CHAPTER 14
CHAPTER 14
JANUARY 20, 2018
KUNG maaari ay ayaw ko pang bumangon dahil pakiramdam ko ay dala-dala ko pa rin ang pagod ko mula kahapon. Katatapos lang ng exam namin kahapon para sa third quarter; tinapos namin ang sampung subjects nang isang araw.
Kahit na tinatamad akong bumangon ay pinilit ko pa rin ang aking sarili dahil may importante akong lakad ngayon. Ang lakad na ito ang matagal ko ng pinakahihintay.
Pagkatapos kong maligo at mag-ayos ay napatingin ako sa aking repleksyon sa salamin. Simple lamang ang aking suot at masaya na ako doon. Kulay itim na half pants at blouse na kulay asul.
Pagkababa ko ay nadatnan ko sa sala si Kuya Mike na tahimik at tila malulunod na sa malalim na pag-iisip kaya agad ko siyang tinabihan.
"Ang lalim yata ng iniisip mo, Kuya. May problema ba?" tanong ko kaya napatingin siya sa akin.
"Dati kasi kung may gusto akong makuhang babae, dinidiskartehan ko kaagad kaya nga ang dami kong babae," pagwawari niya, "pero ngayon kay Lana parang wala akong magawa. Parang hindi ko kayang gawin," dagdag pa niya at bahagyang napatawa.
Kung may makaiintindi man sa kaniya rito, ako iyon dahil naranasan ko na ang nasa ganiyang sitwasyon.
Tinapik ko ang kaniyang balikat, "Kuya, gaya ng sabi ko sa iyo, if it is not God's will tanggapin na lang natin. If it is God's will eh 'di mas mainam. Hayaan mong ang Diyos ang gumawa ng paraan sa inyo kung talagang siya ang para sa iyo. Basta huwag ka lang mawawalan ng pag-asa. Keep on praying and seeking His will."
"Mabuti ka pa nga kasi kahit na hindi ka na gumagawa ng mga paraan ay unti-unti mong naaabot ang gusto mo. Pinagbibigyan ka na ng kalangitan." Ginulo niya naman ang buhok ko.
"Hindi ko rin alam kung bakita nga gano'n." Napatitig ako sa kawalan habang binabanggit ang mga katagang iyon. "Ipinagdarasal ko nga na kung hindi tama ito, sana ay mawala na itong nararamdaman ko para sa kaniya," dagdag ko pa kaya niyakap niya ako.
Napangiti naman ako sa ginawa niya. Siguro ay ito pa lang ang pangalawang beses na niyakap niya ako. Ang unang beses ay noong naospital ako noong walong taong gulang pa lamang ako.
"Sana palagi ka na lang in love kay Ate Lana para sweet ka sa akin at hindi mo ako inaasar," pang-aasar ko sa kaniya kaya agad siyang humiwalay sa akin.
Pinanliitan niya ako ng tingin. "Nakuha mo pa akong asarin, ah! Oo nga pala, nasa garden si Azarel, hinihintay ka na niya doon kanina pa. Hindi mo sinabi sa aking may date pala kayo! Akala ko loyal ka kay Hezekiah!" Napatayo namana ko sa sinabi niya.
Ano naman kaya ang kailangan sa akin ni Azarel? Noong mga nakaarang araw at linggo ay hindi niya talaga ako pinapansin. Hindi pa rin malinaw sa akin ang sinabi niya sa akin noong huli kaming nagkausap.
Ngumisi nang malawak si kuya at akma akong aasarin, kaya naman agad na akong nagtungo sa garden. Pagkarating ko roon ay agad akong tumabi kay Azarel.
"Nagtatampo ka pa rin ba sa akin hanggang ngayon?" tanong ko at tinignan siya.
Hindi ko talaga mabasa ang ekspresyon na nais iparating na kaniyang mga mata. Hindi siya umimik, bagkus ay nakipagtitigan siya sa akin.
"Ano bang problema, Azarel?" tanong ko pa kaya napaiwas na siya ng tingin.
"Sorry sa lahat-lahat, Merry. Napagtanto ko na nagkamali talaga ako," saad niya pa, at wala na akong ibang narinig pa bukod sa katagang "sorry."
"Hindi ko kasi maintindihan kung bakit ka nagkagan'on at kung ano ang ibig mong sabihin sa mga sinabi mo sa akin noong huli tayong nagkausap sa school."
Napayuko siya, "May gusto akong sabihin sa'yo."
"Ano iyon? Alam ko namang matagal ng may gusto kang sabihin sa akin pero mas pinipili mong itago na lamang." Dahan-dahan namang siyang nag-angat ng tingin.
Magsasalita na sana siya ngunit biglang dumating si Ate Weng kaya napansin kong bahagya na naman siyang namutla at napakagat sa kaniyang labi.
"A-Ah, Merry, si Hezekiah nga pala hinahanap ka na. Nandoon siya sa sala," nauutal na saad ni Ate Weng, at napatingin din kay Azarel ngunit agad din siyang nag-iwas ng tingin.
"Sige po, pakisabi may kausap lang po ako saglit," tugon ko kaya napatango siya at dali-daling pumasok sa loob ng bahay.
"May lakad pala kayo ngayon," halos pabulong na ani Azarel.
Hindi ko mabura sa aking labi ang malawak na ngiti. "Oo, nagulat nga ako noong yayain niya ako kagabi para lumabas."
"Ikaw lang? Hindi niyo kasama sina Crissel, Irish, Marie, Jerico, at James?" tanong niya habang pinaglalaruan ang dahon na nasa kamay niya.
"Hindi sila kasama dahil ako lang ang inanyayahan niya. Tinanong ko nga siya kung bakit. Sinabi niya na treat niya raw sa akin dahil alam niyang nahirapan ako sa mga exams ko. Alam niya raw kasi iyong hirap ng mag-exam ng sampung subjects sa isang araw dahil nabanggit niyang dati rin siyang nasa Special Section," pagpapaliwanag ko kaya napatango lamang siya.
Ako naman ngayon ang nagtanong sa kaniya, "Ano nga pala ang gusto mong sabihin sa akin kanina?"
"Mamaya na lang siguro 'pag naabutan mo pa ako rito kapag nakauwi ka na," tugon niya atsaka pilit na ngumiti. "Mag-iingat ka," bilin pa niya kaya tumango atsaka nagtungo na sa loob ng bahay.
"Ano bang ginawa niyo doon ni Azarel at ang tagal ninyo?" litanya ni Kuya Melchi, "Kanina ka pa hinihintay ni Hezekiah." Napangiti lamang si Heze noong sumulyap ako sa kaniya.
"Kinausap niya lang ako. Puntahan mo muna siya dahil mag-isa niya lang doon," sabi ko naman, at lumapit na ako kina Kuya Mike at Heze na kasalukuyang magkatabi.
Noong makapagpaalam na ako kina Kuya ay lumabas na kami ni Heze. Napaawang ang aking bibig nang makitang ang motor ni Heze ang sasakyan namin.
"Aangkas ako?"
"Takot ka ba na baka malaglag ka?" tanong din niya kaya agad akong napailing.
"Naisip ko kasi na mas masaya kung itong motor ang gagamitin natin. Maingat naman akong mag-drive kaya wala kang dapat na ikabahala," saad pa niya at pinaandar na ang kaniyang motor.
Umangkas na rin ako sa likuran niya at dumistansya. Kumapit naman ako sa kaniyang mga balikat upang hindi ako malaglag.
Napapapikit ako habang dinadama ang paghampas ng malamig na hangin sa mukha ko. Hindi ko naman mabura ang malawak na ngiti sa aking labi habang ako ay nakapikit. Hindi ko rin alam kung saan kami pupunta ngayon. Ni hindi ko na nga natanong sa kaniya kanina.
Iminulat ko ang aking mga mata at pinagmasdan ang paligid. Papunta pala kami sa Merdes, katabi lang ng town namin. Dito rin sa Merdes ang isa sa dinadayuhan ng mga tao dahil matatagpuan dito ang mga mala-paraisong isla, ang Islands of Merdes.
Bumaba kami sa isang tapat ng bahay kung saan ipa-park ni Heze ang kaniyang motor. Bahay raw iyon ng isa sa mga kakilala niya na malapit lamang sa Islands of Merdes. Nanatili na lamang ako sa labas habang hinihintay siya.
"Tara na," saad ni Heze kaya nagpatuloy na kami sa aming pupuntahan. Ayon sa kaniya, tatlong minuto lang naman ang lalakarin namin.
"Nakapunta ka na ba rito?" tanong niya habang kami ay naglalakad.
"Isang beses pa lamang noong Grade 7 pa lang ako, pero ilang beses na naming nadadaanan sa tuwing pumupunta sa Pangasinan," tugon ko.
Halos lahat ng mga nadadaanan namin ay nagbebenta ng mga souvenirs na gawa sa wood carvings at mga seashells. Matapos ang tatlong minuto, bumungad na sa amin ang napakapinong kulay puting buhangin at sa hindi kalayuan ay ang dalampasigan. Tanaw na tanaw din ang mga naggagandahang isla.
"Teka lang, may kakausapin lang ako saglit," pagpapaalam ni Heze sa akin kaya tumango lamang ako habang nakangiti.
Habang hinihintay ko si Heze ay pinanood ko muna ang mga tao na nasa dalampasigan. May mga naglalaro ng volleyball, naghahabulan sa dalampasigan, nagtatampisaw sa mababaw na parte ng dagat. Ang pinakaagaw pansin sa lahat ay ang banayad na pag-alon ng dagat.
Mayamaya pa ay nandiyan na si Heze. Naglakad kami papunta sa dalampasigan hanggang sa tumigil kami sa tapat ng isang bangka. Inalalayan niya ako para makasakay ako roon. Mabuti na lamang ay rubber na sandal ang suot ko kaya walang problema kahit mabasa ito ng tubig.
Noong makasakay na ako ay sumunod na rin siya. Makaraan ang ilang saglit ay pinaandar na ng lalaking kasama naming ang bangka.
Habang naglalayag kami ay panay rin ang pagkuha ko ng larawan sa mga naggagandahang isla. Lahat ng mga magagandang tanawin ay kinuhanan ko ng larawan. Maging si Hezekiah ay nakuhanan ko ng larawan nang patago habang siya ay nakatanaw rin sa mga isla.
Noong mapagod ako ay umupo na ako sa tabi niya at ibinulsa na ang cellphone ko.
"Nasaan na iyong cellphone mo?" tanong niya kaya napatingin ako sa kaniya at muling inilabas ang cellphone ko. "Mag-picture naman tayong dalawa para may remembrance tayong dalawa," sabi pa niya at kinuha ang cellphone ko. Mabuti na lang ay may pin din ang gallery ko kaya hindi niya makikitang patago ko siyang kinukuhanan ng larawan.
"One... two... three..." Pagkabilang ng tatlo ni Heze ay ngumiti na ako.
Kahit pa tapos na kaming mag-picture ni Heze ay hindi pa rin mabura ang ngiti sa aking labi. Iyon kasi ang kauna-unahang larawan naming dalawa na magkasama. Akala ko ay hindi na darating ang araw na ito.
Noong pumunta kami sa Pangasinan ay hindi kami nagkaroon ng larawan na kaming dalawa lamang. Lahat ng mga larawan namin sa Pangasinan ay kasama sina Minerva at Azarel, o kaya naman ay group pictures..
"Kumusta naman kayo ni Azarel? Nag-uusap na ba kayo?" tanong niya kaya napalingon ako.
"Ayos na siguro kami. Kanina kasi bago tayo umalis ay nagkausap pa kami. Humihingi nga siya ng tawad dahil sa inasal niya," tugon ko. "Hindi ko nga alam kung bakit siya nagkagan'on."
"Sigurado ako kung bakit siya gan'on," saad niya. Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan ay biglang kumabog nang mabilis ang puso ko.
"A-Ano po ang ibig niyong sabihin?"
"May gusto sa iyo si Azarel. Iyon nga lang ay hindi mo iyon napapansin dahil siguro ay nasa iba ang atensyon mo. Ibang tao ang nasa damdamin mo."
Paanong may gusto sa akin si Azarel? Alam niya naman na ang gusto ko ay si Heze. Kaya ba nagkakagan'on siya ay dahil nagseselos siya kay Heze?
"Sino ba kasi ang nasa puso mo kaya't hindi mo napapansin ang nararamdaman ni Azarel sa iyo?" tanong pa niya kaya para na akong kakapusin ng hangin. Pinapawisan na maging ang mga palad ko.
Hindi ko alam kung ang ano ang isasagot ko. Hindi ko naman puwedeng sabihin na siya ang nilalaman ng puso ko. Ang nag-iisang taong itinitibok ng puso ko. Hindi ko puwedeng sabihin iyon sa kaniya.
"Hindi na po iyon mahalaga. Isa pa, hindi naman siguro ako gusto ni Azarel. Matagal ko ng napapansin na may tila kakaiba sa kanila ni Ate Weng, lalo na kung paano nila tignan ang isa't isa," tugon ko kaya naman bahagya siyang natawa.
"Ibig mong sabihin may pagtingin sila sa isa't isa?" natatawang tanong niya kaya maging ako ay napangisi.
"Parang gan'on na nga po. Ilang beses ko na pong napapansin iyon, lalo na noong unang beses silang nagkita ni Azarel sa bahay," tugon ko at ikinuwento ko pa lahat ng napapansin ko sa kanila dalawa.
"Ilang taon na ba si Ate Weng? May asawa na ba siya?" sunod-sunod pa na tanong niya.
"35 years old na si Ate Weng at hanggang ngayon ay wala pa ring asawa. Si Azarel naman ay 18 years old, kaya 17 years na mas matanda si Ate Weng kay Azarel," sagot ko.
"Kung sakaling may pagtingin man sila sa isa't isa gaya ng sinasabi mo, wala naman akong nakikitang mali roon dahil wala namang asawa si Ate Weng. Kung tutuusin, numero lang naman iyon at hindi iyon makahahadlang sa pag-ibig ng isang tao," pagpapaliwanag niya kaya napatango ako.
"Kayo po ba, may tsansa po bang magkagusto kayo sa taong malayong mas matanda o mas bata sa inyo?" tanong ko nang walang pag-aalinlangan.
"Bakit hindi? Kung mahal ko nga ang taong iyon, wala akong pakialam kahit na malayong mas matanda o mas bata siya sa akin. Hindi naman kasi batayan sa pagmamahal ang edad."
Kung malaman kaya niyang may malalim na nararamdaman ako sa kaniya ay tatanggapin niya kaya?
Pagkatapos naming mamangka ay bumalik na kami sa dalampasigan. Hindi na kami nagtampisaw sa tubig dahil wala kaming dalang damit na pagbibihisan. Kasalukuyan kaming nasa boutique ng mga souvenirs nang may maalala ako.
Desidido na ako sa gagawin ko. Matapos kong marinig ang paliwanag niya kanina, parang nagkaroon ako ng lakas ng loob na aminin ang lahat sa kaniya. Ipapaliwanag ko naman na hindi ko naman ginustong maramdaman ito.
"Kuya Heze," banggit ko sa pangalan niya kaya napatingin siya sa akin, at ibinalik ang hawak niyang keychain na gawa sa seashell.
"Ano iyon?"
"May gusto sana akong sabihin sa inyo," panimula ko at napakagat sa aking ibabang labi.
Biglang nag-init ang aking pisngi at muli na namang tila nakikipagkarera ang aking puso. Pakiramdam ko rin ay tila may nagbubuhul-buhol sa aking tiyan.
"Sabihin mo lang, huwag ka ng mahiya."
Magsasalita na sana ako nang may tumawag sa cellphone ni Heze na agad niya namang sinagot.
"Anong oras ba kita susunduin?" malumanay na sabi niya sa katawag niya. Hindi ko naman marinig kung sino ang nasa kabilang linya.
"Hintayin mo ako ng alas dos diyan at susunduin kita... sige mag-ingat ka diyan... ako lang ang susundo sa iyo kaya huwag kang sasama sa iba...oo naman, basta huwag mong pababayaan ang sarili mo diyan... bye," saad pa niya habang nakapinta ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.
Sino naman kaya ang kausap niya? Si Ate Lana kaya?
"Ano nga pala ulit 'yong gusto mong sabihin?" tanong niya matapos niyang ibulsa ang kaniyang cellphone.
"A-Ah... kasi po nakalimutan kong may tatapusin pa pala ako para sa system proposal namin, sa Monday na po kasi 'yong pagpapasa ng final paper. P-Pasensya na po," pagpapalusot ko kaya napangiti naman siya. Pero totoo naman talaga na sa Monday na ang deadline ng final paper.
Hindi ko pa pala talaga kayang magtapat sa kaniya.
"Iyon lang naman pala. Kung gusto mo ay mag-lunch na tayo para maihatid na kita sa bahay ninyo. Eksakto dahil susunduin ko rin ng alas dos si Lana," sabi niya kaya napatango ako. Sabi ko na nga ba, si Ate Lana ang kausap niya kanina.
Alas dose na rin naman pala kaya dapat lang na kumain na kami dahil mayamaya lamang ay susunduin niya na si Ate Lana.
Napagpasyahan naming pumunta na lamang kami sa pinakamalapit na kaina upang hindi na kami bibyahe pa nang malayo. Walking distance lang naman kaya wala pang limang minuto ay nakarating na kami.
Sampung minuto bago sumapit ang ala una nang matapos kaming kumain. Pumunta na kami sa pinag-iwanan ni Heze ng kaniyang motor para makauwi na kami.
Matapos ang halos kalahating oras na biyahe ay nakarating na rin kami sa tapat ng bahay. Laking gulat ko naman nang makita ko si Azarel na nakaupo lamang sa labas ng gate na tila may hinihintay.
"See you bukas sa church," wika sa akin ni Heze bago ako bumaba sa kaniyang motor.
"Sige po, Kuya. Thank you so much po sa araw na ito. Ingat po kayo," tugon ko habang nakangiti.
Pagkababa ko ay umalis na rin kaagad si Heze. Naagaw naman ng sticky note, na nakadikit sa gate namin, ang aking atensyon.
"Sa Lunes, pagkatapos ng klase niyo ay sabay na ulit tayong uuwi. Mayroon akong importanteng sasabihin."
-Azarel
***
MATAPOS kong basahin ang aking entry ay napatitig ako sa mga idinikit kong larawan sa aking diary. Iyon ang mga larawan noong una kaming pumunta dito sa Islands of Merdes na magkasama.
Ibinalik ko naman sa pinakaunang pahina ang aking diary at muling napatitig sa lumang larawang nakadikit. Iyon din ang kauna-unahang larawan naming dalawa kasama ang taong mahal ko. Ang unang larawan namin noong kami ay namamangka.
"Hindi pa ba tayo uuwi?" tanong ko at napatingin sa akin relo. Alas singko na pala ng hapon.
"Tara na, siguradong naghihintay na si Maryjoy," tugon niya at inilahad niya ang kaniyang kamay para alalayan akong tumayo.
"Kung gan'on ay bilisan na natin baka kung mapano sa bahay si Maryjoy," nagmamadaling sabi ko kaya napangisi siya.
"Masyado kang overprotective, Merry. Hindi naman siya pababayaan ni Ate Weng," natatawang wika niya.
Kung sabagay, baka naroon na rin ngayon sa bahay si mommy. Siguradong hindi niya rin pababayaan ang apo niya. Kung gaano ako ka-over protective kay Maryjoy ay mas lalo pa si mommy.
Habang nasa daan kami ay hindi ko namamalayang nakatulog na pala ako dahil sa pagod ko ngayong araw na ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro