Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

KUNG HINDI MO BINASA ANG NAKARAANG MGA CHAPTER AT NAG-SKIP SA CHAPTER 1, MALILITO KA SA KUWENTO NG SERYE.

____



"Mari, sasama ka ba sa aking magbenta? Sumama ka na. Sige na."

Tumango si Maricruz sa kanyang kaibigang si Carmen, saka nilingon ang kanyang ina sa loob ng barong-barong nila. Mukhang natutulog ang babae, lamang ay nakamulat ang mga mata nito. Tuwid na tuwid ang katawan nito sa pagkakahiga sa katre, hindi gumagalaw. Nakatitig lamang ito sa kisame at batid ni Carmen na kahit kumaway siya sa tapat ng mukha nito ay hindi nito mapapansin. Madalas na ganoon ang kanyang ina. Dalawa lang ang karaniwang ginagawa nito sa mundo—ang matulala at ang magsisigaw.

Lumapit si Maricruz sa ina. "'Nay, aalis na po ako. Magbebenta lang po ako ng sampaguita para may pambili tayo ng pagkain mamaya. Darating din naman si Kuya agad. Ang sabi niya may pupuntahan lang daw siya diyan sa kanto. Relax lang kayo, Nanay, para parati kayong maganda, ha? Alam naman ninyo, Binibining Pilipinas kayo ng buhay ko," nakangiting paalam niya rito. Kahit madalas na sabihin ng kakambal niya—ang kanyang Kuya Ravelo, na hindi raw tumatagos sa tainga ng kanilang ina ang mga sinasabi nila, ay hindi niya magawang hindi kausapin ang babae.

Alam ni Maricruz na hindi na kikilos sa pagkakahiga ang kanyang ina kaya iniwan na niya ito. Tiyak niyang pabalik na rin ang kuya niya. Sumama na siya kay Carmen. Napansin niyang dalawang kamay ng kaibigan ang may bitbit ng mga tali ng sampaguita.

"Akin lang ito. Dadaan pa tayo kay Aling Rose para sa sampaguita mo," masayang wika ni Carmen. Mas matanda ito ng dalawang taon kay Maricruz. Onse anyos na ito, siya ay siyam. Nag-aaral ito sa umaga, nagbebenta ng sampaguita sa hapon. Ilang ulit na niyang hiling na sana ay makapag-aral din siyang tulad nito ngunit mahirap iyong gawin dahil walang magpapaaral sa kanya.

Ang tanging kasama ni Maricruz sa buhay ay ang kanyang ina at ang kanyang Kuya Rav na kakambal niya. Nakapag-grade one hanggang grade three siya noon, silang magkapatid. Iyon ay noong panahong kasama pa nila sa bahay si Lola Malou. Ngunit pumanaw ang matanda may isang taon na rin. Sa pagtutulong-tulong ng mga kapitbahay ay naipalibing ito. Ngunit mula nang mawala si Lola Malou ay wala nang sumuporta sa kanilang magkapatid.

Ang kanilang ina ay namulatan na nilang tulala at minsan naman ay sigaw nang sigaw. Ang paliwanag ni Lola Malou ay nagkaroon lang daw ng sakit ang babae. Hindi masyadong maunawaan ni Maricruz kung ano eksakto ang sakit na iyon; ang sabi lang ni Lola Malou ay bigla na lang daw nagising ang ina ni Maricruz na sigaw nang sigaw. Sayang nga daw dahil nang mangyari iyon ay nagsisimula pa lamang sa pagmomodelo ang babae. Kadarating pa lamang daw nito at ni Lola Malous sa Maynila mula sa Mindoro. Lumuwas ang dalawa dahil sa paanyaya ng isang producer ng show na magmodelo ang ina ni Maricruz. Sasali na sana ang babae sa Binibining Pilipinas nang mabuntis ito.

Naaalala ni Maricruz na sinabi rin ni Lola Malou na sa isang magandang bahay sila nakatira noon. Pitong buwang gulang daw sila ni Kuya Rav nang umalis sila roon upang lumipat sa isang mas maliit na bahay at kalaunan ay nauwi sila sa kung saan siya nakatira ngayon.

Kakatwa marahil ngunit sa tuwing ikinukuwento kay Maricruz ng kanyang lola ang lahat ng iyon ay parang naaalala nga niya—kahit pitong buwan pa lang siya nang maganap ang lahat. Noong una ay ikinukuwento niya ang lahat ng naaalala niyang iyon sa matanda at natatawa ito sa kanya. Hindi raw posibleng naaalala niya ang lahat ng iyon dahil wala pa siyang isip noon. Imahinasyon lang daw niya marahil ang umiiral.

Marahil nga. Sapagkat sa lahat ng alaala niya ay mayroong parang nakabalot na liwanag sa paligid—isang maliwanag na maliwanag na ilaw na halos nakakasilaw sa mata. Kung hindi man matinding liwanag ay mayroong saklob ng matinding kadiliman ang alaala na para bang ulap kapag uulan. Parang telebisyon na bagong patay, parang imahe bago tuluyang pumikit ang mga mata.

"Tiyak na makakaubos na naman tayo!" bulalas ni Carmen, mukhang masayang-masaya. "May suwerte kang dala, Mari. Tuwing magkasama tayo, nauubos lahat ng sampaguita ko."

Totoo ang sinasabi ni Carmen. Hindi kailangan ni Maricruz na mangumbinse sa mga pinagbebentahan nila ng sampaguita; basta't kapag inalok niya ang mga iyon ay bumibili na. Ang sabi ni Carmen ay suwerte daw siya, saka mahirap daw tumanggi sa kanya dahil maganda na ay "tisay" pa siya. Mukha daw siyang Amerikana, kahit pa nga ang kulay ng kanyang buhok ay itim na itim.

"Kaya dapat may porsiyento ako sa kita mo, Carmen," biro ni Maricruz sa kaibigan. "Tama na sa akin kahit isang Coke lang."

Ngiti ang itinugon nito, sanay na sa mga biro niya. Nagsimula silang magbenta ng sampaguita matapos dumaan kina Aling Rose. Wala pang isang oras ay naubos na nilang lahat ang kanilang paninda. Masayang-masaya si Carmen. Si Maricruz man ay ganoon din. Marami siyang benta at ang kita ay maibibili niya ng pancit. Dumaan silang magkaibigan sa karinderya at nang makabili na siya ng panghapunan ay umuwi na.

Nadatnan niya ang kapatid sa bahay. Mayroon na ring pancit sa mesa. Hindi lang pancit, may tinapay at menudo pa.

"Kuya, nakabili ka na pala ng pagkain. Saan ka kumuha ng pera?"

Ngumiti si Kuya Rav. "Madiskarte ako. Nagbenta ka ng sampaguita?"

Tumango si Maricruz, inilagay ang pancit na dala sa pinggan. "Ang bilis ko ngang makabenta, Kuya, eh! Siyempre, alam mo naman itong kapatid mo, talagang hindi matanggihan dahil ubod nang ganda at manang-mana sa ina. Hindi ba, 'Nay?" Nilingon niya ang babaeng nakahiga pa rin nang tuwid na tuwid sa kama. "Kumain na ba si Nanay, Kuya?"

Umiling si Rav. "Ikaw na ang magsubo sa kanya."

Tumango si Maricruz. "'Nay, kakain na po. Hmmm, sarap ng pancit, 'Nay. This is nutricious and delicious, rich in vitamins A, B, C, up to Z," pagpapakuwela niya. Nang manatiling nakatulala ang babae ay lihim siyang napabuntong-hininga. Hinigit niya ang kamay nito, inalalayan ang likod. Sanay na siyang igalaw ang katawan ng babae kapag ganoong ayaw nitong kumilos. Nang makasandal na ito sa pader ay sinubuan na niya ito. Ayaw nitong ibuka ang bibig. "Nanay, kumain na po kayo, sige na."

Marahang-marahan, ibinuka ng babae ang bibig. Pinakain na ito ni Maricruz, isang mahabang proseso, at nang matapos ay siya naman ang kumain. Nang nagliligpit na siya ay lumapit sa kanya ang kapatid. Seryoso ang anyo nito. "Mari, may itatanong ako sa 'yo." Tumingin si Maricruz rito, naghihintay. "Alam mo bang sa liit mong 'yan, hindi posibleng kaya mong igalaw ang katawan ni Nanay mag-isa?"

Hindi inaasahan ni Maricruz na iyon ang sasabihin ng kapatid. "Ha? Pero kaya ko naman, Kuya. Hindi naman ako nagrereklamo."

"Alam ko. Ang tanong ko lang sa 'yo, hindi mo ba napapansin na malakas ka?"

"Alam ko 'yon, Kuya. Kaya nga ayaw akong kalaban nina Carmen sa Chinese garter, eh. Panis sa aking tumalon kahit pinakamataas na."

"Paano kung sabihin ko sa 'yong noong sabihin mo kay Nanay na kumain na siya ay iba ang salitang lumabas sa bibig mo?"

Naguluhan siya. Hindi niya maunawaan ang sinasabi ng kapatid niya. Paanong ibang salita? Nakadama siya ng kaba sa puso. Hindi kaya at nahahawa na ang kanyang kapatid sa kanilang ina? Ayaw mang tanggapin ng puso niya ay kailangan niyang aminin na mayroong problema sa pag-iisip ang kanilang ina. Minsan sa tindahan ay narinig niya ang usapan ng mga ale doon at ayon sa mga ito, ang kabaliwan daw ay namamana. Kung namana iyon ng kuya niya ay parang hindi niya kayang mag-alaga ng dalawang may lamat ang katinuan.

"Kuya, kumain ka na ba? Baka nagpapalipas ka ng gutom—"

"Hindi ako baliw!" Tumaas ang tinig ni Rav. Sadyang mainitin ang ulo nito, kabaligtaran ng personalidad ni Maricruz. Kung siya ay palabiro at masiyahin, si Rav ay mainitin ang ulo at madalas na seryoso. "Hindi mo ba nararamdaman na iba tayo? Hindi dahil may problema si Nanay, kundi dahil iba tayo sa mga tao, Mari."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro