CHAPTER 27
CHAPTER 27
JULY 17, 2021
MAGDADALAWANG linggo na simula noong makabalik ako rito sa San Alidrona. Sa loob ng halos dalawang linggo ay dalawang beses pa lamang ako nakalabas ng bahay. Iyon ay noong niyaya ako ni Azarel na magpunta sa mall para makapamasyal, at pangalawa naman ay noong nag-mall ulit kami ngunit kasama na namin n'on si Minerva.
Ngayon naman ay inaasahan ko ang pagpunta nina Rica at Rachelle rito sa bahay. Hindi ako masyadong lumalabas dahil mas pinili kong makasama sina mom at dad dahil matagal akong nawalay sa piling nila. Maging si Ate Weng nga rin ay tuwang-tuwa sa pagbabalik ko.
"Bilisan mo riyan, Merry, dahil may naghahanap sa iyo. Nasa sala sila," narinig kong sabi ni mom mula sa labas ng aking kuwarto.
"Pakisabi po palabas na ako," tugon ko habang isinusuot ko ang hairpin na binili namin ni Azarel sa mall.
Abot langit ang ngiti ko habang papalabas ako ng aking kuwarto ngunit bahagyang napawi iyon nang hindi pala sina Rachelle at Rica ang sinasabi ni mama. Si Ate Lana ang narito kasama sina Crissel, Irish, Marie, Jerico, at James.
Dahan-dahan ko silang nilapitan at nginitian sila. Napadako naman ang tingin sa akin ni Ate Lana. Tumayo siya at lumapit sa akin.
"Puwede ba kitang makausap ng tayong dalawa lang," nag-aalangang tanong niya kaya tumango ako.
"Puwede po, sa garden na lang po tayo," wika ko.
Pagkarating namin sa hardin, namayani muna ang katahimikan dahil hindi siya umiimik. Ako na ang naglakas-loob na basagin ang katahimikan dahil wala kaming mapapala kung pareho kaming mananahimik.
"Kumusta na po pala kayo?" tanong ko kaya napatingin siya sa akin.
"Isa na akong registered nurse, mag-iisang taon na," tugon niya. "Ikaw?"
"Mabuting-mabuti naman na po kumpara noon," saad ko.
Base sa kaniyang ekspresyon ay may nais siyang sabihin na parang ayaw niyang sabihin. Marahil ay nag-aalinlangan pa siya.
"Si Kuya Mike po ba ang nais niyong itanong? Wala po kasi siya rito dahil nasa trabaho," wika ko dahil ayaw niya ng magsalita.
Noong lunes kasi nag-umpisang magtrabaho si Kuya Mike sa kompanya namin. Doon muna siya nilagay sa administrative department kaya hindi na sila madalas nagkakasama ni Ate Lana.
"Ikaw talaga ang sadya ko rito at hindi si Mike. Magkausap lang kami kahapon."
"Ano po bang gusto niyong sabihin?" tanong ko kaya napahinga muna siya nang malalim.
"Alam ko na 'yong tungkol sa nararamdaman mo kay Hezekiah. Alam ko na lahat pati 'yong totoong dahilan bago ka nalaglag sa hagdan, at kung bakit mo nilisan ang San Alidrona noon," tugon niya kaya gulat akong napatingin sa kaniya.
"Paano niyo po nalaman? Sino po ang nagsabi sa inyo?"
"Hindi na mahalaga kung kanino ko nalaman. Gusto ko lang sabihin na noong nalaman ko iyon, hindi ako nakaramdam ng galit sa iyo kasi nga noong mga panahong iyon may namamagitan sa amin ni Hezekiah. Nauunawaan ko naman 'yong naramdaman mo, atsaka hindi naman naging official na naging kami, kaya huwag kang mag-alala," pagpapaliwanag niya.
"Ate Lana, wala naman sa akin iyon, eh. Pinili ko ng magpakatatag noong nasa Pangasinan ako. Ayos naman na po ang lahat ngayon," sagot ko at nginitian siya.
"Basta sorry pa rin sa nangyari noon. Kung hindi sana ako ang gusto niya—"
Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita dahil marahan kong tinapik ang balikat niya at binigyan siya nang matamis na ngiti.
"Wala kayong kasalanan, Ate. Kalimutan na natin iyon. Atsaka ikaw na rin ang nagsabi na hindi naging kayo," saad ko kaya niyakap niya ako.
"Masaya akong maayos ka na ngayon."
Pagkatapos naming mag-usap ay bumalik na kami sa sala. Hindi pa rin alam nina Crissel ang totoo dahil hindi raw sinabi ni Ate Lana sa kanila kung ano ang nalaman niya.
Kung tutuusin ay masuwerte ako dahil mabait si Ate Lana. Kung ibang babae lang siguro siya ay baka inaway niya na ako.
Umalis din naman agad sina Crissel dahil may pupuntahan pa raw sila. May reunion daw silang magkakaklase kaya dalawa lang kami ni Ate Lana na naiwan. Sina Rachelle at Rica naman ay hindi pa dumarating.
Si Minerva naman ay sumama kay Azarel sa pamamasyal. Masaya naman ako dahil nagiging close na silang dalawa.
"Kumusta naman po kayo ni Kuya Mike?" tanong ko habang hinihintay namin sina Rica at Rachelle.
"Mas nagiging close na kami. Sa totoo lang, hanga ako sa pagiging responsable niya. Kahit busy siya sa trabaho ay may oras pa rin siya sa akin."
Lumawak naman ang aking ngiti sa sinabi ni Ate Lana. Sobrang laki na talaga ng ipinagbago ni Kuya Mike. Dati talaga, akala ko hindi na titigil sa pambabae si kuya, pero noong nakilala niya si Ate Lana ay nagbago na ang lahat.
Aasarin ko pa sana si Ate Lana nang biglang dumating sina Rachelle at Rica na agad akong niyakap nang mahigpit na mahigpit.
"Huwag ka ng aalis ulit, Merry! Nakaka-miss ka, sobra!" mangiyak-ngiyak na sabi ni Rachelle kaya napatawa ako.
"Oo na nga, hindi na ako aalis ulit para hindi na kayo iiyak. Mas pumapangit kayo kapag umiiyak kayo, eh!" pang-aasar ko kaya sabay nila akong binatukan.
"Baliw ka talaga! Basta ipangako mo na hindi ka na aalis. Iniwan na nga ako ng kuya mo tapos iiwan mo rin ako. Mapanakit talaga kayong mga Crisostomo," litanya ni Rica. Natawa naman si Ate Lana sa sinabi ni Rica.
"Hindi lahat," narinig kong bulong ni Ate Lana.
Gabi na noong umuwi si Ate Lana dahil hinintay niya pa talaga si Kuya Mike. Ihinatid naman siya ni kuya pauwi kaya hindi ko maiwasang maiingit sa pagiging sweet nilang dalawa. Sina Rachelle at Rica naman ay dito matutulog dahil miss na miss daw nila ako, kaya pati raw sa panaginip ay dapat magkakasama kaming tatlo.
Nagrereklamo nga si Minerva dahil dati ay kami ang magkatabi kaya lang sabi ni mom na hayaan daw muna kaming tatlo. Sa huli, tabi-tabi kaming tatlo nina Rica at Rachelle sa kama ko at ako ang nasa gitna.
°°°
JULY 20, 2021
NAKAPIKIT lamang ako habang inaayusan nila ako. May mga naglalagay ng make-up sa mukha ko at pagkatapos ay may nag-aayos naman sa buhok ko. Pagkalipas ng kalahating oras ay natapos din akong inayusan.
"Sa wakas tapos na rin!" tuwang-tuwa na sabi ko at dumiretso sa harap ng malaking salamin. Napangiti ako nang makita ko ang aking repleksyon sa salamin.
Naka-braid ang aking buhok ng bohemian style. Suot ko rin ang dangle earrings na advanced birthday gift sa akin ni Kuya Mike.
Napadako naman ang aking tingin sa aking suot na lace tulle red dress na sleeveless at pinaresan ng silver stilettos. Pinaghandaan talaga nina mom at dad ang birthday party ko dahil pati mga ipinasuot sa akin ay elegante.
Ayaw ko nga sana ng eleganteng birthday party pero nagpumilit sila. Hindi na nga raw ako nakpag-celebrate nang maayos ng 17th birthday ko dahil sa pagkamatay ni Kuya Melchi tapos wala rin daw ako noong 18th birthday ko kaya dapat lang daw na magkaroon ng ganitong celebration.
Sa hotel pa gaganapin ang birthday ko kaya paniguradong malaki ang nagastos nila para lang sa isang gabing selebrasyon ng birthday ko.
"Alam ko, Kuya Melchi, kung buhay ka lang, alam kong masaya ka rin dahil nakikita mo akong masaya ngayong 19th birthday ko," nakangiting wika ko habang nakatingin pa rin sa aking repleksyon.
Mayamaya pa ay narinig ko na ang pagkatok sa pinto ng aking kuwarto kaya lumabas na ako. Si Azarel pala ang kumatok.
Nauna na silang lahat sa hotel maliban sa akin tapos si Azarel naman ang nagpaiwan dahil siya na raw ang kasama ko sa pagpunta sa venue.
"Higit pa sa maganda ang iyong kagandahan! Ayoko na yatang alisin ang pagkakatitig sa iyo!" saad ni Azarel habang titig na titig sa akin na para bang nakatingin sa isang maliwanag na bagay dahil nagniningning ang kaniyang mga mata.
"Kahanga-hanga ka rin naman sa charcoal-gray tuxedo. Muntik na nga akong ma-fall sa'yo," pabirong banat ko sa kaniya kaya napaayos siya nang tingin sa akin at napabungisngis.
"Itigil mo na nga iyang mga banat mo. Tara na sa hotel dahil malapit ng mag-umpisa ang party," sabi niya habang nag-iiwas nang tingin dahil sa pamumula ng kaniyang mga pisngi.
"Bakit? Mas lalo kang nai-inlove, ano?" biro ko pa ngunit nagulat ako nang higitin niya ako at ipinaharap sa kaniya.
Napalunok naman ako sa ginawa niya dahil ang lapit namin sa isa't isa.
"Happy 19th birthday, Merry," saad niya, at hindi pa man ako nakapagsasalita nang higitin niya ako papunta sa kaniyang kotse.
Pagkarating namin sa venue ay nagulat ako dahil ang dami palang mga bisita. Mga kaibigan nina mom at dad sa business world, sina Tita Zandra at Ate Karel, at iba pang mga bisita na halatang nasa matataas na angkan. Nandito rin sina Tita Laura at Tito Alfonso na kasama ni Minerva kaya agad ko silang pinuntahan.
"Nagtataka pa rin talaga ako kung bakit hindi ka pa rin nakakuha ng kasintahan sa Pangasinan," biro ni Tito Alfonso kaya napatikhim si Azarel.
"Posessive boy best friend," natatawang bulong ni Minerva.
"Bakit kasi hindi mo na lang jowain?" tanong naman ni Rhaiza.
Inimbitahan ko rin si Rhaiza dahil malaki na rin ang parte niya sa buhay ko. Siya ang nasa tabi ko at naging best friend ko simula noong nanirahan ako sa Pangasinan.
"Kahit kailan talaga puro ka jowa," pambabara ko naman sa kaniya at umiling-iling.
Sunod ko naman na pinuntahan sina Rachelle at Rica na kasama sina Ate Lana at ang mga dating co-members ko sa life group. Kasama rin nila ang mga SSC classmates ko noong Junior High School.
Alas siete nag-umpisa ang programa. Pagkatapos mag-opening remarks sina mom at dad, si Ate Lana naman ang nag-lead ng opening prayer. Para tuloy naging debut party itong 19th birthday ko.
Sinamahan pa ako ni Azarel papunta sa harap kaya lahat yata ng nandito ay tinutukso kami. Ibinigay nila sa akin ang mikropono para makapagsalita na ako.
Kinakabahan tuloy ako dahil hindi man lang ako nakapaghanda ng sasabihin ko. Impromptu speech na lang ang gagawin ko at bahala na kung ano ang lalabas sa bibig ko.
Nanginginig pa ng kaunti ang kamay ko habang nakahawak sa mic. Ang daming nanonood sa akin at hindi ako sanay na magsalita sa harap ng napakaraming tao. Itong stage fright talaga ang hindi ko matanggal-tanggal.
"U-Una pos a lahat, magandang gabi sa inyong lahat at... at maraming salamat sa pagdalo ninyo sa aking 19th birthday," panimula ko at napalunok pa ako dahil nakatutok talaga ang mga mata nila sa akin.
"Hindi ko po inasahan na ganito pala karami ang dadalo sa kaarawan ko at hindi ko inaasahan na ganito pala kaengrande ang birthday party na ibinigay sa akin nina mom at dad," dagdag ko pa, at ibinaling ang tingin kina mom at dad.
"Pasensya na po, hindi ko napaghandaan ito," wika ko kaya natawa ang mga bisita.
"Sa totoo lang, kulang pa ang mga salitang sasabihin ko ngayon sa inyo sa labis na saya ko ngayon. Halos tatlong taon akong wala dito sa San Alidrona City, sa siyudad na kinagisnan ko. Dahil sa personal na rason, nanirahan ako sa Pangasinan at pilit na nilabanan ang aking pangungulila. Habang nandoon ako ay marami akong natutunan sa buhay at naging mas matatag ako. Kaya naman ang Merry na nasa harap niyo ngayon ay ibang-iba na sa kung sino ako noon. Ngayong 19th birthday ko, magsisimula na naman ang bagong kabanata ng buhay ko kasama kayong lahat. Salamat sa lahat ng pagmamahal na ibinigay niyo sa akin, sa mga magulang ko, kuya ko, kaibigan, at sa inyong lahat," sabi ko pa, at pagkatapos n'on ay nagpalakpakan silang lahat.
Sumunod naman ang pagbibigay ng mensahe nila sa akin. Unang nagbigay ng mensahe ay si mom. Sa hinaba-haba ng sinabi niya ay ang mga sumusunod na mga kataga ang tumatak sa akin.
"Kahit malayo tayo sa isa't isa noon, hindi nabura at nasira ang pagmamahal ko sa iyo bilang ina mo. Kayong dalawa na lamang ni Mike ang natitirang anak ko kaya gagawin namin ang lahat mapasaya lamang kayo dahil ayoko ng may isang mawala sa inyo," wika niya kaya pinipigilan ko naman ang pagtulo ng aking mga luha.
Pagkatapos ni mom ay sumunod si dad na halos pareho lamang ang sinabi niya sa sinabi ni mom. Si Kuya Mike naman ay idinaan niya pa rin sa biro ang maikling speech niya. At ang mga sumunod pa ay sina Rachelle, Rica, Minerva, Rhaiza, Tita Zandra, Ate Karel, at ang panghuli ay si Azarel na todo ang ngiti habang nakatingin sa akin.
"Happy 19th birthday, Merry. Lahat naman ng mga mensahe nila sa iyo ay pareho sa sasabihin ko. Ang masasabi ko na lamang ay sana mas maging masaya ka na sa iyong buhay at kung may problema ka, mananatili lamang ako sa tabi mo. Kung ano man ang mayroon sa atin ngayon ay kuntento at masaya na ako. Sana ay maging ganito tayo sa habang panahon," saad niya kaya lahat na naman sila ay naghiyawan at inaasar kami.
Sobrang suwerte ko kay Azarel dahil may ganiyang kaibigan akong handa akong damayan sa lahat ng mga problema ko. Sayang nga lang dahil hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay sa kaniya. Hindi ko naman madidiktahan ang puso ko na mahalin siya dahil hindi naman ipinipilit ang pag-ibig.
Noong matapos na ang dinner, nag-umpisa na silang nagpatugtog ng mga romantic songs. Natanaw ko si Rachelle na kasayaw si James tapos si Marie naman ay kasayaw si Jerico. Naibaling ko naman ang aking tingin kay Kuya Mike na kasayaw si Ate Lana.
Ako naman ay katabi si Azarel na kuwento nang kuwento tungkol sa gusto niyang gawin kasama ako sa mga susunod na araw. Kahit papaano ay hindi ako naboboring. Si Rica kasi bigla na lang nawala sa paningin ko.
"Tignan mo iyon, ang weird niya," sabi ko kay Azarel sabay turo sa isang lalaki na galing doon sa table ng isa sa mga business partner nina mom.
Hindi naman umimik si Azarel bagkus ay sinundan lang namin ng tingin ang lalaking nakasuot ng maskarang kulay silver. Natatakpan tuloy ang kaniyang mga mata hanggang ilong.
"Hindi naman masquerade party ito, ah. Bakit ganiyang suot niya," puna ko. Buti na lang ay bumabagay ang maskara niya sa suot niyang white tuxedo.
Mayamaya ay napasigaw kaming lahat nang mamatay ang lahat ng mga ilaw at tugtog. Wala tuloy akong makita kaya napahawak ako sa aking ulo. Nakatayo pa man din ako dahil tinatanaw ko 'yong lalaki kanina.
"Azarel nahihilo ako. Wala akong makita!"
Nangangatog ang mga tuhod ko at bigla akong pinawisan kahit na naka-aircon ang hotel. Ang tanging nadidinig ko ay ang mga taong nagpa-panic.
"Sshhh... kumalma ka, Merry, nandito lang ako," narinig kong sambit ni Azarel at hinawakan niya ang aking palad.
Napalunok naman ako at pilit na pinapakalma ang aking sarili. Ayaw ko talaga sa madilim at walang ilaw dahil mahihilo ako.
Nakakapagtaka lang dahil tumahimik ang buong paligid na tila ba napawi na ang pagpa-panic ng mga bisita. Bigla namang may nag-play na instrumental music. Pamilyar sa akin ang tugtog na iyon.
"Azarel, dito ka lang," kinakabahang wika ko nang bitawan niya ang kamay ko.
Naramdaman ko namang may humawak sa mga kamay ko at ipinatong iyon sa balikat niya. Hinawakan pa niya ang bewang ko na tila ba isinasayaw ako. Sumunod na lamang ako sa gusto niyang mangyari.
Nakakamangha dahil parang nawala ang pagkahilo ko dahil sa dilim. Mas naging komportable rin ako.
"A-Azarel..." bulong ko pero walang umimik.
Tahimik lamang kami habang kami ay nagsasayaw. Ito ang first dance ko sa buong buhay ko. Wala namang masama kung si Azarel ang first dance ko at wala namang big deal sa first dance na iyan.
Ilang minuto na siguro kaming nagsasayaw pero parang wala siyang balak tumigil. Tila ba kaming dalawa na lamang ang tao dito dahil napakatahimik ng paligid tapos ay madilim. Wala man lang kahit katiting na liwanag.
Sinubukan ko siyang kapain at laking gulat ko nang makapa ko ang mukha niya. Naka-maskara siya, ibig sabihin ay siya 'yong lalaking sinunsundan namin ng tingin ni Azarel kanina.
"Sino ka?" tanong ko ngunit hindi siya sumagot, bagkus ay binatawan niya na ang kamay ko kasabay ng pagtigil ng tugtog.
Ilang segundo lamang ay nagbukas na ulit ang mga ilaw. Bumalik na rin ang masayang tugtog.
Napalinga ako sa paligid. Ako lamang pala ang nakatayo, mabuti na lamang ay wala ako sa gitna. Nakakapagtaka dahil walang reaksyon ang mga tao na tila ba planado ang nangyari.
Agad kong nilapitan si Azarel na katabi na nina Tita Laura at Tito Alfonso. Kukulitin ko sana sila tungkol sa nangyari ngunit tahimik lamang si Azarel.
"Pupunta lang po ako sa restroom," pagpapaalam ko sa kanila.
Habang naglalakad ako ay humila sa akin. Isa lalaking naka-silver na mask at white tuxedo. Siya 'yong nagsayaw sa akin akin kanina.
"Sino ka? Saan mo ako dadalhin?" sunod-sunod na tanong ko habang pilit na kumakawala sa kaniyang pagkakahawak.
Hindi siya umimik hanggang nakarating kami sa rooftop ng hotel. Binatawan niya ang kamay ko at hindi naman ako nagtangkang tumakas. Gusto ring malaman kung sino ang lalaking iyan.
Nakatingin lamang siya sa mga buildings. Napatingin na lang din ako sa tinitignan niya dahil hindi maikakailang maganda ang view na nagmumula sa mga ilaw ng mga buildings tapos ay 'yong mga nagningning pang mga bituin sa kalangitan.
"Sino ka ba talaga?" tanong ko ulit.
Sa pagkakataong ito ay lumingon siya sa akin. Nagulat ako sa sumunod niyang ginawa. Niyakap niya ako nang mahigpit na tila ba sabik na sabik siyang yakapin ako.
Nalaglag naman ang kaniyang maskara ngunit hindi ko pa rin makita ang kaniyang mukha dahil nakayakap siya sa akin. Narinig ko ang kaniyang paghikbi kaya kusa na lamang gumalaw ang aking mga kamay para yakapin siya pabalik.
Sa pagkayakap ko sa kaniya, unti-unting nagiging pamilyar sa akin kung sino siya kaya agad akong kumawala sa kaniya at laking gulat ko nang makita ko kung sino siya.
Napaatras ako nang tuluyan kong makita ang mukha niya. Patuloy naman siya sa paglapit kaya patuloy rin ako sa paghakbang paatras. Mabuti na lamang ay malayo kami sa cliff kaya hindi ako malaglag. Mabilis niya namang hinuli ang mga kamay ko at marahan iyong hinawakan.
"Bitawan niyo ako," mahinahong wika ko pero umiling siya habang nagbabagsakan ang kaniyang mga luha.
"P-Puwede bang manatili muna tayong ganito," halos pabulong na pakiusap niya, "dahil labis akong nagulila sa iyo," dagdag pa niya.
Muli na naman niya akong niyakap at hindi na ako nakapalag pa. Habang nakayakap siya sa akin ay umiiyak lamang siya.
"Bakit niyo ginagawa ito? Bakit ba kayo umiiyak?" sunod-sunod na tanong ko.
"You're everything to me, Merry. I love being around you and all I do is think of you. You bring joy to my life."
Marahan ko naman siyang itinulak at nakikipagtitigan ako sa kaniya. Nakakaiinis dahil tila nasasagutan na naman ang puso kong ilang taon kong pinaghilom.
"I'm everything? Linawin niyo nga ang sinasabi niyo. 'Di ba nakababatang kapatid lamang ang tingin niyo sa akin?"
"Patawarin mo sana ako, Merry. Litung-lito ako sa nararamdaman ko noong mga panahong iyon. Akala ko, pagmamahal bilang kapatid lamang ang naramdaman ko noon," bahgya siyang tumigil at dumistansya sa akin. "Noong wala ka na ay doon ko lamang napagtanto kung ano ang totoong nararamdaman ko sa'yo," pagpapaliwanag niya pero hindi ako umimik.
Mabuti nga ay hindi tumutulo ang mga luha ko kahit pa parang muling sinusugat ang puso ko.
"I love you, Merry. This isn't just a love for a younger sister, but I love you more than everything," dagdag pa niya kaya napaawang ang aking bibig.
May kinuha naman siya sa gilid na baul at ibinigay iyon sa akin. Ito 'yong baul na ibinaon na namin ni Kuya Mike noon sa hukay.
"Noong ibinaon niyo ni Mike iyan ay nandoon ako. Pagkaalis niyo ay kinuha ko iyan. Merry, mahal na mahal talaga kita," saad niya kaya napahawak ako nang mahigpit sa maliit na baul.
"Ang lakas ng loob niyong sabihin iyan sa akin. Akala ko ba, ikaw ang angel na kakandili sa akin? Binigo niyo," puno ng pagkdismayang wika ko. "Sorry po, pero hindi na gaya ng dati ang nararamdaman ko."
Hinawakan ang isang kamay ko na tila ba nagmamakaawa. "P-Pinagsisisihan ko na talaga iyon. Merry, totoo itong pag-ibig na nararamdaman ko sa iyo."
"Huli na ang lahat, KUYA Hezekiah. Natapos na ang pag-ibig ko sa inyo noong natutunan niyo akong ibigin."
Binawi ko na ang kamay ko at lumakad na papalayo, at iniwan siyang nakatayo roon.
°°°
July 22, 2021
PAGKATAPOS no'ng pag-uusap namin ni Hezekiah noong birthday ko, ay bumalik na ako sa loob ng hotel. Ipinagpatuloy pa rin namin ang celebration na tila walang nangyari. Hindi ko sinabi sa kanila na nagkausap kami ni Hezekiah.
Pumasok sa loob ng kuwarto ko si mom kasama si Azarel. Umupo sila sa tabi ko habang ako naman ay nakahiga lamang at tinalikuran sila.
"Nagkausap na pala kayo ni Hezekiah," sambit ni mom kaya napabangon ako.
"Paano niyo po alam na nagkausap kami?" tanong ko sa kanila kaya nagkatinginan sila.
"Ang totoo, plinano namin iyon. Ako ang nag-imbita kay Hezekiah sa birthday party mo. Pati 'yong sa pagpatay ng mga ilaw hanggang sa pagdala niya sa iyo sa rooftop," tugon ni mom kaya nanlaki ang mga mata ko.
"Habang nandito pa tayo sa bahay niyo, bago tayo pumunta sa hotel, sinabi na ni Tita Oli ang mga plano sa mga bisita," dagdag naman ni Azarel.
"Bakit niyo naman iyon ginawa?"
"Para magkaayos na kayo. Merry, ilang taon naman na ang lumilipas," giit ni mom pero napailing ako.
"Wala na po kaming kailangang pag-usapan pa," wika ko at muling humiga at nagkumot.
Ayoko ng magkaroon pa ng kahit anong koneksyon kay Hezekiah dahil natatakot na akong masaktan ulit. Isa pa, ilalayo ko na ang damdamin ko sa mga ganiyan.
"May isa pa kaming sasabihin. Kagabi pa nasa labas ng gate si Hezekiah at gusto ka niyang makausap. Akala ko ay umuwi lang din siya kagabi pero pagkabukas ko ng gate, nakita ko siyang nakasandal doon habang nakaupo sa lapag at natutulog. Nilalagnat din siya kaya nasa guest room siya ngayon," saad pa ni mom kaya napalunok ako.
"Bakit po sinasabi niyo iyan sa akin? Kayo ang may bisita sa kaniya at hindi ako," tugon ko at pumikit na lamang.
Naramdaman kong wala na ang presensya nina Azarel at mom kaya napabangon ako. Tatayo na sana ako ngunit biglang bumukas ang pinto at bumungad sa akin si Hezekiah. Hindi ako nakagalaw sa aking kama kaya tuluyan siyang nakalapit sa akin.
"Merry—"
"Hindi na po tayo katulad ng dati.".
"Ang laki na ng ipinagbago mo."
"Tama kayo at dahil iyon sa inyo," wika ko at nag-iwas ng tingin.
"Bakit?" malungkot na tanong niya.
"Dahil natatakot na akong masaktan ulit."
***
NAPABUNTONG-HININGA ako matapos kong mabasa ang mga entries ko sa mga araw na iyon. Isa lamang talaga ang napagtanto ko matapos kong basahin ang mga iyon.
Saka lang natin malalaman ang tunay na halaga ng isang tao kapag tuluyan na siyang nawala sa iyo. Huli na para sabihing "Iniibig kita" sa taong dating minahal ka ngunit hindi mo naman pinahalagahan.
Napatitig naman ako sa aking diary. Iyon ang dahilan kung bakit nakabalik sa akin ang aking diary. Hinukay niya pala ulit.
"Nandito ka na naman. Hindi mo ako hinintay, sana sabay tayong pumunta rito," wika niya na kararating lamang at umupo sa aking tabi.
"Tinatapos ko na kasi itong diary ko dahil balak ko ng bumalik doon bukas," tugon ko at bumuntong-hininga habang pinipigilan ang aking mga luhang pilit kumakawala.
"Mabuti naman. Sasamahan na lang din kita bukas doon baka kasi... mag-breakdown ka na naman," saad niya kaya napatango ako.
Kailangan ko na talagang tapusin ito lahat ngayon dahil kailangan ko pang ihanda ang sarili ko. Kailangan kong harapin ang kasalukuyang unos sa aking buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro