CHAPTER 20
CHAPTER 20
JUNE 04, 2018
PAGKATAPAK ko pa lang sa school kanina ay halo-halong emosyon na ang nararamdaman ko. Sa wakas ay Senior High School na ako.
Napahinga ako nang malalim pagkarating ko sa tapat ng classroom. Kinumpirma ko muna kung ang classroom na nasa tapat ko ay 11-ABM A. Nang mabasa ko sa may pinto na nasa tapat ako ng tamang classroom ay pumasok na ako.
"Merry, dito ka!" Napalingon ako sa pinanggagalingan ng boses.
Napangiti ako nang makita ko sina Marie at James. ABM din pala sila at magkakaklase kami. Sina Rica at Jerico ay nasa STEM, si Irish naman ay mag-isa sa HUMSS, tapos si Crissel at Rachelle naman ay nasa ABM B.
Ngayong araw na ito ay nagkaroon lamang ng class orientation, election ng classroom officers at orientation sa mga subjects.
Alas singko ng hapon noong i-dismiss kami ng adviser naming si Ma'am Ann. Siya rin pala ang class adviser noon ni Azarel.
"Pinapasabi pala ni Mr. Fortuito na hindi raw kayo magkakasabay ngayon," wika ni ma'am bago pa ako tuluyang makalabas ng classroom.
Bakit ba hindi na lang direktang sinabi sa akin ni Azarel?
"Ikaw, Merry, close pala kayo ni Mr. Fortuito, ah," pang-aasar pa ni ma'am, kaya maging ang mga kaklase ko ay nakiasar na rin.
"Magkaibigan lang po kami at hindi na iyon hihigit pa," tugon ko, at bahagyang ngumiti at tuluyan ng nilisan ang classroom.
Nakasimangot lamang ako habang papalabas ng school. Iniisip ko pa rin si Hezekiah dahil simula noong hindi ako nakasipot sa usapan namin, naging cold na siya sa akin kahit pa nagkakasama kaming lima tuwing weekends at wala silang pasok.
Hindi ko pa rin siya nakakausap ng kaming dalawa lamang, kaya hanggang ngayon ay binabagabag ako.
"Malamang siya na naman dahil may gusto ako sa kaniya. Doon ka na rin kay Azarel dahil mas gusto mo naman siya."
Hindi ko maiwasang masaktan sa tuwing bumabalik sa aking isipan ang huli niyang sinabi sa akin. Kung tutuusin, tama naman siya sa sinabi niya dahil si Ate Lana nga naman ang gusto niya, pero parang pinipiga ang puso ko.
Nagpasundo na lamang ako sa driver namin, at tahimik lamang ako habang nasa biyahe kamo. Binuksan ko ang bintana ng sasakyan kaya umalingawngaw sa aking tenga ang malakas na ugong ng mga sasakyan.
"Ihinto niyo po pala ako sa San Alidrona Park. Tatawag na lang po ako sa inyo kung magpapasundo na ako," wika ko sa driver at tumango lamang siya.
Ilang sandali lamang ay narating na namin ang San Alidrona Park.
Payapa ang paligid dahil makulimlim at kaunti lamang ang tao. Nakagagaan din sa pakiramdam ang aroma ng mga bulaklak, at idagdag pa ang maaliwalas na kapaligiran.
Naglakad ako papunta sa bridge kung nasaan ang pond. Napatingin ako sa katubigan, may mga maliliit na patak ng tubig ang pumapatak. Binuksan ko na ang aking payong dahil umaambon na.
Mauulit pa kaya ang mga sandaling iyon?
Mayamaya ay tumila ang ambon kaya nagtungo na ako sa ilalim ng mga Fire Trees at naupo roon. Naglabas ako ng isang pirasong bond paper at nagsulat ng liham para kay Hezekiah.
Limang liham na siguro ang nakatago sa bahay na ginawa ko pa noon para sa kaniya. Wala naman akong balak ibigay sa kaniya ang mga ito, pero patuloy pa rin akong nagsusulat. Pang-anim na nga ang isinusulat ko ngayon.
"Anong ginagawa mo rito? Nauulan na, ah." Agad kong itinago ang isinusulat kong liham nang may magsalita malapit sa kinaroroonan ko.
"A-Ah, w-wala po... K-Kuya Heze." Akma akong aalis ngunit hinawakan niya ako sa braso. Nakatungo lamang ako at hindi makatingin nang diretso sa kaniyang mga mata.
Napatingin naman ako sa kamay niyang nakahawak sa aking braso. Bahagya akong napangiti nang mapansin kong suot niya pa rin ang crocheted wristband na ibinigay ko sa kaniya.
"Gusto sana kitang makausap," saad niya kaya muli kaming naupo. Namayani muna ang katahimikan bago siya magsalita.
"Sorry kung gan'on ang naging asal ko sa iyo noong nakaraang buwan," panimula niya kaya napatingin ako sa kaniya. "Mali ako sa ginawa ko at pinagsisisihan ko iyon. Dapat ay tinanggap ko ang paliwanag mo at hindi basta gan'on ang aking inasal," dagdag pa niya.
"Naiintindihan ko naman po kayo kung bakit naging gan'on kayo sa akin. May mali rin naman po ako, kaya mas mabuti siguro kung kalimutan na lang natin ang pagkakamali mula sa nakaraan," wika ko naman kaya napangiti siya.
"Kaya nga gusto kong bumawi sa iyo," sabi niya at may inilabas sa kaniyang bulsa.
"Naku, wala naman po iyon sa akin! Ang importante ay nagkaayos na po tayo!" wika ko, atsaka ngumiti.
"Tumalikod ka, may isusuot ako sa iyo," utos niya na agad ko namang sinunod.
May isinuot siyang kuwintas sa akin. Pagkasuot niya ay agad akong humarap sa kaniya at napatingin sa pendant nito na plain na bilog.
"Maraming maraming maraming maraming maraming maraming salamat po!" saad ko habang nakaukit ang malawak na ngiti sa aking labi. Muntik ko pa nga siyang yakapin.
"Literal talaga na napakaraming salamat," natatawang sabi niya at umayos ng upo.
"Alam mo ba kung bakit bilog na plain lamang ang pendant?"
"Ano po bang rason?"
"Dahil circular iyan, maihahalintulad siya sa isang cycle, at ang cycle ay walang katapusan. Kung ano man ang mayroon sa atin ngayon, mananatili itong unending. Gaya ng bilog, magiging walang katapusan ang pagsasamahan natin," paliwanag niya kaya halos hindi ako makapagsalita.
Alas sais noong ihatid ako ni Heze sa bahay. Agad naman akong dumiretso sa kuwarto ko at nagtatalon dahil sa labis na tuwa. Kung may makakita man sa sa akin, baka akalain nilang nasisiraan na ako ng bait.
Muli na naman akong napangiti nang makita ko ang aking repleksyon sa salamin. Nasa buhok ko pa rin ang hairpin na iniregalo sa akin ni Heze noon. Naalala ko na naman tuloy noong nahimatay ako tapos kinantahan niya ako sa ospital.
Hindi na nga ako inaatake ng asthma ko simula noong Disyembre, pero 'yong hemoglobin ko naman ang pababa ng pababa. Pero ayos naman na rin iyon dahil bumuti naman na ang pakiramdam ko.
Noong nakaraang linggo bago ang pasukan, ipina-check up ako nina mommy. Wala na raw akong asthma dahil gumaling na ako. 'Yong hemoglobin ko naman, iyon na rin ang mino-monitor ngayon pero bumubuti na raw ako.
Napadako ang aking tingin sa kuwintas na ibinigay niya sa akin. Hindi ko lubos akalain na may mga gan'ong bagay pala na tumatakbo sa kaniyang isipan. Masaya ako dahil nagkaayos na kami. Hindi lang iyon, nagkaroon pa ng simbolo ang aming pagsasamahan.
Walang katapusan ang pagsasamahan namin...
JUNE 13, 2018
PAGKATAPOS ng klase namin ay tumambay ako sa harap ng classroom namin para abangan sina Rica at Rachelle. Hindi ko na kasama sina Marie at James dahil nauna na silang umuwi kasama sina Crissel, Irish, at Jerico.
Hindi ko pa rin nakikita ngayong araw si Azarel, ngunit sinabi niya sa akin kagabi na sabay raw kaming uuwi basta hintayin ko siya sa gate.
Napaayos ako nang tayo nang makita kong papalapit na sa akin sina Rachelle at Rica. Mahigpit na yakap ang salubong nilang dalawa sa akin, at halos hindi na ako makahinga. Simula talaga noong hindi na kami magkakaklaseng tatlo, bihira na lang kaming magkita-kita.
"Kumusta na kayong dalawa? Kumusta ang lovelife?" sunod-sunod na tanong ko sa kanilang dalawa habang papalabas kami sa SHS building.
"Basta ako wala pa ring lovelife. Si Rica kaya ang tanungin mo kung kumusta sila ni kuya mo," tugon ni Rachelle, kaya luminga ako kay Rica at sinundot siya sa kaniyang tagiliran.
"Iba pala bumanat ang isang Melchor! Ihinahalintulad pa niya sa research 'yong mga banat niya sa akin," pangiti-ngiti na saad ni Rica at todo hampas pa sa amin ni Rachelle.
"Isang malaking SANA ALL!" sabay na wika namin ni Rachelle.
"Sample nga ng mga banat niya," sabi ko. Lumawak naman ang ngiti sa kaniyang labi.
"Habang naglalakad kami sa mall noong nakaraang sabado bigla niyang sinabi, 'Feeling ko proposed title ako.' Tapos tinanong ko naman siya kung bakit," pagkukwento ni Rica.
"Oh, bakit daw?"
"Sabi niya, 'Hindi ko kasi alam kung approved o rejected ako.' Tapos 'yong tingin niya sa akin feeling ko malalaglag pati atay ko!" kinikilig na wika ni Rica.
Tinawanan naman namin siya nang tinawanan ni Rachelle dahil sa sinabi niya.
"Kailan mo naman kasi balak sagutin ang kuya ko?"
"Gustung-gusto ko naman talaga ang kuya mo, at gusto ko ring magpunta sa iba't ibang mga lugar kasama siya dahil pinapangarap ko talagang makapunta sa iba't ibang sulok ng mundo kasama ang taong mahal ko," tugon niya.
Sigurado naman akong matutupad ang pangarap ni Rica dahil kung saan-saang mga lugar napupunta si kuya dahil sa pagre-research niya. Masaya ako para sa kanilang dalawa, at sana tumatagal pa sila ng higit pa sa inaasahan ko.
"Eh, iyang hairpin at kuwintas mo, bago iyan, ah. Kanino naman galing iyan?" tanong naman ni Rica at habang itinuturo ang mga ito.
"Bigay ito sa akin ni Heze."
"Oh, eh 'di kayo na ang luma-lovelife. Sana all!" saad ni Rachelle habang nakasimangot.
Pagkarating namin sa gate ay nagpaalam na kami sa isa't isa dahil iba na ang dadaanan namin pauwi.
Habang hinihintay ko si Azarel ay nanlaki ang mga mata ko nang si Ate Lana pala ang papalapit sa akin.
"Bakit po kayo nandito?" tanong ko.
"Wala, napadaan lang ako dito dahil pinuntahan ko 'yong mga life group members ko," tugon niya at napatingin sa aking buhok.
Siguro ay napansin niya ang hairpin na nakasuot sa akin.
"Sa iyo pala ibinigay ni Hezekiah iyan," wika niya at nag-iwas ng tingin.
"O-Opo..."
"Pansin ko lang na iba rin ang closeness niyo," sabi niya kaya napalunok ako. Hala! Baka kokomprontahin niya na ako dahil nagseselos siya.
Hindi ko naman kasalanan kung close na close na kami ni Heze. Hindi naman ako pumaparaan sa kaniya gaya ng ibang mga nababasa ko o kaya nakikita ko. Maging ako ay nagugulat na rin sa mga nangyayari. Isa pa, ni hindi ko nga alam ang ibig sabihin ng closeness namin.
"Gan'on po ba? H-Hindi ko nga rin po ine-expect," tugon ko. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko at tila binabaliktan ang sikmura ko dahil sa kaba.
Magsasalita pa sana siya nang may humintong kotse sa harap namin. Napangiti siya nang makita naming si Kuya Mike pala ang nasa kotse. Eh, kung tanungin ko rin kaya siya kung bakit iba ang ngiti niya kapag nakikita niya si Kuya Mike?
"Oh, ikaw pala iyan, Lana!" masayang sambit ni kuya at bumaba sa kaniyang kotse.
"Napadaan ako rito, eh. Pauwi na nga rin sana ako," sagot ni Ate Lana at magpapaalam na sana ngunit inalok siya ni kuya na ihahatid na siya sa kanilang bahay.
"Sakay ka na rin dahil nalaman ko kay Tita Zandra kanina na nilalagnat si Azarel," wika ni kuya sa akin kaya sumakay na rin ako sa loob.
Idadaan muna raw ako ni kuya sa bahay, 'saka ihahatid pauwi si Ate Lana para magawa ko raw 'yong mga assignments ko. Tahimik lamang ako sa daan habang silang dalawa ay panay ang tawanan. Close na close na nga talaga sina Ate Lana at kuya. Napapaisip nga ako kung bakit iba ang kislap ng mga mata ni Ate Lana kapag kausap niya si kuya.
Bago ako bumaba ay nakapag-message pa ako kay Azarel na magpagaling siya para makapasok na siya bukas at sabay ulit kaming uuwi.
Pagkarating ko sa bahay ay nagpalit na ako kaagad ng damit dahil balak kong bisitahin si Azarel sa bahay nila. Magpapasama na lang ako sa driver namin dahil alam niya kung saan banda ang bahay nina Azarel.
Magpapaalam pa lang sana ako kina mommy at daddy na kasalukuyang nasa sala nang makita ko kung sino ang kasama nila.
"Kuya Hezekiah?" Napalingon sila sa akin habang si Heze ay bumaling ng tingin sa akin habang nakangiti.
"Ano pong ginagawa niyo rito?" tanong ko ulit habang papalapit sa kanila.
"Ipinaalam ka niya dahil may pupuntahan daw kayo saglit." Si dad na ang sumagot habang si mom naman ay nasa gilid na parang nahihiwagaan sa aming dalawa ni Heze.
"Payag na payag naman kami kaya pumunta na kayo!" entrada ni mom.
Halos umabot pa sa kaniyang tainga ang ngiti niya, at halos ipagtulakan pa ako kay Heze.
Sa kotse ng papa ni Heze kami sumakay. Nakatingin lamang siya sa daan habang nagda-drive. Naudlot tuloy 'yong plano kong puntahan si Azarel sa bahay nila. Babawi na lang ako sa kaniya bukas.
"Saan po ba tayo pupunta ngayon?"
"Sa bahay," matipid na tugon niya kaya napalunok ako.
Napahawak ako sa dibdib ko dahil sobrang bilis na naman ng pagkabog ng puso ko. Nagwawala na naman dahil sa sagot ni Heze.
"A-Ano pong gagawin natin doon?" Natawa naman siya sa tanong ko kaya halos sabunutan ko ang sarili ko nang mapagtanto ko kung ano ang itinanong ko.
"Huwag kang mag-alala, wala tayong ibang gagawin," tugon niya habang nakangisi. Napaiwas na lang ako ng tingin at pinanood ang pagpatak ng mga ambon sa bintana.
"Ipapakilala kita kina mama at papa," saad niya kaya gulat akong napatingin sa kaniya at hindi ako nakaimik.
Lord, seryoso po ba siya? Ipapakilala niya na ako sa mga parents niya? Ano po ba ako sa kaniya?
Pagkapasok pa lang namin sa loob ng bahay nila ay naroon na kaagad sina mama at papa niya at si Ate Eileen sa sala. Para bang hinihintay talaga nila ang pagdating namin ni Heze.
Nahihiya ako at halos hindi ako makatingin ng diretso sa kanila. Dahan-dahan akong lumapit sa kanila at nagmano kina mama at papa niya. Pagkatapos n'on ay pinaupo ako ni Ate Eileen sa tabi niya.
Future in-laws mo ang mga iyan, self. Iyon ay kung God's will na maging kayo ni Heze.
"Siya po pala si Merry, life group member ko," wika niya at umupo sa aking tabi.
"Siya pala ang madalas mong ikuwento sa amin," nakangiting sabi ni Tita Jayne, mama niya, at ibinaling ang tingin sa akin. "Madalas ka kasing maikuwento sa amin ng anak ko," wika niya sa akin.
"T-Talaga po?"
"Oo naman. Kaya nga kahit hindi ka pa naming nakakausap ng personal noon ay kilala ka na namin," tugon naman ni Tito Ivan, ang papa niya.
Hindi ko akalaing darating sa punto na ipakikilala niya ako sa mga magulang niya. Ni hindi nga sumagi sa isip ko na ganito ang mangyayari.
Sabay-sabay na kaming kumain. Habang kumakain kami ay kuwento sila nang kuwento tungkol kay Hezekiah. Tungkol sa kung gaano siya kabuting anak at kapatid. Kung gaano siya karesponsableng estudyante.
Masaya naman ako dahil ang init ng pagtanggap nila sa akin, at mabilis din akong naging komportable sa kanila.
Alas otso nang makauwi ako sa bahay. Pagkarating namin sa tapat ng gate, bumaba na ako ngunit sumunod pa siya sa akin. Akala ko ay uuwi na siya.
"Thank you nga po pala tungkol doon sa kanina," sabi ko at napasandal sa gate dahil nakadama ako ng pagod.
"Wala iyon. Isa pa, plano talaga kitang ipakilala kina mama," tugon niya.
"Bakit naman po?" tanong ko kaya napatingin siya sa akin.
"Sabi ko nga sa iyo noong nakaraang linggo, walang katapusan ang pagsasamahan natin. Parte ka na ng buhay ko at mahalaga ka sa akin kaya dapat lang na ipakilala kita sa kanila," tugon niya at ngumiti.
Ang mga katagang sinabi niya ay siya na namang dahilan ng pagwawala ng puso ko. Napaawang ang aking bibig at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.
While my heart is beating so fast, my stomach is doing backflips. All I can say is I'm in euphoria.
Ano ba talaga ang tunay na papel ko sa buhay ni Hezekiah?
***
NAPATAKIP ako sa aking bibig dahil para akong baliw na ngisi nang ngisi mag-isa. Hindi ko maiwasang kiligin dahil sa nabasa ko. Muling bumabalik sa akin kilig ng nakaraan kaya para na naman akong baliw.
"Iba iyang ngiti mo, ah," wika ni mommy at umupo sa aking tabi, at isinara niya ang aking diary.
"Eh, kasi naman po kinikilig ako rito sa mga nababasa ko na nangyari noon!" tugon ko at napakagat pa sa aking pang ibabang labi.
"Oo na! Oh, ipahinga mo muna iyang mga mata mo dahil kanina ka pa nagbabasa," sabi niya kaya bahagya kong inilayo ang aking diary.
"Hindi ko pa rin po talaga ine-expect na gan'on bumanat si Kuya Melchi," saad ko naman, napangiti lamang siya habang pinagmamasdan ako.
Nabura ang ngiti sa aking labi nang mapagtanto kong sa susunod na pahina ng aking diary ay ang mga pangyayaring minsang nagpahina sa akin.
Kaya ko bang balikang basahin iyon?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro