kanyang pansin ang pagiging mapag-usisa ng anghel. Binuksan nito ang glove compartment at kinutingting ang laman noon.
"Oy!" ani Maricruz mayamaya nang itaas ng anghel ang magkakadugtong na pakete ng condom. Nag-init ang kanyang mukha. Natural na hindi niya alam na may ganoon si Elior. Binalak ba ng nobyo niyang gamitin sa kanya iyon? Hindi niya alam.
Nakataas ang magkabilang kilay ng anghel, tila hindi alam kung ano ang hawak nito at walang balak magpaliwanag si Maricruz. Inagaw niya ang condom at ibinalik sa lalagyan ngunit tila paawat ng anghel. Muli nitong kinuha iyon at binuksan ang isa. Lihim na lamang napabuntong-hininga si Maricruz. Hinigit-higit ng anghel ang condom, tila namamangha doon. "Ano ito?"
Gustong mapakamot sa ulo ni Maricruz. Wala sa bokabularyo niya ang ipaliwanag sa isang anghel kung ano ang hawak nito, saan iyon isinusuot, at kung bakit. "Lobo 'yan. Hinihipan para gawing laruan. Isauli mo na lang sa lalagyan," aniya.
Lalong tila namangha ang lalaki. Nagsimula itong hipan ang condom. Pinabayaan na lamang niya ito bagaman napapangiwi at natatawa rin. Nang mapalobo ang anghel ang condom ay pinaputok din nito, saka muling inusisa ang loob ng glove compartment. Lahat ng makita nito roon ay inaamoy nito, binabaligtad, kinukutingting. Kahit ang flashlight ay binukas-sindi nito, bagaman hindi ibinalik sa glove compartment, bagkus ay ibinigay sa kanya. "Kakailanganin mo ito."
Pinagtuunan naman ng pansin ng anghel ang backseat. Ang jacket ni Elior ay kinuha rin nito at ibinigay sa kanya.
"Mag-T-shirt ka rin kaya? Alangan namang maglakad kang nakaganyan lang? O gusto mo bang lumipad habang naglalakad ako?" suhestiyon ni Maricruz.
"Hindi tayo maglalakad."
"Hindi ako marunong lumipad."
Pinakatitigan siya nito sa puntong nailang siya. Iniliko na lamang niya ang sasakyan sa isang dirt road.
"Hindi mo kayang palabasin ang pakpak mo?"
"Wala nga akong pakpak na palalabasin."
"Imposible. Nagpapanggap ka lang, Nephilim."
"Ay, ano ba 'to? Kanina ko pa sinasabi. Sige, palabasin mo ang sinasabi mong pakpak ko. Kapag napalabas mo, mananalo ka ng masigabong palakpakan." Mas marunong ka pa sa akin, eh, katawan ko ito.
Tila nauwi sa malalim na pag-iisip ang anghel. Hindi na ito inistorbo ni Maricruz. Nang makakita siya ng talahiban ay doon niya dinala ang sasakyan at nang sa tantiya niya ay sapat na ang distansiya upang hindi na makikita ang sasakyan mula sa dirt road ay iniwan na niya iyon doon.
"Divri, kung matagal ka na sa mundo, bakit wala kang alam sa gamit ng mga tao?" tanong ni Maricruz.
"Hindi ako kabilang sa pangkat na nakikihalubilo sa mga tao. Bihira ko 'yong gawin. Kaunti lang ang alam ko."
"Kailangan natin ng lugar na mapagpapahingahan," ani Maricruz, isinusuot ang jacket ni Elior. Mukhang walang balak ang anghel na magdamit kaya bahala ito sa buhay nito.
Inilagay ni Maricruz sa isang maliit na drawstring bag na nakita niya sa kotse ang ilang mga gamit na kinuha nila mula sa kotse—flashlight, army knife, etc.
Pumaikot kay Maricruz ang bisig ni Divri at napasinghap siya nang bumuka ang pakpak nito. Dama niya ang hanging bumuga dahil sa pag-igkas ng mga iyon. Parang kay sarap haplusin ng mga pakpak—napakaputi, makintab, at napakaganda. Muli siyang napasinghap nang umangat sila sa lupa. Manghang-mangha pa rin siya sa pakpak nito. Bagaman nakita na niya iyon kanina ay wala siyang pagkakataong makilatis iyon, makita, hangaan. It was majestic, strong yet looked so very delicate. Divri was ethereal. At dapat lang talaga sapagkat ito ay isang anghel.
Kapit na kapit si Maricruz sa lalaki pero hindi nagtagal ay napanatag din siya. Damang-dama niya ang lakas nito, lalo na ng pakpak nito. Sa bawat pagpagaspas noon sa ere ay ipinapakita noon sa kanya na kahit gaano siya kabigat ay walang kaso iyon dito.
Bigla siyang napatawa sa sobrang pagka-high bigla. Lumilipad sila! Nasa ere siya at natatanaw niya sa ibaba ang mga ilaw na animo mga alitaptap—malalayo ang distansiya sa isa't isa, sari-sari ang kulay. Lalo na siguro kung nasa siyudad sila.
"Hawakan mo ako nang maigi sa baywang ko, Divri, ha!" ani Maricruz sa anghel. Mukhang nahuhulaan nito kung ano ang naiisip niyang gawin at ipinihit siya nito, nakapaikot sa baywang niya ang bisig. Inilahad niya ang mga kamay sa ere, tawa pa rin ng tawa, tuwang-tuwa na animo isang batang nakasakay sa Ferris Wheel. Marahil ganoon ang kasiyahan niya at pagkamangha dahil na rin sa mga nangyari sa loob lamang ng mahigit isang araw. Isa pa, noon pa niya nais mag-bungee jumping. Higit pa ito kaysa roon! "I believe I can fly! I believe I can touch the sky!" awit niya, walang pakialam kahit parang papel na gumagalaw ang mga pisngi niya sa pagpasok ng malakas na hangin sa kanyang nakabukang bibig.
Tumawa si Divri. Malakas at buong-buo iyon. Hindi ito nagkomento, bagkus ay inilayo pa siya rito, parang nais siyang bigyan ng layang "lumipad" sa sarili niya.
"I think about it every night and day, spread my wings and fly away!" Ipinikit ni Maricruz ang mga mata, iginalaw-galaw na parang ibon ang mga braso. Ngunit natigilan siya nang makitang sa 'di kalayuan ay mayroong mga pigurang lumilipad. Sa bilang niya ay mahigit lima ang mga iyon.
"Divri! Tingnan mo!" Itinuro niya ang mga iyon sa lalaki.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro