CHAPTER 12
CHAPTER 12
DECEMBER 27, 2017
MABUTI na lamang ay nalusutan namin ang tungkol doon sa nasabi ni Minerva kahapon. Hindi ko na alam ang sasabihin ko kahapon dahil sa pagkabigla, kaya sina Minerva at Azarel na lamang ang nagpalusot para sa akin. Mabuti na lamang ay ginawa nila iyon.
Sinabi ni Minerva na ang tinutukoy niya na ay si Azarel at hindi si Hezekiah. Sinabi pa niya na ikinukwento ko raw sa kaniya ang tungkol sa bago kong kaibigang lalaki na si Azarel. Sumang-ayon naman si Azarel na alam niyang ikinukwento ko siya kay Minerva.
Nagkaroon kami ng maliit na pagdiriwang kahapon. Hindi nawala ang kumustahan at kwentuhan tungkol sa kung ano ang kalagayan namin ngayon.
Si Tito Alfonso ay may sariling tutorial center na may tatlong branches dito sa Pangasinan. Isa rito sa Manaoag, mayroon din sa Dagupan at Urdaneta. Si Tita Laura naman ay house wife. Grade 10 na rin si Minerva at pareho pa kaming nasa Special Section.
Maaga kaming nagising ngayon dahil may pupuntahan kaming apat. Kasama ko sa pupuntahan namin sina Minerva, Azarel, at Hezekiah.
Pagkalabas ko ng bahay ay natanaw ko ang madilim na kalangitan, ngunit inaagaw ito ng kulay kahel na nagmumula sa araw na malapit ng sumikat. Sumilay naman ang ngiti sa aking labi dahil sa napakagandang view sa likod ng mga kabahayan. Hindi kalayuan dito ay kakahuyan na, iba't ibang uri ng mga puno pa ang makikita.
Humahaplos pa sa aking balat ang napakalamig na simoy ng hangin kaya tila nagyeyelo na naman ang mga palad ko.
"Saan ba tayo pupunta ngayon?" tanong ni Azarel na nakayakap sa kaniyang sarili.
Papalapit naman sa amin si Minerva na may bitbit na tray na may apat na tasang kape. Umuusok pa ang kape kaya tiyak na iyan ang papawi sa aming pagkakaginaw.
"Magkape muna tayo bago tayo pumunta roon, tutal maaga pa naman. Alas sais pa lang naman," sabi ni Minerva at isa-isa kaming binigyan ng kape. Agad naman akong kumuha ng sa akin at hindi na alintana kung mainit.
Nanlaki naman ang mga mata ni Heze. "Dahan-dahan lang, Merry, baka mapaso ka." Kulang na lamang ay kunin sa akin ang tasa.
"Ayos lang po, hindi rin naman po masyadong maramdaman ng kamay ko 'yong init," tugon ko naman 'saka humigop na ng kape. Dumaloy ang mainit na kape sa aking lalamunan kaya medyo nabawasan ang pagkaginaw ko.
"Palibhasa kasi, parang nagyeyelo palagi ang kamay niya," entrada naman ni Azarel.
Pagkatapos naming magkape ay naligo na kami. Mabuti na lamang ay may inihandang mainit na tubig si Minerva para ihalo sa pampaligo namin.
Pagkagising nina Tita Laura ay nagpaalam kami na may pupuntahan kami. Tinanong nila kung saan kami pupunta, ngunit si Minerva na ang sumagot. Doon ko nalaman na pupunta pala kami sa isa pang bahay nina daddy noon na gawa lamang sa kawayan.
Mahirap lamang ang buhay nina daddy at Tito Alfonso noon. Dahil sa pagsisikap nila ay kaya sila umasenso.
"Malayo ba iyon?" tanong ni Azarel pero umiling lamang si Minerva. Napuntahan ko na rin iyon noon, iyon nga lang ay hindi ko na masyadong maalala.
Si Minerva ang may dala ng bag na may lamang mga tubig at pagkain. Kalaunan ay kinuha rin lang iyon ni Azarel upang siya na ang magdala. Sling bag lamang ang dala ko. Laman n'on ang tubig, payong, at cellphone ko.
Muli naming nadaanan ang burol na nadaanan namin kahapon. Nagpumilit naman si Azarel na mag-picture raw kami doon dahil napakaganda ng view.
Eksakto ang unti-unting pagsikat ng araw kaya nagpadagdag pa ito sa kamangha-manghang tanawin. Tanaw mula sa hindi kalayuan ang mga open fields, pati na rin ang mga iba't ibang mga punong kahoy. Tanaw na tanaw rin ang mga kabahayan sa kabilang mga purok.
"Ang gandang tumira dito!" masiglang sabi ni Azarel at humilata sa damuhan.
Bukod sa mga kabahayan at mga kakahuyan, nagkalat din ang mga nakapastol na mga kambing, baka, at kalabaw.
"Magandang mag-camping dito. Sa susunod na pupunta rito ay isasama ko na si Lana. Napaka-romantic ng view," nakangiti namang sabi ni Heze kaya napatingin sa akin si Minerva. Kung sabagay, mas masaya siguro siya kung si Ate Lana ang kasama niya rito.
"Kuya Hezekiah, tara dito!" sigaw ni Azarel mula sa hindi kalayuan kaya agad naman siyang tumalima.
"Ang saklap naman dahil 'yong taong laman ng mga dasal mo ay may iba namang ipinagdarasal na siyang itinitibok ng kaniyang puso," sabi ni Minerva habang nakaupo sa damuhan. Tinanggal ko ang suot kong tsinelas at iyon ang aking inupuan.
"Ang gulo kasi, Minerva," tugon ko, "kasi hindi ko naman ginustong maramdaman ito pero parang nasasaktan ako. Siguro nga, lumalim nang tuluyan ang nararamdaman ko. Iniisip ko na lang na mabuti na 'yong ganito dahil kahit papaano ay nagkaroon na kami ng closure," dagdag ko pa habang pinaglalaruan ng aking mga paa ang mga damo.
"Mahirap pigilan ang nararamdaman, pero sana ay maihinto mo na iyan bago pa maging huli ang lahat," sabi niya naman kaya napabuntong-hininga ako.
May punto naman siya sinabi niya, kaya nga ipinagdarasal kong sana mawala na itong nararamdaman kong ito kung hindi tama. Lalo na ngayong mas maging malapit kami dahil sa life group. Ayaw ko namang tumigil dahil mas napapalapit ako sa Diyos dahil sa life group.
Simula noong nakilala ko si Hezekiah, nagbago lahat ng mga pananaw ko sa buhay. Lahat ng mga pananaw ko noon ay nagmumula sa Science o kaya ay sa philosophy, hindi rin ako malapit sa Diyos noon. Pero ngayon, mas nagkaroon ako ng malalim na relasyon sa Diyos.
Noon wala akong alam kahit isang praise or worship song, ngunit ngayon ay iyon na palagi ang pinakikinggan ko. Hindi rin ako nagde-devotion noon pero ngayon ay mayroon na rin akong devotion journal. Mas marami na akong alam si Bible ngayon kumpara noon.
"Hayaan na lang natin ang Diyos ang mag-decide para sa aming dalawa. Tatanggapin ko naman kung ano ang gusto ng Diyos para sa akin," sabi ko na lamang at tumayo na.
Sampung minuto kaming nanatili roon bago naming mapagpasiyahang ituloy na ang paglalakad upang sa gan'on ay makarating na kami sa destinasyon namin.
Pagkatapos naming dumaan sa kalsadang pababa ay lumiko kami sa may linya ng mga puno ng mahogany. May malinis na daanan doon at walang matataas na damo kaya kampante kaming dumaan.
Pagkalagpas namin sa mga puno ng mahogany ay tumambad sa amin ang isa na namang open field. May mga nakapastol doong mga malalaking baka kaya iniwasan namin ang mga ito.
"Hala nandiyan na!" sigaw ni Azarel nang tumakbo papalapit sa amin ang isang baka na handa na kaming suwagin ng kaniyang sungay.
Mabilis naman kaming nagtakbuhan habang nagsisigawan hanggang sa tuluyan kaming nakalayo, kaya hingal na hingal kaming huminto habang nagpipigil ng tawa. Napahawak naman ako sa dibdib ko nang bigla iyong nanikip at nahirapan akong huminga.
"Uminom ka muna ng tubig," sabay na sabi nina Azarel at Hezekiah. Sabay rin silang nag-aabot sa akin ng mineral water.
"M-May tubig ako rito sa sling bag ko," nauutal na sabi ko kaya napaiwas lang ng tingin si Azarel.
Agad ko namang inilabas ang tubig ko at uminom. Kita ko naman ang pagngisi ni Minerva na tila ba nang-aasar mula sa likuran nina Hezekiah.
Pagkatapos kong uminom ay nagpatuloy na kami sa paglalakad. Hindi kalayuan dito ay kakahuyan na naman. Sa kakahuyan na iyon ay may maliit na bangin at doon kami dadaan. Si Minerva ang nauuna sa amin dahil siya ang sinusundan namin.
Namayani ang katahimikan habang kami ay naglalakad. Tanging ang tunog ng mga tuyong dahon na aming natatakpan ang naririnig kasabay ng awitan ng mga ibon.
Habang papalapit kami sa maliit na bangin ay natanaw namin ang tulay. Gawa ito sa tatlong matatabang kawayang magkakadikit. May paghahawakan naman sa kanang bahagi na gawa sa mas payat na kawayan. Siguradong diyan kami dadaan para makatawid sa kabilang bahagi.
Pagkarating namin doon ay unang sumampa si Minerva. Pagkasampa niya ay tumunog ang tulay. Halatang luma na ito dahil tuyung-tuyo na ang kawayang ginamit. Hindi katulad ng ibang mga kawayan na kulay luntian pa.
Pinagmasdan muna ni Heze ang tulay atsaka tumingin sa akin. "Sigurado kang ligtas pang tumawid diyan? Baka kasi makalas ang tulay o kaya ay madulas tayo diyan at malaglag tayo sa ibaba."
"Sa ilang taong pagtawid namin dito gamit ang tulay na kawayan, wala pa namang nangyayaring disgrasya katulad ng sinasabi ninyo. Matagal din kaming nanirahan dito bago kami lumipat sa tirahan namin ngayon," tugon ni Minerva at dahan-dahang naglakad sa tulay na kawayan.
Sumampa na rin ako sa kawayan ngunit hinawakan ni Hezekiah ang pulsuhan ko. Napatigil ako at napatingin sa kaniya. Ngayon ay hindi na ako naiilang sa tuwing tinatawag niya ako o kaya ay kausap ko siya.
"Bakit po?"
"Wala. Kumapit ka na lang diyan mabuti para hindi ka malaglag," bilin niya kaya napangiti ako at tumingin na sa daan.
Gaya ng sabi niya, kumapit na ako sa hawakang kawayan at dahan-dahan na akong naglakad.
"Ingatan Niyo po kami," narinig kong bulong ni Hezekiah kaya napabungisngis ako.
Naramdaman kong sumampa na rin sina Heze at Azarel. Si Minerva naman ay nakatawid na sa kabila at pinapanood kami habang kami ay tumatawid.
"HALA!" napasigaw naman si Azarel nang umuga ang tulay kaya pati ako ay napasigaw.
Dahil sa sobrang gulat ay mabilis akong naglakad kaya mas lalong umuga ang tulay. Mabuti na lamang ay nakatawid na ako kaya tawa kami nang tawa ni Minerva habang pinapanood sina Azarel at Hezekiah na tumatawid. Bakas ang kaba sa kanilang mukha kaya napahalakhak kami ni Minerva.
"Sa wakas naka tawid din! Parang nasa hukay ang isang paa ko habang tumatawid!" sabi ni Azarel at bakas sa kaniyang boses na parang naabot niya na lahat ng goals niya.
"Hindi naman kasi delikado ang tulay kaya huwag na kayong kakabahan!" tugon ni Minerva habang nagpipigil ng tawa.
Si Hezekiah naman ay tahimik lamang na tumabi sa akin habang kami ay naglalakad. Noong makalagpas kami roon ay sunod naming nadaanan ang linya ng mga malalaking puno ng mangga.
Puro tuyong dahon ng mga mangga tuloy ang natatapakan namin. Sinabihan kami ni Minerva na tignan naming mabuti ang tinatapakan namin dahil baka makaapak kami ng ahas. Ilang beses na raw silang nakakita ng ahas dito. Sa bagay, puro punungkahoy ang nasa paligid kaya hindi impossible na may nagkalat na mga ahas.
Ilang metro lamang mula sa nilalakaran namin ay may natanaw na kaming magandang bahay na gawa sa kawayan. Gawa naman sa nipa ang bubong nito. May kalakihan din ito kaya siguradong kasya roon ang dalawang pamilya.
Sa likod naman ng bahay ay napakalawak na taniman ng mga kawayan. Sa kabilang bahagi naman, malapit sa linya ng taniman ng mga mangga, matatanaw ang napakalawak na open field. May mga nagtataasang mga puno ng buri naman sa gilid-gilid ng open field.
Nang makapasok kami sa bahay ay agad kaming umupo sa sahig na gawa rin sa kawayan.
"Ang ganda naman dito. Kahit na ganitong liblib ay ang ganda ng mga tanawin," sabi ni Azarel at humilata na dahil sa pagod.
"Sang-ayon ako sa sinabi mo. Sa syudad, wala kang makikitang ganito. Sariwa rin ang simoy ng hangin dito at walang polusyon. Walang maiingay na mga sasakyan dahil puro huni lang ng mga ibon at tunog ng hangin mula sa kakahuyan lamang ang maririnig," pagwawari naman ni Heze habang nakatanaw sa labas. Tumabi naman ako sa kaniya at tumanaw rin sa kung saan siya nakatingin.
Habang nagpapahinga kami ay napansin kong ang dami ng agiw sa taas, maging sa mga dingding ay may mga agiw na rin. Maalikabok din ang datal kaya bahing ako nang bahing.
"Linisan kaya natin dito para mas maging komportable tayo," suhestiyon ni Heze na siya namang sinang-ayunan namin.
May nahanap namang mga basahan si Minerva kaya binasa namin ito gamit ang ibang mga tubig na dala naming at inumpisahan na naming magpunas ng mga dingding at sahig. Habang nagpupunas ako ng dingding ay bahing pa rin ako nang bahing hanggang sa pati ang lalamunan ko ay nangati na rin.
"Wala ka bang pantakip sa ilong?" tanong sa akin ni Heze ngunit tanging iling lamang ang sagot ko dahil hindi ako makapagsalita dahil sa pag-ubo ko.
"Ito gamitin mo muna ito," sabi niya at inilabas niya ang kaniyang panyo na agad ko namang kinuha.
Noong makainom ako ng tubig ay itinali ko na ang panyo para gawing pantakip sa bibig ko hanggang sa ilong ko at ipinagpatuloy na ang pagpupunas.
Higit isang oras din bago kami natapos sa paglilinis. Naging mas aaliwalas ang paligid at hindi na rin maalikabok. Pagkatapos naming maglinis ay pare-pareho kaming napahiga dahil sa pagod.
"Anong oras na?" tanong ni Minerva.
"Oras na para bumili ka ng sarili mong relo," papilosopong sagot ni Azarel kaya ibinato ko sa kaniya ang basahan na malapit sa akin, ngunit masyado siyang mabilis kaya nakailag siya.
Tumingin naman si Heze sa kaniyang relo. "Eleven o' clock na."
"Kaya pala gutom na gutom na ako. Gusto ko ng kumain, napagod akong naglinis kanina," nakasimangot pa na sabi ni Azarel habang nakahawak sa tiyan niya.
"Kung gan'on ihanda mo na iyong mga baon natin na inilagay ko sa bag kanina," sagot ni Minerva at bumangon mula sa pagkakahiga.
"Bakit ako?" pagrereklamo ni Azarel.
Sa huli, si Heze ang naghain ng pagkain namin. Siya na ang nagpresenta dahil sabi niya nga, siya ang pinakamatanda sa amin kaya responsibilidad niya kaming alagaan.
Nabitin pa nga kami sa kanin dahil sa masarap na ulam namin. Nilagang talong na may bagoong at kamatis, at pritong dilis. Si Azarel pa ang may pinakamaraming nakain sa amin. Halata ngang gutom na gutom na.
Ako na ang nagligpit ng mga pinagkainan namin. Sasamhanan sana ako ni Heze ngunit sinabi naman ni Azarel na siya na lang daw ang tutulong sa akin sa pagliligpit.
Noong mga oras na naroon kami ay hindi ko napansin na malapit na palang sumapit ang hapon, lahat kami ay nakatulog. Nagising ako dahil sa buhos ng ulan. Napalinga naman ako sa paligid at tanging si Hezekiah lamang ang nakita kong nakatulog sa sulok.
Habang hinahanap ko sina Minerva ay may nakita akong papel na nakaipit sa dingding kaya agad ko iyong kinuha at binasa kung ano ang nakasulat doon.
Nauna na kaming umuwi ni Azarel dahil sumakit ang tiyan niya. Nahihiya naman kaming gisingin kayo kaya nag-iwan na lang ako ng sulat. Kami na ang nag-uwi ng mga gamit niyo para wala na kayong mabigat na bibitbitin. Pasensya na talaga.
--Minerva
"Umuulan na pala. Nasaan na sina Azarel at ang pinsan mo?" tanong ni Heze na kagigising lamang kaya ipinakita ko ang sulat na iniwan ni Minerva.
"Umuwi na rin tayo. Hindi tayo puwedeng magabihan dito dahil walang kuryente at baka mapuno na ng tubig ang bangin. Magiging madulas din ang tulay kaya umalis na tayo habang maaga pa," sabi ko kaya napatango siya.
"Wala tayong payong. Nasa bag kong inuwi nina Minerva 'yong payong ko," saad ko pa.
"Wala rin akong nadalang payong."
Hindi ito puwede, hindi ako puwedeng maulanan dahil baka magkasakit na naman ako. Noong huli akong nagpaulan ay nilagnat ako.
"Paano po iyan? Hindi ako puwedeng maulanan dahil magkakasakit ako," nakasimangot na sabi ko at tumingin sa labas ng bintana.
"Hindi ka ba talaga puwedeng lumusong sa ulan?"
"Opo, madali po kasi akong magkasakit kaya hindi ako pinapayagang maligo sa ulan. Noong huli akong naligo sa ulaan noong April dahil wala akong payong, nagkasakit ako kaya hindi na naulit iyon," tugon ko. Kita ko naman ang pagkaawa sa kaniyang mukha kaya agad akong ngumiti upang mapawi iyon.
"Gusto mo bang magsaya sa ilalim ng ulan?"
"Magandang idea po sana iyan kaso baka magkasakit naman ako," iyan ang aking sinabi habang malungkot na nakatanaw sa labas. Inilabas ko ang aking kamay at hinayaang pumatak doon ang ulan.
Totoong nakagagaan sa damdamin ko ang malamig na simoy ng hangin mula sa ulan, ang melodiyang nabubuo dahil sa pagbuhos ng ulan, at ang magandang tanawin tuwing ito'y pumapatak sa mga halaman, bubong, at daan. Pero naging masama naman ito sa kalusugan ko.
"Hindi ka magkakasakit, Merry, pangako iyan. Kung ano ang inihahayag ng iyon bibig ay iyon ang mangyayari sa iyo gaya ng sabi ng Diyos. Kung patuloy mong ipapahayag na magkakasakit ka, iyon talaga ang mangyayari sa iyo. Ngunit kung ang ipapahayag mo naman ay hindi ka magkakasakit, hindi ka talaga magkakasakit," pangangaral niya sa akin kaya napatango ako at pumunta na sa pinto.
"Kung gan'on, hindi ako magkakasakit sa tuwing maliligo ako sa ulan!" pagdedeklara ko at mabilis na lumabas ng bahay habang nakangiti.
Pagkalabas ko ng bahay ay napatingala ako kaya sumalubong ang sunod-sunod na pagpatak ng ulan sa mukha ko. Habang nasa gan'ong posisyon ako ay hinayaan kong nakadipa ang aking mga kamay 'saka ako nagpaikot-ikot. Hindi mabura ang ngiti sa aking labi noong mga sandaling iyon.
"Ang saya-saya pala sa pakiramdam." Masigla akong tumakbo patungo sa open field.
Natanaw ko namang sumunod sa akin si Hezekiah kaya mas lalo akong napangiti. Ito ang pinakamasayang parte ng pagsasaya ko sa ilalim ng ulan.
Buong buhay ko ay ngayon ko lang naranasan ang ganito. In-obserbahan ko naman ang katawan ko. Hindi sumasakit ang ulo ko at hindi sumasama ang pakiramdam ko kaya mas lalo akong napasigaw dahil sa tuwa.
"Akala ko ba ay uuwi na tayo dahil delikado ang daan?" natatawa namang tanong ni Heze. Muntik ko ngang makalimutan iyon.
Limang minuto muna kaming nanatili roon nang mapagpasiyahan naming umuwi na. Hindi bale, makaliligo pa naman ako sa ilalim ng ulan sa daan.
Noong nasa tulay na kami ay ang higpit ng kapit namin sa tulay. Dahan-dahan naming tinawid iyon upang hindi kami malaglag sa ibaba dahil malalim na rin ang tubig. Pagkatapos naman naming tawirin ang tulay ay nakipagpatintero pa kami sa mga bakang nakapastol sa madadaanan namin. Naging maayos lang ang paglalakad namin noon nasa kalsada na kami.
Habang naglalakad kami ay napatingin sa akin si Hezekiah. Tagumpay naman na hindi ako nag-iwas ng tingin.
"Masaya ka ba ngayon?" tanong niya sa akin habang diretsong nakatingin sa aking mga mata.
"Sobrang saya. Simula noong nakilala ko kayo, ang daming nabago sa pananaw ko maging sa pananampalataya ko. Ang dami kong natutunan at mas naging masaya ako. Nangangamba ako na baka balang araw ay muling bumalik sa dati lahat ng mga pananaw ko at lilisanin ako ng kasiyahang ito," tugon ko.
Nanlaki naman ang mga mata ko nang hawakan niya ang aking kanang kamay.
"Pangako, tutulungan kita para sa tuluy-tuloy na pagbabago ng pananaw mo at tutulungan kitang mas maging matibay ang iyong pananampalataya. Gagawa rin ako ng paraan upang hindi ka lisanin ng kasiyahan," sabi niya kaya napalunok ako at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Tila ba tumigil ang pagpatak ng ulan noong mga sandaling iyon.
Sa ilalim ng malakas na ulan ay nabuo ang kaniyang pangako para sa akin na siya ngang aking inasahan.
***
"TARA na, Merry, may pupuntahan pa tayo dahil maaga pa naman," wika niya matapos kong basahin ang entry sa araw na iyon. Napatango naman ako habang isinisilid ang aking diary sa aking sling bag.
"Saan naman tayo pupunta?" tanong ko habang naglalakad kami papalabas ng fast food chain.
"Secret," tugon niya at ngumiti nang napakalawak. Hinawakan niya ang aking kamay at marahang hinila papunta sa kaniyang kotse.
Habang nasa biyahe kami ay sinabihan niya akong ituloy ang pagbabasa ng malakas upang hindi kami mabagot sa daan na siya namang aking ginawa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro