Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 21

CHAPTER 21


JUNE 30, 2018

ALAS kuwatro pa lang ng madaling araw ay nagising na ako dahil sa sunod-sunod na pagkatok sa pinto ng aking kuwarto. Inayos ko muna ang aking sarili bago ko binuksan ang pinto.

"Rica? Anong ginagawa mo rito?"

"Pupunta kami ngayon ni Melchi sa Baguio!" masiglang sagot niya habang ako ay pahikab-hikab dahil inaantok pa ako.

"Ano bang gagawin niyo roon?"

"May research kasi akong gagawin at kailangan kong pumunta sa Baguio kaya isasama ko na si Rica dahil uuwi rin lang kami mamayang gabi," tugon ni Kuya Melchi at tumabi kay Rica.

"Nakapagpaalam na ba kayo?"

"Kagabi pa ako nakapagpaalam kina mommy, tapos naipaalam ko na rin si Rica sa mama niya," sagot ni kuya at tumingin sa kaniyang relo. "Pupunta na kami para hindi kami ma-traffic," wika pa niya kaya tumayo na silang dalawa ni Rica.

"'Yong pasalubong kong strawberry, ah!" pahabol ko sa kanilang dalawa bago sila makalabas ng pinto.

"Eh, kung kay Kuya Hezekiah ka kaya magpabili, tutal nandoon din siya sa Baguio tulad n'ong sabi mo kahapon," sumbat naman ni Rica kaya napasimangot ako. Kahit kailan talaga napakakuripot niya.

Sa bagay, may point naman siya dahil papunta rin ngayon sa Baguio si Heze at Ate Eileen dahil may pupuntahan silang kamag-anak nila.

"Basta mag-ingat na lang kayo dahil marami pa kayong utang sa akin, lalo na sa iyo, Kuya!" sabi ko, at niyakap silang dalawa sabay bulong ng, "Strawberry na kasi." Sabay tuloy nila akong binatukan nang marahan.

Noong nakaraang linggo kasi sinagot na ni Rica si Kuya Melchi at dahil iyon sa tulong ko! Kung hindi ko tinutulungan si Kuya Melchi kay Rica, malamang hanggang ngayon ay pa-crush-crush pa lang si kuya.

"Oo na nga! Suwerte mo dahil malakas ka sa akin!" natatawang saad ni kuya, at tuluyan na silang sumakay sa taxi na naghihintay sa kanila.

Pinagmasdan ko na lamang ang taxi hanggang tuluyan na itong makalayo.

Bumalik na lamang ako sa pagtulog at nagising na lamang ako nang maramdaman kong may sundot nang sundot sa mukha ko. Kahit nakapikit ako ay alam ko na kaagad na si Kuya Mike iyon.

Walang pag-aalinlangan kong hinablot ang kamay ni Kuya Mike, at kinagat ang kaniyang daliri kaya para akong pusang may subong tinik kahit natutulog.

"ARAY!!!" hiyaw niya, kaya agad kong iminulat ang mga mata ko, at napabitaw nang ibang boses ang aking narinig.

"Hala! Sorry, Azarel!" Nilapitan ko si Azarel at kinuha ang kaniyang daliring kinagat ko at hinaplos iyon.

"Para akong kinagat ng piranha!" mangiyak-ngiyak na sabi niya. Imbes na maaawa ay mas natawa pa ako sa itsura niya.

"Sorry na talaga," wika ko habang nagpipigil ng tawa. "Akala ko kasi si Kuya Mike," dagdag ko pa.

Umupo naman siya sa kama ko kaya agad akong tumabi sa kaniya, ngunit lumayo siya bigla sa akin. Natawa naman ako sa inasal niya dahil natatakot na yata siya sa akin.

"Gusto mo bang mag-movie marathon na lang tayo tapos kumain ng maraming ice cream habang nanunood?"

Lumawak naman ang kaniyang ngiti, at dali-daling lumapit sa akin na tila ba naka-get over na sa kaniyang takot.

"Sige, basta libre mo iyong ice cream."

"Huwag kang madaya, Azarel! Hati tayo sa pambili," litanya ko kaya sinimangutan niya ako.

"Sige na nga, libre ko na para hindi ka na sisimangot diyan." Bumalik naman ang paglawak ng kaniyang ngiti.

"Sabi ko na nga ba hindi mo ako matitiis."

Bago bumaba ay naghilamos muna ako at inayos ang aking sarili. Nauna naman na sa baba si Azarel at nag-order na ng ice cream.

Pagkababa ko ay nakasimangot siya habang nagse-cellphone. Tingin ko ay humahanap siya nang malakas na signal dahil kung saan-saan niya itinatapat ang cellphone niya. Tumuntong pa nga siya sa sofa at itinapat pa sa chandelier ang cellphone niya.

"Bakit ang hina ng internet niyo, Merry?" pagrereklamo niya, at sunod naman na itinapat sa bintana ang kaniyang cellphone. "Hindi tuloy ako makapag-order ng ice cream sa online!" dagdag pa niya at inis na umupo.

"Ano naman ba ang problema niyong dalawa?" tanong ni Ate Weng at nginitian pa kami na tila nang-aasar pa.

Palibhasa kasi fan daw siya ng love team naming dalawa, eh magkaibigan lang naman kami ni Azarel.

"Ang bagal po kasi ng internet dito sa inyo kaya hindi ako makapag-order ng ice cream," tugon ni Azarel at bumusangot.

"Eksakto, mamalengke ako ngayon kaya akin na iyang pambili niyo dahil dadaan na lang ako sa mall para bumili ng ice cream," saad ni Ate Weng.

Inabot ko naman sa kaniya ang bayad at aalis na sana siya ngunit biglang dumating si Kuya Mike galing sa kaniyang kuwarto.

Binuksan na ni Kuya Mike ang TV habang ako naman ay pinagri-ring ang cellphone ni Rica ngunit hindi siya sumasagot. Pati ang cellphone ni Kuya Melchi ay nag-riring lang din. Siguro ay busy sila.

"Isang bus ang nalaglag sa isang bangin kaninang alas sais ng umaga habang tinatahak nito ang Cennon Road sa Baguio. Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, nawalan ng preno ang nasabing bus. Labindalawa ang kumpirmadong patay, walo ang nasa kritikal ang kondisyon, at ang nalalabing dalawampu ay sugatan. Kabilang naman sa mga patay ang driver ng bus..."

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko matapos naming mapanood ang news. Kahit pa pelikula na ang pinapanood namin ay nakatulala lamang ako sa screen ng TV. Napahawak ako sa aking dibdib kaya napatingin sa akin sina kuya at Azarel dahil nasa pagitan nila ako.

"Ayos ka lang?" tanong ni Kuya at i-p-in-ause muna ang movie.

"Kinakabahan ako sa napanood nating balita kanina," tugon ko habang nakatitig pa rin sa screen.

"Hindi ba nasa Baguio rin sina Rica at Kuya Melchi atsaka si Hezekiah?" tanong din ni Azarel kaya napatango ako.

"Tawagan kaya natin sila?" suhestiyon ni kuya at bakas na rin ang takot sa kaniyang boses. "Ako ang tatawag kay Melchi at tawagan mo naman si Rica," dagdag pa niya kaya pinag-ring ko ulit ang cellphone ni Rica.

Naka ilang dial na ako pero nagri-ring lang at hindi sumasagot gaya kanina. Mas lalo akong kinakabahan. Nanghihina ang mga daliri ko habang pinipindot ang aking cellphone.

"Nagri-ring lang pero hindi sumasagot si Melchi," aligagang sabi ni Kuya Mike.

"G-Ganoon din ang cellphone ni Rica," wika ko.

"Baka kasi busy lang talaga sila," saad naman ni Azarel na para bang sinusubukan niya kaming pakalmahin ni kuya. "Si Kuya Hezekiah, tawagan mo rin," sabi pa niya.

Nanginginig pa rin ang aking daliri at mas lalo akong nanghihina. Napakagat ako sa aking labi at halos hindi ako makahinga dahil can't be reach ang phone niya.

"C-Can't be reach si Heze," nauutal na sabi ko at sinubukan kong tawagan siya ulit pero can't be reach talaga.

"Ayaw talaga, Kuya!" naiiyak na sabi ko at muli ko na namang sinubukan siyang tawagan.

"Kumalma ka, Merry. Malay mo naman hindi sila nakasakay roon sa bus," pagpapakalma ni Azarel sa akin.

Dumating na si Ate Weng at nakahain na rin sa tapat namin 'yong ice cream ngunit ni isa sa amin ay walang gumagalaw n'on. Pare-pareho lamang kaming tahimik at nag-aabang kung anong sunod na mangyayari.

Nabulabog ang aming katahimikan nang mag-ring ang aking cellphone. Mas lalong dumoble ang aking kaba nang makita sa screen na si Ate Eileen ang tumatawag. Kinuha niya kasi ang number ko noong pumunta ako sa bahay nila.

Pakiramdam ko ay pamilyar sa akin ang eksenang ito. Ganito noong napanaginipan ko si Hezekiah na naaksidente. Pinapangunahan tuloy ako ng takot kaya nanginginig ang aking daliri habang ina-accept ang tawag.

"A-Ate Eileen..."

Halos hindi ako makahinga habang hinihintay ang sagot niya. Ilang segundo siyang hindi nakaimik hanggang sa tuluyan na siyang magsalita.

"M-May aksidente... n-nasa ospital kami ni Hezekiah..."

Tuluyang bumagsak ang mga namumuo kong luha dahil sa mga sumunod pa niyang sinabi. Halos hindi ko mabigkas kina kuya ang gusto kong sabihin dahil sa paghagulgol ko kaya kinuha niya ang aking cellphone at siya ang nakipag-usap kay Ate Eileen.

Halos mapamura din siya sa kaniyang nalaman, at agad niya akong hinila papunta sa kaniyang kotse nang makuha niya ang address ng hospital na sinabi ni Ate Eileen. Sumunod naman si Azarel.

Hanggang sa daan ay humahagulgol ako at maging si kuya ay aligaga sa pagda-drive. Pilit naman akong pinapakalma ni Azarel.

"Kuya, please, bilisan mo!" hagulgol ko na siya namang ginawa ni Kuya. Halos paliparin niya na ang sasakyan.

"Kuya Mike, huwag naman masyadong mabilis dahil baka tayo rin ang madisgrasya," panunuway naman ni Azarel. Napabuntong-hininga si kuya at bahagyang pinabagalan ang takbo.

"Tinawagan niyo na ba sina Tita Oli na papunta tayo sa Baguio Sacred Hospital?" tanong ni Azarel. Kumpara sa amin ni kuya, siya ang pinakakalmado.

"A-Alam na raw ni mommy sabi ni Ate Eileen," sagot ni kuya habang ako naman ay tahimik na lumuluha habang nakatakip sa aking bibig.

Makalipas ang isang oras ay narating namin ang Baguio Sacred Hospital. Pagkarating namin sa information desk ay naroon na pala si Ate Eileen at pinasunod niya kami sa kaniya. Habang naglalakad kami ay nanghihina ang aking mga tuhod kaya inaalalayan ako ni Azarel sa paglalakad.

Narating namin ang Intensive Care Unit, at bago kami pinapasok ay pinagsuot kami ng hospital gown at mask. Halos manlumo ako sa aking nasaksihan. Tuluyang namanhid ang mga tuhod ko at kasabay ng pagbagsak ng mga luha ko ay ang pagbagsak ko sa sahig kaya napaluhod ako.

"Rica!" hinagpis ko at dahan-dahang akong pinatayo ni Kuya Mike at inilapit kay Rica.

Ang daming bendang nakabalot sa kaniya. May tubo ring nakalagay sa kaniyang bibig at may kung ano-ano pang mga aparatong nakakabit sa kaniya.

"May fracture siya sa ribs, at hindi siya makahinga kapag walang nakasuportang aparato sa kaniya. May blood clot din sa kaniyang utak, kaya walang kasiguraduhan kung kailan siya magigising," pagsasalaysay ni Ate Eileen. Ako naman ay humawak sa kamay ni Rica habang umiiyak.

"Saan naman si Melchi?" tanong ni Kuya Mike.

"K-Kasama nina mommy at daddy niyo. Nasa morgue sila," sagot ni Ate Eileen.

Tila nabingi ako sa kaniyang sinabi at pakiramdam ko ay tumigil ang pag-ikot ng mundo habang paulit-ulit na nagpe-play sa utak ko ang sinabi ni Ate Eileen.

Napabitaw ako sa kamay ni Rica at dahan-dahang humarap sa kanila. Maging si Kuya Mike ay lumuluha na rin. Tumalikod siya at dali-daling lumabas para puntahan si Kuya Melchi. Sumunod naman sa kaniya si Azarel habang ako ay naiwang umiiyak.

Nilapitan ako ni Ate Eileen at niyakap. Ilang segundo lamang ay dumating si Hezekiah kasama ang mama at papa ni Rica. Napahagulgol ang mama ni Rica nang makita niya ang sitwasyon nito.

"Sasamahan ko na si Merry kina Tita Oli," wika ni Heze kaya kumawala ako sa pagkakayakap kay Ate Eileen.

Tulala lamang ako habang naglalakad at patuloy pa rin sa pagpatak ang aking mga luha. Napatigil kami sa paglalakad ni Heze, at pinunasan niya ang mga luha ko gamit ang kaniyang panyo.

"Magkasunod lamang ang bus na sinakyan namin ni Ate Eileen at ang bus na sinakyan nina kuya mo at Rica. Nagulat na lamang kami nang magpagewang-gewang ang bus nila at mas lalo kaming nagulat nang makita namin sa bintana na naroon pala sina Rica," pagkukwento ni Heze, samantalang hindi ko magawang tumugon sa kaniya.

Nang makarating kami sa morgue ay nadatnan ko doon sina mommy na umiiyak. Iniiyakan nila ang malamig na bangkay ni Kuya Melchi. Wala na si kuya, patay na ang isa sa pinakamamahal kong lalaki sa buong buhay ko.

JULY 01, 2018

Nagising ako na sobrang sakit ng mga mata ko. Namumugto ang mga ito dahil sa kaiiyak ko kagabi. Dahil sa labis na pag-iyak ko kagabi, parang wala na akong luhang mailalabas ngayon.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Kahapon lamang ay masaya kong nakausap si Kuya Melchi pero ngayon ay patay na siya.

Kung alam ko lang na iyon na ang huling pagkikita namin ni kuya na buhay siya, sana ay pinigilan ko na lamang siyang pumunta sa Baguio kasama si Rica. Hindi pa rin nagigising si Rica simula kahapon.

Wala namang sinisi ang mga magulang ni Rica dahil disgrasya raw iyon at walang may gustong mangyari iyon.

Pilit kong iginigiit sa aking isipan na ang lahat ay parte lamang ng isang bangungot, ngunit iginigiit din ng reyalidad na totoo ang lahat ng mga pangyayari. Patay na si kuya at kritikal naman ang lagay ng matalik kong kaibigan.

Doble-doble ang mga saksak sa puso ko dahil nawalan na nga ako ng kuya, tapos nanganganib naman ang buhay ng aking kaibigan. Hindi ko na alam ang gagawin ko dahil tila pinupunit sa malililiit na bahagi ang puso ko.

Napabangon ako nang may kumatok sa pinto at mayamaya ay bumukas ito. Lumapit naman sa tabi ko si Ate Weng na namumugto rin ang mga mata.

"Nauna na sina mommy mo sa chapel. Sumabay ka na lang kay Hezekiah na pumunta sa chapel dahil naghihintay siya sa baba," wika ni Ate Weng. Niyakap niya naman muna ako bago siya lumabas.

Pagkababa ko sa sala pagkatapos kong maligo at magbihis ay nadatnan ko doon si Heze na may pinapanood sa kaniyang cellphone.

"Kabilang sa mga namatay sa aksidente kahapon ay si Melchor Crisostomo, ang anak ng may ari ng Crisostomo Laboratory Instruments Company. Kritikal naman ang lagay ng kaniyang kasintahan..."

Itinago ni Heze ang kaniyang cellphone nang makita niya ako. Matamlay ko naman siyang nginitian at umupo sa kaniyang tabi.

"Sigurado akong hindi ka pa kumakain kaya kumain ka muna kahit kaunti lang," wika niya pero napailing ako.

"Hindi ako gutom."

"Hindi puwedeng hindi ka kakain dahil baka ikaw rin ang magkasakit," giit niya.

Hinigit ako papunta sa dinning table kaya wala na akong nagawa pa. Hinainan na rin ako ni Ate Weng ng pagkain.

Pagkatapos kong kumain, pumunta na kami ni Heze papunta sa chapel kung saan nakaburol si Kuya Melchi. Pagkarating namin doon ay may mga press sa labas ng chapel na sa tingin ko ay gustong kumuha ng statement nina mom.

Marami na ring tao sa loob. Mga kaibigan nina mommy at daddy, mga kaibigan at kaklase ni kuya, at pati sina Tita Zandra at Ate Karel. Lumapit ako sa kabaong ni kuya at nasa tabi ko naman si Ate Karel na umiiyak.

Wala na akong luhang mailalabas pa, pero parang dinudurog pa rin ang puso ko kaya napatitig na lang ako kay kuya. Payapa na ang kaniyang mukha.

"Kuya, hindi pa rin nagigising si Rica hanggang ngayon. Please, kumbinsihin mo naman siyang huwag munang sumunod sa iyo dahil hindi ko na talaga kaya kung dalawa kayong mawawala sa akin," mahinahong wika ko.

"I love you, Kuya. Alam ko namang hindi mo na ako maririnig pa pero gusto ko lang malaman mong masaya ako dahil naging kuya kita. Sayang nga lang dahil hindi na kita makikita pang tumanda, balak ko pa namang itago ang baston mo kapag uugud-ugod ka na," dagdag ko pa at mapait na napatawa.

"Oo nga pala, dalawin mo nga si Ate Karel sa kaniyang panaginip, at sabihin mong huwag ng iiyak nang iiyak," biro ko at napatingin kay Ate Karel na bahagyang napangiti.

"Na-pause tuloy 'yong pagtulo ng luha ko," natatawang sabi ni ate at pinunasan niya ang kaniyang mga luha at lumapit sa akin.

"Ang daya mo naman, Melchi, nang-iiwan ka naman. Ni hindi ko man lang nasabi sa iyo na may gusto ako sa iyo at nagseselos ako kapag magkasama kayo ni Rica. Ayan tuloy, dito pa ako nag-confess sa tapat ng kabaong mo," puno ng paghihinagpis na saad ni ate kaya napaawang ang aking bibig.

"Sabi ko na nga ba, may gusto ka kay kuya," sabi ko naman, kaya napangiti siya at tumango.

Ibinigay niya sa akin ang cellphone ni kuya na may basag ang screen ngunit gumagana pa. Mabuti pa 'yong cellphone ni kuya ay nakaligtas samantalang siya ay wala na.

Lumapit naman sa amin si mommy at niyakap ako habang umiiyak siya. Niyakap naman kami ni daddy para i-comfort kami.

Hanggang sa ilibing si Kuya Melchi ay hindi pa rin nagigising si Rica. Hindi man lang nakita ni Rica si kuya sa kaniyang huling hantungan. Napakasaklap nito sa kaniya dahil kapag nagising siya, hindi niya na makikita pa si kuya.

Dumating din sina Minerva at sina Tito Alfonso at Tita Laura tatlong araw bago ang libing ni Kuya. Kasama sila nina mommy at daddy sa pag-aasikaso sa mga nakikilamay.

Pagkatapos ng libing ay nagsialisan na ang mga tao. Kami na lamang na magpapamilya ang nandito sa harap ng puntod ni kuya kasama sina Tita Zandra, Ate Karel, Azarel, at Heze.

Iyak pa rin nang iyak si mommy at nangayayat na rin. Kung nasasaktan kami, alam kong triple pa ang sakit na nararamdaman ni mommy dahil wala ng hihigit pa sa sakit kapag nawalan ka ng anak. Kahit na hindi umiiyak si dad, alam kong sa loob-loob niya sobra siyang nasasaktan.

Ang dami kong napagtanto nang mawala si kuya. May mga bagay kasi na hindi natin nasasabi noong buhay pa ang isang tao at kung mawala na siya, nagsisisi tayo dahil hindi man lang natin nasabi sa kaniya ang mga salitang iyon.

Gaya ni Ate Karel, ni hindi man lang niya nasabi kay Kuya Melchi na may gusto siya sa kaniya. Ngayon ay huli na ang lahat para sabihin iyon. Nakapagtapat lamang siya noong isa ng malamig na bangkay si kuya.

Katabi ko si Heze habang naglalakad kami papalayo sa puntod ni kuya. Habang naglalakad kami, unti-unti na namang tumulo ang mga luha ko, samantalang noong burol ni kuya ay wala akong nailabas na luha.

Hanggang sa muli, kuya. Paalam...

***

Napahagulgol ako pagkatapos kong mabasa ang aking entry sa aking diary. Agad naman akong nilapitan ni mommy para pakalmahin. Ito ang pang-apat na araw na babasahin ko ang aking diary.

"Tahan na, Merry. Sinabihan naman kasi kita na huwag mo ng babasahin ang part na iyan," pagpapakalma sa akin ni mommy at niyakap ako.

"A-Akala ko kasi kayo," hagulgol ko.

"Huwag ka ng iiyak dahil naiiyak din ako. Kalimutan na lang natin ang mga masasakit na pangyayari." Pinunasan niya ang mga luha at napaayos din ako ng upo.

"Huwag mo ng itutuloy basahin iyan," bilin ni mommy bago siya lumabas pero matigas ang ulo ko. Itinuloy ko pa rin ang pagbabasa.

Patuloy sa pagbuhos ang mga luha ko habang sinisimulan ko na naman ang pagbabasa...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro