CHAPTER 13
CHAPTER 13
JANUARY 04, 2018
HINDI na bago sa akin ang araw na ito, ang araw para kami bumalik kami sa klase. Tapos na ang Christmas break na siya namang nasulit ko.
Pagkatapos naming magpaulan ni Hezekiah noon ay nakauwi naman kami sa bahay nang hindi ako nagkakasakit. Gaya ng idineklara namin, hindi nga ako nagkasakit. Sa pangalawang araw naman noong bakasyon namin, si Heze ang nag-lead ng Bible study. Ang naging paksa namin ay tungkol sa totoong kahulugan ng Pasko at kung bakit ito ipinagdiriwang.
Habang hinihintay namin ang aming adviser para sa first subject ay hindi ako tinantanan nina Rachelle at Rica upang magkuwento ako tungkol sa bakasyon namin kasama si Heze.
"Sige na kasi, Merry," pangungulit ni Rachelle at pinagdikit pa niya ang kaniyang mga palad.
"Teka, wala naman akong ibang pinagsabihan niyan, ah! Paano mo nalaman iyan?" nagtatakang tanong ko ngunit tumingin lang siya kay Rica.
"Kanino mo nalaman iyon?" tanong ko rin kay Rica kaya napalunok siya.
"Kay Kuya Melchi," halos pabulong na tugon niya.
Lumawak naman ang ngisi sa aking labi. "Talaga? Nag-uusap kayong dalawa?"
"Nasa biyahe kayo no'ng nag-chat siya sa akin. Siguro ay na-boring siya sa biyahe kaya nakipag-chat siya sa akin," tugon niya. "Doon ko nalamang papunta pala kayo sa Pangasinan kasama si Kuya Hezekiah." Kapansin-pansin din ang ibang pag-ngiti ni Rica.
"Sige na, magkuwento ka na!" entrada ulit ni Rachelle kaya habang naghihintay kami ay nagkuwento ako kung ano ang nangyari.
Sampung minuto pa ang lumipas bago dumating ang adviser namin na siyang subject teacher namin sa Science.
Wala kaming ibang ginawa kundi mag-balance nang mag-balance nang chemical equations dahil nasa Chemistry na kami ngayon.
Sumunod naman na subject namin ay Filipino. Gaya ng inaasahan ko, pinagsulat kami ng sanaysay tungkol sa kung ano ang ginawa namin noong Christmas break. Pipili naman si sir ng isa sa amin na magbabasa ng sariling sanaysay.
Habang nagsusulat ako, patuloy na pumapasok sa aking isip noong mga araw na magkasama kami ni Heze.
Noong matapos na kaming lahat sa pagsusulat ay ipinasa na namin iyon. Dahil ako ang huling nakapagpasa, ako na ang pinagbasa ni sir ng aking sanaysay.
Nag-aalinlangan pa akong basahin iyon noong una dahil isinalaysay ko rin noong nakasama namin si Heze, pero hindi ko na binanggit ang pangalaan niya. Ayokong asarin ako ng mga kaklase ko.
Pagkatapos ng klase namin sa Filipino ay sumunod pa ang iba't iba pa naming mga subjects. Kababalik lang namin sa school pero sunod-sunod kaagad ang ibinigay sa aming mga take home activities.
Ang pinakamadugo sa lahat ay ang final requirement naming system proposal sa subject na Advanced Computer Programming. Para rin lang itong research, iyon nga lang ay tungkol naman ito sa computer programming. Tungkol sa Automated ID System ang topic namin.
Ako ang nakatoka sa System Overview at Data Flow Diagram ng Chapter Three, ang pinakamahirap na parte ng system proposal, kaya siguradong magpupuyat na naman ako mamaya. Tatlo kaming miyembro sa isang grupo, sina Rachelle at Rica ang mga kagrupo ko.
Hindi lang iyon ang gagawin ko mamaya, kailangan ko pang gawin ang ibang mga individual activities sa iba pang mga subjects. Gaya na lamang no'ng mga tatlong worksheets sa English tungkol sa grammar at reading comprehension, at dalawang worksheets sa Science na puro balancing of equation tapos naming chemicals.
"Ayoko ng mag-aral," nakasimangot na saad ni Rachelle habang nakasubsob siya sa kaniyang desk. Para na ring sinabunutan ang kaniyang buhok.
"Sana bakasyon na lang ulit," sang-ayon naman ni Rica at ginaya rin ang posisyon ni Rachelle.
Noong dismissal na sa hapon ay nag-commute na lang ako pauwi ng bahay dahil wala namang ibang susundo sa akin. Hindi sumabay sa akin sa pag-uwi si Azarel. Dati kasi ay kasabay ko siya palagi sa pag-uwi. Pagkarating ko sa bahay ay nadatnan ko sa sala si Ate Weng na inaayos ang mga kurtina.
"Mabuti at nandito ka na, hinahanap ka kasi ni Mike kanina pagkarating niya galing sa school nila," wika ni Ate Weng sa akin at saglit na tumigil sa pag-aayos ng mga kurtina.
"Bakit daw po?" nagtatakang tanong ko. Himala kasing hahanapin ako ni kuya.
"Hindi ko alam, eh. Puntahan mo na lang siya sa kuwarto niya," tugon niya, at muling nagpatuloy sa kaniyang ginagawa.
Dumiretso na ako sa kuwarto ko para makapagbihis. Pagkatapos kong magbihis ay nagtungo na ako sa kuwarto ni Kuya Mike.
Hindi na ako kumatok pa dahil nakabukas naman ang pinto ng kaniyang kuwarto. Agad na akong pumasok doon kaya nadatnan ko siyang nakaupo sa kaniyang kama habang gingamit niya ang aking laptop na hiniram niya sa akin bago kami pumunta sa Pangasinan.
"Bakit mo ako hinahanap?" tanong ko kaya napatingin siya sa akin. Isinara niya na ang laptop at ibinigay sa akin.
"Ibabalik ko lang kasi iyang laptop mo," sagot niya at ngumiti nang malawak.
'Yong ngiti niya, parang may ibig sabihin. Parang gusto niya ngang mang-asar pero pinipigilan niya lang. Ano na naman kaya ang nasa isip niya?
"Bakit ganiyan ka makangiti?"
"Wala! Lumabas ka na lang bago pa kita maasar nang maasar!" tugon niya.
Itinulak pa ako palabas ng kuwarto niya kaya inirapan ko na lang siya atsaka nagtungo sa kuwarto ko.
Mabuti na lamang ay ibinalik niya na ito dahil nandito lahat ng mga files ko sa school. Nandoon din kasi 'yong exisiting file ng system proposal namin. Itutuloy ko na lang 'yong System Overview at Data Flow Diagram.
Pagkabukas ko ng aking laptop ay nakita kong hindi pa na-exit ni Kuya ang Google Chrome. Bigla namang pumasok sa utak ko na tignan ang browsing history na siya namang agad kong ginawa.
Pagkatapos nitong mag-loading ng ilang segundo ay laking gulat ko kung ano ang lumabas. Halos lahat ay link na kumukonekta sa Facebook account ni Ate Lana Acosta, ang taong gusto ni Hezekiah.
Masyadong marami ang mga nakalagay na mga links. Ibig sabihin lamang nito ay paulit-ulit na tinignan ni Kuya Mike ang timeline ni Ate Lana. Pero bakit niya gagawin iyon? Hindi kaya gusto niya si Ate Lana?
Pagkatapos n'on ay sunod ko namang tinignan ang mga files ko. Laking gulat ko nang lahat ng mga ini-hide kong mga files ay naka-unhide na! Pati iyong folder kung saan nakalagay ang ang mga tula ko para sa kaniya ay naka-unhide na rin!
Dali-dali kong binuksan ang folder at may napansin akong kakaiba. Parang may nadagdag na file rito. Binuksan ko naman ang file na iyon, at halos kapusin na ako sa hininga nang mabasa ko kung ano ang nakalagay dito.
Ikaw, ah! May gusto ka pala sa Hezekiah na iyon!
Hindi ito puwede! Hindi nila puwedeng malaman na may gusto ako kay Hezekiah!
Mabilis akong bumalik sa kuwarto ni Kuya Mike at nadatnan ko siya doon na nagpipigil ng tawa.
"Kuya! Bakit mo pinakialaman iyong mga files ko?"
"Ikaw, ah, gusto mo pala si Hezekiah! Matagal mo na pala siyang gusto pero hindi mo sinasabi!" Agad ko siyang dinamba at tinakpan ang bibig niya.
"Huwag kang maingay, baka may ibang makarinig!" litanya ko naman habang pilit niyang tinatanggal ang kamay ko sa kaniyang bibig.
Dahil mas malakas siya ay nakalayo siya sa akin.
"Please, Kuya, huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Lalo na kay Kuya Hezekiah, ayokong malaman niya," pagmamakaawa ko, at kulang na lang ay lumuhod na ako sa harapan niya.
"Paano kong ayoko?" pang-aasar niya kaya pinanliitan ko siya ng tingin.
"Akala mo ikaw lang ang may nalalamang sekreto. Kuya, hindi mo rin maitatago sa akin na may gusto ka kay Ate Lana!" sumbat ko rin kaya nanlaki ang mga mata niya at agad na lumapit sa akin.
"P-Paano mo alam?!" gulat na tanong niya ka napangisi ako.
Ibig sabihin, totoo nga na gusto niya si Ate Lana. Kaya pala hindi ko na nakikitang nambababae si kuya.
"Hindi mo nabura iyong browsing history mo si Googgle Chrome kaya nakita ko na maraming beses mo palang ini-stalk si Ate Lana sa Facebook," tugon ko kaya napakamot siya sa kaniyang ulo.
"Hala, oo nga pala! Bakit hindi ko naisip na burahin iyon?" inis na sabi niya sa kaniyang sarili kaya ako rin ngayon ang napangisi.
"Sa dami ng babae sa mundo, bakit kay Ate Lana ka pa nagkagusto?" tanong ko kaya naman napatingin siya sa akin na tila ba nagtataka.
"Bakit hindi? Hindi ba ako puwedeng magkagusto kay Lana?" tanong niya at umupo sa kaniyang kama kaya agad akong sumunod sa kaniya.
"Si Ate Lana ang taong gusto ni Hezekiah. Ang alam ko, gusto nila ang isa't isa," halos pabulong na tugon ko.
Kita ko ang pagbuntong-hininga ni Kuya saka siya napayuko. Ikinuwento ko pa ang mga nalalaman ko kahit gan'on na ang reaksyon niya.
Hindi naman nakaimik si Kuya Mike sa mga sinabi ko. Sino nga ba naman ang hindi malulungkot? 'Yong taong gusto niya ay may gusto sa taong gusto ko.
"Kailan mo pa siya gusto?" sabay na tanong naming sa isa't isa kaya bahagya kaming napatawa.
"Natatandaan ko pa kung kailan nag-umpisa ang lahat, April 16, 2017," wika ko.
"Halos magkasunod lang pala tayo. Sa akin kasi noong June lang nag-umpisa. Sinubukan ko namang pigilan pero hindi ko talaga mapigilan ang nararamdam ko. Noong una naman alam kong paghanga lang ito, ngunit habang tumatagal ay mas lumalalim na," pagsasalaysay niya.
"Pareho pala tayo, Kuya. Ganiyan din naman ako noong kay Hezekiah, eh. Pero matagal ko ng alam na may nabubuo sa pagitan nina Heze at Ate Lana. Gaya ng sabi ko kanina, nakita ko sila sa mall, ang sweet nilang dalawa," sabi ko napangiti siya nang mapait. Nakaramdam tuloy ako ng awa kay kuya.
"Simula noong nagkagusto ako sa kaniya, hindi na ako nagkagusto sa iba. Hindi na ako nambabae, nag-aaral na ako nang mabuti, sinusubukan ko ng maging matino kahit palagi kitang inaasar. Ang daming nabago sa akin," paglalahad pa niya.
"Eh, sino iyong katawag mo noong mga nakaraang buwan? 'Di ba mga babae mo iyon?" tanong ko kaya naman napangisi siya at ginulo ang buhok ko.
"Sira! Iyong kaibigan ko iyon, si Ariel! Sa kaniya ko kasi naikukwento ang mga nararamdaman. Tumigil na ako sa pambababae!" pagdedepensa naman ni kuya kaya napailing na lamang ako sa reaksyon niya.
"Salamat, Merry. Ikaw lang ang nakakaalam ng tungkol dito kaya sana huwag mong sasabihin kahit kanino," wika niya kaya napatango ako.
"Makakaasa ka, Kuya, kahit na palagi mo akong inaasar. Basta kung ano ang nalalaman mo tungkol sa pagkakagusto ko kay Heze, ay huwag mong sasabihin kahit kanino. Ang nakakaalam lang tungkol doon ay si Azarel at mga kaibigan ko," sabi ko naman kaya napatango rin siya.
Nagkaroon kami ng deal na hindi namin ipagsasabi kahit kanino ang tungkol sa nalaman namin. Lahat ng mga sekreto namin ay hindi namin ipagsasabi sa iba para hindi na maging komplikado ang lahat.
°°°
JANUARY 05, 2018
PAGKATAPOS noong nangyari kahapon ay hindi na ako kinulit pa ni Kuya Mike. Ni hindi niya nga ako inaasar tungkol doon. Nakakapanibago nga na hindi niya na ako inaasar, ngunit mabuti na iyong gan'on.
"Gusto niyo bang sumali sa life group namin ngayon?" tanong ko kina Rachelle at Rica habang inaayos ang mga gamit ko sa bag ko.
"Next time na lang ako, Merry, gagawin ko kasi 'yong Company Background para sa System Proposal natin," tugon ni Rachelle.
"Ako rin, next time na lang dahil marami rin akong ira-rush," sabi rin ni Rica kaya wala akong magagawa.
Halata nga sa kanila na marami silang tatapusin dahil ang bilis nilang iniligpit ang mga gamit nila para makauwi na.
"Oh, nasa labas pala si Azarel," turo ni Rachelle kaya napatingin din ako sa labas ng classroom.
Nagmadali na akong lumabas dahil baka kanina pa niya ako hinihintay. Ni hindi na nga ako nakapagpaalam kina Rica at Rachelle.
"Kanina ka pa naghihintay dito?" tanong ko habang inaayos ko ang bag ko.
"Hindi naman. Ako na ang magbubuhat ng bag mo," wika niya pero tumanggi ako. Nakakahiya naman kung gagawin ko pa siyang taga-bitbit ng bag ko.
"Hayaan mo ng ako ang magdala ng bag mo dahil hindi kita naihatid sa bahay niyo kahapon," pagpupumilit niya kaya wala na akong nagawa noong kunin niya na ang bag ko.
"May iba ka pa bang pupuntahan o diretso uwi na tayo?" tanong niya habang kami ay naglalakad.
"May life group pala kami ngayon, baka gusto mong sumama tapos sabay na tayo umuwi," suhestyon ko kaya napaisip muna siya ng ilang minuto bago tumugon.
"Sige, sasama na lang ako para maihatid kita sa pag-uwi. Baka kasi pabayaan ka na naman ni Hezekiah—I mean, Kuya Hezekiah," tugon niya at bakas sa boses niya na tila ba naiinis siya.
"Teka, naiinis ka ba? Napipilitan ka ba? Kung gan'on ay huwag ka na lang sumama kung labag din lang sa kalooban mo," sabi ko naman kaya hindi siya nakaiimik.
"Akala mo ba hindi ko napapansin iyang pakikitungo mo kay Hezekiah? Kapag tungkol sa kaniya ay ang bitter mo," litanya ko kaya napatigil siya sa paglalakad.
"Wala ka na r'on," mahinang sabi niya at nagpatuloy sa paglalakad.
May karapatan akong malaman kung bakit dahil kaibigan ko si Azarel at ang taong pinakikitunguhan niya ng gan'on ay si Heze.
"Sabihin mo na nga kasi sa akin kung ano ang problema," pagpupumilit ko kaya inis siyang napatingin sa akin.
"Kalimutan mo na nga kasi iyon! Nananahimik na nga lang ako pero ang kulit mo pa rin!" sagot niya at tinaasan ako ng boses nagulat ako nang sagutin niya ako nang gan'on.
Hindi ko inaakala na sasagutin niya ako ng gan'on. Puwede naman niya akong sagutin nang maayos. Siguro nga ay may problema siya sa akin o kaya kay Hezekiah.
"M-May problema ka ba kay Hezekiah? Sabihin mo sa akin, Azarel."
"Hindi ko alam sa'yo, Merry. Hindi ko alam kung nagbubulag-bulagan ka lang o hindi mo maramdaman," tugon niya, at inilapag ang bag ko sa baba 'saka iniwanan na akong nakatayo sa gitna ng hallway na punung-puno ng katanungan.
Ano ba ang ibig niyang sabihin? Bakit niya nasabi iyon sa akin?
Naglakad na lamang akong mag-isa papuntang room nina Crissel dahil doon gaganapin ang life group namin. Pagkarating ko sa room nila ay kumpleto na sila doon. Ako na lang pala ang hinihintay nila.
Ang naging paksa naming ngayon ay tungkol sa kung ano nga ba ang rason kung bakit tayo nabubuhay sa mundo. Nakinig na lang ako at hindi na umimik pa. Patuloy ngang pumapasok sa isipan ko ang mga sinabi sa akin ni Azarel ngunit tinatalo ko lang para makapag-focus ako sa topic.
"Okay ka lang ba, Merry?" tanong ni Heze kaya napaayos ako ng upo at tumango. Napatingin naman sa akin sina Marie at ang iba pa.
"Ayos lang talaga ako," sabi ko kaya napangiti sila.
"Ipagpatuloy na natin ang topic. We are here for God's great purpose. We are here to bring glory unto His name," saad ni Heze at nagpatuloy na sa pagpapaliwanag.
Marami tayong mga pinagkakaabalahan at iniisip ngayon kaya madalas ay wala na tayong oras sa Diyos. Kagaya ko, maraming ginagawa sa school, pagdating sa bahay ay gagawin ang mga assignments at kung ano-ano pa. Mabuti na lamang ay may ganitong life group. Unti-unti kong napupunan kung ano nga ba ang rason kung bakit ako nandito.
"Bago tayo maghihiwa-hiwalay, gusto ko sana kayong magkaroon ng daily devotion journal. Isusulat niyo doon 'yong scripture na nabasa niyo sa araw na iyon. Isusulat niyo rin kung ano ang ibig-sabihin n'on, application sa buhay ninyo, at prayer," bilin sa amin ni Hezekiah.
"Itse-check niyo rin po ba iyon?" tanong ni Jerico.
"Oo, titignan ko iyan tuwing may life group tayo, pero hindi ko na titignan ang prayer ninyo dahil alam kong personal iyan," tugon naman ni Hezekiah.
Mabuti naman kung gan'on. Kapag binasa niya pati 'yong prayer, baka may ilagay ako doon tungkol sa kaniya tapos ay mabasa niya. Ayoko naman ng gan'on dahil mabubuking na niya ako.
Malapit ng lumubog ang araw noong natapos kami. Pagkalabas namin sa room nina Crissel ay wala ng ibang mga estudyante. Tahimik na rin ang mga hallways at ang mga guards at mga janitors na lamang ang naroon.
Pumara na lang ako ng taxi upang makauwi sa bahay, dala ang mga katanungan kung bakit gan'on ang nagiging pakikitungo ni Azarel kay Hezekiah.
Pagkahinto ng taxi sa tapat ng gate namin ay dali-dali na akong bumaba pagkatapos kong magbayad ng pamasahe. Eksakto namang pagkababa ko ay natanaw kong naglalakad si Azarel habang nakasimangot.
Ngayon lang siya uuwi? Kanina pa siya naunang umuwi sa akin, ah.
Nagkatama ang aming mga tingin subalit agad siyang nag-iwas ng tingin. Tatawagin ko sana siya ngunit agad siyang tumakbo sa direksyon kung saan papunta ang kanilang bahay. Hindi pa ako nakakapunta sa bahay nila, pero sabi ni Kuya Mike 10 minutes ang layo ng bahay nila mula sa amin kung lalakarin.
Pumasok na lamang ako sa loob ng bahay na punung-puno ng katanungan. Gulung-gulo na nga ang isip ko dahil sa nararamdaman ko kay Heze tapos dumagdag pa siy.
Ano ang ibig mong sabihin, Azarel?
***
"Mga lalaki nga naman, minsan ay mahirap intindihin," sambit ko at itinago ang diary.
"Saan mo na naman nakuha ang hugot na iyan?" tanong niya sa akin habang abala sa pagmamaneho.
Napatingin naman ako sa kaniya ngunit ibinalik ko ang atensyon ko sa daan dahil parang pamilyar sa akin kung saan kami papunta.
"Marahil ay alam mo na kung saan tayo papunta ngayon," aniya at bahagyang tumingin sa akin.
Napayuko naman ako at pinipigilang mapangiti kaya napakagat na lamang ako sa aking pang-ibabang labi. Tama ang hinala niya, natatandaan ko na kung saan kami papunta ngayon. Bakit ko nga ba makalilimutan ang lugar na ito? Ang daming alaala dito na hindi ko maibabaon sa limot.
Pagkarating namin sa aming destinasyon ay dali-dali akong bumaba ng sasakyan at sumunod naman siya kaagad sa akin. Maulap ang kalangitan at kaunti lamang ang tao kaya umupo na kami sa pampang. Habang nakatanaw kami sa mga alon ay naisipan kong ipagpatuloy ang pagbabasa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro