Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 8

CHAPTER 8



DECEMBER 14, 2017



"APOY NG PAGSINTA"

Apoy ang pagsinta ko;

Tumutupok sa puso.

Lagablab ng pag-ibig,

Hindi na malulupig.

Liyab nito, sinta ko,

Laan lamang sa iyo.

Kailanma'y 'di lalamig.

Ang init ng pag-ibig.

-Merry

(12/14/17)

"ANONG isinusulat mo?"

Agad kong itiniklop ang planner na pinagsusulatan ko ng mga tula ko nang biglang pumasok si Azarel sa loob ng kotse at maya-maya pa ay pinaandar na ito ng kanilang driver.

Uuwi na sana kami kanina kaya lang ay naiwanan ni Azarel 'yong gitara niya sa classroom nila, kaya agad siyang bumalik doon. Naiwanan ako rito sa loob ng kotse kaya naman ay naisipan kong ituloy 'yong ginagawa kong tula. Sa totoo lang, 16 na tula na ang nagagawa ko, pero ni isa wala pang nababasa 'yong taong pinag-aalayan ko nito.

"Wala, inilista ko lang 'yong mga activities na kailangang ipasa before Christman break," pagpapalusot ko.

Ang bilis ngang lumipas ang mga buwan dahil Disyembre na na naman. Walong buwan na pala 'yong nararamdaman ko kay Hezekiah, at hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin ako sa nararamdaman ko sa kaniya.

"Busy ka ba mamayang gabi?" tanong niya sa akin kaya napaisip ako.

Ano nga ba ang mga ipapasa naming mga assignment bukas? Sa pagkakaalam ko, wala silang ibinigay na assignment bukas dahil magde-decorate lang ng classroom ang gagawin bukas.

"Hindi naman, bakit mo natanong?" tanong ko naman sa kaniya.

Humugot muna siya ng malalim na hininga, at kita ko ang pagpatak ng pawis mula sa gilid ng kaniyang noo. "Gusto sana kitang yayain..."

Napangisi naman ako sa inasal niya. "Saan naman?"

"Star gazing sana tayo sa San Alidrona Park tapos dadamhin natin 'yong malamig na simoy ng Disyembre."

"Sige, payag ako pero magpapaalam muna ako kina mommy."

Sigurado naman ako na papayag si mommy na sumama ako dahil may tiwala naman siya kay Azarel. Ilang buwan na rin naman na kaming magka-close, at alam kong kilala na siya ni mommy. Isa pa, lagi naming kasama si Azarel kapag nagsisimba kami, kaya tuwing pagkatapos ng misa ay inaasar niya ako.

"Sige, dadaanan na lang kita sa bahay niyo dahil uuwi lang ako saglit. Nakapag-paalam naman na ako," wika ni Azarel sa akin.

Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na kami sa bahay. Sa harap ng gate na ako ibinaba. Pagkapasok ko sa loob ng bahay ay nadatnan ko sina Kuya Mike at Kuya Melchi sa sala na naglalaro ng DOTA. Napatingin sila sa akin, at si Kuya Mike naman ay napangisi sa akin. Panigurado ay aasarin na naman niya ako.

"Wala pa ba sina mommy?" tanong ko.

"Wala pa," tugon ni Kuya Melchi, "bakit mo tinatatanong?"

"Magpapaalam sana ako," bahagya akong tumigil at ngumisi. "May pupuntahan kasi kami ni Azarel," dugtong ko at pabagsak na umupo sa sofa, at dinama ang pagod na naipon ko buong araw sa school.

"Saan naman kayo pupunta ni Azarel?" tanong ulit sa akin ni Kuya Melchi.

"Star gazing daw mamaya sa San Alidrona Park. Hindi naman kami magpapagabi masyado, eh," sagot ko.

"Ikaw, napapansin ko simula pa noong mga nakaraang buwan masyado na kayong close ni Azarel," paninita naman ni Kuya Mike. "Nililigawan ka ba niya? Kayo na ba?" sunod-sunod pa na tanong niya, at sa tono pa lamang ng boses niya ay masasabi ng nang-aasar talaga siya.

"Hindi kami mag-jowa ni Azarel!" giit ko at napatayo. Napahalakhak tuloy silang dalawa.

"Sige, magpalit ka na roon basta huwag kayong masyadong magpapagabi," sabi ni Kuya Melchi sa akin, kaya mas mabilis pa sa alas kuwatro akong nagtungo sa kuwarto ko at nagpalit.

Isinuot ko ang aking black pants at cream sweater dahil paniguradong malamig sa San Alidrona Park mamaya. Mahina pa naman ako sa lamig, kaya nga kahit hindi naman masyadong malamig ay parang nagye-yelo na sa lamig ang mga kamay ko.

Kinuha ko na ang sling bag ko nang tawagin ako ni Kuya Melchi dahil nasa labas na raw si Azarel. Napatingin ako sa wall clock at eksakyong alas sais pa lamang.

Pagkapasok ko sa kotse ni Azarel napatingin ako sa backseat at nagulat ako nang makita kong napakarami ng binili niyang pagkain. Siya na rin ang nag-drive. Nagdala rin siya ng banig na ilalatag mamaya.

"Ang dami naman niyan," wika ko habang pinagmamasdan ang mga pagkain.

"Ayos lang 'yan para tumaba ka," pang-aasar niya sa akin.

Lagi niya kasing pinupuna na dapat magpataba rin daw ako. Sabi ko naman, kahit gaano karami ang kainin ko wala akong magagawa dahil mabilis ang metabolism ko.

Pagkarating namin sa San Alidrona Park ay medyo madilim na ang kalangitan, mabuti na lamang ay may mga ilaw. Inilatag ko na ang banig at inilagay na rin niya 'yong mga pagkain.

Damang-dama ko na ang simoy ng Disyembre mabuti nalamang ay nagsuot ako ng sweater.

"Tig isang box tayo ng pizza, ah," sabi sa akin ni Azarel kaya nanlaki ang mga mata ko.

"Ano?! Ipauubos mo sa akin iyan? Ang dami kaya!" singhal ko sa kaniya kaya napatawa siya.

"Joke lang naman. Alam ko naman na dalawang piraso lang ang kaya mong ubusin," natatawang sabi niya kaya sinamaan ko siya ng tingin.

Tahimik lamang kaming kumakain na dalawa. Wala ni isang nagsasalita sa amin kaya naging awkward ang atmosphere. Bigla tuloy akong nailang.

Hanggang sa naubos ko 'yong dalawang slice ng pizza hindi pa rin siya nagsasalita kaya hindi na lang din ako umimik. Bakit bigla siyang ganyan? Ang tahimik niya naman yata bigla ngayon?

"May sasasbihin sana ako sa'yo," pambasag niya ng katahimikan kaya napatingin ako sa kaniya. Bakit parang bigla akong kinakabahan sa sasabihin niya?

"A-Anong sasabihin mo?"

"Ano kasi... hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa'yo, Merry."

Napatahimik ako sa sinabi niya at nag-umpisang mag-isip ng kung ano-ano. Hindi kaya may gusto siyang aminin sa akin? Imposible naman. Baka naman kasi may gusto lang talaga siyang sabihin.

"Joke lang! Wala akong sasabihin. Ang seryoso mo kasi, eh," sabi niya at halos mamamatay na siya sa katatawa niya kaya sinamaan ko ulit siya ng tingin.

"Nakakatawa ba iyon?"

"Ikaw naman kasi hindi mabiro."

"Mabuti na lamang at malamig dahil kung hindi mag-iinit talaga ang ulo ko."

"Oo nga, malamig na mabuti na lamang at nag-sweater ka," wika niya, "Isuot mo itong cap para hindi ka magkasakit dahil lumalamig na." Ibinigay niya sa akin 'yong cap na agad ko namang isinuot.

"Naalala ko tuloy noong nilagnat ka last month. Sobrang taas ng lagnat mo pero ayaw mong magpadala sa ospital."

"Lagnat lang naman iyon. Isa pa, gumaling din naman ako kaagad dahil binantayan mo rin ko," sagot ko kaya napangiti siya.

Natatandaan ko iyon, eksakto kasing walang pasok kaya dumalaw siya sa bahay. Dahil abala naman sa pagluluto sina Ate Weng, si Azarel muna ang nagbantay sa akin.

"Maiba tayo ng usapan, kakantahan na lang kita," sabi niya, at kinuha ang kaniyang gitara sa kotse.

Sinundan ko siya ng tingin habang kinukuha niya ang kaniyang gitara at hanggang sa muli niyang pag-upo sa aking harapan. Ilang saglit lamang, kasabay ng pag-ihip ng hangin, ay nagsimula na siyang tumugtog.

Napatitig ako sa kaniya habang siya ay tumutugtog. Ang ganda pala ng boses niya, hindi ko akalain na may ganiyan siyang talent.

Gustong-gusto ko talagang mapakinggan mabuti ang kaniyang boses pero inaantok na talaga ako at unti-unting bumibigat ang mga talukap ng mata ko. Pinipigilan ko na lamang ang sarili ko na matulog.

"Paulit-ulit kang iibigin,

Wala ka mang pagtingin sa akin.

Umiibig na talaga ako--

Umiibig kahit hindi ako ang gusto."

Bigla siyang tumigil sa pag-awit kaya nagtataka akong napatingin sa kaniya. Tatanungin ko sana siyang nang bigla siyang magsalita.

"Ito sana 'yong gusto kong sabihin sa'yo..."

Hindi ko na narinig lahat ng sinabi niya nang tuluyan na akong makatulog.

°°°

DECEMBER 15, 2017

NANGHIHINA akong nagtungo sa dining room habang humihikab. Imbis sana na lumakas ako dahil nakapagpahinga ako, kabaliktaran naman ang nararamdaman ko.

"Si Azarel nga pala ang nag-uwi sa'yo kagabi. Nakakahiya dahil buhat-buhat ka niya para maipasok dito sa bahay," sabi sa akin ni Kuya Mike kaya napatingin ako sa kaniya.

"Sana ginising niya na lang ako," halos pabulong na sagot ko atsaka uminom ng kape.

"Kagabi, bago siya umalis sinabi niya na hindi raw siya makasasabay sa'yo na uuwi mamayang hapon," sabi pa ni kuya.

"Bakit naman daw?" tanong ko naman pero nagkibit-balikat lamang siya.

Matapos kaming kumain ay naligo na ako atsaka nag-ayos para pumunta sa school. Si Kuya Mike na ang maghahatid sa akin dahil siya lang naman ang puwedeng maghatid sa akin dahil maagang umalis sina mommy kanina kasabay si Kuya Melchi.

"Masama ba ang pakiramdam mo? Nanghihina ka ba?" sunod-sunod na tanong sa akin ni Kuya Mike kaya napangisi ako.

"Yieee! Bigla ka yatang naging-concern, Kuya," pang-aasar ko kaya inirapan niya ako.

"Bahala ka nga sa buhay mo. Sige bumaba ka na," inis na sabi niya kaya mas lalo akong napangisi.

Bago pa man niya ako daldalan ay dali-dali na akong lumabas ng kotse niya at nag-tungo sa room.

Pagkapasok ko ay busy lahat ng mga kaklase ko sa paglalagay ng do-it-yourself na Christmas decors. Sina Rachelle at Rica naman ay busy sa ginagawa nilang belen kaya pumunta na lamang ako sa mga kagrupo ko para gumawa ng iba pang disenyo.

"Bakit maputla ka?" tanong sa akin ng isa kong kaklase.

"Hindi ko nga alam, eh. Feeling ko magkakasakit ako," sagot ko atsaka umubo.

Sa pag-ubo ko ay biglang nanikip ang dibdib ko at nahirapan akong huminga kaya agad kong kinuha ang inhaler ko.

"Magpahinga ka na lang muna. Kami na ang bahala dito," sabi naman sa akin Rein na ka-grupo, at inalalayan ako sa sulok kung saan may bakanteng upuan.

Epekto siguro ito noong nalamigan ako kagabi kasama si Azarel. Sana pala hindi na lang ako pumayag dahil feeling ko magkakasakit na naman ako. Lumapit sa akin sina Rachelle at Rica atsaka umupo sa tabi ko.

"Nilalagnat ka na yata, Merry," nag-aalalang sabi ni Rica.

"Ano bang ginawa mo kagabi?" tanong naman ni Rachelle

"Nag-star gazing kami ni Azarel kagabi sa San Alidrona Park," nanghihinang sagot ko kaya nagkatinginan silang dalawa.

Aasarin sana nila ako pero nakita nilang nakasimangot ako kaya hindi na nila itinuloy.

Maaga na akong nagpaalam sa teacher namin dahil masama talaga ang pakiramdam ko. Nasa labas na ako ng school at ite-text ko na sana si Kuya Mike para sunduin ako kaso naiwan ko pala sa bahay ang cellphone ko.

Nanginginig ang tuhod ko habang naglakad ako patungo sa malapit na drugstore para bumili ng gamot nang may madaanan akong pwesto kung saan may matandang namamalimos.

Gula-gulanit na ang suot nitong maruming damit, at gulo-gulo rin ang kaniyang buhok.

"Wala talaga akong maibibigay sa'yo. Kesa mamalimos ka riyan, magtrabaho ka na lang din. Kami nga nagpapakahirap magtinda tapos mamamalimos ka lang sa amin," sermon ng tindera kaya napayuko 'yong matandang pulubi atsaka lumakad papalayo.

Kahit nanghihina ako ay sinundan ko 'yong pulubi at agad kong kinuha 'yong biscuit na nasa bag ko dahil hindi ko iyon nakain.

"Ale, sa inyo na lang po itong pagkain ko. Pasensya na po kayo kung 'yan lang maibibigay ko," saad ko sa gitna ng mga mabibigat kong paghinga.

Inilahad ko sa kamay ng matanda 'yong biscuit kaya sumilay ang malawak na ngiti sa kaniyang labi.

"Maraming-maraming salamat talaga, hija. Pagpalain ka nawa ng Diyos," nakangiting sabi niya sa akin.

Kinuha ko sa bulsa ko 'yong bente ko at ibinigay sa kaniya kaya mas lalo siyang natuwa. Masayang-masaya 'yong matanda, pero mas masaya ako na nakikita ko siyang masaya dahil sa ginawa ko.

Lalakad na sana ako paalis ngunit biglang umikot ang paningin ko at nakadama ako ng matinding pagkahilo. Tila bumagal ang pagtakbo ng mga sasakyan sa highway, at ang maiingay na tunog na nagmumula sa mga sasakyan ay nawala.

Tuluyan akong bumagsak sa gilid ng kalsada. Pilit kong iminumulat ang aking mga mata, kaya naaninag ko ang ibang mga taong luampit sa akin.

Malabo man ang aking paningin, subalit naaninag ko pa rin ang isang lalaking patakbong lumapit sa akin at binuhat ako.

Sa pagbagsak ko sa ilalim ng ulan, may tila anghel na sumagip sa akin. At sa kaparehong eksena, sa ilalim ng tirik na araw, isang anghel na naman ang sumaklolo sa akin.

Pilit kong inaaninag ang kaniyang mukha, subalit tuluyan na akong nawalan ng malay.

***

"BAKIT ka tumigil sa pagbabasa? Iyan na ang pinakahihintay na part, eh!" pagrereklamo niya kaya napabungisngis ako.

Ito na nga iyong pinakahihintay na sandali kaya bahagya akong tumigil.

"Sandali lang kasi, pati kasi ako nae-excite kaya huminto muna ako," tugon ko naman kaya lumumbaba siya.

"Ituloy mo na, please," pagmamakaawa niya at kulang na lang ay lumuhod na sa harapan ko kaya itinuloy ko na lamang ang pagbabasa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro