Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 19

CHAPTER 19

APRIL 02, 2018

MAKAILANG ulit na akong pabalik-balik sa harap ng salamin upang tignan ang aking repleksyon. Para talagang may kulang, hindi ko nga lang maaalala kung ano iyon. Napatitig ako sa aking buong katawan.

"Mababaliw na yata ako!" Napasabunot na lang ako sa aking buhok at mayamaya pa ay napatingin na naman ako sa salamin.

Naging sabog tuloy ang buhok ko kaya naisipan kong magsuklay na lang. Habang nagsusuklay ako ay napatigil ako nang mapansin ko na kung ano ang kulang.

"'Yong hairpin na ibinigay sa akin ni Heze!" sigaw ko at napahawak pa sa aking buhok kung saan niya iyon ikinabit.

Isang oras ko yatang hinalughog ang buong kuwarto ko, ngunit wala talaga akong makitang asul na hairpin na kasing hugis ng feather. Nagtanung-tanong na rin ako kay Ate Weng pero wala raw siyang nakita.

Napaupo ako sa sofa at iniisip mabuti kung saan ko puwedeng mahanap iyon. Kaninang umaga ay bumuti na ang pakiramdam ko simula noong makauwi kami kahapon galing sa ospital.

Muli akong napahagikgik nang maalala ko ang eksena kahapon sa ospital kung saan kinantahan niya pa ako, tapos ay hinaplos pa niya ang aking buhok.

"Kinikilig ka na naman!" panggugulantang sa akin ni Kuya Mike na kagagaling lamang sa kanilang eskuwelahan.

Pinanliitan ko na lamang siya ng tingin habang papunta siya sa kaniyang kuwarto. Muli na naman akong napaisip kung saan ko ba mahahanap ang hairpin na iyon. Ano na lang ang sasabihin ni Heze kapag nalaman niyang nawala ko ang iniregalo niya sa akin.

"Imposible namang sa taxi na sinakyan namin kahapon iyon nahulog dahil hindi naman ako malikot. Hindi kaya sa ospital ko iyon nalaglag noong nakaratay ako sa hospital bed?" tanong ko sa aking sarili at napatango pa nang maisip kong tila may katuturan ang aking sinasabi.

"Tama! Sa ospital ko siguro iyon nalaglag!" saad ko pa at dali-daling tumakbo papunta sa kuwarto ni Kuya Mike. Kailangan kong magpasama sa kaniya dahil babalik kami sa ospital.

"Anong kailangan mo?" tanong ni Kuya Mike.

"Kuya, please, samahan mo ako sa ospital dahil nalaglag ko roon iyong hairpin na regalo sa akin ni Hezekiah," pagmamakaawa ko kay kuya at niyakap pa siya nang mahigpit na mahigpit.

Tatanggi pa sana siya ngunit kinulit ko siya nang kinulit kaya wala na siyang nagawa. Palabas na kami ng bahay nang bigla naming makasalubong si Ate Weng.

"Oh, saan kayo pupunta, Merry? Kagagaling mo pa lang sa sakit, ah," saad ni Ate Weng. Si Kuya Mike naman ay nakapamewang lang at hinihintay kung ano ang isasagot ko.

"May nawala po kasi akong importanteng bagay kaya nagpapasama ako kay Kuya para hanapin iyon. Huwag po kayong mag-alala dahil ayos na po ako," tugon ko.

Pakiramdam niya siguro ay wala na siyang magagawa pa kaya sumulyap siya sa malaking wall clock.

"Sige, basta mamayang alas sais dapat ay nandito na kayo dahil alas sais y media ay darating na sina ma'am," bilin sa amin ni Ate Weng kaya napatango kami ni kuya.

Alas kuwatro pa lang naman ng hapon, kaya may dalawang oras kami para hanapin ang hairpin. Habang nasa daan naman kami ay kuwento siya nang kuwento tungkol sa ginawa nilang dalawa kahapon ni Ate Lana.

Sabay na raw silang kumain sa isang fast food chain. Sinamahan niya rin daw siyang bumili ng mga ingredients para sa iluluto ni Ate Lana. Dahil marami raw dala si Ate Lana, sinamahan na rin siya ni kuya sa pag-uwi.

"Hayyy... sana maulit pa iyon," wika pa ni kuya habang nakapinta ang malawak na ngiti sa kaniyang labi.

"Bilisan mo na lang mag-drive kuya!"

"Bitter ka lang dahil hindi natuloy iyong lakad niyo kahapon ni Hezekiah."

"At least may ibinigay naman siyang espesyal sa akin."

"Kahit na espesyal kung nawawala naman."

Mas pinili ko na lamang manahimik dahil kapag dating sa mga asaran at sumbatan, palaging si Kuya Mike ang panalo.

Noong nasa ospital na kami, agad akong nagtungo sa kuwarto kung saan ako nakaratay kahapon. Nakasunod lamang sa akin si kuya na nakasimangot lamang. Kahit walang permiso ay agad kong binuksan ang kuwarto. Mabuti na lamang ay walang tao kaya malaya kong hinalughog ang kama pati na rin sa mga silong. Napasimangot na lamang ako nang hindi ko mahanap ang hairpin doon.

"Tara na, Merry! Baka biglang may dumating tapos mapagalitan tayo." Wala akong nagawa kundi tumayo.

Lalabas na sana kami nang biglang bumukas ang pinto, at iniluwa no'n ang nurse na nagtatakang nakatingin sa amin. Naaalala ko siya. Siya iyong nurse na nag-asikaso sa akin kahapon noong umalis na si Heze.

"Anong ginagawa niyo rito?" tanong niya.

"May nakita po ba kayong kulang asul na hairpin na naiwan dito?" tanong ko rin ngunit umiling lamang siya.

Tahimik lamang ako habang papalabas kami sa ospital. Napansin siguro ni kuya ang pagtamlay ko kaya napatingin siya sa akin.

"Saan pa ba puwedeng mahanap iyong hairpin bukod dito sa ospital?" tanong niya.

"Hindi ko na alam, eh. Hindi na nga lang natuloy iyong moment namin sa coconut farm tapos mawawala pa iyong hairpin!" tugon ko at pinagsisipa ang mga maliliit na bato sa gilid ng kalsada.

"Hindi kaya nalaglag sa farm noong nahimatay ka?" tanong niya ulit, kaya napatigil ako sa pagsisipa ng bato at napatingin sa kaniya.

"Ang talino mo talaga, Kuya! Dali, punta tayo roon sa farm! Ituturo ko sa iyo ang daan!" tuwang-tuwa na saad ko at hinila ko na siya papunta sa kaniyang kotse.

Itinuro ko sa kaniya ang daan at pagkalipas ng 15 minutes ay nakarating na kami sa coconut farm. Hinila ko si kuya doon mismo sa pwesto kung saan ako hinimatay.

"Ang lawak pala ng coconut farm nina Hezekiah," sambit ni kuya.

"Sa kanila ito? Paano mo alam?"

"Nakuwento kahapon sa akin ni Lana dahil nabanggit niya sa akin kahapon na baka rito kayo pupunta. Ang coconut farm na ito ay pagmamay-ari ng papa nina Hezekiah," tugon ni kuya, habang ako naman ay patangu-tango lamang at abala sa pagkilatis sa dinadaanan namin.

"Samahan mo akong maghanap," wika ko at inilarawan ko sa kaniya kung ano ang itsura ng hairpin.

Habang naghahanap kami ay napatigil kami nang may makita kaming naka-motor na papalapit sa amin. Napaawang ang aking bibig nang makita ko kung sino iyon. Si Hezekiah!

Bumaba siya sa kaniyang motor at may inilabas sa kaniyang bulsa.

"Ito ba ang hinahanap niyo?" tanong niya sabay pakita sa amin ng hairpin na ibinigay niya sa akin.

"Iyan nga po!" tugon ko. Mayamaya pa ay lumapit siya sa akin at muling ikinabit ang hairpin sa aking buhok.

"S-Salamat." Napatikhim naman si kuya kaya napalayo sa akin si Hezekiah.

"Nalaglag iyan kahapon dito noong nawalan ka ng malay. Nakalimutan kong ibigay sa iyo iyan kahapon. Kanina naman ay nakita ko kayong papunta rito sa farm kaya sinundan ko kayo dahil alam kong hahanapin mo ito, Merry," paliwanag niya habang ako ay hindi naman makaimik dahil pakiramdam ko ay namumula ang aking pisngi.

Hindi na iyon mahalaga dahil ang importante ay nakabalik na sa akin ang hairpin.

APRIL 16, 2018

MAKULIMLIM ang panahon at hindi rin maalinsangan kaya naglalakad-lakad akong mag-isa ngayon dito sa San Alidrona Park. May pasok na kasi sina Kuya Mike, Ate Lana, at Heze kaya naisipan kong pumunta na lang dito mag-isa.

Simula kasi noong samahan ni Kuya Mike si Ate Lana sa mall, unti-unti na rin silang nagiging close sa isa't isa. May mga pagkakataong inaanyayahan kami nina Ate Lana at Heze tuwing sabado para mamasyal. Dahil sa madalas na pagsasama-sama naming lima, nabuo na rin ang pagkakaibigan namin.

"Oh, Merry!" Napalingon ako sa likuran ko kaya agad kong nakita si Azarel na tumatakbo papalapit sa akin.

"Wala ka bang nakakalimutan ngayon?" tanong niya habang naghahabol ng hininga at napaupo sa damuhan.

"Ano bang mayroon ngayon?"

"Magpatingin ka na nga sa doctor baka may Alzheimer's disease ka na," untag niya kaya sinamaan ko siya ng tingin.

"Ano ba kasing mayroon?"

Ano ba kasing mayroon bukod sa April 16 ngayon? Teka... alam ko na!

"Hala, oo nga pala! Isang taon na simula noong nahulog ako kay Heze!" tili ko at pinagpapalo si Azarel sa braso. Napadaing tuloy siya habang umiilag sa mga hampas ko.

"Ang sakit ng mga palo mo!" pagdaing niya kaya tumigil na ako sa paghampas sa kaniya.

"Given na 'yong isang taon na ang lumilipas, ang issue ay nakalimutan mo 'yong sinabi sa iyo ni Heze kahapon pagkatapos ng mass!" dagdag pa niya na siyang dahilan kung bakit ako napatayo.

"May usapan nga pala kami na susunduin niya ako sa bahay ngayong alas tres dahil wala siyang pasok!" wika ko at napatingin sa aking relo. Lagot! Alas kuwatro y media na!

"Mauuna na ako!" pasigaw pa na sabi ko, at tumakbo na dahil siguradong nag-hihintay na sa bahay si Heze.

"Saglit lang!" Narinig kong sigaw niya ngunit hindi ako tumigil.

Dahil hindi ko na napansin ang tinatapakan ko, napatid ako sa isang bato na siyang dahilan kung bakit ako nadapa. Mabuti na lamang ay walang ibang nakapansin bukod kay Azarel.

Napahawak ako sa aking paa na kumikirot ngayon. Napapikit na lamang ako dahil sa inis at sakit.

"Ilang palaka ba ang nahuli mo?" pang-aasar pa niya.

Dahil iika-ika ako ay pinasakay niya ako sa kaniyang likod para mas mabilis kaming makarating. Walking distance lang naman ang San Alidrona Park sa bahay kaya nilakad na lang namin. Isa pa, wala rin naman kaming dalang perang pamasahe.

Pagkarating namin sa tapat ng bahay, napaawang ang aking bibig dahil nandoon sa harap ng gate si Heze. Gulat siyang napatingin sa amin ni Azarel. Nagkatama ang mga mata naming dalawa, ngunit ibinaling niya ang tingin kay Azarel, at muli na namang inilipat ang tingin sa akin.

Ibinaba na ako ni Azarel at nagpaalam na siya para umuwi. Ni hindi na nga ako nakapagpasalamat sa kaniya dahil dali-dali na siyang umalis.

"Sorry po dahil nakalimutan kong may usapan pala tayo," saad ko ngunit hindi siya umimik, bagkus ay lumapit siya sa akin.

Nagi-guilty tuloy ako dahil isa't kalahating oras na siguro siyang naghihintay dito.

"Kasama mo pala si Azarel, eh," halos pabulong na sabi niya kaya napalunok ako. Napatingin ako sa kaniya at pilit kong binabasa ang ekspresyon niya.

Nakasimangot lamang siya, at nasa malayo ang tingin ng kaniyang mga mata. Matamlay rin ang kaniyang mukha. First time kong makita siya ng ganiyan. Kasalanan ko ito, eh!

Napatingin naman ako sa kamay niya dahil parang may maliit na bagay siyang itinatago sa kaniyang palad na agad niya namang itinago sa kaniyang bulsa nang makita niyang tinititigan ko iyan.

"'Di bale, huwag na lang siguro," wika niya at akmang lalakad palayo ngunit pinigilan ko siya.

"Sorry po talaga," pag-hingi ko ng tawad habang nakakapit sa kaniyang braso. Agad ko naman siyang binitawan nang mapalingon siya sa akin.

"Magpahinga ka na sa loob dahil baka napagod kayo ni Azarel kanina sa pamamasyal."

Teka, nagseselos ba siya sa amin ni Azarel? Pero parang imposible naman iyon dahil si Ate Lana ang gusto niya, pwera na lang kung may pagtingin din siua sa akin. Ano ba itong iniisip ko? Mas lalo rin namang malabong mangyari iyon.

"Hindi naman po kami namasyal, eh," tugon ko habang nakayuko.

"Mauuna na ako, pupuntahan ko pa si Lana," pamamaalam niya kaya napatingin ako sa kaniya. Mas lalo akong napasimangot nang banggitin niya si Ate Lana.

"Si Ate Lana na naman..." pabulong na sambit ko. Wrong choice of words dahil narinig niya yata ako. Lagot na talaga, Merry!

"Malamang siya na naman dahil may gusto ako sa kaniya. Doon ka na rin kay Azarel dahil mas gusto mo naman siya," aniya kaya napaawang ang aking bibig habang lumalakad siya papalayo.


***


MAY mga bagay-bagay talaga akong hindi maintindihan noon. Gaya na lamang kung bakit nagkagan'on sa akin si Heze. Alam ko naman na dahil sa hindi ko pagsipot sa kaniya pero alam kung may iba pa siyang rason. Iyon ang pilit kong hinuhulaan noon.

Napabuntong-hininga na lamang ako at tinanggal ang hairpin na nakasuot sa akin. Ito ang asul na hairpin na hugis feather na iniregalo sa akin ni Heze. Hanggang ngayon ay buhay pa rin ito dahil labis ko itong pinakaiingatan.

Napapikit na lamang ako habang hinahaplos ng aking daliri ang hairpin.

Bago pa man bumalik sa aking isipan ang mga alaalang hindi maganda ay binuklat ko na ang aking diary at binasa ang susunod na mga entries.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro