Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 24

CHAPTER 24


SEPTEMBER 07, 2018

PAGKATAPOS ng klase namin ng alas kuwatro, sabay-sabay na kami nina Marie at James na nagtungo sa rooftop ng Senior High School department dahil doon kami nagla-life group simula pa noong June.

Medyo nahihilo pa nga ako. Siguro ay bumaba na naman ang hemoglobin ko, tapos hindi pa ako nakainom ng vitamins kanina. Kagabi naman, hindi ako nakatulog nang maaga dahil tinapos ko pa 'yong metodolohiya at talataungan ko sa pananaliksik ko.

Napangiti naman ako dahil nandito si Rica para maki-life group kahit na hindi na siya nag-aaral dito. Noong kumpleto na kami, nag-umpisa na kaagad dahil may ia-anunsyo pa si Heze.

"Ang topic natin ngayon ay tungkol sa Key to Success," panimula ni Heze pagkatapos naming mag-opening prayer.

Isinantabi ko muna ang bumabagabag sa akin tungkol sa iaanunsyo ni Heze mamaya tungkol sa plano. Inihanda ko na ang aking notebook at ballpen para maisulat ko ang mga detalyeng dapat isulat mamaya.

"Sabi rito sa Proverbs 16:3, 'Commit thy works unto the LORD, and thy thoughts shall be established. Sa ibang translation naman, 'Commit your deeds to Yahweh, and your plans shall succeed,'" basa niya sa Bible na hawak niya.

Isinulat ko naman kaagad sa notebook ko ang verse at muli na namang nakinig sa kaniya. Babalikan ko kasing babasahin ito mamaya dahil maganda itong topic. Kailangan na kailangan talagang mapag-aralan ito lalo na sa mga kabataang katulad ko.

"Ibig sabihin nito, lahat ng gagawin natin dapat ay ipagkatiwala natin sa Diyos upang sa ganoon ay magtatagumpay tayo sa lahat ng mga gawain o layunin natin. Halimbawa, sa pag-aaral ninyo, dapat ipinagkakatiwala niyo iyan sa Diyos dahil paniguradong magiging matagumpay kayo," pagpapaliwanag pa niya.

Marami pa siyang ipinaliwanag hinggil dito. Madaling natapos ang life group namin dahil maiksi lamang ang topic namin.

Nang makapag-closing prayer na kami ay itinago na namin ang aming mga gamit ay hinintay na namin kung ano ang sasabihin ni Heze.

Hindi rin maawat ang isip ko na mag-isip ng kung ano-ano. Bumalik na naman ang kaba ko, at maging ang mga bituka ko ay tila pinagbubuhul-buhol.

"Ano na po 'yong ia-announce niyo?" tanong ni Jerico kaya napangit nang malawak si Heze. Napadako muna ang tingin niya sa akin bago siya nagsalita.

"Birthday na kasi ni Lana next week, at balak ko siyang sorpresahin kaya kailangan ko ang tulong niyo," tugon niya, kaya napa-ayieee naman silang lahat maliban sa amin nina Rica at Rachelle na pangit-ngiti lamang.

Ako naman ay pilit na napangiti kahit na sa loob ko ay kabaliktaran ang sinasabi nito.

"Hindi pa po ba kayo sinasagot ni Ate Lana?" tanong ni James pero umiling lang si Heze. Hindi ako komportable sa pinag-uusapan nila.

"Para mapasagot ni Kuya Hezekiah si Ate Lana, dapat ay bongga ang gawin nating surprise!" ani Irish na sinang-ayunan nilang lahat.

Lahat talaga sila ay pabor sa relasyon nina Heze at Ate Lana. Gagawin talaga nila ang lahat para lang magkatuluyan silang dalawa. Wala na akong mukhang maihaharap sa kanila kapag nalaman talaga nilang may gusto ako kay Heze.

Ibinaling ko na lang ang tingin ko sa mga estudayanteng naglalakad sa 'di kalayuan dahil parang pinipiga ang puso ko sa pinag-uusapan nila.

"Ikaw, Merry, okay ba sa iyo iyon?" tanong sa akin ni Crissel kaya ibinalik ko ang tingin sa kanila.

"O-Oo naman," sagot ko kahit na hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niya.

Napatingin naman sa akin sina Rachelle at Rica, marahil ay inuusisa nila ako kung ayos lang ba ako. Pasimple ko naman silang tinanguhan kaya bahagya silang napangiti.

Hindi ko na inintindi ang mga katuwaan nila dahil sa mga plano nila para kay Ate Lana. Hindi ko kasi maatim na pakinggan iyon dahil masasaktan lang ako.

"Merry, ikaw na lang ang bahala sa mga poems para kay Ate Lana dahil ikaw naman ang magaling doon," wika ni Marie pero pilit ko lang siyang nginitian.

"Dapat 'yong kikiligin nang sobra si Ate Lana para sagutin niya na si Kuya Hezekiah kaya sa iyo nakasalalay, Merry!" tuwang-tuwa naman na saad ni Jerico.

Hindi ko na alam ang sasabihin ko o ire-react ko. Hinihintay nila ang tugon ko ngunit hindi ako makapagsalita dahil tila may bumabara sa lalamunan ko. Hindi ko namalayang kinuha ko na pala ang bag ko.

Nilisan ko na ang rooftop habang naluluha. Narinig ko naman silang tinatatawag ako noong papalayo ako pero hindi na ako lumingon pa. Tuluyang nagbagsakan ang mga luha ko kaya napahawak ako nang mahigpit sa laylayan ng PE shirt ko.

"Merry, anong problema?"

Napatigil ako sa paglalakad nang may humawak sa braso ko. Napayuko ako nang mapagtanto kong si Hezekiah pala iyon. Iniharap niya ako sa kaniya ngunit nanatili lamang akong nakayuko.

"Tumingin ka sa akin," aniya pero umiling ako. Tuloy-tuloy pa rin ang pagbagsak ng mga luha ko kaya hindi ko magawang tumingin sa kaniya.

"Umiiyak ka? Sabihin mo kasi sa akin kung ano iyon baka matulungan kita," sabi pa niya pero umiling lang ulit ako.

Paano ko ba sasabihin sa kaniya na ang problema ko ay tungkol sa nararamdaman ko para sa kaniya? Hindi na kasi ito puwede lalo na't baka sa susunod na linggo ay sagutin na nga siya ni Ate Lana. Ayoko namang sirain ang relasyon nilang dalawa.

"A-Alis na po ako," pagpapaalam ko, at aalis na sana ngunit hinigit niya ang kamay ko kaya tuluyan akong napatingin sa kaniya.

Ngayon naman ay hindi ko na maalis ang tingin ko sa kaniya habang ako ay lumuluha.

"Sabihin mo na kasi—"

"—hindi nga po puwedeng sabihin! Hindi ko kaya at higit sa lahat ay hindi maaari dahil masisira ang lahat!"

Sa pagkakataong iyon ay nataasan ko siya ng boses kaya gulat siyang napatitig sa akin.

"Anong nangyayari sa iyo, Merry? Hindi ka naman ganiyan. Sabihin mo lang kasi sa akin kung ano ang problema hindi iyong tinataasan mo ako ng boses," litanya niya.

Marahas kong pinunasan ang luha ko. "Ang problema ko? Matagal ko ng pinoproblema itong nararamdaman ko dahil may gusto ako sa iyo. Alam ko namang hindi puwede pero labis akong nahulog sa'yo. Simula pa lang naman noong una alam kong ako ang masasaktan sa huli pero itinuloy ko pa rin. Sobrang sakit dahil mahal na mahal kita pero hindi puwede dahil iba ang nilalaman ng puso mo," pag-amin ko kaya mas na kita ko ang pagkabigla sa mukha niya. Maging ako ay nabigla rin sa aking nasabi.

Wala na, nasabi ko na ang pag-ibig na matagal ko ng itinatago. Siguradong pagkatapos ng eksenang ito ay magbabago na ang lahat. Gusto ko tuloy lumubog na lamang dito sa kinatatayuan ko dahil sa labis na hiya. Tutal alam naman niya na, sasabihin ko na lahat ng gusto kong sabihin sa kaniya.

Hindi siya nakaimik dahil sa pagkabigla. Nakaawang lamang ang bibig niya at tila hindi pa makapaniwala sa inamin ko.

"Sinubukan ko namang burahin lahat ng mga nararamdaman ko dahil hindi ko alam kung tama pa ba ito," bahagya akong napatigil, "minahal kita kahit pa malayo ang agwat ng edad natin, minahal kita kahit may iba ng nasa puso mo."

"T-Totoo ba iyan?"

"Bakit ako magsisinungaling sa totoong nararamdaman ko? Sana nga hindi na lang totoo ang lahat ng nararamdaman ko para hindi ako nasasaktan," tugon ko.

"Pero, Merry—"

"Litung-lito na ako, Heze. Anong ibig sabihin nito?" tanong ko, at itinuro ang suot kong kuwintas.

"Anong ibig sabihin ng mga sinasabi mo sa akin, pati na rin 'yong kakaibang closeness natin?" tanong ko pa kaya napabuntong-hininga siya.

"Sorry, Merry. Hindi ko naman alam na gan'on pala ang nararamdaman mo. Atsaka, kaya ko nasabing espesyal ka sa akin ay dahil nakababatang kapatid ang tingin ko sa iyo. Alam iyon nina mama dahil palagi kong sinasabi sa kanila ang tungkol sa iyo. Espesyal ang nararamdaman ko sa iyo dahil ngayon lang ako nagkaroon ng nakababatang kapatid, at ikaw iyon," tugon niya kaya mas napaluha ako.

Parang sinasaksak nang paulit-ulit ang puso ko dahil sa sinabi niya. Nangihina maging ang mga tuhod ko.

Nakababatang kapatid lang pala ako sa kaniya. Mukhang mas malala pa ito kumpara sa na-friendzoned.

Hindi ako nakaimik. Pawang hikbi lamang ang lumalabas sa aking bibig kaya unti-unti akong umatras papalayo sa kaniya. Nanatili lang siyang nakatingin sa akin at hindi rin umiimik. Kita ko pa rin sa mga mata niya ang pagkadisamaya, kaya tumalikod na ako at tumakbo papalayo.

Sa aking pagtakbo papalayo, may mga nababangga-bangga na akong mga estudyante dahil nanlalabo na ang paningin ko dahil sa luha. Pagkarating ko sa second floor malapit sa classroom nina Azarel, napatigil ako dahil hindi na ako halos makahinga dahil sa pagod.

Napahawak ako sa aking ulo nang mas lalong lumala ang aking pagkahilo. Tila nabingi na rin ako dahil unti-unting humihina ang pandinig ko. Ang mga halakhakan at kwentuhan ng mga estudyanteng naglalakad sa mga pasilyo ay unti-unting humihina.

Sa paghakbang ko sa hagdan ay para akong bumabang lasing. Umiikot ang aking paningin, at hindi ko na alam kung saan ko ihahakbang ang aking paa.

Sinubukan kong lumingon sa aking likuran upang tignan kung sinundan ba ako ni Heze, ngunit wala akong nakita kahit anino niya. Napapikit ako at muling humakbang ngunit laking gulat ko nang magkamali ako sa paghakbang.

Napabitaw ako sa pagkakahawak sa hawakan ng hagdan. Naramdaman ko ang pagtama ng aking ulo sa hagdan. Pati ang likod ko ay tumama na rin dahil sa paggulong ko pababa.

Bago ko tuluyang ipikit ang aking mga mata, at kahit nanlalabo na ang aking paningin, nakita ko si Azarel na tumatakbo papalapit sa akin mula sa kumpol ng mga estudyante. Kasabay ng matinding pagkirot ng ulo ko ay tuluyang nandilim ang paningin ko.

°°°

SEPTEMBER 10, 2018

UNTI-UNTI kong iminulat ang mga mata ko. Napahawak ako sa aking ulo, nakabenda pala ito kaya pala kakaiba ang naramdaman ko. Dumako naman ang tingin ko sa aking forearm na may nakakabit na suwero. Nasa ospital na naman ako.

Kumirot nang bahagya ang ulo ko kaya napadaing ako nang mahina. Muli akong napapikit at inalala ang mga pangyayari kung bakit ako naririto.

"Mabuti at gising ka na!" wika ni mom at niyakap ako. Napaluha naman ako habang nakatingin kay Azarel na nakasuot ng uniform.

"Halos tatlong araw kang tulog. Mabuti nga at hindi mo pinantayan 'yong isang buwan kong pagkakatulog," wika naman ni Rica na nasa tabi ni Azarel.

Kumalas na si mom sa pagkakayakap sa akin at hinaplos ang aking buhok. Si Kuya Mike naman ay humalukipkip lamang sa gilid.

Napaiwas ako ng tingin sa kanilang lahat nang mapagtanto ko kung ano ang dahilan kung bakit ako nandito. Umamin ako kay Heze, at doon ko nalaman na kapatid lamang pala ang tingin niya sa akin.

Tumakbo ako at kahit pa hilung-hilo na ako ay sinubukan ko pa ring bumaba sa hagdan kaya nalaglag ako. Sinaklolohan ako ni Azarel pero si Heze ay hindi man lang ako sinundan.

"Alam ko na ang nangyari, alam ko na ang lahat. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo," bulong ni mom kaya napalunok ako.

Ano na ang alam niya? Tungkol ba iyon sa nararamdaman ko kay Heze at pag-amin ko sa kaniya? Pero paano niya nalaman?

Tinignan ko sina Azarel, Rica, at Kuya Mike na pare-parehong napayuko. Kung gan'on ay sila ang nagsabi kay mom.

"Sorry." Iyan lamang ang tangin nabanggit ko at nag-iwas ng muli ng tingin.

"Huwag kang mag-sorry. Umibig ka at hindi mo naman madidiktahan ang isinasambit ng puso mo," tugon ni mom, at hinawakan niya ang aking kamay pero hindi ako umimik.

"Noon pa man ay napapansin ko ang kakaibang kinang ng iyong mga mata sa tuwing magkasama kayo ni Hezekiah. Bilang ina mo, nababasa ko sa iyong mga mata na may iba kang nararamdaman sa kaniya. Ang mga tingin mong iyon, kailanman ay hindi ko nakita sa tuwing magkasama kayo ni Azarel," dagdag pa niya kaya napaluha ako.

"Huwag kang mag-alala dahil hindi naman ako magagalit. Ang importante ay gising ka na dahil hindi ko makakaya kapag mawawala ka rin sa amin," sabi ni mom, at sa pagkakataong iyon ay lumuluha na rin siya.

Mayamaya pa ay nagpaalam na siya dahil tumatawag sa kaniya si dad. Lumapit naman sa akin sina Rica at agad niya akong niyakap.

"Sorry dahil sinabi na namin kay tita ang lahat," sabay na wika nina Azarel at Rica.

"Ayos lang," tugon ko at pilit silang nginitian. "Ano ba ang sinabi niyo?" tanong ko at tumingin kay Kuya Mike.

Sina Rica at Azarel ang unang nagsabi kay mom. Sinabi ko lang na totoo ang sinasabi nila," sagot ni kuya.

"Anong sinabi niyo?" tanong ko naman kina Azarel at Rica.

"Si Azarel kasi ang nagsabi na nalaglag ka sa hagdan dahil sa paglayo mo noong umamin ka kay Kuya Hezekiah. Eh di nasabi ko na rin kay Tita Oli na may gusto ka kay Kuya Hezekiah," turo din ni Rica kay Azarel, kaya bumaling ako ng tingin sa kaniya.

"Paano mo alam na umamin na ako kay Heze?" tanong ko sa kaniya.

"Ang totoo niyan, susundan ko sana kayo sa rooftop kaya lang nakita ko kayo sa hallway ng 4th floor tapos aksidenteng narinig ko ang usapan niyo. Susundan sana kita noong iniwan mo si Heze ,pero nakita ako ng isang teacher at nagpasama sa akin na dalhin sa faculty room 'yong mga dala niyang mga activity notebooks. Mabilis kong dinala ang mga iyon sa faculty, at noong susundan na sana kita, nakita kitang nakahandusay na. Mabilis naman kaming nakahingi ng tulong tapos ay tinawagan ko si Tita Oli," mahabang paliwanag ni Azarel.

"Sorry talaga kung sinabi na namin," dagdag pa niya.

"Huwag kayong mag-alala, okay lang," tugon ko at ngumiti.

Nagpaalam na sina Azarel at Rica pagkatapos naming mag-usap dahil uuwi pa si Rica. Si Azarel naman ay papasok pa.

Naiwan kaming dalawa ni Kuya Mike. Inilapit niya sa akin ang upuan para makausap ako nang maayos.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya.

"Medyo nahihilo pa ako."

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang tinutukoy ko ay ang damdamin mo," wika niya kaya kumawala ang luha ko. Napayakap ako at umiyak sa bisig niya.

"Wala na, kuya, dumating na ang araw na kinatatakutan ko. Nasira na ang lahat," lumuluhang saad ko.

"Kapatid lang pala ang turing niya sa akin. Wala na rin akong mukhang maihaharap sa kaniya," dagdag ko pa at napahikbi.

"Shhh... tahan na, magiging ayos din ang lahat," pagpapakalma niya sa akin at pinunasan ang aking mga luha.

"Kuya, alam ko namang hindi dapat ako nagkakaganito pero ang sakit talaga."

Naalala ko tuloy 'yong pag-uusap namin ni Kuya Melchi noong nabubuhay pa siya. ito na siguro 'yong tinutukoy niya.

"Ayieeeee! In love ka na talaga kay Rica! Pero paano mo naman maide-deliver iyan sa kaniya? Aamin ka na ba?"

"'Yon na nga, eh. Ayoko pang umamin sa kaniya dahil wala akong lakas ng loob."

"Bakit naman? Bakit naman hindi mo magawang mag-confess sa kaniya?"

"Rejection. Natatakot akong ma-reject. Siguro nagtataka ka kung bakit. Sa ngayon hindi mo pa maiintindihan pero balang araw maiintindihan mo rin lahat. Maiintindihan mo rin kung ano nga ba ang rejection."

Ito na siguro 'yong araw na tinutukoy niya. Kahit pa hindi ako direktang na-reject, naiintindihan ko na. Kaya pala takot siyang mag-confess noon dahil ganito pala kasakit. Parang paulit-ulit na tinutusok nang maliliit na mga karayom ang puso ko.

Makalipas ang ilang minuto, bumalik na si mom kasama ang isang doktor. Sinabi sa akin na kailangan pang paghilumin ang sugat sa ulo ko. Pababa raw nang pababa ang hemoglobin ko, kaya kailangan pa akong obserbahan dito sa ospital. Himala nga raw dahil sa paa lang ako nagkaroon ng fracture.

Pinayuhan akong mag-bed rest at huwag na munang pumasok sa school hanggat hindi bumubuti ang kalagayan ko.

"Paano iyan, Merry? Hindi ka muna makakapasok sa school niyo," nag-aalalang wika ni mom.

"Isang buwan na lang ay matatapos na ang first semester ninyo," dagdag din ni Kuya Mike.

"Magho-home schooling po ako kung papayagan niyo ako," mabilis na tugon ko.

Sinang-ayunan naman ni mom ang sinabi ko at muling tinawagan si dad para sabihin sa kaniya and desisyon.

Noong pumayag na siya ay agad nagpagawa ng medical certificate si mom. Gumawa na rin siya ng letter para sa class adviser ko tungkol sa home schooling ko, at personal siyang pumunta sa school namin.

Si kuya na muna ang nagbantay sa akin hangga't hindi dumarating si Ate Weng na siyang magbabantay sa akin dito.

"Sino ang mga dumalaw sa akin dito noong ilang araw akong tulog?" tanong ko habang binabalatan niya ang orange para sa akin.

"Sina Rachelle at Rica tapos 'yong mga co-members mo sa life group," tugon niya at ibinigay niya sa akin ang orange nang mabalatan niya ito.

"S-Si Heze?"

"Hindi ka niya binisita ni minsan. Si Lana ay binisita ka niya kahapon. Huwag kang mag-alala dahil hindi niya alam ang tungkol sa pag-amin mo," sagot niya kaya napasimangot ako.

Pagkalipas ng tatlong araw ay inuwi na ako dito sa bahay. Dito na lang daw ako oobserbahan at may pumupuntang mga nurse para i-monitor ako. Nag-umpisa na rin ang home schooling ko.

Si Rica ang kumukuha ng mga activity sheets at mga lessons ko school, at dinadala niya rito sa bahay kapag bumibisita siya rito. Minsan ay si Rachelle rin ang nagdadala pero madalas ay si Azarel. Sa tuwing umuuwi siya, dumadaan siya rito sa bahay para ibigay ang mga lessons at activity sheets. Kinukuha niya na rin ang mga nasagutan ko at ibinibigay kay Ma'am Ann kapag dating niya sa school.

Isang buwan na gan'on ang pangyayari sa buhay ko. Isang beses kada linggo, may pumuputang doktor dito para suriin ako. Sa loob ng isang buwan na iyon, ni minsan ay hindi ako dinalaw ni Hezekiah. Hindi na rin ako nakaka-attend sa life group pero itinutuloy ko pa rin ang daily devotion ko.

Nabalitaan ko na lang kina Rachelle at Rica na madalas ay matamlay si Heze tuwing life group. Hindi naman nila siya kinukulit kung bakit siya gan'on. Ni minsan ay hindi raw nila ako nababanggit sa kaniya. Hindi rin naman daw niya ako kinukumusta. Ni hindi na nga raw natuloy 'yong surprise kay Ate Lana

Kasalukuyan kong sinasagutan ang test papers para sa final exam namin sa first semester dito sa garden. Walong subjects ang sasagutan ko ngayon hanggang alas kuwatro nang hapon. May isang staff sa faculty ang nagbabantay sa akin ngayon. Siya na rin ang magdadala ng mga test papers ko sa school.

Matatapos din ang kalbaryo kong ito. Malapit na.

°°°

OCTOBER 26, 2018

MAKALIPAS ang mahigit isang buwan ay bumuti na rin ang kalagayan ko. Nag-normal na ang hemoglobin ko at bumuti na ang pakiramdam ko. Pero 'yong sakit na nararamdaman ko dahil kay Heze ay gan'on pa rin. Masakit pa rin; sariwa pa rin ang mga sugat na naiwan.

"Sigurado ka na ba rito sa pasya mo?" tanong sa akin Kuya Mike habang naghuhukay ng lupa. Mabuti na lang ay pinayagan kami dito sa San Alidrona Park na maghukay ng lupa malapit sa isang puno ng Fire Tree.

"Oo naman, Kuya. Sigurado ako na sa magta-transfer na ako sa school nina Minerva at doon ipagpapatuloy ang second semester, at doon na rin tatapusin ang pag-aaral ko," tugon ko habang pinapanood siya.

"Hindi iyan ang ibig kong sabihin. Iyang hawak mo ang tinutukoy ko," sabi niya, at itinuro ang hawak kong maliit na baul na pinaglalagyan ko ng mga tula ko, letters para kay Heze, at diary ko. Higit sa lahat, isinama ko na rin dito ang kuwintas at hairpin na ibinigay sa akin ni Heze.

"Oo," matipid na wika ko at mabilis kong inilagay sa hukay ang baul. Tinabunan na ito na kuya kaya napa-buntong hininga ako.

Dito na magtatapos ang lahat. Magsisimula na ang panibagong pahina ng buhay ko sa Pangasinan. Lilisanin ko na ang lugar na ito mamaya at kalilimutan na ang mga masasakit na alaala.

***

NAPAHAPLOS ako sa pahina ng aking diary. Pinagmasdan ko rin ang papel na aking pinagsulatan sa mga entry ko simula noong September 03, 2018 dahil idinikit ko lang iyon dito sa diary dahil nga itinapon ko ito noon.

Hindi ko nga akalain na maibabalik pa sa akin ito. Kung paano iyon nangyari, iyon ang dapat na basahin ko sa mga susunod pang mga entries.

Masyadong mapanakit at nakakabigla ang mga pangyayari noon. Doon ko napagtanto na Hindi lahat ng tunay na pagmamahal ay mabibigyan din nang labis na pag-ibig. Hindi dahil minahal mo ang isang tao, obligasyon niyang ibigin ka rin pabalik. Parte ito ng pag-ibig na kailangang tanggapin.

"Ayos ka lang?" tanong niya sa akin kaya napatango ako.

"Hindi ka na dumadalaw sa p—"

"Please, huwag mo munang babanggitin iyan sa akin dahil masakit," pamumutol ko sa sinabi niya, at ibinaling ang tingin sa aking diary at muli ng nagbasa kahit na naluluha ako dahil sa ipinaalala niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro