Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 18

CHAPTER 18

APRIL 01, 2018

PAGKALABAS namin sa church ay laking gulat ko nang makasalubong ko si Ate Lana. Napalunok ako nang mapansin kong nakatingin lamang siya sa akin na tila may nais ipahiwatig. Baka kokomprontahin niya ako o kaya aawayin dahil sa closeness namin ni Hezekiah?

Napailing na lamang ako sa naisip ko. Hindi niya naman siguro gagawin iyon dahil alam ko namang mabait siya. Life group leader din siya kaya sigurado akong hindi niya gagawin iyon.

"Ikaw pala, Lana. Anong kailangan mo sa kapatid ko?" tanong ni Kuya Mike na nasa likuran ko lamang. Bakas din sa boses niya ang tuwa dahil kausap niya si Ate Lana.

"Paano mo nalaman ang pangalan ko?" Lumapit naman si Ate Lana kay kuya.

Napatingin naman ako sa 'di kalayuan kung saan may kausap sila mommy kaya hindi nila kami napansin. Si Heze naman ay nasa loob pa dahil inililigpit nila ang mga instruments na ginamit nila.

"Naikukwento ka kasi sa akin ni Merry," tugon ni kuya, kaya laking gulat ko nang ilipat ni Ate Lana ang tingin sa akin.

Iyong tingin niya na tila tinanatanong kung totoo ba ang sinasabi ni kuya.

"Ah, opo, nabanggit ko po kasi na kayo po iyong kasa-kasama ni Heze—I mean, Kuya Hezekiah," pagpapaliwanag ko.

Tanging tango lamang ang tugon niya at bumaling ang tingin sa loob ng church.

"Sige, mauuna na ako dahil kakausapin ko pa si Hezekiah," pagpapaalam niya at akmang papasok na sa loob.

"Teka lang!" pigil naming dalawa ni kuya sa kaniya.

Napatingin siya kay kuya nang hawakan siya nito sa braso. Agad namang napabitaw si kuya nang mapagtanto niya kung ano ang ginawa niya.

"May sasabihin pa ba kayo?" malumanay na tanong ni Ate Lana.

"A-Ano kasi... 'yong—" Naputol sa pagsasalita si kuya nang biglang dumating si Heze galing sa loob.

Sinalubong siya ni Ate Lana at kumapit pa sa kaniyang braso. Napalunok pa ako sa aking nasaksihan at nag-iwas ng tingin. Gan'on din si kuya, napatikhim din siya at kagaya ko ay nag-iwas din ng tingin.

"Mabuti na lang nandito ka na. Magpapasama sana ako sa iyo sa mall dahil may bibilihin ako," saad ni Ate Lana at bumitaw sa pagkakahawak kay Heze.

Napaismid ako sa sinabi niya. Nag-chat kasi sa akin kagabi si Heze na may pupuntahan daw kami ngayon pagkatapos ng mass. Kung sasamahan niya si Ate Lana, sigurado akong hindi kami matutuloy ni Heze sa pupuntahan namin. Napatingin naman sa akin at tila ba binabasa niya kung ano ang aking reaksyon.

"Sorry, Lana, hindi kita masasamahan ngayon dahil may pupuntahan kami ngayon ni Merry. Na-set na kasi iyon kagabi. Nakakahiya naman kung ika-cancel ko," wika ni Heze kay Ate Lana.

Tumingin lamang si Ate Lana sa akin. Siguro ay hindi niya akalaing tatanggihan siya ni Heze dahil lamang sa akin.

"Puwede kitang samahan sa mall kung gusto mo dahil may bibilhin din naman ako," singit ni Kuya Mike sa usapan.

"Nakakahiya baka makaabala pa ako," tugon ni Ate Lana.

"Ayos lang naman sa akin para may kasama ka," wika naman ni Kuya Mike, samantalang si Heze ay tila pinag-iisipan pa kung sasang-ayon ba siya sa suhestiyon ni kuya.

Ayos din ang naisip na plano ni kuya, ah. Sasamahan niya si Ate Lana para makasama niya ito at para makasama ko rin si Heze. Sa pagkakaalam ko, wala naman talagang bibilihin si kuya sa mall.

"Kung ayaw mo namang isabay sa akin si Lana ay ayos lang—"

"Sige, kung gan'on ay ikaw na lamang ang bahala sa kaniya," saad ni Heze kaya masiglang napatango si kuya.

Bago umalis sina Ate Lana at Kuya Mike ay may ibinilin pa si Heze sa kaniya tapos si Kuya naman ay nagpaalam pa kina mommy. Dati ay hindi siya nagpapaalam sa mga lakad niya, ngayon ay palagi na siyang nagsasabi. Ang laki na talaga ng pinagbago ni kuya.

Nauna ng umuwi sina mommy dahil alam niya naman na may pupuntahan kami ni Heze ngayon. Noong makaalis na sila kuya ay naglakad na kami ni Heze papunta sa kaniyang motor. Gaya ng dati, umangkas ako sa kaniyang likod at kumapit sa kaniyang balikat.

"Bumaba ka muna saglit dahil may nakalimutan akong gawin," utos niya sa akin kaya bumaba muna ako.

Napalunok naman ako nang marahan niyang hawakan ang aking kamay para alalayan ako.

"S-Salamat..."

Umukit ang ngiti sa kaniyang labi na siyang dahilan ng pagdagundong ng puso ko. Kahit na sa mga simpleng mga aksyon niya ay ang laki na ng impact sa akin. Sa mga ginagawa niyang ito, mas lalo akong nahuhulog sa kaniya.

Nag-init ang aking mga pisngi nang hawiin niya ang aking buhok. Agad niyang inilayo ang kaniyang kamay nang mapagtanto niya kung ano ang ginawa niya. Napatingin ako sa kaniyang kamay nang may dukutin siya sa kaniyang bulsa.

Napatitig ako sa hawak niya ngayong hairpin na may disenyong kulay asul na ang hulma ay parang feather. Lumapit siya sa akin at inilagay iyon sa aking buhok.

"Para sa iyo iyan. Nabili ko iyan noong nagpunta kami ni Lana sa mall noong nakaraang linggo. Nakalimutan ko nga lang ibigay sa iyo," tugon niya at sumakay na ulit sa kaniyang motor.

"Kung gan'on ay maraming salamat po," wika ko at umangkas na sa kaniyang likuran.

Mabuti na lamang ay nakatalikod siya sa akin dahil pakiramdam ko ay pulang-pula na ang aking pisngi.

"May nakalimutan akong gawin bago tayo umalis," narinig kong wika niya. Mahangin din kaya hindi ko masyadong marinig kung ano pa ang iba niyang mga sinabi.

"Ano po iyon?" tanong ko at lumapit ng kaunti upang marinig niya.

"Nakalimutan kitang ipakilala kina mama at papa," tugon niya kaya napatunganga ako. Balak niya na talaga akong ipakilala sa mga magulang niya?

Hindi na ako umimik pa at minabuti ko na lang na huwag ng magsalita dahil hindi ko rin naman alam kung ano ang magiging reaksyon ko sa sinabi niya. Para ko tuloy siyang manliligaw tapos ay ipapakilala niya ako sa mga magulang niya.

Nakarating kami sa isang malawak na coconut farm. Inalalayan niya muli ako sa pagbaba at bago pa man ako makapagsalita ay nakaramdan ako ng pagkahilo. Tila umiikot ang nasa paligid ko at hindi ko na maintindihan kung ano ang sinasabi ni Heze.

Napapikit ako at napahawak sa aking noo. Nanghina na maging ang mga tuhod ko kaya hindi na ako makahakbang pa. Bago pa man ako tuluyang bumagsak ay nasalo na ako ni Heze at hindi ko na alam kung ano ang sunod na nangyari.

DAHAN-DAHAN kong iminulat ang aking mga mata. Noong una ay hindi pa masyadong makaaninag ang mga mata ko ngunit sa paglipas ng mga segundo ay nagiging malinaw na ang lahat.

Bumungad sa akin ang puting kisame. Napahawak ako sa aking ulo nang bahagya itong kumirot kaya napansin kong may nakasaksak palang dextrose sa likod ng aking kamay malapit sa pulsuhan. Ang bigat ng ulo ko at medyo nilalamig din ako.

"Mabuti at gising ka na. Sina Tita Oli nga pala, kausap ang doktor." Napatingin ako sa aking gilid nang marinig ko ang pamilyar na boses. Si Hezekiah.

"Nasa ospital na naman ako," saad ko at napasimangot.

Napatingin naman ako sa dextrose at kulang na lamang ay hugutin ko ito dahil sa inis. Mayamaya pa ay pumasok na si mom kasama si Kuya Mike.

"Bumaba na naman ang hemoglobin mo tapos ay nilalagnat ka pa," wika ni mommy at idinikit niya ang likod ng kaniyang kamay sa noo ko. "Mainit ka pa rin," dagdag pa niya.

"A-Ano pa pong sabi ng doctor?"

"Sinusumpong ka na naman ng anemia mo. Niresetahan ka niya ng mga bitamina at kailangan mong kumain nang kumain ng mga pagkain na sagana sa iron gaya ng mga madadahong gulay," pagpaliwanag niya kaya napatango lamang ako.

"Kumusta si Lana?" narinig kong tanong ni Heze kay kuya.

"Maayos naman siya. Sinamahan ko na rin siya pauwi para masigurado ang kalagayan niya," tugon ni kuya.

"Salamat, Mike, sa paghatid sa kaniya," nakangiting saad ni Heze kaya napaiwas na lamang ako ng tingin sa kanilang dalawa.

"Kami nga ang dapat magpasalamat sa iyo dahil hindi mo pinabayaan si Merry," sabi naman ni kuya kaya muli akong napatingin sa kanilang dalawa.

"Walang anuman iyon, basta para kay Merry," tugon ni Heze kaya maging si mommy ay napangiti.

"Ah, Hezekiah, ikaw muna ang magbantay kay Merry dahil may babayaran lang ako sa cashier," bilin ni mommy kaya napatango si Heze.

"Ikaw naman, Mike, umuwi ka muna dahil hinahanap ka ni Melchi kanina," utos din ni mommy kay kuya atsaka umalis. Bago naman lumabas si kuya ay nginisian niya ako na tila nang-aasar pa.

Muling namayani ang katahimikan sa loob kaya pumikit na lamang ako nang bigla na namang kumirot ang ulo ko. Hinila ko ang kumot sa aking tabi upang maibsan ang pagkaginaw ko.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong ni Heze kaya muli kong iminulat ang aking mga mata.

"Masakit pa rin po ang ulo ko at giniginaw ako mabuti," tugon ko at hinila ko pa pataas ang kumot, kaya balot na balot ako ngayon.

Gusto ko tuloy matulog ulit para maitulugan ko ang sakit ng ulo ko.

"Kung ganoon, ipikit mo na ang mga mata mo, at kakantahan kita para muli kang makatulog," malumanay na wika niya, kaya napatango ako at muling ipinikit ang aking mga mata. Maya-maya pa ay inumpisahan niya na ang pag-awit.

"Hindi nalilingid; ikaw nga'y may dinaramdam

'Pagkat luhay mo'y aking nasisilayan.

Hindi ko man kayang wakasan ang iyong pighati,

Subalit susubukan pa ring ika'y mapangiti."

"Ako ang anghel na kakandili sa iyo,

Sa tuwing ika'y nanlulumo;

Sa tuwing sinusubok ng kapalaran.

Pangako, sa magpakailanman,

Ako ang anghel na kakandili sa iyo.

Ako ang iyong lakas tuwing ika'y pinanghihinaan."

Tumigil siya sa pagkanta at naramdaman kong hinaplos niya ang aking buhok kaya hindi ako nakagalaw. Napalunok ako nang marinig ko ang ibinulong niya.

"Ako ang anghel na kakandili sa iyo."


***


"Ikaw ang anghel ko magpakailanman," nakangiting sambit ko matapos kong basahin ang entry sa araw na iyon.

Noong mga panahong iyon, maging ang aking kalungkutan at panghihina ay natutunaw dahil sa kaniya. Tila isang yelo na unti-unting natutunaw sa tuwing nilalapitan niya ako upang bigyan ng comfort.

Sobra ang pasasalamat ko dahil sa mga ginagawa niya sa akin noon. Nagiging ayos ang lahat dahil sa kaniya.

"You are the angel by my side..."

Forever kahit ganito ang nangyayari...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro