CHAPTER 22
CHAPTER 22
AUGUST 07, 2018
"WE don't grow and develop in the ease time but on the hard and crisis times." Iyan ang tumatak na linyang sinabi ni Bishop sa mass noong nakaraang mga linggo. Totoo naman ang sinabi niya, hindi naman tayo lalago hangga't hindi tayo dumadaan sa mga matitinding pagsubok.
Ang ginto ay nagiging dalisay sa tuwing inilalagay sa apoy. Gaya natin, mas nagiging dalisay ang ating puso at nahuhubog ang ating karakter sa tuwing dumadaan tayo sa mga pagsubok.
Isang buwan na simula noong ilibing si Kuya Melchi. Isang buwan na rin ang nakalilipas ngunit hindi pa rin nagigising si Rica. Inilipat na rin siya dito sa San Alidrona General Hospital para mas malapit. Araw-araw ay dinadalaw namin siya ni Rachelle sa ospital pagkatapos ng klase.
Bumubuti na rin ang kondisyon ni Rica at hinihintay na lamang ang kaniyang paggising. Gumaling na rin ang na-fracture niyang ribs at ang problema na lang ay kung kailan siya gigising dahil sa blood clot sa utak niya.
Sabi naman ng mga doctor, magagawan naman iyon ng paraan. May mga gamot at teknolohiya naman na maaaring magpagaling sa kaniya. That's the power of Science. At higit sa lahat, ang kapangyarihan ng dasal at pananampalataya.
Sa loob ng isang buwan, ang daming nagbago sa loob ng bahay. Minsan-minsan na lang umuwi ng bahay sina mommy at daddy. Nagpapakasubsob sila sa trabaho para lamang maibsan ang sakit na nararamdaman nila dahil sa pagpanaw ni Kuya Melchi.
Si Kuya Mike naman, dati ay napakadaldal niya ngunit ngayon ay halos hindi na siya umimik. Ni hindi ko nga alam kung pumupunta pa sina Ate Lana at Heze dito dahil hindi ako lumalabas ng aking kuwarto sa tuwing walang pasok.
Walang ibang pumapasok sa aking kuwarto bukod kay Ate Weng na naghahatid ng pagkain ko. Madalas ako sa loob ng library ko umiiyak habang nagdadasal. Sobrang bigat na ng nararamdaman ko.
Kung papasanin ko nang papasanin ito, alam kong bubulusok ako pailalim at lulunurin ng kapighatian.
"Lord, hindi ko na kaya ito. Kung patuloy kung papasanin ito ng ako lang, alam kong walang patutunguhan ang buhay ko. Gaya ng sinabi Ninyo, lumalapit po ako sa Inyo, Panginoon. Alam ko pong bibigyan Ninyo ako ng kapahingahan sapagkat nabibigatan na ako sa pasaning ito," wika ko habang nakapikit at patuloy sa pagluha.
"Hindi kita iiwan ni pababayaan man." Mas lalo akong napaluha nang biglang sumagi iyan sa aking isipan at kung may anong humaplos sa aking damdamin na hindi maipaliwanag.
Para akong ihinehele sa alapaap kaya bahagyang naibsan ang sakit na aking nararamdaman.
Mayamaya pa ay may kumatok sa pinto ng aking kuwarto ko kaya inayos ko ang aking sarili at binuksan iyon.
"Nasa baba si Hezekiah, gusto ka raw niyang kumustahin," wika ni Ate Weng kaya hindi ako nakaimik.
"Puntahan mo na siya, Merry. Ni hindi ka na nakisasalamuha at lumalabas ng kuwarto mo," dagdag pa niya kaya tumango lamang ako.
Nang maayos ko ang aking sarili ay nakayuko lamang akong nagtungo sa sala. Ni hindi ako tumitingin kay Heze at tumabi sa kaniya sa sofa.
"Kumusta ka na ngayon?"
Hindi pa rin ako tumitingin nang diretso sa kaniya dahil nahihiya ako. Maputla ang itsura ko at walang kabuhay-buhay kaya nahihiya akong nag-angat ng tingin.
"Naghihinagpis pa rin ako sa pagkamatay ni Kuya," tugon ko.
"Hindi na kita nakikitang ngumingiti. Kailan ka ba ulit ngingiti?" Napaangat ako ng tingin sa sinabi niyang iyon. Bahagya kaming nagkatitigan ngunit ako na ang nag-iwas ng tingin.
"K-Kapag siguro ayos na ang lahat."
"Cheer up, Merry! Jesus has already won the battle for you!" pagpapalakas ng loob niya kaya napangiti ako ngunit kasabay n'on ay pagpatakak ng mga luha ko.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla ko na lamang siyang niyakap.
Maging ako ay nagulat sa aking ginawa. Kakalas na sana ako sa pagkakayakap sa kaniya ngunit naramdaman ko ang marahan na pagtapik niya sa aking likod na tila pinapagaan ang aking pakiramdam.
"Sabi ko naman sa iyo, ako ang anghel na kakandili sa iyo sa tuwing ika'y nanlulumo; sa tuwing sinusubok ng kapalaran. Pangako, sa magpakailanman, ako ang anghel na kakandili sa iyo. Ako ang iyong lakas tuwing ika'y pinanghihinaan," pabulong na sabi niya.
Pamilyar sa akin ang sinabi niya. Iyong ang lyrics ng kantang kinanta niya sa akin noong nasa ospital ako.
Pakiramdam ko tuloy ay secure na secure ako sa bisig niya. Gumagaan din ang aking pakiramdam. Naramdaman ko naman ang pamumula ng aking mga pisngi nang mapagtanto kong napatagal na yata ang pagkakayakap ko sa kaniya.
"Sorry," saad ko at nag-iwas ng tingin dahil sa hiya.
"Ayos lang basta gumaan ang pakiramdam mo," tugon niya at maya-maya pa ay hinigit niya ako papunta sa labas.
"Saan po tayo pupunta?" tanong ko, ngunit ngumiti lamang siya at pinapasok na ako sa kotse—'yong kay papa niya.
Hinawakan niya pa nga ang kanang palad ko para alalayan ako sa pagpasok.
Tahimik lamang kami habang kami ay nasa daan. Akala ko ay kung saan kami pupunta, sa San Alidrona Park lang pala. Halos memoryado ko na tuloy ang bawat detalye dito sa San Alidrona Park.
Kahit may mga bench naman ay sa damuhan kami umupo dahil mas masarap sa pakiramdam ang pagdampi ng mga damo sa balat.
Napatingala naman ako upang pagmasdan ang mga bulaklak ng Fire Trees na kahel na kahel ang kulay. Kayganda nitong pagmasdan dahil sa kulay nito na parang apoy. Apoy na sumisimbolo sa mga pagsubok na ating dadaanan upang sa gan'on ay mas maging dalisay ang ating puso at mahubog ang ating karakter.
"Kanina ka pa nakatitig diyan, ah." Napaayos ako ng upo at napatingin kay Heze. Ngayon ko lang napansin na may dala pala siyang gitara. Tutugtog ba siya?
"A-Ano po ang gagawin niyo sa gitara?" tanong ko kaya bahagya siyang napatawa.
"Haharanahin ka," natatawang sabi niya.
Naramdaman ko na naman tuloy ang pamumula ng magkabilaang pisngo ko. "Joke lang," pahabol niya naman at ibinaling ang tingin sa kaniyang gitara.
Minsan talaga bigla-bigla na lang siyang bumabanat tapos bigla niyang babawiin. Mabuti nga at hindi niya sinabing 'joke' noong sinabi niya na unending ang pagsasamahan namin.
Nag-umpisa na siyang nag-strum sa kaniyang gitara. Ngayon ko lamang alam na marunong din pala siyang tumugtog ng gitara bukod sa violin.
Hindi pamilyar sa akin kung ano ang kaniyang tinutugtog na kanta. Malalaman ko lang siguro kung ano ang tinutugtog niya kung sasabayan niya ng pagkanta. Napalunok ako nang may mapagtanto ako.
"Para talaga sa iyo ang tutugtugin ko ngayon," wika niya kaya dumoble ang bilis ng pagkabog ng puso ko. Bakit ba kasi niya ginagawa sa akin ito?
"Hindi nalilingid; ikaw nga'y may dinaramdam
'Pagkat luhay mo'y aking nasisilayan.
Hindi ko man kayang wakasan ang iyong pighati,
Subalit susubukan pa ring ika'y mapangiti."
Pamilyar sa akin ang inaawit niya. Iyan 'yong kinanta niya sa akin sa ospital noon tapos sinabi pa niyang siya ang magiging anghel ko. Naalala ko tuloy 'yong pangyayari kanina sa sala noong umiiyak ako tapos napayakap ako sa kaniya. Tila nababalot siya ng mahika dahil gumaan nga ang pakiramdam ko at unti-unting nawawala lahat ng sakit.
"Ako ang anghel na kakandili sa iyo,
Sa tuwing ika'y nanlulumo;
Sa tuwing sinusubok ng kapalaran.
Pangako, sa magpakailanman,
Ako ang anghel na kakandili sa iyo.
Ako ang iyong lakas tuwing ika'y pinanghihinaan.
Ako ang anghel na kakandili sa iyo."
Nagtama ang mga mata naming dalawa at wala sa amin ang naglakas ng loob na mag-iwas ng tingin. Maging ako ay hindi ko iwinaglit ang pagkakatitig sa kaniya dahil gusto kong sulitin ang bawat sandali.
"Hindi rin lingid sa akin ang pakiramdam
Ng pagkupas ng pananampalataya,
At pagbigat ng iyong pinapasan,
Sapagkat ikaw na'y nahihirapan.
Sisikapin kong ikaw ay tulungang
Ibalik ang pananampalatayang nagkulang,
At ang mga ngiti mong napaparam."
Hindi pa rin siya nag-iwas ng tingin sa akin. Ni hindi niya na tinitignan ang tinutugtog niyang gitara. Para bang kabisadong-kabisado niya na ang bawat chords ng kanta.
Noong aawitin niya na muli ang chorus ay ibinaling niya na ang kaniyang tingin sa kaniyang gitara. Napangiti naman ako nang makita kong umukit ang matamis na ngiti sa kaniyang labi habang siya ay umaawit. Nakakaaliw na panoorin siya habang siya ay tumugtog.
"Hindi pa ito ang huli,
May pag-asa pang nag-aabang,
Kaya't ito ang 'yong tatandaan..."
Bahagya siyang tumigil kaya nagtataka akong napatingin sa kaniya. Umabante naman siya papalapit sa akin kaya napalunok ako. Magkaharap kami tuloy at malapit sa isa't isa habang nakaupo sa damuhan.
"Ako ang anghel na kakandili sa iyo,
Sa tuwing ika'y nanlulumo;
Sa tuwing sinusubok ng kapalaran.
Pangako, sa magpakailanman,
Ako ang anghel na kakandili sa iyo.
Ako ang iyong lakas tuwing ika'y pinanghihinaan.
Ako ang anghel na kakandili sa iyo."
Pagkatapos niyang kumanta ay marahan niyang inilapag sa gilid ang kaniyang gitara at muling tumingin sa aking mga mata.
"Alam kong naghihinagpis ka pa rin, Merry. Ako ang anghel na kakandili sa iyo," wika niya at nababasa ko ang sinseridad sa kaniyang mga mata.
Hindi ako nakaimik dahil tila may bumara sa lalamunan ko at umurong ang dila ko. Pinangungunahan din ako ng kaba at mabilis na pagkabog ng puso.
"Sana ay bumalik na ang ngiti sa iyong labi. Maging matatag ka dahil nandiyan ang Diyos na siyang lakas natin."
"M-Magpapakatatag na ako," iyan ang tangi kong nasambit.
"Sabi nga sa Psalm chapter 46:1, 'God is our refuge and strength, a very present help in trouble.' Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan. Merry, wala man ang mga magulang mo o ako na malalapitan mo, tandaan mong nandiyan pa ang Diyos. Hindi ka niya iiwan o pababayaan man," pagpapaliwanag niya. Naramdaman ko na naman ang pangingilid ng mga luha ko hanggang sa unti-unti itong bumagsak.
"Sana ay sumilay na naman ang ngiti sa iyong labi. Sana ay huwag ka ng umiyak pa," aniya kaya pinunasan ko ang mga luha ko.
"H-Hindi ko po talaga mapigilan. Sobrang sakit kasi ng pagkawala ng kuya ko. Ang dami pa niyang pangarap sa buhay. Hindi pa siya nagiging ganap na biochemical engineer. Ang sakit palang kimkimin ang lahat ng mga ito," lumuluhang wika ko.
Namayani ang katahimikan at napatitig lang siya sa akin.
Kumulimlim ang kalangitan. Kasabay n'on ay ang pag-ihip ng malamig na hangin. May mga dahong naglalagan, maging ang mga bulaklak ng Fire Trees na kulay kahel ay nagsisilaglagan din. May mga nalaglag pa sa buhok ko ngunit hindi ako makagalaw dahil tila naestatwa ako sa mga titig ni Hezekiah.
Tuluyang hinawi ng hangin ang mga buhok ko kaya lumapit pa siya sa akin para ayusin iyon.
Nagambala ang eksenang iyon nang tumunog ang cellphone ko dahil may nag-text. Pagkabasa ko n'on ay tumayo na ako kaya napatayo na rin si Heze. Pinagpag ko muna ang pantalon ko habang kinukuha ni Heze ang kaniyang gitara.
"Nasa ospital na raw po si Rachelle at pinapasunod niya na ako roon," saad ko.
"Sige, ihahatid na kita papunta doon," wika niya at hinigit na ang aking kamay patungo sa kotse.
Pagkapasok namin sa kuwarto ni Rica ay naroon na sina Rachelle at ang mama ni Rica. Laking gulat ko nang ibaling ko ang tingin kay Rica. Gumagalaw na ang kaniyang mga daliri.
"G-Gumalaw 'yong mga daliri niya!" gulat na saad ko at mayamaya pa ay dahan-dahang nagmulat ang kaniyang mga mata.
Dali-daling tumawag ng doctor ang mama ni Rica. Pagkarating ng mga nurses at doctor ay agad siyang sinuri. Tinanggal na rin ang tubong nakalagay sa kaniyang bibig dahil maayos na ang paghinga niya.
Nang makaalis na sila ay lumapit kami kay Rica. Lumuluha siya ngayon at isa-isa niya kaming tinignan na tila may hinahanap.
"M-Ma..." pabulong na sabi niya kaya hinawakan ng mama niya ang kaniyang kamay.
"Salamat naman sa Diyos at gising ka na. Isang buwan kang tulog at hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko kung mawawala ka," mangiyak-ngiyak na sabi ng kaniyang mama. Maging ako ay muling napaluha habang nakayakap sa akin si Rachelle.
Napatingin muli sa akin si Rica at tila may isinasamo ang kaniyang mga mata. Kahit hindi niya bigkasin ay alam ko kung ano ang gusto niyang iparating.
"N-Nasaan si M-Melchi?" nanghihinang tanong niya kaya napatakip ako sa aking bibig habang lumuluha. Napailing lamang ako at muling namayani ang katahimikan.
"N-Nasaan siya?" muli niyang tanong, at akmang babangon ngunit pinigilan siya ng mama niya.
"Huwag ka munang gumalaw dahil baka mapaano ka. Intindihin mo muna ang sarili mo," saway ng mama niya pero napailing siya.
Tumingin sa akin ang mama niya at tila sinesenyasan ako na sabihin ko na lamang. Lumabas ang kaniyang mama na nagpipigil ng luha. Lumapit naman ako kay Rica at napahinga muna nang malalim.
"W-Wala na si K-Kuya Melchi. D-Dead on the s-spot," nauutal na tugon ko. Napahagulgol siya at napahawak nang mahigpit sa aking kamay.
Hinayaan namin siyang umiyak dahil kahit na patahanin namin siya ay hindi pa rin siya tumitigil. Iyak siya nang iyak hanggang sa muli na naman siyang nakatulog. Hindi naman maalis ang pangangamba sa amin na baka hindi na naman siya magising.
Noong pinuntahan siya ng doctor ay sinabihan kami na huwag mag-aalala dahil maayos na ang lagay niya at hindi na siya mako-comatose ulit. Napatingin ako sa lamesa na malapit sa hospital bed. Naroon ang cellphone ni Rica na basag na. Nang buksan ko ang cellphone niya ay gumagana pa rin gaya ng kay kuya.
Mabuti na lamang ay dala ko palagi ang cellphone ni kuya. Inilapag ko na lamang sa tabi ng cellphone ni Rica ang cellphone ni kuya. Mas magandang mapunta na lang iyon kay Rica dahil iyon na lamang ang huling alaala niya kay kuya.
Umuwi na si Heze at sumabay na rin sa kaniya ang mama ni Rica. Dalawa kami ni Rachelle na naiwan kay Rica noong nagising siya ngunit pinalabas niya kami dahil gusto niya raw mag-isa. Wala naman kaming nagawa ni Rachelle kundi lumabas.
"Nakakaawa si Rica," sambit ni Rachelle kaya napatango lang ako.
Bahagya ko namang ibinukas ang pinto at sinilip si Rica. May pinapakinggan siya sa kaniyang cellphone na voice record. Nabobosesan ko kung kaninong boses iyon. Kay Kuya Melchi.
"Sapagkat iniibig kang tunay,
Hindi man lahat ng yama'y maibigay;
Hindi rin susungkitin ang mga tala--
Aking pusong dalisay ang iyong mapapala. "
Iyan 'yong tula ni MD Serene na binigkas noon ni Kuya Melchi noong nagtapat siya kay Rica.
Parang dinudurog ang puso ko habang pinapanood ko sa gan'ong eksena si Rica. Nakatutok ang speaker ng cellphone sa kaniyang tenga habang siya ay lumuluha.
"At hanggang sa aking huling sandali—sa aking pagbabalik sa alabok, pagsinta ko'y sa iyo pa ring kandili; sa puso mo, ako'y mananatili."
Sinabayan pa ni Rica ang boses ni Kuya Melchi sa last two lines habang siya ay umiiyak. Isinara ko na ang pinto dahil hindi ko kayang tignan siya ng gan'on.
Pagkalipas ng dalawang linggo ay mas bumuti na ang lagay ni Rica. Nakalabas na rin siya ng ospital ngunit hindi pa rin siya pumapasok. Dahil sobrang late na siya sa mga lessons sa school, napagdesisyunan nila ng mga magulang niya na mag-stop na lang muna.
Araw ng sabado, inaya ako ni Rica na samahan siya sa sementeryo kung saan nakalibing si kuya. Dalawa lamang kami ni Rica na nagpunta sa sementeryo.
Umupo kami sa damuha ni Rica at inilapag niya naman ang bulaklak sa ibabaw ng lapida ni kuya. Lumuluha siya habang hinahaplos niya ang lapida ni kuya.
"Melchi, patawarin mo sana ako kung hindi man lang ako nagpakita sa iyo sa huling hantungan mo," lumuluhang wika niya kaya hinaplos ko ang kaniyang likod.
"Sobrang sakit dahil paggising ko, akala ko ay makikita pa kita. Hindi ko na pala makikita ang mga ngiti mo. Hindi na pala kita masisilayan pa," dagdag pa niya. Umiiyak lamang siya habang haplos-haplos ang lapida ni kuya.
Makalipas lamang ang ilang minuto ay biglang dumating si Kuya Mike. Gulat naman akong napatingin dahil magkasama ulit silang dalawa ni Ate Lana. Pinandilatan naman ako ni kuya ng tingin kaya napaiwas ako ng tingin, ngunit laking gulat ko nang matanaw kong paparating din si Heze.
"Nandito ka pala, Lana, hinahanap kita sa bahay ninyo," sabi ni Heze kaya gulat ding napatingin si Ate Lana. Napaiwas naman ng tingin si Kuya Mike na tila may nagawang kasalanan.
"K-Kasi noong nasa mall ako nakita ko si Mike. Nagkakuwentuhan kami at sabi niya pupuntahan niya ang puntod ni Melchi kaya sumama na rin ako," tugon ni Ate Lana. Tumingin naman si Heze kay kuya. Tumango lang naman si kuya.
Hindi naman maalis ni Heze ang tingin kay kuya kaya napatikhim ako. Si Rica naman ay tumayo na at pinunasan ang kaniyang mga luha.
"Mauuna na ako," pagpapaalam ni Rica.
"Sasamahan na kitang umuwi," wika ko naman pero umiling siya.
"K-Kaya ko na ang sarili ko. May dadaanan pa ako."
"Basta mag-iingat ka," saad ko at hinawakan siya sa kamay.
"Salamat sa pagsama sa akin, Merry," aniya, at sa huling pagkakataon ay sinulyapan niya ang lapida ni Kuya Melchi atsaka lumakad palayo.
Napalunok naman ako noong naiwan ako sa kanila Kuya Mike, Ate Lana, at Heze. Iba ang mood ng atmosphere at pakiramdam ko ay may nabubuong tension sa kanilang tatlo.
"Mauuna na rin po ako," pagpapaalam ko, at akmang aalis ngunit hinawakan ako ni Heze sa braso.
Napalunok ako sa sobrang kaba tapos si Ate Lana naman ay nagulat sa ginawa ni Hezekiah.
"Sasamahan na kita sa pag-uwi," sabi ni Heze at hinila na ako papalayo.
Goodluck na lang kina Kuya Mike at Ate Lana.
***
PINUNASAN ko ang luha ko pagkatapos kong basahin ang aking diary. Nangingilid na naman ang mga luha ko nang maaalala ko ang nangyari kay kuya. Siguro kung hindi siya namatay, biochemical engineer na siya ngayon.
Hindi talaga natin alam kung hanggang kailan ang buhay natin. Masakit isipin na hindi man lang naabot ni kuya lahat ng mga pangarap. Ang importante talagang gawin ay live life to the fullest. Hindi kasi natin alam na baka bukas o mamaya lang ay oras mo na.
Kahit papaano naman ay naiibsan ang sakit na nararamdaman ko sa pagpanaw ni kuya. Everything happens for a reason kaya alam kong may rason kung bakit iyon nangyari sa kaniya.
At ang sitwasyong kinahaharap ko rin ngayon ay alam kong may rason. Masakit pero kailangang tanggapin.
Isinara ko na ang aking diary at inilagay sa ipit ng aking unan. Dahan-dahan akong humiga sa kama dahil baka magising si Maryjoy. Tumabi ako sa kaniya at hinaplos ang kaniyang buhok at hinalikan siya sa noo bago ako tuluyang nakatulog.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro