CHAPTER 1
CHAPTER 1
APRIL 08, 2017
NAPAMULAT ang aking mga mata nang tumunog ang aking cellphone dahil sa isang notification na natanggap ko.
Pupungay-pungay ang mga mata ko at dahan-dahan ko itong iminulat. Dinig ko ang pagbuhos ng ulan sa bubong, at humaplos sa balat ko ang malamig na simoy ng hangin.
Bumungad sa akin ang white board, at kulay puting silid na may mga display na pang science. Isa lamang ang ibig sabihin nito, nasa classroom ako.
Napatingin ako sa labas ng bintana, at nasaksihan ko ang pag-iyak ng kalangitan. Pilit ko namang inaalala ang mga pangyayari bago ako nakatulog.
Alas kuwatro noong pumunta ako rito kasama ang dalawa kong mga kaibigan upang kunin ang mga gamit na naiwan namin noong recognition day.
Makulimlim ang panahon kanina at tila bumibigat pa ang mga mata ako, kaya umidlip muna ako habang hinahanap nila 'yong mga gamit nila. Hindi ko alam na iiwanan pala nila ako rito.
Hindi naman maaaring manatili pa ako rito sa eskuwelahan dahil mag-isa ko lamang dito.
Inilagay ko na sa bag ko 'yong mga gamit na nahanap ko, at hinalungkat muli ang bag ko para kunin ang payong ngunit wala akong nahanap. Hinanap ko sa silong ng upuan ko ngunit wala talaga. Sa bag ko wala rin.
Napasapo na lang ako sa noo ko at inilagay na lang ulit sa locker ang bag ko. Iiwan ko na lang para 'di mabasa tapos 'yong phone ko naman ay inilagay ko sa loob ng plastic.
Nag-aalangan akong lumabas dahil paniguradong manginginig ako sa lamig. Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam habang nasa ilalim ng ulan dahil hindi ko pa nasusubukan.
Noong nasa hallway na ako, mangilan-ngilang mga estudyante na lamang ang kasama kong naririto. Siguro ay may binalikan din sila sa mga classrooms nila. Sinabihan din kami ng guard na nakasalubong namin na umuwi na kami.
Kagaya ko, 'yong dalawa kong kasunod na babae ay wala ring payong. Matapang silang lumusong sa ulan, subalit nananatili naman ako sa harap ng building namin na may lilim.
Tanaw ko rin sa kalapit na shed sa labas ng school ang mga taong nagpapahinto rin ng ulan, gaya ko siguro ay wala rin silang mga payong.
Napasimangot na lamang ako habang pinagmamasdan ang iba na umuuwi na dahil may mga payong sila. Wala rin naman akong kilala sa kanila, makikipayong sana ako.
Nanatili pa ako sa lilim ng tatlumpung minuto, subalit hindi pa rin tumitigil ang ulan. Ang ibang mga nasa shed ay nakaalis na dahil sa mga dumadaang taxi at bus.
Napahinga ako nang malalim at pilit na pinapatag ang aking sarili. "Kaya ko ito!"
Napasigaw ako nang tuluyan na akong tumakbo sa ilalim ng ulan, at bumuhos sa akin ang napakalamig na tubig ulan na tila karayom kung dumampi sa balat ko.
Pagkarating ko sa waiting shed ay nanginginig na ang aking mga tuhod. Niyakap ko na lamang ang aking sarili, subalit hindi pa rin napawi an gang aking ginaw.
Palakad-lakad na lamang ako sa ilalim ng shed dahil mag-isa ko na lamang. Dumidilim na rin, at mas lumalakas ang buhos ng ulan. Paisa-isang sasakyan na lamang ang dumadaan, halos wala na rin akong maparang taxi, o kaya ay kahit tricycle na lamang.
Noong bahagyang humina ang ulan, napagdesisyunan kong tumakbo na lamang pauwi. Hindi rin naman gan'on kalayo ang subdivision namin. Kakayanin ko naman sigurong makauwi.
Lumusong na ako sa ilalim ng ulan nang walang pag-aalinlangan. Gumilid naman ako dahil sa paisa-isang mga kotseng dumadaan, baka mahagip ako.
Hingal na hingal akong tumigil at naglakad na lamang. Nangingig ang dalawang tuhod ko. Naninikip din ang dibdib ko at nahihirapan na akong huminga. Napabahing ako nang malakas at napakamot sa ilong ko.
Kinse minutos pa lang akong naglalakad-takbo ngunit ang bigat na ng pakiramdam ko. Pakiramdam ko ay inaapoy na agad ako ng lagnat. Anumang oras ay babagsak na ako rito sa kalsada.
Tuluyan nang nanghina ang mga tuhod ko at bumagsak nga ako. Bago ako nawalan ng malay, may lalaki akong nakitang nakapayong, subalit nabitawan nito ang payong niya at agad niya akong binuhat. Malabo ang paningin ko kaya hindi ko na siya masyadong naaninag, hanggang sa tuluyang nandilim ang paningin ko.
DAHAN-DAHAN kong iminulat ang mga mata ko at laking pasasalamat ko dahil nasa kuwarto na ako. Ngunit paano ako napunta rito?
"Mabuti na lang at gising ka na. Binihisan na kita dahil basang-basa ka kanina," sabi ni Ate Weng, kasambahay namin na pinakamalapit sa akin, at inalalayan akong bumangon.
Thirty-five years old na si Ate Weng at napakatagal na rin namin siyang kasama dahil noong kinder pa lamang ako ay kasama na namin siya. Dahil doon, hanggang ngayon ay wala pa rin siyang asawa. Itinuring ko na rin siyang totoong ate.
"Mabuti na lang din ay may lalaking nagbuhat pauwi sa'yo rito."
"Paano niya nalaman na dito ang bahay?"
"Iyon nga rin ang ipinagtataka ko," tugon niya. May inabot naman siya sa aking plastic na halatang libro ang laman. "Oo nga pala, may ibinigay niya sa akin ito. Ibigay ko raw sa iyo pagkagising mo."
"Oh siya, sige. Kukunin ko lang 'yong gamot mo dahil nilalagnat ka pa," pagpapaalam niya 'saka lumabas.
Palaisipan naman sa akin kung sino ang lalaking iyon, at paano niya alam na dito ako nakatira. Isa pa, bakit niya ako bibigyan ng ganitong libro?
Binuklat ko na lang 'yong libro, at napangisi ako dahil alam talaga niya 'yong mga hilig kong genre ng libro. Nakapagtataka naman kung paano niya alam iyon.
Itinabi ko muna sa gilid ang libro at bumalik sa pagkakahiga. Mayamaya ay nariyan na si Ate Weng na may dalang lugaw. Pagkatapos kong kainin iyon, pinainom na niya ako ng paracetamol.
Umuulan pa rin sa labas. Isinasayaw din ng hangin ang kurtina sa bintana ng aking kuwarto. Nakabukas pala ang aking bintana kaya lumapit ako roon upang isara.
Makaraan ng ilang oras ay gumaan na ang pakiramdam ko. Wala na akong sinat o kahit anong nararamdamang sakit. Habang iniisip ko kung sino ang lalaking iyon, tuluyan na pala akong nakatulog.
NARAMDAMAN kong may parang humahampas na malambot sa mukha ko kaya naalimpungatan ako mula sa pagkakatulog.
Iminulat ko nang bahagya ang mga mata ko. Nakita ko namang may unan na humahampas sa mukha ko. Idagdag pa ang tumatamang sinag ng araw sa aking mukha na nagmumula sa bintanang nakabukas na.
"Kuya, Mike! Inaantok pa ako!" Hinablot ko ang unan na hawak niya at ihinampas sa kaniya.
"Bumangon ka na dahil may pupuntahan daw tayo."
Sumagot naman ako habang nakapikit. "Saan daw?"
"Zandra daw ang pangalan ng taong pupuntahan natin," tugon ni Kuya Mike, at pilit pa rin niya akong pinapabangon.
"Tinatamad nga ako, eh. Si Kuya Melchi na lang ang isama niyo."
Sa huli, hindi din lang nila ako napilit na sumama sa pupuntahan nila. Iniwanan na ako ni Kuya Mike sa kuwarto ko, at noong nakaalis na sila ay bumangon na ako.
Tinawagan ko sina Rica at Rachelle, mga matalik kong kaibigan, para sana papuntahin sila rito, ngunit nagbakasyon sila at may kaniya-kaniya silang pinuntahan.
Pumasok ako sa mini-library ng kuwarto ko na nasa dulo ng kuwarto ang pinto. May dalawang malalaking shelves sa library ko. Ang unang shelf ay puno ng mga classic novels, at ang pangalawa namang shelf ay mga educational books ang laman.
Agad kong hinanap 'yong libro na binabasa ko, atsaka agad ko itong isinilid sa bag ko. Napagpasiyahan kong mamasyal na lamang sa park at doon magbasa.
Naglakad na lamang ako palabas sa aming subdivision at pumara ng tricyle.
"Saan ka baba, iha?" tanong n'ong tricycle driver sa akin pagkatapos kong umupo.
"Sa San Alidrona Park na lang po," sagot ko naman.
Huminto na ang tricycle pagkatapos ng sampung minuto. Bumaba na ako pagkatapos kong magbayad ng pamasahe.
Halos malaglag ang panga ko nang makita ko ang park. 'Yong entrance gate ay may malaking arko—napalilibutan ito ng iba't ibang makukulay na mga bulaklak.
Pagkapasok ko naman ay hindi ko maiwasang mas mamangha.
Berdeng-berde ang buong paligid, at iba't ibang mga bulaklak at halaman ang nakatanim. Malinis ang paligid at wala makikitang kahit anong basura bukod sa kaunting natuyong dahon. Sa 'di kalayuan naman, sa may bandang kaliwa, matatanaw ang mini-forest.
May mga magpapamilya rin na namamasyal, may mga magkasintahang nagde-date, at agaw-pansin naman ang isang grupo ng mga kabataang nagsu-zumba.
Naagaw ng atensyon ko ang pond sa may bandang kanan. May maliit na bridge roon na daanan para makarating sa mga Fire Trees.
Agad akong tumakbo patungo roon. Pagkarating ko pa lang sa maliit na tulay, sumilip ako kaagad sa baba kung nasaan ang pond na may mga water lilies. Kita ko rin ang repleksyon ko sa tubig kaya napangiti ako.
Nang dumarami na ang mga namamasyal na kasama ko rito sa bridge, nagtungo ako sa may mga Fire Trees. May mga round tables at bench naman doon na puwedeng pagtambayan ng mga tao, pero wala namang katao-tao sa banda rito.
Tila gumagaan ang pakiramdam ko dahil sa view ng mga Fire Trees dahil sa mga kulay pula at kahel na mga bulaklak nito.
Inilbas ko na ang libro ko at sinimulang magbasa. Medyo makapal ito pero mabilis naman akong magbasa kaya malapit ko ng matapos.
Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa nang may naglanding na paper plane sa libro ko—napalinga ako sa paligid. Wala namang ibang tao bukod sa akin dahil 'yong ibang tao, nasa banda roon pa.
Binuklat ko ang paper plane dahil nang mapansin kong may nakasulat dito.
"Hi, Merry..." basa ko roon sa nakasulat, kaya agad akong napalinga sa paligid. Paano niya nalaman ang pangalan ko, at sino ang nagsulat nito?
"M-May iba pang tao rito?" tanong ko sa aking sarili habang palinga-linga sa paligid na.
Tumigil din lang ako nang wala talagang nagpapakita. Pinanood ko na lang ang mga tao—may mga magkasintahan pang naglalandian.
"Kaya kayo ganyan dahil sa hormones na nire-release ng Oxytocin na nagmula sa Hypothalamus gland niyo. Hindi 'yan dahil sa pag-ibig na sinasabi niyo," bubulong-bulong kong sabi.
Ilang minuto lamang ay dali-dali na akong umalis. Baka kung ano pa ang gawin sa akin n'ong misteryosong may ari ng paper plane.
Hindi ko naman makita ang daan dahil humarang ang mga buhok ko sa mukha ko, kaya nabunggo ako sa isang matangkad na lalaki. At ang ikinagulat ko ay galing din yata siya roon sa kinalalagyan ko kanina.
"Sorry, miss!" sabi nito at nagmamadaling umalis.
Ni hindi man lang ako tinulungan kaya tinanaw ko na lang ang likod nito papalayo. Pinulot ko ang libro ko at nilagay sa bag ko.
Kung doon din siya nanggaling sa sa kinaroroonan ko kanina, ibig sabihin baka siya 'yong nagpalipad ng paper plane sa akin.
Namalayan ko na lang na tumatakbo ako at sinusundan 'yong lalaki pero ang bilis nitong maglakad.
"Saglit lang po!"
"Teka lang po!"
"Paano niyo nalaman ang pangalan ko?!" Makailang ulit ko siyang tinawag pero hindi siya lumilingon.
Hingal na hingal na lang akong tumigil dahil pinagtitinginan na ako ng ibang mga namamasyal dito.
Nakakahiya talaga!
°°°
APRIL 16, 2017
MABILIS na lumipas ang araw tapos linggo na naman. Pagkarating namin sa church, nagkakantahan nag-umpisa na ang praise and worship. Nag-aawitan na ang mga tao, at may mga napapasayaw na rin. Itinuro naman ng isang usher kung saan kami pupuwesto.
Napatingin ako sa harap at napako ang tingin ko roon sa lalaking tumutugtog ng violin. Nakakapagtaka dahil biglang tumibok nang mabilis ang puso ko nang mahagip ng mga mata ko ang lalaking iyon.
Napatitig lang ako sa kaniya habang tumutugtog siya at nakayuko. Parang may kung ano akong naramdaman sa puso ko. Ang bilis ng tibok nito at hindi ko maipaliwanag kung ano itong nararamdaman ko. Hindi ko maalis ang tingin ko sa kaniya.
Merry, ang mga oxytocins mo!
Napakunot ang noo ko dahil tila pamilyar siya sa akin. Parang siya 'yong lalaking nakabunggo sa akin sa San Alidrona Park!
Mas lalong kumabog ang dibdib ko nang mag-angat siya ng tingin kaya mas nakita ko ang itsura niya. Tinanggal ko na lamang ang pagkakapako ng aking tingin sa kaniya at tumitig na lamang sa screen sa harap.
Napahawak ako sa dibdib kong hindi tumitigil sa pagkabog nang mabilis. Bakit ko ba nararamdaman sa kaniya ito?
Halos tumigil ang mundo ko nang muli akong nag-angat ng tingin at nagkatama ang aming mga mata ng limang segundo...
***
NAPANGITI naman ako nang matapos kong basahin ang entry ko sa araw na iyon. Iyon kasi ang araw kung saan unang beses kong naramdaman kung ano ang pag-ibig. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon.
Noong una ay hindi ko pa maunawaan kung ano iyon dahil masyadong komplikado. Isa pa, nasa murang edad pa lamang ako n'on.
"Oh, bakit napangiti ka, Merry?" tanong niya sa akin, at sinisilip din kung ano ang nakalagay sa diary ko pero agad kong inilipat ang pahina ng diary.
Mas lalo naman akong napangiti sa sumunod kong entry. Habang binabasa ko ito ay bumabalik din ang mga alaala noong araw na iyon...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro