CHAPTER 6
CHAPTER 6
AUGUST 05, 2017
MAY mga katanungan pa ring gumugulo sa isip ko tungkol sa nararamdaman ko. Kailan nga ba matatapos ang nararamdaman ko para kay Hezekiah? Bakit patuloy ko pa rin itong nararamdaman kahit na gusto ko ng matapos ito?
Apat na buwan na ang lumipas simula noong mahulog ako sa kaniya. Habang lumilipas ang mga araw, mas lumalalim ang nararamdaman ko sa kaniya kahit pigilan ko pa.
Isa pa 'yong friend request na in-accept niya. Parang wala naman akong naaalalang in-add ko siya noon dahil wala naman talaga akong planong i-add siya.
Muli akong napatingin sa isinulat kong tula kanina pagkatapos kong mag-review para sa quiz namin sa Advanced Computer Programming.
"IMAHINASYON"
Nakaupo sa ilalim ng maliwanag na buwan;
Magkahawak ang mga kamay at nagmamahalan.
Tila tayong dalawa lang hanggang magpakailanman—
Matatapos ang istorya sa walang hangganang pag-iibigan.
Ngunit ang panulat ay nawalan ng tinta—
Damdami'y naupos na parang kandila;
Nagising sa reyalidad na hindi tayong dalawa—
Pawang likhang-isip ko lamang pala.
-Merry
(08/05/17)
Matapos ko itong basahin ay isinama ko ang planner sa pinaglagyan ko ng diary ko, upang sa ganoon ay hindi ito basta-basta mabasa ng iba.
Pagkatapos no'n ay lumabas na ako ng kuwarto ko at dumiretso sa garden dahil napakaganda ng panahon.
Dumidilim na naman ang kalangitan at humahaplos na rin sa aking balat ang malamig na simoy ng hangin. Tila isinasayaw na rin ng hangin ang mga bulaklak sa hardin.
"Sapagkat iniibig kang tunay,
Hindi man lahat ng yama'y maibigay;
Hindi rin susungkitin ang mga tala--
Aking pusong dalisay ang iyong mapapala."
Nadaanan kong may imine-memorize na tula si Kuya Melchi. Bigla siyang napatigil nang makita niya akong paparating.
"Iyan ba 'yong 'Pagsintang Natatangi" ni MD Serene?" tanong ko.
Napatango naman siya at hindi maikaila ang ngiti sa kaniyang labi. Kitang-kita ko rin ang kasiyahan sa kaniyang kulay kapeng mga mata dahil sa pagsingkit nito.
"Aanhin mo naman iyan, Kuya?" tanong ko. "Wala naman iyang kinalaman sa research," dagdag ko pa.
"Huwag mo itong ipagkakalat, ah?"
Napakunot ang noo ko."Bakit naman?"
"Gusto ko kasi iyang i-deliver ang tulang yan sa isang babae," tugon niya habang nakaukit ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.
Ngumisi naman ako sa kaniya. "Sino iyang masuwerteng babae? Si Ate Karel ba o si Rica?" Napangiti naman siya nang banggitin ko si Rica.
"In love ka na talaga kay Rica!" pangangantsaw ko sa kaniya. "Pero paano mo naman iyan maide-deliver iyan sa kaniya? Aamin ka na ba?"
"'Yon na nga, eh. Ayoko pang umamin sa kaniya dahil wala akong lakas ng loob." Bakas sa boses niya ang pagkalungkot habang sinasabi niya iyan sa akin.
"Bakit naman? Bakit naman hindi mo magawang mag-confess sa kaniya?" nagtatakang tanong ko.
"Rejection. Natatakot akong ma-reject," pabulong na tugon niya atsaka napayuko.
"Siguro nagtataka ka kung bakit. Sa ngayon hindi mo pa maiintindihan pero balang araw maiintindihan mo rin lahat. Maiintindihan mo rin kung ano nga ba ang rejection," dagdag pa niya.
Hindi ko pa nasusubukan ma-reject pero alam ko naman 'yong pakiramdam. Sa dami na ng mga nabasa kong nobela, kahit na hindi ko pa nararanasan ang rejection ay alam ko kung gaano ito kasakit.
Pero paano kung balang araw ako rin ang humantong diyaan?
AUGUST 07, 2017
HALOS tumigil ang mundo ko nang maturo sa akin ang kabilang dulo ng bote at ang kabila naman ay sa kaklase ko. Napagpasiyahan kasi namin na maglaro na lamang ng spin the bottle dahil vacant period naman namin ngayon at wala kaming ginagawa.
"Truth or dare?" nakangiting tanong sa akin ni Jademark, kaklase ko, kaya napaisip ako.
Ano nga ba ang mas maganda? Kung ang dare ang pipiliin ko, alam ko naman na kahihiyan ang ipagagawa nila sa akin. 'Yong isa nga naming kaklase pinasayaw nila sa hallway.
Eh, kung truth na lang kaya?
"S-Sige truth na lang," napipilitang sagot ko.
Mayamaya ay napahalakhak si Jademark nang makaisip siya ng itatanong niya sa akin. Parang pinagsisisihan ko tuloy na truth ang pinili ko.
"Anong pangalan ng crush mo?" Halos mapunit ang labi sa tanong niya sa akin dahil abot tainga ang kaniyang ngiti.
Bakit sa dinami-rami ng tanong ay iyan pa ang itatanong sa akin? Parang gusto ko tuloy tumakas na lang. Dumagdag pa 'yong hiyawan ng iba ko pang mga kaklase na nag-aabang sa isasagot ko. Sasabihin ko ba o hindi? Pero wala namang mawawala kung sasabihin ko.
Kung iisipin, hindi naman nila ka-close si Hezekiah, at hindi naman namin siya araw-araw na nakakasalamuha, kaya hindi nila ako maaasar sa kaniya tuwing nandiyan siya.
"Dali! Sabihin mo na hindi naman namin ipagkakalat. Tayo-tayo lang na kasama sa game ang makakaalam," wika ni Kristel, kaklase ko.
"Fine, sasabihin ko na," buntong-hininga ko, "kilala mo iyon dahil violinist siya sa church." Kulang na lamang ay maglaho ako dahil sa labis na hiya.
Hindi ko mapigilang mapangiti at feeling ko talaga ay namumula ako. 'Yong iba kong mga kaklase na kasama sa game ay hindi nila kilala pero 'yong dalawa ay kilala nila.
"Si Kuya Hezekiah? Balita ko may nililigawan na iyon, eh," wika naman ni Kristel.
Kung kanina ay todo ang ngiti ko, ngayon naman ay napasimangot ako. May tila kumurot sa puso ko at hindi ko mapigilang malungkot. Ibig sabihin niyan, 'yong babaeng kasama niya doon sa book store noon, nililigawan niya talaga.
Akala ko kasi noon kaibigan niya lang dahil wala naman siyang masiyadong pino-post tungkol doon sa babae. Kaya in-assume ko na lamang na kaibigan niya lang iyon.
"Totoo ba 'yan?" tanong naman ni Rica.
'Yong mga kaklase naming kalaro namin kanina ay may mga kaniya-kaniya ng mga mundo dahil hindi na nila alam kung ano ang pinag-uusapan namin.
"Hindi ko sure. Pero i-stalk mo na lang sa Facebook si Kuya Hezekiah atsaka 'yong babae," sagot naman ni Kristel.
"A-Anong pangalan niya?"
"Lana Acosta," bahagya siyang tumigil at luminga sa paligid. "Nag-aral din siya rito noon, at kabilang din siya sa special section gaya natin," dugtong pa niya kaya napatango ako.
Buong araw ay walang laman ang isip ko bukod sa sinabi ni Kristel. Kung may nililigawan siyang ibang babae, at totoo 'yong kutob kong may namamagitan sa kanilang dalawa.
Bakit ba kasi hindi na lamang mawala itong naramdaman ko para sa kaniya?
"Kanina ka pa lutang. Ano ba ang iniisip mo?" tanong sa akin ni Rica kaya naman ay nagising ako sa malalim na pagkalunod dahil sa pag-iisip.
Napalinga tuloy ako sa mga kaklase kong busy na tumitipa sa kanilang laptop dahil siguradong ginagawa rin nila ang mga research nila. Nakita ko pa ang kaklase kong si Rowena na kunot na kunot ang kaniyang noo.
"Ha? S-Sa research kasi natin iniisip ko kung paano natin iyon matatapos dahil ang dami pa nating outputs sa ibang mga subject. Malapit na ang deadline," pagpapalusot ko.
Totoo naman na marami kaming gagawin. Sabay-sabay ang mga projects and assignments pero hindi naman talaga iyan ang iniisip. Ang iniisip ko ay tungkol doon sa nililigawan ni Hezekiah.
"Iyon pa talaga ang prinoblema mo. Puwede ka namang magpatulong kay kuya mo Melchi," sabi naman ni Rachelle.
Ibinalik ko na lamang ang aking tingin sa notebook ko kung saan ko isinulat 'yong draft ko para sa results and discussions ng research namin nina Rachelle at Rica.
Nang matapos ang time namin sa Research ay sumunod ang Math. Sakto pa naman na sa harap ako naka-upo, kaya kailangan ay makinig ako dahil malaki ang posibilidad na ituro kapag may iso-solve sa blackboard.
Hanggang sa sumapit na ang last subject namin, ang Electronics. Nakakainggit nga 'yong ibang mga estudyante dahil uwian na nila, samantalang kaming mga nasa special section ay may klase pa.
Kanina pa ako hikab nang hikab dahil ang boring mag-discuss ng teacher namin tapos umuulan pa sa labas. Ang sarap matulog nang matulog kapag ganitong umuulan. At least, kahit papaano ay gumagaan ang pakiramdam ko kapag umuulan.
Matapos ang Electronics namin ay nagpaalam na ako kaagad kina Rica at Rachelle dahil nandiyan na ang sundo ko. Bigla namang lumakas ang ulan na dahilan kung bakit mas naging traffic.
Nakatingin lamang ako sa labas ng bintana at pinapanood ang pagbuhos ng ulan. Napangiti ako dahil tila inaagos ng ulan ang lahat ng kalungkutang nararamdaman ko. Pagkarating namin sa bahay ay alas sais na ng hapon. Natagalan kami sa pag-uwi dahil sa traffic. Pagkapasok ko sa bahay ay nadatnan ko si Kuya Mike na may katawag na naman sa cellphone niya.
"Bakit grabe kang makatitig sa akin?" nagtatakang tanong sa akin ni kuya Mike.
"Wala. Nagtataka lang ako kung ano ba ang nakukuha mo sa pagpapalit-palit ng babae," wika ko kaya napatawa siya. Napailing na lang ako at nilagpasan siya.
"Sigurado ka bang babae ang katawag ko?" narinig ko pang sabi niya pero hindi ko na siya pinansin.
Pagkapasok ko sa kuwarto ko ay agad na akong nagpalit ng damit at ginawa lahat ng mga assignments namin. Mamaya na lang ako magdadrama tungkol kay Hezekiah dahil ang dami ko pang tatapusing assignments. Hindi ko pa maharap magdrama.
Saktong natapos ko ang mga assignments ko nang pumasok sa kuwarto si mommy.
"Halika na, kakain na tayo. Nandiyan din pala sila Azarel dahil inimbitahan ko sina tita mo Zandra dito," wika ni mommy kaya nanlaki ang mga mata ko nang malaman kong nandito rin si Azarel.
"Bakit ba kasi naiilang ka kay Azarel? Crush mo ba siya?" natatawang tanong niya sa akin kaya agad akong napailing.
"Hindi, ah! Hindi ko po crush si Azarel." Napatawa na lamang si mo sa inasal ko. Totoo naman kasi hindi ko siya crush.
"Sige na, naniniwala na ako na hindi mo siya crush. Sumunod ka na sa baba," wika niya kaya napatango ako.
Pagkalabas ni mommy ay agad akong tumakbo papunta sa harap ng salamin at tinignan kung mukha ba akong presentable.
Nagtungo na ako sa dining room at ako na lang pala ang hinihintay nila. Napatingin ako kay Azarel, buti na lamang ay doon nakatuon ang pansin niya sa kanyang kinakain. Nilingon naman ako ni Kuya Mike at binigyan niya ako ng tingin na tila nang-aasar kaya inirapan ko siya.
Umupo ako sa tabi ni Kuya Melchi at kumuha ng kakainin ko. Kukunin ko na sana 'yong lalagyan ng ulam ngunit sabay pala naming nahawakan iyon ni Azarel kaya nagkatinginan kami. Ito na naman 'yong pinakaiiwasan ko sa lahat.
Hindi ko rin magawang kumain nang maayos dahil pakiramdam ko may nanunood sa akin tapos idagdag pa ang mga mapang-asar nilang tingin. Gustung-gusto ko ng isubo nang isubo lahat ng mga pagkaing nasa plato ko dahil gutom na gutom ako pero nakakahiya.
Pagkatapos naming kumain ay nagpaalam na ako sa kanila dahil hindi ko rin lang maintindihan ang topic nila. Puro tungkol sa business ang pinag-uusapan nila at wala akong interest tungkol doon. Sila Ate Karel at Kuya Melchi ang nakikisali sa usapan nila tapos si Kuya Mike naman wala ring interest doon. Ang nakapagtataka lang ay bakit biglang nawala sa paningin ko si Azarel.
Dahil wala akong magawa kinuha ko na lamang ang cellphone ko at nagtungo sa garden. Sumalubong sa akin ang malamig na simoy ng hangin dahil katatapos lang umulan nang malakas at tila binabati ako ng maulap na kalangitan. Napapikit ako habang dinadama ang hangin. Gumagaan ang pakiramdam ko.
Habang napapikit ako ay naaalala ko ang mga sinabi sa akin ni Kristel tungkol kay Hezekiah at Lana. Totoo nga 'yong kutob ko noon na may espesyal na namamagitan sa kanila ni Ate Lana gaya ng nasaksihan ko.
Iminulat ko ang mga mata ko at agad na kumuha ng basahan para punasan ang uupuan ko. Matapos kong punasan ang upuang marmol ay agad akong naupo at binuksan ang Facebook account ko.
Muli akong nagpunta sa account ni Hezekiah. Bawat comments sa mga posts niya ay hindi ko pinalampas. Lahat ay binabasa ko baka sakaling makakita ako ng mga evidences na may namamagitan sa kanilang dalawa ni Ate Lana.
Napako ang tingin ko sa comment sa isa niyang post. Mayroon na itong 24 replies at lahat ng iyon ay puro sa kanilang dalawa. Mistulang naging chatbox 'yong dapat sana ay comment box.
Napaawang ang bibig ko nang makita ko 'yong kasunod na post. Makikita sa picture na nakatingin lahat sa camera 'yong mga tao. Lahat sila nakatingin sa camera maliban sa kanilang dalawa ni Ate Lana. Kahit malayo sila sa camera ay malinaw kong nakita na napaka-sweet nilang dalawa na animo'y parang magkasintahan.
Napasimangot na lamang ako at pinatay ang aking cellphone. Tama na nga ito.
Nagulat ako nang sumulpot sa tabi ko si Azarel. Napaayos ako ng tayo at pilit na ngumiti.
"Kung nasasaktan ka, nandito lang ako. Kung nalulungkot ka, narito ako para pasayahin ka," wika niya at marahang tinapik ang aking balikat.
Tila bumagal at pagtibok ng puso ko sa ginawa niya.
Bakit ka nga ba ganito sa akin, Azarel. Bakit ka palaging nariyan sa tuwing nasa ganito akong sitwasiyon
Napaiwas ako ng tingin sa kaniya. "B-Bakit mo ba ito ginagawa?"
"Gusto mo bang malaman, Merry?"
***
MATAPOS niyang basahin ang mga entries sa araw na iyon aya agad kong kinuha sa kaniya ang aking diary. Nagtataka naman siyang napatingin sa akin pero nginitihan ko lamang siya.
"Bakit mo kinuha?" pagrereklamo niya.
"Wala lang, nakakahiya kasi iyang nabasa mo diyan sa entry ko noong August 07, 2017," tugon ko kaya napahalakhak siya. Nag-iwas naman ako ng tingin at ibinalik ang atensyon sa akin diary.
"Alam ko naman na ang tungkol doon sa nabasa ko. Bakit ka pa mahihiya?" tanong niya kaya sinamaan ko siya ng tingin.
"Nahihiya nga ako, eh!" singhal ko sa kaniya na parang bata kaya ginulo niya ang buhok ko.
"Oo, na. Atsaka, hindi ko naman mahuhusgahan ang nararamdaman mo noon," wika niya at binigyan ako ng matamis na ngiti.
"Ilang beses ko rin namang hiniling at ipinagdasal na sana ay mawala na ang nararamdaman kong iyon noon kung hindi takda ang nararamdaman kong iyon. Pero hindi pa rin naman nawala."
"Dahil may rason kung bakit naramdaman mo iyon," tugon niya at napayuko. "Dapat nga mag-sorry pa ako sa iyo dahil wala akong nagawa noon," dagdag pa niya.
"Ano ka ba? Wala kang dapat ipaghingi ng tawad dahil wala ka namang kasalanan," wika ko naman at itinuloy na ang pagbabasa nang malakas para marinig niya rin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro