Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 25

CHAPTER 25

OCTOBER 26, 2018

PAGKABALIK namin ni Kuya Mike sa bahay galing sa San Alidrona Park, nadatnan namin sina mommy at daddy na nakaupo sa sala. Bakas ang lungkot sa kanilang mga mata dahil hindi na talaga nila mababago ang aking isip sa aking pasya.

Tumabi naman ako kay mom at niyakap siya nang mahigpit. Naramdaman ko ang paghaplos niya sa akin buhok at bumuntong-hininga.

"Hindi na talaga namin mapipigilan ang desisyon mo," malungkot na wika niya kaya kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya at tumango.

"Mag-iingat ka roon. Ibibilin na lang kita kay Tita Laura mo dahil tinawagan ko na siya kagabi. 'Yong mga bitamina mo, huwag mong kalilimutang iinumin. Huwag kang magpupuyat at magpapakapagod," bilin pa sa akin ni mom kaya napatango ako.

"Higit sa lahat, pagbutihin mo ang pag-aaral doon," sabi rin ni dad.

"Huwag po kayong mag-alala, hindi ko po pababayaan ang sarili ko at ang pag-aaral ko," tugon ko sa kanila.

Napadako ang aking tingin sa dalawang malalaking maleta ko na nakahanda na malapit sa pinto, at katabi naman ng mga iyon ang bag na gagamitin ko sa pagpasok. Laman n'on ang mga binili kong gamit sa pagpasok.

"Siya nga pala, nasa garden si Karel at Azarel, hinihintay ka," saad ni mom.

Agad akong nagtungo sa garden at tinabihan sina Ate Karel na nakatayo sa gilid ng pool.

Marahang tinapik ni Ate Karel ang balikat ko. "Uy, Merry, aalis ka na pala."

"Opo, Ate Karel. Ayos na rin ito para makapagsimula ng bagong pahina ng buhay," tugon ko at ngumiti nang mapait.

"Pero nandito naman kami para tulungan kang mapahilom ang sugat. Hindi mo naman kailangang umalis," sabi naman ni Azarel na bakas ang lungkot sa kaniyang mga mata.

"Buo na ang pasya ko, Azarel. Huwag na kayong malungkot sa pag-alis ko, babalik naman ako, eh."

"Merry, alam mo bang ilang araw ng malungkot si Azarel simula noong nalaman niyang doon ka na maninirahan sa Pangasinan ng ilang taon? Kulang na lang ay iiyak na siya," natatawang sabi ni Ate Karel.

Agad na tinakpan ni Azarel ang kaniyang bibig. "Ang daldal mo, Ate," singhal niya kay Ate Karel.

Mahirap din naman sa akin ang lisanin sila. Ngumingiti lang ako at pilit pinapagaan ang loob nila pero nasasaktan din naman ako. Kailangan ko talagang gawin ito para paghilumin lahat ng sakit at mag-umpisa ng bagong pahina ng buhay.

Kahapon ay buong araw na kasama ko sina Rachelle at Rica at nakapagpaalam na rin ako sa kanila. Hindi na ako nakipagkita kina Crissel, pero nag-chat na ako sa kanila tungkol sa pag-alis ko. Alam na rin nila sa school na sa Pangasinan na ako tutuloy na mag-aral. Maging si Ate Lana ay alam niya na dahil nasabi sa kaniya ni Kuya Mike.

Kahit naman may kaunti akong tampo sa kaniya dahil siya ang mahal ng taong mahal ko, nagpaalam ako sa kaniya nang maayos sa chat. Hindi pa rin niya alam ang nararamdaman ko para kay Heze.

Wala namang kasalanan dito si Ate Lana kaya kailanman ay hindi ako magtatanim ng sama ng loob sa kaniya.

"Wala ka na bang nakalimutan?" tanong sa akin ni mommy at sumilip pa sa bintana ng kotse.

"Wala na po, nandito na rin lahat ng mga requirements para makapag-enroll ako," tugon ko at sa huling pagkakataon ay nginitian ko sila.

Pagkatingin ko sa akin relo ay eksaktong alas dos na ng hapon. Alas siete kami makakarating sa Pangasinan kaya mahaba-habang oras pa ang biyahe. Ang driver na namin ang maghahatid sa akin kina Minerva at hindi na sumama pa sina mom at dad.

Napabuntong-hininga ako nang malagpasan na namin ang San Alidrona Park. Nangingilid na rin ang mga luha ko kaya napatingala ako.

"Sige lang, iiyak mo lang dahil nandito naman ako," sabi sa akin ni Azarel na katabi ko lamang.

Nagpumilit kasi siya kanina na sasama siya sa akin sa Pangasinan at mananatili doon ng dalawang araw kaya pumayag na lang ako.

"Hindi ako naiiyak, 'no!" saad ko naman at nginitian siya.

Lilisanin ko na nang pangsamantala ang lugar na aking kinalakihan. Ang lugar na punung-puno ng mga masasaya at mapapait na alaala. Iiwanan lahat ng mga mapapait na alaala, at sana ay maiwan na rin dito ang nararamdaman ko para kay Hezekiah.

Maninirahan sa ibang lugar, sisimulan ang panibagong buhay, at paghihilumin ang sugat na naiwan.

Pasado alas siete na nang makarating kami sa bahay nina Minerva. Gabi na at nagugutom na rin ako kaya pagkarating pa lang namin ay dinala na kami ni Tita Laura sa hapag-kainan.

Bumalik naman na ang driver na naghatid sa amin at tumanggi sa alok ni Tita Laura na dito na rin kumain.

"Mahaba-haba ang biyahe niyo at siguradong pagod kayo kaya bukas na lang tayo magkuwentuhan at magkumustahan," sabi ni Tito Alfonso at sinalinan niya pa ng tubig ang baso ko.

"Kumain ka lang, Merry, dahil siguradong mahaba-habang kwentuhan ang aabutin natin bukas. Hindi mo pa nasasabi ang rason sa biglaan mong paglipat dito," saad ni Tita Laura.

Napatingin ako kay Minerva na hindi rin komportable sa sinabi ni Tita Laura. Alam na rin kasi ni Minerva ang rason dahil sinabi ko sa kaniya noong nagka-video call kami. Ang kailangan ko tuloy gawin bago matulog ay paghandaan ang sasabihin ko bukas.

Pagkatapos naming kumain ay inihatid na ako nina Tita Laura sa magiging kuwarto ko. Iisa lamang ang bakanteng kuwarto sa taas kaya makikitabi muna ako pansamantala kay Minerva habang nandito pa si Azarel. Kapag babalik na sa San Alidrona si Azarel ay ako na ang gagamit sa bakanteng kuwarto na katabi lamang ng kuwarto ni Minerva.

"Feel at home, Merry. Kapag kailangan mo ng kausap ay narito lang ako," sabi sa akin ni Minerva at nginitian pa ako.

"Salamat talaga, Minerva," tugon ko at umupo sa tabi niya.

"Tara na, matulog na tayo," wika niya kaya humiga na kami.

Ilang minuto lamang ay nakatulog na siya kaagad. Ako naman ay kahit anong pikit ang gawin ko ay hindi pa rin ako makatulog. Dahan-dahan akong bumangon at kumuha ng notebook at ballpen sa bag ko.

Naupo naman ako sa gilid ng kama at ipinatong ang notebook sa bedside table. Mabuti na lamang ay may lampshade kaya hindi madilim kapag magsusulat ako.

Sumulat na lang ako sa notebook ko ng kung ano ang ginawa ko sa araw na ito. Ito na ang aking magiging diary dahil itinapon ko na ang aking diary sa hukay. Napahawak ako sa aking leeg at hindi ko na makapa kuwintas na bigay ni Heze.

Oo nga pala, isinama ko na rin iyong ibinaon kasama ang hairpin. Sana ay gan'on din kadali ang pagbaon ko sa nararamdaman ko kay Heze.

°°°

OCTOBER 27, 2018


MAAGA akong nagising at naligo para makapaghanda. Paniguradong tatatanungin at tatanungin ako nina Tita Laura ngayon. Bago ako natulog kagabi ay nakaisip na ako ng mga maaaring isagot sa mga tanong nila.

"Seryoso? Hindi ka man lang dinalaw ni Kuya Hezekiah noong nag-home schooling ka o noong naospital ka?" tanong ni Minerva sa akin habang naglilinis kami sa kuwarto.

"Oo nga, Minerva. Wala naman akong magagawa doon kung hindi niya ako bibisitahin dahil hindi niya naman ako obligasyon."

"Kahit na, 'di ba sinabi niya na espesyal ka sa buhay niya dahil nakababatang kapatid ang tingin niya sa iyo?" tanong pa niya kaya napatango ako. "Oh, iyon naman pala. Dapat ay dinalaw ka man lang niya bilang isang kapatid," dagdag pa niya at hindi na ako umimik pa.

Gaya nga ng inaasahan ko, pagkatapos pa lang namin mag-almusal ay niyaya na ako ni Tita Laura sa sala para makausap ako. Sumunod din naman sina Azarel at Minerva sa amin.

"Bakit pala biglaan ang pasya mo na dito na tumuloy sa pag-aaral? May nangyari ba?" Gaya ng inaasahan ko ay ganito nga ang itatanong sa akin ni Tita Laura.

"Noong mga panahong palagi akong nagkakasakit at noong naospital ako noong nakaraang buwan , napagpasyahan kong subukang manirahan at mag-aral dito. Naisip ko po kasi na mas payapa ang buhay rito," pagpapaliwanag ko.

"Mabuti naman kung gan'on. Siguro ay nahumaling ka dito noong nagbakasyon kayo dito noong December," saad ni Tita Laura.

Halos kaming dalawa lamang ang nag-uusap dahil tahimik lamang na nakikinig sa amin sina Azarel at Minerva. Ngumiti lang naman ako dahil hindi ko na alam ang isasagot ko.

"Enjoy na enjoy ka pa rito noon. Oo nga pala, kumusta na 'yong kasama niyong lalaki dito noon, 'yong Hezekiah ang pangalan?" tanong pa niya kaya biglang nanuyo ang lalamunan ko at napatingin kina Azarel at Minerva na nabigla rin.

Hindi ko inaasahang itatanong niya ito. Hindi ko ito napaghandaan kagabi. Hindi ko naman aakalaing maaalala niya pa si Hezekiah.

"A-Ah.. e-eh..."

"Ma, anong oras na po ba ulit 'yong sinasabi niyong pagpunta namin nina Merry sa bayan?" tanong ni Minerva para lamang mailihis ang usapan.

"Oo nga pala, alas nuwebe na, baka tanghaliin na kayo sa pag-alis niyo," wika ni Tita Laura at bumaling sa akin.

"Nalaman ko na rin naman na ang rason mo kaya mag-enjoy na muna kayo habang wala pang pasok."

Pagkatapos naming mag-usap ay hinila na ako ni Minerva palabas. Sumunod na sa amin si Azarel at pumara na kami ng tricycle.

Kung ano-ano ang ginawa namin sa bayan. Nadaanan pa nga namin ang Manaoag National High School na papasukan namin pagkatapos ng sembreak. Papasok sana kami doon para maglibot pero hindi kami pinapasok ng guard.

Tumambay na lamang kami si Rizal Park at doon nagkuwentuhan.

"Saglit lang, may tumatawag sa akin," wika ni Azarel habang nakitingin sa screen ng phone niya at lumayo sa amin. Pagbalik niya ay nakasimangot siya habang nakapamulsa.

"Anong problema?"

"Mukhang mapapaaga ang pag-uwi ko, ah," tugon niya at umupo sa tabi ko.

"Bakit naman?" tanong ni Minerva.

"May sakit si Ate Karel at kailangan kong umuwi sa bahay."

"Oh, kung gan'on ay umuwi ka na. May magsusundo ba sa iyo?"

"Magko-commute na lang ako, pero ayoko pa talagang umuwi," wika niya habang nakasimangot.

Pagsapit ng ala una ay umuwi na kami sa bahay nina Minerva dahil babalik pa si Azarel sa San Alidrona. Mahaba ang biyahe kaya kailangan niyang makaalis kaagad para hindi na siya magabihan.

"Mag-iingat ka sa pagbalik," sabi ko at niyakap siya.

"Alagaan mo ang sarili mo, Merry. Magkikita pa ulit tayo soon," tugon niya at kumalas sa pagkakayakap sa akin, at sumakay na sa tricycle na kanina pa naghihintay sa kaniya.

Pagkaalis ng tricycle ay pumasok na ako sa loob. Inilipat ko na ang mga gamit ko sa bakanteng kuwarto na pinagtulugan ni Azarel.

Wala naman si Tita Laura dahil may pinuntahan, at si Tito Alfonso naman, nasa isang tutorial center nila sa Urdaneta City. Pagkatapos kong iayos ang mga gamit ko, agad akong humilata sa kama.

Katabi nito ang malaking bintana kaya abot tanaw ang kawayan sa likuran ng bahay. Kitang-kita rin ang mga bukirin sa 'di kalayuan at iba't ibang mga punungkahoy.

Pinapanood ko lamang ang mga nagbabagsakang tuyong dahon ng kawayan na itinatangay ng hangin.

Upang maiwasan ang lungkot ay nakipag-video call na lang ako kay Kuya Mike pero mas lalo lang akong naluha. Inasar niya tuloy ako nang inasar mapatawa lang ako. Sunod ko namang tinawagan sina Rachelle at Rica na pilit akong pinapabalik sa San Alidrona.

Kinagabihan pagkatapos naming kumain ay ako na ang naghugas ng mga pinagkainan. Bago ako natulog ay nakipag-video call muna ako kina mom at dad.

Kahit isang araw pa lang akong nahihiwalay sa kanila ay miss na miss ko na sila kaagad. Iba pa rin talaga ang kalinga ng mga magulang.

Makalipas ng higit isang oras na makikipag-usap sa kanila ay nagsulat muna ako sa aking notebook tungkol sa araw na ito at humilata na sa kama.

°°°

NOVEMBER 05, 2018

KINAKABAHAN akong pumasok sa classroom dahil bago lang ako rito. Pagkapasok ko pa lang ay pinagtitinginan na ako ng mga magiging kaklase ko kaya noong makahanap ako ng bakanteng upuan sa likod ay naupo na ako roon.

Ang Manaoag National High School Senior High School ay isang pampublikang paaralan pero sabi ni Minerva ay maganda raw rit.

Hindi katulad sa San Alidrona City, walang aircon sa mga silid-aralan, pero maganda naman ang bentilasyon at sariwang hangin pa ang malalanghap.

Wala pa ang class adviser kaya tahimik lamang akong nakatanaw sa labas ng bintana. Gusto ko sanang puntahan si Minerva kaso nahihiya akong maglakad sa pasilyo. Nasa building A3-5 ang classroom namin habang sina Minerva naman ay sa A4-5. Nasa taas lang ng room namin ang room nila.

Dahil nagse-cellphone naman ang iba ay nag-cellphone na lang din ako at kinumusta sina Rachelle at Rica. Nag-chat din ako kay Azarel.

Mayamaya pa ay nandiyan na ang class adviser namin kaya itinago ko na lamang ang cellphone ko. Sa kaniya ako nagpa-enroll last week kaya kilala niya na ako. Sigurado akong papatayuin niya ako para magpakilala.

"Mayroon kayong bagong classmate ngayong second semester. Bagong lipat lang siya dito sa Pangasinan kaya maging mabait kayo sa kaniya," saad ni Sir Junriel, ang class adviser.

Ibinaling niya ang tingin sa akin, at sinensyasan ako na pumunta ako sa harap para ipakilala ang aking sarili.

"Merry Crisostomo ang pangalan ko, at dating naninirahan sa San Alidrona City, at dati rin akong nag-aral sa San Alidrona High School simula Grade 7 hanggang first semester ng Grade 11," pagpapakilala ko sa aking sarili at nginitian sila.

Napakagat naman ako sa aking labi dahil sa kaba. Nang matapos ang aking kalbaryo ay pinalipat ako ni sir sa tabi ng class secretary namin na si Rhaiza.

"Picture-an niyo na lang 'yong bago niyong class schedule at mga subjects," sabi pa ni Sir Junriel.

Dahil unang araw pa lang naman ng second semester, hindi pa kami gaanong nagklase. May mga lumalapit naman sa akin para makipag-usap kaya masaya ako dahil maganda ang pakikitungo nila sa akin.

Noong mga sumunod na oras ay lumipat na kami ng classroom. Bawat subject ay kami ang lilipat para puntahan ang mga subject teachers namin. Nakakapagod nga lang dahil minsan ay lumilipat pa kami sa kabilang building tapos sa fourth floor pa.

Noong lunch time na ay niyaya ako ni Rhaiza na sumabay sa kaniya sa lunch. Nagpaalam naman ako kay Minerva na kay Rhaiza ako sasabay. Pumayag naman siya dahil may kasabay rin daw siyang kaibigan niya.

Mayroon naman akong pera kaya ayos lang na humiwalay muna ako kay Minerva para makahanap ako ng mga kaibigan ko at ma-explore dito. Isang buwang allowance ko sa pagpasok ang ipinadala ni mom noong nakaraang linggo, at nagbigay na rin siya ng pera kina Tita Laura para sa expenses ko.

"Tara sa food court sa Junior High School, mas masasarap ang pagkain doon," anyaya ni Rhaiza at kumapit sa aking braso.

Sa oval kami dumaan kaya mas nakita ko pa kung gaano kalawak ang Manaoag National High School.

"Magkuwento ka naman tungkol sa buhay mo at kung bakit ka lumipat dito," sabi ni Rhaiza habang naglalakad kami kaya napabuntong-hininga ako.

"Ang lalim ng buntong-hininga mo, ah. Siguro malalim din ang rason kaya ka lumipat dito," wika niya pero hindi ako nakaimik.

"Puwede ka namang mag-open sa akin kung gusto mo. Merry, sabi ko naman sa iyo kanina, kaibigan mo na ako at hindi lang basta kaklase," dagdag pa niya kaya napangiti ako.

"Sige, ikukwento ko na lang habang kumakain tayo."

Nang makarating kami sa food court ay marami ng mga estudyanteng bumibili. Mainit pero ayos lang dahil mukha namang masaya dito. Pagkatapos naming makabili ng pagkain namin ay pumunta na kami sa bakanteng mesa.

Ikinuwento ko nga sa kaniya ang rason ng paglipat ko dito habang kami ay kumakain. Mula noong unang nakita ko si Hezekiah hanggang doon sa nalaman kong nakababatang kapatid lang ang turing niya sa akin.

"Eh, nasaan na 'yong kuwintas at hairpin na ibinigay niya sa iyo?"

"Wala na, ibinaon ko na kasama n'ong diary ko."

"Sayang naman. Dapat kasi inalagaan mo iyang puso mo," saad niya. Napayuko naman ako at ipinagpatuloy ang pagkain.

Tama naman siya. Kung hindi lang ako nagpadalos-dalos, hindi ako hahantong sa ganito. Kung napigilan ko lang ang nararamdaman ko, at inalagaan ang damdamin ko, hindi na aabot sa ganito. Leksyon na ito na ibinigay sa akin.

"Noong umalis ako sa San Alidrona, sinabi ko sa sarili ko na lilipat na muna ako rito, at sisimulan ang bagong pahina ng aking buhay. Susubukan kong ayusin ang lahat," pagwawari ko at ngumiti.

Tinaasan naman niya ako ng kilay. "Huwag mong subukan, gawin mo. Hindi mo man agad makalimutan ang nararamdaman mo sa kaniya, pero siguraduhin mong maayos mo kahit paunti-unti."

Tama siya, hindi ko basta-basta malilimutan ang nararamdaman ko sa kaniya. Isa pa, kung perfect will talaga ito, kahit anong mangyari ay pagtatagpuin at pagtatagpuin ang pagmamahalan naming dalawa.

Ang tunay na pag-ibig ay parang isang paru-paru. Mailap at mahirap na mapadapo sa daliri. Kung sakaling dumapo man ay siguradong aalis at aalis iyon papalayo, ngunit kung talagang para sa iyo ay babalik pa rin ito sa piling mo.

Hindi pinipilit ang pagmamahal sa isang tao dahil natural itong nararamdaman. Kung talagang para sa akin siya ay babalik at babalik ang landas namin sa isa't isa.

***

ISINARA ko na ang aking diary at ipinikit ang aking mga mata habang dinadama ang simoy ng hangin.

"Hindi ka ba talaga pupunta sa p—"

Hindi ko na siya pinatapos sa pagsasalita dahil umiling na ako kaagad. Kahit saglit man lang ay gusto kong makalimutan ang tungkol sa sinasabi niya. Kaya nga binabalikan kong basahin ang aking diary pero pilit naman niyang isinisingit iyon.

"Hindi muna. Sa ikapitong araw na lang pagkatapos kong basahin ang akin diary. Ika-limang araw na ngayon. Sigurado naman akong maiintindihan niya ako," saad ko at kinuha na ang aking diary at pumasok na sa loob ng bahay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro