Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 5

CHAPTER 5





JUNE 05, 2017

ALAS singko pa lamang ay ginising na kami nina mommy para mag-almusal. Unang araw ng pasok ngayong school year bilang isang Grade 10 student.

"Bilisan ninyo ang pagkilos para hindi kayo mahuli sa klase," muling bilin ni mommy kaya napatingin sa akin si Kuya Mike.

Makikipagsagutan na naman sana ako sa kaniya ngunit sinaway kami kaagad ni Kuya Melchi. Binilisan ko na lang ang pagkain kahit halos masamid na ako. Hindi talaga ako sanay sa mabilisang pagkain.

Pagkatapos kong kumain ng almusal, agad na akong nagtungo sa banyo upang maligo at nagbihis na. Nang matapos na ako sa lahat lahat ay pumasok na ako sa kotse dahil si Kuya Mike ang maghahatid sa akin sa school.

Habang nasa biyahe ay nalunod na naman ako sa malalim na pag-iisip dahil sa mga nangyari noong mga nakaraang linggo—noong nasa bahay sina Azarel. Nakakahiya pa ang nangyari sa aming dalawa.

"MAGNANAKAW!" sigaw ko at patuloy ko siyang pinaghahampas. Inawat niya ang mga kamay ko at tinakpan ang bibig ko.

Naramdaman ko na lang na unti-unti ng bumibigat ang talukap ng mga mata ko hanggang sa tuluyan na itong nandilim.

Pagkagising ko ay nasa kuwarto ko na ako. Nagtataka naman ako sa nangyari dahil ang alam ko ay pinasok kami ng magnanakaw, subalit payapa naman ang paggising ko na tila walang nangyari.

Agad akong lumabas sa aking kuwarto at doon ay narinig ko ang malakas na tawanan nina Kuya Mike, Kuya Melchi, at Azarel.

"Seryoso? Ibig mong sabihin, napagkamalan ka niyang magnanakaw kagabi?" tanong ni Kuya Mike na halos mamatay na sa katatawa.

"Oo! Hindi naman mukhang magnanakaw itong gwapo kong mukha, eh!" Tumatawa rin na sabi ni Azarel.

Lumapit naman ako sa kanila habang nakapamewang. "Eh, hindi ko naman kasi alam na siya iyon. Naka-hood kasi tapos mukha pang kahina-hinala." Mas lalo naman silang napahalakhak sa sinabi ko.

Nahihiya na tuloy ako kay Azarel kaya wala akong ginawa kundi umiwas sa kaniya. Alam ko namang napapansin niya iyon kaya bago sila umalis ni Ate Karel, kinausap niya ako.Sa pag-uusap namin, mas lalo niyang pinuno ng katanungan ang isip ko.

"Nagtataka lang kasi ako kung bakit parang iniiwasan mo ako."

"H-Ha? Hindi ah," wika ko nang hindi nakatingin sa kaniya.

"Hindi mo ba ako naaalala?" tanong niya pa sa akin.

Tuluyan akong napatingin sa kaniya. "H-Hindi," matipid na sagot ko.

"Sabagay paano mo nga ba ako maaalala kung hindi mo yata ako nakita noong araw na iyon," sagot niya at lumakad papalayo.

Naguguluhan talaga ako sa sinabi sa akin ni Azarel. Bakit niya ako tinatanong kung nakikilala niya ba ako? Bakit niya tinanong kung naaalala ko ba siya? Anong koneksyon niya sa akin?

Umuwi sila ni Ate Karel na hindi man lang sinasabi ang dahilan kung bakit niya natanong kung naaalala ko ba siya.

Napasulyap naman sa akin si Kuya Mike. "Bakit ang lalim yata ng iniisip mo?"

"I-Inaantok lang ako," pagpapalusot ko.

Hindi ko naman kasi puwedeng sabihin kay kuya na ang iniisip ko ay 'yong sinabi sa akin ni Azarel baka asarin niya lang ako.

Makalipas ang sampung minuto ay nakarating na rin ako sa school. Agad na sumalubong sa akin ang dalawa kong kaibigan kaya napangiti ako.

"Ano nga pala 'yong sinasabi mo kahapon na sasabihin mo sa amin ngayon?" tanong nina Rachelle at Rica pagkasalubong pa lang nila sa akin.

Luminga naman ako sa paligid habang naglalakad kami papunta sa classroom. Nang makita kong malayo naman ang ibang mga estudyante ay bumulong na ako.

"May hinahangaan kasi ako n-noong April pa." Hindi ko naman maiwasang mapangiti sa sinabi ko. "Ang weird lang dahil hindi ko alam kung bakit gan'on. Hindi ko naman giusto lahat ng nararamdaman ko," dugtong ko pa.

"Teka, sino bang crush mo? Si Azarel iyan, ano?" pang-aasar sa akin ni Rica.

"Oo nga! Balak ko nga rin siyang i-add sa Facebook. Crush mo pala siya, ah!" sabi rin ni Rachelle kaya sinamaan ko sila ng tingin.

"Sira talaga kayo!" singhal ko sa kanila. "Hindi ko crush si Azarel. Hindi siya ang sinasabi ko!"

"Sino ba kasi iyang crush mo?" tanong ni Rica.

"Iyong ikinukwento ko sa inyo sa chat noong mga nakaraang buwan," tugon ko at bahagyang humihinto kapag may mga napapadaang estudyante.

"Sino nga? Anong pangalan niya?"

"Hezekiah Peregrino," tugon ko at agad silang pinaalalahanan, "pero huwag niyong ipagkakalat, ah!"

Hanggang sa hindi kami makarating sa room ay inaasar nila ako. Mabuti na lamang ay may mga kaniya-kaniyang mga mundo ang mga estudyanteng nasa labas ng hallway.

Pagkarating namin sa room ay agad na kaming naupo. Wala ng introduce yourself na naganap dahil magkakakilala naman na kaming lahat dahil pang apat na taon na kaming magkakaklase. 'Yong iba nga kaklase ko na since elementary katulad ni Rica.

Hindi pa regular ang klase ngayon dahil nagkaroon muna ng class orientation at nag-elect ng mga class officers. As usual, wala na naman akong position. Hindi ko naman pinangarap iyan.

"Anong mayroon kay Hezekiah?" tanong ni Rachelle.

Kanina pa nila ako pinipilit magkuwento tungkol kay Hezekiah. Hindi talaga nila ako tatantanan hangga't hindi ako nagkukwento.

"Una, 6 years ang agwat namin—"

"—ang laki naman!" sabat ni Rica kahit hindi ko pa tapos 'yong sinasabi ko.

"Age doesn't matter naman. Age is just a number," sagot ko kaya napatahimik siya.

Age is just a number pero hindi na nga talaga kami puwede para sa isa't isa.

"Tapos life group leader din siya sa mga youth," dagdag ko pa at itatago na sana ang mga notebook ko ngunit nagtanong na naman si Rachelle.

"Sige pa, ano pang mayroon sa kaniya?" tanong pa niya.

Balak yata akong gawing story teller ng dalawa kaya ikinuwento ko na lang-lahat ng nalalaman ko. Ikinuwento ko ring nag-aral siya dito at pareho kaming nasa special section. Naikuwento ko rin na kahit 21 na niya ay wala pa rin siyang kasintahan, iyon nga lang ay palaisipan sa akin kung sino ang babaeng kasama niya sa mall noon.

Mabilis na lumipas at uwian na naman. Kahit na walang gaanong ginawa sa school ay pagod na pagod akong umuwi sa bahay. Dahil wala pa naman kaming assignment, kinuha ko 'yong diary ko at nag-sulat.

JULY 20, 2018

MABILIS na lumipas ang mga araw. Sa loob ng mahigit isang buwan, napakarami ng pangyayari ang naganap. Si Kuya Mike ay himalang hindi na nambababae. Si Kuya Melchi nanalo na naman sa research nila sa Cebu, tapos si Azarel school mate ko pala. Lagi ko siyang nakakasalubong sa school kaya lagi rin akong inaasar ng dalawa kong kaibigan.

Higit sa lahat, mas nagiging malalim ang nararamdaman ko kay Hezekiah. Habang pilit kong pinipigilan sa kaniya, mas lalo akong nahuhulog. Siguro ay mas mabuting hayaan ko na lamang itong nararamdaman ko dahil mawawala rin naman ito sa paglipas ng mga araw.

"Merry! Ang tagal mo namang lumabas, nandito na sila Rica," nadinig kong sigaw ni Kuya Mike mula sa labas ng kuwarto ko.

"Saglit lang kasi!" sigaw ko habang naglalagay ng baby powder sa mukha ko.

"Ang bagal mo kasi. Para kang pagong!" Padabog kong binuksan ang pinto, ngunit nasurpresa ako sa pagbukas ko ng pinto.

Akala ko ay si kuya lang ang nasa labas ng kuwarto ko. Kasama niya pala si Azarel nakakahiya tuloy.

"Happy birthday, Merry," bati sa akin ni Azarel.

"Thank you," nahihiyang sagot ko at muling naalala 'yong mga sinabi niya sa akin noon.

Kailangan ko pa pala siyang manmanan para malaman ko kung bakit niya tinatanong sa akin kung natatandaan ko ba siya. Ayaw niya naman kasing sabihin sa akin kung bakit.

"Nandito rin pala si Azarel," kinikilig na sabi ni Rachelle sabay sundot sa tagiliran ko.

"Ano naman ngayon? Crush mo?" Pinanliitan ko na lamang siya ng tingin pero agad niya akong niyakap.

Mayroon kaming simpleng selebrasyon ngayon para sa aking 15th birthday. Pamilya ko lamang ang nandito pati sina Azarel at ang mga kaibigan ko. Hindi ko kailangan ng maraming bisita at eleganteng selebrasyon. Ang importante sa akin ay narito ang mga taong mahahalaga sa akin.

"Tara na sa garden," pag-aaya ko sa kanila. Nandoon kasi lahat ng mga handa.

"Happy birthday, Merry!" sabay-sabay nilang bati sa akin pagkarating namin doon.

"Happy birthday, Merry. Salamat sa tunay na pagkakaibigan at mga masasayang alaala. Mahal na mahal ka nami!" sabi sa akin ni Rachelle atsaka inabot sa akin 'yong regalong hawak niya.

Isa-isa silang nagbibigay sa akin ng mensahe. Pagkatapos nilang sabihin ang mensahe nila sa akin ay iaabot na rin sa akin ang mga regalong ibibigay nila.

"Maraming salamat, Rachelle!" tugon ko at niyakap ko nang mahigpit. Sumunod naman si Rica. Nakangiti siyang lumapit sa akin at niyakap ako.

"Happiest birthday, Merry! Wala na akong ibang masabi pa, basta salamat sa pagkakaibigan. Sa tuwing may problema ako lagi kang nandito para sa akin. Basta tandaan mo na nandito lang kami para sa'yo," wika niya atsaka inabot sa akin 'yong regalo.

Napakasuwerte ko sa mga kaibigan ko. Apat na taon na kaming magkakaibigan pero wala sa isip namin ang magkalimutan. Nagkaroon kami noon ng misunderstanding pero naayos namin yun kaagad.

Binigyan ako ng mensahe nina mom at dad, pati na rin sina kuya. Sinabi nila sa akin kung gaano nila ako kamahal, kahit na pinapagalitan nila ako. Pati rin sina kuya, kahit na madalas kaming mag-away, nandoon pa rin ang pagmamahal nila.

"Uhm... happy birthday, Merry," panimula ni Azarel.

Kulay itim na naman ang suot niyang polo. Siguro ay paboritong kulay niya ang itim dahil ganiyan palagi ang suot niya, puwera na lamang sa school.

Bigla akong kinabahan nang pumunta siya sa harap ko para magbigay ng mensahe. Hindi ko inaasahan ito. Akala ko ay hindi niya ako babatiin dahil hindi naman kasi kami masyadong close

"Alam ko, hindi tayo masyadong close pero gusto kitang batiin. Alam ko kung ano ang nararamdaman mo simula pa noong mga nakaraang buwan. Gusto ko lang sabihin sa'yo na narito ako at handang makinig sa nararamdaman mo. Atsaka sana huwag ka ng maiilang sa akin para hindi mo na ako iwasan," pagkasabi niya n'on ay inabot niya sa akin 'yong paper bag.

"T-Thank you," nauutal kong sambit at pinilit na tumingin sa mga mata niya kaya napangiti siya.

Matapos n'on ay inasar na ako nang inasar ng mga kaibigan ko. Pati sina mommy lalo na si Kuya Mike ay nakiasar din.

Bakas pa rin ang ngiti sa aking labi sa pagtatapos ng araw. Masaya ako dahil sa presensya ng mga taong mahal ko at kaibigan ko. Pinagmasdan ko ang mga regalo na nakapatong sa ibabaw ng kama ko. Napagpasiyahan kong buksan muna ito lahat bago matulog.

Libro ang ibinigay sa akin ni Rica. Halos mapatalon ako sa tuwa dahil ito 'yong libro na gusto kong bilihin. Perfume at blouse naman ang regalo sa akin ni Rachelle.

Magkasama na ang regalo sa akin nina mom and dad. Isang makapal planner na maaari ko ring pagsulat ng mga tula. Sunod kong binuksan ang ibinigay sa akin ni Kuya Melchi. Pang huli kong binuksan ang regalo sa akin ni Kuya Mike at napailing na lamang ako sa bumungad sa akin.

Puro liptints ang laman tapos may mga lipsticks pa. As if naman na gumagamit ako ng mga ganito. Si kuya talaga balak akong asarin nang asarin.

Ihinuli ko 'yong kay Azarel. Dahan-dahan kong binuksan ang regalo at napangiti ako sa tumambad sa akin. Isang simpleng dress na kulay rosas, at kasama naman n'on ay isang science-fiction na libro.

Naagaw ng aking atensyon ang maliit na papel na nahulog nang inalis ko sa pagkakatupi ang dress. May nakasulat na makilling liham.

Merry,

Maligayang kaarawan sa iyo. Hindi ko na nasabi ng harapan sa iyo na gustung-gusto kong makipagkaibigan sa iyo. Gusto kong malaman mong masaya ako noong nakasama kita noong nakitulog kami sa inyo, at nakakalungkot dahil palagi mo akong iniiwasan.

-Azarel

Napabuntong-hininga naman ako matapos kong basahin iyon. Bakit nga ba kasi iniiwasan ko siya?

Ililigpit ko na sana ang mga regalong natanggap ko nang tumunog ang cellphone ko dahil sa isang notification.

Hezekiah Peregrino accepted your friend request.

Nanlaki ang mga mata ko dahil sa nakita ko, at tila nakikipagkarerahan na naman ang puso ko.

"Teka, paano nangyari iyon? Wala akong naaalalang nag-add friend ako sa kaniya!"

***

NAPAILING na lamang ako matapos niyang basahin ang aking entry.

"Ako pa ba ang magbabasa sa mga susunod o ikaw na?" tanong niya sa akin habang nagpipigil ng tawa.

"Ano bang tinatawanan mo?" tanong ko at iminulat ang aking mga mata.

"Wala, may naalala lang kasi ako sa mga entries mo," tugon niya kaya muli akong pumikit.

"Ituloy mo na ang pagbabasa," sabi ko kaya agad naman niyang binasa nang malakas ang aking sumunod na mga entries.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro