CHAPTER 28
CHAPTER 28
AUGUST 18, 2021
PAGKAGALING ko sa school ay agad akong nagbihis ng aking damit at nagtungo sa aking library. Inilabas ko na ang mga reviewers na ginawa ko sa subject namin sa Fundamentals of Logic and Ethics.
Second week pa lang ng klase pero feeling ko ay pagod na pagod na ako. Ang dami na ngang nilalaman ng isip ko dahil sa mga pinapagawa at pinag-aaralan namin sa school tapos dadagdag pa si Hezekiah.
Medyo may kalayuan pa man din ang San Alidrona City University kaya nakakapagod kahit pa may driver kaming naghahatid at nagsusundo sa akin.
Napalumbaba na lamang ako at napahikab dahil wala ng pumapasok sa utak ko kahit paulit-ulit kong basahin ang nasa reviwer ko. May quiz pa man din kami bukas.
Napadako ang aking tingin sa baul na malapit sa harap ko. Nandoon na ang diary ko at idinikit ko na doon ang mga isinulat ko sa notebook na ginawa kong diary noong nasa Pangasinan ako tapos ay nasulatan ko na rin ng panibagong entry.
Ang nandoon lamang ay ang notebook na pinagsulatan ko ng mga tula ko para kay Hezekiah, 'yong mga naka-fold na letters, at ang aking diary. Wala roon 'yong hairpin at kuwintas.
Kinuha ko na lamang ang payong ko sa aking bag at lumabas ng bahay para magpahangin. Mabuti na lamang ay alas singko pa lang ng hapon kaya hindi pa madilim.
Napatingala ako sa kalangitan. Maulap at nagbabadiya ang pag-ambon. Mabuti na lamang ay dinala ko ang payong ko.
Hindi ko namalayan na sa aking paglalakad ay nakarating ako sa lugar na matagal ko ng hindi napupuntahan. Ang lugar na punung-puno ng mga masasayang alaala. Pumunta ako sa pinakasentro ng San Alidrona Park para makita ang kabuuan nito. Dito mismo sa kinatatayuan ko ay katabi lamang nito ang isang mataas na fountain. Walang ganito rito noon.
Ang laki na ng pinagbago dito. Sa may bandang mini-forest, may nakalagay ng mga bahay kubo na puwedeng pagtuluyan. Dalawa na rin ang bridge sa may pond papunta sa kumpol ng mga Fire Trees. Dati ay iisa lamang iyon.
Napag-isipan kong magtungo na lamang sa may mga bahay-kubo malapit sa mini-forest. Pagpasok ko sa kubong bakante ay napaatras ako dahil may tao pala sa loob, ngunit nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino iyon.
"Merry," banggit niya sa pangalan ko kaya agad akong tumalikod at akmang aalis ngunit hinigit niya ako.
Aalis na ako," wika ko pero umiling siya at niyakap ako saka siya pumikit.
"Kahit sampung minuto lang, Merry. Manatili tayong ganito," saad niya kaya wala na akong nagawa pa.
Nanatili siyang nakayakap sa akin at ilang minuto pa lamang ay narinig ko na ang mahinang paghilik niya. Pinagmasdan ko naman ang kaniyang mukha habang siya ay natutulog. Hindi nga lang ako makagalaw nang maayos dahil nakayakap siya sa akin tapos ay nakaupo kami sa lapag.
"Ang laki ng sinayang mo, Hezekiah. Huli ka na," bulong ko habang nakatitig sa kaniyang mukha.
Pumayat siya nang kaunti at mukha siyang pagod na pagod. Siguro ay nakakapagod ang trabaho niya bilang isang architect at gaya ko ay marami rin siya sigurong iniisip.
Sa pagtitig ko sa kaniyang mukha ay hindi ko namalayang pati pala ako ay nakatulog na rin sa kaniyang bisig.
Nagising na lamang ako nang maramdaman kong may humahaplos sa aking pisngi at may umaawit.
Napagtanto ko na lamang na nakahiga na pala ako sa lap ni Hezekiah habang siya ay nakapikit at kumakanta. Ang kanang kamay niya ay nakahawak sa aking kamay at ang kaliwang kamay niya naman ang siyang humahaplos sa aking pisngi.
Dahan-dahan akong bumangon at umupo sa tabi niya. Iminulat naman niya ang kaniyang mga mata ngunit hindi siya tumigil sa pag-awit. Nakatingin lamang siya sa kawalan habang ako naman ay napatitig lamang sa kaniya.
"Aalis na ako. Gabi na, baka hinihanap na ako sa amin," pagpapaalam ko at akmang tatayo ngunit hinigit niya ang kamay ko.
"Please stay. Gusto kitang makausap nang maayos. Please," pakiusap niya kaya napatango ako at nanahimik sa tabi niya.
"Unang-una, gusto kong mag-sorry dahil nasaktan kita noon. Noong wala ka na, doon ko lang napagtanto kung ano ka ba talaga sa buhay ko. Napakalaki ng nasayang ko. Alam ko namang mahirap tanggapin ang kapatawaran ko pero umaasa ako na mapapatawad mo pa rin ako," saad niya.
"Labis kong nasaktan noong mga panahong iyon. Sobrang sakit, Hezekiah," pabulong na wika ko.
Lumapit pa siya sa akin at hinaplos ang aking pinsgi. "Patawad, Merry. Sobra ko talagang pinagsisisihan ang lahat."
"M-May kasalanan din naman ako. Siguro 'yong closeness natin noon ay permissive will lang ng Diyos at hindi perfect will. Pero thankful pa rin ako sa iyo dahil ikaw rin ang rason kung bakit ako nagkaroon ng mas malalim na relasyon sa Kaniya," tugon ko at nginitian siya.
"Kung gan'on, let's wait for God's perfect will. Iyon ang ipagdadasal natin ngayon," sambit niya at ngumiti na rin.
"Sorry din po pala kung naging harsh ako sa inyo. Na-realize ko na mali ang ginawa ko dahil kahit papaano ay kayo ang life group leader ko. Ang dami ko ring pagkakamali kaya sana ay mapatawad niyo rin ako," paghingi ko rin ng tawad.
Ngumiti naman siya at hinaplos ang aking buhok. "Wala na sa akin iyon, Merry. Simula ngayon ay aayusin na natin ang lahat."
"Gusto ko palang sabihin sa iyo na masaya ako dahil architect ka na ngayon," bati ko sa kaniya.
"Mabibigyan na kita ngayon ng magandang future," banat niya. Natawa naman ako sa sinabi niya.
"Siya nga pala, kumusta ang relasyon mo sa Kaniya?" tanong niya.
"Mabuti naman. Noong nanirahan ako sa Pangasinan ipinagpatuloy ko pa rin 'yong daily devotion ko tapos linggo-linggo pa rin kaming nagsisimba. Pero sa totoo lang, na-miss ko 'yong life group," tugon ko.
"At least, kahit na nagkaroon ng lamat ang samahan natin ay hindi nasira ang relasyon mo sa Kaniya."
"Ikaw? Balita ko hindi ka na life group leader at tumigil ka na rin sa pagtugtog." Napatahimik naman siya sinabi ko.
"O-Oo," matipid na sagot niya at nag-iwas ng tingin.
"Sayang naman. Dapat ay ipinagpatuloy mo," saad ko kaya ibinalik niya ang kaniyang tingin sa akin.
"Napagdesisyunan ko na ring magpatuloy. Sa susunod na linggo ay tutugtog na ulit ako," sagot niya at nginitian ako.
Hindi ko akalain na makakaya ko siyang kausapin ngayon. Kung makikipagmatigasan kasi ako ng puso, walang mangyayari. Useless lang din 'yong mga pinag-aralan ko sa mga devotions ko kung gagawin ko 'yon.
Mas mabuti ng makipag-usap ako nang maayos sa kaniya para hindi na lumala ang sitwasyon. Masasabi ko na ang paglayo ko noon at paghilom ko sa mga sugat sa aking puso ay tunay na nagpatatag sa akin.
"Gabi na, uuwi na ako sa amin," pagpapaalam ko muli kaya tumayo na rin siya.
"Merry, let's have a deal. Alam kong wala akong karapatang makipag-deal sa iyo dahil labis kitang nasaktan kaya naglalakas-loob ako ngayon," saad niya kaya muli akong napalingon sa kaniya.
"Alam ko namang hindi mo ako mapapatawad agad kaya let's have a deal. Mas matibayan na lang muna natin ang relasyon natin sa Kaniya. Gawin nating Siya ang sentro sa lahat at kung ano man ang idinidikta ng Holy Spirit sa puso natin, iyon ang ating susundin," paliwanag niya kaya sandali akong napatitig sa kaniya.
Iyan pa ang isang nagustuhan ko sa kaniya. Hindi siya nagpupumilit para matapatawad ko kaagad. At higit sa lahat ay ang malalim na relasyon niya sa Maykapal. Tama naman siya, kapag ang Maykapal ang magiging sentro, siguradong malalaman namin kung ano nga ba ang perfect will sa amin.
"Deal," tugon ko at nakipag-kamay pa sa kaniya..
°°°
AUGUST 29, 2021
GAYA ng sinabi ni Hezekiah, tumutugtog na ulit siya sa church. Katulad din ng napagkasunduan namin, bumuo nga kami ng mas matibay at mas malalim na relasyon sa Kaniya. Ipinagpapatuloy ko pa rin ang daily devotion ko, at sumasama na rin ako sa mga prayer works tuwing alas singko ng madaling araw tuiwng sabado.
Habang lumilipas ang mga araw, paunti-unti ko ng nararamdaman ang conviction sa akin. Gusto lang munang maliwanagan kung iyon na ba talaga ang susundin ko.
Napapikit ako habang nagwo-worship kami. Pagkamulat ko ng aking mga mata ay napadako ang tingin ko kay kay Hezekiah na tumutugtog ng violin sa harap.
Noong natapos naman ang mass ay nagyaya sina Marie na pumunta sa San Alidrona Park dahil gusto nilang magsama-sama ulit kaming mga life group members noon ni Hezekiah. Hindi nga sana ako sasama pero pinilit ako nina Rachelle at Rica. Kasama rin namin si Hezekiah na pupunta.
"Ang saya ko ngayon! Buo na ulit tayo!" masayang wika ni Crissel pagkarating namin sa silong ng mga Fire Trees.
Nakaupo kami sa damuhan ngayon. Hindi ko alam kung sini-set up ba nila kami ni Hezekiah dahil pinagtabi talaga nila kami. Pero hindi naman nila alam 'yong tungkol sa amin ni Hezekiah, eh.
"Dahil buo na tayo, may special number kami ni Marie," wika ni Jerico. Sa amin kasi, sina Marie at Jerico ang inclined sa music.
Eksakto namang may dalang gitara si Jerico kaya iyon daw ang gagamitin nila. Si Jerico ang tutugtog ng gitara at duet sila ni Marie sa pagkanta.
"Ang aawitin namin ni Jerico ay tungkol sa mga kristiyanong umiibig," wika ni Marie habang pinipigilan ang pagtawa.
Napatikhim si Hezekiah tapos ako naman ay ramdam ko ang pamumula ng mukha ko. Feeling ko talaga isa itong set up!
Unang kumanta si Jerico at nasa verse one pa lang ng kanta ay nakaka-relate ako kaagad.
Lagi ko rin namang naitatanong ito noon kung bakit ko iyon naramdaman kay Hezekiah. Gaya ng sabi sa kanta, hindi ko naman akalain na magiging ganito. I know, God's perfect will is the best for me at iyon ang gusto ko. Gusto kong malinawan sa nararamdaman ko kay Hezekiah.
Bahagya naman akong natawa nang lahat ng mga linyang inaawit nila ay tumatama sa akin. Ganiyan na ganiyan ang ipinagdarasal ko. Bakit ba sa dinami-rami ng kanta ay iyan ang naisip nila? Para tuloy akong baliw na nagpipigil ng ngiti sa tuwing tinatamaan ng mga lyrics ng kanta ang puso ko.
Halos magwala ang puso ko hanggang sa matapos nila ang kanta. Nagkatinginan tuloy kaming dalawa ni Hezekiah at pareho kaming agad na nag-iwas ng tingin dahil pareho kaming namumula.
"Sinadya niyo ba talagang iyan ang kantahin niyo?" tanong ni Irish. Kaya sabay silang dalawang napatango.
"Oo dahil para talaga iyan kina Merry at Kuya Hezekiah." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Jerico. Paano nila alam?!
"Hala, bakit para sa amin?" naguguluhang tanong ni Hezekiah.
"Akala niyo hindi namin alam 'yong sa inyong dalawa ni Merry." Ngisi ni James kaya nagkatinginan kami ni Hezekiah.
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Masyado ba kaming naging obvious o ako 'yong masyadong nagpahalata? Tunay nga na hindi lahat ay maisesekreto dahil lalabas at lalabas ang katotohanan.
"Matagal na naming alam. Napagdugtong namin ang puzzle noong nag-walkout si Merry noong nagpaplano tayo para sa surprise kay Ate Lana tapos noong naging malungkutin si Kuya Hezekiah dahil sa paglisan ni Merry. Tapos ay nagiging obvious kayong dalawa ngayon," pagpapaliwanag ni James.
"Basta kung kanino sasaya si Kuya Hezekiah ay doon kami. Kung sino ang nilalaman ng puso niya ay susuportahan namin," saad naman ni Irish kaya pati sina Rachelle at Rica ay todo rin ang ngisi.
Dati ay natatakot ako kung ano ang magiging reaksyon nila sa sandaling malaman nila ang nararamdaman ko para kay Hezekiah, ngayon ay naging panatag na ang kalooban ko. Pero iba na ang lahat ngayon. Hindi na kami katulad ng dati ni Hezekiah. Nagbago na ang lahat.
"'Di ba may pupuntahan pa tayo ngayon?" tanong ni Rica at pinanlakihan pa ng mata ang iba.
"Ay... o-opo may pupuntahan kami ngayon," sabi ni Marie at kinindatan sina James at Jerico.
"Oo nga pala! Tara na!" ani Jerico at tumayo na.
Parte na naman ba ito ng pag-set up nila sa amin ni Hezekiah? Kahit kailan talaga ang hilig nila sa mga ganiyan. Akala nila hindi ko alam, ah!
"Sasama rin ako," nakangising sabi ko ngunit mabilis silang tumakbo papalayo kaya kaming dalawa na lang ulit ni Hezekiah ang naiwan.
Umupo na lang ulit ako sa tabi niya at inabala ang aking sarili sa pages-cellphone. Hindi ko kasi alam kung ano ang sasabihin ko dahil nabuo ang awkwardness dahil sa ginawa nina Jerico at Marie.
Kitang-kita ko sa aking peripheral vision na tingin nang tingin sa akin si Hezekiah kaya napalunok ako. Mas lalo tuloy akong naiilang.
"Oo nga pala, alam na ni Ate Lana 'yong tungkol sa atin. Hindi ko nga alam kung paano niya nalaman," pag-iiba ko sa usapan.
"Sa akin niya nalaman dahil kinausap ko siya nang maayos at sinabi ko ang totoong dahilan ng pag-iwas ko sa kaniya. Siya na rin mismo ang nagsabi na talagang hindi kami ang para sa isa't isa," pagpapaliwanag niya kaya napayuko ako.
Nahihiya tuloy ako. Pakiramdam ko ay dahil sa akin kaya sila nagkagan'on.
"Kasalanan ko," pabulong na sabi ko.
"Hindi, pareho naming napagdesisyunan ito at wala kang kasalanan. Isa pa, mas deserve niya si Kuya mo Mike kaya ipinaubaya ko na sa kaniya si Lana noon pa," sabi niya kaya nag-angat ako ng tingin at ngumiti.
Hinawakan niya ang isang kamay ko at marahang pinisil iyon. Alam kong may gusto siyang sabihin pero napabuntong-hininga na lamang siya at binitawan ang kamay ko.
Nanatili pa kami doon ng kalahating oras hanggang sa napagdesisyunan naming umuwi na. Ihinatid niya na ako sa bahay namin at bakas naman sa kaniyang mga mata ang lungkot bago ako tuluyang pumasok sa loob ng bahay.
Tatanggapin ko na ba ang pag-ibig niya kahit huli na siya?
°°°
DECEMBER 31, 2021
MABILIS na lumipas ang mga araw at buwan kaya Disyembre na naman. Sa mga nakalipas na mga buwan ay mas nag-effort sa akin si Hezekiah. Maaga siyang pumupunta sa bahay tuwing umaga dahil nagpaalam siya kina mom at dad na siya na ang maghahatid sa akin sa school tuwing umaga.
Imbes na ako ang kiligin ay mas sila pa ang kinikilig. Lalo na si Ate Weng, nalimutan niya na yata na siya ang president sa pagshi-ship sa akin kay Azarel. Mukhang lumipat na siya ng fandom.
Hanggang ngayon, malapit ng magpalit ang taon pero hindi ko pa rin sinasagot si Hezekiah. Gabi-gabi ay binabagabag ako at may kung ano akong nararamdaman sa aking puso. Ito na ba 'yong conviction?
"Merry, may naghahanap na sa iyo sa baba, 'yong love of your life," natatawang sabi ni Azarel kaya binato ko siya ng aking unan.
Abala kasi ako sa pagbabasa sa aking kama nang bigla-bigla siyang pumasok na hindi man lang kumakatok. Nagulat pa ako sa ginawa niya.
"Lumabas ka na dahil magbibihis na ako. Kumatok ka naman kasi para hindi ako nagugulat. Palibhasa wala ka pa ring nililigawan," litanya ko sa kaniya kaya napanguso siya.
"Sana all na lang sa inyo!" sumbat niya naman kaya tinawanan ko na lang siya habang papalabas siya sa aking kuwarto.
Ipinaalam kasi ako ni Hezekiah kahapon kay dad na pupunta kami ngayon sa San Alidrona Park para salubungin ang bagong taon. May fireworks display mamaya roon kaya niyaya niya akong panoorin iyon.
Simpleng blue na blouse lamang ang suot ko at skinny jeans. Hinayaan kong nakalugay ang buhok ko dahil mas komportable ako kung nakalugay ito.
"Nice, para tayong naka-couple shirt," ngisi ni Hezekiah kaya napatingin ako sa suot niya. Nakakulay asul din siyang polo kaya terno kami.
"Nagkataon lang," natatawang tugon ko.
Nagtungo na kami sa kaniyang kotse. Pinagbuksan niya naman ako ng pinto at inalalayan ako sa pagpasok. Siya na rin ang naglagay ng seatbelt ko.
Pagkarating namin sa San Alidrona Park ay namangha ako sa mga makukulay na lanterns na nakasabit. Marami ring mga nakakabit na mga Christmas lights sa mga puno na siyang nagpaliwanag sa paligid.
"Ano ba 'yang laman ng basket na dala mo?" tanong ko habang nakatingin sa bitbit niyang basket.
"Mga niluto kong kakainin natin," tugon niya.
Noong nasa silong na kami ng mga Fire Trees ay naglatag siya ng kumot sa damuhan at doon kami umupo. Inilabas niya na rin ang mga sinasabing niyang niluto niyang pagkain.
Pagkatapos naming kumain ay nagkakuwentuhan kami tungkol sa naging buhay namin noong mga nakaraang buwan.
Sampung minuto bago magpalit ang taon ay nagtungo na kami sa center malapit sa malaking fountain. Marami na ang mga taong nag-aabang ng fireworks display. Noong isang minuto na lamang bago mag-alas dose ay nag-umpisa ng mag-countdown ang mga tao.
"Masaya ako dahil ikaw ang kasama ko sa pagsalubong ng bagong taon," wika ni Hezekiah habang diretsong nakatingin sa aking mga mata.
Hindi naman ako nakaimik. Nanatili naman akong nakatingin sa kaniya at nakangiti. Dinig na dinig ko ang malakas na pagbibilang ng mga tao. 15 seconds na lang.
"Merry, I love you so much. I want a lifetime with you," saad pa niya. Tila tumigil ang lahat-lahat sa sinabi niya, maging ang pagbibilang ng mga tao.
Lumakad pa ako papalapit sa kaniya at isinampay ang aking dalawang kamay sa kaniyang batok.
Buo na ang desisyon ko. Susundin ko na ang conviction sa puso ko. Malinaw na sa aking ngayon ang nararamdaman ko.
"I want a lifetime with you too, Heze. I love you so much."
Parang bumalik ang lahat sa dati dahil pagkasabi ko n'on ay nagsigawan na ang mga tao ng, "Happy New Year!" at ang paglipad ng mga makukulay na fireworks sa ere.
***
HINDI ko maiwasang mapangiti sa nabasa ko. Ang desisyong tanggapin ang kaniyang pag-ibig ay ang desisyong kailanman ay hindi ko pinagsisisihan.
We want a lifetime with each other, pero bakit nagkakaganito?
Napawi ang ngiti sa aking labi nang mapagtanto ko kung anong klaseng sitwasyon ang mayroon kami ngayon. Hindi ko inaasahang ganito.
"Huwag ka ng malungkot dahil magiging ayos din ang lahat," wika niya sa akin at marahang tinapik ang likod ko kaya napatango ako.
"Sana nga," matipid na tugon ko.
"Trust God, Merry," ngiti niya sa akin. "Ituloy mo na ang pagbabasa, last two entries na lang iyan, oh," dagdag pa niya kaya napatango ako at itinuloy na ang pagbabasa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro